Mga Debosyonal noong 2018
Isang Tanda ng Totoo at Buhay na Simbahan ng Panginoon


Isang Tanda ng Totoo at Buhay na Simbahan ng Panginoon

Isang Gabi na Kasama si Elder Patrick Kearon

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Mayo 6, 2018 • Brigham Young University–Idaho Center

Nagpapasalamat ako kay Jen na walang palyang ipinapamuhay ang itinuturo niya.Alam niya kung sino siya at nagagalak sa kaalamang iyon.Matapang niyang ibinabahagi iyon sa ibang tao saan man siya naroon. Labis ang pasasalamat ko na nagkakilala kami dalawang taon matapos akong sumapi sa Simbahan. Isa siyang mapagpalang halimbawa sa akin at para sa akin simula noon hanggang sa ngayon.

Nakatutuwang isipin na nagkakatipun-tipon kayo sa iba’t ibang panig ng mundo.Dalangin ko na sa diwa ng magandang pambungad na panalangin ni Landon ay matanggap ninyo ang inyong kinakailangan, na kung kailangan ninyo ng inspirasyon ay matanggap ninyo ito.Kung kailangan ninyo ng isang bagay na hindi pangkaraniwan, na dumating ito.May kapangyarihan kapag nagtitipon tayo na gaya nito, kapag naghahanda tayo para sa mga pagkakataong tulad nito.May kapangyarihan sa pagsasama-sama.Kung kailangan ninyo ng pagpapagaling, nawa’y makatanggap kayo ng kagalingan. Kung kailangan ninyo ng alo, nawa’y makatanggap kayo ng kapanatagan. Kung kailangan ninyo ng kapayapaan, nawa’y makatanggap kayo ng kapayapaan. Kung kailangan ninyo ng tulong sa mga pagsusulit—sa tingin ko’y medyo maaga pa para dito ngunit kapag dumating ang oras na kailangan ninyo ito, nawa’y matanggap din ninyo ito.

Dalangin ko na sa pagkadama ninyo ng pahiwatig, sa pagtanggap ninyo ng mensahe para sa inyo, na magkaroon kayo ng lakas at pananalig na gawin iyon, at hindi bumalik lamang sa mga nakaugalian na ninyo.Kung kailangan ninyo ng sandali ng pagbabago, kung kailangan ninyo ng sandali ng panibagong lakas at pananampalataya, nawa’y ito ang inyong maging regalo.

Noong ako ay 15 o 16, masyado akong makasarili at nakadama ng pag-aalangan, kawalan ng katiyakan, at mahinang kalooban na nangyayari sa mga tinedyer. Ang ilan sa mga damdaming iyon ay nanatili, ngunit napakalakas ng mga ito sa panahon ng pagiging tinedyer. Tila naliligaw ako, kulang sa kumpiyansa, at asiwa. Hindi rin nakatulong na nasa boarding school ako noon sa isang mapanglaw na baybayin sa England. Nasa Saudi Arabia ang mga magulang ko. Kung ang paaralan ang pag-uusapan, ang Hogwarts kasama si Snape ay tila mas kalugud-lugod.

Ang masamang panahon ay karaniwan sa baybaying iyon, ngunit isang taglamig isang napakalakas na bagyo ang tumama sa Irish Sea na may bilis ng hanging umaabot sa Force 12 gale. Ang mga alon ay humampas sa mga pananggalang na pader at minsan ay lumalampas sa mga ito.Nasa mga 5,000 tahanan ang binaha sa mga kalapit na lugar, at naiwan ang mga tao na walang kuryente o anumang gamit na pampainit at pampailaw sa kanilang mga tahanan, at paubos na ang kanilang pagkain.

Nang humupa ang baha, ipinadala kami ng paaralan para tumulong. Hindi pa ako nakakita ng ganito katinding kalamidad, at namangha ako na maranasan ito nang malapitan. Ang tubig at putik ay nasa lahat ng dako. Namumutla at nangangalumata ang mga taong binaha. Ilang araw na silang hindi nakakatulog. Nagtrabaho ako at ang mga kaklase ko, nag-akyat ng mga basang gamit sa mas matataas na lugar, at tinanggal ang mga carpet na nasira ng baha. Naaalala kong napakabigat ng carpet, at napakabaho sa loob ng mga bahay.

Ang sumunod na hinangaan ko ay ang pagkakaibigan na nabuo sa aming mga tumulong at sa mga tumanggap ng tulong. Nagkaroon ng magandang damdamin sa pagitan ng mga tao na nagkakaisa sa isang layunin sa panahong mahirap. Napagtanto ko na karamihan sa mga hindi magandang damdamin ko ay nawala nang tumulong ako sa aking mga kapitbahay.

Sana’y tumagal ang pagkatantong ito, ngunit hindi nangyari. Ang pagkatuklas na ang pagtulong sa iba ang gamot sa aking malungkot at makasariling kalagayan ay dapat nagpabago sa akin.Ngunit hindi ito nangyari, dahil hindi ko ito naunawaan nang lubos, at hindi ko nagawang mas pag-isipan ang pangyayaring ito.Kalaunan ko ito mas naintindihan. Siguro nangyari na ito sa sarili ninyong buhay. Maaaring makatulong na pag-isipan nang mangyari ito sa iyo, at kung paano.

Ang Paanyaya sa Pangkalahatang Kumperensya na Magminister

Iniisip ko ito noong pangkalahatang kumperensya. Napakasuwerte ko na makapagsalita sa inyo matapos ang kahanga-hangang pangkalahatang kumperensyang iyon ilang linggo na ang nakalipas. Ang mga impresyon, kapayapaan, at lakas na natanggap natin ay nasa akin pa rin.

Sa sentro ng mga mensahe sa kumperensya ay ang paulit-ulit na panawagan na magminister tulad ng Tagapagligtas—at na gawin ito dahil sa pagmamahal, sa pagkilala na tayong lahat ay anak ng ating Ama sa Langit. Hindi tayo maglilingkod dahil binibilang at sinusukat ito, kundi dahil sa nagaganyak tayo ng mas mataas at dakilang layunin, tinutulungan ang mga kaibigan natin na makabalik sa Kanya. Minamahal at pinaglilingkuran natin ang ating kapwa tulad ni Jesus kung Siya ang nasa lugar natin, tunay na pinabubuti ang buhay ng mga tao at pinagagaan ang kanilang mga pasanin. Dito nanggagaling ang kaligayahan at katiwasayan, kapwa para sa nagbibigay at tumatanggap, habang ibinabahagi natin ang bunga ng pag-alam at pagkadama sa ating walang-hanggang kahalagahan at pagmamahal ng Diyos para sa atin.

Ganito ang mensahe ni Pangulong Nelson: “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado, at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibiduwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya. Dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang Kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.”1

Nang isipin ko ang itinuro sa atin, alam ko na kung susunod tayo at magmiminister, malalampasan pa natin ang ating kakayahan; lalago sa pananampalataya, kumpiyansa, at kaligayahan; at madadaig ang ating pagkamakasarili at ang kasamang lungkot at lumbay nito.Sana ay mas naunawaan ko ito noon.Ngunit nagpapasalamat ako na unti-unti ko itong natutunan sa paglipas ng panahon, at lagi tayong napapaalalahan tungkol dito.

Ang mga Pakinabang at Biyaya ng Ganitong Uri ng Ministering

Ang kagandahan ng ganitong uri ng paglilingkod, ministeryo, o pagkadisipulo ay tinutulungan nito ang ibang tao sa maraming paraan, ngunit binabago rin tayo nito sa pamamagitan ng pag-aalis sa ating alalahanin, takot, pagkabalisa, at pagdududa.Sa umpisa ay inaalis ng serbisyo ang ating pansin sa ating mga problema, ngunit mabilis itong nagiging mas dakila at maganda.Nagsisimula tayong makadama ng liwanag at kapayapaan, at halos hindi ito natatanto. Tayo ay naaalo, napapanatag, at naaaliw. At nakadarama tayo ng kaligayahan na di makukuha sa ibang paraan. Mas maraming kaloob ang ating natatanggap kumpara sa ating nagawa, sa pagtulong sa iba.

Bahagyang ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball ito, sa ganitong paraan: “Ang masaganang buhay na nakasaad sa mga banal na kasulatan ay ang espirituwal na kabuuan na dumating sa pamamagitan ng pagpaparami ng ating paglilingkod sa iba at sa paglalaan ng ating mga talento sa paglilingkod sa Diyos at sa tao.”2 “Nagiging mas makabuluhan tayo sa paglilingkod sa iba—tunay na mas madaling ‘masumpungan’ ang ating sarili dahil marami pa tayong malalaman!”3

Mga Halimbawa ng mga Pagbabagong Mararanasan Natin kapag Nagminister Tayo at ang Kaibhan Nito Kapag Hindi Tayo Nagminister

Ang pagbabagong ito ay ang nararanasan ng mga bagong missionary kapag tumigil sila sa pag-iisip sa kanilang sarili at sa halip ay magtanong, “Sino ang matutulungan ko, at paano?” Ang nangyayari ay tumitigil sila sa pag-iisip sa kanilang sarili at bumabaling sa kanilang layunin na magdala ng mga kaluluwa kay Cristo. Madalas ay mahirap ito para sa mga missionary. Maaaring naiisip nila na bago sila sa lugar na kakaiba ang mga tao, pagkain, kaugalian, at mahirap ang lengguwahe kaya’t mahirap sa kanilang tumingin sa iba at maglingkod.Ngunit kapag ginawa nila ito, nagbabago ang lahat para sa kanila.Tumitigil sila sa pag-aalala, nagtatrabaho, at patuloy na ginagawa ang di-makasariling gawain nila, at nag-iiba ang kanilang pananaw sa kanilang mission at sa buhay, dala ang kapayapaan at diwa ng kanilang layunin.

Nakakalungkot na kaiba ang nangyayari sa mga missionary kapag nakauwi na sila at nagsisimula nang isipin ang mga pangangailangan ng susunod nilang buhay, ito man ay edukasyon, trabaho, o personal na bagay o ukol sa pamilya. Gumugol sila ng 18 buwan hanggang 2 taon na natututuhan na pinakamasaya tayo kapag hindi tayo makasarili, o sabi nga ni Pangulong Hinckley, kapag kinalimutan natin ang ating sarili at nagtrabaho. Madalas, pagbalik nila mula sa kanilang mga mission sa buhay na iniwanan nila, bumabalik din sila sa mga makasariling kaugalian na parte ng buhay na iyon. Sa partikular, bumabalik sila sa pag-aalala sa kanilang sarili, kung ano ang ginagawa nila, ano ang hitsura nila, o kung ano ang iniisip ng iba sa kanila.

Katulad ng ang pagtingin at pagtulong sa kapwa ay naghahatid ng liwanag, kapayapaan, at ligaya, gayundin naman na ang pagtutuon sa sarili ay naghahatid ng pagdududa, pagkabalisa, at kalungkutan.

May karanasan ako, ilang buwan na ang nakalipas, na gising ako ng maraming oras at sinusubukang matulog ngunit di ko ito magawa. Sa huli, tumayo ako at naglakad nang kaunti paikot sa aming bahay, at bumalik sa higaan at sinubukang matulog muli. Habang di pa rin ako makatulog, may isang nagbabagong kaisipan na sumagi sa aking isip: “Tigilan mo ang pag-iisip sa sarili mo.” At dumating ang tanong, “Sino ang matutulungan ko?”Nakahiga akong nagdarasal nang taimtim, “Sino ang matutulungan ko ngayon, at paano?” Dumating ang isang impresyon na kontakin at hikayatin ang isang kaibigan.Hindi iyon malaking bagay, ngunit kinaumagahan, ginawa ko iyon at sana’y nakatulong.Ang alam ko ay nang magdasal ako sa ganoong paraan, nagtatanong kung sino ang matutulungan ko, natanggap ko ang kapayapaang hindi ko mahanap, at nakatulog ako.

Mga Halimbawa ng Pagmiminister ng Tagapagligtas

Ang Tagapagligtas ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti,”4 laging naghahanap ng tutulungan, at “nagpapagaling sa lahat ng mga api.”5 Siya ay palaging nagpapala, nagtuturo, at gumagabay sa iba na baguhin ang kanilang pananaw at ang kanilang buhay. Mainam na nang tinawag Niya sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan na sumunod sa Kanya, kaagad nagbago ang direksyon at pokus nila: “Pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.”6

Kalaunan, matapos ang pagpapako sa krus, nang ang Tagapagligtas ay kinuha sa kanila sa pinakamalupit na paraan, bumalik sila sa pangingisda, sa isang bagay na sa tingin nila’y alam na nila.Sa isang okasyon, dumating ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas habang wala silang mahuling isda. “At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daon, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na mahila dahil sa karamihan ng mga isda.”7 Ito ay pagpapakita na hindi nawala kahit katiting ng Kanyang kapangyarihan, ngunit ipinapakita rin nito na naghahanap sila sa maling lugar at nakatuon sa maling bagay.Habang kumakain sila ng isda sa pampang, tinanong ng Tagapagligtas si Pedro nang tatlong beses kung mahal Siya nito. Sa bawat pagsagot, at sa dagdag na pagkabalisa, sinagot Siya ni Pedro ng oo. Sa bawat pagsagot ni Pedro, inutusan siya ni Jesus na pakainin ang Kanyang mga tupa.

Bakit siya tinanong ng Tagapagligtas nang tatlong beses kung mahal Siya nito? Si Pedro ay tinawag na noon para sumunod kay Jesus, at mabilis siyang tumugon, at iniwanan ang pangingisda. Ngunit nang mawala si Jesus sa kanila, nalungkot si Pedro; naligaw siya.Bumalik siya sa kaisa-isang bagay na sa tingin niya’y alam niya—ang pangingisda. Ngayon, nais ni Jesus na marinig talaga Siya ni Pedro at intindihin ang bigat ng paanyaya sa pagkakataong ito; kailangan Niyang ipaintindi kay Pedro ang kahulugan ng pagiging disipulo at alagad ng muling nabuhay na Cristo, ngayon na hindi na Siya pisikal na makakasama nila.Ano ang nais ng Panginoon kay Pedro? Nais Niyang pakainin ni Pedro ang Kanyang mga tupa. Ito ang trabahong kailangang gawin.Napagtanto ni Pedro ang magiliw at direktang tawag ng Kanyang Panginoon, at ang punong apostol ay tumugon, magiting, at walang takot na ibinigay ang nalalabi niyang buhay sa gawain kung saan siya tinawag.

Paano Ito Naaangkop sa Iyo

Sa pamamagitan ng Panunumbalik, may bagong punong Apostol ngayon sa mundo. Inaanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na pakainin ang mga tupa ni Jesus. Narinig natin ito sa pangkalahatang kumperensya sa pinakamalinaw at pinakamagiliw na paraan.Tayo ay naantig at nakatanggap ng inspirasyon, ngunit nagbago ba tayo? Ang hamon ngayon, sa gitna ng lahat ng panggagambala sa paligid at maraming di importanteng bagay na umaagaw sa ating atensyon, ay tumalima sa paanyayang ito at kumilos—gumawa ng isang bagay, gumawa ng pagbabago, at mamuhay nang naiiba sa dati.

Ang inyong tanong, sa tawag na magminister, ay maaaring, “Saan ako magsisimula?” Magsimula sa panalangin. Hinimok tayo ni Pangulong Nelson na “dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan [nating] makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na ‘Kung kayo ay [hihingi], kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang- hanggan’ [D at T 46:21].”8

Tanungin ang iyong Ama sa Langit kung ano ang maaari mong gawin, at para kanino. Ano mang maliit na kabutihan ay magtutuon sa atin sa ibang tao at may hatid itong mga biyaya. Tumugon sa anumang impresyon na matatanggap mo, kahit gaano pa kaliit ito.Gawin ito. Ito ay maaaring isang text sa isang taong hindi umaasang makatatanggap nito. Maaaring ito ay isang mabuting mensahe. Maaaring ito ay isang bulaklak, mga cookie, o mabait na salita.Siguro ito ay higit pa, tulad ng paglilinis ng hardin o bakuran, paglalaba para sa isang taong hindi na kasing liksi ng dati, paglilinis ng kotse, pagtatabas ng damo, pagtatanggal ng naipong snow, o pakikinig lang sa isang kaibigan tungkol sa mga hamon na kinakaharap niya.

Katulad ng sinabi ni Sis. Jean B. Bingham, “Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang ‘ibilang’ ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili.”9

Maaaring nag-aatubili kang gawin ang unang hakbang, kumbinsido na wala kang oras o hindi ka makagagawa ng pagkakaiba, ngunit mamamangha ka sa maliliit na bagay na magagawa mo.

At kung nag-aalala ka sa isang kaibigan na lumalayo sa Simbahan at nawawala ang kanyang dating maningning na pananampalataya at pag-asa, imbitahin siya na tumulong sa iyo sa isang paglilingkod o ministering. Wala nang mas maganda pang paraan para palambutin ang puso sa mga bagay ng Diyos at muling tuklasin ang Kanyang pagmamahal sa ating buhay kundi sa paglilingkod sa nangangailangan.

Ang Bakit ng Paglilingkod at Ministering para sa Atin

Dapat lagi nating paalalahanan ang ating sarili kung bakit tayo naglilingkod at nagmiminister. Tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, nasa lupa upang matuto at lumago sa mga karanasan, upang maging mas buo tayo pagbalik sa Kanya. Ang pagkatuto na tingnan ang iba, athindi ang ating sarili, at maglingkod sa bawat isa ay malaking bahagi ng ating layunin dito.Sa totoo lang, ito ang sentro nito.Ang himala ng pagtingin sa iba at pagminister sa isang taong nangangailangan ay na sa prosesong ito, natututuhan natin na malilimutan natin ang ating sarili at ang ating mga problema.

Si Pangulong Nelson ay naglalatag ng mas mataas at banal na huwaran ng paglilingkod para sa iyo at sa akin.Kapag tumutugon tayo, malalaman natin kung gaano ito nagpapasaya, nagpapalaya, at nagpapakalma sa atin, at kung paano tayo magiging kinatawan para sa pagbabago at aliw sa buhay ng iba.

Kapag natanggap mo na ang endowment sa templo at nakapagmisyon, may tukso na sabihing, “Tapos na ako. Naging full-time na service machine na ako ng 18 buwan o 2 taon. Iba naman ang gagawa niyan ngayon.” Maaaring ganyan din pagkatapos ikasal. Maaaring isipin natin, “Ayan na, nagawa ko na. Oras na ngayon para magpahinga.” Ngunit hindi tumitigil ang ganitong uri ng ministeryo. Ito ay paraan ng pamumuhay. Maaari tayong mamahinga mula sa ating mga regular na aktibidad at sa mga holiday para magpahinga at muling mapasigla, para “kalagin ang pana” tulad ng sinabi ni Joseph Smith.10 Ngunit ang responsibilidad natin sa tipan na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin at pakainin ang Kanyang mga tupa ay walang tigil.

Ako ay tumanggap din ng ganitong uri ng ministeryo, at natuklasan ko rin ang kapayapaan at kaligayahan na nagmumula sa pagiging instrumento sa kamay ng Diyos para sa iba.

Inilarawan ni Jen ang aming laban para sa buhay ng aming sanggol. Matapos ang kanyang pagkawala, naisip namin kung makaka-rekober kami. Sa panahon na iyon, nakatanggap kami ng pambihirang pagbuhos ng pagmamahal, kabaitan, at tulong mula sa aming pamilya at mga kaibigan, at mga taong di namin kilala.Isang mag-asawa na dati na naming mga kaibigan ang laging tumulong sa buong panahong iyon. Nanatili sila sa tabi namin, nagdarasal para sa amin at kasama namin, nagbigay biyaya, pagkain, at mga nakapapanatag na salita at katahimikan.Lagi silang naroon kapag may bagong kritikal na impormasyon na dumating sa amin o kapag pagod na pagod na kami at nalulungkot. Ipinakita nila sa loob ng maraming taon na ito ang paraan ng pamumuhay nila. Sila ay tahimik at patuloy na nagmiminister.

Ang Ministeryo ng Pandaigdigang Simbahan

Habang naglilingkod sa Europe area ng Simbahan sa mga nakaraang taon, habang nakatira sa Germany nakita ko ang alituntuning ito na ginawa nang may nakamamanghang resulta nang ang mga miyembro ng Simbahan at mga kaibigan natin sa ibang relihiyon ay tumulong sa libu-libong mga refugee na nawalan ng lahat sa paglisan nila sa digmaan na kasalukuyang nagaganap sa Middle East. Dumating sila, minsan ay naglalakad ng libu-libong milya na ang dala lamang ay ilang gamit. Nakikita ang pangangailangan, nakikita ang mga kapatid, na Kanyang mga tupa, ang mga miyembro natin ay tumulong, nagbigay ng damit, nagpakain, naglaan ng matutuluyan, at inaalo ang mga refugee na nawalan ng lahat.Sa paggawa nito, nabago ang mga tumulong. Nabiyayaan sila ng liwanag, enerhiya, at saya na hindi pa nila naranasan, o na nawala dahil sa pagtutuon sa sarili at sa mga karaniwang gawain sa buhay. Ipinagpapatuloy ng ating mga miyembro ang napakagandang pagtulong na ito sa buong mundo.

Ang mga refugee ay may agaran at halatang mga pangangailangan, ngunit mayroon pang iba na nangangailangan ng tulong natin, at kailangan din tayong tumulong sa kanila.Hindi kinakailangang sa kabilang panig ng mundo tayo maglingkod.Sa maraming pagkakataon, mas maganda kung mas malapit ito sa atin.

Masayang-masaya ako na bahagi ako ng simbahan na gumagawa nito. Lampas sa 7 milyong voluntary hours ang iniukol sa pagpapalago, pag-ani, at pagbigay ng pagkain sa mahihirap at nangangailangan. Minsan pa noong isang taon, ang Simbahan ay nagbigay ng malinis na tubig sa kalahating milyong katao na hindi makakuha nito sa ibang paraan.Apatnapu’t siyam na libong mga tao na ang nabigyan ng wheelchair sa 41 na bansa. Ipinanumbalik ng mga volunteer ang paningin at nagsanay ng 97,000 na mga caregiver para sa mga may problema sa mata sa 40 bansa.Tatlumpu’t tatlong libong mga caregiver ang sinanay sa pangangalaga sa mga nanay at bagong silang na mga sanggol sa 38 bansa.Isama na rin natin ang Helping Hands kung saan, sa mga nakaraang taon, daang libong mga miyembro ang nag-ukol ng milyun-milyong oras. Mabilis silang kumikilos upang tulungan ang mga taong naapektuhan ng malalaki at maliliit na kalamidad, at pinabubuti ang kanilang mga kapitbahayan at komunidad.

Ang kasalukuyang lumalagong inisyatibo ng Simbahan na JustServe, na isang magandang lugar upang maghanap ng pagkakataong magsilbi kung mayroon nito na malapit sa inyo, ay may mahigit 350,000 nakarehistrong mga volunteer na nagbigay na ng milyun-milyong oras sa pagtulong sa kanilang mga lokal na komunidad.

Ito ay ang simbahan ng pagkilos. Ito ang ginagawa natin.Ito ang gagawin ninyo. Hayaang ito ang ugaling magtakda ng kung sino kayo.Ito ang paraan na matatagpuan natin ang ligaya at kapayapaan, dahil ito ang pinakamataas, pinakamahusay, at pinaka-nakikitang paraan upang sundin ang Tagapagligtas.

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, “Naisasagawa ang mga dakilang bagay sa pamamagitan ng maliliit at mga simpleng bagay. Gaya ng maliliit na butil ng ginto na natitipon sa paglipas ng panahon para maging malaking kayamanan, ang ating maliliit at mga simpleng kabaitan at paglilingkod ay matitipon upang maging isang buhay na puspos ng pagmamahal sa Ama sa Langit, katapatan sa gawain ng Panginoong Jesucristo, at diwa ng kapayapaan at kagalakan tuwing nagtutulungan tayo.”11

Tatlong Uri ng Paglilingkod

Nais kong bigyang pansin ang tatlong uri ng paglilingkod na maaari nating gawin.

Ang una ay ang uri ng paglilingkod na iniatas sa atin o inaanyayahang gawin natin bilang responsibilidad sa simbahan. Ito ay napakaganda at inspiradong natalakay sa pangkalahatang kumperensya. Sisikapin nating magawa ang uri ng ministeryo na pinahahalagahan, hindi sinusukat kung saan nag-iisip, nagdarasal, at tumutulong tayo sa mga taong ibinigay sa atin upang pangalagaan.

Ang pangalawa ay ang paglilingkod na ginagawa natin nang kusa. Ito ay pinalawak na uri ng una, na dadaloy sa ating pang-araw-araw na gawain at interaksyon habang mas sinasadya nating kalimutan ang ating sarili at tumingin sa ibang tao.Walang pormal na asaynment, ngunit ginaganyak tayo ng halimbawang tulad ng kay Cristo, nagsisimula sa pagiging mas mabait at maunawain sa mga nakapaligid sa atin.Ang maliliit na mababait na gawain at tahimik na kabutihang-loob ay nauuwi sa mas masigla at makabuluhang relasyon.

Ang pangatlo ay serbsiyong pampubliko.Kahit na bata pa kayo, maaari na kayong maglingkod sa mga school board, charity, at pagkatapos ay sa lokal, panlalawigan, at pambansang gobyerno. Hinihikayat ko ang ating nananampalatayang kababaihan na maglingkod sa ganitong paraan.Kapag nararapat, makilahok sa pulitika nang nakatuon sa paglilingkod at pagpapatatag sa mga tao at komunidad. Iwasan ang pagkakaibang pulitikal na masyado nang naging mahigpit, matindi, at nakapipinsala ng mga komunidad, bansa, at kontinente. Ito ay panahon kung saan dapat nagkakaisa ang mga pulitiko sa pagbibigay ng lunas sa magugulong buhay sa kanilang sakop at lampas pa.Maaari kang maging tinig ng balanse at katwiran, na nagtataguyod ng katarungan sa lahat ng aspeto ng lipunan. Kailangan mong iambag ang iyong lakas sa ganitong uri ng kapakipakinabang na gawaing sibiko.

Kapag nababasa natin ang balita, maaaring maramdaman natin na dumadausdos na ang mundo.Kapag tayo ay kumilos sa malalaki at maliliit na paraan bawat araw, mababago natin ang ating mundo at ang mundo ng mga nakapaligid sa atin.Sa pagsisilbi ninyo sa mga tao sa paligid ninyo at nang kasama sila, magkakaroon kayo ng mga kaibigan na gugustuhin na tulungan kayo. Ito ay magiging matibay na mga pagkakaibigan, na nag-uugnaysa kultura at paniniwala.

Sinabi minsan ni Antoine de Saint-Exupéry, “Tinuruan tayo ng buhay na ang pagmamahal ay hindi galing sa pagtingin sa isa’t isa kundi sa pagtingin nang magkasama palabas sa iisang direksyon.Walang pakikisama maliban na lang sa pagsasama sa iisang pagsisikap. Kahit na sa panahon natin ng materyal na kasapatan, kailangang maging ganito, kung hindi paano natin maipapaliwanag ang kasiyahan natin sa pagbabahagi ng huling piraso ng tinapay sa disyerto?”12

Katapusan

Kung bawat isa sa inyo ay tutugon sa imbitasyon na magminister gaya ng ginagawa ni Jesus, kayo ay magbabago, lalong magiging di makasarili sa halip na maging makasarili. Matutuklasan ninyo ang galak na nagmumula sa pagmiminister sa paraan ng Tagapagligtas, maiiwan ang ating mga pagkabalisa at kawalang katiyakan at ang lungkot na nagmumula sa iniisip ninyong mga kakulangan.

Marahil, habang nakikinig kayo, pumasok sa isip ninyo ang isang pangalan o dahilan. Ito marahil ay isang paanyaya mula sa Espiritu, at maaaring nakatanggap na kayo ng ganitong paanyaya noon. Tumulong, maghanap ng matutulungan, at mag-angat pataas. Piliing sundin ang paanyayang ito at magdasal ngayong araw upang malaman ang dapat mong gawin.Kapag nakikita at nadarama ninyo ang mga biyayang hatid sa inyo at sa mga taong pinaglilingkuran ninyo, gugustuhin ninyong gawin ito araw-araw.

Ang pinakamataas at pinakamahusay na pagsisikap natin ay ang ibahagi ang liwanag, pag-asa, galak, at layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng anak ng Diyos. Ang pagtulong, paglilingkod, at pagmiminister sa kanila ay mga pagpapahayag na kumikilos ang ebanghelyo. Kapag ginawa natin itong paraan ng pamumuhay, matutuklasan natin na ito ay kasiya-siya, at ito ang paraan na mahahanap natin ang kapayapaang hindi natin makita.

Uulitin ko ang itinuro ni Pangulong Nelson sa bawat isa sa atin: “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibiduwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya. Dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang Kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.”13

Ganito namuhay ang Tagapagligtas, at ito ang dahilan kung bakit Siya nabuhay—upang ibigay ang perpektong balsamo at pangunahing lunas sa pamamagitan ng Kanyang dakila, walang hanggang, nagliligtas na regalo para sa iyo at sa akin. Nawa’y sundin natin ang buhay na Cristo nang mas maluwag sa kalooban, nang mas epektibo, sa pagsisikap nating mga tunay na disipulo Niya sa pagmiminister tulad ng gagawin Niya.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 69.

  2. Spencer W. Kimball, “The Abundant Life,” Ensign, Hulyo 1978, 4.

  3. Spencer W. Kimball, “The Abundant Life,” Ensign, Hulyo 1978, 3.

  4. Mga Gawa 10:38.

  5. Mga Gawa 10:38.

  6. Mateo 4:20, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  7. Juan 21:6.

  8. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95.

  9. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104.

  10. Tingnan sa William M. Allred, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Ago. 1, 1892, 472.

  11. M. Russell Ballard, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Mapagmahal na Paglilingkod,Liahona, Mayo 2011, 49.

  12. Antoine de Saint-Exupéry, Airman’s Odyssey (1939), 195.

  13. Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 69.

Print