Pag-ibig at Pag-aasawa
Isang Gabi Kasama si Pangulong Russell M. Nelson
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Enero 8, 2017 • Brigham Young University
Salamat sa koro sa nakaaantig na bilang-musikal na iyon.
Mahal kong mga kapatid, mahal namin kayo at gustung-gusto naming makasama kayo! Kayo nga ang pag-asa ng Israel, kaya sa pagbibigay ko ng ilang ideya, dalangin ko na ihatid ng Espiritu Santo ang mismong mensaheng kailangan ninyong marinig.
Bago kami ikinasal, mahigit 25 taon na akong propesor sa marriage and family therapy—ang huling 13 taon ay dito mismo sa Brigham Young University. Libu-libong mga mag-asawa ang pinayuhan ko at maraming malulungkot na kuwento ang narinig ko tungkol sa watak-watak na mga pamilya at nasirang pagsasama. Nakita ko mismo kung ano ang epektibo at hindi epektibo sa pagsasama ng mag-asawa. Nalaman ko kung ano ang magpapagaling kahit sa mga nawasak na pagsasama at ang makasisira sa iba sa loob halos ng magdamag. Kaya ngayon, maaari bang hayaan ninyo akong talakayin sa inyo ang tiyak na isa sa pinaka-paborito ninyong paksa? Ang pag-ibig at pag-aasawa?
Gusto kong ibahagi ang apat na katotohanan na sa palagay ko ay hindi lamang magsasalba sa inyo mula sa di-kailangang pighati kundi tutulungan kayong maging, at pumili ng, mabuting asawa at lumikha ng masayang pagsasama at masaganang pamilya.1
Ngayong gabi sana’y ituring ninyong ako ang inyong “Tita Wendy” habang nagsasalita ako nang buong puso gaya ng aking gagawin—at ginawa—sa sarili kong mga pamangkin. Narito ang apat na katotohanan ni Tita Wendy tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa:2
Katotohanan #1: Ang mga katotohanan tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa ay hatid sa inyo ng Espiritu Santo mula sa ating Ama sa Langit. Iniutos niya na maging walang-katumbas na bahagi ng Kanyang plano ng kaligayahan ang pag-aasawa.3 Ang Espiritu ang sugo ng mga katotohanang ito. Hinihikayat ko kayong hangarin na maunawaan ang mga ito.
Sa kabilang dako, ang mga kasinungalingan tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa ay galing kay, at ipinagpapatuloy ni, Satanas at ng kanyang mga kampon. Nagagalak ang kaaway tuwing nahihikayat niya ang isang biktima na tanggapin ang anumang bagay na nagpaparumi o nagpapasama sa pag-ibig at pag-aasawa. Gayunman, ang katotohanan ay katotohanan, ang kasinungalingan ay kasinungalingan, at hindi iyan mababago ng anumang tusong pangungumbinsi, pangangampanya, o pagtatanggol.
Katotohanan #2: Personal na kadalisayan ang susi sa tunay na pag-ibig. Kapag mas dalisay ang inyong pag-iisip at damdamin, salita at gawa, mas kakayanin ninyong magbigay at tumanggap ng tunay na pag-ibig.
Magtiwala kayo sa akin: Tuwing ibubuhos ninyo ang nilalaman ng inyong puso sa inyong Ama sa Langit sa panalangin, at makikinig kayo pagkatapos; tuwing mag-aaral kayo ng mga banal na kasulatan para mahanap ang mga sagot sa mga tanong ng inyong puso; tuwing iiwasan ninyo ang anumang makasusugat sa inyong espiritu (tulad ng pornograpiya); tuwing sasamba kayo sa templo; tuwing makakakita kayo ng impormasyon na marapat gawan ng ordenansa ang isang ninuno, pinipili ninyong dagdagan ang inyong personal na kadalisayan.
Pasasalamatan kayo ng inyong mapapangasawa dahil sa sandaling iyon mismo ay maghahanda kayo para sa tunay na intimasiya ng mag-asawa. Kaya, kung wala pa kayong asawa at iniisip ninyo kung paano pinakamainam na maghanda para sa tunay na pag-ibig, ang sagot ay: Gawin ang lahat para mapanatiling dalisay ang inyong isipan, damdamin, pananalita, at kilos. Anyayahan ang Espiritu na gabayan kayo. Tutulungan Niya kayo! At kung may asawa kayo, iyon din ang payo ko!
Sa pagsisikap ninyong maging mas dalisay, mas lalong mapapasainyo ang Espiritu Santo. Ang kakayahan ninyong tumanggap ng personal na paghahayag ay mag-iibayo, ibig sabihin mas lilinaw ang direksyon ninyo sa buhay. Kayo ay mas mapapayapa at magagalak, hindi na gaanong malulungkot, at mas magkakaroon ng pag-asa sa hinaharap. Mas lilinaw rin ang inyong isipan habang kayo’y nag-aaral at nagtatrabaho. At, bukod pa sa mga dakilang gantimpalang ito sa araw-araw na pagsisikap na maging mas dalisay, mag-iibayo ang kakayahan ninyong makaranas ng tunay na intimasiya ng mag-asawa.
Ito ang dahilan kaya lubhang nakakasira ang pornograpiya! Salungat sa sinasabi ng lahat ng nagtataguyod dito, ang pornograpiya ay talagang pipigilan kayong maranasan ang kasiya-siyang uri ng intimasiya.
Ngayon, ang susunod na katotohanang ito, ang Katotohanan #3, ay maaaring makagulo sa inyong isipan dahil eksaktong kabaligtaran ito ng gusto ng kaaway at ng mundo na paniwalaan ninyo tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa.
Katotohanan #3: Bilang mahalagang bahagi ng pagpapahayag ng kanilang pagmamahal, nais ng Panginoon na makibahagi ang mag-asawa sa kagandahan at kagalakan ng intimasiya ng mag-asawa.
Ang intimasiya ng mag-asawa ay inorden ng Diyos. Iniutos at pinuri Niya ito dahil mas pinaglalapit nito ang mag-asawa sa isa’t isa at sa Panginoon! Kasali sa tunay na intimasiya ng mag-asawa ang buong kaluluwa ng bawat kabiyak.4 Pag-iisa ito ng katawan at espiritu ng asawang lalaki sa katawan at espiritu ng kanyang kabiyak.
Ang pag-iisang iyon ng mga kaluluwa ay sagisag ng tindi ng pagkakaisa ng mag-asawa sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay. Nagtutulungan sila bilang magkatuwang. Magkasama silang nagdarasal, naglalaro, nahihirapan, lumalago, at nasisiyahan sa buhay. Nagsasakripisyo sila para sa isa’t isa at hinihikayat ang isa’t isa na makamit ang kanilang potensyal.
Mahal kong mga kapatid, ang intimasiya ng mag-asawa ay sagrado. Katunayan, ang mag-asawa ay maaaring mas mapalapit sa Diyos kapag nagsama sila sa tunay na intimasiya ng mag-asawa.
Kaya, paano kayo makapaghahanda para sa gayong intimasiya? Kakailanganin ninyong mamuhay nang matwid para mapasainyong mag-asawa ang Espiritu.
Humahantong ito sa Katotohanan #4: Sa tunay na intimasiya ng mag-asawa, kailangang isali ang Espiritu Santo. Imposible talagang maranasan sa labas ng kasal ang uri ng intimasiya na mararanasan ninyo sa loob ng kasal dahil wala roon ang Espiritu.
Itinuro ni Elder Parley P. Pratt na ang Espiritu Santo ay may kakayahang pag-ibayuhin, palakihin, palawakin, at dalisayin ang “lahat ng likas na simbuyo ng damdamin at pagmamahal.”5 Isipin na lang: Mapapadalisay Niya ang inyong damdamin! Samakatwid, anumang nag-aanyaya sa Espiritu sa inyong buhay, at sa buhay ng inyong asawa at sa inyong pagsasama, ay magpapaibayo sa kakayahan ninyong maranasan ang intimasiya ng mag-asawa. Ganoon lang iyon kasimple, at kalalim!
Sa kabilang dako, anumang nakakasakit sa Espiritu ay makakabawas sa kakayahan ninyong mag-asawa na maging isa. Ang mga bagay na katulad ng galit, pagnanasa, hindi pagpapatawad, pagtatalo, imoralidad, at kasalanang hindi pinagsisihan ay gagawing seksuwal na karanasan lamang ang pagtatangka ninyong mag-asawa na magkaroon ng intimasiya.
Kaya, bilang buod: Samantalang ang makamundong pagtatalik ay naiimpluwensyahan ng mundo at ng kaaway at may mga simbuyo ng damdamin na makamundo, mahalay, at makahayop, ang intimasiya ng mag-asawa na inorden ng Diyos ay naiimpluwensyahan naman ng Espiritu at may mga simbuyo ng damdamin na hinikayat at pinadalisay ng Espiritu. Ang totoo, kapag mas dalisay kayo, mas kasiya-siya ang intimasiya ninyong mag-asawa.6
Sa makamundong pagtatalik, puwede kahit ano. Sa intimasiya ng mag-asawa, kailangang mag-ingat nang husto para maiwasan ang lahat ng bagay—mula sa pananalita hanggang sa musika at mga pelikula—na nakakasakit sa Espiritu, sa inyong espiritu, o sa espiritu ng inyong asawa.
Samantalang ang makamundong pagtatalik ay mahalay at pumapatay ng pag-ibig, ang intimasiya ng mag-asawa ay naghihikayat ng higit na pagmamahal.
Ang makamundong pagtatalik ay pinapababa ang moralidad ng mga lalaki at babae at ang kanilang katawan, samantalang ang intimasiya ng mag-asawa ay iginagalang ang mga lalaki at babae at itinuturing ang katawan bilang isa sa mga dakilang gantimpala ng mortalidad.
Sa makamundong pagtatalik, madarama ng mga indibiduwal na ginamit, inabuso sila, at sa huli ay mas malungkot sila. Sa intimasiya ng mag-asawa, nadarama nila na sila ay mas nagkakaisa at minamahal, mas pinangangalagaan at inuunawa.
Ang makamundong pagtatalik ay naninira at kalauna’y nagwawasak ng mga relasyon. Ang intimasiya ng mag-asawa ay nagpapatatag sa kanilang pagsasama. Sinusuportahan, pinagagaling, at pinababanal nito ang buhay ng mag-asawa at ang kanilang pagsasama.
Ang makamundong pagtatalik ay naihalintulad sa tunog ng plauta, samantalang ang intimasiya ng mag-asawa ay naihalintulad sa karingalan ng isang buong orkestra.7
Ang makamundong pagtatalik ay nakahuhumaling dahil hindi ito tumutupad sa mga pangako nito. Ang intimasiya ng mag-asawa na inorden ng Diyos ay maluwalhati at magpapatuloy nang walang hanggan para sa mga mag-asawang tumutupad sa kanilang tipan.
Sa madaling salita, ang intimasiya ng mag-asawa na inaprubahan ng Espiritu ay may basbas ng Panginoon at nagpapabanal.8
Ngayon, ang pagkakaroon ng matatag at masayang pagsasama ay hindi madali! Mapapatunayan ko iyan. Ngunit ito ay maghahatid sa inyo ng galak!
Para sa ika-10 anibersaryo ng aming kasal, inisip ko kung ano ang maibibigay ko sa asawa ko na magpapakita ng galak na dulot sa akin ng aming pagsasama. Ito ang ibinigay ko sa kanya:
Isang duyan!
Mahal kong mga kapatid, na minamahal namin, kung sadya ninyong ipamumuhay ang apat na katotohanang ito, tiwala ako na magiging masaya ang pagsasama ninyong mag-asawa na magpapalakas at aaliw sa inyo magpakailanman. Isang pagsasama na magtutulot sa inyo na higitan ang maaari ninyong marating nang mag-isa.
Pinatototohanan ko na ang pag-aasawa ay isa sa mga pinakadakilang pribilehiyong bigay ng Diyos sa Kanyang mga anak, na ang pag-aasawa ay maaaring pagmulan ng walang-kapantay na kagalakan, at personal na kadalisayan ang susi sa kagalakang iyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 10/16. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 10/16. Pagsasalin ng “Love and Marriage.” Tagalog. PD60002798 893