Isang Matibay na Dugtong
Isang Gabi Kasama si Elder David A. Bednar
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Setyembre 10, 2017 • Apex North Carolina Stake Center
Ang Kawing ng mga Henerasyon
Ang mensahe ko ay mula sa karanasan namin ni Susan noong Setyembre ng 1999. Nagpunta si Pangulong Gordon B. Hinckley sa Ricks College, ngayo’y BYU–Idaho, para ilaan ang katatapos na Spencer W. Kimball Building. Karangalan namin ni Susan na paghandaan sina President at Sister Hinckley sa napaka-espirituwal at di-malilimutang araw.
Habang nasa kampus siya, nagsalita si Pangulong Hinckley sa debosyonal sa mga estudyante, kawani, at faculty. Nakaupo ako sa pulpito ilang talampakan lang mula sa Pangulo ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon nang magbigay siya ng mensahe. Kahit ngayon, habang nakatingin ako sa inyong mga mukha at nagsasalita sa inyo, malinaw sa alaala ko ang pagtayo ni Pangulong Hinckley sa pulpito sa Hart Auditorium. Naaalala ko ang mga alituntuning itinuro niya, ang tono ng kanyang boses at ekspresyon ng kanyang mukha, at ang mga natutuhan ko sa kapangyarihan ng Espiritu Santo habang nakikinig ako sa kanya.
Inaanyayahan ko kayong makilahok sa isang bahagi ng debosyonal na iyon.
“Noong Sabado’t Linggo nasa Columbus, Ohio, kami at inilalaan namin ang isang bago at magandang templo. Punung-puno ang templo at ang kalapit na ward chapel para sa buong anim na sesyon. Naroon ang Espiritu ng Panginoon, at dakila at mahalagang okasyon ang mailaan ang pangalawang templo sa kasaysayan ng Simbahan sa malaking estado ng Ohio.
“Kasama ko ang asawa ko at anak kong babae, na naroon para tulungan ang kanyang ina. Sa aming katuwaan, dumating ang isa naming apong babae at dalawa sa kanyang mga anak, ang aming mga apo-sa-tuhod, mula sa St. Louis, kung saan sila nakatira. …
“Habang nakaupo ako sa templo sa Columbus, Ohio, noong makalawa, at nakatingin sa aking mga apo-sa-tuhod, may kakaibang nangyari sa akin. Bigla kong natanto na nasa gitna ako ng tatlong henerasyon at pamilyar ako sa nauna sa akin at sa tatlong henerasyong sumunod sa akin. Talagang bumaling ang puso ko sa aking mga ninuno. Bumaling din ang puso ko sa aking mga inapo. Nakinita ko ang kawing ng mga henerasyon; ang kawing na iyon ay mula pa sa malayong nakaraan na kakaunti ang aming nalalaman. Ngayo’y umabot na ito sa tatlong henerasyong sumunod sa akin. Nakinita ko ang kawing na iyon sa aking isipan, na hanggang ngayo’y hindi napuputol at maningning at matatag. …
“Ngayo’y naisip ko, habang nakaupo ako sa templo, na ako ang kawing, na nagdurugtong sa lahat ng nakaraang henerasyon sa darating na mga henerasyon. Lahat ng taglay ko ukol sa isipan at katawan, selula at biyas at kasu-kasuan at utak, ay namana ko sa mga taong nauna sa akin. At lahat ng iyan ay naipasa ko sa aking mga inapo. Hindi ko maaatim na putulin ang kawing na iyon. Hindi maaatim ng aking mga inapo na putulin ang kawing na iyon. …
“Sana’y mahusay akong magsalita para masabi ko sa inyong mga kabataang narito ngayon ang nadama ko sa templo, ang dakila at matinding pagnanais na kailanman ay hindi ko dapat putulin, ni ng aking mga inapo, ang kawing ng mga henerasyon ng aming pamilya.
“Sa inyo sinasabi ko nang buong lakas na kaya ko, huwag maging mahinang dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon. Isinilang kayo sa mundong ito na may kagila-gilalas na pamana. Nagmula kayo sa magagaling na kalalakihan at kababaihan, kalalakihang may tapang at lakas-ng-loob, kababaihang matatagumpay at may malaking pananampalataya. Huwag na huwag ninyo silang biguin. Huwag gumawa ng anumang bagay kailanman na magpaparupok sa kawing kung saan mahalaga ang inyong bahagi.”1
Ang isang kawing ng mga henerasyon ay malinaw na nakalarawan sa aking isipan. Ang babala na huwag maging mahinang dugtong sa kawing ng mga henerasyon ay nakaantig sa puso ko. Ang payo na huwag gumawa ng anumang magpapahina sa kawing ng mga henerasyon ay tumimo sa aking kaluluwa. Para sa amin ni Susan, ang simple at makapangyarihang mga aral na natutuhan namin noong hapong iyon ng Setyembre ay nakabuti sa aming pagsasama, pamilya, at bawat aspeto ng aming buhay.
Ang Pamilya Call
Habang lumalaki sa kanyang bayang sinilangan sa Afton, Wyoming, nakilala at hinangaan ni Susan ang isang pamilya sa kanyang ward na napakabuting halimbawa ng kawing ng mga henerasyon.
Sister Susan K. Bednar’s remarks
Nakatira sa ward na kinalakhan ko ang isang kahanga-hangang mag-asawa na may 14 na anak. Ang ina at ama, sina Bessie at Evan Call, ay nakasal sa templo at nanatiling tunay at tapat sa kanilang mga tipan. Itinuro nila sa kanilang mga anak ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo at pinagpala silang magpalaki ng matwid na pamilya.
Ilang taon na ang nakararaan, nakilala ko ang isang magandang dalaga sa sacrament meeting na dinaluhan ko. Nang magpakilala siya sa akin, binanggit niyang kilala ko ang kanyang ina. Ang kanyang ina ay anak nina Brother at Sister Call at matalik kong kaibigan noong kabataan ko. Ang dalagang nakilala ko sa sacrament meeting ay apo ng mga Call. Matapos magtanong, natuklasan ko na siya ang ika-44 sa 96 na mga apo, at ang bagong silang niyang anak ang ika-230 apo-sa-tuhod nina Bessie at Evan Call. Nagulat ako sa mga bilang na ito. Napakalaking angkan!
Maraming beses kong naisip mula noon: Paano kung hindi nakasal sa templo sina Brother at Sister Call o hindi nila tinupad ang kanilang mga tipan? Paano kung hindi sila nanatiling tapat sa “napakalaking pananampalataya” ng naunang mga henerasyon? Paano kung hindi nila naituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin? Paano kung naging mahinang dugtong sila sa kawing ng kanilang mga henerasyon? Ilang tao ang maaapektuhan nito? Maliwanag ang sagot. Ang mga desisyon ng mag-asawang ito ay nakaapekto na sa mahigit 300 kapamilya—at patuloy na lumalaki ang bilang habang mas maraming isinisilang na mga apo-sa-tuhod at kaapu-apuhan sa pamilyang ito.
Ihambing ito sa kakaibang karanasan ko sa isang mahal na kaibigang di-miyembro na matagal ko nang kilala. Isipin ang pagkabigla ko nang basta niya banggitin sa akin isang araw na siya ay isang lolang Mormon. Nagulat ako dahil wala siyang alam at hindi siya naging interesado kailanman na malaman ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Kahit hindi ko alam ang sagot, madalas kong maisip, “Saan naputol ang kawing ng kanyang mga henerasyon?” Ang tiyak na konklusyon ay na hindi natamasa ng aking kaibigan kailanman ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kanyang buhay dahil sa mga desisyon ng mga nauna sa kanya.
Bilang isang dugtong sa kawing ng inyong henerasyon, dapat ninyong maunawaan na ang mga desisyon ninyo ngayon at sa hinaharap ay hindi lang para sa inyo. Ang mga desisyon ninyo ay nakakaapekto kapwa sa mga nauna at sa mga susunod sa inyo. Ang halimbawa at impluwensya ng inyong pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ang kapangyarihan ng inyong personal na kabutihan, at ang mga bunga ng mabubuti at masasamang desisyon ninyo ay aabot sa lahat ng henerasyon. Maging matibay na dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon.
Pinatototohanan ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang pamilya ang pinakamahalaga sa walang-hanggang tadhana ng mga anak ng Diyos.
Pinatototohanan ko na dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, tinutubos tayo ni Jesucristo mula sa ating mga kasalanan at maling pasiya at binibigyan din tayo ng lakas na higit pa sa ating sarili upang manatiling tapat sa ebanghelyo at mga tipang ginagawa natin, lalo na kapag nahihirapan tayo sa mga karanasan sa buhay.
Alam ko na ang Espiritu Santo ay naghahatid ng espirituwal na mga paramdam sa ating puso’t isipan at tutulungan tayong tuklasin at isagawa ang mga paraan para maging matapat na dugtong sa kawing ng ating mga henerasyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
End of Sister Susan K. Bednar’s remarks
Isang Matibay na Dugtong
Sana’y makasalig ako ngayon sa mga turo ni Pangulong Hinckley tungkol sa ating “kawing ng mga henerasyon.” Malinaw at mariin niyang inilarawan kung ano ang hindi natin dapat gawin, ang maging mahinang dugtong sa kawing ng mga henerasyon. Nais kong magtuon sa dapat nating gawin, ang maging matibay na dugtong sa kawing ng mga henerasyon.
Sa Doktrina at mga Tipan 128:18 nalaman natin “na ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa maliban kung may isang pag-uugnay ng anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak, sa alinmang paksa o iba pa—at masdan ano ang paksang yaon? Ito ang pagbibinyag para sa mga patay. Sapagkat tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap; ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap. Ni sila o tayo ay hindi magagawang ganap kung wala yaong mga nangamatay rin sa ebanghelyo; sapagkat kinakailangan sa pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon, kung aling dispensasyon sa ngayon ay nagsisimula na, na ang isang buo at husto at ganap na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian ay dapat mangyari, at ipahahayag mula sa mga araw ni Adan maging sa kasalukuyang panahon.”2
Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang dalawang mahahalagang tanong na nagmumula sa talatang ito.
Unang tanong: Ano ang matibay na dugtong? Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith, “Dapat magkaroon ng pagbubuklod at ng pagsasama-sama ng mga magulang at mga anak at mga anak at mga magulang hanggang ang buong pamilya ng Diyos ay nagkabuklod-buklod, at lahat sila ay magiging isang pamilya ng Diyos at ng Kanyang Cristo.”3
Ang panunumbalik ng awtoridad ng priesthood at mga susi sa huling dispensasyong ito ay ginagawang posibleng matanggap, maalala, at maigalang ng bawat isa sa atin ang mga ordenansa kapwa ng kaligtasan ng bawat isa at ng kadakilaan ng pamilya. Tunay ngang dumating si Elijah tulad ng ipinangako upang ipagkaloob ang mga susi ng priesthood at awtoridad na magbuklod na ibinabaling ang puso at nagpapatibay sa mga dugtong ng mga henerasyon. Muling nasa lupa sa mga huling araw na ito ang mga awtorisadong lingkod na makapaghahatid ng mga sagradong pagpapalang bigay ng Tagapagligtas, “na anumang bagay na iyong ibuklod sa lupa ay bubuklurin sa langit; at anumang bagay ang iyong itali sa lupa, sa aking pangalan, at sa pamamagitan ng aking salita, wika ng Panginoon, ito ay nakataling walang hanggan sa kalangitan.”4
Kaya naman, “ang mga ordenansa para sa mga patay na ginagawa natin sa mga templo, simula sa pagbibinyag, ay ginagawang posible na magkaroon ng walang-hanggang pagbubuklod sa pagitan ng mga henerasyon na tumutupad sa layunin ng paglikha sa mundo.”5
Pangalawang tanong: Paano maililigtas ng matibay na dugtong ang daigdig mula sa pagkawasak? Ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Hindi lamang ito tungkol sa binyag para sa mga patay, kundi pati na rin sa pagbubuklod ng mga magulang at ng mga anak sa mga magulang, kaya dapat magkaroon ng ‘isang buo at husto at ganap na pagsasanib, at pag-uugnay na magkakasama ng mga dispensasyon, at mga susi, at mga kapangyarihan, at mga kaluwalhatian,’ mula sa simula hanggang sa katapusan ng panahon. Kung ang kapangyarihang ito na magbuklod ay wala sa lupa, maghahari ang kalituhan at kaguluhan sa araw ng pagparito ng Panginoon, at, mangyari pa, hindi maaari iyon, sapagkat lahat ng bagay ay pinamamahalaan at ipinatutupad ng sakdal na kautusan sa kaharian ng Diyos.”6
Bakit mawawasak ang mundo? “Simple lang, dahil kung walang nag-uugnay sa mga ama at anak—na siyang gawain para sa mga patay—itatatwa tayong lahat; ang buong gawain ng Diyos ay mabibigo at lubusang masasayang. … Ang panunumbalik ng awtoridad na ito [na magbuklod] ang lebadurang nagliligtas sa mundo mula sa lubusang pagkawasak sa pagparito ni Jesucristo.”7
Ipinauunawa sa atin ng mga batayang katotohanan ng ebanghelyo kung bakit “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”8
Nakaranas na ang ilan sa inyo ng matinding kalungkutan sa mapang-abuso o watak-watak na mga ugnayan sa pamilya. At dahil dito, maaaring may kaunti o wala kayong hangaring maugnay sa mga taong nagparamdam sa inyo ng gayong dalamhati at pagdurusa.
Makinig sana kayo: ang mga ugnayan ng walang-hanggang pamilya ay napagdurugtong lamang sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at personal na kabutihan. Anumang masasamang bagay ang nangyari sa inyong pamilya, pinatototohanan at ipinapangako ko na ang Panginoong Jesucristo ang pinagmumulan ng paghihilom, pagpapanibago, at panunumbalik na kailangan ninyo.
Maaaring magdamag kayong tumangis sa gabi ng inyong paghihirap, ngunit maaaring dumating ang kagalakan sa umaga ng inyong bagong buhay na ginawang posible ng ating Manunubos at Tagapagligtas.9
Kung Gayo’y Ano?
Sa mga pagtalakay ng mahahalagang bagay sa Korum ng Labindalawang Apostol, madalas itanong ni Pangulong Boyd K. Packer, “Kung gayo’y ano?” Naunawaan ko na ang ibig sabihin ng kanyang tanong ay, “Kaya, anong mahalagang espirituwal na kaibhan ang magagawa ng ideya, panukala, o pagkilos na ito sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan? Talaga bang pagpapalain nito ang mga pinaglilingkuran natin?” Katunayan, hinihikayat niya tayong isaalang-alang ang kahalagahan at patuloy na mga epekto ng paksang pinag-uusapan natin. Nalaman ko na malaking tulong na itanong ang “kung gayo’y ano?” sa pagtutuon ng aking isipan sa isang problema at sa pagtukoy sa mga bagay na pinakamahalaga.
Kaya, itinatanong ninyo siguro, “Brother Bednar, ano ’yong ‘kung gayo’y ano?’ sa mensahe ninyo sa amin?” Naniniwala ako na ang sagot sa tanong na iyan ay matatagpuan sa tatlong tanong ng ilan sa inyo ngayon mismo.
Nakikibahagi sa debosyonal na ito ang maraming kabataang babae at lalaki na unang-henerasyong mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nakinig at natanggap na ninyo ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, nabinyagan at nakumpirma na kayo ng may wastong awtoridad ng priesthood, at ngayo’y sumusulong na may matatag na pananampalataya kay Cristo. Bagong binyag man kayo o matagal nang miyembro, kayo ang lakas ng Simbahan at kaligtasan ng inyong pamilya sa kasalukuyan at sa hinaharap. Kayo ang unang dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon.
Ngunit itinatanong siguro ninyo sa sarili, “Bilang tanging miyembro ng Simbahan sa aking pamilya at dahil matindi ang oposisyon ng aking mga magulang, kapatid, at iba pang kapamilya, paano ako magiging matibay na dugtong?”
Habang binabasa at pinakikinggan ninyo ang mga kuwento tungkol sa mga naunang pioneer ng dispensasyong ito na dumanas ng pang-uusig, nagtiis ng hirap ng katawan, at naglakad patawid sa kapatagan upang manirahan sa Salt Lake Valley, maaaring iniisip ninyo kung magagawa ninyo ang ginawa nila. Ngunit marami sa inyo ang gumagawa na ng ginawa nila! Ang mismong likas na katangian at uri ng mga hamong kinakaharap ninyo ngayon ay maaaring kaiba sa mga pioneer, ngunit gayon pa rin ang oposisyon sa ipinanumbalik na katotohanan at mas tumitindi pa ito.
Noong Abril ng 1986, pumanaw ang pinuno ng isang tribo sa central Ghana. Tumulong sa paghahanda sa burol ang half-brother ng pinuno, si Fred Antwi, na noong isang taon ay nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang hindi alam ni Fred, nagpaplano na ang nakababatang kapatid na babae ng pinuno, ang inang reyna, na siya ang gawing bagong pinuno ng tribo.
Noong gabi bago ang libing, lihim na kinausap ng isang kapamilya si Fred at tinanong siya, “Alam mo ba kung ano ang plano ng pamilya para sa iyo?” Sumagot si Fred, “Hindi, hangga’t hindi ako sinasabihan.” Sa gayo’y sinabi ng kapamilya, “Ikaw ang magiging bagong pinuno.” Nagulat si Fred at mariing sinabi, “Hindi puwede! Hindi ako papayagan ng relihiyon ko.”
Ang maging pinuno ay isang karangalan. Ang pinuno ang boss sa buong nayon nila, at kapag nagsalita siya, susundin ng mga tao ang utos niya. Ang pinuno ay tumatanggap ng suportang pinansiyal, at anuman ang madama niyang kailangan niya ay ibinibigay sa kanya. Si Fred ay naglilingkod noon bilang branch president nang malaman niya ang posibilidad na maging pinuno siya. At talagang ayaw niyang makibahagi sa mga ritwal ng tribo na salungat sa mga alituntunin ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Babanggitin ko ngayon ang sariling sagot ni Fred sa nakakagulat na pahayag ng kanyang kapatid. “Noong gabi ring iyon, sumakay ako ng kotse at binisita ko ang isa sa mga elder ng aming tribo sa kalapit na nayon. Gusto ko siyang kausapin tungkol sa balitang nasagap ko. Ipinaliwanag niya, ‘Alam ko ang mga plano, at wala akong magagawa para tulungan kang makaiwas na maging pinuno.’”
Pagkatapos ay sinabi ni Fred, “Alam mong Kristiyano ako, at hindi ako papayagan ng aking relihiyon na maging pinuno dahil maraming kailangang gawin ang isang pinuno na hindi ko gagawin.” Sumagot ang elder ng tribo, “Kung gayon, bumalik ka sa mga pinuno mo at sabihin mo sa kanila na Kristiyano ka at hindi ka maaaring maging pinuno.” Sumagot si Fred, “Bumalik ako para ipaalam ito sa mga pinuno, pero hindi nila pinansin ang sinabi ko.”
Nagpatuloy si Fred, “Ililibing ang half-brother ko [ang dating pinuno] pagsapit ng hatinggabi, kaya sakay ako ng kotse ko sa likod ng lahat ng iba pang mga kapamilya na nakasakay sa sarili nilang sasakyan. Pagdating namin sa isang junction papunta sa libing, sa halip na kumaliwa akong kasabay ng iba, kumanan ako sa daan patungong Cape Coast at humarurot ng patakbo.”
Nang sumunod na anim na buwan, walang kontak si Fred sa mga kamag-anak. Kalaunan ay nalaman niya na kung dumalo siya sa libing, siya sana ang natawag na bagong pinuno, at malalagay siya sa gipit na sitwasyon. Kalaunan ay nalaman niya na ang pamangkin niyang lalaki, na anak ng inang reyna, ang tinawag na bagong pinuno.
Nang kumanan si Fred at magtungo sa Cape Coast, pinalakas niya ang unang dugtong sa kawing ng kanyang mga henerasyon. Matatag sa kanyang patotoo sa doktrina at mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, nagbago ang takbo ng buhay ni Fred sa mahimalang mga paraan. Sila ni Sister Antwi ang unang mga full-time missionary mula sa West Africa na inatasang maglingkod sa Ghana Temple. Sa ngayon, naglilingkod si Fred bilang counselor sa Accra Ghana Temple presidency at ang kanyang asawa bilang assistant matron.
Bilang bagong binyag sa ipinanumbalik na Simbahan ng Tagapagligtas, napagpala at napalakas si Fred upang mapaglabanan ang matinding oposisyon ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan. At masigasig na naituro nina Brother at Sister Antwi sa kanilang mga anak ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang itinatag na mga huwaran ng kabutihan sa kanilang pamilya na umaabot sa maraming henerasyon. Tulad noong magsimula ito kay Fred at sa kanyang asawa, nagsisimula rin ito sa inyo!
Sa inyo na mga unang-henerasyong miyembro ng Simbahan: nagsisimula ito sa inyo! Kayo ang mga pioneer kapwa para sa inyong mga ninuno at sa inyong mga inapo. Ang yumaong mga kapamilya na nauuna sa inyo sa kawing ng inyong mga henerasyon ay ipinagdarasal na matulungan ninyo sila, at yaong mga susunod sa inyo ay umaasa sa inyong katapatan. Tunay ngang may kapangyarihan kayong maging matitibay na dugtong. Tandaan, nagsisimula ito sa inyo. At sa tulong ng Panginoon, magagawa ninyo ito.
Maaaring itinatanong ng ilan sa inyong sarili na, “Paano ako makakaasang makalikha ng isang walang-hanggang pamilya samantalang hindi ako naging miyembro ng isang matatag na Latter-day Saint home kailanman?” Maaaring makatulong sa inyo ang ilang puna mula sa sarili kong karanasan.
Ang personal kong “mga kawing ng mga henerasyon” ay medyo kakaiba sa linya ng mga ninuno ng aking ama’t ina. Sa linya ng aking ina, ako ang ikalimang-henerasyong miyembro ng Simbahan. Ang kanyang mga ninuno ay sumapi sa Simbahan sa England at Switzerland sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik. Kaya, sa linya ng aking inay isa akong dugtong sa mahabang kawing ng matatapat na henerasyon.
Sa linya ng aking ama, ako ang unang-henerasyong miyembro ng Simbahan. Dahil hindi sumapi ang tatay ko sa Simbahan hanggang sa tumanda na siya, kami ng kapatid kong lalaki ang unang mga Bednar na tumanggap ng priesthood. Ako ang una sa aming pamilya na naglingkod bilang full-time missionary. Kaya, tulad ng marami sa inyo, ako ang unang dugtong ng ebanghelyo sa kawing ng mga henerasyon ng mga Bednar.
Ang aking ama ay isang mabuti, matapat, at masipag na tao. Mahal ko siya at natuto ako ng magagandang aral sa pagtulong sa kanya na nakatulong sa akin na maging ganito ngayon. Tinuruan ako ng aking ina na magdasal at pahalagahan ang mga banal na kasulatan. Mahal ko siya at nagpapasalamat ako sa ningas ng pananampalatayang pinag-alab niya sa akin. Gayunman, ang nakakatuwa ay hindi ko maalala na sama-sama kaming nagdasal, nag-aral ng mga banal na kasulatan, o nag-home evening bilang pamilya. Nagdasal ako at nagbasa ng Aklat ni Mormon kasama ng nanay ko, pero hindi namin ito magkakasamang ginawa kailanman bilang ama, ina, at mga anak.
Sa tulong ng Panginoon, makalilikha kayo ng walang-hanggang pamilya, kahit hindi kayo nagmula sa klase ng Latter-day Saint home na kung minsa’y itinatampok sa mga pahina ng mga magasing Liahona o Ensign. Lagi sanang alalahanin: nagsisimula ito sa inyo!
Ang katotohanan mismo na hindi ko pa naranasan ang mga huwaran ng mabuting pamilya sa tahanang kinagisnan ko ay lumikha ng matinding hangarin sa akin na masigasig kaming magtrabaho ni Susan upang matiyak na ang gayong mga huwaran ay laging maging bahagi ng tahanang sabay naming binuo. Nang sumangguni kami sa isa’t isa at humingi ng tulong sa aming mga panalangin, nagkaroon kami ng inspirasyon at napagpalang matulungan ang aming mga anak na matutuhan ang mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas. Tiyak na hindi kami perpektong mga magulang, ngunit tumanggap kami ng espirituwal na mga kaloob na kailangan namin at nakasumpong kami ng “[tulong] sa gawad ninyong lakas.”10
Hindi tayo nakakulong sa ating nakaraang mga karanasan. Hindi tayo lubos at lubusang mga biktima ng ating kasalukuyang sitwasyon o bihag ng ating kapaligiran. Ituturo sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay na dapat nating gawin, pati na ang mga huwaran ng kabutihan sa pamilya na hindi pa natin naranasan. Nagsisimula ito sa inyo. At sa tulong ng Panginoon, magagawa ninyo ito.
May ilan sa inyo na nawasak ang puso dahil hindi iginalang ng mga kapamilya o ng nirerespeto ninyong mga lider ang mga sagradong tipan sa kasal. Maitatanong ninyo sa sarili, “Kung ang mga magulang ko o ang iba pang mga mag-asawang nakilala ko ay ibinuklod sa templo at hindi nagtagumpay ang kanilang pagsasama, ano ang pag-asa ko na tatagal magpakailanman ang pagsasama namin ng asawa ko?”
Sa inyo na nakaranas ng sakit ng diborsyo sa inyong pamilya o nakadama ng pagdurusa ng nasirang tiwala, alalahanin sana na nagsisimula itong muli sa inyo! Maaaring naputol ang isang dugtong sa kawing ng inyong mga henerasyon, ngunit ang iba pang matitibay na dugtong at ang natitira sa kawing ay walang hanggan din ang kahalagahan. Maaari mong mapatibay ang iyong kawing at marahil ay maibalik pa ang naputol na mga dugtong. Magagawa iyan nang paisa-isa.
Tayo ay mga anak ng Diyos. Ayon sa walang-hanggang plano ng kaligayahan ng Ama, tayo ay pinagkalooban ng kalayaang moral at malaya tayong kumilos. Hindi tayo mga tau-tauhan lamang na pinakikilos. Tayo ay malayang pumili sa ating sarili at dapat magsumigasig na magsakatuparan ng maraming kabutihan.11
Hindi natatagpuan ang nakalulugod at maligayang pagsasama; sa halip, ito ay binubuo ng isang lalaki at babaeng tumutupad sa tipan. Natatakot ako na ang ilan sa inyo ay patuloy na naghahanap ng isang bagay na wala naman. Walang perpektong potensyal na asawa na makapangangalaga sa inyo mula sa sakit ng damdamin at espirituwal na pagdurusa. Ngunit sa lakas ng Panginoon, ang isang tapat na lalaki at babae na kumikilos para sa sarili ay makalilikha ng nakalulugod na pagsasama at walang-hanggang pamilyang inaasam at hinahangad nila.
Ang di-makasariling paglilingkod sa pagsasama ng mag-asawa ay nangangailangan ng pasensya at tiyaga sa daigdig na walang-tigil na naghihikayat ng pagkamakasarili at kasakiman. Ngunit nagsisimula ito sa inyo kapag kayo ay kumilos at sumulong nang may pananampalataya sa Tagapagligtas, patuloy na naghangad ng tulong ng langit, at matwid na ginamit ang inyong kalayaang pumili. Magagawa ninyo ito sa tulong ng Panginoon.
Mga Pangako, Pagpapala, at Patotoo
Mahal kong mga kapatid, buong kaluluwa kong isinasamo na maging matibay na dugtong kayo sa kawing ng inyong mga henerasyon.
Ang pagiging matibay na dugtong ay nagsisimula sa inyong paggawa ng mga simpleng bagay na ginawa nina Brother at Sister Call para igalang ang mga sagradong tipan at ituro sa kanilang mga anak na ipamuhay at mahalin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang pagiging matibay na dugtong ay nagsisimula sa inyong pagiging matapang at pagsampalataya sa Tagapagligtas na kumanan, tulad ng ginawa ni Brother Antwi.
Ang pagiging matibay na dugtong ay nagsisimula sa inyong pagtitiwala sa Espiritu Santo na ituturo sa inyo ang lahat ng bagay at tatanglawan ang inyong landas, kahit hindi ninyo alam sa simula kung saan kayo dapat pumunta at ano ang dapat ninyong gawin.
Ang pagiging matibay na dugtong ay nagsisimula sa inyong masigasig at magiting na pagtataboy sa kadiliman mula sa inyo12 at katatagan laban sa mapanuksong mga kasamaan ng mga huling araw.
Iniiwan ko sa inyo bilang apostol ang isang basbas, na nawa’y maunawaan ninyo nang mas lubusan sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ang kahalagahan ninyo sa kawing ng mga henerasyon. Alam ko na kayo ay pagpapalain at palalakasin kapag nagsikap kayong maging matibay na dugtong. At ipinapangako ko na sa tulong ng Panginoon ay magagawa ninyo ito!
Masaya kong pinatototohanan na si Jesucristo ang Buhay na Anak ng Buhay na Diyos. Alam ko na Siya ay buhay, na Siya ay nagbangon, at na kilala Niya tayo at mahal Niya ang bawat isa sa atin. Pinatototohanan ko na ang awtoridad at mga susi ng priesthood na magbuklod sa lupa at sa langit ay naipanumbalik sa lupa sa mga huling araw na ito. At alam ko na kapag sinunod natin ang walang-hanggang plano ng Ama, masaya tayo sa buhay na ito, at maaaring magkasama-sama ang ating pamilya magpakailanman. Ito ang aking patotoo at pagsaksi sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 6/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 6/17. Pagsasalin ng “A Welding Link.” Tagalog. PD60004410 893