Mga Debosyonal noong 2018
Ang Iyong Walang-Hanggang Kahalagahan at ang Walang-Hanggang Pag-ibig ng Diyos


2:3

Ang Iyong Walang-Hanggang Kahalagahan at ang Walang-Hanggang Pag-ibig ng Diyos

Isang Gabi na Kasama si Elder Patrick Kearon

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult • Mayo 6, 2018 • Brigham Young University–Idaho Center

Salamat sa koro sa napakagandang himnong iyon bilang papuri sa ating Manlilikha.

Kaylaking kagalakan at pribilehiyo ang makasama kayo sa debosyonal na ito. Tuwang-tuwa kami sa anumang pagkakataon na makasama ang mga young adult ng Simbahan. Mahal na mahal namin kayo! Kapana-panabik na maging aktibong kasama ninyo sa napakagandang panahon sa patuloy na pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Bata o matanda, nasisiyahan tayo sa magandang fairytale, lalo na kung ito’y kuwento ng pag-ibig. Masasabi ko na ang kuwento ng aming pag-ibig ay maganda at di-inaasahang fairytale. Lumaki ako sa California; ang asawa ko’y sa England at Saudi Arabia. Mula pagsilang ay sa Simbahan na ako lumaki; ang asawa ko’y convert sa Simbahan noong siya’y nasa kanyang mid-20s. Pinagtagpo kami, mula sa dalawang magkahiwalay na kontinente, sa malaking lungsod ng London. Dalawang taon na siyang miyembro noon ng Simbahan at dumadalo sa young single adult ward sa London, nang dumating ako doon para mag-aral ng kasaysayan ng sining at English literature sa loob ng anim na buwan. Hindi ko kailanman binalak, o inasahan, na iibig ako nang todo habang nag-aaral sa U.K., pero minsan hindi mo masasabi—at kagila-gilalas—ang nangyayari sa buhay.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon na pinagtagpo Niya kami. Ikinasal kami sa Oakland California Temple, at bumalik ako agad sa England kung saan kami tumira nang sumunod na 19 na taon, hanggang sa tawagin ang asawa ko bilang General Authority noong 2010.

Nabiyayaan kami ng apat na anak. Namatay ang aming panganay na anak na lalaki sa operasyon sa puso noong siya’y edad 19 na araw lang. Natuklasan ang kanyang diperensya sa puso noong ipinagbubuntis ko siya, at ang matatag naming pakikibaka para sa kanyang maikling buhay ay nagturo sa amin tungkol sa mga himala, sa kalooban ng Diyos, at sa malapit, at personal na katunayan ng Pagbabayad-sala at ng Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo.

Ang aming malambing na anak na lalaki ay sinundan ng tatlong anak na babae, na aming hinahangaan, iginagalang, at natututo kami sa kanila sa araw-araw. Sila ang aming kayamanan. Taglay ang pambihirang pananampalataya, handa silang maglipat—noong tinedyer sila—mula sa kanilang tahanan sa England papunta sa Utah, sa Germany, at ngayon balik ulit sa Utah, dahil naatasang maglingkod ang kanilang ama sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan.

Ang Iyong Walang-Hanggang Kahalagahan at ang Walang-Hanggang Pag-ibig ng Diyos

Ngayon, may mga bagay ba na hindi ninyo gusto noong bata pa kayo na gusto na ninyo ngayong may edad na kayo? Ang pag-idlip? Sigurado akong ayaw ninyong umidlip noong bata pa kayo. Ako, ayoko! Pero ngayon luho na ang kaunting pag-idlip! Gustung-gusto ko ang umidlip. OK, kumusta naman ang broccoli o iba pang pagkain na ayaw mo noong bata ka? Gusto mo na ba ito ngayon?

Kahit ano pa ang pakiramdam n’yo tungkol sa pag-idlip o broccoli, may mga bagay na di n’yo gusto noong bata kayo—napakarami— na di n’yo pa rin gusto hanggang ngayong matanda na kayo. Ayaw nating nadadapa at nagagasgas ang ating tuhod. Ayaw nating sumubok sumali sa isang sports team at hindi makasali dito. Ayaw nating kinakantiyawan, pinagtatawanan, napag-iiwanan, o kusang sinasaktan ng isang tao. At ayaw pa rin natin ito ngayon.

Naaalala ko pa noong nasa elementarya ako na mataas ang grado ko sa klase, pero dancer ako, at wala talagang alam sa larangan ng isports. Kaya kong sumayaw ng paikot-ikot, pero hindi ako makapagpasa—o makapag-shoot, o makapaghagis, o makasipa, o makasalo, o maka-swing. Anu-ano ang tawag sa akin ng ilang bata noon at pinagtatawanan ang payat kong mga braso. Totoo namang payat ang braso ko noon, pero masakit pa ring biro! Naaalala ko na kapag pipili kami ng sariling team para sa academic competition, palagi akong isa sa mga unang pinipili ng mga kabarkada ko. Pero kung pipili kami ng team para sa athletic competition, lagi akong huling pipiliin. Grabe talaga!

Ngayon, bakit ko ito sinasabi sa inyo, kahit matagal na itong nangyari? Dahil, gaya ng nakikita ninyo, ang ganitong mga bagay ay nananatili sa ating isipan. Naaalala natin ang pakiramdam ng tanggihan o ayawan o hindi ayunan ng ating mga barkada, at siguro, nakakalungkot, pati ng sarili nating mga kapamilya. At di ’yan nagbabago dahil lang sa malaki at matatanda na tayo. Maaaring ganito ang nadama mo kahapon lang. Ang mga kabarkada, magulang, kapatid, asawa, guro, kasama sa trabaho, kaibigan—makapagsasabi at makagagawa sila ng mga bagay na nakasasakit. Kadalasan ay di ito sinasadya. Pero kung minsan talagang sadya ito. At paminsan-minsan gumaganti tayo.

Ang pagkatutong malaman, madama, at maunawaan ang ating kahalagahan anuman ang isipin o sabihin ng ibang tao tungkol sa atin ay mahalaga sa ating emosyonal at espirituwal na kapakanan. Kapag hinayaan natin ang salita, kilos, o opinyon ng iba tungkol sa atin ang magdikta ng nadarama natin sa ating sarili, tayo’y nagiging biktima, hindi nalalaman kung kailan tayo hahamakin ng isang tao.

Gayundin naman, kung ibabase natin ang ating kahalagahan sa mga nakamit natin, sa nagawa natin, o sa nakikitang mga kaloob natin, itinatakda natin ang ating pagkabigo at pagkasiphayo kapag hindi natin ito naabot o di tayo nanguna.

Alam n’yo ito, pero kayong nahihirapan dito ay kailangang marinig ito nang madalas at muling bigyang katiyakan tungkol sa inyong walang-hanggang kahalagahan, na konektado sa inyong mga nakakamit ngunit nauugnay sa inyong relasyon sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng walang-hanggan? Walang limitasyon, walang hangganan, walang katapusan. Bawat isa sa inyo ay walang limitasyon, walang hangganan, walang katapusan. Para kanino? Sa taong kung anu-ano ang tawag sa inyo sa palaruan? Hindi. Walang limitasyon, walang hangganan, walang katapusan ang inyong kahalagahan sa inyong Ama sa Langit, Siya na lubos na nakakakilala sa inyo, kahit ano pa ang iniisip o sinasabi ng iba tungkol sa inyo. Hayaan ang kagandahan at katahimikan ng katotohanang iyon na saglit na mamalagi sa inyong kaluluwa. Kayo’y “mahalaga sa [Kanyang] paningin.”1

Kapag sinasaktan kayo ng isang tao, o dumaranas ng kabiguan, magpunta sa lugar na di kayo kailanman tatanggihan at lilibakin. Mahal na mahal kayo ng inyong Ama sa Langit, sino man kayo, ano man ang pinagdaraanan ninyo. Sapat na kayo. Sapat na kayo. Mahal Niya kayo kung ano kayo ngayon, sa gabing ito, sa lahat ng inyong magagandang kaguluhan. Ngunit sapat din ang pagmamahal Niya sa inyo para hindi kayo hayaang manatiling ganyan na lang. Malalaki ang plano Niya para sa inyo! Kayo ay “mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo,”2 kaya kailangang patuloy kayong gumawa ng mga tipan, magkamali, lumago, magsikap, at magbago, hanggang sa maabot ninyo ang inyong banal na potensyal, mapino at madalisay—at balang-araw ay magawang perpekto—sa biyaya ni Cristo.3

Kung tayo ang magdidisenyo para sa ating buhay, malamang na magplano tayo ng buhay na maligaya, matagumpay, at tiwasay, siguro may kaunting mga paghihirap na madadaig natin nang di gaanong nagsisikap. Sino ba ang gustong dumanas ng kabiguan, hirap, o anumang uri ng kawalan o dusa? Sino ba ang gustong gumawa ng mahihirap na bagay? Kung mamumuhay tayo nang ayon sa gusto nating buhay, palagi tayong matatanggap sa pinakagusto nating unibersidad o paaralan, makukuha ang pangarap na trabaho, at mapapangasawa ang ating perpektong kabiyak at di tayo magkakaroon kailanman ng pagtatalo. Hindi tayo makikibaka sa isang tungkulin sa simbahan, lahat ng mahal natin sa buhay ay mananatiling tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo, at lahat ng bahaginan natin ng ating paniniwala ay mabibinyagan sa loob ng linggo. Ang ating mga ina ay hindi magkakaroon ng kanser, hindi aalis ang ating mga ama, at ang mga kapatid natin ay hindi maagang mamamatay sa malagim na mga aksidente. Hindi tayo mamamatayan ng mga sanggol dahil sa operasyon sa puso, at hindi natin kailangang hintayin ang takdang-oras ng Panginoon. Naiintindihan ninyo. Ngunit hindi rin tayo magkakaroon ng tiyaga, pagkaawa, pagpapakumbaba, mahabang pagtitiis, mapagmahal na kabaitan, pagbabata, disiplina, pagiging di makasarili, o pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa. Babalik tayo sa ating Ama sa Langit sa halos katulad na kalagayan noong umalis tayo sa Kanyang piling, dahil hindi natin mararanasan ang anumang nangangailangan ng pagbabago o paglago o lubusang pag-asa sa Diyos.

Ngunit hindi tayo nabubuhay na puro ginhawa lamang. Ipinamumuhay natin ang buhay na naiplano ng Diyos para sa ating sukdulang galak at pag-unlad. Kaya tiyak na aanyayahan kayo ng walang-hanggan at magiliw na pag-ibig ng Diyos na gumawa ng mga pagbabago sa inyong buhay sa pamamagitan ng inyong mga karanasan, kapwa mapait at matamis. Ngunit palagi Siyang mag-aanyaya ng pagbabago sa mapagmahal, nakahihikayat, nagpapatibay na paraan. Huwag pakinggan ang mga tinig na nasa inyong ulo—na maaaring nariyan na mula pa noong bata kayo—na nagsasabing di kayo maaaring magbago, wala kayong halaga, at muli kayong mabibigo. Pakinggan lamang ang mga bulong ng Banal na Espiritu at ang “kasiya-siyang salita ng Diyos … na humihilom sa sugatang kaluluwa”4 na nagpapatibay sa inyong walang-hanggang kahalagahan at sa pagtiyak ng Diyos na kaya ninyong gawin ito.

At kapag kayo’y pagod na at parang wala na kayong makitang mabuting mangyayari sa inyong pagsisikap na mamuhay nang matuwid, huwag sumuko. Huwag ninyong ikompromiso ang inyong mga pangarap at mithiin. Dagdagan ang inyong pananampalataya na palaging sulit ang hintayin ang takdang panahon ng Panginoon.

At kapag nangyari ang nakakatakot, napakasakit, matinding mga bagay sa iyong buhay, at talagang hindi ninyo alam kung paano mananatiling ligtas sa landas sa inyong personal na Getsemani, tandaan na si Cristo, ang Hinirang, ay tinaglay na ang inyong mga pighati at kalungkutan.5 Siya’y nabugbog dahil sa inyong mga kasamaan, … at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling kayo.6 Alam Niya, sa personal na paraan, ang pasakit na nadarama ninyo. Siya ang Panganay ng Ama, at Siya muna ang nagtiis ng lahat ng inyong pagdurusa, sa kaisipan, sa pisikal, emosyonal, o espirituwal man. Huwag kailan man pagdudahan ang Kanyang mga pangako ng pag-asa at paggaling. Kayo’y nilikha para sa maligaya, masaganang pamumuhay. Ang inyong kahalagahan ay walang-hanggan, gayundin ang pagmamahal ng Diyos para sa inyo.

Katapusan

Natutuwa akong mapakikinggan ninyo ang aking asawa. Gusto kong malaman ninyo—akma sa inyong edad at katayuan sa buhay, habang nakikipagdeyt at nag-aasawa kayo—na ang lalaking ito na mahal na mahal ko ay napakabait sa akin sa loob ng 27 taon naming pagsasama. Hindi niya kailanman ipinadama sa akin na maliit ako o hindi mahal, at hindi niya ako ginawang biro kailanman. Sana ay may matutuhan kayo mula diyan.

Gusto kong ipahayag ang aking buhay na pananampalataya sa Buhay na Cristo, na Siyang tunay na “ilaw, buhay, at ang pag-asa ng mundo. Ang Kanyang landas ay humahantong sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating.”7 Ito ang Kanyang simbahan na pinamumunuan ng Kanyang propeta.

Sa sagrado, at nakapagliligtas na pangalan ni Jesucristo, amen.