Mga Debosyonal noong 2022
Magiting, Marangal, at Malaya


45:27

Magiting, Marangal, at Malaya

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Setyembre 11, 2022 • Salt Lake Tabernacle

Elder Dale G. Renlund: Salamat. Narito tayo sa makasaysayang Salt Lake Tabernacle, ngunit nasa iba’t ibang panig ng mundo ang mga nanonood ngayon. Sa mga banal na kasulatan iniutos ng Panginoon na alalahanin natin. Ang pag-alaala sa ating pinagsaluhang pamana ng pananampalataya, katapatan, at tiyaga ay nagbibigay sa atin ng pananaw at lakas habang humaharap tayo sa mga hamon ng ating panahon.

Sa hangaring “maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao,”1 ginawa ang apat na tomong serye ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw. Tatlong tomo na ang nailathala. Kabilang sa kasaysayang ito ang mga kuwento ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw noong nakalipas na panahon. Makikita rito ang mga halimbawang hango sa tunay na buhay ng mga taong minahal ang ebanghelyo ni Jesucristo, nakipagtipan, at nagpatuloy sa landas ng tipan upang kilalanin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sister Ruth L. Renlund: Magtutuon kami sa mga tunay na karanasang mababasa na ninyo ngayon sa Mga Banal: Magiting, Marangal, at Malaya, ang pangatlong tomo sa mga seryeng ito. Isinasalaysay ng tomong ito ang kasaysayan ng Simbahan mula sa paglalaan ng Salt Lake Temple noong 1893 hanggang sa paglalaan ng Bern Switzerland Temple noong 1955. Sa panahong ito, makikita ang patuloy na paghahayag sa Simbahan sa pamamagitan ng mga propeta ng Panginoon at sa bawat miyembro. Ang Tomo 3 ng Mga Banal ay tutulong sa ating maunawaan ang ating sariling kasaysayan, ang mga taong nagpamuhay nito, at ng ating Tagapagligtas.

Elder Renlund: Sa panahong iyon, kapwa sumapi sa Simbahan ang lolo’t lola ko sa kapwa tatay at nanay. Nandayuhan ang mga magulang ko sa Salt Lake City dahil ipinangako nila na magpapakasal sila sa templo. Noong 1950 walang templo sa Europa. Natanggap nila ang kanilang endowment sa Salt Lake Temple, nakinig ng tagubilin sa Ingles, na kaunti lang ang naintindihan. Ikinasal at ibinuklod sila at itinuring ang sarili na pinagpala nang walang hanggan. Ang pasiya nilang gawin ang anuman para mabuklod sa templo ay walang hanggan ding nakaimpluwensiya sa buhay ko.

Ang Mga Banal, tomo 3, ang ating pamana, nagmula man tayo sa angkan ng mga naunang pioneer, tulad ni Sister Renlund, o mula sa mga pioneer ngayon, tulad ko, o ilan sa inyo na mga pioneer sa pananampalataya. Kayo ay mahalagang bahagi ng pagpapatuloy ng kasaysayan ng Simbahang ito. Salamat sa pagsalig ninyo sa pundasyon ng pananampalataya na inilatag ninyo at ng inyong mga ninuno. “Dalangin namin na ang tomong ito [ng Mga Banal] ay magpalawak ng inyong pag-unawa sa nakaraan, magpalakas ng inyong pananampalataya, at makatulong sa inyo na gawin at tuparin ang mga tipan na humahantong sa kadakilaan at buhay na walang hanggan.”2

Sister Renlund: Gusto ko nang magkuwento mula sa tomo 3 ng Mga Banal. Magsimula na tayo!

Elder Renlund: Simulan natin sa halimbawa ng patuloy na Pagpapanumbalik ng Simbahan. Madalas ituro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang Pagpapanumbalik “ay isang proseso, hindi isang pangyayari, at magpapatuloy ito hanggang sa muling pagparito ng Panginoon.”3 Isang halimbawa mula sa pagtatapos ng buhay ni Pangulong Joseph F. Smith ang magandang naglalarawan nito.

Full-length na larawan ng lalaki at babae na nakasuot ng puting damit

Si Joseph F. Smith at si Julina Lambson Smith.

Noong 1918, mahina na ang katawan ni Pangulong Smith, at marahil alam niya na hindi na siya magtatagal. Tila nabalot ng kamatayan ang paligid niya. Una, ang kanyang panganay na si Hyrum ay nagkasakit at namatay dahil sa pumutok na apendiks. Ibinuhos ni Joseph ang kanyang paghihinagpis sa kanyang journal. “Ang aking kaluluwa ay nababagabag. … O! Diyos ko tulungan Mo po ako!”4 Pangalawa, ang kalungkutan ni Pangulong Smith ay nadagdagan pa nang di-nagtagal ay namatay ang balo ni Hyrum na si Ida, dahil sa sakit sa puso.

Pangatlo, nabasa niya ang kakila-kilabot na mga ulat tungkol sa digmaang pandaigdig. Sa digmaang ito, 20 milyong sundalo at sibilyan ang namatay. Pang-apat, isang matinding trangkaso ang kumitil ng napakaraming tao. Ang bilang ng namatay sa buong daigdig ay halos 50 milyon. Ang mga kamatayang ito ay nagdulot ng pighati sa mga pamilya. Ikinalungkot ni Pangulong Smith ang mga pagpanaw na ito. Dagdag pa rito, limang buwan na siyang nakaratay sa kama. Tila laging nasa isip ng propeta ang kamatayan.

Narito ang Biblia na pag-aari ni Pangulong Smith. Maaaring ito ang ginamit niya, o katulad nito, upang makakuha ng paghahayag.

Sister Renlund: Noong Oktubre 3, 1918, nakaupo siya sa kanyang silid sa Beehive House, isang bloke lang mula rito, na pinagninilayan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pagkatubos ng sanlibutan. Binuklat niya ito sa … 1 Pedro at binasa ang tungkol sa pangangaral ng Tagapagligtas sa mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu. … Ang Espiritu ay bumaba [kay Pangulong Smith], at ang kanyang mga mata ng pang-unawa ay nabuksan.” Nakita niya sa daigdig ng mga espiritu na “ang mabubuting kababaihan at kalalakihan na namatay bago ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ay masayang naghihintay sa Kanyang pagdating doon upang ipahayag ang kanilang kalayaan mula sa mga gapos ng kamatayan.

“Nagpakita ang Tagapagligtas … , at ang mabubuting espiritu ay nagalak … . Lumuhod sila sa Kanyang harapan, kinikilala Siya bilang kanilang Manunubos at Tagapagligtas mula sa kamatayan at mga tanikala ng impiyerno. …

“… Naunawaan [din ni Pangulong Smith] na ang Tagapagligtas ay hindi nagtungo nang personal sa mga suwail na espiritu. Sa halip, inorganisa niya ang mabubuting espiritu … upang dalhin ang mensahe ng ebanghelyo sa mga espiritung nasa kadiliman. Sa ganitong paraan, lahat ng taong namatay sa paglabag o walang kaalaman sa katotohanan ay matututuhan ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsisisi, pagbibinyag para sa kapatawaran ng kasalanan, kaloob na Espiritu Santo, at lahat ng iba pang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. …

Elder Renlund: “Pagkatapos ay nahiwatigan ng propeta na ang matatapat [na Banal sa] dispensasyong ito ay magpapatuloy sa kanilang gawain sa kabilang buhay sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa mga espiritu na nasa kadiliman at nasa pagkaalipin ng kasalanan. [Ipinahayag niya,] ‘Ang mga patay na nagsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos, … at pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan.’

Sister Renlund: “… Kinaumagahan, [nagulat ang ilan na siya ay dumalo] sa kumperensya sa kabila ng kanyang mahinang pangangatawan. Determinadong magsalita sa kongregasyon, hirap siyang tumayo sa pulpito [sa gusaling ito], na nanginginig ang kanyang malaking katawan. … Dahil wala siyang sapat na lakas na magsalita tungkol sa kanyang pangitain nang hindi nadaraig ng damdamin, ipinahiwatig lamang niya ito. ‘Hindi ako nabuhay nang mag-isa sa nakalipas na limang buwang ito,’ sabi niya sa kongregasyon. ‘Palagi akong nagdarasal, sumasamo, sumasampalataya at may determinasyon; at patuloy na nakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Panginoon. Ito ay masayang pulong ngayong umaga para sa akin,’ sabi niya. ‘Pagpalain kayo ng Diyos!’”5

Idinikta ni Pangulong Smith ang paghahayag sa kanyang anak na si Joseph Fielding Smith matapos ang pangkalahatang kumperensya. Ito ang isa sa mga kopya na nilagdaan at isinumite niya sa Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Binasa nila ang pangitain at lubos na sinang-ayunan ito,6 at itinuring bilang bahagi 138 ng Doktrina at mga Tipan. Nauunawaan na natin na inaalala ng Diyos ang mga taong nasa kabilang panig ng tabing. Inaalala Niya ang kanilang kaligtasan. Ang “mga patay” ay hindi talaga patay. Ang patuloy na Pagpapanumbalik ang nagpaunawa sa atin at nagbigay ng kapanatagan at kalinawan tungkol sa kabilang buhay.

Elder Renlund: Sa maraming paraan, gayundin ang kailangan sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Para sa akin, kailangan kong pagtuunan ang isang problema. Kailangan ko itong pag-aralan at pag-isipan. Kailangan kong bumuo ng iba’t ibang solusyon. Tila sa ganoong paraan lamang tunay na darating ang paghahayag. Kadalasan ang paghahayag sa akin ay maiikling utos, tulad ng “Humayo ka,” “Gawin mo,” o “Magsalita ka!”

Sister Renlund: Ganyan din sa akin. Matapos akong mag-isip, mag-aral, at magdasal, kadalasang may naiisip akong mga ideya na alam kong hindi galing sa akin. Laging sinasabi nito sa akin na inaalala ako ng Diyos at hinihikayat ako sa pamamagitan ng Espiritu Santo na gumawa ng mabuti.

Elder Renlund: Kadalasang dumarating ang paghahayag dahil may isang partikular na pangangailangan. Isang napakagandang halimbawa ang naganap noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 1894. Ibinalita ni Pangulong Wilford Woodruff sa kanyang mga tagapayo at sa Korum ng Labindalawang Apostol na nakatanggap siya ng paghahayag tungkol sa mga pagbubuklod sa templo. Sabi niya, “Sinabi sa akin ng Panginoon na nararapat para sa mga anak na mabuklod sa kanilang mga magulang, at mabuklod ang mga ito sa kanilang mga magulang hanggang sa abot ng ating makakayang makakuha sa mga talaan.”7 Dumating ang paghahayag na ito mahigit 50 taon matapos ipanumbalik ni Elijah ang awtoridad na magbuklod sa Kirtland Temple.

Sister Renlund: Noong Linggo, sa pangkalahatang kumperensya ng 1894, ipinahayag ni Pangulong Woodruff, “Hindi pa tayo natatapos tumanggap ng paghahayag. … Hindi pa natin natatapos tanggapin ang lahat ng kaalaman sa gawain ng Diyos.’ Binanggit niya kung paano ipinagpatuloy ni Brigham Young ang gawain ni Joseph Smith na pagtatayo ng mga templo at pag-oorganisa ng mga ordenansa sa templo. ‘Ngunit hindi niya natanggap ang lahat ng paghahayag na may kinalaman sa gawaing ito,’ paalala ni Pangulong Woodruff sa kongregasyon. ‘Hindi rin batid lahat ni Pangulong Taylor, at gayundin si Wilford Woodruff. Walang katapusan ang gawaing ito hanggang sa ito ay maging ganap.’”8

Mula noong panahon ng Nauvoo, nagpapabinyag na ang mga miyembro para sa mga pumanaw na kapamilya. Ngunit hindi pa naihahayag ang kahalagahan ng pagbubuklod sa sariling mga ninuno. Ipinaliwanag ni Pangulong Woodruff, “Nais naming matunton ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito ang kanilang mga talaangkanan hanggang sa abot ng kanilang makakaya, at mabuklod sa kanilang mga ama at ina. … Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at ipagpatuloy ang gawaing ito hanggang sa abot ng makakaya ninyo.”9

Ipinaalala ni Pangulong Woodruff “sa mga Banal ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa kanyang kapatid na si Alvin sa Kirtland Temple. “Lahat ng nangamatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na kanilang tatanggapin ito kung sila lamang ay pinahintulutang manatili, ay magiging mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos.’

“‘Gayon din ang mangyayari sa inyong mga ninuno,” sabi ni Pangulong Woodruff tungkol sa mga nasa daigdig ng mga espiritu. ‘Kakaunti lamang, kung mayroon man, na hindi tatanggapin ang ebanghelyo.’

“Bago tinapos ang kanyang mensahe, hiniling niya sa mga Banal na … hanapin ang kanilang mga kamag-anak na pumanaw na. ‘Mga kapatid,’ sabi niya, ‘patuloy nating asikasuhin ang ating mga talaan, punan natin ang mga ito nang matwid sa harapan ng Panginoon, at isagawa ang alituntuning ito, at ang mga pagpapala ng Diyos ay mapapasaatin, at ang mga tinubos ay pagpapalain tayo sa darating na mga araw.’”10 Ang paghahayag na ito ang naging dahilan ng madalas na pagbalik ng mga miyembro sa templo para gumawa ng mga proxy na ordinasyon at ordenansa para sa patay na mga ninuno. Nagsimulang mag-ingat ang mga pamilya ng mga talaan ng mga ordenansang ito at ng gawain na natapos na para makumpleto ito sa mga aklat na katulad nito na nagpapakita ng ginawang ordenansa para sa mga miyembro ng pamilya nina Jens Peter at Marie Dame.

Elder Renlund: Ngayon, ang doktrina ng pagbubuklod sa mga henerasyon ay tila normal at natural na sa atin, ngunit kinailangan ang isang paghahayag mula sa Panginoon para maorganisa nang wasto ang pagbubuklod ng mga pamilya. Ang paghahayag na ito ay may tuwirang epekto sa aking pamilya sa malayong isla ng Larsmo, malapit sa kanlurang baybayin ng Finland. Ang kuwentong ito ay hindi mula sa Mga Banal, tomo 3, ngunit ito ay pinahahalagahan sa aming pamilya. Noong 1912, ang lolo’t lola ko sa tatay, sina Lena Sofia at Matts Leander Renlund, ay nakinig sa mga missionary na taga-Sweden na nangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sina Lena Sofia at Leander ay nabinyagan kinabukasan. Naging masaya sila sa kanilang bagong relihiyon at sa pagiging kabilang sa maliit na branch, na siyang una sa Finland. Sa kasawiang-palad, nagbago ang kapalaran at nagkaroon ng sakuna.

Noong 1917, namatay sa tuberkulosis si Leander, at naiwang biyuda si Lena Sofia na ipinagbubuntis ang kanilang pansampung anak. Ang anak na iyon, ang aking ama, ay ipinanganak dalawang buwan pagkamatay ni Leander. Maraming kapamilya pa ang namatay sa tuberkulosis. Inilibing ni Lena ang 7 sa kanyang 10 anak, maliban pa kay Leander. Napakahirap nito para sa kanya, isang maralitang magbubukid, na panatilihing buo ang naiwan sa kanyang pamilya.

Halos dalawang dekada siyang hindi nakatulog nang husto. Aligaga siyang nagtrabaho sa araw para makabili ng pagkain. Sa gabi, nag-alaga siya ng mga kapamilyang naghihingalo. Mahirap isipin kung paano ito nakayanan ni Lena Sofia.

Nakilala ko si Lena Sofia noong Disyembre 1963. Ako ay 11 taong gulang at siya ay 87. Hukot na siya dahil sa habambuhay na pagtatrabaho. Ang balat ng kanyang mukha at mga kamay ay kulubot na—kasinggaspang at kasingkapal ng gamit na gamit na katad. Nang magkakilala kami, tumayo siya at itinuro ang retrato ni Leander na nakasabit sa dingding, at sinabi niya sa akin sa wikang Swedish, “Det här är min gubbe.” “Ito ang asawa ko.”

Akala ko ay nagkamali siya ng paggamit ng pandiwa sa pangkasalukuyan. Dahil 46 taon nang yumao si Leander, sinabi ko sa aking ina na tila mali ito. Sabi lang sa akin ng nanay ko, “Hindi mo naiintindihan.” Hindi ko naintindihan. Batid ni Lena Sofia na ang asawa niya na matagal nang patay ay kanya at mananatiling kanya sa buong kawalang-hanggan. Sa pamamagitan ng doktrina ng mga walang-hanggang pamilya, nanatili ang presensya ni Leander sa kanyang buhay at naging bahagi ng malaking pag-asam sa hinaharap.

larawan ng babae

Si Lena Sofia Renlund, lola sa tatay ni Dale G. Renlund.

larawan ng batang lalaki

Batang Dale G. Renlund.

Bago ilaan ang Helsinki Finland Temple noong 2006, inalam ng kapatid ko ang ordenansang kailangang gawin para sa angkan ng aming tatay. Ang nakita niya ay ang matibay na katibayan ng pananampalataya ni Lena Sofia sa awtoridad ng pagbubuklod. Isinumite ni Lena Sofia ang mga talaan ng pamilya para sa kanyang pumanaw na mga anak, na lampas walong taong gulang noong nagsipanaw, upang magawan sila ng gawain sa templo noong 1938. Kabilang ito sa mga pinakaunang ordenansa na isinumite sa templo mula sa Finland.

Nakayanan ni Lena ang lahat dahil nasa isipan niya ang doktrina ng kaligtasan. Itinuring niya na isa sa mga dakilang awa ng Diyos ang malaman niya na walang hanggan ang mga pamilya bago dumating ang mga pagsubok na ito sa kanya. Ang palatandaan ng kanyang matibay na pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo ay ang gawain niya sa family history, gawaing inihayag kina Joseph Smith, Wilford Woodruff, at Joseph F. Smith. Katulad niya yaong mga “namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati.”11

Sister Renlund: Dahil ang Pagpapanumbalik ay patuloy na proseso, marami pa tayong gagawin. Wala pang isang taon ang nakalipas, sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang kasalukuyang mga pagbabago sa mga pamamaraan ng templo, at ang iba pang susunod, ay patuloy na katibayan na aktibong pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Nagbibigay Siya ng mga pagkakataon sa bawat isa sa atin upang mas mahusay na mapatibay ang ating mga espirituwal na pundasyon sa pamamagitan ng pagtutuon ng ating buhay sa Kanya at sa mga ordenansa at tipan ng Kanyang templo.”12 Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson na ang mga pagbabagong ito ay ginawa “Sa patnubay ng Panginoon at bilang sagot sa aming mga panalangin” dahil nais ng Panginoon na “maunawaan [natin] nang napakalinaw ang mga tipang ginagawa [natin]. … Upang maunawaan [natin] ang [ating] mga pribilehiyo, pangako, at responsibilidad … [at] upang magkaroon [tayo] ng mga espirituwal na pananaw at kamalayan.”13

Kung minsan dumarating ang paghahayag sa mismong oras na kailangan natin. Nangyari ito sa isa pang halimbawa ng patuloy na Pagpapanumbalik noong si Lorenzo Snow ang Pangulo ng Simbahan. Noong 1898, may malaking problema sa pananalapi ang Simbahan. Sa kainitan ng kampanya laban sa poligamiya, pinahintulutan ng United States Congress ang pagkumpiska sa ari-arian ng Simbahan. Dahil nag-aalala na sasamsamin ng gobyerno ang kanilang mga donasyon, maraming Banal ang tumigil sa pagbabayad ng ikapu, na ikinabawas ng pangunahing pinagkukunan ng pondo ng Simbahan. Humiram ng pera ang Simbahan para magkaroon ng sapat na pondo upang maisulong ang gawain ng Panginoon. Humiram pa ng pera ang Simbahan para matustusan ang gastusin sa pagtapos ng Salt Lake Temple. Ang pinansiyal na sitwasyong ito ay ikinabahala ng 85-taong-gulang na propeta.14

“Isang umaga noong Mayo, nakaupo sa kama si Pangulong Snow nang pumasok sa silid ang kanyang anak na si LeRoi. … Binati siya ng propeta at sinabing, ‘Pupunta ako sa St. George.’

“Nagulat si LeRoi. Ang St. George ay … tatlong daang milya ang layo.” Upang makarating doon, kinailangan nilang sumakay ng tren na maglalakbay 200 milya patimog hanggang Milford at pagkatapos ay 105 milya pa sakay ng karwahe. Ito ay magiging isang mahaba at mahirap na paglalakbay para sa isang matanda. Gayunpaman, bumiyahe sila nang napakahaba at napakahirap. “Pagdating nila … , naalikabukan at pagod mula sa paglalakbay, … tinanong sila ng [isang] stake president kung bakit sila pumunta. ‘Ah,’ sabi ni Pangulong Snow, ‘Hindi ko alam kung bakit kami nagpunta sa St. George, tanging ang Espiritu lamang ang nagsabi sa amin na pumunta.’

“Kinabukasan, ika-17 ng Mayo, nakipagpulong ang propeta sa mga Banal sa St. George Tabernacle, isang pulang gusali na yari sa sandstone ilang kanto ang layo sa hilagang-kanlurang bahagi ng templo.” Nang tumayo si Pangulong Snow para magsalita sa mga Banal, sinabi niya, “Halos hindi namin maipahayag ang dahilan kung bakit kami pumunta rito, subalit sa palagay ko ay may sasabihin ang Panginoon sa atin.”

Elder Renlund: “Sa mensahe, tumigil nang hindi inaasahan si Pangulong Snow, at lubusang tumahimik sa silid. Nagniningning ang kanyang mga mata, at ang kanyang mukha. Nang ibuka niya ang kanyang bibig, mas malakas ang kanyang tinig. Tila napuno ng kaluwalhatian ng Diyos ang silid. Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa ikapu. … Nalungkot siya na maraming … Banal ang atubiling magbayad ng buong ikapu. … ‘Ito ay isang mahalagang paghahanda para sa Sion,’ sabi niya.

“Kinabukasan ng hapon, [itinuro] ni Pangulong Snow, ‘Dumating na ang panahon upang lahat ng Banal sa mga Huling Araw, na hangad maghanda para sa hinaharap at matatag na tumayo sa wastong pundasyon, ay gawin ang kalooban ng Panginoon at magbayad ng kanyang buong ikapu. Iyan ang salita ng Panginoon sa inyo, at ito ang magiging salita ng Panginoon sa bawat pamayanan sa buong lupain ng Sion.’”

Itinuro kalaunan ni Pangulong Snow, ‘“Tayo ay nasa isang nakakatakot na kalagayan, at dahil dito ang Simbahan ay nasa pagkaalipin. Ang tanging kaginhawahan ay ang sundin ng mga Banal ang batas na ito.’ Hinamon niya [ang mga miyembro] na lubos na sundin ang batas at ipinangako na pagpapalain sila ng Panginoon sa kanilang mga pagsisikap. Ipinahayag din niya na ang pagbabayad ng ikapu ay kailangan nang sundin ngayon upang makadalo sa templo.”15

Sister Renlund: Mula noon, marami ang makapagpapatotoo na talagang ibinubuhos ng Panginoon ang Kanyang pinakamasaganang pagpapala sa mga taong handang sundin ang simpleng batas na ito. Si Brother Alois Cziep ay naglingkod bilang pangulo ng Vienna Austria Branch. Itinabi niya ang mga rekord ng ikapu at ng branch sa simple at matibay na kahong ito. Nang maghulog ng mga bomba mula sa himpapawid noong World War II, ito ang unang bagay na isinalba ni Pangulong Cziep at ng kanyang pamilya bago ang sariling ari-arian.

Pinatotohanan din ng ilan ang hamon sa pagsunod sa batas at pagtanggap ng napakaraming pagpapala bilang resulta.

Ang karanasan ng pamilya Yanagida sa Japan ay isang magandang halimbawa nito. Noong 1948, nagpadala muli ang Unang Panguluhan ng mga misyonero sa Japan. Nang tanungin ni Toshiko Yanagida ang kanyang ama tungkol sa relihiyon, hinikayat siya nito na dumalo sa pulong sa pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sumapi siya sa Simbahan noong 1915.

Nakipag-usap si Sister Yanagida sa mga misyonero, napabalik-loob, at nabinyagan noong Agoso 1949 na dinaluhan ng kanyang ama. Kalaunan ay kinausap din ng kanyang asawa ang mga misyonero at nabinyagan ng parehong misyonero na nagturo kay Sister Yanagida.16

larawan ng babae

Toshiko Yanagida.

Elder Renlund: Nahirapan sina Brother and Sister Yanagida sa pagbabayad ng ikapu. “Hindi sila gaanong kumikita, at kung minsan ay inisip nila kung mayroon silang pambayad para sa pananghalian ng kanilang anak sa paaralan. Gusto rin sana nilang makabili ng bahay. Pagkatapos ng isang pulong sa Simbahan, tinanong ni [Sister Yanagida] ang isang misyonero tungkol sa ikapu. ‘Ang mga hapones ay napakadukha matapos ang digmaan,’ sabi niya. ‘Napakahirap ng pagbabayad ng ikapu para sa amin. Dapat ba kaming magbayad?’

“Tumugon ang elder na iniutos ng Diyos sa lahat na magbayad ng kanilang ikapu, at binanggit niya ang mga pagpapala ng pagsunod sa alituntunin. Nag-alinlangan si [Sister Yanagida]—at medyo nagalit. ‘Ito ay ideya lang ng mga Amerikano,’ sabi niya sa kanyang sarili.

“… Ipinangako ng isang babaeng misyonero kay [Sister Yanagida] na ang pagbabayad ng ikapu ay makatutulong sa kanyang pamilya na maabot ang kanilang mithiin na magkaroon ng sarili nilang bahay. Dahil nais nilang maging masunurin, nagpasiya sina [Brother at Sister Yanagida] na magbayad ng kanilang ikapu at magtiwala na darating ang mga pagpapala. …

“Nakita nila ang mga pagpapalang iyon … . Bumili sila ng murang lote sa lunsod at bumuo ng mga plano para sa isang bahay. Pagkatapos ay nagpasa sila ng mga papeles para sa home loan sa pamamagitan ng isang bagong programa ng pamahalaan, at nang makatanggap ng pahintulot para magtayo, sinimulan nilang gawin ang pundasyon.

“Naging maayos ang proseso hanggang sa mapansin ng isang inspektor ng mga gusali na hindi madaling marating ng mga bumbero ang kanilang lote. ‘Ang lupaing ito ay hindi lupain na angkop sa pagtatayo ng bahay,’ sabi niya sa kanila. ‘Hindi po kayo makapagpapatuloy sa pagtatayo.’

“Hindi tiyak kung ano ang gagawin, nakipag-usap sina [Brother at Sister Yanagida] sa mga misyonero. ‘Kaming anim ay mag-aayuno at mananalangin po para sa inyo,’ sabi sa kanila ng isang elder. ‘Gawin rin po ninyo ito.’ Nang sumunod na dalawang araw, nag-ayuno at nanalangin ang mga Yanagida kasama ang mga misyonero. Pagkatapos ay isa pang inspektor ang nagpunta upang muling suriin ang kanilang lote. … Noong una ay halos hindi nito binigyan ang mga Yanagida ng anumang pag-asa na ipapasa nila ang inspeksyon. Ngunit nang tingnan niya ang lote, napansin niya ang isang solusyon. Sa isang emergency, maaaring makarating ang mga bumbero sa bahay sa simpleng pag-aalis lamang ng kalapit na bakod. Sa huli, pinayagang magtayo ng kanilang bahay ang mga Yanagida.

“‘Palagay ko ay may nagawa kayong dalawa na pambihirang kabutihan noon,’ sabi sa kanila ng inspektor. ‘Sa buong panahon ko bilang inspektor ay hindi ako kailanman naging ganito kadaling magpahintulot.’ Tuwang-tuwa sina [Brother at Sister Yanagida]. Sila ay nag-ayuno at nanalangin at nagbayad ng kanilang ikapu. At tulad ng ipinangako ng [mahusay na] babaeng misyonero, nagkaroon sila ng sariling tahanan.17

Gayundin ang mga naranasan ng mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo nang magbayad sila ng ikapu. Pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang matatapat at masunuring mga tao. At dahil sa matapat na pagbabayad ng ikapu nakapagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo.

Sister Renlund: Alam kong pinagpapala ang buhay natin sa maliliit at mahahalagang paraan sa pagsunod sa batas ng ikapu. Kung minsan ang mga pagpapala ay hindi ayon sa inaasahan natin at hindi natin napapansin. Ngunit totoo ang mga ito. Naranasan namin ito.18

Isa sa mga paborito kong kuwento sa Mga Banal ay kung paano tinawag ang mga unang kababaihan na maging mga full-time missionary. Sa England noong mga huling buwan ng 1890s, kumalat ang usap-usapan na ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw ay mapagpaniwala at walang sariling pag-iisip. Kasunod niyon dumating mula sa Salt Lake City si Elizabeth McCune at ang kanyang anak na babae para sa mahabang pagbisita sa London.

Nang dumalo sila sa kumperensya ng Simbahan sa London, nagulat si Elizabeth nang, “sa sesyon sa umaga, tinuligsa ni Joseph McMurrin, isang tagapayo sa mission presidency, … ang mga panlalait , … sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw [at ibinalita,] ‘Kasama namin ngayon ang isang ginang mula sa Utah … . “Hihilingin namin kay Sister McCune na magsalita ngayong gabi at ikuwento sa inyo ang kanyang karanasan sa Utah.’ Pagkatapos ay hinikayat nito ang lahat sa kumperensya na isama ang kanilang mga kaibigan upang pakinggan ang kanyang mensahe.”

“Habang papalapit na ang oras ng pulong, napuno ng mga tao ang silid. Tahimik na nagdasal si Elizabeth at lumapit sa pulpito.” Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kanyang pananampalataya at pamilya, maigting na pinatunayan ang katotohanan ng ebanghelyo. Sinabi rin niya,“‘Itinuturo sa amin ng aming relihiyon na ang asawang babae ay dapat pantay ang katayuan sa kanyang asawa.’ Nang matapos ang pulong, kinamayan ng mga estranghero si Elizabeth. ‘Kung mas marami sa inyong kababaihan ang pupunta rito,’ sabi ng isang tao, ‘napakaraming kabutihan ang magagawa.’”

“Matapos makita ang impluwensya ni Elizabeth sa mga manonood, [sumulat si Pangulong McMurrin sa Pangulo ng Simbahan:] ‘Kung maraming kababaihang matatalino at matatalas ang isipan ang tinawag na magmisyon sa England, … napakaganda ng magiging mga resulta.’” “Ang desisyong tawagin ang kababaihan bilang mga [full-time] missionary ay bahagyang resulta ng pangangaral ni Elizabeth McCune”19

Full-length na larawan ng babae

Elizabeth McCune.

Noong ika-22 ng Abril 1898, sina Inez Knight Jennie Brimhall, ay dumaong sa pantalan ng Liverpool, England. Sila ang mga unang itinalaga bilang “mga babaeng misyonero” para sa Simbahan.

Sinamahan nila si Pangulong McMurrin at ang iba pang mga misyonero sa silangan ng Liverpool. Sa gabi, maraming tao ang dumalo sa mga pulong sa kalye kasama ng mga misyonero. “Ibinalita ni Pangulong McMurrin na isang espesyal na pulong ang gaganapin kinabukasan, at inanyayahan niya ang lahat na pumunta at makinig sa pangangaral mula sa ‘tunay na buhay na mga babaeng Mormon.’”20 Ito ang missionary diary ni Inez Knight. Isinulat niya, “Sa gabi nagsalita ako kahit nagangatog sa kaba at hindi ko akalaing makakaya ko ito.”21 Kinilala niya na tinulungan siya ng Diyos nang isulat niya, “Nagsalita ako sa gabi sa napakaraming tao, ngunit pinagpala ng mga dalangin ng ibang mga misyonero”22 Ang mga “tunay na buhay na mga babaeng Mormon” na ito ay nagbabahay-bahay at madalas na nagpapatotoo sa mga pulong sa kalye. Di-nagtagal kasama na nila ang ibang mga babaeng misyonero na naglingkod sa buong England.

Elder Renlund: Sina Sister Knight at Sister Brimhall ang nagsimula. Sa dispensasyong ito daan-daang libong sister missionary na ang nakapaglingkod.23 Isa sa mga napansin ko tungkol sa mga sister missionary ay maaari silang maging epektibo dahil sa pagiging katangi-tangi nila. Sila ay tunay na mga babaeng Banal sa mga Huling Araw. Tulad nina Sister Knight at Sister Brimhall, sinasabi nila sa mga tao kung sino sila at bakit sila naniniwala sa kanilang ginagawa.

Ang epekto ng mga sister missionary sa pagtitipon ng Israel ay di-pangkaraniwan. Isang batang elder ang nagtanong sa akin kung bakit mas gusto ng mga ward sa kanyang misyon ang mga sister missionary. Simple lang ang sagot ko, “Dahi ibinigay ng mga sister ang kanilang puso’t kaluluwa sa gawain. Mahal ng mga miyembro ang lahat ng missionary na gumagawa niyon, nang walang anumang pasubali.”

Ang pagtugon ng mga sister missionary sa tawag na magmisyon ay patuloy na naging mahalagang bahagi ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong Nelson sa pagkalahatang kumperensya noong Abril, “Mahal namin ang mga sister missionary at buong-puso namin silang tinatanggap. Ang iniaambag ninyo sa gawaing ito ay kahanga-hanga!”24

Sister Renlund: Hinahangaan ko rin ang kabutihan ni Sister McCune na hindi tinawag at itinalaga bilang missionary. Ngunit maraming nagawa ang mabait na sister na ito dahil sa kanyang pananampalataya.25

Narito ang iba pang kamangha-manghang kuwento ng tomo 3 ng Mga Banal. Makikita natin ang mga halimbawa ng mga Banal na nagpakita ng kanilang pagkadisipulo sa panahon ng napakatinding pagsubok. Ang dating magkakaaway ay nagkasundo at nagkaisa nang magtiwala sila kay Jesucristo.

Matapos ang World War II, “nasa kalunos-lunos na kalagayan ang Netherlands pagkaraan ng limang taong pananakop [ng rehimeng German Nazi]. Mahigit dalawang daang libong Dutch ang namatay sa digmaan, at daan-daang libong tahanan ang nasira o nawasak. Maraming Banal sa … Netherlands ang galit sa mga Aleman” at sa isa’t isa dahil ang ilan ay sumalungat at ang iba ay nakipagtulungan sa mga mananakop. Ang pagkakahati-hati ay damang-dama.

Elder Renlund: “Ang mission president na si Cornelius Zappey, ay hinikayat ang mga branch na dagdagan ang kanilang mga suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagsisimula ng mga proyekto na pagtatanim ng patatas gamit ang mga binhi mula sa pamahalaang Dutch.” Dahil sa paghikayat na ito, “ang iba pang mga branch sa Netherlands … ay nagsimula rin ng maliliit na taniman ng patatas saanman sila makakita ng isang lugar, nagtatanim ng patatas sa mga likod-bahay, mga hardin, bakanteng lote, at mga lupa sa gitna ng mga daan.

“Nang malapit na ang anihan, nagdaos [si Pangulong Zappey] ng isang kumperensya ng mission sa lunsod ng Rotterdam.” Nalaman niya sa pakikipag-usap sa pangulo ng East German Mission na “maraming Banal sa Alemanya ang dumaranas ng matitinding kakulangan sa pagkain. Nais [ni Pangulong Zappey] na gumawa ng isang bagay para makatulong, kaya tinanong niya ang mga lokal na lider kung handa silang magbigay ng bahagi ng kanilang ani ng patatas sa mga Banal sa Alemanya.

‘“Ang ilan sa pinakamapait na kaaway na nakilala ninyo dahil sa digmaang ito ay ang mga Aleman,’ pagkilala niya. ‘Ngunit mas malala na ngayon ang kalagayan ng mga taong iyon kaysa sa inyo.’

“Noong una, tinutulan ng ilang Banal na Dutch ang plano. Bakit nila dapat ibahagi ang kanilang mga patatas sa mga Aleman? [May ilang nawalan ng bahay sa mga bomba ng mga Aleman] o namasdan ang mga mahal nila sa buhay na magutom hanggang sa mamatay dahil kinuha ng mga mananakop na Aleman ang kanilang pagkain.”

Hiniling ni Pangulong Zappey kay Pieter Vlam, dating bilanggo ng digmaan at lider ng branch ng Simbahan sa Amsterdam na, “bisitahin ang mga branch sa buong Netherlands at hikayatin silang suportahan ang plano,” na may pagkakaba sa rehimen ng Nazi at sa mga mamamayang Aleman. “Si Pieter ay isang bihasang lider ng Simbahan at marami ang nakakaalam sa di-makatarungang pagkakabilanggo sa kanya sa isang kampo ng mga Aleman. Kung may sinumang mahal at pinagkakatiwalaan ng mga Banal na Dutch sa mission, iyon ay si Pieter Vlam.”

Nang nakipag-usap si Pieter sa mga branch, “binanggit niya ang kanyang mga paghihirap sa bilangguan. ‘Pinagdaanan ko ito,’ sabi niya. ‘Batid ko na alam ninyo.’ Hiniling niya sa kanila na patawarin ang mga Aleman. ‘Alam ko kung gaano sila kahirap mahalin,’ sabi niya. ‘Kung sila ay ating mga kapatid, dapat natin silang alagaan bilang ating mga kapatid.’

Sister Renlund: “Ang kanyang mga salita at ang mga salita ng iba pang mga branch president ay tumimo sa mga Banal, at napawi ang galit ng marami sa kanila habang nag-aani ng mga patatas para sa [mga kapatid] na Aleman.” Bukod pa riyan, ang mga di pagkakasundo at kawalan ng tiwala ng mga miyembro sa mga branch ay nagsimula na ring mapawi. “Alam ng mga [miyembro] na maaari silang magtulungan [na sumulong].

“Samantala, inasikaso ni [Pangulong Zappey] ang mga papeles upang matiyak na maihahatid ang mga patatas sa Alemanya. … Nang sinubukan ng ilang opisyal na itigil ang mga plano ng pagluwas, sinabi sa kanila ni [Pangulong Zappey], ‘Ang mga patatas na ito ay pag-aari ng Panginoon, at kung ito ay Kanyang kalooban, makikita ng Panginoon na makararating ang mga ito sa Alemanya.’

mga lalaking may dalang mga sako ng patatas

Ikinarga ni Cornelius Zappey, mga misyonerong Dutch, at mga Banal na Dutch ang mga patatas para ibiyahe.

“Sa huli, noong Nobyembre 1947, ang mga Banal na Dutch at mga misyonero ay nagtipon sa The Hague upang magkarga ng … mahigit pitong tonelada. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakarating ang mga patatas sa Alemanya upang ipamahagi sa mga Banal. …

“Hindi naglaon ay nakarating sa Unang Panguluhan ang balita ukol sa proyekto ng patatas. Namamangha, sinabi ni Pangulong David O. McKay, ‘Ito ang isa sa mga pinakadakilang gawain ng tunay na pag-uugali ng isang Kristiyano na nakita ko.’”26

Mga Banal na Dutch na nakapalibot sa trak na kargado ng mga sako ng patatas

Elder Renlund: Nang sumunod na taon, nagpadalang muli ang mga miyembro ng Netherlands ng malalaking patatas sa mga Aleman. At nagdagdag sila ng herring, na nagparami sa regalo. Ilang taon kalaunan, noong 1953, umapaw ang North Sea, at malaking bahagi ng Netherlands ang binaha, kaya kinailangan ng tulong ng mga miyembrong Dutch. Sa pagkakataong ito, nagpadala ng tulong ang mga Banal na Aleman sa Netherlands sa oras ng pangangailangan ng mga ito. Ang pagtulong ng mga Banal na Dutch ay naging inspirasyon ng mga tao nang maraming taon at walang hanggang katibayan na ang pagmamahal at pagtulong ay posible, kahit na sa magkakaaway, kapag minahal muna ng mga karaniwang tao ang Diyos at kanilang kapwa tulad sa kanilang sarili.

Ang kahandaang magpatawad ay nagdulot ng paggaling sa mga miyembrong Dutch. Totoo rin iyan sa akin. Kapag nagkimkim ako ng galit, nalulungkot ang Espiritu. Kung galit ako, hindi gaanong maganda at mabuti ang pakikitungo ko sa iba. Ang katotohanang ito ay naipahayag nang maganda ng 1953 novel ni Alan Paton na, Too Late the Phalarope, na ginawa sa Apartheid South Africa, “May mahigpit na batas … na kapag binigyan tayo ng malalim na sugat, hindi tayo gagaling kailanman kung hindi tayo magpapatawad.”27

Sister Renlund: Napakarami pang nagbibigay-inspirasyong kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan sa panahong ito na inilahad sa tomo 3 ng Mga Banal, mga kwento mula sa iba’t ibang paig ng mundo. Marahil gusto ninyong may malaman tungkol kay William Daniels, na tapat naglingkod nang maramig taon sa liblib na Cape Town, South Africa. Kahit hindi siya naordenan sa katungkulan ng priesthood, taimtim ang kanyang patotoo.28

Elder Renlund: O sina Rafael Monroy at Vicente Morales sa Mexico, na pinatay dahil sa kanilang pananampalataya. At ang ina ni Rafael si Jesusita at kanyang asawa si Guadalupe, na pinamunuan ang kanilang pamilya at komunidad sa kabila ng patuloy na banta ng panganib.29

larawan ng babae

Jesusita Monroy.

Sister Renlund: O si Alma Richards, ang unang Banal sa mga Huling Araw na nanalo ng medalya sa Olympics, at ang isang dahilan nito ay ang pagpili niyang sundin ang Word of Wisdom.30

Elder Renlund: O si Hirini Whaanga, na sinuportahan ng kanyang tapat na asawang si Mere, at nakauwi sa kanyang sariling bayan sa New Zealand bilang misyonero para mangaral at magtipon ng mga pangalan para sa gawain sa templo.31

Sister Renlund: O si Helga Meiszus, na nanatiling tapat bilang kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Nazi Germany sa kabila ng pambu-bully ng kanyang mga kaibigan, titser, at mga lider sa paaralan.32

Elder Renlund: O si Evelyn Hodges, na nagtrabaho sa Relief Society bilang social worker para tulungang makabangon ang mga pamilya sa panahon ng Great Depression.33

Sister Renlund: Wala na tayong oras para magbanggit pa ng mga kuwento, pero alam ko na gugustuhin ninyo na kayo mismo ang magbasa ng pangatlong tomong ito ng Mga Banal.

Elder Renlund: Para sa akin, ang perpektong awitin para sa panahong ito ng kasaysayan ng Simbahan ay “O, Makinig, Lahat ng Bansa!”34 na kakantahin ng koro bilang pagtatapos ng ating miting. Ang “O, Makinig, Lahat ng Bansa!” ay isinulat ni Louis F. Mönch, taga Germany na sumapi sa Simbahan habang naglalakbay siya sa Salt Lake City. Kalaunan ay naglingkod siya bilang misyonero para sa Simbahan sa Switzerland at Germany. Habang nasa misyon, naglathala siya ng maraming materyal sa Aleman, kabilang na ang “O, Makinig, Lahat ng Bansa!” Naging isa ito sa mga paboritong himno ng mga Banal sa mga Huling araw na nagsasalita ng Aleman. Una itong inilathala sa Germany sa himaryong ito noong 1890. Isinalin ito sa iba pang wika at inilathala bilang bahagi ng himnaryo na ginagamit natin. Hindi isinama sa bersyong iyan ang kanyang pangatlong berso na kakantahin din ng koro.

Ang pangatlong bersong ito ay naglalarawan sa ginawa ng mga Banal na pinag-usapan natin sa panahong ito. Kanilang “pinarangalan ang isa at tunay na buhay na Diyos. [Lumapit] at nagpabinyag; kumapit sa bakal. Inalay ang kanilang puso, nang may pananalig sa Kanyang Anak—si Jesus, ang Banal.”

Inaanyayahan ko kayo na basahin ang Mga Banal upang malaman at maunawaan ang kasaysayan ng Simbahan at matuto mula sa halimbawa ng mga miyembro. Ang Mga Banal ay napakasusing sinaliksik at mapagtitiwalaan. Ito ang katibayan ng patuloy na Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Puno ng inspirasyon ang ating kasaysayan. Ang kasaysayang ito ay ang ating pinagsasaluhang pamana, tayo man ay nagmula sa angkan ng mga naunang pioneer, kasunod na mga pioneer, o mga pioneer man tayo sa pananamplataya.

Bakit mahalaga ito? Bakit ganoon karaming oras ang iniuukol sa pagkukuwento ng mga ito? Ito ay dahil nagbibigay ang mga kwentong ito ng tunay na mga halimbawa ng kapangyarihang dulot ng pagkilala natin sa ating Tagapagligtas. Alam ko na si Jesucristo ay buhay at pinamumunuan ang Simbahang ito at pinangangalagaan ang Kanyang mga tao ng tipan, na nasandatahan ng kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian. Isinasamo ko na mapasainyo ang pagpapala na inyong madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyong buhay habang lumalapit kayo sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Moroni 10:3.

  2. “Isang Mensahe mula sa Unang Panguluhan,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), xv.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 94. Sinabi rin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Saksi tayo sa proseso ng pagpapanumbalik. Kung inaakala ninyo na lubos nang naipanumbalik ang Simbahan, simula pa lang ang nakikita ninyo. Napakarami pang mangyayari. … Maghintay kayo hanggang sa isang taon. At pagkatapos ay sa susunod na taon. Uminom kayo ng mga bitamina. Matulog kayo nang sapat. Magiging kapana-panabik ito” (Russell M. Nelson sa “Latter-day Saint Prophet, Wife and Apostle Share Insights of Global Ministry” [Okt. 30, 2018], newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  4. Joseph Fielding Smith, comp., Life of Joseph F. Smith (Salt Lake City: Deseret News Press, 1938), 474.

  5. Tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya 1893–1955 (2022), 202–5.

  6. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 206–7.

  7. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 31–32.

  8. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya32.

  9. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya33.

  10. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya33; Doktrina at mga Tipan 137:7.

  11. Mga Hebreo 11:13.

  12. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” 95.

  13. Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” 94–95.

  14. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 71, 74.

  15. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 74–77.

  16. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 525–28, 531–34

  17. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 542–45.

  18. Tingnan sa David A. Bednar,”Mga Dungawan sa Langit,” Liahona, Nob. 2013, 17.

  19. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 55–58, 63–65.

  20. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 6364.

  21. Inez Knight Allen diary, Apr. 2, 1898, L. Tom Perry Special Collections, Harold B. Lee Library, Brigham Young University, Provo, Utah, 16.

  22. Inez Knight Allen diary, Apr. 2, 1898, 18.

  23. 297,478 na bata at walang asawang mga sister na ang nagmisyon mula ika-1 ng Enero 1981 hanggang ika-1 ng Enero 2022.

  24. Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 6.

  25. Tingnan sa Russell M. Nelson. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 95–98.

  26. Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 500–504.

  27. Alan Paton, Too Late the Phalarope (New York: Scribner Paperback Fiction, 1995), 278.

  28. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 308–10, 322–24.

  29. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 161–62, 172–76, 186–89.

  30. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 147–50, 156–59.

  31. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 52–55, 66–68, 78–80.

  32. Tingnan sa “Meyer, Helga Meiszus (Birth)” sa indeks ng Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya.

  33. Tingnan sa Mga Banal, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 305–8, 315–17, 327–29.

  34. O, Makinig Lahat ng Bansa!,” Mga Himno, blg. 165. Ang makakantang salin sa Ingles ng berso 3 mula sa Aleman ay:

    Parangalan ang isa at tunay na buhay na Diyos.

    Halina’t magpabinyag; kumapit sa bakal.

    Ialay sa Kanya ang iyong puso, nananalig sa Kanyang Anak—

    Jesus, ang Banal.

    Ang mas literal na salin sa Ingles ng berso 3 mula sa Aleman ay:

    Parangalan ang tunay, walang hanggang Diyos,

    Sinasabi Niya na magsisi at magpabinyag.

    Ilaan ang iyong puso, at sa pamamagitan ng Kanyang Anak

    Tatanggap ka ng gantimpala!