Makasumpong ng Galak sa Pang-araw-araw na Buhay
Isang Gabi Kasama si Elder Quentin L. Cook
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Setyembre 11, 2016 • Washington D.C. Stake Center
Malaking pagpapala ang makasama kayo ngayong gabi.
Nang pumarito tayo sa mundong ito, taglay natin ang ating likas na kabanalan bilang mga anak ng Diyos. Ang kahalagahan ng bawat isa sa atin ay nagmula sa langit. Kapag naunawaan natin ang ating likas na kabanalan at ang layunin sa ating pagparito, madaraig natin ang mga hamon at pagsubok at mananatili tayong tapat sa ating mga tipan. Ang pakiramdam natin sa ating sarili ang nagpapasiya kung gaano tayo katagumpay sa paglalakbay sa buhay. Ang pagpapahalaga natin sa ating sarili ay nag-iibayo kapag natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan natin. Babanggit ako ng tatlo: pangangailangang mahalin, tanggapin, at magtagumpay o magtamo.
Kapag hindi natutugunan ang mga ito, pakiramdam nati’y walang nagmamahal sa atin, hindi tayo tanggap, at bigo tayo. Kaya nakakaramdam tayo ng inis, panghihina ng loob, awa sa sarili, pag-iisa, at lumbay. Nararamdaman nating lahat ito.
Kausap ko ang isang kaibigan kamakalawa na nagpakita sa akin ng isang survey ng mga estudyante sa kolehiyo. Nang tanungin kung ano ang itinuturing nilang pinakamabigat na problema, maraming nagsulat ng “kalumbayan.” Maaari tayong malumbay may asawa man tayo o wala.
Nalulumbay tayo sa iba’t ibang panahon sa ating buhay. Sinabing minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Naniniwala ako na para sa karamihan sa atin ang pinakamabisang lunas sa kalumbayan ay pagtatrabaho at paglilingkod alang-alang sa iba.”1
Palagay ko mabuting payo iyan.
Ganito ang sabi ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol dito: “Kung minsan ay maaaring padilimin ng panghihina ng loob ang inyong landasin; maaaring kaakibat lagi ang kabiguan. … Sa pagtitiwala sa Panginoon, … tiyaking deboto tayong [n]aglilingkod at handa ang ating puso at kaluluwa na sundin ang halimbawa ng Panginoon.”2
Manatiling abala at sabik sa paggawa ng gawain ng Simbahan. Manatiling malapit sa inyong Ama sa Langit sa panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan. Maghanap ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan kung saan nadaig o nadama ng iba ang kalumbayan. Isipin si Moroni at kung gaano siya kalungkot nang itala niya ang pagkalipol ng kanyang lahi. Isinulat niya:
“Kaya nga, ako ay magsusulat at itatago ang mga talaan sa lupa; at kung saan ako paroroon ay hindi na mahalaga.
“… Sapagkat ako ay nag-iisa. Ang aking ama ay napatay sa digmaan, at lahat ng aking kamag-anak, at wala akong kaibigan ni patutunguhan, at kung gaano katagal ako pahihintulutang mabuhay ng Panginoon ay hindi ko alam.”3
Palagay ko mahalagang tandaan na hindi tayo talaga nag-iisa kailanman. Pinangakuan tayo ng Tagapagligtas ng kapanatagan. Kung tayo ay marapat, kasama natin palagi ang Espiritu Santo. Tinutulungan Niya tayong malampasan ang mga panahon ng kalumbayan. Maaaring nag-iisa tayo, ngunit hindi tayo kailangang malumbay. Gustung-gusto ko ang himnong “Kailangan Ko Kayo.”4
Talagang kailangan ang pagmamahal at pagtanggap.
Manatiling malapit sa inyong pamilya, na labis ang pagmamahal at pagtanggap sa inyo. Makibahagi sa inyong ward o branch. Laging maging karapat-dapat sa templo. Kung wala kayong asawa, makipagdeyt sa mga taong karapat-dapat sa templo. Huwag panghinaan ng loob sa mga kakulangan ng mga nakikilala ninyo; lumalago at nadaragdagan ang ating kakayahan habang tumatanda tayo.
Ang pangangailangang magtagumpay ay makapangyarihan at nakahihikayat.
Lahat ay may kaloob mula sa Diyos.5 Hanapin ang partikular na mga kaloob sa inyo at magalak dito. Linangin ang mga ito. Umasa sa inyong patriarchal blessing, at alamin ang payo, mga babala, kaloob, at pangako roon.
Hindi nagpunta ang mga magulang ko sa templo hanggang sa makapag-asawa ako at maisilang ko ang aming mga anak. Hindi ko inisip na mabubuklod kami bilang walang-hanggang pamilya. Kinailangan kong magtiyaga at maghintay sa Panginoon para sa pagpapalang ito.
Iniisip ko ang katangian ng pagtitiyaga nang husto at ang maraming paraan na tinuturuan tayo ng Panginoon na magtiyaga. Gustung-gusto ko ang pagkalarawan dito sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Ang tiyaga ay ang kakayahang matiis ang pagkaantala, [problema,] pagsalungat, o paghihirap nang hindi nagagalit, nanghihina ang loob, o nababalisa. Ito ang kakayahang gawin ang kalooban ng Diyos at tanggapin ang Kanyang itinakdang panahon. Kapag ikaw ay matiyaga, natitiis mo ang mga pagsubok at nakakayanang harapin ang problema nang payapa at puno ng pag-asa. … Kailangang hintayin mo ang katuparan ng mga ipinangakong biyaya ng Panginoon.”6
Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang Mga Awit 27:14: “Mag[hi]ntay ka sa Panginoon: Ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso: oo, umasa ka sa Panginoon.”
Anuman ang inyong sitwasyon sa ngayon, makasumpong ng galak sa pang-araw-araw na buhay. Kaysarap sigurong gumising tuwing umaga at sabihing, “Pakiramdam ko may nagmamahal sa akin, tanggap ako, at tagumpay ako.” Magagawa nating lahat ito!
Nawa’y makasumpong kayo ng galak at kaligayahan sa buhay na ito. Nawa’y mamuhay kayo nang karapat-dapat para makasama ninyo palagi ang Espiritu Santo at matanggap ninyo ang bawat pagpapalang laan ng Panginoon para sa inyo ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 6/16. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 6/16. Pagsasalin ng “Find Joy in Everyday Life.” Tagalog. PD60002153 893