Pagpili ng Mabubuting Hangarin
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Mayo 3, 2020
Mga minamahal na kapatid, una sa lahat, gusto kong pasalamatan ang kahanga-hanga kong asawa para sa napakagandang payo. Salamat, Lynette.
Napakalaking biyaya at pagkakataon na makasama kayo ngayong gabi. Tayo ay nabubuhay sa hindi karaniwang mga panahon, at talagang naniniwala ako na kayo ay inihanda para sa mga panahong ito. Kamakailan lamang, sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, “Naniniwala akong ito ang pinakadakilang henerasyon ng mga young adult sa kasaysayan ng Simbahan. Matapat kong nadarama na iyon ay totoo.”1 Kayo ay isang espesyal na henerasyon na inihandang dumaan sa magulong panahon at tumulong na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kilalang-kilala at mahal Niya kayo.
Ang Ating Panahon
Ngayong gabi, sa pagpunta namin sa brodkast na ito, sinabihan kami na nakatanggap kami ng libu-libong mga tweet na tanong tungkol sa Espiritu at tungkol sa personal na paghahayag. Umaasa ako na sa pakikinig niyo sa aking asawa at sa akin ngayong gabi na masagot namin ang mga katanungang iyon. Dinadalangin ko na ang Espiritu Santo, ang guro, ay masagot ang tanong ng isa at tanong ng karamihan.
Sa nakalipas na mga araw at buwan, bilang isang pandaigdigang komunidad ay nakaranas tayo ng kakaibang pagdurusa, kawalang-katiyakan, kaguluhan, at hamon. Ang mga ito ang matagal nang ipinropesiyang mga panahon, at magwawakas ang mga ito sa maluwalhating Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas. Si Jesus mismo ay ipinropesiya ang mga panahong ito. Sinabi niya, “Makaririnig din kayo ng mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan; tiyaking huwag kayong magulumihanan, sapagkat ang lahat ng aking sinabi sa inyo ay kinakailangang mangyari. … Nangungusap ako alang-alang sa aking mga hinirang; sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa … ; magkakagutom, at magkakasalot, at lilindol sa iba’t ibang dako. … Ang pag-ibig ng tao ay manlalamig. … Lahat ay matutupad.”2 Gusto kong magbahagi lamang ng isang pananaw tungkol dito. Ito ay isang aral mula sa kasaysayan ng ating Simbahan.
Si Amanda Barnes Smith; ang kanyang asawang si Warren; at ang kanilang limang anak ay mga bagong convert sa Simbahan nang maglakbay sila patungong Missouri. Nakasama nila ang mga Banal sa Haun’s Mill ilang araw lamang bago dumating ang mga mandurumog at pinatay ang maraming tao roon. Ang asawa ni Amanda at ang 10-taong-gulang na anak na lalaki niya ay kabilang sa mga napaslang. Isa pa sa kanyang mga anak na lalaki ang malubhang nasugatan. Nakatanggap si Amanda ng isang makapangyarihang paghahayag kung paano ililigtas ang kanyang sugatang anak. Sa gitna ng labis na pagdurusa noong panahong iyon, isinulat niya ang sumusunod:
“Sa aming lubos na kapanglawan, ano ang magagawa naming mga babae kundi manalangin? Ang panalangin ang aming tanging pinagmumulan ng kaaliwan; ang aming Ama sa Langit ang aming tanging katuwang. Wala nang iba bukod sa Kanya ang makapagliligtas at makatutubos sa amin.
“Isang araw isang mandurumog ang nagpunta mula sa gilingan dala ang kautusan ng kapitan. Nagmumura niyang ipinalahaw: ‘Sinabi ng kapitan na kung kayong mga babae ay hindi ihihinto ang inyong … pagdarasal ay magpapadala siya ng hukbo at papaslangin ang bawat … isa sa inyo!’
“At dapat ay ginawa na niya ito, ang pigilan kaming abang kababaihan sa pagdarasal sa oras na iyon ng aming labis na kasawian.
“Ang aming mga panalangin ay napatahimik sa takot. Hindi namin tinangka na hayaang marinig ang aming mga boses sa bahay habang nananalangin. Nakapagdarasal ako sa aking kama o nang tahimik, ngunit hindi ko kayang mabuhay nang ganoon katagal. Ang katahimikan na walang ugnayan sa Diyos ay mas mahirap sikmurain kaysa sa naganap na masaker noong gabing iyon.
“Hindi na ako nakatiis. Nananabik akong marinig muli ang tinig ko sa pagsamo sa aking Ama sa Langit.
“Ako ay palihim na nagtungo sa taniman ng mais, at gumapang sa isang [salansan] ng mais. Tulad ito ng templo ng Panginoon sa akin noong mga sandaling iyon. Ako ay nanalangin nang malakas at buong taimtim.
“Nang lumabas ako mula sa maisan isang tinig ang nagsalita sa akin. Ito ay isang tinig na kasinlinaw kung nakarinig man ako ng isa. Ito ay hindi isang tahimik at malakas na pahiwatig ng espiritu, ngunit sa halip ay isang tinig, na inuulit ang isang talata sa [ating] himno:
Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,
Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa.
Pilitin mang syay yanigin ng kadiliman,
‘Di magagawang talikuran kailanman!’3
“Mula sa sandaling iyon ako ay wala nang takot. Nadama ko na walang mananakit pa sa akin”4
Ang mga panahong ito ay maaaring magulo, ngunit ipinababatid ko sa inyo na kung ano ang totoo para kay Amanda Barnes Smith ay totoo rin para sa inyo. Anuman ang mga nagaganap sa paligid ninyo, anuman ang pagsubok na maaaring kailangan ninyong pasanin, ang Diyos ang namamahala. Hindi Niya kayo tatalikdan, at hindi ninyo kailangang matakot kung kayo ay matapat at itinataas ang inyong tinig sa Kanya. Ang tungkol dito mismo ang gusto kong sabihin sa inyo ngayong gabi.
Ang Salamin ng Aking Asawa
Tulad ng sinabi ko, nagpapasalamat ako na kasama ko rito ang aking asawa ngayong gabi. Siya ang lahat sa akin. Nagkakilala kami maraming taon na noong high school. Pagkatapos ng graduation namin sa high school, nagpunta siya sa Ricks College sa Rexburg, Idaho, at pumunta naman ako sa BYU sa Provo, Utah. Sa unang taon namin sa kolehiyo, nagpasiya ako isang weekend na pumunta sa Rexburg para bisitahin siya. Doon ay tinuruan niya ako ng isang di-malilimutang aral.
Wala siyang kotse, at matagal na rin mula noong huli siyang nagmaneho. Noong umalis kami sa kanyang apartment, hiniling niya sa akin kung pwede niyang gamitin ang kotse ko. “Siyempre naman,” sabi ko. Nagsimula kami sa isang burol malapit sa tinitirhan niya. Sa kalagitnaan noong pababa na kami sa burol, tinanong niya ako, “May stop sign ba sa dulo ng kalye?” Napakadaling makita ng stop sign kaya kaagad kong sinabi na “Oo, may stop sign.” “OK, sabi ko na nga ba e,” sabi niya. “Hindi ko nga lang ito makita.” “Bakit hindi mo ito makita?” tanong ko. “Dahil hindi ko suot ang salamin ko, at hindi ako masyadong makakita kapag wala akong salamin,” sabi niya. Pagkatapos ay parang ganito ang sinabi ko, “At bakit hindi mo suot ang salamin mo?” “Dahil hindi ko gusto ang hitsura ko kapag suot ko ito, pero nalimutan kong hindi ako masyadong nakakakita kapag hindi ko ito suot.” “Kung gayon, ako na lang ang magmamaneho,” sabi ko. Simple lang ang aral: kung hindi ka nakakakita nang mabuti, lagi kang maaaring mapahamak.
Ngayon ang tanong ko sa inyo, “Paano ninyo pasulong na minamaneho ang inyong buhay?” Pinangangasiwaan ba ninyo ang inyong buhay na suot ang kailangang salamin para makita nang malinaw ang realidad? Sa sinaunang lungsod na Laodicea, ang mga Banal ay walang nakasisilaw o nakikitang mga kasalanan, pero pinagsabihan sila ng Panginoon dahil sa pagiging hindi lubusang matapat sa kanilang pagkadisipulo. Mapagmataas sa kanilang mga makamundong tagumpay at nalalaman, labis silang nasiyahan sa kanilang mga sarili at hindi na umasa pa sa Diyos. Kahit na ang lungsod na ito ay kilala sa pagiging bihasa sa pangangalaga sa mata, sinabi ng Panginoon sa kanila, “[ang] pangpahid sa mata [ay] ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.”5 Tila ang mahalagang tanong sa bawat isa sa atin ay ito: “Nakikita ko ba ang aking buhay na may mga mata ng mga katotohanan, kautusan, at tipan ng Diyos o sa pamamagitan ng aking sariling mga mata? Nakikinig ba ako araw-araw sa tinig Niyang natatanggap sa pagdarasal at personal na paghahayag ng Espiritu o sa aking tinig o tinig ng marurunong sa mundo na isinisigaw na ang mga paraan ng Diyos at Kanyang mga propeta ay hindi makatuwiran, hindi nakatutuwa, hindi kailangan, kakaiba, hindi naka-eengganyo, walang pakialam, at sa retorika ng mundo, mapanlinlang at mapoot?
Minsang sinabi ni Joseph Smith, “Gagamitin ng Diyablo ang kanyang pinakamatinding gawain para bihagin ang mga Banal. … Babaguhin niya ang mga bagay para hindi magtiwala ang isang tao sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos.” Kung wala ang tulong at paghahayag ng Diyos, hindi ninyo makikita ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at … kung ano talaga ang magiging ito.”6 Nakatutok ang kaaway na hindi kayo magtiwala sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos. Desidido siya na hindi ninyo makita at maunawaan ang realidad, na pigilin kayong makita na kayo ay labis na minamahal na anak na lalaki o babae ng Diyos. Ang hangarin Niya ay tanggapin ang makamundo; na tanggihan ninyo o bahagya lamang kayong bumaling sa Diyos; at lalo na, na tukuyin ang inyong sarili at paglalakbay sa mundo ayon sa politikal, kultural o ibang makamundong pagnanais, o kawalang-pakialam.
Madalas kong itinanong sa aking sarili ito: “Bakit nanalig si Nephi at bakit hindi naniwala sina Laman o Lemuel?” Ang tatlong magkakapatid na ito ay ipinanganak sa butihing mga magulang. Isang gabi, narinig ko ang sagot sa aking tanong. Ako ay nasa Bangkok, Thailand, para sa isang gawain kasama ni Pangulong M. Russell Ballard, kung saan ay ibinahagi niya ang banal na kasulatang ito:
“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, … [ay] mayroon … matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos, dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama; anupa’t ako ay hindi naghimagsik laban sa kanya na tulad ng aking mga kapatid.”7
Iyon ang sagot sa akin. Inihahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin ayon sa ating mga hangarin. Higit sa anumang bagay, ninais ni Nephi na malaman ang mga katotohanan at hiwaga ng Diyos at siya ay pinagpala ng presensya, kagalakan, kapangyarihan, at katotohanan ng Diyos. Hinangad nila Laman at Lemuel ang mga palamuti ng mundo at natanggap ang gantimpala nito. Kung nais ninyong makasama ang Diyos, kailangan ninyong iayon ang inyong mga hangarin sa Kanyang kalooban.
Ang tutukoy kung paano kayo mapalalakas para sumulong at magtagumpay sa buhay ay kung saan at sa aling bagay ninyo inilalagay ang mga hangarin ng inyong puso. Kaya, ngayong gabi ay inaanyayahan ko kayo na piliin na hubugin ang inyong buhay sa pamamagitan ng nangingibabaw na hangarin na magbalik-loob at palakasin ang iba. Kung naaalala ninyo, ito ang hiniling ng Tagapagligtas kay Pedro, Kanyang punong apostol, nang sinabi niya, “Simon, Simon, … hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo: Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”8
Ang Hangarin na Magbalik-loob at Palakasin ang Iba
Hindi ko malilimutan ang panahon na kami ng asawa ko ay ininterbyu ng isang senior na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa aking kahandaang maglingkod bilang isang mission president. Maraming nagaganap sa buhay naming mag-asawa noon. Noong ininterbyu kami, kami ay nasa kalagitnaan ng napakahirap na situwasyon bilang pamilya, kami ay bahagi ng isang malaking gawaing pangkawang-gawa sa buong mundo na nangangailangan ng maraming atensyon at mga resource mula sa amin, at ako ay isang senior managing partner ng isang pandaigdigang negosyong may kinalaman sa investment, hindi pa kasama ang lahat ng mga tungkulin sa Simbahan na ginagampanan namin. Naisip kong ginagawa na namin ang lahat ng kaya naming gawin. Habang nakaupo kami roon kasama ng minamahal na Apostol na ito at pinagnilayan ang lahat ng pinagkakaabalahan namin, pareho kaming magalang na nagsabi na maaaring hindi ito ang pinakamagandang panahon para maglingkod kami sa misyon. Walang pag-aalinlangang bumaling sa aking asawa ang miyembrong ito ng Labindalawa at sinabing, “Lynnette, ikaw ay magiging isang magaling na missionary at kompanyon sa iyong asawa.” Pagkatapos ay bumaling siya sa akin at sinabing, “Alam mo, hindi mo talaga ito naiintindihan. Tinatawag ka ng Panginoon para iligtas ang iyong buhay. Ikaw ay mamumuhay ayon sa tipan o sa kaginhawahan. Walang maginhawang panahon para maglingkod. Ito ay batay sa pananampalataya. Naniniwala ka na pagpapalain kayo ng Panginoon sa mga kailangan ninyo habang ginagawa Ninyo ang Kanyang mga prayoridad o hindi.”
Tahimik akong naupo roon na labis na natigilan. Kasasabi lamang sa akin na sinusubukan ng Panginoon na iligtas ang aking buhay. Mabuti ang buhay ko noon, pero wala talaga akong balanse. Noong hapong iyon, nang nilisan namin ni Lynnette ang opisina ng Apostol, umuwi kami para pag-isipan nang may panalangin kung paano kami mamumuhay. Mabilis kaming nagpasya na maglingkod at mamuhay ayon sa tipan, ginagawa ang anumang bagay na iniutos ng Panginoon sa amin. Ang buhay sa tipan ay isang mas balanseng buhay, ipinamumuhay ayon sa mga prayoridad ng Panginoon at hindi sa ating sariling mga plano. Nagbago ang aming buhay mula noon. Lubos kaming pinagpala ng Kanyang pagmamahal at Kanyang pagtuturo. Kung mayroon man akong nalalaman, alam kong ang pagpapala ring ito ay mapapasainyo kung matapat kayong mananatili sa Kanyang landas ng tipan. Nais ng Diyos na iligtas ang inyong buhay.
Ano ang ibig sabihin ng magbalik-loob, ng mamuhay sa tipan at hindi sa kaginhawahan? Sinabi ni Jesus, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip.”9 Minsang sinabi sa akin ng isang matalinong guro, “Hindi niya sinabi na ‘Isipin mo ako nang paminsan-minsan at makakasama mo ang aking Espiritu.’ Sinabi Niya, ‘At kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo.’”10 Nangangahulugan ito na kapag inaalala ninyo Siya, palagi kayong magkakaroon ng kapangyarihan mula sa langit na tutulong sa inyo araw-araw sa anupaman at sa bawat maliit o mabigat na hamon na hinaharap ninyo—gaano man kahigpit ang kapit nito sa inyo. Kabilang dito ang anumang takot, adiksyon, kawalan ng kumpiyansa, o anumang tila di-magibang pader na nasa harapan ninyo. Kaya pag-isipan ngayon kung ano ang pinakamahalagang bagay na kailangan ninyong gawin para mas lubusan Siyang alalahanin, at gawin ito.
Ang pinakamatalik kong kaibigan mula sa pagkabata ang nagpakilala sa akin sa aking asawa. Noong high school, bininyagan ko siya upang maging miyembro ng Simbahan, pero nahirapan siya na lubusang ipamuhay ang ebanghelyo—palagi siyang nangangatwiran na wala naman siyang ginagawang talagang masama, na hindi naman gayon. Pagkatapos, isang gabi sa isang party, naparami siya sa pag-inom at aksidenteng nahulog sa bangin at namatay. Kaedad niya noon ang marami sa inyo. Hindi dapat nangyari ang trahedyang ito at hindi ito mangyayari kung ang tipan, hindi ang kaginhawahan, ang gumabay sa buhay ng aking kaibigan.
Nakaayon ba ang pamumuhay ninyo sa mga utos ng Diyos? Marahil itinuturing ng ilan sa inyo ang inyong buhay gaya ng pagturing ng karamihan sa atin sa pagsunod sa mga highway speed limit. Mayroon bang nag-iisip na magmaneho ayon sa speed limit? Wala. Sa halip, gusto nating malaman kung ilang milya ang kaya nating takbuhin na lagpas sa speed limit nang hindi nabibigyan ng tiket. Sa ganoong paraan namuhay ang matalik kong kaibigan. Sa ebanghelyo, hindi natin kailanman dapat isipin kung hanggang saan ang kaya nating tanggapin sa mundo nang hindi lumalagpas sa limitasyon. Dapat lamang nating talikdan ang mundo.
Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng tipan ng Diyos sa inyong mga sarili kayo magkakaroon ng mga matang makakakita nang malinaw sa kabila ng kaguluhan sa mundo. Itinuturo ng Biblia, “Sapagka’t ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos.”11 Ang mga namumuhay sa tipan ay hindi perpekto ang buhay ngunit dinadalisay nila ang kanilang buhay sa araw-araw na pagsisisi. Ang ganitong pagdalisay ay nagbubukas para sa kanila ng pinakamahahalagang pagpapala ng Diyos at sa mismong mga kapangyarihan ng langit. Sa mga nakikinig ngayong gabi, sa panahong ito ng kaguluhan, mayroon ba sa inyong hindi nangangailangan ng patnubay at kapangyarihan ng Diyos?
Ilang taon na ang nakalilipas, isang kasosyo sa negosyong nagkasakit ang nagsabi sa akin na pumunta sa kanyang bahay si Pangulong Boyd K. Packer para bigyan siya ng basbas. Sabi niya, “Nang ihatid ko siya sa kotse niya, sinabi ni Pangulong Packer, ‘Huwag ka agad bumalik mula sa Getsemani. Alamin ang mga aral doon.’” Pagkatapos ay tinanong ako ng aking kaibigan, “Ano sa palagay mo ang ibig niyang sabihin?” Bago pa ako nakasagot, idinagdag niya, “Naniniwala ako na ang ibig niyang sabihin ay kailangan lang nating gawin ang kalooban ng Diyos, at iyon lamang ang nais kong gawin.”
Nang sabihin ng kasamahan ko ang mga salitang iyon, alam kong tama siya. Ang tunay na pagsubok sa ating buhay ay kung magpapasakop tayo sa kalooban ng Diyos o kung kikilos tayo ayon sa ating kalooban. Matagal na panahon na, itinuro ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang pagsuko ng kalooban ng isang tao ay ang talagang tanging maiaalay natin sa altar ng Diyos.”12
Pero ano ang ibig sabihin ng maging handang gawin ang kalooban ng Diyos? Mula sa karanasan ng Tagapagligtas sa Hardin ng Getsemani, sa tingin ko, dapat nating maintindihan na ang pagsumite sa pagnanais ng Diyos ay nangangahulugang ako at kayo ay handang maghirap at magtiis hanggang wakas anuman ang hilingin ng Diyos sa atin, kahit na ang pagtitiisan natin ay hindi dahil may ginawa tayong mali. Maaaring kabilang dito ang mga bagay tulad ng pisikal na kapansanan o pagnanais ng katawan, maling pag-aakusa, mga paghatol, o pananakit mula sa mga di-nakaiintinding mga kaibigan, pinuno, o kapamilya.
Sa Hardin ng Getsemani, hiniling ng Ama sa Langit sa ating Tagapagligtas na lunukin ang mapait na saro ng mga kasalanan at paghihirap na hindi naman sa Kanya. Sa prosesong iyon si Jesus ay naging “nagtakang totoo” sa nakaabang sa Kanya. Siya ay “namanglaw na lubha … hanggang sa kamatayan” at nagdasal na, “kung maaari” na “makalampas sa kanya ang oras,” sinasabi sa Ama, “para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito.” Ngunit idinagdag Niya ito: “Gayunma’y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo.”13 Sa ating panahon, sa isang paghahayag kay Joseph Smith, sinabi ng Tagapagligtas, “Nagnais [ako] na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”14
Bahagi ng plano ng Ama para sa ating walang-hanggang kaligayahan ang gawin at tapusin natin ang inihanda ng Ama para sa atin, gaano man ito kapait. Sa tingin ba ninyo hahadlangan ng Ama sa Langit ang sakit at paghihirap na kailangan upang maging mas katulad Niya kayo? Sinabi ni Pangulong John Taylor na sinabi sa kanya ni Propetang Joseph Smith: “Daraan ka sa lahat ng uri ng pagsubok. … Dadamayan ka ng Diyos, at yayakapin ka Niya at dudurugin ang mga kalamnan ng iyong puso.” Ang pagiging disipulo ni Cristo ay nangangahulugan na tayo ay “masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin].”15
Ang ating minamahal na propeta, si Pangulong Nelson, ay sinabi kamakailan, “Darating ang mga araw ng paghihirap. Bihirang ma[gi]ging madali o popular sa hinaharap ang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa atin ay susubukan. … Ang mga taong masigasig sumunod sa Panginoon ‘ay mangagbabata ng paguusig.’16 Maaari kayong durugin ng pag-uusig na iyon hanggang sa manghina kayo o ganyakin kayong maging mas mabuting halimbawa at matapang sa araw-araw ninyong buhay. Kung paano ninyo hinaharap ang mga pagsubok sa buhay ay bahagi ng paglago ng inyong pananampalataya.”17
Nagtanong si Apostol Pablo: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutuman, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?”18 Sa wika ngayon, masasabi natin ito nang ganito: “Hahayaan ko bang ang hirap na maghanap ng asawa, o pagnanais na pumasok sa isang maling relasyon, o isang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan, o kamalian ng isang lider o guro, o makamundong pagnanais, o kawalan ng trabaho, sakit, o panlulumo na pigilan ako sa matiyagang pagsunod sa Tagapagligtas at lubos na paglahok sa Kanyang Simbahan?
Ang lahat ng inyong mga kasalanan, kahinaan, pasakit, at sakit ay bahagi ng tinatawag ni Elder Maxwell na “kakila-kilabot na arithmetic ng Pagbabayad-sala [ni Jesucristo],”19 isang arithmetic na sinabi niyang makakalkula lamang kung “ang bigat nito ay uulitin nang walang hanggan.”20 Ang inyong paghihirap o mga hamon mula sa mga pagsubok ng buhay ay hindi mas titindi sa Kanya. Kung gayon, ang tanong ng Langit sa inyo ay kung susundin ninyo ang mga yapak ng Tagapagligtas at sasabihin kasama Niya: “Gayon ma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”21
Maaaring ang isa pang paraan para sabihin ito ay ang pagtatanong ng “Magtitiwala ba ako sa Diyos at magtitiwala rin ba ako sa Kanyang plano para sa aking buhay?”
Sa pagharap ninyo sa mga hamon at pagsubok, dapat ninyong malaman na taglay ng Diyos ang lahat ng kapangyarihan para tulungan kayo—kahit na hindi nagbabago ang mga kalagayan sa paligid ninyo. Ipinapangako Niya, maging sa gitna ng napakahirap na mga pagdurusa na “pagagaanin [Niya] … ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, … upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.”22 Huwag magduda na kayang buksan ng Panginoon ang bawat pinto, magbigay katiyakan sa mga tanong sa pananampalataya, at tulungan kayong magkaroon ng trabaho, edukasyon at lakas na mabuhay nang mabuti o iba pang kailangan ninyo upang maabot ang inyong potensyal. Nangako ang Tagapagligtas na maghahanda Siya ng paraan.23 Mayroon bang tao o bagay na makapagbibigay sa inyo ng katulad na pangako bukod sa Kanya? Magtiwala sa Kanya na tuturuan at susuportahan Niya kayo habang mapagpakumbaba kayong nagpapasakop sa Kanyang kalooban.
Ilang taon na ang nakararaan, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kung hindi matibay na nakatanim sa ating puso ang pundasyon ng pananampalataya, hindi tayo makatitiis.”24 Alituntunin ng pagkilos at pagpili ang pananampalataya. Hindi ito nasusukat sa dami ng mga miting o ritwal na isinasagawa natin. Maging ang pagtanggap na ang Diyos at si Jesus ay buhay ay hindi pananampalataya. Ang inyong pananampalataya ay ang hangganan ng inyong pagtitiwala at lubos na pagsandig sa Diyos at sa inyong Tagapagligtas na si Jesucristo. Tayong lahat ay nakapagtitiis o bumabagsak ayon sa antas ng ating personal na pagtitiwala at pagsandig sa Kanila.
Upang magkaroon ng pananampalataya sa Kanila, kailangan ninyong alisin sa inyong buhay ang anumang pagbibigay-katwiran sa inyong asal. Kailangan niyong panagutan ang inyong buhay at huwag hayaan ang iba na diktahan ang inyong mga kilos at pagpili. Ang inyong mga pananaw, pag-uugali, reaksiyon, pakiramdam, pag-iisip, at paniniwala ay mga bagay na makokontrol ninyo. Ang pagkainis at paglayo ay hindi sa Diyos. Ang tinig Niya ay lagi tayong inaanyayahan na “sumunod sa Akin!” Ang Diyos ay handang sumagot sa anumang tanong, panatagin ang anumang paghihirap, at tubusin ang sinoman at lahat ng tao. Walang pagkakamali o paghihirap na hindi mapagagaling sa Kanya. Walang paghahanap sa halos isa’t kalahating bilyong website sa internet ang makapagsasabi sa inyo kung ang Simbahan ay totoo o kung buhay si Jesucristo, Diyos lamang ang makapagpapahayag niyan sa inyo. At ito ang totoo: hindi magsasabi ng isang katotohanan sa inyo ang Diyos at isa pang katotohanan sa akin. Lahat tayo ay makakakuha ng magkakaparehong sagot habang tayo ay nagtatanong at hinahanap natin Siya nang may katapatan, pananampalataya at tunay na pagnanais. Ginagawa niyo ito, sa bahagi, sa pagtigil ninyo sa inyong mga nangangatuwirang kuwento.
Ilang taon na ang nakalipas, habang nasa isang gawain sa Africa, narinig ko ang isang ulat tungkol sa isang lalaking nagbibiyahe ng dalawang giraffe sa kanyang trak; ang isa ay higit na mas mataas kaysa sa isa pa. Habang bumibiyahe sa highway, dumaan siya sa ilalim ng isang tulay na nasa ibabaw ng highway, pero mababa ang tulay para sa isa sa mga giraffe. Nang dumaan ang trak sa ilalim ng tulay, ang ulo ng mas mataas na giraffe ay humampas sa tulay at agad itong namatay. Kalaunan, tinanong ang drayber kung bakit hindi siya mas nag-ingat para sana’y naiwasan ang pagkamatay ng giraffe. Sabi niya, “Hindi ko ito kasalanan. Masyadong mababa ang ginawa nilang tulay.”
Ang pangangatwiran ng lalaking ito ay maaaring tila kabalintunaan, pero naranasan na ba ninyo na magkaroon ng hindi makatwirang pag-iisip na tulad nito sa pagbibigay-katwiran sa inyong mga maling pagpili? Huwag isisi sa mabababang tulay ang kalagayan ng mga bagay-bagay. Sa halip, mamuhay ayon sa inyong buong potensyal sa pamamagitan ng pagiging karapatdapat sa bawat kailangang kapangyarihan, biyaya at himala na ipinangako ng langit sa pamamagitan ng pagdagdag ng pananampalataya o tiwala sa Kanya. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith, “Kaydalas mong … magpadala sa mga panghihikayat ng mga tao. … Hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos. Bagaman pinawawalang-kabuluhan ng mga tao ang mga payo ng Diyos, at ipinagwawalang-bahala ang kanyang mga salita—gayon pa man ikaw ay dapat na naging matapat; at kanya sanang iniunat ang kanyang bisig at itinaguyod ka laban sa lahat ng nag-aapoy na sibat ng kaaway; at siya sana ay nakasama mo sa bawat panahon ng kaguluhan.”25
Sa huli, gusto kong mas magpaliwanag tungkol sa pagsusuri sa sarili at magpatotoo na bahagi rin ng pamumuhay ng tipan at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos ang kahandaang magtuon sa iba at gawin ang sinabi ng Panginoon kay Pedro na “palakasin ang iyong mga kapatid.” Kamakailan ay sinabi ni Pangulong Nelson, “Kailangan tayong maging mga tagapagtayo ng … pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pananampalataya sa Kanyang Simbahan. … Kailangan nating itatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa mundo.”26 Pinatotohanan din niya na “wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa [sa pagtitipon ng Israel]. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga. Ang pagtitipon na ito ay dapat maging ang lahat para sa inyo. Ito ang misyon ninyo dito sa lupa.”27 Gayundin, tinanong ng Tagapagligtas si Pedro, “Iniibig mo baga ako?” at pagkatapos ay sinabing, “Pakanin mo ang aking mga tupa.”28
Sa ebanghelyo ni Juan, mababasa natin nang ipatawag nina Maria at Marta ang Tagapagligtas nang maging malubha ang sakit ng kanilang kapatid na si Lazaro. Nagmakaawa ang Kanyang mga disipulo na huwag Siyang umalis, dahil gusto Siyang ipapatay ng mga Judio, ngunit nagtungo pa rin si Jesus sa libingan ni Lazaro. Doon ay tumangis at naghinagpis ang Tagapagligtas kasama ng Kanyang mga kaibigan. Pagkatapos, sa kapangyarihan ng Diyos, inutusan Niya si Lazaro na bumangon, nagsasabing: “Lazaro, lumabas ka.” Pagkatapos ay itinala sa banal na kasulatan, “[At] siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing. … “[At] sinabi sa kanila ni Jesus, Siya’y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.”29
Mahal kong mga kaibigan, walang mas nabibigay-buhay kaysa sa pagbabahagi ng Liwanag ni Cristo at liwanag ng Kanyang ebanghelyo. Walang ibang makapagbibigay ng kapayapaan sa mga bansa, magkapagliligtas sa mundo mula sa kahirapan, o magdadala ng kaligayahan bukod sa ebanghelyo ni Cristo. Ang mga organisasyon na gumagana sa anumang ibang mga alituntunin ay magkukulang. Ang ebanghelyo lamang ang makapag-aalis ng mga “kayong panlibing” ng mga nasa paligid ninyo. Anyayahan ang iba sa liwanag Niya. Sa paggawa nito, ipinapangako ng Diyos na kayo ay magdadala ng “kaligtasan sa [inyong] kaluluwa,”30 na ang inyong mga kasalanan ay mapa[ta]tawad,31 at magpapadala Siya ng “mga anghel [sa] paligid ninyo, upang dalhin kayo.”32
Pag-asa
Ngayon, alam na alam ko na sa kabila ng mabubuting intensyon ninyo at ninuman, maaaring maging napakalakas ng pamimilit na umayon sa opinyon ng mundo at hindi sa mga kautusan ng Panginoon. Nang may lubos na paninindigan, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, ako kailan ma’y hindi magdaramdam. … Kahima’t ako’y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ikakaila.”33 Pero hindi nagtagal matapos niyon, nanghina si Pedro at itinatwa ang Tagapagligtas nang tatlong beses. Ano ang matututuhan ninyo mula rito?
Naniniwala akong nais ng Panginoon na malaman ninyo na naiintindihan Niya na ang pagsumite sa Kanyang kalooban—pamumuhay ayon sa tipan o pagbabalik-loob—ay isang proseso, hindi isang kaganapan. Ibinigay ni Jesus ang buhay niya upang hindi nating gamiting sukatan sa buhay natin ang ating kahinaan o pagkukulang, ngunit upang makapagsisisi tayo araw-araw at magkaroon ng di-natitinag na pananamplataya. Maaaring naisin niyong isulat sa inyong mga puso ang matalinong tagubilin ni Elder Jeffrey R. Holland sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2016:
“Napanatag tayo dahil sa katotohanang kung gagantimpalaan lamang ng Diyos ang matatapat na perpekto, kakaunti ang nasa listahan Niya. Alalahanin bukas, at sa lahat ng araw na darating, na pagpapalain ng Panginoon ang mga taong nais umunlad, na tinatanggap na kailangan ang mga kautusan at sinusubukang sundin ito, na pinahahalagahan ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at nagsisikap nang buong puso na taglayin ang mga ito. Kung kayo ay nabibigo paminsan-minsan sa adhikaing iyan, gayon din naman ang ibang tao; nariyan ang Tagapagligtas upang tulungan kayong magpatuloy na umunlad at magpakabuti. Kung kayo ay madapa, hilingin ang Kanyang lakas.”34
Kami ni Lynneth ay nakaupong kasama ni Elder Holland sa Johannesburg nang ang isang dalagang returned missionary ay tumayo at nagpatotoo, “Hindi ako nakarating nang ganito kalayo para makarating lang sa malayong lugar na ito.” Pakiusap, alalahanin na “anuman ang pagsubok na hinaharap ninyo ngayon … ay magpatuloy kayo. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. … Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman.”35 Kayo ay nasa palad ng mga kamay ng Diyos, at kaya Niya kayong iligtas sa anumang nag-aapoy na hurno.
Nagsalita rin si Elder Holland tungkol sa dagdag na awa at katiyakan mula sa Panginoon na maaaring gusto ninyong patimuin sa inyong mga puso:
“Ang Espiritu ay hindi nahahadlangan ng isang virus o ng mga hangganan ng mga bansa o ng mga medikal na pagtataya. … [Mayroong] mga kaloob mula sa langit na hindi naaapektuhan ng kaguluhan sa lupa o ng karamdaman sa hangin. … Siya na lumikha ng kamangha-manghang mundong ito kung saan tayo nabubuhay ay makapagsasabi sa anumang elemento na narito: ‘Hanggang dito lang at hindi na lalagpas pa rito.’ Iyon ang sasabihin Niya sa sakit na kinakaharap natin. Sa presensya ng Kanyang kamahalan, kahit ang mas maliliit pa sa mga atom ay kailangang yumukod—bagama’t simbolikal lamang—at ang bawat isa sa sarili nitong paraan ay ‘magtatapat’ na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang dakilang Manunubos ng lahat. Sa ilalim ng patnubay ng Kanyang Ama, ang Tagapagligtas ang may hawak ng tadhana ng mundong ito. Tayo ay nasa tiyak at mapagmahal na mga kamay.”36
Katapusan
Gusto kong magtapos kung saan ako nagsimula. Naniniwala ako na kayo ang pinakadakilang henerasyon ng mga young adult sa kasaysayan ng Simbahan. Maaaring kayo rin ang henerasyon na nahaharap sa pinakamatitinding hamon. Sa pagninilay ninyo sa mga hamon na nakapaligid sa inyo, tandaan na sinabi ng Diyos, “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.”37 Maaaring tumulong ang Espiritu sa pagpapalago ng mga pagnanais, ngunit kayo ang mamimili ng nanaisin ninyo, at kayo ang may pananagutan para roon. Ipinahayag rin Niya na “alinsunod sa [inyong] pagnanais … ay mangyayari sa [inyo].”38 Ibig sabihin nito “kailangan [ninyong] gustuhin ang mga ibubunga ng ninanais [ninyo]!”39
Magtatapos ako sa personal na karanasan at patotoong ito mula sa buhay ko. Maraming taon na, bilang isang sophomore sa kolehiyo, nag-aaral ako para sa mga final exam sa apartment nang mag-isa. Mainit noong araw na iyon, at habang nagrerebyu ako, may lumabas na niknik sa harapan ko. Talagang nayamot ako ng ingay ng niknik. Sa huli ay hindi ako nakapagtimpi. Itinaas ko ang mga kamay ko at pinatay ang niknik. Hindi ko lubos na maunawaan hanggang ngayon ang sumunod na nangyari: tiningnan ko ang patay na niknik sa aking palad at nakadama ako ng labis na pagkahabag. Sinabi ko sa sarili ko, “Hindi dapat namatay ang niknik na iyon. Namatay ito dahil lamang sa aking inis at kawalang-pasensya.” Pagkatapos ay lumuhod ako at nagdasal sa Diyos na patawarin ako at buhaying muli ang niknik. Sa pagtatapos ng panalanging iyon, lumipad ang niknik mula sa aking kamay.
Maraming taon kong itinanong kung bakit ginawa sa akin ito ng Diyos? Maraming sagot ang dumating, pero walang mas mahalaga pa kaysa rito: nais Niyang maunawaan ko na mayroon Siyang lubos na kapangyarihan na tulungan ako o ang sinuman, maging ang pinakamababa. Gusto Niyang malaman ko na mayroon siyang lubos na pagkahabag para sa aking mga kahinaan at na bilang Niya ang mga hibla ng buhok sa ating mga ulo. Ngayon, kung binuhay Niya ang niknik, hinding-hindi Niya kayo tatalikuran—ano man ang inyong katayuan ngayon.
Huwag maging tulad ng mga taga-Laodicea at huwag hayaang mangibabaw sa inyo ang pagwawalang-bahala. Ito ang patotoo ko sa inyo. Kapag hindi kayo nangatwiran at nagmataas at nakinig sa Kanyang tinig at hindi sa inyo, kapag sumunod kayo sa Kanya, makikita niyo ang katotohanan ng mga bagay. Sa pagnanais ninyong mas magbalik-loob, mamuhay ayon sa tipan at hindi sa kaginhawaan, at sa pagsumite sa nais ng Diyos habang pinalalakas ang iba, mahahanap ninyo ang bawat biyaya at himala na kailangan ninyo upang magtagumpay at makabalik sa Ama sa Langit at tumanggap ng walang-hanggang ligaya.
Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Siya ay buhay. Ito ang Kanyang Simbahan at ang simbahan na tatanggapin ng Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang ating Ama sa Langit ay hindi lumiliban sa pagiging Ama. Ang Kanyang plano ay ang tanging plano ng kaligayahan. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, maaari ninyong malaman ang katotohanan ng lahat ng bagay at ang lahat ng bagay na kailangan ninyong gawin. Dalangin ko na magkaroon kayo ng tapang na magsisi sa anumang hindi matwid na mga hangarin at palitan ang mga ito ng maka-Diyos na mga pagnanais na mamuhay sa tipan at magsumite sa at pagtiisan ang Kanyang nagdadalisay na kamay sa inyong buhay. Pinatotohanan ko sa inyo, tulad ng pagpapatotoo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman sa kanyang kabataan, “Nalalaman ko na sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”40
Nawa’y pagpalain kayong lahat ng Diyos ang aking dalangin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.