Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult Kasama si Pangulong Nelson
Linggo, Mayo 15, 2022
Mahal kong mga kapatid, ilang buwan na naming inaasam ni Sister Nelson ang gabing ito. Ang asawa ko, si Wendy, ay isang babaeng may malakas na pananampalataya at malawak na karunungan. Pinupuri ko ang kanyang mga turo sa inyo.
Kaygandang makausap kayo sa anibersaryo ng Pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood. Tulad ng alam ninyo, noong Mayo 15, 1829, lumuhod si Propetang Joseph Smith at si Oliver Cowdery sa isang tagong lugar sa kakahuyan malapit sa tahanan nina Joseph at Emma sa Harmony, Pennsylvania. Nakapunta na kami ni Sister Nelson sa kakahuyang iyon ng mga sugar maple.
Ang kakayuhang ito ay naging sagrado nang ipagkaloob ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.
Kalaunan, ipinanumbalik nina Pedro, Santiago, at Juan ang Melchizedek Priesthood sa lugar ding iyon.
Noong Setyembre 2015, inilaan ko ang Priesthood Restoration Site na iyon. Sa lahat ng naunang mga tungkuling natanggap ko noon, iyon ang pinakamahalaga sa akin. Ginugunita ng lugar na iyon ang pagpapanumbalik ng awtoridad at mga susi ng priesthood sa tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga susing iyon at iba pang mga susi ay kinailangan upang pamunuan ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo at gawing posibleng maisagawa at matanggap natin ang mahahalagang ordenansa, pati na ang sama-samang pagbubuklod ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ang araw na iyon ng paglalaan ay isang natatanging sandali sa aking buhay!
Ngayon, ito ay isang natatanging panahon sa inyong buhay. Wala nang ibang magiging katulad nito. Nagtatatag kayo ng mga prayoridad at huwarang lubhang makakaapekto hindi lang sa inyong buhay sa mundo kundi maging sa inyong buhay na walang hanggan.
Pag-usapan natin ang buhay. Isang bagay iyan kung saan nagkaroon na ako ng kaunting karanasan. Lumaki ako noong panahon ng Great Depression. Isa akong tinedyer noong World War II. Ilang beses akong muntik-muntikang mamatay. Maraming beses na akong nakapunta sa anim na kontinente at wala pa akong nakitang mga tao o kultura na hindi nagbigay sa akin ng inspirasyon.
Nagdalamhati na rin ako. Namasdan ko ang dalawang mahal kong anak na babae na dahan-dahang namatay sa sakit na kanser. At namatayan na ako ng isang kahanga-hangang asawa, si Dantzel, ang ina ng aming 10 anak. Batid na hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa,1 pinili kong mag-asawang muli. Pinakasalan ko ang isa pang pambihirang babae, ang mahal kong si Wendy.
Nakita ko nang gumawa ng kabayanihan at namuhay ng huwarang buhay ang mga kaibigan at kapamilya. At nakita ko nang gumawa ng mga maling desisyon ang iba kaya hindi nila naabot ang kanilang potensyal.
Sa madaling salita, nabuhay na ako nang matagal, at sa puntong ito, tumigil na ako sa paggawa ng mga pangmatagalan pang plano! Tumigil na rin ako sa paggugol ng oras sa mga bagay na walang halaga. Pero mahalaga kayo sa akin! At napakahalaga ng inyong kinabukasan sa akin! Nagagalak ako na marami sa inyo ang narito ngayong gabi. At nagpapasalamat ako sa mga naglaan ng musika sa napakagandang pagsisimula ng pulong na ito.
Ngayong gabi, nais kong talakayin sa inyo ang inyong kinabukasan. Kamakailan ay dumalo kami ni Sister Nelson sa inagurasyon ng isang university president. Sa magandang kaganapang iyon, naisip ko ang napakaraming guro sa buong mundo na dedikado sa pagtuturo sa mga lalaki’t babaeng kaedad ninyo. Napakahalaga ng edukasyon. Itinuturing ko itong isang responsibilidad sa relihiyon. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan.2
Gayunman, may malaking kaibhan sa pagitan ng mga responsibilidad ng mga sekular na guro at ng aking responsibilidad bilang senior na Apostol sa lupa. Ang trabaho nila ay turuan at ihanda kayo para sa inyong mortal na karanasan—ibig sabihin, kung paano kayo magtatagumpay sa buhay. Ang responsibilidad ko ay turuan at ihanda kayo para sa inyong imortal na karanasan—ibig sabihin, kung paano magtamo ng buhay na walang hanggan.
May mga limitasyon ang mga turo ng pinakamagagaling na unibersidad, dahil karaniwa’y binabalewala sa sekular na pag-aaral ang tatlong mahahalagang katotohanang bihirang mabanggit:
-
Una, bawat isa sa atin ay mamamatay.3
-
Pangalawa, dahil kay Jesucristo, bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli at magiging imortal.4
-
At pangatlo, darating ang Araw ng Paghuhukom para sa bawat isa sa atin.5
Ang tatlong ganap na katotohanang ito ang dapat bumuo sa pundasyon ng inyong espirituwal na pag-aaral.
Dahil sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuan nito, marami tayong alam tungkol sa mga maaaring mangyari sa atin pagkatapos ng buhay na ito. Alam natin na maraming tahanan sa bahay ng ating Ama.6 Alam natin na mahal na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak kaya, tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “lahat ng anak ng Diyos”—na may kakaunting eksepsyon—ay “mapupunta sa isang kaharian ng kaluwalhatian.”7 Pag-isipan ito! Lumikha ang ating Ama ng mga kaharian ng kaluwalhatian—telestiyal, terestriyal, at selestiyal—para maglaan ng isang maluwalhating lugar para sa Kanyang mga anak.
Ang layunin ko ngayong gabi ay tiyakin na mulat na mulat ang inyong mga mata sa katotohanan na ang buhay na ito talaga ay ang panahon na magpapasiya kayo kung anong klaseng pamumuhay ang gusto ninyo magpakailanman. Ngayon ang panahon ninyo “upang maghanda sa pagharap sa Diyos.”8
Ang mortal na buhay ay wala pa sa isang kisapmata kumpara sa kawalang-hanggan. Ngunit, mahal kong mga kapatid, napakahalaga ng kisapmatang iyon! Sa buhay na ito maaari nating piliin kung aling mga utos ang susundin natin—yaong sa kahariang selestiyal, o sa terestriyal, o sa telestiyal9—at, samakatuwid, kung saang kaharian ng kaluwalhatian tayo mamumuhay magpakailanman.
Malaki ang mga pakinabang ng bawat matwid na pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito. Ngunit mas malaki pa ang mga walang-hanggang pakinabang kaysa sa natanggap ninyo sa buhay na ito. Kung pipiliin ninyong makipagtipan sa Diyos at tapat kayo sa mga tipang iyon, may pangako na kayo ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [inyong ulo] magpakailanman at walang katapusan.”10
Ang mga katotohanang ito ay dapat maghikayat sa inyo na makaramdam ng FOMO—takot na hindi mapabilang. May potensyal kayong maabot ang kahariang selestiyal. Ang totoong FOMO ay ang hindi kayo mapabilang sa kahariang selestiyal, at tumanggap na lang ng mas mababang kaharian dahil pinili lamang ninyong sundin dito sa lupa ang mga utos sa mas mababang kaharian.
Mangyari pa, ayaw ng kaaway na isipin man lang ninyo ang kinabukasan, lalo na ang buhay na walang hanggan. Ngunit huwag sana kayong maging walang alam o walang muwang tungkol sa mga oportunidad at hamon ng mortalidad. Sa diwang iyon, kailangan ninyong maunawaan ang tatlong mahahalagang katotohanan na tutulong sa inyong maghanda para sa inyong kinabukasan:
-
Una, alamin ang katotohanan kung sino kayo.
-
Pangalawa, alamin ang katotohanan kung ano ang inialok sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak.
-
At pangatlo, alamin ang katotohanang may kaugnayan sa inyong pagbabalik-loob.
Tatalakayin ko ang bawat isa sa tatlong puntong ito.
Una: Alamin ang katotohanan kung sino kayo. Naniniwala ako na kung tuwirang nagsasalita sa inyo ang Panginoon ngayong gabi, ang una Niyang titiyakin ay na nauunawaan ninyo ang inyong tunay na pagkatao.11 Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa “Ako ay Anak ng Diyos.”12 Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? Nakadaig na ba kayo ng tukso dahil sa katotohanang ito?13
Nangangamba ako na baka napakadalas na ninyong naririnig ang katotohanang ito kaya parang slogan na ito sa inyo sa halip na banal na katotohanan. Gayunpaman, ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa halos lahat ng desisyong gagawin ninyo.
Noong 2006, nang pakasalan ko si Wendy, may ilang bagay na nakasorpresa sa akin—karamihan doon ay maganda naman. Ang isa sa mga sorpresang iyon ay ang ilang damit niyang may nakadispley na logo—mga unibersidad kung saan siya nagtapos, mga lugar na napuntahan niya, at iba pa. Tuwing suot niya ang isa mga damit na iyon, tinutukso ko siya ng, “Sino naman ang inaanunsyo mo ngayon?” Inanyayahan niya akong gawin din ito!
Ang mga label o titulo ay maaaring maging masaya at magpahiwatig ng inyong suporta sa kahit ilang positibong bagay. Maraming titulo ang magbabago para sa iyo sa paglipas ng panahon. At hindi lahat ng mga ito ay pare-pareho ang halaga. Ngunit kung pinapalitan ng anumang titulo ang pinakamahahalagang bagay na tumutukoy sa inyo, maaari nito kayong pahinain.
Halimbawa, kung iraranggo ko ayon sa kahalagahan ang mga titulong maaaring iangkop sa akin, sasabihin kong: Una, ako ay anak ng Diyos—isang anak na lalaki ng Diyos—sumunod ay isang anak ng tipan, tapos ay isang disipulo ni Jesucristo at isang tapat na miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Sumunod ay ang ikinararangal kong mga titulo bilang asawa at ama, tapos ay Apostol ng Panginoong Jesucristo.
Lahat ng iba pang mga titulo na angkop sa akin—tulad ng medical doctor, surgeon, researcher, professor, lieutenant, captain, PhD, Amerikano, at iba pa—ay babagsak sa bandang ibaba ng listahan.
Ngayon, kayo naman ang tatanungin namin. Sino kayo?
Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.
Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.
Ngayong gabi, nakikiusap ako sa inyo na huwag palitan ng anumang iba pa ang tatlong napakahalaga at di-nagbabagong mga pantukoy na ito, dahil maaaring makahadlang ito sa inyong pag-unlad o mabilang kayo sa isang kategorya na posibleng makahadlang sa inyong walang-hanggang pag-unlad.
Halimbawa, kung ang pangunahing pantukoy sa inyo ay isang Amerikano, maaaring isipin ng mga hindi Amerikano, “Alam ko ang lahat ng dapat malaman tungkol sa iyo” at magkaroon sila ng mga maling paniniwala tungkol sa inyo.
Kung tutukuyin ninyo ang inyong sarili ayon sa inyong partido sa pulitika, agad na iisipin ng iba na may partikular kayong mga paniniwala—bagama’t wala akong kilalang sinuman na naniniwala sa lahat ng pinaniniwalaan ngayon ng pinili nilang partido sa pulitika.
Marami pa tayong maibibigay na halimbawa, na inuulit-ulit ang mga hadlang ng iba’t ibang titulo na ginagamit natin sa ating sarili o ng ibang mga tao sa atin.
Maaari akong tawagin ng ilan na “matandang lalaki.” Ngunit mas bata naman ako kaysa kay Adan—at kay Noe rin.14 Ang edad, lahi, bansa, kasarian, at iba pang mga “pagtatangi” ay naglilimita sa buong mundo.
Napakasaklap kapag naniniwala ang isang tao sa pantukoy na ginamit sa kanila ng ibang tao. Isipin ang sama ng loob ng isang anak na sinabihan ng, “Ang bobo mo.” Malaki ang epekto ng mga pantukoy at titulo!
Natutuwa ang kaaway sa mga titulo dahil pinagwawatak-watak tayo ng mga ito at nililimitahan ang paraan ng pag-iisip natin tungkol sa ating sarili at sa isa’t isa. Nakalulungkot kapag mas iginagalang natin ang mga titulo kaysa kapag iginagalang natin ang isa’t isa.
Ang mga titulo ay maaaring humantong sa panghuhusga at pagkapoot. Anumang pang-aabuso o pagtatangi sa iba dahil sa nasyonalidad, lahi, seksuwal na oryentasyon, kasarian, mga degree sa pag-aaral, kultura, o iba pang makabuluhang mga pantukoy ay labag sa ating Maykapal! Ang gayong maling pagtrato ay nagiging sanhi para mamuhay tayo nang mas mababa kaysa sa ating katayuan bilang Kanyang pinagtipanang mga anak!
May iba’t ibang titulo na maaaring napakahalaga sa inyo, siyempre pa. Unawain sana ninyo ako. Hindi ko sinasabi na hindi mahalaga ang iba pang mga titulo at pantukoy. Ang sinasabi ko lang ay walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: “anak ng Diyos,” “anak ng tipan,” at “disipulo ni Jesucristo.”
Anumang pantukoy na hindi tugma sa tatlong mahahalagang titulong iyon ay bibiguin kayo sa huli. Ang iba pang mga titulo ay hindi magpapasaya sa inyo pagdating ng panahon dahil wala itong kapangyarihan na akayin kayo sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos.
Ang mga pantukoy ng mundo ay hinding-hindi magbibigay sa inyo ng pagkaunawa kung sino ang maaari ninyong kahinatnan sa huli. Hinding-hindi nila pagtitibayin ang inyong banal na DNA o ang inyong walang hanggan at banal na potensyal.
Dahil may binuong malaking plano ng kaligtasan ang Ama sa Langit, hindi ba makatwiran na kayo ay mayroon ding banal na tadhana?15
Huwag kayong magkakamali tungkol dito: Banal ang inyong potensyal. Sa inyong masigasig na paghahanap, ipababanaag sa inyo ng Diyos kung sino ang maaari ninyong kahinatnan.
Kaya sino kayo? Unang-una sa lahat, kayo ay isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Kapag tinanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong panghuling mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.
Pangalawa: Alamin ang katotohanan kung ano ang inaalok sa inyo ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
Sa madaling salita, inaalok Nila sa inyo ang lahat-lahat!
Ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay nagtutulot sa atin na mabuhay kung saan at kung paano Siya nabubuhay at sa huli ay mas lalo pang maging katulad Niya. Ang Kanyang plano ay literal na ibinibigay sa atin ang pinakamayayamang pagpapala ng buong kawalang-hanggan, pati na ang potensyal nating maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”16
Alam at nakikita ng Diyos ang lahat. Sa buong kawalang-hanggan, walang sinumang makakikilala sa inyo o magmamalasakit sa inyo nang mas higit kaysa sa Kanya. Walang sinumang magiging mas malapit sa inyo kailanman kaysa sa Kanya. Maaari ninyong ibuhos ang nilalaman ng inyong puso sa Kanya at pagkatiwalaan Siya na isusugo Niya ang Espiritu Santo at mga anghel para pangalagaan kayo. Ipinamalas Niya ang Kanyang sukdulang pagmamahal nang isugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay alang-alang sa inyo—upang maging inyong Tagapagligtas at inyong Manunubos!
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, dinaig ng Panginoong Jesucristo ang sanlibutan.17 Samakatuwid, Siya ay “may kapangyarihang … maglinis sa [inyo] sa lahat ng kasamaan.”18 Ililigtas Niya kayo mula sa inyong pinakamasasakit na sitwasyon sa Kanyang sariling paraan at panahon.19 Kapag lumapit kayo sa Kanya nang may pananampalataya, gagabayan, iingatan, at poprotektahan Niya kayo. Pagagalingin Niya ang inyong sawing puso at aaliwin kayo sa inyong kalungkutan.20 Tutulungan Niya kayong matanggap ang Kanyang kapangyarihan. At gagawin Niyang posible ang imposible sa inyong buhay.
Si Jesucristo ang tanging nagtatagal na pinagmumulan ng pag-asa, kapayapaan, at kagalakan para sa inyo. Hinding-hindi magagaya ni Satanas ang anuman dito. At hinding-hindi kayo tutulungan ni Satanas.
Sa kabilang banda, ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay ang isakatuparan ang “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”21 Gagawin ng Diyos ang lahat ng kaya Niya, maliban sa labagin ang inyong kalayaang pumili, para hindi kayo mawalan ng pinakadakilang mga pagpapala sa buong kawalang-hanggan.
May espesyal na pagmamahal ang Diyos para sa bawat taong nakikipagtipan sa Kanya sa mga tubig ng binyag.22 At ang banal na pagmamahal na iyan ay lumalalim habang gumagawa at tumutupad kayo ng mga karagdagang tipan. At sa pagtatapos ng mortal na buhay, katangi-tangi ang muling pakikipagkita ng bawat pinagtipanang anak sa ating Ama sa Langit.23
Gustung-gusto rin Niya na lahat ng anak Niya ay magkaroon ng oportunidad na marinig ang masayang balita ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Mahigit anim na milenya nang ipinadadala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak sa lupa. Karamihan sa mga taong ito ay hindi pa natatanggap ang mga ordenansang magpapagindapat sa kanila sa buhay na walang hanggan. Kaya napakahalaga ng mga templo. Ito ag dahilan kung bakit ang pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing ang pinakamahalagang layunin sa lupa ngayon. Kayo, mahal kong mga kasamahan sa banal na gawaing ito, ay may mahalagang papel sa pagtitipong ito, at pinasasalamatan ko kayo para dito.
Inihahantong ako nito ngayon sa pangatlo kong punto.
Alamin ang katotohanang may kaugnayan sa inyong pagbabalik-loob. Ang totoo ay kayo dapat ang responsable sa sarili ninyong pagbabalik-loob. Walang iba pang makagagawa nito para sa inyo.
Ngayon, maaari ko ba kayong anyayahang pag-isipan ang ilang tanong? Gusto ba ninyong makadama ng kapayapaan tungkol sa mga alalahaning kasalukuyang bumabagabag sa inyo? Gusto ba ninyong higit na makilala si Jesucristo? Gusto ba ninyong malaman kung paano mapaghihilom ng Kanyang banal na kapangyarihan ang inyong mga sugat at kahinaan? Gusto ba ninyong madama ang matamis at nakagiginhawang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay?
Para masagot ang mga tanong na ito, kailangan ang pagsisikap—malaking pagsisikap. Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo.
Magdasal nang taimtim at mapagpakumbaba araw-araw. Busugin ang inyong sarili sa mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta. Hilingin sa Panginoon na ituro sa inyo kung paano Siya higit na maririnig. Gumugol ng mas maraming panahon sa templo at sa paggawa ng family history.
Kapag inuna ninyo sa lahat ang inyong patotoo, hintaying mangyari ang mga hiwaga sa inyong buhay.
Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na pagnanais na maniwala. Alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa ebanghelyo at tiyaking bumaling sa mga pinagmumulang puno ng katotohanan para sa patnubay. Nabubuhay tayo sa dispensasyon kung kailan “walang anumang bagay ang ipagkakait.”24 Sa gayon, pagdating ng panahon, sasagutin ng Panginoon ang lahat ng tanong natin.
Habang naghihintay, gawing malaking bahagi ng inyong buhay ang maraming paghahayag na madali nating makukuha. Nangangako ako na sa paggawa niyon, lalakas ang inyong patotoo, kahit hindi pa nasasagot ang ilan sa inyong mga tanong. Ang inyong tapat na mga pagtatanong, nang may pananampalataya, ay laging hahantong sa mas malaking pananampalataya at higit na kaalaman.
Kapag lumayo sa Simbahan ang mga kaibigan at kapamilya, patuloy silang mahalin. Hindi ninyo dapat husgahan ang pagpapasiya ng iba na tulad ng hindi kayo dapat punahin sa pananatiling tapat.
Ngayon, pakinggan sana ninyo ako kapag sinabi kong: Huwag kayong magpaligaw sa mga yaon na ang mga pagdududa ay maaaring udyok ng mga bagay na hindi ninyo nakikita sa kanilang buhay. Higit sa lahat, ipakita sa inyong nag-aalinlangang mga kaibigan kung gaano ninyo kamahal ang Panginoon at ang Kanyang ebanghelyo. Gulatin ang kanilang pusong nagdududa ng inyong pusong nananalig!
Kapag inalagaan ninyo ang inyong patotoo at pinalago ito, magiging mas mabisang kasangkapan kayo sa mga kamay ng Panginoon. Kayo ay “bibigyang-sigla ng higit na mainam na [layunin]”21—ang layunin ni Jesucristo!
Walang nangyayari sa daigdig na ito na mas mahalaga pa kaysa sa pagtitipon ng Israel para sa Kanya. Ipaalam sa inyong Ama sa Langit na gusto ninyong tumulong. Hilingin sa Kanya na patulungin kayo sa maluwalhating layuning ito. At pagkatapos ay manatili at mamangha sa mangyayari kapag hinayaan ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay.
Mahal kong mga kaibigang kabataan, mahal ko kayo. Nagpapasalamat ako sa inyo. Nananalig ako sa inyo. Bilang propeta ng Panginoon, binabasbasan ko kayong malaman ang katotohanan kung sino kayo at pahalagahan ang katotohanan kung ano talaga ang inyong maluwalhating potensyal. Binabasbasan ko kayo na alagaan ang inyong sariling patotoo. At binabasbasan ko kayo na magkaroon ng pagnanais at lakas na tuparin ang inyong mga tipan.
Kapag ginawa ninyo ito, nangangako ako na espirituwal kayong lalago, mawawala ang inyong pangamba, at magkakaroon kayo ng kumpiyansa na maaaring hindi pa ninyo maisip ngayon. Magkakaroon kayo ng lakas na magkaroon ng positibong impluwensya na higit pa sa inyong likas na kakayahan. At nangangako ako na magiging mas maganda ang inyong kinabukasan kaysa anumang pinaniniwalaan ninyo ngayon.
Iyan ang basbas ko sa inyo at muli kong ipinapahayag ang pasasalamat at pagmamahal ko sa inyo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.