Pagsisisi at Pag-ibig sa Kapwa
Isang Gabi Kasama si Elder Kim B. Clark
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Mayo 7, 2017 • Salt Lake Tabernacle
Masaya kami ni Elder Clark na makasama kayo para sa pandaigdigang debosyonal na ito.
Nais kong ibahagi sa inyo ang ilang ideya na malapit sa puso ko na sana’y maging makabuluhan din sa inyo.
Una, nais kong magpahayag ng pagmamahal: napamahal na sa akin nang husto ang mga young adult ng Simbahan. Kayo ay nasa yugto ng inyong buhay na gumagawa kayo ng napakahahalagang desisyon—makatapos sa pag-aaral, makapagtrabaho, makapagmisyon, makipagdeyt, mag-asawa, at magkapamilya. Nadama ko at nasaksihan ang malaking kapangyarihan ninyo para sa kabutihan habang gumagawa at tumutupad kayo ng mga sagradong tipan at hinahangad ninyo ang kalooban ng Panginoon sa paggawa ng mga desisyong ito. Kahanga-hanga kayo! At mahal kayo ng Panginoon. Alam ko iyan.
Nais ko ring ibahagi sa inyo ang aking patotoo at kaunting paghihikayat. Nais kong malaman ninyo na alam ko na ang Diyos ang ating buhay na Ama sa Langit. Alam ko na ibinigay Niya sa atin ang plano ng kaligtasan at ang kagila-gilalas na kaloob na iyon ng Kanyang Anak na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam ko na si Propetang Joseph Smith ang propeta ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Alam ko na muling darating si Cristo at na kailangan nating maging handa sa pagdating na iyon.
Paano natin paghahandaan ang napakalaking kaganapang iyon? Ang hirap niyon! Napakaraming gagawin! Gusto kong magbigay ng lakas ng loob at pag-asa sa dalawang alituntuning tutulong sa atin na maging handa: pagsisisi at pag-ibig sa kapwa.
Itinuro sa atin ni Pangulong Monson sa pangkalahatang kumperensya noong nakaraang Oktubre: “Napakahalaga sa plano ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maliligaw ng landas. Hindi sapat, gayunman, ang maniwala lamang sa Kanya at sa Kanyang misyon. Kailangan tayong gumawa at matuto, magsaliksik at magdasal, magsisi at magpakabuti pa.”1
Kailangan tayong magsisi. At kaylaking pagpapala niyan! Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at kapangyarihan ni Jesucristo, madaraig natin ang bawat kahinaan, pasakit, kalungkutan, at kasalanan. Nalaman ko na samantalang ang pagsisisi kadalasan ay tungkol sa pagtigil sa isang bagay na ginagawa ninyo, maaaring tungkol din ito sa isang bagay na kailangan ninyong simulang gawin na hindi ninyo ginagawa.
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na kailangan nating simulang gawin bilang bahagi ng pagsisisi ay ang maglingkod sa ibang tao. Sa paglilingkod sa iba, sa tulong ng Panginoon, at pagdanas ng Kanyang dalisay na pag-ibig, nakikilala natin talaga ang Tagapagligtas. Nakita ko ang kapangyarihan ng pagmamahal na nagmumula sa paglilingkod sa iba sa isang sacrament meeting noon lang nakaraang buwan.
Pumasok ako sa chapel kasama ang isang kaibigan ko na tumigil para batiin ang isa sa mga batang babae sa kanyang Primary class. Habang nagmimiting sinang-ayunan ang kaibigan ko bilang bagong Relief Society president. Nilingon ng batang babaeng binati niya sa daan ang kaibigan ko, na titser niya. Alam ng mabait na batang iyon na mare-release ang kanyang guro at nagsimula itong umiyak. Nagtatakbo siya sa dulo ng bangko at isinubsob ang kanyang ulo sa balikat ng kanyang ina. Tiningnan ko ang kaibigan ko, ang bagong Relief Society president, at nakita kong umiiyak din siya! Ang patunay na iyon ng pagmamahal ay nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Nadama ko na nabubuo ang sarili kong luha. Nasaksihan ko ang kaloob na dalisay na pag-ibig ni Cristo na nagmumula sa Tagapagligtas sa Kanyang tunay na mga alagad kapag naglilingkod sila sa Kanyang kaharian.
Sa Moroni kabanata 7, itinuro sa atin ni Mormon:
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—
“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman.”2
Mahal kong mga kapatid, dalangin ko na bawat isa sa atin ay kikilos nang may pananampalataya kay Jesucristo upang bumaling sa Kanya, magsisi sa ating mga kasalanan, at paglingkuran Siya nang buong puso. Alam ko na kung gagawin natin ito, talagang magiging tunay Niya tayong mga alagad. At kung tayo ay “ma[na]nalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng [Kanyang] pag-ibig,”3 alam ko na magkakaroon tayo ng higit na pananampalataya, higit na pag-asa, at higit na pagmamahal—maging ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 3/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 3/17. Pagsasalin ng “Repentance and Charity.” Tagalog. PD60003848 893