Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos
Isang Gabi Kasama si Pangulong Russell M. Nelson
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Enero 8, 2017 • Brigham Young University
Mahal kong mga kapatid, ipinaaabot ko ang pagbati at pagmamahal sa inyo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Salamat at kasama namin kayo ngayong gabi at sa paghahanda ng inyong puso’t isipan na maturuan sa espirituwal.1
Simula noong Enero 2016, nang magsalita ako sa inyo sa pagtitipong ito sa pandaigdigang debosyonal, nakasama ko na ang marami sa inyo nang magpunta ako sa Japan, Philippines, China, Canada, England, Wales, Germany, Italy, Spain, at mga lugar sa buong Estados Unidos.
Noong Setyembre, hindi ko malilimutan ang karanasan ko kasama si Elder M. Russell Ballard at iba pang mga pinuno ng Simbahan nang magpunta kami sa Baton Rouge, Louisiana, para makipagkita sa mga tao roon matapos ang isang mapaminsalang baha. Pagsapit ng Linggo, nagdaos ang bawat isa sa amin ng apat na malalaking sacrament meeting—isa para sa mga biktima at tatlo para sa mga boluntaryong nagmula sa maraming estado para tumulong sa paglilinis. Makikita sa mga retratong ito ang mga kongregasyong iyon sa araw ng Sabbath na binubuo ng daan-daang tao na nakasuot ng ating bantog na mga Mormon Helping Hands T-shirt.
Pansinin ang masasayang mukha ng mga kabataan na nilisan ang kanilang tahanan para tumulong sa kapwa na hindi nila kilala, sa gitna ng napakainit na summer ng Louisiana, at nag-ukol ng oras para sumamba sa Panginoon sa araw ng Sabbath. Nang tingnan ko ang kahanga-hangang mga kongregasyong iyon ng handang mga manggagawa, na karamihan ay kaedad ninyo, damang-dama ko na nakatingin ako sa mga lalaki at babae na hindi magtatagal ay magiging mga pinuno ng Simbahang ito.
Kaya ngayong gabi, habang nakikinita ko kayong nakatipon sa buong mundo, gusto kong magbigay-diin at magsalita sa impresyong iyon. Kayo ang mga pinuno ng Simbahan ng Panginoon sa hinaharap! Handa ba kayong humalili sa pamumuno?
Nang magsalita ako sa inyo noong isang taon, hinamon ko kayong maging tunay na mga isinilang sa milenyong ito. Tutulong kayong ihanda ang mundo para sa paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo sa pagtulong na tipunin ang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, upang ang lahat ng pipiliing gawin iyon ay matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo at lahat ng pagpapala nito. Ngayong gabi ay gusto kong talakayin sa inyo kung paano kayo makapaghahanda.
Una, pagtuunan ng pansin ang inyong asawa at pamilya. Isagawa ang mga impresyong nadama ninyo nang marinig ninyo ang apat na katotohanang tinalakay ni “Tita Wendy” tungkol sa pag-ibig at pag-aasawa.
Ang responsibilidad ninyo sa Panginoon na tipunin ang mga hinirang mula sa kaguluhang moral at sa paglaganap ng kasalanan sa ating panahon ay hindi maliit na adhikain. Ginagamit ni Lucifer at ng kanyang mga kampon ang bawat anyo ng teknolohiya at komunikasyon para magkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa buhay at sa tunay na pinagmumulan ng kaligayahan. Kaya nga, para magawa ang dahilan ng pagparito ninyo sa lupa, kailangan ninyo ang pinakamahuhusay na kasanayan sa pamumuno na magagamit ng inyong henerasyon.
Salamat na lang at may magaganda tayong huwaran. Bagama’t maaaring humanga ang daigdig sa malaking kakayahang mamuno ng mga lalaki at babaeng katulad nina Napoleon, Joan of Arc, George Washington, Mahatma Gandhi, Mother Teresa, at iba pa, naniniwala ako na ang pinakamahuhusay na pinunong nabuhay sa lupa ay ang mga propeta ng Diyos.
Sa ngayon, 16 na lalaki na ang napili ng Panginoon na maging Pangulo ng Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik sa dispensasyong ito—itong pinakahuling dispensasyon sa kasaysayan ng daigdig. Personal kong nakilala ang 10 sa 16 na lalaking iyon. (Mas ebidensya iyan ng edad ko kaysa anupaman. Sabihin na lang natin ito sa ganitong paraan: Hindi na ako bumibili ng berdeng saging.)
Ngayon, kung seryoso kayong maging tunay na isinilang sa milenyong ito, hinihimok ko kayong pag-aralan ang buhay at mga turo ng 16 na propetang ito ng Diyos.2 Babaguhin ng pag-aaral na iyan ang inyong buhay. Puwede ko bang ibahagi ang ilang alituntunin sa pamumuno na natutuhan ko sa kanila?
Si Pangulong Joseph Fielding Smith, ang ika-10 Pangulo ng Simbahan, ay nakatira ilang bahay lang mula sa bahay na kinalakhan ko. Ang dalawang bunso niyang anak na lalaki ay mga kababata ko. Madalas nila akong anyayahan sa bahay nila.
Si Pangulong Smith ang Pangulo ng Simbahan noong 1971, nang tawagin akong General President ng Sunday School. Nang samahan namin siya ng pumanaw kong asawang si Dantzel kalaunan noong taong iyon sa unang area conference, na ginanap sa Manchester, England, napansin ko ang nakaaantig na aral sa mahusay na pamumuno nang humingi ng mga report si Pangulong Smith mula sa mga General Authority na nakatipon sa maliit na silid bago ang kumperensya.
Nang makapagsalita na ang lahat, sa halip na idikta ang dapat gawin, tumayo nang marangal si Pangulong Smith, hinikayat silang matuto sa karunungang kanyang natamo sa loob ng 94 na taon, nang ipahayag niya ang kanyang pagmamahal at taos na hangaring tulungan sila. Namangha ako sa kapangyarihan ng pinunong ito sa pagpapahayag ng pagmamahal at tiwala sa kanyang mga tao. Pagkatapos ng area conference, nang purihin namin si Pangulong Smith sa maganda niyang mensahe, isinagot lang niya na, “Hindi ako naparito para mabigo.”3
Nanampalataya siya na gagabayan ng Panginoon ang mga pangyayaring iyon habang ginagawa ni Pangulong Smith ang lahat ng makakaya niya para isulong ang gawain. Ang pananampalataya, panalangin, pag-aaral, at kasipagan ay magandang pagsama-samahin para magtagumpay. Tulad ng hindi nagpunta sa England si Pangulong Smith para mabigo, isinugo rin kayo ng ating Ama sa lupa sa huling dispensasyong ito hindi para mabigo kundi para magtagumpay—at makasumpong ng kagalakan sa paggawa nito.
Dalawang taon pa lang na miyembro ng Labindalawang Apostol si Pangulong Ezra Taft Benson nang, noong Disyembre 1945, kasunod ng World War II, tinawag ni Pangulong George Albert Smith ang noon ay si Elder Benson na mangulo sa European Mission. Malubha noon ang sitwasyon doon. Sa 10-buwang misyon ng pagmamahal sa mga miyembro na ang buhay ay winasak ng digmaan, naglakbay si Elder Benson sa Germany, Poland, Czechoslovakia, at Scandinavia, at namahagi ng pagkain, damit, at kumot sa naghihirap na mga Banal.4 Paulit-ulit siyang dumanas ng hirap na tila imposibleng malagpasan. Subalit paulit-ulit siyang nagpakita ng “matibay na pananampalataya sa kapangyarihan ng Panginoon upang malagpasan ang mga balakid.”5
Pagkaraan ng apatnapung taon, noong Nobyembre 1985, inatasan ako ni Pangulong Benson, na bagong orden noon bilang Pangulo ng Simbahan, bilang junior member ng Labindalawa upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa sa Eastern Europe na noo’y nasa ilalim ng mga komunista.
Parang hindi pa ako handa noon sa gayong kahirap na tungkulin, ngunit nasimulan na ni Pangulong Benson ang gawaing ito bago pa ako. Bakit ko naman hindi gagawin ang ginawa niya? Ang kanyang halimbawa ang nagtulak sa akin na manalangin at magsikap nang husto at pagkatapos ay masdan ang mahimalang impluwensya ng Panginoon.6
Kapag nahihirapan ang sinuman sa atin, marami tayong matututuhan kay Pangulong Benson. Walong taon siyang naglingkod kasabay ng pagiging Apostol at secretary of agriculture sa gabinete ni U. S. President Dwight D. Eisenhower.
Paano niya ito nagawa? Ito ang sabi niya: “Nagsisikap ako nang husto at ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko. At sinisikap kong sundin ang mga kautusan. At hinahayaan kong punan ng Panginoon ang pagkukulang ko.”7 Pilosopiya iyan na dapat ipamuhay.
Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay isang aktibong pinuno na kaiba ang turo sa pamamahala ng Simbahan. Bago siya naglingkod bilang ika-15 Pangulo ng Simbahan, naging tagapayo siya sa tatlong naunang Pangulo. Nang makauwi mula sa kanyang misyon sa England noong binata siya, nagtrabaho siya para sa Simbahan sa iba’t ibang tungkulin, laging sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Paulit-ulit siyang pinaglutas ng malalaking hamon. Halimbawa, inatasan ni Pangulong David O. McKay si Brother Hinckley na alamin kung paano isapelikula ang ordenansa ng endowment para matugunan ang mga pangangailangan sa pagsasalin para sa lumalaking Simbahan.
Si Pangulong Hinckley ay isang communicator na walang katulad. Tiwala niyang tinalakay ang ebanghelyo sa lahat ng tao mula sa mga bihasang mamamahayag hanggang sa mga pinuno ng bansa. Nasaksihan ko kung paano niya pinalambot ang puso ni Mikhail Gorbachev, dating pangulo ng Soviet Union, na noong una ay tumangging kausapin si Pangulong Hinckley sa kanyang tanggapan. Sa halip, ginusto ni Mr. Gorbachev na magpunta si Pangulong Hinckley sa kanyang silid sa hotel. Subalit nang magkita sila sa headquarters ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Hinckley ang magandang Circassian walnut paneling sa council room ng Unang Panguluhan. Nang sabihin ni Pangulong Hinckley kay Mr. Gorbachev kung saan nanggaling ang kahoy, namangha ito! Ang kahoy na iyon ay nagmula sa mismong rehiyon na kanyang sinilangan sa Russia!8 Bigla itong sumigla.
Palaging maganda ang pananaw ni Pangulong Hinckley, bunga ng lubos na pagsampalataya niya sa Panginoon. Noong halos 13 taon na siyang Pangulo, pinamunuan niya ang kahanga-hangang panahon ng pagbabago sa Simbahan, kabilang na ang disenyo ng mas maliliit na templo, ang gusali ng Conference Center, ang pagbabalita tungkol sa itatayong 79 na mga bagong templo, at ang paglalaan o muling paglalaan ng 95 sa 124 na mga templong gumagana noon. Ang pangarap ni Pangulong Hinckley para sa Simbahan, at ang kinailangan niya mismong gawin dahil sa pangarap na iyon, ay walang hangganan.
Si Pangulong Hinckley ay isang awtoridad sa kasaysayan ng Simbahan. Isa rin siyang tagakita. Dahil dito, wala siyang takot na ipahayag ang hinaharap. Pakinggan ang kanyang sinabi: “Ang layuning ito [ni Cristo] ay patuloy na pupunuin ang mundo sa karingalan at kapangyarihan. Mabubuksan ang mga pintuang nakasara ngayon sa pangangaral ng ebanghelyo. Ang Maykapal, kung kailangan, ay maaaring yanigin ang mga bansa para magpakumbaba sila at makinig sa mga lingkod ng buhay na Diyos. Anuman ang kailangan ay mangyayari.”9
Ngayo’y si Pangulong Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Panginoon sa lupa. Mahal na mahal, sinasang-ayunan, at ipinagdarasal natin siya! At napakarami nating natutuhan sa kanya! Isipin ninyo ito. Tinawag siyang maging bishop sa edad na 22. May mga 80 balo noon sa kanyang ward. Tinawag siyang Apostol sa murang edad na 36. Namuhay si Pangulong Monson ayon sa sawikain na “Kung may ipapagawa ang Panginoon, gusto kong malaman Niya na makakaasa Siya na gagawin iyon ni Tom Monson.”10
Naipakita niya sa atin kung paano tulungan at sagipin ang nawawala. Naituro niya sa atin sa pamamagitan ng halimbawa na ang pag-aalaga sa mga tao ay laging mas mahalaga kaysa sa epektibong paggamit ng oras, o mga miting, o mga iskedyul.
Sa buong buhay niya, madalas mag-iba-iba ng ruta si Pangulong Monson pauwi matapos ang maghapong trabaho. Kung minsa’y tumitigil siya sa isang ospital para aliwin ang mga nahahapis. May mga araw na naiisip niyang dumalaw sa ilang tahanan. Madalas kapag kumatok siya nang di-inaasahan sa isang pinto ay sinasalubong siya ng isang taong umiiyak na nagsasabing, “Paano mo nalaman na anibersaryo ng kamatayan ng aming anak?” o “Paano mo nalaman na kaarawan ko ngayon?”
Sa buong buhay niya, patuloy na naipamalas ni Pangulong Monson ang dalawang mahalagang katangian kaya nagiging pambihirang mga pinuno ang mga propeta ng Diyos: Una, naipakita niya ang halimbawa ng una at ikalawang dakilang utos—mahalin ang Diyos nang buong kaluluwa at mahalin ang ating kapwa, na mga anak ng Diyos, tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. At pangalawa, alam ng bawat propeta kung paano tumanggap ng paghahayag at tumugon dito kaagad kapag dumating ito. Si Pangulong Thomas S. Monson ang sagisag ng matwid na pamumuno.
Ang mga Propeta ng Diyos ay maraming katangian na karaniwan sa kanila. Ang isa ay na nauunawaan ng bawat propeta ang kahalagahan ng batas ng Diyos. Ang kaalaman tungkol sa batas ng Diyos at sa epektibo at matwid na pamumuno ay magkaugnay. Kapag mas marami kayong alam na batas ng Diyos—at mas mahalaga pa, kapag ipinamuhay ninyo ito—magiging mas epektibo ang inyong matwid na pamumuno.
Noong nag-aaral pa ako ng medisina, nakumbinsi ako ng matinding pag-aaral tungkol sa katawan ng tao na ang Diyos ay buhay. Nang malaman ko na ang katawan ay likha ng Diyos, lalo akong nagkainteres sa mga batas ng Diyos na kumokontrol sa katawan. Sa malawakang pagsasaliksik sa laboratoryo, nalaman ko kalaunan ang batas na kumokontrol sa tibok ng puso. Bukod dito, nalaman ko na ang tibok ng puso ay maaaring pansamantalang patigilin para mapadali ang maseselang operasyon. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbabago ng sodium/potassium ratio sa dugong dumadaloy sa puso. Kalaunan, kapag ang puso ay pinadaluyan ng dugong may normal na sodium/potassium ratio, muling titibok nang normal ang puso. Ang mga tuklas na ito ay napatunayang maaaring mahulaan, maasahan, at maulit.
Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataong ipaliwanag ito sa isang klase sa medisina. Itinanong sa akin ng isang marunong na propesor na naroon, “Pero paano kung hindi ito umubra?” Sumagot ako, “Lagi itong umuubra! Umuubra ito ayon sa batas ng Diyos.”
Ang batas ng Diyos ay hindi maaaring pagdudahan at pabulaanan. Ang batas ng Diyos ay hindi maaaring itatwa o pagtalunan. At kapag sinunod ang mga batas ng Diyos, mga kaukulang pagpapala palagi ang resulta! Ang mga pagpapala ay laging nakasalalay sa pagsunod sa angkop na batas.11
Ang mga existentialist ay maaaring magpaliwanag; ang mga relativist ay maaaring mangatwiran gamit ang makikitid nilang pananaw sa katotohanan—na ang katotohanan ay pansariling karanasan—ngunit ang batas ay batas! Ang katotohanan ng Diyos ay talagang totoo! Ang sinasabi ng Diyos na tama ay tama! At ang sinasabi Niyang mali ay mali!
Kaya nga mahalaga na alam ninyo ang mga batas ng Diyos. Kinokontrol ng mga ito ang sansinukob na ito at marami pang iba. Kapag nilabag ang mga batas ng Diyos, may mga ibinubunga ito. Kahit nalulungkot tayo sa mga lumalabag sa mga batas ng Diyos, kailangan silang parusahan. Kailangang sundin ang mga batas ng Diyos.
Nalaman ko ito noong surgeon ako ni Pangulong Spencer W. Kimball. Nang biglang tumigil ang implanted pacemaker sa kanyang puso, humingi ng tulong sa akin si Pangulong Kimball. Ngunit hiniling muna niyang bigyan ko siya ng basbas ng priesthood. Pagkatapos ng basbas, na may pangakong itatama ang tumigil na pacemaker niya, sinabi niya, “Magagawa mo na ngayon ang kailangan mong gawin para magkatotoo ang basbas na iyan.”
Itinuloy ko ang operasyon. Sa kawad na naghahatid ng kuryente mula sa pacemaker papunta sa kanyang puso, nakita kong may napatid sa insulasyon. Nang palitan ko ang napatid na kawad, agad gumanang muli ang pacemaker, kaya tumibok nang normal ang puso ni Pangulong Kimball. Kahit alang-alang pa sa propeta ng Diyos ay hindi maaaring balewalain ang batas na may kinalaman sa pagpapadaloy ng kuryente.
Tunay ngang si Pangulong Kimball ay propeta ng Diyos. Habang binabantayan ko siyang mabuti sa iba’t iba niyang karamdaman at napuna ko ang matindi at nakaaantig niyang pag-aaral sa paghahangad niya ng paghahayag, nagtuturo siya sa akin. Walang hanggan ang pagmamahal ko sa kanya!
Bagama’t ang mundo ay puno ng kawalang-katiyakan, hindi kailangang magkaroon ng alinlangan sa inyong puso’t isipan kung ano ang totoo at ano ang hindi. Ang kawalang-katiyakan ay nagmumula sa impormasyong hindi perpekto o hindi ninyo alam. Bilang Apostol, nakikiusap ako na pag-aralan ninyo ang mga batas ng Diyos na hindi mababago. Alamin ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsampalataya. Ibig sabihin, bukod sa iba pang mga bagay, “[mamuhay ayon] sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos.”13
Ipagdasal na makahiwatig sa pagitan ng mga batas ng Diyos at mga pilosopiya ng tao, pati na sa mga tusong panlilinlang ng kaaway. Sa nagdaang mga panahon, hinasa ni Lucifer ang kanyang katusuhan. Mahusay siyang manggambala, magbaluktot, manloko, at maglihis ng landas. Nakikiusap ako na iwasan ninyo ang kanyang mga tusong bitag na para bagang salot ito!
Ang mga bitag na ipinlano ni Satanas ay maghahatid lamang sa inyo ng kalungkutan, espirituwal na pagkabihag, at kamatayan.13 Totoo ito sa lahat ng oras. Ang malulungkot na bunga ng pagpapatangay sa mga patibong ni Lucifer ay maaaring mahulaan, maasahan, maulit, at pagsisihan.
Sa kabilang dako, ipinapangako ko na kapag sinunod ninyo ang mga utos ng Diyos, kapag ipinamuhay ninyo ang Kanyang mga batas, lalo kayong nagiging malaya. Ang kalayaang ito ay maghahayag sa inyo ng inyong likas na kabanalan at tutulutan kayong umunlad. Magiging malaya kayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Magiging malaya kayong maging kayo—isang epektibo at matwid na pinuno. Magiging handa kayong mamuno sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa saanman kayo kailangan. Ang masaya, ang mga pagpapala ng pagsunod sa mga utos ng Diyos ay maaari ding mahulaan, maasahan, at maulit.
Bilang mga miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, alam natin na si Jesucristo, na ating Panginoon, ang ating tunay na Guro. Bilang tunay na isinilang sa milenyong ito, kayo ay isinilang para maging tunay na disipulo ni Jesucristo. Katunayan, ang tanging paraan upang maging tunay na isinilang sa milenyong ito ay ang maging isa sa Kanyang mga tunay na disipulo!
Paano ninyo mapag-iibayo ang inyong pagkadisipulo? May paanyaya ako sa inyo na makakatulong—ang totoo ay isang tungkulin—kung tatanggapin ninyo ito. Simulan ngayong gabi na iukol ang bahagi ng inyong panahon bawat linggo para pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ayon sa nakatala sa Lumang Tipan, sapagkat Siya ang Jehova ng Lumang Tipan. Pag-aralan ang Kanyang mga batas ayon sa nakatala sa Bagong Tipan, sapagkat Siya ang Cristo roon. Pag-aralan ang Kanyang doktrina na nakatala sa Aklat ni Mormon, sapagkat wala nang ibang naghayag nang mas malinaw tungkol sa Kanyang misyon at Kanyang ministeryo. At pag-aralan ang Kanyang mga salita na nakatala sa Doktrina at mga Tipan, sapagkat patuloy Niyang tinuturuan ang Kanyang mga tao sa dispensasyong ito.
Maaaring parang mahirap na tungkulin ito, pero hinihikayat ko kayong tanggapin ito. Kung patuloy ninyong pag-aaralan ang lahat ng kaya ninyo tungkol kay Jesucristo, ipinapangako ko na ang inyong pagmamahal sa Kanya, at sa mga batas ng Diyos, ay lalago nang higit pa sa inaakala ninyo ngayon. Ipinapangako ko rin na mag-iibayo ang kakayahan ninyong tumalikod sa kasalanan. Titindi ang hangarin ninyong sundin ang mga kautusan. Mas kakayanin ninyong lumayo sa libangan at gusot na dulot ng mga nangungutya sa mga alagad ni Jesucristo. Para matulungan kayo, sumangguni sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa mga reperensya sa ilalim ng paksang “Jesucristo.”14
Pag-aralan ang lahat ng tungkol kay Jesucristo sa mapanalangin at masigasig na paghahangad na maunawaan kung ano ang personal na kahulugan sa inyo ng bawat isa sa Kanyang iba’t ibang titulo at pangalan. Halimbawa, Siya ang inyong tunay na Tagapamagitan sa Ama. Papanig Siya sa inyo. Ipagtatanggol Niya kayo. Mangungusap Siya alang-alang sa inyo, palagi, kapag pinili ninyong maging higit na katulad Niya.15
Kilalanin Siya sa pag-aaral ng lahat ng patuloy Niyang itinuturo sa pamamagitan ng Kanyang buhay na mga propeta at apostol. Pag-aralan ang “Ang mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Pag-aralan ang dokumentong “Ang Buhay na Cristo.” Pareho itong natanggap sa pamamagitan ng paghahayag. I-post ang mga ito online at kung saan ninyo makikita ang mga ito araw-araw.
Ang inihayag na mga salitang iyon ang pinaniniwalaan ng bawat tunay na Banal sa mga Huling Araw. Ipagdasal na magkaroon ng patotoo na ang mga katotohanang iyon ay kumakatawan sa batas ng Diyos. Matutong ipahayag ang mga katotohanang iyon sa sarili ninyong mga salita. Magsanay! Pagkatapos ay ipagdasal na magkaroon at makahanap ng mga pagkakataong ipahayag ang inyong paniniwala. Ang kakayahan ninyong mamuno at magkaroon ng matwid na impluwensya ay mag-iibayo kapag ginawa ninyo ito.
Pagdating ng araw, haharap kayo sa Tagapagligtas. Mag-uumapaw ang inyong galak at mapapaluha kayo sa Kanyang harapan. Maghahagilap kayo ng mga salita para pasalamatan Siya sa pagbabayad para sa inyong mga kasalanan, sa pagpapatawad sa mga kasamaang ginawa ninyo sa iba, sa pagpapagaling sa inyo mula sa mga kasamaan at kaapihan ng buhay na ito.
Pasasalamatan ninyo na pinalakas Niya kayo para gawin ang imposible, na ginawa Niyang mga kalakasan ang inyong mga kahinaan, at pinapangyari Niyang mabuhay kayo sa piling Niya at ng inyong pamilya magpakailanman. Ang Kanyang identidad, Kanyang Pagbabayad-sala, at Kanyang mga katangian ay magiging personal at totoo sa inyo.
Ngunit hindi ninyo kailangang hintayin iyon. Piliing maging isa sa Kanyang mga tunay na disipulo ngayon. Maging isa na tunay na nagmamahal sa Kanya, na tunay na nais maglingkod at mamuno na katulad Niya.16
Tayo ay Kanyang mga tao! Nakipagtipan tayo na dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Kapag sadya tayong nagsikap na maging matwid na mga pinuno, maaari tayong magkaisa sa pag-awit ng, “Magpatuloy tayo sa gawain ng Panginoon.”17
Ngayon, bilang isa sa Kanyang mga Apostol, hinihiling kong magamit ang mga susing iyon para basbasan ang bawat isa sa inyo. Binabasbasan ko kayo na malaman ninyo ang mga batas ng Diyos at maipamuhay ang mga ito. Binabasbasan ko kayo na maging mabuti kayong halimbawa, sa salita at sa gawa, ng tunay na disipulo ni Jesucristo. Binabasbasan ko kayo na maging malaya kayo sa kasalanan, na mabakas sa inyo ang kabutihan at liwanag para maakit ang iba na kilalanin at damhin ang pinagmumulan ng inyong liwanag. Binabasbasan ko kayo na magtagumpay kayo sa inyong pag-aaral at trabaho. Binabasbasan ko kayo na mahanap at mapangalagaan ninyo ang inyong marangal na kabiyak. At binabasbasan ko kayo na maging matwid kayong pinuno sa inyong pamilya, komunidad, bansa, at sa Simbahan.
Iniiwan ko sa inyo ang basbas na ito, at ipinapahayag ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan! Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 10/16. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 10/16. Pagsasalin ng “Prophets, Leadership, and Divine Law.” Tagalog. PD60002798 893