Ikaw ay si Joseph
Isang Gabi Kasama si Elder Kim B. Clark
CES Devotional para sa mga Young Adult • Mayo 7, 2017 • Salt Lake Tabernacle
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makasama kayo ngayong gabi. Mahal na mahal ko kayo. Tuwing kasama ko ang mga young adult ng Simbahang ito, nakadarama ako ng pagmamahal at kagalakan!
Samahan ninyo ako ngayong gabi sa inaasahan kong maging paglalakbay ng pagtuklas, pananampalataya, at inspirasyon. Gusto kong balikan natin ang mga unang araw ng Panunumbalik, noong si Joseph Smith ay young adult. Samahan ninyo ako sa isang paglalakbay na ako mismo ang gumawa. Ginugol ko ang halos buong buhay ko sa pag-aaral at pagtuturo tungkol sa mga pinuno at organisasyong pinamumunuan nila. Pinalad akong makilala ang maraming magagaling na pinuno at makipagtulungan sa marami sa pinakamagagandang organisasyong nilikha ng mga tao sa buong mundo. Ngunit ang paglalakbay na ito pabalik sa naunang mga karanasan ni Joseph sa Panunumbalik ay nagpatibay sa paniniwala ko na tayo ay bahagi ng pinakapambihirang organisasyon sa ibabaw ng lupa, ang tunay at buhay na Simbahan ng Panginoon.
Ibabalik ko kayo sa isang panahon sa buhay ni Joseph na naharap siya sa kawalang-katiyakan at paghihirap. Panahon ito na unti-unti niyang nalalaman kung sino siya, at sino ang Panginoon, at paano siya kakasangkapanin ng Panginoon.
Darating ang panahon na si Joseph ang magiging dakilang propeta ng Panunumbalik, na pangangaralan niya ang mga armadong bantay sa Richmond Jail nang napakatapang para manginig ang mga bantay, na itatatag niya ang Simbahan, gagawa siya ng malalaking himala, ipapangaral niya ang ebanghelyo sa kagila-gilalas na paraan, magtatayo siya ng mga lungsod at templo, at ilalatag niya ang pundasyon ng pagtitipon ng Israel at ang gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing. Pero gusto ko kayong ibalik sa isang panahon bago iyon, noong hindi pa propeta si Joseph. Gusto kong balikan ang panahong iyon dahil para kay Joseph ang panahong iyon kagaya ng inyo ang panahong ito. Naniniwala ako na may mahahalagang aral kayong matututunan tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang doktrina at tungkol sa Kanyang propetang si Joseph Smith noong si Joseph ay young adult. Alam ko na sa pakikinig ninyo ngayong gabi nang may Espiritu ng Panginoon, ang inyong pagmamahal at pananampalataya sa Panginoon at sa Ama sa Langit ay mag-iibayo at ang inyong patotoo tungkol sa Panunumbalik at kay Propetang Joseph Smith ay lalakas.
Ang Kuwento
Sisimulan ko ang kuwento sa mga laminang ginto. Natanggap ni Joseph Smith, edad 21, ang mga lamina mula kay anghel Moroni noong Setyembre ng 1827, kasama ang dalawang bato sa mga balantok na pilak, na tinawag ng mga Nephita na mga pansalin, o ang Urim at Tummim.1 Kalaunan noong taglagas na iyon, lumipat si Joseph at ang asawa niyang si Emma sa Harmony, Pennsylvania, ang bayang sinilangan ni Emma, dahil sa matinding pang-uusig sa Palmyra, New York.2
Sa Harmony, kinopya ni Joseph ang mga titik mula sa mga lamina at pinag-aralan ang mga ito. Nagpahanap siya sa kaibigan niyang si Martin Harris ng magsasalin sa mga lamina, ngunit nabigo si Martin.3
Pagsapit ng Pebrero ng 1828 naging malinaw kay Joseph na siya mismo ang kailangang magsalin sa talaan sa tulong ng mga pansalin.4 Hindi nagtagal, natutunang isalin ni Joseph ang talaan “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”5
Si Emma, na buntis noon sa kanilang panganay, ang naging unang tagasulat ni Joseph. Pinagtulungan nila ni Joseph ang talaan hanggang Abril ng 1828, nang dumating si Martin Harris sa Harmony para maging tagasulat ni Joseph.
Pagsapit ng Hunyo, natapos ni Joseph ang pagsasalin ng unang bahagi ng talaan, kabilang na ang tinawag niyang aklat ni Lehi. Matindi ang kagustuhan ni Martin Harris na dalhin ang manuskrito sa New York para ipakita sa kanyang asawa’t pamilya. Dalawang ulit humingi ng pahintulot si Joseph sa Panginoon, ngunit palaging hindi ang sagot. Mapilit si Martin, at muling humingi ng pahintulot si Joseph sa Panginoon sa ikatlong pagkakataon. Sa pagkakataong ito nagpahintulot ang Panginoon sa kundisyon na mangangako si Martin Harris na ipakita lamang ang manuskrito sa kanyang asawa at sa ilang tao. Tuwang-tuwa, agad nagpunta si Martin sa Palmyra na dala ang manuskrito.
Gayunman, nag-alala si Joseph. Sa oras na ito dinalaw ni Moroni si Joseph at pinangaralan siya nang husto sa paulit-ulit niyang paghingi ng pahintulot na payagang dalhin ni Martin ang manuskrito. Kinailangang ibalik ni Joseph ang mga pansalin at mga lamina kay Moroni.6
Kung hindi pa sapat iyon para mag-alala, nagsilang si Emma ng isang maliit na sanggol na lalaki, ngunit hindi ito nabuhay. Muntik na ring mamatay si Emma, at dalawang linggong lumagi sa kanyang tabi si Joseph. Nang magsimulang bumuti ang kanyang pakiramdam, hinimok ni Emma si Joseph na alamin ang nangyari kay Martin at sa manuskrito.
Noong araw na makabalik si Joseph sa Palmyra, kinumpirma ni Martin Harris ang pinakamalaking takot ni Joseph—nawala ang manuskrito. Inilarawan ng ina ni Joseph ang tagpo:
“Napatayo si Joseph … sa may lamesa, at bumulalas, ‘Martin, naiwala mo ba ang manuskrito? …’
“‘Oo, nawala ito,’ sagot ni Martin, ‘at hindi ko alam kung nasaan.’
“‘Ah … !’ sabi ni Joseph, na nakakuyom ang mga palad. ‘Nawala nang lahat! Nawala nang lahat! Ano’ng gagawin ko? Ako’y nagkasala. … Dapat ay nasiyahan na ako sa unang sagot na natanggap ko mula sa Panginoon. …’ Umiyak siya at naghinagpis, at nagpalakad-lakad sa silid. …
“‘… Ano pang pagkagalit ang hindi nararapat sa akin mula sa anghel ng Kataas-taasang Diyos?’
“… Ano ang masasabi ko para aliwin siya, samantalang nakita niya na kapareho ng iniisip niya ang iniisip ng buong pamilya; sapagkat napuno ng mga hikbi at hinagpis, at ng pinakamapait na mga panaghoy ang buong bahay. … At patuloy siyang nagparoo’t parito, samantalang lumuluha at nagdadalamhati, hanggang sa lumubog ang araw, na nang mapahinuhod, ay kumain nang kaunti.
“Kinabukasan naghanda na siyang umuwi. Naghiwalay kami na mabigat ang kalooban, sapagkat ngayon ay mukhang lahat ng inasam-asam namin … ay nawala sa isang iglap, at nawala magpakailanman.”7
Ang apat-na-araw na paglalakbay pabalik ng Harmony ay malamang na napakahirap para kay Joseph. Nag-alala siya kay Emma, at nagluluksa pa rin siya sa pagkamatay ng panganay nilang anak. Naiwala niya ang manuskrito at wala na sa kanya ang mga lamina o ang mga pansalin. Napakahaba ng biyahe pauwi.
Nagdesisyon si Joseph na bumaling sa Panginoon.8 Ikinuwento niya ang nangyari pagbalik niya sa Harmony sa mga salitang ito:
“Pagdating doon, nagsimula akong magpakumbaba sa taos na dalangin sa harapan ng Panginoon, at … [ibinuhos] ko ang aking kaluluwa sa pagsusumamo sa Diyos, na kung maaari ay makamit ko ang kanyang awa at mapatawad ako sa lahat ng nagawa kong salungat sa kanyang kalooban.”9
“Hindi pa ako gaanong nakalalayo, nang … magpakita ang sugo ring iyon ng langit at muling iabot sa akin ang Urim at Tummim [ang mga pansalin]. … Nagtanong ako sa Panginoon sa pamamagitan nila at natanggap ang sumusunod na paghahayag.”10
Ang natanggap na paghahayag ni Joseph ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan bahagi 3. Mabagsik ang pangaral na iyon at sinabihan siyang magsisi pa at mangako. Unahin natin ang pangaral:
“At masdan, kaydalas mong nilabag ang mga kautusan at ang mga batas ng Diyos, at nagpadala sa mga panghihikayat ng mga tao.
“Sapagkat, masdan, hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos. Bagaman pinawawalang-kabuluhan ng mga tao ang mga payo ng Diyos, at ipinagwawalang-bahala ang kanyang mga salita—
Gayon pa man ikaw ay dapat na naging matapat; at kanya sanang iniunat ang kanyang bisig at itinaguyod ka laban sa lahat ng nag-aapoy na sibat ng kaaway; at siya sana ay nakasama mo sa bawat panahon ng kaguluhan.11
Naganyak si Joseph sa mga panghihikayat ng mga tao at ng takot sa kanila nang paulit-ulit siyang humingi ng pahintulot sa Panginoon na ibigay ang manuskrito kay Martin Harris. Nagsimulang magsisi si Joseph, ngunit itinuro sa kanya ng Panginoon na marami pang gagawin:
“Masdan, ikaw ay si Joseph, at ikaw ay pinili upang gawin ang gawain ng Panginoon, subalit dahil sa pagkakasala, kung hindi ka mag-iingat ikaw ay babagsak.
“Subalit tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain.”12
Binawi ni Moroni ang mga pansalin at lamina mula kay Joseph ngunit pinangakuan ito, “Kung ikaw ay magpapakumbaba at magsisisi nang husto, maaari mo itong matanggap na muli.”13 Patuloy na nagsisi si Joseph matapos matanggap ang mga lamina at pansalin mula kay Moroni.14
Kalaunan, nag-aalala sa mabagal na pag-usad ng pagsasalin noong taglamig ng 1829, hiniling ni Joseph sa Panginoon na padalhan siya ng isang tagasulat.15 Noong Abril, isinugo ng Panginoon si Oliver Cowdery sa Harmony upang magsilbing tagasulat ni Joseph kasunod ng mahimalang pagbabalik-loob ni Oliver.16
Sa pagdating ni Oliver, mabilis na umusad ang proseso ng pagsasalin.
Ang pagsasalin sa Aklat ni Mormon ay puno ng mga himala at pagpapala para kay Joseph.
Gayunman, talagang naligalig siya kung ano ang gagawin sa aklat ni Lehi. Kung wala ang talaan ni Lehi, walang ulat tungkol sa pamilya ni Lehi, sa paglalakbay patungo sa lupang pangako, o sa pinagmulan ng mga Nephita at Lamanita.
Noong Mayo ng 1829 inihayag ng Panginoon kay Joseph ang isang plano, na ilang siglong ginawa, na palitan ang aklat ni Lehi ng alam natin ngayon na maliliit na lamina ni Nephi. Nasa mga laminang ito ang isang buod ng aklat ni Lehi at ang mga propesiya at turo ni Nephi at iba pang mga propeta. Ang mga sulat na ito, na nasa Aklat ni Mormon mula 1 Nephi hanggang Mga Salita ni Mormon ay binigyang-inspirasyon ng Panginoon, iningatan nang daan-daang taon, at idinagdag sa talaan ni Mormon sa ilalim ng patnubay ng Panginoon.17
Hindi na muling isinalin pa nina Joseph at Oliver ang aklat ni Lehi. Binalaan ng Panginoon si Joseph na binago ng masasamang tao ang orihinal na manuskrito at naghihintay lamang ng pagkakataong sirain ang gawain ng Panginoon. Isinalin ni Joseph ang maliliit na lamina ni Nephi at inilagay ang pagsasalin sa unahan ng Aklat ni Mormon.
Ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay naghatid ng kagila-gilalas na mga karanasan. Napanumbalik ang priesthood, nabinyagan sina Joseph at Oliver at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo.18 Labing-isang saksi ang nakakita sa mga lamina at nagpatotoo na totoo ang mga ito.
Ang Aklat ni Mormon, lakip ang patotoo ng mga saksi, ay inilathala noong 1830. Isinangla ni Martin Harris, na isa sa mga saksi, ang kanyang bukirin upang mabayaran ang paglilimbag nito.
Dala ko ngayon ang dalawang yaman mula sa mga makasaysayang koleksyon ng Simbahan na gusto kong ipakita sa inyo. Ang una ay isang pahina ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon. Nasa pahinang ito ang salin sa Ingles ng 1 Nephi 3:7:
“Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”
Ang pangalawang yaman ay isang kopya ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon.
Ang natanggap ni Joseph sa pamamagitan ng paghahayag ay inilimbag sa Palmyra at narito mismo sa Aklat ni Mormon. Ang ikinuwento ko sa inyo tungkol kay Joseph bilang young adult, tungkol kina Emma, Martin Harris, Oliver Cowdery, Moroni, at sa Aklat ni Mormon, ay totoo.
Ang Kahulugan ng Kuwentong Ito para sa Inyo
Inaanyayahan ko kayo, mahal kong mga kapatid, na hanapin ang sarili ninyong karanasan sa konteksto ng kuwentong ito. Inihahanda at tinuturuan kayo ng Panginoon, tulad ng ginawa Niya kay Joseph noong young adult siya. May mahahalagang aral para sa inyo sa karanasan ni Joseph. Ngayong gabi gusto kong magtuon sa tatlong bagay: pananampalataya at pagtitiwala kay Jesucristo, pagsisisi, at espirituwal na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.
Lesson 1: Pananampalataya at Pagtitiwala kay Jesucristo
Magsisimula ako sa Lesson 1: Pananampalataya at Pagtitiwala kay Jesucristo
Nais kong pag-isipan ninyo sandali ang sitwasyon ni Joseph nang hilingin sa kanya ni Martin Harris na makiusap sa Panginoon sa ikatlong pagkakataon. Dalawang beses nang humindi ang Panginoon. Ang ikatlong paghiling ni Martin ang naglagay kay Joseph sa alanganin. Pagsubok iyon sa kanyang pananampalataya.
Pag-isipan ito. Sa isang banda, sumampalataya si Joseph kay Jesucristo at sa Ama sa Langit at nabiyayaan ng maraming pambihirang espirituwal na karanasan. Nakita at nakausap niya ang Ama at ang Anak. Nakapanayam niya si Moroni at ang iba pang mga propeta. Kararanas lang niya ng mahimalang pagsasalin ng Aklat ni Lehi gamit ang mga pansalin at ang kanyang bato ng tagakita.19
Sa kabilang banda, si Joseph ay 22 taong gulang at nag-aalala. Napakabait ng asawa niya, na buntis sa panganay nilang anak. Wala siyang pera, walang edukasyon, at walang mapagkunan para matustusan ang kanyang pamilya. Napaligiran siya ng mga taong naghihinala at nang-uusig at may iilang kaibigan. Wala siyang matawag na masasangguni, walang board of directors, at bankers na magpapaluwal ng pondo at magpapayo. Alam niya na kailangan niyang mailathala ang talaan, ngunit wala siyang ideya kung paano mababayaran ang pagpapalimbag nito kung pinabayaan siya ni Martin Harris. Puno ng pag-aalinlangan ang buhay niya.
Sa kabila ng saganang espirituwal na karanasan, “kinatakutan [ni Joseph] ang tao nang higit sa Diyos”20 at pinili niyang makiusap sa ikatlong pagkakataon, kaya hindi nasiyahan ang Panginoon at dito nagsimula ang pagkawala ng manuskrito. Subalit naging maawain ang Panginoon kay Joseph. Tinulungan Niya si Joseph na magsisi sa paghugot ng lakas sa pananampalatayang taglay na ni Joseph, at naghanda Siya ng paraan para madaig ang pagkawala ng manuskrito.
Sa maraming paraan magkatulad kayo ng sitwasyon ni Joseph. Kayo ay young adult na may mga pag-aalala at pag-aalinlangan tungkol sa pag-aasawa at pagpapamilya, tungkol sa pag-aaral at pagtatrabaho, at tungkol sa pagtuklas sa inyong lugar sa mundo at sa kaharian ng Panginoon. Maaaring may iba pa kayong mga hamon at problema sa buhay.
Gaya ni Joseph, mayroon na kayong mga espirituwal na mapagkukunan at karanasan. Nadama na ninyo ang Espiritu ng Panginoon sa panalangin, sa mga banal na kasulatan, sa paglilingkod sa iba. Natikman na ninyo ang pagmamahal, biyaya, at kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo sa pagsisisi, sa sakramento, at sa banal na templo.
Kapag humaharap kayo sa mga pagsubok, na tiyak kong mangyayari, huwag kayong tumanggap ng payo mula sa inyong mga takot o magtiwala sa mga panghihimok ng tao. Sa halip, inaanyayahan ko kayong gawin ang mga bagay na ginawa ni Joseph sa tulong ng Panginoon. Ipinapangako ko sa inyo na magbibigay ito ng espirituwal na lakas sa inyong buhay.
Una, humugot ng lakas mula sa mga espirituwal na karanasan at mapagkukunan na taglay na ninyo upang mag-ibayo ang inyong pananampalataya at tiwala kay Jesucristo. Umasa sa mga espirituwal na pagpapalang nadama at naranasan ninyo para magkaroon ng lakas na sumulong nang may pananampalataya sa Tagapagligtas. Siya ang pinakamahalagang pagpapala sa lahat. Ang Kanyang pag-ibig ay hindi magbabago kailanman. Makakasama ninyo Siya sa bawat oras ng kagipitan.
Pangalawa, umasa nang may pananampalataya na makitang kumilos ang Tagapagligtas sa inyong buhay. Alalahanin kung paano inihanda ng Panginoon si Oliver Cowdery na maging tagasulat ni Joseph at tinulungan si Joseph na madaig ang pagkawala ng 116 na pahina sa pagkakaloob ng maliliit na lamina ni Nephi.21 Kumilos ang Panginoon sa buhay ni Joseph, at kumikilos din siya sa inyong buhay. Kayo ay may walang-hanggang identidad at layunin at banal na tadhana. Kumikilos ngayon ang Panginoon sa inyong buhay. Nariyan Siya sa harapan ninyo, nagbubukas ng mga pintuan, naghahanda ng ibang mga tao para tulungan kayo, at nagbubukas ng daan para sa inyo.
Lesson 2: Pagsisisi
Babaling ako ngayon sa lesson 2: Pagsisisi.
Balikan natin ang sandali na nalaman ni Joseph na nawala ang manuskrito. Alam ni Joseph na nagkasala siya sa Panginoon at nilabag Niya ang Kanyang mga utos. Nadaig siya ng nagawang kasalanan at pagdadalamhati. Ngunit bumaling si Joseph sa Panginoon at natagpuan niya ang himala ng kapatawaran at ang galak ng pagtubos.
Napakataas ng pamantayan ng Panginoon kay Joseph, nang hindi nangangatwiran. Tinrato Niya si Joseph na gaya ng dakilang propeta na nais Niyang kahinatnan ni Joseph. Kinatakutan ni Joseph ang tao nang higit sa Diyos. Nagtiwala siya sa sarili niyang pang-unawa at hindi sa Diyos. Para kay Joseph, ang pagsisisi ay higit pa sa pagsasabi lang ng, “Nagkamali ako. Patawad po at naiwala ko ang manuskrito.” Kinailangang madaig ni Joseph ang mga saloobin, takot, at disposisyon niya sa buhay na naging ugat ng kanyang mga kasalanan. At kinailangan niyang lumago at matuto at magbago buong buhay niya.
Kinailangan ni Joseph na magbago ang kanyang puso na posible lamang sa pamamagitan ng awa, pagmamahal, at kapangyarihan ni Jesucristo. Iyan mismo ang natanggap ni Joseph. Alam ng Panginoon ang potensyal ng marangal na pagkatao ni Joseph. Nang sabihin Niya kay Joseph, “Ikaw ay si Joseph. … Magsisi … , at ikaw ay pinili pa rin,”22 maririnig ninyo sa mga salitang iyon ang pagtulong ng Tagapagligtas kay Joseph nang may pagmamahal at awa, na nananabik na magbago si Joseph.
Maririnig din ninyo na itinuturo ng Panginoon kay Joseph kung sino siya talaga. Lumaki siguro siya na isang mahirap at walang pinag-aralang batang magbubukid, ngunit hindi iyan ang tunay niyang identidad. Siya si Joseph na Propeta, isang piling tagakita na kakasangkapanin ni Jesucristo upang ipanumbalik ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo sa lupa.
Nang utusan ng Panginoon si Joseph na magsisi, isang utos iyon kay Joseph na gawin ang mga pagbabagong kailangan para makabangon at maabot ang kanyang tunay na identidad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinagdusahan na ng Tagapagligtas ang lahat ng pinagdaanan ni Joseph, na tunay at mahirap at lubhang nakaliligalig. Inalok ni Jesucristo si Joseph ng paraan upang mapatawad at matubos. Sa lumipas na maraming araw at linggo at buwan, hinangad ni Joseph ang kapatawaran at nakatutubos na kapangyarihan ng Panginoon, at natanggap niya ito.
Mga kapatid, napakataas din ng mga pamantayan ng Panginoon para sa inyo, nang hindi nangangatwiran. Tinatrato Niya kayo na gaya ng magiting at mahabaging disipulo na nais Niyang kahinatnan ninyo. Ngunit mahal din Niya kayo, tulad ng pagmamahal niya kay Joseph. Lahat tayo’y nagkukulang paminsan-minsan, at kailangan ng bawat isa sa atin ang mga pagpapala ng pagsisisi.
Tulad ng nakikita ninyo sa karanasan ni Joseph, ang pagsisisi ay higit pa sa pagsasabi sa Panginoon at sa inyong bishop na may nagawa kayong mali. Ang magkasala ay pagtalikod sa Panginoon. Ang magsisi ay pagbalik sa Kanya. Ang pagsisisi ay nangangailangan ng pagbabago ng puso’t isipan, pagbabagumbuhay na bagay sa inyong sariling sitwasyon.
Bukod pa riyan, ang pagsisisi ay patuloy kayong pinagpapala. Ito ang paraan ng Panginoon para tulungan tayong maging mas mahusay at mas mabuti habang tayo’y nabubuhay. Ito ang paraan para kayo ay magbangon at maabot ang inyong walang-hanggang identidad bilang mga anak ng Diyos at tunay na mga alagad ni Jesucristo.
Ang mga pangako ay totoo, mga kapatid. Bumaling sa Panginoong Jesucristo, magsisi ng inyong mga kasalanan, at sundin ang Kanyang mga utos. Walang hanggan ang Kanyang awa,23 at tulad ng itinuro ni Joseph kalaunan, “Ang ating Ama sa langit ay higit na … walang hanggan sa kanyang mga awa at pagpapala, higit pa kaysa handa tayong paniwalaan o tanggapin.”24 Pinili ni Jesucristo na magdusa para sa inyong mga kasalanan at lahat ng inyong pasakit at kalungkutan upang magawa Niyang patawarin, pagalingin, pagbaguhin, bigyang-lakas, at biyayaan kayo ng kagalakan. Siya talaga ang Tagapagligtas at Manunubos.
Lesson 3: Ang Espirituwal na Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon
Babaling ako ngayon sa lesson 3: Ang espirituwal na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.
Nang mapatawad si Joseph sa kanyang mga kasalanan, laking tuwa niyang matanggap ulit ang mga lamina at pansalin.25 Ang karanasan niya sa pagkawala ng manuskrito ay napag-alab sa kanyang kaluluwa ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa gawain ng Panginoon. Ang pangunahing mensahe ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ay ang kanilang pagsaksi kay Jesucristo at sa Kanyang doctrina. May espirituwal na kapangyarihan ang aklat na iyon.
Makikita natin ang kapangyarihang iyan sa karanasan ni Joseph sa pagsasalin. Ang pagsasalin ay hindi mekanikal. Isa itong espirituwal na karanasan, at itinuro nito kay Joseph ang mga pagkilos ng Panginoon at ng Espiritu Santo. Ang Aklat ni Mormon ay isang karanasang puno ng paghahayag para kay Joseph mula simula hanggang wakas. Itinuro ng Aklat ni Mormon kay Joseph ang doktrina ni Jesucristo, at inutusan siya ng Panginoon na ipamuhay ito—kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang Espiritu Santo.26
Biniyaan ng Panginoon si Joseph ng mas malakas na espirituwal na kapangyarihan sa mga karanasang ito. Matapos siyang mabinyagan, halimbawa, sinabi niya na “napuspos [siya] ng Espiritu Santo,” at “ang tunay na kahulugan at layunin ng [mga banal na kasulatan]” ay “nagsimulang mabuksan sa [kanyang] pang-unawa.”27
Ginamit ng Panginoon ang paglabas ng Aklat ni Mormon upang ibangon si Joseph at ilapit si Joseph sa Kanya. Tinuruan ng Panginoon si Joseph at pinalakas siya sa paglalabas ng aklat na iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Aklat ni Mormon ay maaaring maging karanasang puno ng paghahayag para sa inyo, tulad lang ng nangyari kay Joseph.
Nakita ng mga propetang sumulat ng Aklat ni Mormon ang ating panahon. Sinulatan nila tayo. Nangungusap ang kanilang mga salita sa ating panahon, ating mga pangangailangan, at ating mga layunin. Kung bukas ang inyong puso habang binabasa at ipinagdarasal ninyo ang Aklat ni Mormon, ang Espiritu Santo28 ay “ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo.”29 Malalaman ninyo na ang Panginoong Jesucristo ang inyong Tagapagligtas at Manunubos at na si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik.
Kahit hindi pa kayo miyembro ng Simbahan o matagal na o kailan lang kayo naging miyembro, inaanyayahan ko kayong gawin ang ginawa ni Joseph—basahin ang Aklat ni Mormon, ipagdasal ito, at kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang Espiritu Santo. Pagkatapos ay sumulong upang matanggap at matupad ang mga ordenansa at tipan ng kaligtasan, kabilang na ang ordenansa ng pagbubuklod sa templo.
Alam ko ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon mula sa napakaraming personal na karanasan. Nais kong ibahagi sa inyo ang isa sa mga ito ngayong gabi na nangyari noong young adult ako. Dalawang buwan na ako sa misyon ko sa Germany. Naging mahirap ang dalawang buwan, at pinanghinaan ako ng loob. Isang umaga lumuhod ako sa panalangin at sinabi ko sa Ama sa Langit ang mga problema ko. Sabi ko sa Kanya, “Ama sa Langit, tulungan po ninyo ako.” Habang nagdarasal ako, narinig ko ang isang napakaliwanag at napakalinaw na tinig na para may taong nakatayo sa tabi ko. Sabi ng tinig: “Maniwala sa Diyos.”
Naupo ako sa kama at binuklat ko ang Aklat ni Mormon sa Mosias, kabanata 4, mga talata 9 at 10, at binasa ko ang mga salita ni Haring Benjamin:
“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; …
“… Maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; … at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin.”30
Habang binabasa ko ang mga salitang iyon nadama ko na parang kausap ako ni Haring Benjamin. Nadama ko ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa puso ko. Alam ko na ito ang sagot sa aking dalangin. Kinailangan kong magtiwala sa Panginoon, magsisi, at kumilos. Mula noon hanggang ngayon, ang Aklat ni Mormon na ang pinagkukunan ko ng espirituwal na lakas sa buhay ko.
Mahal kong mga kapatid, alam ko na ang Aklat ni Mormon ay aakayin kayo kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina. Basahin ang Aklat ni Mormon, pag-aralan ito, ipagdasal ito, pahalagahan ito sa inyong puso’t isipan araw-araw, tulad ng ipinayo ni Pangulong Monson na gawin natin. Sa bawat oras ng inyong buhay, mangungusap ng kapayapaan ang ating Panginoon at Tagapagligtas sa inyong kaluluwa, pasisiglahin at palalakasin kayo, at mas lalo kayong ilalapit sa Kanya, sa Aklat na iyon, sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Patotoo
Ang tatlong lesson na ito mula sa mga taon na young adult pa si Joseph ay nagpapatotoo sa kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang doktrina. Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. May isang Manunubos. Siya ay buhay!
Dalangin ko na sana’y matuto kayo sa buhay ni Joseph. Bagama’t nahirapan siya noong young adult siya, nagtiwala siya sa Panginoon, at pinagpala siya ng Panginoon na maging dakilang propeta ng Panunumbalik. Ginawa ni Joseph ang banal na gawain ng Diyos. Ang Panunumbalik ay totoo! Tandaan ninyo ito: Si Jesus ang Cristo, at si Joseph ay Kanyang propeta. Hindi napuputol ang kadena ng mga susi, awtoridad, at kapangyarihan ng priesthood na iniuugnay si Joseph Smith kay Thomas S. Monson. Si Pangulong Monson ang propeta ng Panginoon sa lupa ngayon. Totoo ang lahat ng ito.
Kaya nga, mahal kong mga kapatid sa lahat ng panig ng mundo, sinasabi ko sa inyo ngayong gabi, magtiwala sa Panginoong Jesucristo. Alam niya ang pangalan ni Joseph; alam niya ang pangalan ninyo. Mahal Niya kayo at kumikilos Siya sa inyong buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang awa, biyaya, at pagmamahal, kayo ay makakabangon at, gaya ni Propetang Joseph, madaraig ninyo ang bawat pagsubok at maaabot ang nakatadhanang kahinatnan ninyo: maging magigiting at matatapat na Latter-day Saint, mga pinuno sa inyong walang-hanggang pamilya at sa Kanyang tunay at buhay na Simbahan, mga tunay na disipulo ni Jesucristo, puspos ng Kanyang liwanag at pagmamahal, handang tanggapin ang Tagapagligtas sa Kanyang muling pagparito. Pinatototohanan ko ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 3/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 3/17. Pagsasalin ng “Thou Art Joseph.” Tagalog. PD60003848 893