Ang Pakikipagsapalaran sa Mortalidad
Isang Gabi Kasama si Elder Dieter F. Uchtdorf
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult• Enero 14, 2018 • Conference Center
Mahal kong mga kaibigang kabataan, mahal kong mga kapatid, hatid ko sa inyo ang pagmamahal at basbas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Lagi kong naalala si Pangulong Thomas S. Monson Siya ang aking minamahal na kaibigan, aking guro, at tagapayo. Ngunit tinitiyak ko sa inyo na ang Panginoon mismo ang namumuno sa Simbahang ito, sa Kanyang Simbahan, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagbigay ang Panginoon ng banal na plano upang ang Kanyang Simbahan ay laging mapamunuan ng mga propeta, tagakita, at mga tagapaghayag.
Lagi namin kayong naiisip. Ipinagdarasal namin kayo, mahal namin kayo at hinahangan kayo.
Ang pandaigdigang kaganapan na maglingkod at magbahagi na nauna sa pulong na ito ay halimbawa lamang ng inyong kabutihan. Libu-libo sa inyo ang nakilahok sa mga pambihirang paraan, mula sa pagtulong sa mga nalulungkot, sa pagpapasaya sa iba pamamagitan ng awit. Nakatadhana na ipamahagi ninyo ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng social media at sa iba pang paraan at sa iyong personal na halimbawa. Salamat sa pagpapakita ninyo ng kahandaang sundin ang Diyos at ang inyong kapwa.
Nagagalak akong makasama kayo ngayon at madama ang inyong kahanga-hangang espiritu, lakas, at liksi. Masayang masaya ako na nagkaroon tayo ng pagkakataong mapakinggan ang aking asawa. Tunay na si Harriet ang liwanag ng buhay ko. Yaong mga kilala siya, ay mahal siya. Siya ang klase ng tao na mas pinabubuti at pinasasaya ang mga nasa paligid niya. Tinitiyak ko na gayon din ang impluwensya niya sa akin.
Katatapos lang naming ipagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng aming kasal. Kapag tinitingnan namin ang aming dalawang anak at kanilang asawa, anim na apo kasama ang kanilang pamilya, at tatlong kaapu-apuhan, namamangha kami sa kadakilaan ng pakikipagsapalarang ito sa aming buhay.
Ang Panahon ng mga Madaliang Sagot
May naisip akong isang nakatutuwang ideya habang iniisip ko ang sasabihin sa inyo ngayon. Oo, totoo, halos hindi ko na makita sa salamin ang itsura ko noong ako ay nasa edad 18 hanggang 30 pa lang, ngunit sa kabila ng aking katandaan, bata pa rin ang pakiramdam ko. Katunayan, itinuturing ng karamihan sa aming mas matatanda na mga bata din kami na matagal na nga lang nabubuhay sa mundo.
Ang mas matatandang henerasyon ay mas maraming pagkakatulad sa inyong henerasyon kaysa inaakala ninyo. Naniniwala ako na ang pagkakaiba sa edad ng mga anak ng Ama sa Langit, anuman ang edad nila, ay hindi gaanong malaki kumpara sa mga pagkakatulad. Halimbawa, marami sa inyo ang nagtatanong ng tungkol sa Diyos at sa inyong sarili—malalim, mga panguhaning tanong na itinatanong din ng mas matatanda sa inyo:
“Talaga bang mayroong Diyos? Nagmamalasakit ba Siya?”
“Nasa tamang landas ba ako?”
“Bakit kung minsan pakiramdam ko wala akong kabuluhan, nalulumbay, nakakaligtaan, o nalulungkot?”
“Bakit hindi iniimpluwensyahan ng Diyos ang buhay ko?
“Bakit hindi Niya sinagot ang isang dalangin ko?”
“Bakit hinayaan Niyang danasin ko ang kalungkutan, karamdaman, o trahedyang ito?”
Maaaring napakahirap sagutin ang mga tanong na ito.
Sa panahong ito ng madaliang mga sagot—kung saan ang tila lubos at hindi mapag-aalinlangang kaalaman ay madali lang palang mahanap sa internet—kung minsa’y naiinis tayo kapag natatagalan ang mga sagot sa ating pinakapersonal, mahalaga, at apurahang mga tanong. Nagsusumamo tayo sa langit at tila ang napapala lang natin ay isang nakaiinis, umiikot na “wait cursor.”
Ayaw nating maghintay.
Kapag mas matagal tayong naghihintay na lumabas ang hinahanap natin sa internet, mas inaakala natin na wala o sira ang koneksyon Sa ating pagkayamot, baka hindi na natin ituloy ang paghahanap. Ngunit kapag mga tanong na pangwalang-hanggan na ang hinahanapan natin ng sagot, dapat matiyaga tayo.
Hindi lahat ng sagot ay magkakapareho ang halaga. Ang mga sagot na galing sa makamundong isipan o mula sa opinyon na gusto ng karamihan ay madaling dumating, ngunit madali ring mawalan ng kabuluhan sa sandaling may bago na namang teoriya o uso na lilitaw. Ang mga sagot ng langit—mga sagot na pang-walang hanggan—ay walang kapantay. Para matanggap ang mga sagot na ito, kadalasa’y nangangailangan ito ng sakripisyo, pagsisikap, at tiyaga.
Ang mga sagot na ito ay nararapat hintayin.
Ang layunin ko ngayon ay ibahagi sa inyo ang aking tiyak na patotoo na kilala kayo ng Ama sa Langit, naririnig Niya kayo, at hinding-hindi Niya kayo pababayaan. Kapag ibinaling ninyo ang inyong puso sa Kanya at nagsikap kayong sundan ang Kanyang yapak, iimpluwensyahan Niya ang inyong buhay at itutuwid ang inyong landas habang naglalakbay kayo sa malaking pakikipagsapalarang ito sa mortalidad.
Pag-uugnay ng mga Pangyayari
Narito ang ideya ng isa sa mga dakilang innovator ng ating panahon, si Steve Jobs ng Apple: “Hindi ninyo mauunawaan ang mga mangyayari sa inyo sa hinaharap,” sabi niya. “Magkakaroon lamang ng katuturan ito matapos itong mangyari kapag ginunita ninyo ito. Kaya kailangan ninyong magtiwala na kahit paano’y magkakaroon ng katuturan ang mga nangyayari sa inyo sa hinaharap.”1
Ano ang ibig niyang sabihin diyan? Marahil makatutulong na ilarawan ito. Noong mga huling taon ng ika-19 na siglo, nagsimulang magpinta sina Georges Seurat at Paul Signac gamit ang isang bagong estilo na kikilalaning neo-impressionism. Ang kanilang pamamaraan ay binubuo ng paglalagay ng mga tuldok sa mga canvas gamit ang maliliit na batik-batik na kulay. Sa malapitan, makikita ninyo ang mga tuldok na maaaring mukhang hindi dikit-dikit at hindi planado. Ngunit kapag tiningnan ninyo ang buong larawan, makikita ninyo kung paano naghahalo ang mga kulay ng mga tuldok at kung paano bumubuo ng mga hugis ang mga kulay kalaunan na nagpapakita ng isang magandang larawan. Ang dating tila walang direksyon at nakalilito ay nagkakaroon na ng katuturan. Kung minsan ang ating buhay ay parang neo-impressionistic art. Ang de-kolor na mga tuldok na bumubuo sa mga kaganapan ng ating buhay ay maaaring mukhang hindi magkakakonekta at magulo sa minsan. Wala tayong nakikitang kaayusan dito. Hindi natin maisip kung may layunin pa nga ito.
Gayunman, kapag itinuon natin ang ating pananaw sa kawalang-hanggan, kapag tiningnan natin ang ating buhay batay sa ebanghelyo ni Jesucristo, makikita natin kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari sa ating buhay. Hindi man natin nakikita ang buong larawan sa ngayon, ngunit sapat ang makikita natin para magtiwala na isa itong napakagandang disenyo. At kapag sinikap nating magtiwala sa Diyos at sumunod sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, makikita natin balang araw ang natapos na disenyo, at malalaman na ang mismong kamay ng Diyos ang umaakay at gumagabay sa ating mga hakbang.
Malalaman natin na noon pa man ay may plano na ang Dalubhasang Pintor para sa mga pangyayaring iyon sa ating buhay. Makikita natin na dinagdagan Niya ang ating mga talento, naghanda ng mga pagkakataon, at ipinaalam sa atin ang mga posibilidad na mas maluwalhati kaysa maiisip o magagawa nating mag-isa.
Nakita ko na ito mismo sa sarili kong buhay.
Ang Aking Pakikipagsapalaran sa Mortalidad
Marami sa inyo ang nakakaalam na noong batang-bata pa ako, dalawang beses sapilitang pinaalis ang pamilya ko sa aming tahanan. Sa dalawang okasyong ito, naging malinaw na ang tingin sa amin ng mga nakapaligid sa amin ay “nakabababa” kami kaysa iba. Para sa mga batang kaedad ko, hindi nila ako katulad dahil sa aking punto, at kinutya at pinagtawanan nila ako dahil dito
Sinikap ng aming magulang na itaguyod ang pamilya. Nagsimula ng laundry business ang aking ina at, gamit ang aking bisikleta at kariton, ako naman ang nagsilbing “home delivery specialist” sa negosyong iyon pagkagaling sa eskwela.
Ang hirap at pagod na dulot ng pabagu-bagong tirahan ang naging dahilan para mapag-iwanan ako sa aking pag-aaral at masayang ang isang buong taon.
Sa East Germany, noong bata pa ako, natuto ako ng Russian bilang pangalawang wika. Mahirap, pero kinaya ko. Ngayon sa West Germany, kinailangan kong matuto ng Ingles.
Imposible iyon para sa akin! Pakiramdam ko hindi talaga para sa wikang Ingles ang buka ng bibig ko.
Noong tinedyer ako, nagka-crush ako sa pinakamagandang babaeng may maganda at malaking brown na mga mata. Sa kasamaang-palad, tila hindi interesado si Harriet sa akin. Anuman ang gawin ko, tila hindi ako magkaroon ng pagkakataon. Narinig naman ninyo ang kanyang panig.
Kaya, hayun ako, isang medyo walang halaga at nagpupunyaging binata na nabubuhay pagkaraan ng digmaan sa Germany at tila wala man lang tyansang magtagumpay.
Gayunman, may dalawang bagay na nakabuti sa akin.
Sigurado ako na mahal ako ng aking pamilya. Sa eskuwela at sa simbahan may mga gurong naghikayat sa akin na laging taasan ang aking mga mithiin. Naaalala ko pa nang ituro ng isang Amerikanong missionary ang konsepto na “kung ang Dios ay kakampi [mo], sino ang laban sa [iyo]?”2
May isang bagay tungkol dito na nagbigay sa akin ng napakagandang ideya. At kung gayon nga, naisip ko, bakit ako mangangamba?
Kaya, naniwala ako. At nagtiwala sa Diyos.
Noon ay nasa isang apprenticeship program ako. Isa sa mga guro ko ang naghikayat sa akin na galingan ko pa at mag-aral ako ng mechanical engineering sa gabi. Kinailangan nito ng dagdag na pagsisikap, ngunit dahil dito ay natuklasan ko na mahilig pala ako sa pagpapalipad ng eroplano! Kinabahan ako nang malaman ko na para maging piloto kailangan kong matuto ng Ingles. Pero gusto kong maging piloto, at halos mahimalang nagbago ang buka ng bibig ko, at hindi na imposible sa akin na matutong magsalita ng Ingles.
Dahil sa bagong motibasyon, nahikayat akong muli na magpakasipag, at sa pagtitiwala sa Ama sa Langit, paunti-unti akong nagkaroon ng tiwala na magagawa ko iyon.
Syempre, hindi ibig sabihin niyan na palaging mangyayari ang mga bagay nang walang problema.
Noong 19-na-taong-gulang ako nagpunta ako sa San Antonio, Texas, para simulan ang pilot training ko sa Air Force. Sa eroplano, naupo ako sa tabi ng isang lalaking matigas ang puntong Texan. Natuklasan ko na ang wikang pinagsisikapan kong matutuhan ay talagang hindi katulad ng Ingles na sinasalita nila sa Texas!
Sa pilot training school, mahirap din ang mga bagay-bagay. Matindi ang kumpetisyon sa kursong iyon dahil lahat ay gustong manguna sa magsisipagtapos. Agad kong natanto na mahihirapan akong magtagumpay dahil karamihan sa mga kaklase ko ay katutubong Ingles ang wika.
Binalaan ako ng mga flight instructor ko sa isa pang maaaring makasira sa pag-aaral ko—ang palaging pagpunta sa simbahan. Masaya akong tinanggap ng mga miyembro roon sa kanilang branch at tahanan, at magkakasama pa kaming nagtayo ng kapilya sa Big Spring. Nag-aalala ang aking mga guro na baka makasira ang mga aktibidad na ito sa pagkakataon kong makakuha ng mataas na marka. Palagay ko naman ay hindi. Kaya nagtiwala akong muli sa Diyos at ginawa ko ang lahat.
Kalaunan, natuto ako ng Ingles (bagama’t hanggang ngayon pinag-aaralan ko pa rin ito). Nakumpleto ko ang training ko (nanguna ako sa klase). Naging fighter pilot ako at kalaunan ay airline captain. At ang magandang babaeng iyon na kulay-brown ang mga mata at pangarap kong mapangasawa? Kasama ko siya rito mismo.
Paggawa ng Maliliit na Bagay nang Perpekto
May aral ba rito? Palagay ko napakarami!
Isa na marahil ito: Huwag mag-alala nang labis sa malalaki at mahihirap na gawain sa buhay. Kung nangako kayong gawin ang “madadaling” bagay—ang “maliliit” na bagay na ipinagagawa sa inyo ng Diyos—at gagawin ito nang perpekto hanggang kaya ninyo, susunod na ang malalaking bagay.
Ang ilan sa “maliliit at madadaling” bagay na perpekto ninyong magagawa ay ang araw-araw na pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa Word of Wisdom, pagsisimba, pagdarasal nang may tunay na layunin, at pagbabayad ng ikapu at mga handog.
Gawin ang mga bagay na ito kahit sa mga pagkakataong ayaw ninyong gawin ang mga ito. Kung titingnan parang maliit lamang ang “mga sakripisyo” na ito, ngunit mahalaga ang mga ito, sapagka’t “biyaya’y bunga ng pagpapakasakit.”3
Sa madaling salita, ang “maliliit at simpleng” mga sakripisyo ninyo ay ang mga tuldok ng araw-araw na pamumuhay na bumubuo ng isang obra-mastra ng inyong buhay. Maaaring hindi pa ninyo makita ang pagkakaugnay ng mga pangyayari sa ngayon, dahil hindi pa naman ninyo kailangan. Magkaroon lang ng sapat na pananampalataya sa kasalukuyan. Magtiwala sa Diyos, at “mula sa maliliit na bagay [ay magmumula] ang yaong dakila.4
Magtiwala sa Diyos
Ngayon, iniisip ninyo siguro, “Oo, Elder Uchtdorf, napakadali niyan para sa iyo. Pero isa kang Apostol. Hindi ako ganoon. Hindi ako napapansin ng Diyos. Hindi nasasagot ang mga panalangin ko. Walang direksyon ang buhay ko. Kung may plano man para sa akin kakarampot lang iyon kumpara para sa iyo. Tira-tira lang ang planong iyon. Isang planong ibinigay para lang ipaalam na inaalala ka ng Diyos at dapat kang makuntento sa anumang mayroon ka.”
Mahal kong mga kaibigan, tandaan ang sinabi ni Steve Jobs: “Hindi ninyo mauunawaan ang mga mangyayari sa inyo sa hinaharap; magkakaroon lamang ng katuturan ito matapos itong mangyari kapag ginunita ninyo ito.”
Noong kaedad ninyo ako hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga hakbang ko. Wala akong nakita na anumang pagkakaugnay sa mga nangyayari sa akin.
Ngunit nagtiwala ako sa Diyos. Nakinig sa payo ng mapagmahal na pamilya at matatalinong kaibigan, at gumawa ng maliliit na hakbang nang may pananampalataya, naniniwala na kung gagawin ko ang lahat sa sandaling iyon, ang Diyos na ang bahala sa lahat.
Ginawa nga niya.
Alam Niya ang katapusan sa simula pa lang samantalang ako ay hindi.
Hindi ko makita ang hinaharap, pero nakikita Niya.
Kahit sa mga oras ng paghihirap nang akalain ko na ako’y nag-iisa, pinabayaan, at nanghihina, kasama ko Siya—nauunawaan ko na iyan ngayon.
Sa Mga Kawikaan, makikita natin ang magandang pangakong ito: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”5
Tiyak ang pangakong ito at walang question mark sa dulo ng talatang iyon.
Hindi, dapat pa nga siguro may exclamation point!
Kaya kailangan ninyong itanong sa inyong sarili, “Magkakaroon ba ako ng sapat na pananampalataya na manalig sa Diyos? Handa ba akong magtiwala na mahal Niya ako at nais akong patnubayan sa aking landas?”
Sa katunayan, baka OK lang kayo kung kayong mag-isa. Ngunit hinihikayat ko kayong maniwala na talagang mas gaganda ang inyong buhay kung aasa kayo sa Diyos na gabayan ang inyong mga hakbang. Alam Niya ang mga bagay na imposible ninyong malaman, at inihanda Niya para sa inyo ang isang hinaharap na hindi ninyo sukat akalain. Pinatotohanan ng dakilang si Apostol Pablo, “Walang matang nakakita, ni taingang nakarinig, ni isipang nakaisip sa naihanda ng Diyos para sa mga taong nagmamahal sa kanya”6
Gusto ba ninyong gabayan kayo, pagpalain kayo, at alalayan kayo ng inyong Ama sa Langit?
Kung gayo’y maniwala.
Mahalin Siya.
Buong puso ninyo Siyang hanapin.
Lumakad sa Kanyang mga daan—na ibig sabihin, sundin ang mga kautusan, igalang ang inyong mga tipan, sundin ang mga turo ng mga propeta, at pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu.
Gawin ito at kayo ay “daragdagan ng Panginoon nang makalibong beses at pagpapalain kayo tulad ng ipinangako niya sa inyo!”7
Mananagot Tayo sa Diyos
Nauunawaan ko na para sa ilan maaaring tila madali itong sabihin at mahirap gawin. Sumasang-ayon ako na hindi ninyo kailangang lumayo sa kultura ngayon para marinig ang magkakasalungat na tinig na nagpapahina o tinutuya pa ang pananalig sa Diyos, at lalo na ang ating relihiyon.
Ang mga tinig na iyon ay napalalakas pa sa ating panahon dahil sa hindi mapantayang pag-unlad sa komunikasyon.
Iyan ang hamon sa inyo. Ngunit pribilehiyo rin ninyo.
Tiwala ako na makahahanap kayo ng paraan na harapin ito sa pamamaraan ng Panginoon!
Bahagi iyan ng inyong pakikipagsapalaran sa mortalidad. Ang pamamaraan ninyo ay makaiimpluwensya nang malaki sa inyong kinabukasan at sa papel na inyong ginagampanan sa gawain ng Diyos dito sa lupa.
Gayunpaman, hindi naiiba ang inyong nararanasan sa buhay. Hindi lang kayo ang henerasyon na dumanas ng pagsubok at pangungutya dahil sa pananampalataya sa Diyos. Sa katunayan, tila bahagi na ito ng pagsubok sa mundo ng lahat ng anak ng Diyos.
“Kung kayo’y taga sanglibutan” sabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarilI: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.”8
Makabubuting tanggapin ninyo ang posibilidad na sa sandaling mangako kayo na susundin ang Tagapagligtas, ang mga taong nasa malaki at maluwang na gusali ay hindi sasang-ayon—nang hayagan pa kung minsan.9 Maaaring tangkain nilang pagmalupitan kayo at ipahiya.
Ngunit tandaan na hindi kayo mananagot sa kanila. Mananagot kayo sa Diyos. Balang araw tatayo kayo sa Kanyang harapan at mag-uulat ng inyong buhay.
Itatanong Niya kung ano ang ginawa ninyo upang hindi madaig sa mga tukso ng mundo at tumahak sa matwid na landas. Itatanong Niya kung sinunod ninyo ang Tagapagligtas, kung minahal ninyo ang inyong kapwa, kung nagsikap kayong manatili sa landas ng pagkadisipulo.
Mahal kong mga kaibigang kabataan, kapatid, kailangan ninyong pumili. Hindi kayo puwedeng tumanggap ng mga dakilang pagpapala ng pagkadisipulo hangga’t patuloy kayong nagsisimba sa Babylon First Ward. Mahal kong mga kapatid, ngayon na ang panahon para maging matapat kay Cristo at sundan ang Kanyang landas.
Balang araw lahat ng mga anak ng Diyos ay malalaman ang tama—kabilang na ang mga nangungutya sa katotohanan. Sila ay ay luluhod at magpapahayag na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos, at ang Banal ng Israel.10 Malalaman nila na Siya ay namatay para sa kanila
Sa araw na iyon malalaman na Siya lamang ang tinig na talagang mahalaga.
Sa sandaling iyan, walang alinlangang malalaman ninyo kung gaano kayo pinagpala dahil patuloy kayong nanalig, sumunod sa mga utos ng Diyos, pinaglingkuran ang inyong kapwa, at itinayo ang kaharian ng Diyos dito sa mundo. Minamahal kong mga kaibigan, maniwala—at ang Diyos ay sasainyo. Ilapit ang inyong puso sa Kanya—at gagabayan Niya kayo habang nilalakbay ninyo ang malaking pakikipagsapalarang ito sa mortalidad.
Hindi Mahalaga
Ngayon, sa sinasabi natin na hayaang ang Diyos na ang gumabay sa ating buhay, may gusto akong ipaliwanag. Maaaring hindi ninyo gusto ang sasabihin ko sa inyo. Kapag itinanong ninyo sa Diyos kung ano ang dapat na maging desisyon ninyo sa buhay—pati na ang mahahalagang desisyon—maaaring hindi Niya kayo bigyan ng malinaw na sagot. Ang totoo ay dahil kung minsan hindi mahalaga sa Panginoon kung ano ang pipiliin ninyo, hangga’t nananatili kayong tapat sa mga pangunahing tipan at alituntunin ng ebanghelyo
Sa maraming pagkakataon, ang mga desisyong ginawa ninyo ay maaaring hindi kasing halaga ng gagawin ninyo matapos kayong magdesisyon.
Halimbawa, maaaring piliing magpakasal ng dalawang tao kahit para sa kanilang pamilya ay hindi sila perpekto sa isa’t isa. Gayunpaman, malaki ang pag-asang nakikita ko para sa mga mag-asawa, na matapos makapagpasiya, ay nanatiling lubos na tapat sa isa ‘t isa at sa Panginoon nang buong katapatan. Dahil pinakitunguhan nila ang isa’t isa nang may pagmamahal at kabutihan at pinagtuunan ang emosyonal, espirituwal, at temporal na pangangailangan ng isa’t isa—sa patuloy na paggawa ng “maliliit” na bagay—sila ay naging perpektong mag-asawa.
Kabaligtaran nito, ang mag-asawa na iniisip na napili nila ang “perpektong” tao para sa kanila at inaakala na nagawa na nila ang mahirap na bahagi. Kung ihihinto na nila ang pagsusuyuan at hindi na mag-uusap nang sarilinan, at mamumuhay na sarili lamang ang iniisip—ang mag-asawang ito ay naglalakbay sa landas na mas malamang na humantong sa pagdurusa at panghihinayang.
Ganyan din ang nangyayari sa pagpili ng trabaho. Malaki ang pag-asang nakikita ko sa mga pumipili ng trabahong hindi gaanong prestihiyoso ngunit ginawa ang lahat ng makakaya upang maging kawili-wili at makabuluhan ang kanilang trabaho.
Hindi malaki ang pag-asang nakikita ko sa mga pinipili ang tila napakagandang trabaho ngunit sa katagalan ay nawalan ng siglang kailangan para maging matagumpay. Sa katunayan, ang makaangkop na mabuti sa mga pagbabago sa trabaho ang isa mga pangunahing katangian na dapat taglayin ng inyong henerasyon upang makayanan nila ang hinaharap.
Kaya ano ang nais ng Panginoon na gawin ninyo kapag nahaharap sa malalaking desisyon?
Ang Kanyang mga tagubilin kina Oliver Cowdery at Joseph ay napakalaking tulong sa akin. Sinabi sa kanila ng Panginoon, “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama.”11
Binigyan kayo ng Ama sa Langit ng utak at puso. Kung magtitiwala kayo sa Kanya, tutulungan Niya kayo na parehong magamit ito sa inyong pagpapasiya.
Karamihan sa maraming desisyon na gagawin ninyo ay maraming magandang opsyon na pagpipilian. Nang nangyari ito kay Joseph at sa kanyang mga kasama, ginamit ng Panginoon ang magandang pariralang ito nang hingin nila ang Kanyang patnubay. Ang pariralang iyan ay, “Hindi ito mahalaga.”12
Ngunit kaagad ipinayo ng Panginoon, “Maging matapat lamang.”13
Ang dapat ninyong gawin ay magpasiyang mabuti batay sa impormasyong nasa inyo, at nakaayon sa mga pinahahalagahan at alituntunin ng ebanghelyo. Pagkatapos ay pagsikapang magtagumpay sa mga bagay na ginagawa ninyo—at maging matapat
Gawin ninyo iyan at magkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari.
Marahil nakakalungkot marinig na hindi kailangang ibigay sa inyo ng Diyos ang detalyadong gagawin sa paglalakbay sa buhay Ngunit gusto ba ninyo na sinasabihan ng gagawin sa bawat detalye ng inyong buhay?
Gusto ba ninyong mabigyan ng isang tao ng cheat codes sa buhay bago ninyo malaman kung ano ang tama? Anong uri ng pakikipagsapalaran iyan?
Mahal kong mga kaibigan, isang beses lamang ninyong dadanasin ang pakikipagsapalarang ito sa mortalidad. Hindi ba’t kapag sinabi na sa inyo ang mga gagawin at ang mga sagot sa mga tanong ninyo sa buhay, nawawala ang masayang pakiramdam na may nagawa kayo at ang dagdag na kumpiyansa 14 sa Panginoon at sa inyong sarili?
Dahil binigyan kayo ng Diyos ng kalayaang pumili, marami kayong mapagpipilian at matagumpay pa rin kayong makakapamuhay. Walang limitasyon ang mortalidad na ito, gumawa kayo ng sariling kuwento ng pakikipagsapalaran. Nasa inyo ang mga kautusan, ang mga tipan, ang magandang payo ng propeta, at nasa inyo ang kaloob na Espiritu Santo. Sapat-sapat na iyan para lumigaya kayo sa mundo at sa kawalang-hanggan. Sa kabila niyan, huwag malungkot kung nakagawa kayo ng desisyon na hindi gaanong perpekto Sa ganyang paraan kayo matututo. Bahagi iyan ng pakikipagsapalaran!
Walang pakikipagsapalaran ang nagawa nang walang hirap mula sa simula hanggang matapos, ngunit kung kayo ay matapat, makatitiyak kayo ng magandang wakas. Isipin ang nangyari kay Jose ng Egipto. Sa maraming paraan, pulos kapahamakan ang buhay niya. Ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid upang ipaalipin. Nabilanggo sa kasalanang hindi niya ginawa. Sa kabila ng kalunus-lunos na mga ipinaranas sa kanya, nanampalataya pa rin siya. Nagtiwala siya sa Diyos. Naipakita niya ang magagandang katangian niya dahil dito. Sa paglipas ng mga taon—kahit tila nakalimutan at napabayaan na si Jose—patuloy siyang naniwala. Patuloy na ibinaling ni Jose ang kanyang puso sa Diyos. At ipinakita ng Diyos na magagawa Niyang positibo ang mga negatibo.15
Ngayon, mga 4,000 libong taon na ang nakalipas, inspirasyon pa rin sa atin ang kuwento ni Jose.
Maaaring hindi kasing dula ng kay Jose ang kuwento ninyo, ngunit may tagumpay at kabiguan din ito. Kaya, tandaan ninyo ang halimbawa ni Jose: Manatiling matapat. Maniwala. Maging totoo. Huwag sumama ang loob. Huwag mang-api. Mahalin ang Diyos, mahalin ang inyong kapwa. Magtiwala sa Diyos, kahit tila wala ng pag-asa.
Maaaring hindi pa ninyo makita sa ngayon, ngunit balang araw aalalahanin ninyo ang nakaraan at malalamang tunay ngang pinatnubayan at ginabayan ng Panginoon ang inyong landas.
Nagkaugnay-ugnay nga ang mga pangyayari.
Limang Bagay na Dapat Tandaan
Kaya, ano ang inaasahan kong maaalala ninyo mula sa oras na nagkasama tayo ngayon?
Una, malaman na ang mga sagot sa inyo ng Diyos ay maaaring kailangan pa ng kaunting panahon at darating sa paraang hindi ninyo inaasahan. Ang mga sagot ng Diyos ay walang hanggan ang kahalagahan. Ang mga ito ay nararapat hintayin.
Pangalawa, manampalataya. Ibaling ang inyong mga puso sa Diyos. Maniwalang mahalaga kayo sa Diyos, at magtiwala na may magagawa sa inyo ang Diyos nang higit sa magagawa ninyo sa inyong sarili Matuto sa Kanya. Mahalin Siya. Maniwala sa Kanya. Kausapin Siya lagi, nang mabuti. Pakinggan ang Kanyang tinig.
Pangatlo, lumakad sa abot ng inyong makakaya sa landas ng pagkadisipulo. Huwag panghinaan ng loob. Gawin lamang ang maliliit na bagay nang perpekto hanggang sa makakaya ninyo, at sa huli, ang malalaking bagay ay mailalagay sa ayos.
Pang-apat, huwag hayaang ilihis kayo ng mga tinig na nagpapahina ng loob mula sa inyong landas ng pananampalataya. Tandaan, hindi kayo mananagot sa mga kritiko. Mananagot kayo sa inyong Ama sa Langit Mahalaga ang Kanyang mga pamantayan.
Sundin ang inspirasyong nagmumula sa inyong puso’t isipan. Buong pagsisikap na tapusin ang gawain. Manampalataya, at ilalaan ng Diyos ang inyong taimtim na pagsisikap para sa inyong kapakanan nang walang hanggan.16
Gawin ninyo ito, at sa huli, magiging maayos ang lahat.
Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas sa araw na ito, sa pagsisimula ng bagong taon na ito, upang sa tapat ninyong pagsisikap na makilala ang inyong Diyos, ay lumakas ang pananampalataya ninyo. Habang hinahangad ninyong sundin ang inyong Tagapagligtas, lalaki ang inyong tiwala.17 At habang lumalakad kayo sa kabanalan at binubuksan ang inyong mga puso sa Liwanag ni Cristo titibay ang pagmamahal ninyo sa Diyos at mapadadalisay ang pagmamahal ninyo sa inyong kapwa.
At lahat ng ito ay magbibigay sa inyo ng galak.
Magdudulot sa inyo ng kapayapaan.
Balang araw, magbibigay ito sa inyo ng walang hanggang kaluwalhatian.
Sa araw na iyon, maaalala ninyo ang nakatutuwa at nakasasabik ba paglalakbay sa mortalidad, at kayo’y makauunawa. Makikita ninyo na nagkaugnay-ugnay nga ang mga pangyayari at nakabuo ng isang magandang larawan, higit na dakila sa inyong inakala. Sa hindi masambit na pasasalamat makikita ninyo na ang Diyos Mismo, sa Kanyang saganang pagmamahal, biyaya, at habag, ay laging nariyan para bantayan kayo, pagpalain kayo, at gabayan ang inyong mga hakbang habang lumalakad kayo patungo sa Kanya.
Tungkol dito ay nagpapatotoo ako at binabasbasan ko kayo bilang Apostol ng Panginoon, sa sagradong pangalan ng ating Guro, sa pangalan ng ating Manunubos at Tagapagligtas, na si Jesucristo, amen.
© 2018 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 9/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 9/17. Pagsasalin ng “The Adventure of Mortality.” Tagalog. PD60005037 893