Isang Tanong na Maaaring Magpabago sa Buhay Mo
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult Kasama si Pangulong Nelson
Linggo, Mayo 15, 2022
Minamahal naming mga kapatid, mahal namin kayo! Kung pwede nga lang naming iuwi ang bawat isa sa inyo. Ang mas mahalaga, dalangin namin na ang isang bagay na ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa gabing ito ay makatulong sa inyo na maging mas handa sa pagbalik sa Tahanan—Tahanan na may capital T.
Ngayong gabi gusto kong kausapin kayo tungkol sa isang tanong—na maaaring magpabago sa inyong buhay! Madaragdagan ng tanong na ito ang inyong kumpiyansa, mababawasan ang pagkaligalig, hihikayat sa inyo, pagagandahin ang inyong pakiramdam at pananaw, gagawin kayong produktibo, mas itutuon kayo at mas paglilinawin ang pag-iisip ninyo, tutulungan kayong labanan ang tukso, tutulungan kayong malaman kung may panlilinlang, daragdagan ang inyong pasasalamat, babawasan ang stress, daragdagan ang kakayahan ninyong magmahal, at tutulungan kayo sa paggawa ng mas mabubuting desisyon. Ang isang tanong na ito ay magdudulot sa inyo ng galak, kapanatagan, pagmamahal at kapayapaan!
Paano ako nakatitiyak?
Dahil iyan mismo ang itinuro sa akin ng 30 sa inyong mga kaibigan. At naniniwala ako sa kanila!
Tinuruan ako ng mga young adult na ito na kapag itinanong ninyo ito sa sarili ninyo, matutulungan kayo nitong hangarin ang tunay na mahalaga sa buhay, tutulungan kayong baguhin ang inyong buhay, at tutulungan kayong tunay na magsisi.
Sabi ng inyong mga kaibigan, sa tanong na ito ay makikita ninyo—na hindi tulad ng dati—ang kamay ng Panginoon sa inyong buhay, ang kariktan ng mundo, at ang kabutihan sa ibang tao. Sa madaling salita, dahil itutulot ng tanong na ito na mas makikilala ninyo ang Espiritu ng Panginoon at ang banal na DNA sa inyong espiritu, magdudulot ang tanong na ito ng dagdag na liwanag at katotohanan!
Itinuro rin sa akin ng mga kaibigan ninyo na uubra ang tanong na ito gaano man karami ang ginagawa ninyo o gaano man kalungkot ang buhay ninyo. Hindi rin mahalaga kung ano ang nadarama ninyo: masaya, malungkot, nakahiwalay, nalulula, nade-depress, nahihikayat, nasasabik, nag-iisa, napag-iiwanan, nagugulumihanan, ‘di napapansin, labis na natutuwa! Hindi na mahalaga iyon. Ang isang tanong na ito ay makakatulong sa inyo.
Gusto ba ninyong malaman ang tanong?
Sige!
Kaunting kaalaman muna: si Jesucristo, na ating Tagapagligtas, ating Manunubos, at pinuno nitong Kanyang Simbahan, ay ginawang lubos na malinaw na nais Niyang patuloy tayong maging banal. Inutusan pa Niya tayong gawin ito, sinasabing, “Kailangan ninyong gumawa ng kabanalan sa harapan ko.”1 At hindi lang iyon ang nais Niya! Idinagdag Niya ang salitang tuwina.
Ngayon, hindi ba napakataas ng hangaring iyon—at tila imposible—na gumawa ng kabanalan sa tuwina? Nauunawaan ko naman kung iniisip ninyong, “Sister Nelson, hindi ko po kayang gawin iyan.” Hayaang tiyakin ko sa inyo kung bakit alam kong kaya ninyo.
Bago kami ikinasal, ako ay psychologist, isang marriage and family therapist, at propesor sa BYU. Sa 30 taong iyon ng aking buhay bilang propesyonal, natutunan ko ang bisa ng mga tanong. Ang ilang tanong ay nakakatulong para isipin natin ang mga bagay sa bagong paraan, buksan ang ating puso at isipan sa lahat ng puwedeng mangyari na maaaring hindi natin kailanman makonsidera. Kaya, dalawang buwan na ang nakalipas, habang iniisip ko ang bisa ng mga tanong, inanyayahan ko ang 30 sa ating mga kaibigang young adult—na kaedad ninyo, may-asawa at single—na pag-eksperimentuhan ang isang tanong na ito sa tatlong araw. Ito ang ipinagawa ko sa kanila: “Sa isang sitwasyon lamang para sa bawat isa sa tatlong araw, itanong sa inyong sarili, ‘Ano ang gagawin ng isang banal na young adult?’”
Iyon na ‘yun. Iyon ang tanong: “Ano ang gagawin ng isang banal na young adult?”
Halimbawa:2
-
Paano sisimulan ng isang banal na young adult ang kanyang araw?
-
Ano kaya ang nasa listahan ng kanyang “gagawin”?
-
Paano siya makikipag-usap sa isang kaibigan? o mamimili, o maglalaro, o magdarasal, o maglalaba, o magbabasa sa isang bata?
-
Ano ang pakikinggan o sasabihin ng isang banal na young adult? isusulat o babasahin? panonoorin o isusuot?
-
Kung ang isang banal na young adult ay pinaratangan, pinagtaksilan, o hindi naunawaan, ano ang gagawin niya?
-
Ano ang gagawin niya sa mahirap na situwasyon kung saan masusubok ang kanyang mga pinahahalagahan at moralidad?
-
Paano siya maghahanda sa pagtanggap ng sakramento bawat Linggo?
-
Paano gagamitin ng isang banal na young single adult ang kanyang oras para maghanda sa halip na maghintay na makasal?
-
Paano patatatagin ng mga banal na young adult ang pagsasama nilang mag-asawa?
At ano ang nangyari? Sa ilang estado sa USA at sa dalawang lungsod sa Canada, 30 mga young adult ang pumasok sa trabaho na nagtatanong sa sarili nila, “Ano ang gagawin ng isang banal na young adult?”
Nagsimula ang mga normal na araw-araw na aktibidad—na ang bawat gawain ay ginagawa tulad ng isang banal na young adult. Makalipas lamang ang ilang araw, dumagsa ang pagdating ng mga report.
Hayaang sabihin ko sa inyo ang ginawa ng ilan sa inyong mga kaibigan:3
-
Ang carrot na kinain sa tanghalian ay nginuya nang may higit na pasasalamat.
-
Ang karaniwang musika at mga podcast ay pinalitan ng mga inspiradong musika, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at mga podcast ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
-
Ang nakakaubos ng oras na mga social media app ay dinelete.
-
Itinigil ang panonood ng mga palabas na may hindi magandang pananalita.
-
Ang “punong listahan ng gagawin“ ay muling isinaayos.
-
Nag-alay muna ng mga dasal bago subukang gawin ang mahihirap na homework, na inaanyayahan ang Espiritu Santo na magturo.
-
Maraming beses na ninamnam ang mga banal na kasulatan—pati na bago simulan ang eksamin, na nagbunga ng mga himala.
-
Ang nagpapalakas na mga espirituwal na gawi na natigil nang umuwi galing sa misyon ay muling sinimulan.
-
Ang mga patotoo ay ibinahagi sa mga kaklase.
-
Ang selosan ng mga magkakaibigan na nagdedeyt at nag-aasawa ay napalitan ng pagmamahal at kagalakan para sa kanila.
-
Ang oras ng pagmamaneho ay naging tahimik na sandali ng pagmumuni.
-
Ang paulit-ulit na mga negatibong kaisipan ay napalitan ng pagbilang ng mumunting tagumpay at maraming pagpapala.
-
Ang pag-tap at pag-scroll sa cellphone ay napalitan ng mga tawag sa telepono at personal na pagbisita.
-
Nadagdagan ang oras sa templo—gayundin ang mga gawaing bahay ng mga mister!
-
At nadama nang sagana ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo!
Ano pa ang nangyari?
Natuklasan ng isang young adult “ang kapangyarihan ng kalayaang pumili!” Pagpapatuloy pa niya, “Sa pagpili kong panoorin ang pangkalahatang kumperensya bilang banal na young adult, hindi ako nanonood para masiyahan ang iba o makontrol ang pagtingin sa akin ng mga tao. Nanonood ako dahil alam ko na totoo ang Simbahan. Ang ebanghelyo ay totoo. Ang kalalakihan at kababaihan na nagsasalita ay inspirado at ginagabayan ng Panginoon, at gusto kong matuto.”
Sinabi ng isang “taong hindi marunong humindi sa ibang tao” na nabawasan ang kanyang stress sa trabaho. Pagsulat niya: “Ang pagtatanong ko sa aking sarili ay lubos na nagpabago sa aking pananaw. Nagkaroon ako ng kumpiyansa dahil naaalala ko ang kahalagahan ng mas mahahalagang bagay. Natutuhan ko na sa pagiging mas banal, hindi mo na iniisip masyado ang gusto ng ibang tao at mas iniisip kung ano ang gusto ng Diyos.”
Ngayon, minamahal kong mga kapatid, sa oras na ito, ang Salt Lake Temple ay kahanga-hangang arkitektura pa rin, pero kasalukyang nakasarado ang templong ito ng Panginoon. Habang sumasailalim ang pambihirang gusaling ito sa malawakang renobasyon at nakaliligtas ng buhay na pagpapatatag dito, ang Salt Lake Temple ay na-decommission bilang templo. Kapag ang isang templo ay na-decommission, ang bagay na sagrado—na ukol sa mga ordenansa at tagubilin—ay inaalis. Nakakalungkot na maaari din itong mangyari sa mga tao.
Sa mga panunukso ni Satanas, mga maling pagpili, at banta sa buhay na walang hanggan na nakakaharap ng mga tao sa malaki at maluwang na gusali, nakakalungkot na maraming young adult ang nag-alis ng mga sagradong bagay sa kanilang buhay. Ang mga young adult na ito ay—masasabing—na-decommission bilang “mga templo ng Diyos.”4
Ngayon, nangyari man ito sa inyo o hindi, inaanyayahan ko kayong muling angkinin—o dagdagan—ang bagay na sagrado sa inyong buhay sa paggawa ng ipinag-uutos mismo ng Panginoon, na “gumawa ng kabanalan … sa tuwina.” Maaari ninyong simulan ang prosesong ito sa paggawa ng ginawa ng inyong mga kaibigan: itanong sa inyong sarili—sa isang situwasyon lang sa tatlong araw—“Ano ang gagawin ng isang banal na young adult?” Pagkatapos ay tingnan kung ano ang sagot.
Sa patuloy ninyong pamumuhay,5 na nagsisikap na maging mas banal sa araw-araw at kaagad na pagsisisi kapag nagkamali kayo, magkakaroon kayo ng kagalakan sa buhay na ito at sa darating na buhay na walang-hanggan. At magsisimula ninyong maranasan, sa matindi at di malilimutang paraan, ang ipinangako mismo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo nang sinabi Niyang, “Magagawa ko kayong banal.”6
Minamahal kong mga kapatid, magsasalita na ngayon sa inyo si Pangulong Nelson. Nagpapatotoo ako sa inyo—at makapagpapatotoo ako sa kahit saang hukuman sa alinmang bansa sa mundo—na si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Panginoon ngayon sa mundo, na pinili at inutusan Niya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.