Mga Debosyonal noong 2019
“Huwag Mag-alinlangan, Kundi Maging Mapagpaniwala”


33:28

“Huwag Mag-alinlangan, Kundi Maging Mapagpaniwala”

Pandaigdigang Devotional para sa mga Young Adult • Enero 13, 2019 • Brigham Young University–Hawaii

Elder Dale G. Rendund: Maraming salamat sa pagdalo ninyo ngayon. Alam naming lahat kayo ay may iba pang mga bagay na gagawin. Dalangin ko na pagpalain kayo ng Diyos sa inyong sakripisyo. Pinasasalamatan ko kayo sa inyong pananampalataya at katapatan sa ngalan ng Panginoon at sa Kanyang Simbahan.

Sister Ruth L. Renland: Masaya kaming makasama ninyo ngayon. Napakaganda ng koro at nakapag-ambag ito sa diwa ng miting. Nagpapasalamat kami sa iba pang nakaupo sa harapan at kinikilala ang papel na ginagampanan nila sa inyong buhay at sa aming buhay. Hinahangaan namin ang kanilang halimbawa ng pagkadisipulo.

Nakatanggap kami ng inspirasyon na talakayin ang isang paksa na maraming buwan na naming pinag-iisipan: ang pananampalataya at pag-aalinlangan. Hunyo noong nakaraang taon, nagbahagi kami ng isang talinghaga sa taunang training broadcast para sa mga guro sa Seminaries and Institutes of Religion. Sa pagsisimula natin ngayon, nais naming ibahagi sa inyo ang talinghagang ito.

Elder Dale G. Renlund:Kunwari ay tumaob ang bangkang sinasakyan mo habang naglalayag sa karagatan. May suot kang life jacket at ilang oras nang lumalangoy papunta sa inaakala mong pinakamalapit na dalampasigan, pero hindi ka sigurado. Nauubusan na ng tubig ang iyong katawan, kaya sa tuwing lalangoy ka, nahihilo ka at napapagod. Sa tantiya mo, mga 30 kilometro pa ang layo ng dalampasigan, o 18 milya pa. Natatakot ka para sa iyong buhay dahil hindi mo kayang lumangoy nang ganoon kalayo. Sa di kalayuan may narinig kang ugong ng isang maliit na makina. Parang papalapit sa iyo ang tunog; naisip mong maliligtas ka na. Nang tumingin ka, may papalapit na bangkang pangisda.

Sister Ruth L. Renlund: “Hay, salamat na lang,” naisip mo, “nakikita ako ng kapitan!” Tumigil ang bangka, at isang mabait na mangingisda ang tumulong para makasakay ka sa bangka. Buong pasasalamat kang gumapang papunta sa upuan sa bangka, at nakahinga nang maluwag. Binigyan ka ng mangingisda ng tubig at ilang piraso ng biskwit. Mabilis mong ininom at kinain ang mga ito. Ang tubig at biskwit ay naging sapat para manumbalik ang lakas mo. Naginhawahan ka at napakasaya mo. Papauwi ka na.

Nang medyo nanumbalik ang lakas mo at gumaganda na ang pakiramdam mo, napansin mo ang ilang bagay na hindi mo napansin noong una. Ang tubig ay medyo iba ang lasa at hindi ito ang gugustuhin mong inumin, tulad ng Evian o Perrier. Masarap naman ang biskwit pero ang gusto mo talaga ay cold cuts na susundan ng tsokolateng croissant. Napansin mo rin na ang mabait na mangingisda ay nakasuot ng lumang bota at maong. Ang sweatband na nasa sumbrero niya ay marumi na, at tila mahina na ang pandinig niya.

Elder Dale G. Renlund: Napansin mo rin na ang bangka ay luma na at may mga gasgas sa kanang bahagi. Ang ilang pintura ay gasgas na at nababakbak. Napansin mo rin na kapag hindi mahigpit ang pagkakahawak ng mangingisda sa timon, kumakabig ang bangka sa kanan. Nagsimula kang mag-alala na baka hindi ka mailigtas ng bangkang ito at ng kapitang ito. Tinanong mo ang matandang mangingisda tungkol sa mga yupi at sa timon. Sinabi niyang di siya masyadong nag-aalala sa mga bagay na iyon dahil matagal na niyang gamit ang bangka sa rutang ito, araw-araw, nang ilang dekada. Palagi siyang naitatawid nang ligtas ng bangka saan man siya magpunta.

Nagulat ka! Bakit hindi siya nag-aalala tungkol sa mga yupi at pagmamaniobra ng bangka? At bakit hindi ka nabigyan ng mas gusto mong inumin at pagkain? Habang lalo kang tumutuon sa bangka at sa mangingisda, lalo kang nag-aalala. Nag-alinlangan ka na sa desisyon mong sumakay sa bangka. Lalo ka pang nag-alala. Sa huli, sinabihan mo ang mangingisda na itigil ang bangka at hayaan kang lumusong muli sa tubig. Kahit na mahigit 20 kilometro o 12 milya pa ang layo mo sa dalampasigan, hindi mo matiis na manatili pa sa bangka. Nalulungkot na itigil ng mangingisda ang bangka at tinulungan kang makabalik sa tubig. Nag-iisa kang muli.

Sister Ruth L. Renlund:Isipin na ang kuwentong ito ay isang talinghaga na kung saan ang bangka ay ang Simbahan at ang mangingisda ay ang mga taong naglilingkod sa Simbahan.1Ang pangunahing layunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling-Araw ay tulungan ang Diyos Ama at si Jesucristo sa Kanilang gawain na isakatuparan ang buhay na walang hanggan ng mga anak ng Diyos.2Nagbibigay ito ng landas ng tipan, ang daang pabalik sa ating Ama sa Langit. Ang mga naglilingkod sa Simbahan, bagama’t hindi perpekto, ay mahalaga para matulungan at mahikayat tayo tungo sa landas ng tipan.

Ano ang itinuturo sa atin ng bangka at ng mangingisda tungkol sa Simbahan? Ang mga yupi at bakbak na pintura ba sa Simbahan ay nagpapabago sa kakayahan nitong maglaan ng mga ordenansang nakaliligtas at nakadadakila para tulungan tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit? Kung kailangang hawakan ng mangingisda ang timon gamit ang kanyang dalawang kamay para manatili ito sa landas, nakababawas ba iyon sa kanyang kakayahan at sa kakayahan ng bangka na dalhin tayo sa ligtas na lugar na gusto nating puntahan? Hindi kayo kailangang maordenan bilang tagakita, tulad ng asawa ko, para malaman na ang pagbalik sa tubig sa halip na manatili sa bangka ay mapanganib. Gayunman kapag hindi natin nakita ang mga bagay nang may magandang pananaw, ang maliliit na yupi at bakbak na pintura ang tila magiging malaking isyu sa atin.

Bawat miyembro ng Simbahan ay kailangang magkaroon ng sariling patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na Simbahan. Kung walang tunay na pagbabalik-loob, at malaking pagbabago ng puso, maaaring magtuon ang mga tao sa metaporikang biskwit at bakbak na pintura.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018: “Hindi ninyo kailangang itanong kung ano ang totoo [tingnan saMoroni 10:5]. Hindi na ninyo kailangang isipin kung sino ang ligtas na mapagkakatiwalaan ninyo. Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, magkakaroon kayo ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at ito ang Simbahan ng Panginoon. Anuman ang sabihin o gawin ng ibang tao, walang makapag-aalis ng patotoo na ikinintal sa inyong puso’t isipan sa kung ano ang totoo.”3Napakahalaga ang patotoong ito ngayon kaysa noon.

Elder Dale G. Renlund: Nagsimula ang patotoo ko noong nakatira ako sa Göteborg, Sweden. Ako ay 11 taong gulang noon. Inanyayahan ng mission president ang lahat ng kabataan na basahin ang Aklat ni Mormon. Tinanggap ko ang hamon at sinimulan kong basahin iyon. Sa pagbabasa ko, sinabi sa amin ng isa sa mga counselor ng mission president na dapat naming ipagdasal ang binabasa namin. Malinaw ko pang naaalala ang gabing iyon nang gawin ko ang paanyayang iyon. Lumuhod ako sa tabi ng kama, at sinimulan ang isang simpleng panalangin para malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon.

Wala akong narinig na tinig, pero parang sinabi sa akin ng Diyos na, “Noon ko pa sinasabi sa iyo na totoo ito.” Binago ako ng karanasang iyon, binago nito ang buhay ko. Iyon ang simula ng paniniwala, ng pagtahak sa landas ng tipan at pagsisikap na gumawa pa at mas pagbutihin pa. Sa Göteborg ko natutuhan kung paano magsisi. Sa Göteborg ako nagkaroon ng kaalaman tungkol sa aking Manunubos. Sa Göteborg ako nagsimulang humanga sa mga taong tumutupad sa kanilang mga tungkulin at masipag na gumagawa para itayo ang kaharian ng Diyos. Ang Göteborg ang naging “mga tubig ng Mormon” sa akin.4

Sister Ruth L. Renlund: Saan kayo nagkaroon ng kaalaman tungkol sa inyong Manunubos? Ano ang naramdaman ninyo? Kung nalimutan na ninyo, hinihikayat namin kayong muling damhin iyon. Ang kaalaman at damdaming ito ang simula ng pananampalataya.

Ang pananampalataya ay isang pagpili na kailangang gawin ng bawat tao. Ang pananampalataya ay hindi pangangarap lang na magkatotoo ang isang bagay at kumbinsihin na lang ang sarili ninyo na totoo ito. Ang pananampalataya ay ang katiyakan ng pag-iral ng mga bagay na hindi natin nakita sa laman. Ang pananampalataya ay alituntunin din ng pagkilos.

“Ang pananampalataya ay kailangang nakasentro kay Jesucristo upang maakay nito ang isang tao tungo sa kaligtasan. … Lumalakas ang pananampalataya sa pakikinig sa ebanghelyong itinuturo ng mga awtorisadong [guro] na isinugo ng Diyos [tingnan saMga Taga Roma 10:14–17]. Hindi nagbubunga ng pananampalataya ang mga himala, subalit nahuhubog ang malakas na pananampalataya sa pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ibig sabihin, ang pananampalataya ay nagmumula sa kabutihan [tingnan saAlma 32:40–43].”5Ang pananampalataya ay hindi nagmumula sa paghingi ng mga tanda mula sa Diyos kundi sa pagsunod sa Kanyang mga utos.

Elder Dale G. Renlund:Nais ng Diyos na magkaroon tayo ng pananampalataya upang mapagpala Niya tayo.6Ang pananampalataya ay ang susi na nagbubukas ng awa ng Diyos. Kinakailangang magpasiya ang tao na gusto niyang manampalataya at pagkatapos ay kumilos nang may pananampalataya upang lumago ito. Itinuro ni Alma: “Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.”7Upang lumago ang pananampalataya, kinakailangang piliin ng isang tao ang magkaroon ng pananampalataya at kumilos para matamo ito.

Sister Ruth L. Renlund:Ang pagnanais na magkaroon ng pananampalataya ay nangangailangan ng paggawa. Sa maraming paraan, ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa.

Ang alituntuning ito ay nakasaad sa pangako sa Aklat ni Mormon na sinunod ng asawa ko noong 11-anyos siya. “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”8

Kapag sinimulan mo sa tanong na, “Hindi kaya totoo ang mga bagay na ito?” humahantong ito sa pagsisimula ng pananampalataya na kung aalagaan ay lalago. “Hindi kaya totoo ang mga bagay na ito?” ay tanong na nagpapalagay na totoo ito. Halimbawa, kung sasabihin ko, “Hindi ba tayo magbibiyahe mula Honolulu hanggang sa hilagang dalampasigan?” ipinapalagay nito na magbibiyahe tayo. Ang ipinatatanong sa atin ni Moroni hinggil sa Aklat ni Mormon ay tanong na udyok ng pananampalataya at kung gayon ay humahantong sa pagkakaroon ng mas malakas na pananampalataya.

Kung sisimulan naman natin sa tanong na, “Hindi kaya mali ito?” nauuwi ito sa pag-aalinlangan. At ang pag-aalinlangan ay hindi humahantong sa pananampalataya.

Elder Dale G. Renlund:Minsan habang nasa sa isang stake conference, hiniling ng stake president na kausapin ko ang isang lalaking tatawagin kong Stephen. Si Stephen ay matapat na miyembro ng Simbahan. Siya ay nagmisyon at ikinasal sa templo. Matapat siyang naglingkod nang maraming taon pero nagsimulang pag-alinlanganan ang Simbahan. Nang kausapin ko si Stephen, sinabi niyang naguguluhan siya sa katotohanang nagsalaysay si Joseph Smith ng apat na bersiyon ng Unang Pangitain. Naisip niya na baka ibig sabihin nito ay gawa-gawa lang ito ni Joseph.

Ipinakilala ko si Stephen sa isang lalaking nagsaliksik sa apat na bersiyong ito mga ilang dekada na ang nakalipas. Pinuntahan ni Stephen ang lalaking iyon. Nang sumunod kong makausap si Stephen itinanong ko, “Ano na ang pakiramdam mo tungkol sa Unang Pangitain?”

Sabi niya, “Ayos naman po kasi nasagot ang mga tanong ko. Hindi ko na po iniisip iyon. Pero ang gumugulo ngayon sa isip ko ay ang tungkol sa poligamya na ginawa noon sa Nauvoo at pagkatapos ng Manipesto noong 1890. Talagang pong naguguluhan ako.”

Sinabi ko kay Stephen na makipag-usap sa isang tao na nagsaliksik sa mga paksang ito mula sa mga materyal na mapagkakatiwalaan. Pagkatapos ng pag-uusap na iyon, kinontak ko si Stephen at kinumusta ko siya.

Sabi niya, “Hindi na po ako naguguluhan tungkol doon. Naunawaan ko na ang nangyari, at nasagot na po ang tanong ko. Pero ngayon ang talagang gumugulo sa isip ko ay ang hindi pagbibigay ng priesthood noon sa mga taong may dugong Africano.”

Sister Ruth L. Renlund:Nakakalungkot na pinili ni Stephen na patuloy na mag-alinlangan. Para sa kanya, “mas gusto niyang mag-alinlangan kaysa magkaroon ng kaalaman9at pinag-alinlanganan niya ang mga bagay na itinanim niya nang may pananampalataya.10Sa paglipas ng panahon, kapag nalutas ang isang bagay na gumugulo sa isipan niya, mayroon na namang kasunod. Pagsikapan man ng sinuman na sagutin ang mga tanong na ito, nakakahanap siya ng isa pang paksang pagdududahan niya. Nakatuon siya sa mga yupi ng bangka at hindi sa kakayahan ng bangka na dalhin siya sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang ginagawa ni Stephen ay isang uri ng “Church history whack-a-mole.” Ito ay larong pambata kung saan may susulpot na mole mula sa board at pagkapalo dito, lilitaw na naman ang isa pang mole sa ibang lugar sa board.

Bagama’t maaaring pansamantalang malutas ng karagdagang impormasyon ang isang bagay na gumugulo sa isipan, ang karagdagang impormasyon ay hindi ang kumpletong solusyon dahil, ayon nga sa isinulat ni Pablo sa Mga Taga-Corinto, “Nguni’t ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”11Ang pananampalataya kay Jesucristo at patotoong pinagtibay ng Espiritu ay kinakailangan din.

Maraming may mga katanungan, mga pag-aalinlangan sa kanilang isipan, at nahihirapang magpakatatag sa espirituwal ngunit magkagayon man sila ay nanatili pa ring tapat at patuloy sa landas ng tipan. Kadalasan, nakatatanggap sila ng sagot na natanggap ni Elder Neil L. Andersen ilang dekada ang nakararaan noong nagtanong siya kung sapat na siyang handa na maglingkod sa misyon. Habang siya ay nagdarasal, dumating ang sagot: “Hindi mo nalalaman ang lahat, ngunit sapat ang iyong kaalaman!12Kung minsan—sa katunayan ay madalas—ang sagot ng Panginoon ay, “Sapat na ang nalalaman mo para manatili sa landas ng tipan at sumunod sa Aking mga utos.”

Nang tanungin si Nephi kung alam niya kung ano ang pagpapakababa ng Diyos, sinabi niya, “Alam ko na mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng mga bagay.”13Ang nalalaman niya ay sapat na. Sa buhay na ito, hindi natin malalaman ang kahulugan ng lahat ng bagay, ngunit sapat na ang alam natin. Ang ating mga tadhana ay nakasalalay sa binhi ng pananampalalataya na lalago kapag kumikilos tayo ayon dito.

Elder Dale G. Renlund:Ang pag-aalinlangan ay hindi kailanman magbubunga ng pananampalataya tulad din na hindi kailangan ng liwanag ang kadiliman para malikha ito. Si Pedro, nang palubog siya sa tubig matapos subukang lumakad sa ibabaw nito, ay hindi sinabihang, “O Pedro, kung mas nag-alinlangan ka pa sana.” Ang sinabi sa kanya ay, “Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?”14

Sa Lectures on Faith,ang pagkakaiba ng pananampalataya at pag-aalinlangan ay ipinaliwanag: “Kung saan mayroong pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan ay … walang pananampalataya, ni magkakaroon nito. Dahil ang pag-aalinlangan at pananampalataya ay hindi sabay na umiiral sa iisang tao; … ang mga tao na ang isipan ay nag-aalinlangan at nangangamba ay hindi magkakaroon ng di natitinag na pagtitiwala; at kung walang di natitinag na pagtitiwala, ang pananampalataya ay mahina; at kung mahina ang pananampalataya hindi magagawa ng mga tao na makipaglaban sa lahat ng oposisyon, kapighatian, at paghihirap na kailangan nilang harapin para maging mga tagapagmana ng Diyos, at kasamang tagapagmana ni Cristo Jesus; at mapapagod ang kanilang isipan, at madadaig sila ng kaaway at wawasakin sila.”15

Ito ang nangyari kay Stephen. Hinayaan niyang mapuno ng pag-aalinlangan at kawalang katiyakan ang kanyang isipan. Sa paglipas ng panahon, nawalan siya ng lakas na harapin ang mga hamon na nararanasan isang tao bilang miyembro ng Simbahan. Napagod ang kanyang isipan, at naglaho ang kanyang pananampalataya.

Sister Ruth L. Renlund:Ang pagtatanong tungkol sa Simbahan at mga doktrina nito ay normal lamang at siyang simula ng pag-aaral ng ebanghelyo. Naunawaan ni Joseph Smith nang mabasa niya, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”16

At sinabi pa rito, “Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan.”17

Sa madaling salita, magtanong sa Diyos, nang walang pag-aalinlangan na maibibigay Niya sa inyo ang sagot. Sinabi pa sa scripture passage na ito, “Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. Sapagka’t huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anomang bagay sa Panginoon. Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad.”18

Para matanggap ang uri ng sagot na natanggap ni Joseph Smith, para matanggap ang uri ng sagot na hangad natin, kailangan tayong manalangin sa Diyos nang may mapaniwalaing puso at isipan na hinahangad na ang mga bagay tungkol sa Diyos ay maipaalam sa atin.

Elder Dale G. Renlund:Gustung-gusto namin ang pahayag ni Elder John A. Widtsoe, isang Apostol noon sa dispensasyong ito. Uulitin ko sa ibang paraan ang sinabi niya. Ang pag-aalinlangan, maliban kung mauwi ito sa pagtatanong sa totoo at mapagkakatiwalaang sources, ay walang kahalagahan. Ang nagdududang walang ginagawa, na kontento na lamang sa kanyang sarili, na ayaw magsikap para matuklasan ang mga espirituwal na bagay, ay tiyak na mawawalan ng pananampalataya at masasadlak sa kadiliman. Ang kanyang mga pag-aalinlangan ay uusbong tulad ng mga nakalalasong kabuti sa madilim na sulok ng kanyang isipan at kaluluwa. Sa huli, bulag na gaya ng munting hayop sa kanyang lungga, karaniwan niyang inihahalili ang pangungutya sa katwiran, at katamaran sa kasipagan. Ang pag-aalinlangan ay hindi mali maliban kung ginusto ito at wala ginawa para dito. Ang pag-aalinlangang iyan na kusang lumalaki, at pinagmumulan ng marami pang pag-aalinlangan, ay masama.19

Talagang totoo ang mga sinabi ni Elder Widtsoe Ang patuloy na pag-aalinlangan ay hindi humahantong sa kaalamang totoo at buhay ang Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala; hindi ito humahantong sa kaalaman na tayo ay mayroong mabait, mapagmahal na Ama sa Langit na siyang gumawa ng dakilang plano ng kaligtasan. Maaari nating malaman ang katotohanan ng gawaing ito sa mga huling araw, ngunit kailangan nating piliin ang pananampalataya, hindi pag-aalinlangan, at maghahanap tayo ng mga sagot sa totoo at mapagkakatiwalang sources.

Sister Ruth L. Renlund:Binanggit din ni Alma ang alituntuning ito. Sabi niya, “At kaya nga, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito. At sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang malaman pa hinggil sa kanyang mga hiwaga; at pagkatapos, sila ay kukuning bihag ng diyablo, at aakayin ng kanyang kagustuhan tungo sa pagkawasak.”20

Hihingi ba kayo ng payong pinansyal sa isang taong nalugi at baon sa utang?

Elder Dale G. Renlund:Hihingi ba kayo ng payong medikal mula sa isang manlolokong snake oil salesman?

Sister Ruth L. Renlund:Kanino kayo hihingi ng payo para humusay sa tennis—sa isang taong hindi propesyonal o kay Roger Federer?

Elder Dale G. Renlund:Kaya nga bakit ninyo ipagkakatiwala ang inyong walang hanggang kapakanan sa mga taong walang espirituwal na kaalaman dahil sinira ng kanilang pag-aalinlangan ang yaong itinanim nila nang may pananampalataya21o, tulad ng sinabi ni Jeremias, kanilang “iniwan [si Cristo] na bukal ng buhay na tubig, at nagsigawa sa ganang kanila ng mga balon na mga sirang balon na hindi malalamnan ng tubig?”22Ang mga taong ito ay umalis sa bukal ng buhay na tubig na iyon at gusto nilang magtiwala kayo sa isang bagay na hindi naman malalamnan ng tubig.

Sister Ruth L. Renlund:Mga kapatid, maaari ninyong malaman na mayroong Buhay na Cristo.23Ang blogosphere ay hindi maaaring pumalit sa pag-aaral ng banal na kasulatan at pagbabasa ng mga salita ng mga buhay na propeta at apostol. Palakasin ang inyong pananampalataya sa pamamagitan pagsangguni o paggamit ng mga mapagkakatiwalaang sources para makahanap ng mga sagot sa inyong mga tanong.

Elder Dale G. Renlund:Kapag sinusubukan nating malaman kung totoo o hindi ang isang bagay, ang propetang si Mormon ay nagbigay sa atin ng paraan na susundin:

“Anupa’t lahat ng bagay na mabuti ay nagmumula sa Diyos; at yaong masama ay nagmumula sa diyablo; …

“Ngunit masdan, yaong sa Diyos ay nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti; kaya nga, bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos.

“… Ibinibigay sa inyo na humatol, upang malaman ninyo ang mabuti sa masama; at ang paraan ng paghahatol ay kasingliwanag, nang inyong malaman nang may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw mula sa kadiliman ng gabi.

“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.

“Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo.”24

Kaya, simple lang. Kung ang pipiliin ay maghihikayat sa inyo na gumawa ng mabuti at maniwala kay Cristo, ito ay sa Diyos. Kung ang pipiliin ay maghihikayat sa inyo na gumawa ng masama at ikaila si Cristo, ito ay sa diyablo. Sa pagtahak ninyo sa landas ng tipan, malalaman ninyo na mali ang mga bagay na iyon na naglilihis sa inyo mula sa landas na iyon, na humihimok sa inyo na huwag maniwala kay Cristo. Ang mga bagay na humihikayat sa inyong maniwala sa Diyos, na mahalin Siya, at sundin ang Kanyang mga utos ay mula sa Diyos. Hindi ninyo mararanasan ang mahahalagang espirituwal na pangyayari kung pipiliin ninyong patuloy na mag-alinlangan, na napatindi ng mga sagot na nagmula sa walang pananampalataya at hindi totoong sources.25

Sister Ruth L. Renlund:Balikan natin ang talinghaga, ang mga taong nagpasiyang manatili sa luma, may yupi at gasgas na bangka ay yaong nakatatanto na nasagip sila ng bangka sa pagkalunod at madadala sila nang ligtas sa dalampasigan. Sa madaling salita, pumunta sila sa landas ng tipan at nanatili sa landas ng tipan. At, kapag nagtiis sila hanggang wakas, ang pangako na buhay na walang-hanggan ay ibibigay sa kanila. Ito ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos. Sa prosesong ito natin makikilala si Jesucristo, malalaman na Siya ay buhay, malalaman ang Kanyang pagmamahal at habag.

Nakasaad sa Doktrina at mga Tipan, “Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat.”26Pansinin na magkapareho ang gantimpala, nalalaman man ninyo o naniniwala kayo—buhay na walang hanggan ang ibibigay sa matatapat.

Elder Dale G. Renlund:Noong Abril 2009, ako ay sinang-ayunan bilang General Authority sa Simbahan. Noong Oktubre 2009, hinilingan akong magsalita sa pangkalahatang kumperensya. Tuwang-tuwa ako na mapapakinggan ng tatay ko ang kumperensya. Masipag siyang karpintero noon at buong buhay niya ay ganoon ang trabaho niya at, sa edad na 92, ay nagkaproblema siya sa likod. Hindi siya makapunta sa Conference Center. Kaya tiniyak ng isa sa mga kapatid kong babae na mapapanood niya ang sesyon sa TV sa kanyang tahanan sa Salt Lake City.

Pagkatapos ng kumperensya nagpunta ako sa bahay niya para alamin kung ano ang palagay niya sa mensahe ko. Siya ay taong hindi masalita at bihirang pumuri.

Sabi ko, “Dad, napanood po ba ninyo ang kumperensya?”

Sabi niya, “Ja.

Sabi ko, “Dad, narinig n’yo ba ang mensahe ko?”

Sabi niya, “Ja.

Sabi ko, “Dad, ano po sa palagay n’yo?”

Sabi niya, “O, ayos naman. Halos magmalaki ako.”

Pero nalaman ko na medyo nabahala siya noong hapong iyon, dahil gusto sana niyang ikuwento sa akin ang panaginip niya noong gabi bago iyon. Hindi siya laging nananaginip. Hindi siya nag-iisip nang kung anu-ano. Hindi ko siya narinig na nagsinungaling kailanman. Palagi siyang diretsahang magsalita at tapat. Sabi niya, “Nanaginip akong namatay ako at nakita ko ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Niyakap Niya ako at sinabing pinatawad ang mga kasalanan ko. At Dale, ang ganda ng pakiramdam.” Iyon lang ang sinabi niya, at hindi na ako nagtanong pa. Namatay siya makalipas ang dalawang buwan habang kami ni Ruth ay nasa Madagascar.

Ang tatay ko, matapos sumapi sa Simbahan sa Larsmo, Finland, sa edad na 24, ay namuhay ayon sa natanggap niyang liwanag at kaalaman. Ginawa niya ang lahat ng ipinagagawa sa kanya. Naging karapat-dapat siya sa kaloob na Espiritu na iyon na malaman na si Jesus ang Cristo at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan, at para sa kanyang mga kasalanan. Ang pagiging marapat sa kaloob na ito ay hindi batay sa kasarian at hindi batay sa katungkulan sa priesthood. Ito ang pangakong gantimpala para sa pagpili sa pananampalataya at sa pagpili sa landas ng tipan.27

Sister Ruth L. Renlund:Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya at mapanatiling malakas ito? Kailangang kumilos. May math class ba kayo noon—sabihin nating calculus—at pinanonood ang propesor ninyo habang sinasagutan niya ang math problem? Kaagad bang nalipat sa inyo ang kaalaman niya dahil pinanood n’yo siya sa pagsagot sa math problem? Hindi. Upang magtamo ng kaalaman—ng gayon ding kaalaman na taglay ng inyong propesor—kailangan ninyong lutasin ang calculus problem nang mag-isa; kailangan ninyong pag-aralan at gawin ang mga practice problem hanggang sa masanay kayo sa proseso, sa mga equation at mga simbolo.

Sa gayon ding paraan, ang pagkakaroon ng pananampalataya at pagpapalakas nito ay nangangailangan ng paggawa. Maaaring mainspirasyunan tayo ng isang taong may malakas na pananampalataya, ngunit ang pananampalataya ng iba ay hindi nalilipat sa atin. Dapat nating gawin ang sariling pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga buhay na propeta. Dapat tayong manalangin, maging taimtim sa pakikipag-usap sa Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo. Kinakailangang karapat-dapat tayo sa pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo at pag-alaala na maawain ang Diyos sa atin kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang Anak para sa ating mga kasalanan. Ang personal at pribadong gawaing ito ng katapatan ay nagpapalakas at nagpapanatili ng pananampalataya.

Elder Dale G. Renlund:Ang unang responsibilidad ko bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa ay humayo at sabihin sa Church History Department na ako ang hahalili kay Elder Jeffrey R. Holland bilang advisor sa kanilang departmento. Gaya ng nakikinita ninyo, nagkaroon ng “pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin”28nang malaman nilang papalitan ang mahal nilang advisor. Nagkulang ng Kleenex tissue.

Bilang bahagi ng aking assignment bilang advisor sa Church History Department, binasa ko ang lahat ng tomo ngThe Joseph Smith Papers.Nabasa ko rin ang unang tomo at unang bahagi ng ikalawang tomo ng bagong salaysay ng kasaysayan ng Simbahan, na pinamagatangMga Banal. 29Ang pagbabasa ng lahat ng isinulat ni Joseph Smith o iniulat na sinabi ni Joseph Smith ay nagpalakas sa aking patotoo sa kanyang tungkulin bilang propeta na pinili ng Diyos para ipanumbalik ang Kanyang gawain sa lupa.

Si Joseph Smith ay nanatiling tapat sa kanyang patotoo. Siya ay hindi pabagu-bago. Lagi siyang kumikilos bilang isang taong aktuwal na nakakita sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo; Moroni; Juan Bautista; Pedro, Santiago, at Juan; Moises; Elias; at Elijah. Kumilos siya bilang isang tao na kumuha ng laminang ginto at isinalin ang mga sinaunang tekstong iyon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Kumilos siya bilang isang taong tumanggap ng paghahayag mula mismo kay Jesucristo. Kumilos siya bilang isang taong tumanggap ng priesthood at ng mga susi ng banal na pagka-Apostol.

Alam ko sa mas makapangyarihan at mapagkakatiwalaang paraan kaysa sa kayang malaman at ipahayag ng aking limang pandama na nakita ni Joseph Smith ang sinabi niyang nakita niya, isinalin ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, at natanggap ang priesthood at kaukulang mga susi nito para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Alam kong ito ay totoo. Alam kong ang mga susing iyon ay nasa mundo ngayon at na si Pangulong Nelson ang nararapat na kahalili ni Joseph Smith sa mundo.

Ang itinuturing nating mga yupi at bakbak na pintura sa lumang bangka ay tila itinulot at iniutos mula sa walang-hanggang pananaw. Maaaring ang Panginoon ang may gawa ng mga yupi at bakbak na pintura o ginagamit Niya ang mga ito para sa Kanyang sariling mga layunin. Alam ko sa sarili ko na ang Panginoong Jesucristo ang namamahala sa Kanyang gawain sa mundo ngayon. Kilang-kilala Siya ng Kanyang mga tagapaglingkod ngayon.

Sister Ruth L. Renlund:Natutuwa akong idagdag ang patotoo ko na alam kong si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Kapag sumasampalataya tayo, hindi nag-aalinlangan, sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at sa mga bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang buhay natin ay pagpapalain nang walang hanggan. Nagpapasalamat ako na ipinanumbalik Niya ang Kanyang Simbahan ngayon lakip ang lahat ng mga pagpapalang maibibigay sa mga anak ng Diyos sa lupa.

Elder Dale G. Renlund:Si Jesucristo ay buhay at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Pinatototohanan ko ang Kanyang habag, pagmamahal, at malasakit sa lahat ng anak ng Diyos. Pinatototohanan ko ang Kanyang walang katulad na nagbabayad-salang sakripisyo para sa inyo at sa akin. Nang makilala ko ang Tagapagligtas, nalaman ko ang Kanyang matinding hangarin na tumulong na mapagaling ang sugat at mapahilom ang namimighating puso.

Dalangin ko na mapasainyo ang pinakasaganang mga pagpapala ng Diyos. Dalangin ko na magkaroon kayo ng pananampalataya kay Jesucristo, na kayo ay “huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala.”30Inaanyayahan ko kayo na palakasin pa ang inyong pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga buhay na propeta, nagdarasal at nakikipag-usap sa Ama sa Langit, at patuloy na naghahanda at karapat-dapat tumanggap ng sakramento tuwing Linggo. Pagpapalain kayo ng Diyos sa pakikibahagi sa gawaing ito ng katapatan at paglilingkod at pagmiministeryo sa iba. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Manatili sa Bangka at Kumapit nang MahigpitEnsignoLiahona,Nobyembre 2014, 89–92; at Gérald Caussé, “Ito ay Tungkol sa mga Tao,EnsignoLiahona,Mayo 2018, 111–13. Sinabi niya, “Minsan ay inihalintulad ni Pangulong Russell M. Nelson ang Simbahan sa isang magandang sasakyan. Gustung-gusto natin kapag malinis at makintab ang ating sasakyan. Pero ang gamit ng sasakyan ay hindi para maging isang magandang makina lamang; kundi upang dalhin sa ibang lugar ang mga tao na nakasakay rito.”

  2. Tingnan saMoises 1:39.

  3. Russell M. Nelson “P“aghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,EnsignoLiahona,Mayo 2018, 95.

  4. Mosias 18:30.

  5. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya,” scriptures.lds.org.

  6. Tingnan saAlma 32:22.

  7. Alma 32:27.

  8. Moroni 10:4.

  9. Paraphrase ni Michel de Montaigne, “On the Education of Children,” sinipi sa Dante’sInferno: “Dahil mas ikinatutuwa ko ang pag-aalinlangan kaysa magkaroon ng kaalaman.”

  10. Paraphrase hango sa siping mula kay Elisabeth Elliot (1926–2015), isang Kristiyanong Amerikana na isinilang sa Belgium na awtor at tagapagsalita.

  11. I Mga Taga Corinto 2:14.

  12. Neil L. Andersen. “Sapat na ang Alam Ninyo,EnsignoLiahona,Nob. 2008, 13.

  13. 1 Nephi 11:17.

  14. Mateo 14:31.

  15. Lectures on Faith[1985] 71.

  16. Santiago 1:5.

  17. Santiago 1:6.

  18. Santiago 1:6–8.

  19. Tingnan sa John A. Widtsoe,Evidences and Reconciliations[1960], 31–33.

  20. Alma 12:10–11.

  21. Paraphrased na hango sa siping mula kay Elisabeth Elliot.

  22. Jeremias 2:13.

  23. Tingnan saAlma 30:13–16.

  24. Moroni 7:12–13, 15–17.

  25. Tingnan sa Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,EnsignoLiahona,Nob. 2015, 65–68.

  26. Doktrina at mga Tipan 46:13–14.

  27. Tingnan saDoktrina at mga Tipan 88:67–68.

  28. Alma 40:13.

  29. Tingnan sa Steven E. Snow, “Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw,Ensign,Peb. 2018, 58-59.

  30. Mormon 9:27.