Kayo ay mga Lider
Isang Gabi Kasama si Elder Dieter F. Uchtdorf
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult• Enero 14, 2018 • Conference Center
Mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan!
Ang ganda ninyong pagmasdan. Ang gaganda ninyo. Kahanga-hanga kayo. Wow! Sana’y makayap ko kayo, isa-isa.
Itong nakaraang linggo ay panahon ng lungkot at pasasalamat. Mahal ko si Pangulong Monson. Mangungulila ako sa kanya. Gayunman, sigurado ako na masaya siyang kapiling muli si Frances, ang kanyang walang hanggang kabiyak.
Ikinalulugod kong makasama kayo ngayon. Gusto ko ring kasama ako rito ng paborito kong Apostol. Alam ko, hindi tayo dapat magkaroon ng mga paborito. Pero sa kaso ko, OK lang kasi asawa ko siya.
Katatapos lang naming magdiwang ng ika-55 anibersaryo namin, at hanggang ngayon ay nagmamahalan pa rin kami!
Ito ay bunga ng ebanghelyo! Sa pagtanggap namin ng mga mensahe ng pagmamahal at pagbati mula sa aming mga apo at mga apo-sa-tuhod, batid naming napakahalaga ng mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan at ng ebanghelyo.
Sa inyong mga wala pang asawa, diborsiyado, o may hamong kinakaharap sa pamilya, alam ito ng Diyos at mahal Niya kayo, at kapag tapat kayo sa inyong mga tipan, hindi ipagkakait sa inyo ang galak ng pagkakaroon ng pamilya. Hindi ko alam kung paano ito mangyayari, ngunit alam ko na ang awa, at pag-ibig ng Panginoon, ay sapat para sa ating lahat. Gagawin Niya ito ayon sa Kanyang paraan at Kanyang panahon.
Lumaki kami ni Dieter sa iisang branch sa Frankfurt, Germany. Alam kong crush niya ako noon, pero hindi naman ako interesado sa kanya. Mabait siya, at magkaibigan kami. Natuto kaming sumayaw sa mga aktibidad sa Simbahan. Panahon noon ng foxtrot, boogie-woogie, at rock and roll.
Nang sumali siya sa Air Force para maging fighter pilot, hindi ko siya nakita nang halos dalawang taon. Sa totoo lang, nang umuwi siya sa Frankfurt, hindi masyadong maganda ang impresyon ko sa kanya. Medyo kamukha na niya ang mga lalaki sa pelikulang Top Gun.
Pero nang kausapin niya ako, bahagya akong humanga; halatang nag-mature na siya sa dalawang taong iyon. Alam niya ang gusto niyang gawin sa buhay, at malakas ang paniniwala niya sa ebanghelyo.
Determinado at malikhain siya sa panliligaw, at makaraan ang ilang buwan ikinasal kami at nabago ang pangalan ko mula Reich ay naging Uchtdorf. Hindi ko pinagsisihan na binigyan ko siya ng pagkakataon pagkatapos ng una kong impresyon sa kanya.
Si Dieter ang pinakamamahal ko sa buhay at ang ama ng aming mga anak at lolo ng aming mga apo.
At alam ninyo, mahilig pa rin kaming sumayaw—maging hanggang ngayon.
Ibabalik ko kayo sa panahong 12 taong gulang pa lamang ako. Malungkot na panahon iyon sa aking buhay. Namatay ang ama ko sa kanser, dalawang buwan pa lamang noon. Siya ay kahanga-hangang ama, at mapagmahal na asawa, at napakabuting tao. Mataas ang kanyang pinag-aralan, limang wika ang alam niya, tumutugtog ng iba’t ibang instrumentong musikal sa isang symphony orchestra, at nagmula siya sa isang kilalang pamilya ng mga musikero sa Frankfurt, Germany.
Mataas ang pangarap ng mga magulang ko para sa amin. Maganda at puno ng pangako ang hinaharap namin, maging pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pero noong mga taong may sakit ang aking ama, napuno ng pagdurusa, lungkot, at kawalan ng pag-asa ang tahanan namin.
Pagkamatay ng aking ama, lubhang nalungkot ang aking ina. Tuwing Linggo, dumadalo kami sa simbahan namin, protestante kami, pero di kami makatagpo ng balsamo ni Gilead. Parang walang anuman or sinumang makapagbibigay ng alo sa aking ina.
Pero, hindi pala! Ang ating Ama sa Langit, sa Kanyang malaking pagmamahal, ay hindi kami nakalimutan.
Walong buwan pagkamatay ng aking ama, may dalawang American missionary na kumatok sa pinto namin sa Frankfurt. Ang dalawang missionary na ito, na ginabayan ng Espiritu at mahusay na naghanda, ay alam kung ano ang kailangan ng pamilya namin. Nag-iwan sila ng Aklat ni Mormon sa aking ina.
Mahilig magbasa ang nanay ko ina. At mahal niya ang Biblia. Agad siyang nabighani sa bagong aklat ng mga banal na kasulatan. Nang simulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon, hindi siya makatigil sa pagbabasa hangga’t hindi niya ito natatapos. Tuwang-tuwa ang aking ina sa nilalaman at mensahe ng Aklat ni Mormon kaya madalas niya kaming paupuin ng kapatid kong babae para makinig habang binabasa niya sa amin ang ilang talata na tila isinulat para lang sa amin.
Noong mga huling linggo ng buhay ng aking ama, madalas akong tumayo sa may bintana ng aming apartment at magdasal sa Diyos na ibsan Niya ang sakit na nadarama namin.
At dumating ang sagot. Dumating ito sa pamamagitan ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Mahal ko ang Aklat ni Mormon. Mahal ko ang plano ng kaligtasan, ang plano ng kaligayahan. Isang napakagandang mensahe ng pag-asa at kaliwanagan na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit. Sa pagtanggap namin sa Aklat ni Mormon, napayapa ang aming puso at naghilom ang aming kalungkutan na dulot ng pagkamatay ng aking ama.
Sa pagdating sa aming tahanan ng Aklat ni Mormon wala nang kadiliman sa aming pamilya, dahil hindi maaaring magsabay ang liwanag at kadiliman sa iisang lugar.Damang-dama namin ang Espiriu, at alam namin nang buong puso’t isipan na ang mensaheng itinuro ng mga missionary ay totoo.
Nagbalik ang kapayapaan sa aming tahanan. Ang mensahe ng ebanghelyo at ang pagiging miyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naghatid ng tunay na himala sa pamilya namin. Para bang may nagsugo ng mga anghel sa amin.
Ang dalawang missionary na nagpunta sa tahanan namin, ay kaedad ninyo. Wala silang kahanga-hangang kasaysayan. Pero para silang dalawang anghel ng kaluwalhatian na isinugo sa amin ng Diyos Inihatid niya sa amin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Mahal kong mga kaibigangg kabataan, nilikha rin kayo sa ganitong banal na materyal. Ang ilan sa inyo ay may asawa na, ang ilan ay wala pa, ngunit lahat kayo ay namumuhay kasama ang iba pang mga tao sa mundong ito. Kayo ang mga pinili sa ating panahon, na sa pamamagitan ng inyong salita at gawa ay itinuturo at isinasabuhay ang mensahe ng ebanghelyo sa piling ng inyong mga kababayan.Dahil sa layuning ito, nariyan kayo sa iyong lugar o lungsod, sa inyong eskwelahan o trabaho, sa bansa ninyo, sa inyong pamilya. Huwag kalimutan, may potensiyal kayong maging mga anghel ng kaluwalhatian sa mga taong malapit sa inyo.
Kayo ay mga kinatawan ng Simbahan ni Jesucristo, at kayo ay mahuhusay na mga lider sa pagpapahayag ng mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng inyong mabuting pamumuhay at matapang na patotoo.
Ang lider ay isang taong tumutulong sa iba na makita, madama, at matagpuan ang tamang daan. Tulungan sana ninyo ang isa’t isa na maging matatag sa Simbahan at sa ebanghelyo.Inilagay kayo ng Diyos sa lugar kung saan marami kayong pagkakataong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoong Jesucristo Umaasa Siya sa inyo, kilala Niya kayo, tiwala Siya sa inyo, at bibigyan Niya kayo ng kakayahan. Siya ay buhay. Siya ay tunay!
Bawat simple at malinaw na salita o gawa ng kabutihan, integridad, pag-ibig sa kapwa, kabaitan, paglilingkod, pagmamahal, at habag ay maaaring magpakita ng pamumuno ninyo sa kaharian ng Diyos.Huwag ninyong maliitin ang inyong impluwensya at kakayahan sa paggawa ng kabutihan. Tinulungan ako ng dalawang missionary na ito na kaedad ninyo na makita ang landas patungo sa ating Tagapagligtas at pabalik sa Ama sa Langit.
Siyempre pa, kinailangan kong tahakin ang landas na ito nang mag-isa, pagtagumpayan ang mga hamon, hanapin ang mga sagot sa mga tanong, humarap at gumawa ng mahihirap na desisyon. At kayo rin! Binibigyan kayo ng Simbahan at ng Panginoon ng mabibisang kagamitan para matupad ninyo ang layunin ninyo sa buhay. Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga ito, at ito ay nasa harapan na ninyo. Abutin lamang ito at yakapin ito at ang mga turo nito. Lumapit sa Ama sa Langit at gagabayan Niya kayo. Magtiwala sa Panginoon!
Mahal na mga kaibigang kong kabataan, dapat ninyong malaman na mahal ko kayo at nagpapasalamat ako sa bawat isa sa inyo.Ipinagdarasal at hiling kong basbasan kayo. Kayo ay mahalagang bahagi ng kamangha-mangha at sagradong gawaing ito ng ating Manunubos. Ito ang aking patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2018 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 9/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 9/17. Pagsasalin ng “You Are Leaders.” Tagalog.PD60005038 893