Mga Debosyonal noong 2020
Pagsulong sa Buhay Kasama ang Espiritu Santo


2:3

Pagsulong sa Buhay Kasama ang Espiritu Santo

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Mayo 3, 2020

Magandang gabi, mga kapatid. Nagpapasalamat talaga ako sa awit na iyon. Isa iyon sa mga paborito ko, at binigyan ako nito ng pakiramdam ng kapanatagan at pagmamahal sa oras na ito. Gusto ko ring ipaabot ang ang pagpapakumbaba at pagmamahal sa pakikisama sa inyo ngayong gabi. Kilala ang maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo, nakapagpapakumbaba na malaman ang mga panalangin na sinambit. At gusto ko ring iparating ang aking pagmamahal sa aming mga apong ilang buwan na naming hindi nakikita. Sana ay nakikinig sila at nalalaman kung gaano namin sila kamahal.

Kung naririto sila, patototohanan nila na gusto ko ang lahat ng uri ng panahon: ang maaraw, mahangin, mga snowstorm, windstorm, thunderstorm, at kahit pa mga nor’easter na may dalang malalaking alon sa dagat. Sa nakaraang 45 taon na tumira kami sa maraming iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos at ng mundo, bawat lugar ay may sariling mga hamon sa klima. Sa Estados Unidos, sa Midwest, ito ay mga matitinding lightning storm at mga buhawi; sa Southeast ito ay mga bagyo; sa Northeast, mga blizzard, malalamig na pag-ulan, at mga ice storm; sa West, ang mainit na mga hangin ng Santa Ana at mga lindol. Sa West Africa, mabigat ang bagsak ng ulan at may mga dust storm mula sa Harmattan, mula sa pulang mga buhangin ng Sahara na hinihipan sa buong bansa; sa Europe, may pag-ulan, pagbagsak ng maliliit na tipak ng yelo, niyebe, at sikat ng araw, minsan ang lahat ng ito ay nangyayari sa iisang araw lamang; at naramdaman namin sa Asia ang lakas ng mga bagyo. Ang pagkakaiba ng mga panahong ito ay talagang nakatutuwa para sa akin! Ano nga bang masasabi ko? Hilig ko ang mga klima!

Gayunpaman, kahit na ikinatutuwa ko ang mga panahong dala ni Inang Kalikasan at ang kadakilaan nito, mayroon akong matinding respeto para sa kapangyarihan at posibleng panganib na palaging dala ng matitinding panahong ito. Hindi ko itataya ang buhay ko, ano man ang tukso o kagandahan sa puwersang iyon. Hindi ako sadyang pupunta sa gitna ng kapatagan para lang makita ang nakapananabik na pagkidlat; hindi ako tatalon sa dagat habang ang malalaki at kagila-gilalas na mga alon ay mapanganib na humahampas sa pampang; at hindi ko tutuksuhin si Inang Kalikasan sa hindi pagtago kapag may paparating na buhawi o bagyo. Talagang kinikilala ko ang kahinaan ko kumpara sa lakas ng mga panahong nararanasan ko sa paligid.

Para sa akin, ang puwersa ng pagpapalit ng panahon ay isang mahalagang talinghaga sa buhay. Sa paglabas natin araw-araw, ikaw at ako ay binabati hindi lang ng hindi natin kontrolado na mga pisikal na klima kundi ng malalakas na espirituwal na nakapipinsalang mga puwersa at mga tukso. Bagama’t magkakaiba ang sitwasyon ng bawat isa sa inyo, dapat ay itanong ninyo, “Paano ako pinakamainam na makapaghahanda para sa pang-araw-araw na mga hamong nasa paligid ko?”

Naniniwala akong ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mariing payo ng ating Propeta noong nakaraang kumperensya na sundin ang “marubdob na paghahayag na iyon na nagbukas sa dispensasyong ito [nang] sinabi ng … Diyos, ‘Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!’ [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17].”1

Hindi man natin nakikita o naiintindihan ang mga paparating mula sa harap, sa itaas, o sa likod natin, o laging natutukoy ang malalakas at di-makitang puwersang patungo sa atin, lalakas ang kumpiyansa natin sa ating pang-araw-araw na paglalakbay kung gagawin nating “pakinggan Siya.” Laging sinasabi noon ni Elder Packer, “Kung ang nalalaman mo ay ang nakikita mo lamang sa likas mong mga mata at naririnig sa likas mong tainga, hindi ganoon karami ang nalalaman mo.”

Ang dakilang katotohanan ng Unang Pangitain ay ang realidad na ito: Kung nakadepende kayo sa sarili ninyong pananaw at kaalaman, magiging limitado ang pagkakita ninyo sa mas malaking larawang nasa paligid ninyo, at malalagay sa panganib ang kaluluwa ninyo. Sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, sinabing muli ni Pangulong Nelson:

“Higit na mahalaga ngayon na malaman ninyo kung paano nangungusap sa inyo ang Espiritu. Sa Panguluhang Diyos, ang Espiritu Santo ang sugo. Ipaparating Niya sa inyong isipan ang nais ng Ama at ng Anak na matanggap ninyo. Siya ang Mang-aaliw. Magdadala [S]iya ng kapayapaan sa inyong puso. Nagpapatotoo Siya [sa] katotohanan at pagtitibayin kung ano ang totoo kapag pinakinggan at binasa ninyo ang salita ng Panginoon.

“Muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.”2

Matagal na panahon na ang nakalilipas, sa pamamagitan ng espirituwal na pagkatuto sa pamamagitan ng personal na mga hamon at sagot sa panalangin, natutuhan ko ang malalim na realidad at katotohanang ito: Upang tulungan tayong makita at maghanda para sa anumang masamang panahon o bagyo, ibinigay sa atin ng Diyos ang pangako at kaloob na Espiritu Santo at personal na paghahayag. Isa itong walang kasinghalagang kaloob sa ating pang-araw-araw na buhay, na kayang “[ipag]bigay-alam sa [atin] ang lahat ng bagay na nararapat [nating] gawin.”3

Noong bata pa ako, inakala ko na ang paghahayag ay para lamang sa mga lider ng Simbahan o mga propeta, mga apostol, mga bishop, at sa matatanda, ngunit hindi para sa isang batang katulad ko. Ngayon, alam kong ito ay hindi totoo, at pinatototohanan ko na ang personal na paghahayag ay isang pagpapala na dapat nating hilingin. Kapag ang puso at isipan natin ay mapagkumbaba, madaling turuan, at bukas na may pananampalataya kay Jesucristo, matuturuan tayo ng mga katotohanan at magagabayan tayo ng Espiritu Santo. Ang ilan sa inyo ay maaaring nararamdaman na hindi kayo karapat-dapat sa gumagabay na tinig ng Diyos. Maaaring nararamdaman ninyo na tila kayo sina Laman at Lemuel, na hindi “ipaaalam” ng Diyos ang Kanyang tinig sa inyo. Huwag ninyong paniwalaan iyon. Ang Kanyang Espiritu ay para sa lahat. Sinabi kamakailan ni Elder D. Todd Christofferson, “Hindi natin kailangang kamtin ang katamtamang lebel ng kakayahan o kabutihan bago tumulong ang Diyos—ang banal na tulong ay mapapasa[inyo] sa bawat oras ng bawat araw.”4 Haharapin kayo ng Diyos nasaan man kayo, nang walang kondisyon. Sinabi ni Jesus, “Humingi, at kayo ay makatatanggap.”5 Syempre, mas napapalapit at nabubuksan ang langit habang mas mapagkumbaba at nagsusumikap ninyong intindihin at sundin ang Kanyang mga kautusan.

Ang buhay ninyo at buhay ng iba pa ay mapagpapala sa matapang ninyong pagkilos sa lahat ng pag-uudyok sa inyo ng Espiritu. Maaari ba akong magbahagi ng karanasan na nagturo sa akin ng katotohanang ito maraming taon na ang nakalipas? Maraming taon na ang nakakalipas, nang ang aming panganay na anak na babae ay estudyante sa University of Utah, payapa akong nagising isang gabi at nakatanggap ng agaran at panatag na impresyon tungkol sa kanya. Gising na gising ako, ngunit hindi ako nakadama ng pangamba—tanging pagmamahal para sa kanya—ngunit naramdaman ko na maaaring nasa panganib siya. Nakatira kami sa Connecticut, at nasa Utah siya. Bigla kong naisip: “Tumawag ka sa pulis. Hilingin sa kanila na magpadala ng police car para ikutin ang lugar kung saan siya nakatira.” Nag-atubili ako sandali, sinusubukang intindihin ang narinig ko, at narinig kong muli ang tinig: “Tumawag ka sa pulis.” Kaya ginawa ko iyon. Tumawag ako sa pulis. Hindi ko maipaliwanag sa pulis kung bakit ko siya pinakikiusapan na gawin ito sa kalagitnaan ng gabi, ngunit sinabi kong magpapasalamat ako kung makapagpapadala siya ng sasakyan upang magpatrolya sa lugar na tinitirhan ng anak ko. Siniguro niya sa aking gagawin niya iyon, at panatag akong bumalik sa higaan. Nagising ako kinaumagahan na halos hindi na maalala ang pangyayari sa nagdaang gabi.

Makalipas ang ilang araw, habang papunta kami sa Utah, at habang papunta sa hotel namin, narinig namin sa radyo na may inarestong lalaki ang kapulisan na may kinalaman sa pananakit na naganap malapit sa campus ng University of Utah. Sinabi sa ulat na may isang babaing pinatay isang gabi nang linggong iyon. Natigilan ako, at naalala kong bigla ang pagtawag ko sa pulis sa gitna ng gabi ilang araw na ang nakalilipas. Hindi ko alam kung naganap iyon sa gabi ring iyon. At hindi ko alam kung ang sorority niya ang isa sa mga pinuntiryang lugar. Hindi ko malalaman ang eksaktong nangyari nang gabing iyon, ngunit alam kong ako ay tahimik na ginising isang gabi at inudyukang tumawag upang humingi ng tulong para masigurong ligtas ang aking anak mula sa isang mapanganib na sitwasyon.

Ang mga bagyo ng buhay ay maaaring napakalakas paminsan-minsan, ngunit wala nang mas lalakas pang puwersa kaysa sa kapangyarihan ng priesthood at kaloob na Espiritu Santo sa inyong buhay ngayon. Sa gabi ng Kanyang Pagbabayad-sala, itinuro ng Tagapagligtas na ang walang kasinghalagang kaloob ng Ama na Espiritu Santo ay ibinigay upang magdala ng kapayapaan at kapanatagan sa inyong kaluluwa, “magturo … ng lahat ng bagay” at “magpaalala ng lahat na sinabi,”6 upang “patnubayan kayo sa buong katotohanan” at “ipahayag sa inyo ang mga bagay na darating.”7 Ibinigay sa atin ang Espiritu Santo upang “mapuspos [ang ating mga] kaluluwa ng kagalakan.”8

Ginagawa akong mapagpakumbaba at napupuspos ako ng mga biyayang ito paminsan-minsan. Nakapagtataka pa ba na inaanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na gawin ang lahat ng makakaya natin upang makatanggap ng personal na paghahayag at marinig ang tinig ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa buhay natin? Napansin ba ninyong lumulutang sa mga kumperensya sa nakalipas na tatlong taon ang tema ng personal na paghahayag at ang payong kilalanin ang kaloob na Espiritu sa inyong buhay? Nagpapasalamat ako sa kanilang payo na isandig ang ating mga patotoo at buhay sa ating personal, may layunin, at indibiduwal na mga kaloob ng liwanag at espiritu.

Sa mga araw at mga taon na darating, magkakaroon kayo ng mga karanasan na magpapakita ng magkakaibang paraan ng pagkilos at pagsasalita ng Espiritu sa inyong buhay. Huwag balewalain ang mga impresyong ito. Ito ay maaaring tahimik na bulong o marahang pag-udyok. Maaaring ito ay isang pakiramdam o ideya o maging isang direkta at malinaw na tagubilin. Ito ay maaaring paulit-ulit na impresyon o isang pangalan ng tao. Ang Espiritu Santo ay nagdadala ng biglaang pagbuhos ng kaalaman at pagkaunawa na nagpapaliwanag sa kaisipan natin. Personal kong naranasan ang karamihan sa mga paghahayag na ito at natutuhan na kapag may pangalan o mukha ng isang taong paulit-ulit na pumapasok sa isipan ko, kailangan ko siyang tawagan. Natutuhan kong sumunod sa mga ideya at pag-uudyok kahit na wala akong makitang partikular na paliwanag o kalalabasan nito. Binalaan ako ng Espiritu na huwag pumunta sa ilang mga lugar at lumayo sa ilang mga tao at mga aktibidad. Ang maranasan na bumulong sa inyo ang Espiritu at makipag-usap sa inyo ay isang di-mapapantayang karanasan. Hindi ito nangyayari nang minsan lamang. Bibilang kayo nang maraming beses para matukoy ang naririnig ninyo at kung paano kayo ginagabayan.

Bakit ko ito sinasabi sa inyo? Tulad ng hindi natin lubusang makita o marinig ang lahat ng uri ng matitinding panahong paparating at hindi natin alam ang mga mangyayari pa lamang, kung tanging ang likas na mga mata at tainga lamang ang gagamitin natin, hindi tayo makapaghahanda sa mga puwersa at unos sa buhay na nakapaligid sa atin. Alam kong ang kaisa-isa at tunay na wikang dapat marinig, malaman, at maintindihan natin ay ang wika ng Espiritu. Nawa’y maging perpekto kayo sa pag-unawa sa wikang iyon sa inyong buhay. Sa paggawa nito, magagabayan, mapoprotektahan, at maiaangat kayo sa bawat pangangailangan.

Mahal na mga kaibigan, mga minamahal na kapatid, hindi ako iskolar. Hindi ako bihasa sa mga banal na kasulatan. Ngunit naniniwala ako. Alam kong ito ang tunay at buhay na Simbahan ni Jesucristo, na totoo ang paghahayag, at na bukas ang kalangitan sa inyo. Alam kong si Jesucristo ang aking Tagapagligtas. Siya ang Tagapagligtas ninyo, at nais Niyang pagpalain kayo, protektahan kayo, mamagitan para sa inyo, gabayan kayo, at iangat kayo. Kapag walang ibang nakaiintindi, nakaiintindi Siya. Nakauunawa Siya. Hinihikayat ko kayo na bumaling patungo sa Tagapagligtas araw-araw—hindi palayo. Bumaling sa Kanya nang may pananampalataya sa mga katotohanang alam ninyong totoo. Huwag ninyong hayaang ilayo kayo ng inyong pagdududa, takot, o iba pang mga bagay na nagsasanhing hindi kayo makatulog sa gabi mula sa proteksiyon at kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa mga pangako ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Bawat isa sa inyo ay tunay na mahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas.

Ipinagdarasal ko na laging sagutin ng Diyos ang inyong mga panalangin nang higit pa kaysa rati at ipagkaloob sa inyo ang bawat kaloob ng Espiritu Santo na kailangan ninyo sa pagsulong ninyo sa buhay at sinasabi ito nang may matinding pagmamahal para sa inyo. May mga mahihirap na araw na paparating. Ngunit ipinapangako ko na marami pang magaganda, maliligaya, at payapang mga araw na may bughaw na kalangitan at masarap na simoy ng hangin kapag bumaling kayo sa Kanya na mayhawak ng lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa.

Sinasabi ko ito nang may pagmamahal, sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.