Mga Debosyonal noong 2023
Panindigan ang Katotohanan


38:47

Panindigan ang Katotohanan

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Mayo 21, 2023

Pangulong Dallin H. Oaks: Maraming salamat sa napakagandang musika. At maraming salamat sa iyo, Commissioner Gilbert, para sa magandang pagpapakilala.

Mahal na mga young adult, pati na ang mga estudyante sa high school na malapit nang magtapos, natutuwa kami ni Sister Oaks na ipahayag ang aming pagmamahal sa inyo at magsalita sa inyo sa mahalagang debosyonal na ito. Napakahirap ng mga panahong ito para sa ating lahat, pero binibigyan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo ng sapat na dahilan para magalak. Sa pamamagitan ng Kanyang propeta, binigyan tayo ng Diyos ng hamon na sumulong sa kabila ng kahirapan, at ipinakikita ng mga turo ni Jesucristo ang daan sa ating banal na tadhanang buhay na walang hanggan.

I.

Habang nagsasalita sa mga manonood na katulad ninyo, ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang mahalagang payong ito: “Habang mas lalong nagiging sekular at di-gaanong espirituwal ang mundo, dapat ay mas lalong maging espirituwal at di-gaanong sekular ang inyong paglago. Magsumikap na manindigan sa alituntunin sa halip na hangaring maging popular.”

Pagkatapos ay ibinigay niya ang hamong ito, na ginamit naming titulo ng ating debosyonal: “Alamin ang katotohanan at panindigan iyon, kahit pa hindi popular ang katotohanan sa mga tao.”1

Ang ating mithiin sa buhay na ito at ang landas na dapat nating tahakin para manaig ay ibinigay sa plano ng kaligtasan at, nitong huli, sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Isipin ang pananaw sa mahalagang buod na ito ni Pangulong Nelson:

“Ang buhay ay hindi isang dula na may iisang yugto lamang. Talagang mayroong premortal na buhay. At talagang mayroong kabilang-buhay. Ang mga bahaging premortal at mortal ay mga panimula lang sa ating buhay pagkatapos ng buhay sa mundo. Ang kaalaman tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian, ayon sa inihayag sa mga propeta, ay nagbibigay sa atin ng kaunting pag-unawa sa ating potensyal sa kabilang-buhay. Ang buhay na walang hanggan ay maluwalhati at sulit na sulit pagsikapan.”2

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, pinagpala tayo ng makabagong paghahayag na nagbibigay sa atin ng higit na pagkaunawa sa layunin ng buhay na ito. Tulad ng sabi ni Pangulong Nelson, hindi natin itinuturing ang mortal na buhay bilang isang dula na may iisang yugto lamang. Para sa atin, may tatlong yugto ang ating walang-hanggang paglalakbay. Ang unang yugto ay ang ating premortal na buhay. Ang kasalukuyan nating buhay sa mundo ang sumunod, ang pangalawang yugto. Ang ating buhay pagkamatay natin ang pangatlong yugto. Kasama sa huling yugtong ito ang literal na Pagkabuhay na Mag-uli ng lahat ng nabuhay at isang Huling Paghuhukom na nagtatalaga sa atin sa isang kaharian ng kaluwalhatian ayon sa ating mga gawa, desisyon, at hangarin.

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay naglalaan ng natatanging access sa katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak.

Ang layunin ng ating buhay sa lupa, ng pangalawang yugto, ay ang lumago tungo sa ating tadhanang buhay na walang hanggan. Ginagawa natin ito sa pagdaig sa inilalarawan sa Aklat ni Mormon na oposisyon sa lahat ng bagay, pati na ang maraming tuksong suwayin ang mga utos ng Diyos. Ang pagharap at pagdaig sa tukso, at higit na paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga tamang pagpapasiya at pagsisisi sa mga mali, ay tumutulong sa atin na lumago nang walang hanggan na siyang layunin ng buhay ng mga anak ng Diyos sa mundo.

Tayo na may kaloob na Espiritu Santo at kaliwanagan ng makabagong paghahayag ay pinagpala ng maraming kabatiran. Halimbawa, may pangako sa Aklat ni Mormon na ang mga naghahanap nang masigasig “ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”3 Dalangin ko na lahat ng mahal ko—at kasama riyan ang lahat ng anak ng Diyos na naaabot ng aking tinig—ay kikilos ayon sa paanyayang iyon na hanapin at alamin ang katotohanan.

II.

Ang unang katotohanan ay tungkol sa kasal. Ang kasal ay napakahalaga sa layunin ng mortal na buhay at ng kasunod nito. Tayo ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit na nilikha tayo na may kakayahang sundin ang Kanyang utos na magpakarami at punuin ang lupa. Ang kapangyarihang iyan na lumikha ay isa sa mga pinakamahalagang kaloob sa atin sa mortal na buhay. Pero mahalaga sa kaloob na iyan ang batas ng kalinisang-puri, ang utos na gamitin ang kapangyarihan nating lumikha sa loob lamang ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Mahalaga ang utos na iyan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinaliliwanag ng realidad na iyan kung bakit iba-iba ang ating mga pinahahalagahan at iniiwasan natin ang ilang pag-uugaling tila karaniwan sa marami sa ating paligid.

Ang ating saloobin sa kahulugan ng kasal at sa kasal mismo ay mga halimbawa niyan. Ang mga pinuno ng Simbahan ni Jesucristo ay alalang-alala sa mga pagbabago kamakailan sa likas na katangian at lawak ng kasal sa Estados Unidos. Kasama rito ang lumalaking tendensiya ng mga mamamayan sa US, pati na ng ilang karapat-dapat na mga dalaga’t binatang Banal sa mga Huling Araw, na ipagpaliban ang kasal. Para ipamalas ang tendensiyang iyan, tingnan natin ang dalawang chart sa kasal. Kahit para sa Estados Unidos ang mga bilang na ito, kumakatawan sila sa isang pandaigdigang problema.

Makikita sa unang chart na ito ang malaking pagbaba sa porsiyento ng mga mamamayan sa Estados Unidos na nag-asawa. Nitong huling 30 taon, ang porsiyentong ito ay bumaba nang walo hanggang siyam na puntos kapwa para sa kalalakihan at kababaihan. Malinaw na pababa na ang dami ng nagpapakasal sa Estados Unidos.

Makikita sa pangalawang chart na ito ang kaugnay na pagtaas sa edad ng pag-aasawa ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Ipinapakita nito ang karaniwang edad ng kalalakihan at kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa panahon ng una nilang pagpapakasal. Ipinapakita nito ang paglaki nang mga limang taon kapwa sa kalalakihan at kababaihan.4

Isipin kung ano ang napapalampas ng mga young adult na Banal sa mga Huling Araw kapag sadya nilang ipinagpaliban nang matagal ang kanilang pagpapakasal: mga pagkakataong nawawala at mga pagpapalang napagpapaliban. Nangangahulugan ito ng pagkaantala sa mahalagang personal na paglago na nangyayari sa relasyon ng mag-asawa, paglago sa mga katangiang tulad ng sakripisyo at pagpapakumbaba. Nangangahulugan ito ng nabawasang mga pagkakataon na magkasamang itayo ang kaharian ng Diyos. Ang pinakamahalaga, nangangahulugan ito ng mas kaunting mga batang isinilang na lumalaki sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Alam ninyo ang lahat ng ito, at kailangan ninyong malaman na alam ng inyong mga pinuno na marami sa ating mga wala pang asawa ang hindi nag-aasawa nang mas maaga dahil sa mga kadahilanang hindi nila kontrolado. Marami pa akong sasabihin tungkol diyan mamaya.

Kristen, pakidagdag mo nga ang mga ideya mo tungkol dito.

Sister Kristen M. Oaks: Sige. Sa totoo lang, ang kasal ay isang kaloob. Hindi lang tayo binibigyan ng kasal ng pagkakataong magkaroon ng mga anak, kundi binibigyan din tayo nito ng pagkakataon at dahilan para magsimulang lumago sa piling ng isa’t isa. Natututo tayong magsakripisyo at maglingkod hangga’t kaya natin sa ilang iba pang paraan.

Noong wala akong asawa, madalas akong maghanap ng mga pagkakataong makapaglingkod. Ngayon, ang pinaglilingkuran ko ay nakaupo sa harapan ko mismo gabi-gabi sa hapunan. Natututuhan ko kung paano mas mahalin at tulungan ang asawa ko; may kaibigan akong makakasama sa pagtawa at pag-iyak. Mayroon akong tagapagtanggol, guro, at suporta na tumutulong din sa akin. Ang kasal ay isang likas na pagkakataong matuto ng komunikasyon at pananaw. Nais kong malaman ninyo na gumaganda ang buhay kapag nagiging konektado ang ating pagpapakasal sa isang bagay na mas mahusay kaysa sa atin at mas malapit sa ating Tagapagligtas. At gusto namin talaga iyan para sa inyong lahat.

Sa dulang Les Misérables may isang linya, “Ang magmahal sa ibang tao ay ang makita ang mukha ng Diyos.”5 Mas nangyayari iyan kapag nag-asawa ka.

Pangulong Oaks: Sa sekular na mga kataga, ang pagpapalibang magkaanak—pati na ang malaking pagbaba ng halaga nito—ay malinaw sa kalakarang iniulat kailan lang sa isang respetadong national poll na nagpapakita na bumaba na sa 33 porsiyento ang dating 66 porsiyento na kahalagahan ng pag-aanak para sa mga adult nitong huling 25 taon.6

Naisip namin ni Kristen ang kahalagahan sa ipinanumbalik na Simbahan ng pambansang pagbabang ito ng kahalagahan ng mga anak nang ikuwento ng kapatid na babae ni Kristen ang isang komento ng kanyang bata pang apo. Nang magkasama nilang basahin ang Kaibigan at tingnan ang larawan ni Jesus, naguluhan siya dahil pinalalapit ng Tagapagligtas ang mga bata sa Kanya. Tumugon si Anders, apat na taong gulang, sa inspiradong paliwanag na ito: “Hindi mo ba naiintindihan? Mahal ni Jesus ang mga bata.’”

Tandaan lang ninyo, may plano ang mapagmahal na Ama sa Langit para sa Kanyang mga young adult, at bahagi ng planong iyan ang kasal at mga anak.

Ngayon, katuwaan lang, gusto naming ibahagi ang itinuro naming minsan tungkol sa pagdedeyt at pakikipagbarkada. Narito ang isang video ng sinabi ko noong 2005, noong mga 12 anyos pa lang ang pinakamatatandang young adult na kasama natin dito ngayon, at ang iba sa inyo ay mga bata pa o hindi pa ipinanganak.

Sa loob ng maraming taon, ipinayo na ng Simbahan sa ating mga kabataan na huwag makipagdeyt bago mag-16 anyos. Nasobrahan yata sa pagsunod ang ilang young adult, lalo na ang kalalakihan, sa matalinong payong iyan at nagpasiyang huwag makipagdeyt bago ang edad na 26 o baka nga 36 pa. Ngayo’y inaanyayahan ko kayong gunitain ito at panoorin ang video na ito noong 2005.

Pangulong Oaks [video]: Mga lalaki, kung nakabalik na kayo mula sa misyon at sumusunod pa rin kayo sa mga boy-girl pattern na ipinayong sundin ninyo noong 15 anyos kayo, panahon na para tumanda kayo. Magtipon kayo ng lakas ng loob at maghanap ng liligawan. Magsimula sa iba’t ibang pakikipagdeyt sa iba’t ibang dalaga, at kapag nakakita kayo ng mabuting tao, tumuloy kayo sa panliligaw. Panahon na para mag-asawa. Iyan ang layon ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na young adult. Ang mga lalaki ay may pagkukusa, at kayong mga lalaki ay dapat nang sumulong. Kung hindi ninyo alam ang ibig sabihin ng deyt, makakatulong siguro ang pakahulugang ito. Narinig ko ito sa aking 18-anyos na apong babae. Ang isang deyt ay kailangang pumasa sa tatlong kundisyon: (1) naiplano nang maaga, (2) bayad na, at (3) may kadeyt na. …

Mga kaibigan kong dalaga’t binata, pinapayuhan namin kayo na ituon ang inyong mga pakikisama sa iba ang kasarian sa mga pakikipagdeyt na may potensyal na mauwi sa kasalan, hindi sa pakikibarkada na ang kauuwian lang ay mga team sports na gaya ng touch football. Ang pag-aasawa ay hindi panggrupong aktibidad—hanggang sa magkaanak kayo.”7

[end video]

Sisters, parang sumaya kayo sa mga tagubiling iyon sa mga binata. Ngayo’y may sasabihin si Kristen para sa mga dalaga.

Sister Oaks: Pangulong Oaks, makaluma na talaga ang video na iyon tungkol sa pakikipagdeyt, pero pareho pa rin ang alituntunin—deyt muna bago kasal.

Dahil nagpakasal ako sa edad na 53, alam ko kung ano ang pakiramdam ng maghintay para sa isang karapat-dapat na asawa, at ang pananabik at lungkot at mga luha na madalas na kaakibat niyon. Ngunit mapatototohanan ko ang pagmamahal ng Panginoon para sa magigiting na kababaihan na naghihintay pa rin, dahil nadama ko iyon. At nakikiramay rin ako sa matatapat na kalalakihan na ganito rin ang hangarin. Mahirap talaga. Kapwa ang pakikipagdeyt at hindi pakikipagdeyt ay maaaring magdulot ng stress.

Nang tila sinusubukan ang aking pananampalataya at kinabukasan—nang magtaka ako kung bakit tila napakahirap ng buhay samantalang ginagawa ko ang lahat para ipamuhay ang ebanghelyo—kung minsan nadarama kong may mali ako. Wala akong ginagawang mali.

Tulad ng sabi Michelle D. Craig, “Ang mga pagsubok ay hindi nangangahulugan na bigo ang plano.” Bahagi [ng plano ang paglago at nilayon] para tulungan [tayong] hanapin ang Diyos. Idinagdag ni Sister Craig, “Mas interesado ang Ama sa Langit sa [inyong] paglago bilang disipulo ni Jesucristo kaysa sa [inyong] kaginhawahan.”8

Kung pinalilipas ninyo ang panahon sa paghihintay ng mapapangasawa, tumigil sa paghihintay at magsimulang maghanda. Ihanda ang inyong sarili para sa buhay—sa pamamagitan ng edukasyon, karanasan, at pagpaplano. Huwag hintaying may magpaligaya sa inyo. Maghanap ng mga pagkakataong maglingkod at matuto. At higit sa lahat, magtiwala sa Panginoon, “nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw-araw, at matatag na naninindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito.”9 At ipinapangako ko na kapag ginawa ninyo ito, liligaya kayo.

Pangulong Oaks: Sisters, binigyan na kayo ni Kristen ng mahalagang payo. Hindi makaluma ang payo niya. Ang totoo, hindi rin makaluma ang payo ko sa mga binata. Pareho ang pag-aalala ng mga lider ng Simbahan ni Jesucristo tungkol sa kasal sa mga pag-aalala ng mga lider 20 taon na ang nakararaan. Kabilang sa ipinag-aalala namin ang mga dahilan, tulad ng kakulangan sa mga bahay na kayang bilhin ng mga bagong kasal at ang lumalaking utang sa pag-aaral.

Tulad ng alam na alam ninyong mga young adult, hindi kayo ang dahilan ng mga sitwasyong iyon, kundi kanilang mga biktima. Ano ang dapat gawin? Sumulong nang may pananampalataya, at gawin ang makakaya ninyo sa sitwasyon ng pabahay na di-gaanong kanais-nais kaysa naranasan namin ng inyong mga lolo’t lola nong kapanahunan namin. At magtrabaho, lalo na, para mabawasan ang utang sa pag-aaral.

Sa plano ng Diyos kaya nating makuha ang lahat, pero hindi ayon sa pagkakasunud-sunod na tila idinidikta ng mundo. Gusto naming makatulong sa pagpapaalala sa inyo ng plano ng Diyos at karapat-dapat na mga halimbawa ng mga nauna sa atin. Nilisan ng ating mga naunang pioneer ang kanilang tahanan at pag-aari para dalhin ang kanilang pamilya sa espirituwal na kaligtasan sa Mountain West. Ngayon, hinihimok namin kayo na huwag lisanin ang espirituwal na kaligtasan at pamilya para magtamo ng mga materyal na pag-aari.

III.

Ngayo’y babanggitin ko ang ilang problema na ipinag-aalala ng mga estudyante sa high school na ating mga tagapakinig.

Sa buong bansa, nagdaranas ang mga kaedad ninyo ng pagkabalisa, madaling pagkasangkot sa droga, pagkalulong sa social media, at humihingi ng payo ang napakarami. Apektado kayo ng mga impluwensyang ito, pero, para sa inyo, mas matimbang ang magandang balita kaysa sa lahat ng masasamang impluwensiyang iyan.

Alam ninyo na kayo ay mga anak ng Diyos, isang kakaibang banal na pamana. Mahal kayo ng Diyos. Siya ay isang makapangyarihang guro, at nangako Siyang tutulungan kayo kung hahanapin ninyo Siya sa paraang itinuro Niya. Itatak sa inyong isipan at inyong mga personal na prayoridad ang makapangyarihang katotohanan na kayo ay pinakamamahal na anak ng Diyos. Ang Kanyang pagmamahal ay pinagkakalooban kayo ng paggalang sa sarili, lakas, at ng pagganyak na labanan ang anumang mga problemang nararanasan ninyo sa buhay. At huwag ninyong kalimutan kailanman na mahal kayo ng Kanyang mga lingkod. Mahal namin kayo.

Nakatanggap ako ng isang natatanging liham mula sa isang 16-anyos na babae na nakatira sa isang estado kung saan kakaunti ang ating mga miyembro. Tatawagin ko siyang Amy. Mahalaga ang kanyang liham dahil nagpapahayag siya ng damdaming karaniwan sa mga kabataan sa buong Simbahan. Kasama sa mahabang liham ni Amy ang mga bahaging ito. Pinakiusapan ko ang isa sa inyong mga kaedad na basahin ang sulat niya.

Amy: “Pakiramdam ko pabagu-bago at nakakalito kung minsan ang nakukuha kong mga mensahe mula sa Simbahan. Sa araw-araw na buhay ko, nakikita ko ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa social media na kumikilos na para bang hindi sila bahagi ng ebanghelyong ito. … Pakiramdam ko ako lang ang dalaga sa ward ko na nakikita ang mga bagay na nakikita kong mali sa mundo. … Hindi ko talaga maunawaan kung bakit napakaraming kabataan sa ating simbahan na walang nakikitang anumang problema sa mga taong binabago ang kanilang kasarian kada dalawang araw, na nakikipagdeyt sa mga taong kapwa nila lalaki o babae o walang kasarian. …

“Sa mga ward o stake youth activity, tinatanong ako kung ano ang mga panghalip ko, o sa paarala’y hinihilingan akong makipagsayaw sa isang babaeng iniisip na lalaki siya. Alam ko na dapat nating mahalin ang lahat at igalang sila, at lagi kong ginagawa iyan. Pakiramdam ko [lang] ay may nangyayaring hindi katanggap-tanggap. … Sana mas marami pa tayong marinig na mensahe mula sa mga lider ng Simbahan tungkol sa problemang ito.”10

Pangulong Oaks: Ito ay liham ng isang dalagitang kaedad ng mga high school senior na narito ngayon. Bakit napakalalim ng dating sa akin ng kanyang liham? Gusto niyang gawin ang tama, pero napapaligiran siya ng mga pagpapahalaga at ugali na pakiramdam niya’y mali, at hindi niya alam kung ano ang gagawin. Gusto niyang manindigan sa katotohanan ngunit hindi niya alam kung paano ito gagawin nang may pagmamahal. Sa isang debosyonal para sa mga young adult sa Ensign College, inilarawan namin ni Elder Clark G. Gilbert ang hamon na manindigan nang may pagmamahal habang ipinapahayag ang katotohanan. Maaari pa rin nating mahalin ang iba at magkaisa ng opinyon nang hindi ikinokompromiso ang mga katotohanang alam natin.11

Sa liham ni Amy sumulat siya tungkol sa mga kaibigan sa Simbahan na nalilito tungkol sa kanilang kasarian, isang kundisyong tinatawag na gender dysphoria. Ang kalituhang ito ay maaaring magtaglay ng iba’t ibang anyo sa iba’t ibang pagkakataon sa buhay ng isang tao. Samakatwid ay dapat isipin ng mga apektadong tao at kapamilya ang magiging epekto nito at hangaring umasa at kumilos ayon sa mga walang-hanggang alituntunin. Matagal-tagal kong pinagnilayan ang paksang ito. Ngayon, sa pagmamahal ko para sa mga taong nag-aalala sa mga paksang iyon, naiparamdam sa akin ng Espiritu na gamitin ang pagkakataong ito para bigyang-diin ang mahahalagang katotohanang inihahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo para tugunan ang mga kalituhang iyon.

Mga kabataang lalaki at babae, ang inyong mga lider at guro sa Simbahan at seminary at institute at ang inyong mga magulang ang may responsibilidad at inspirasyon na ituro sa inyo ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nasa inyo ang mahalagang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan na nakabatay sa mga alituntunin ng plano ng kaligtasan ng ating Ama sa Langit, ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ng mga tipang ginawa natin nang binyagan tayo at pinaninibago natin bawat Sabbath sa pagtanggap ng sakramento. Nasa mga unang pahina nito ang pangakong ito: “Gamit ang mga katotohanang ito bilang gabay ninyo, makagagawa kayo ng mga inspiradong pagpili na magpapala sa inyo ngayon at sa buong kawalang-hanggan.”12

Nang tanungin si Jesus kung alin ang dakilang utos, dalawa ang ibinigay Niya. Ang una ay ibigin ang Diyos, na ipinapakita natin sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang pangalawa ay ibigin ang ating kapwa.13 Kailangan nating gawin pareho ang mga ito, at hindi madali iyan. Karamihan sa atin ay may tendensiya na di-gaanong pansinin ang ibigin ang ating kapwa at labis na bigyang-diin ang pagsunod sa batas (mga kautusan). Tiyak na iyan ang tendensiya ko dahil abugado ako. Tutal, ang pagmamahal sa Diyos at pagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos ang unang dakilang utos. At siyempre, mas madali para sa atin ang husgahan ang ating sarili at ang iba kung sinusunod ba natin ang batas. Pero mahalaga ring sundin ng bawat isa sa atin ang pangalawang utos, na “katulad nito,”14 ang mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal sa atin ni Jesus.15

Ang paborito kong banal na halimbawa ng pagsasama at pagsunod sa dalawang dakilang utos na ito ay ang ginawa ng Tagapagligtas nang makaharap ang isyung ito. Inuulat sa kabanata walo ng aklat ni Juan kung paano dinala ng isang grupo ng mga eskriba at Fariseo ang isang babae para hatulan ni Jesus. Ang motibo nila ay bitagin ang Tagapagligtas na piliing kontrahin ang batas ni Moises o kaya’y ang batas ng Roma, na hindi nagpapahintulot ng parusang kamatayan na iniutos sa batas ni Moises sa gayong sitwasyon. Pero ang halaga ng halimbawang iyon para sa atin ngayon ay kung paano iniwasan ni Jesus ang bitag at itinuro kung paano susundin pareho ang dalawang dakilang utos.

Una, tinanggalan ng Tagapagligtas ng kapangyarihan ang mga naghangad ng agarang aplikasyon ng batas. Ginawa Niya ito sa pagpilit sa kanila na suriin ang kanilang sarili. “Ang walang kasalanan sa inyo,” sabi Niya, “ ang siyang unang bumato sa kanya.”16 Nang mag-alisan ang napahiyang grupo, ginamit ng Tagapagligtas ang kapangyarihan ng pagmamahal. Buong awa Siyang tumangging parusahan ang babae, at nagkaroon siya ng bagong pag-asa sa buhay dahil sa pagmamahal na iyon. Darating kalaunan ang aplikasyon ng batas, kapag hinatulan siya ayon sa buong buhay niya, kabilang na ang pagsisisi. Pero bago ang okasyong iyon, nagpakita ng pagmamahal at awa ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-iwas na humatol at saka pinagtibay ang batas sa pagsasabing, “Humayo ka na at … huwag ka nang magkasala.”17

Ang pangangailangang pagsamahin at gamitin pareho ang batas at pagmamahal, na may inspiradong tiyempo, ay laging nariyan. Ipinaalala sa atin ni Elder Christofferson na “Ang pag-una sa unang utos ay hindi nakababawas o naglilimita sa kakayahan nating sundin ang pangalawang utos. Bagkus, pinag-iibayo at pinalalakas nito iyon. … Ang pagmamahal natin sa Diyos ay nagpapaibayo ng ating kakayahang mahalin ang ating kapwa nang mas lubos at ganap dahil tayo ay katuwang ng Diyos sa pangangalaga ng Kanyang mga anak.”18

Isipin ang dalawang pahayag na ito, ang isa mula sa isang tagapagsalita kamakailan sa BYU at ang isa pa mula sa isang naunang mensahe ng isang General Authority.

“Ang buong gawain ng plano ng kaligtasan, na nagsisimula sa dakilang nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo, ay para bigyang-kakayahan tayo na maging mga nilalang na may pagmamahal sa pinakamalalim na anyo ng pakikipag-ugnayan sa iba. …

“Itinuturo nito sa atin na ang mga kautusan at lahat ng patnubay ng mga propeta—pati na ang mahahalagang katotohanan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya—ay para gabayan tayo sa mga paraan ng Diyos upang tayo’y maging mga nilalang na may pagmamahal.”19

Ngayon, ang isa pang mensahe:

“Ang unahin ang ikalulugod ng iba bago ang ikalulugod ng Diyos ay pagbaliktad sa una at pangalawang dakilang utos. Nalilimutan natin kung saan tayo dapat nakatuon. At nagagawa nating lahat ang pagkakamaling iyan dahil sa takot sa mga tao. …

“Ang Tagapagligtas, na ating dakilang Huwaran, ay palaging sinusunod ang Kanyang Ama. Siya ay nagmahal at naglingkod sa Kanyang kapwa ngunit sinabing, “Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao” (Juan 5:41). Gusto Niyang sundin Siya ng Kanyang mga tinuturuan, ngunit hindi Siya naghangad ng papuri mula sa kanila.”20

Ang mga paglalarawang ito ng pagmamahal at batas ay kapwa mga tunay na gabay tungkol sa ipinagagawa sa atin ng Diyos. Tumukoy na ako dati sa ating “patuloy [na pagsisikap] na balansehin ang dalawang kautusan ng pagmamahal at batas,”21 pero naniniwala na ako na ang mithiing iyon ay higit na maipahahayag bilang pagsisikap na ipamuhay pareho ang mga kautusang ito nang mas lubusan. Sinumang hindi nagtatrato sa mga taong nagdaranas ng mga hamon sa kanilang kasarian nang may pagmamahal at dangal ay hindi nakaayon sa mga turo ng una at pangalawang kautusan. Kaya, patungkol sa batas ng Diyos, kailangan nating tandaan na paulit-ulit nang inihayag ng Diyos na lumikha Siya ng lalaki at babae.22 At patungkol sa ating tungkuling mahalin ang ating kapwa, kailangan nating tandaan na inutusan tayo ng Diyos na mahalin kahit ang mga hindi sumusunod sa lahat ng mga kautusan.

Kung nahihirapan kayo, ang isang kapamilya, o isang kaibigan sa mga isyung ito ng kalituhan sa identidad, hinihimok ko kayong i-angkop kapwa ang batas ng ebanghelyo at ang pagmamahal at awa ng ating Tagapagligtas at Manunubos, na tutulungan at gagabayan kayo kung matiyaga kayong tatahak sa Kanyang mga landas. Itinuturo sa atin ni Jesucristo, na nagsabing Siya ang “ilaw ng sanlibutan,”23 ang landas na kailangan nating tahakin para matamo ang mga pinakapiling pagpapala ng ating Ama sa Langit. Nagtuturo Siya sa atin sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, ng Kanyang mga propeta, at ng personal na paghahayag. Mahal at gagabayan Niya tayo habang hinahangad nating sumunod sa kung saan Niya tayo inaakay.

IV.

Ang isang kaugnay at mas pamilyar na isyu ay ang pagkaakit sa mga taong kapareho ninyo ng kasarian. Siyempre, kung wala naman kayong ginawa, hindi kasalanan ang gayong mga pagkaakit. Pero paano natin haharapin ang gayong damdamin, sa atin o sa iba?

Ang unang payo ko ay tandaan na anuman ang sarili nating mga pagkakaiba-iba sa pagkakaiba-iba ng mga nilikha ng ating Ama sa Langit, mahal Niya tayong lahat, at ang Kanyang perpektong plano ng kaligayahan ay may lugar para sa lahat. Naipapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan at pinaglilingkuran ang Kanyang mga anak.

Habang nararanasan ng mga tao at kapamilya ang gayong damdamin, dapat silang mag-ingat sa mga pantukoy. Binanggit ito ni Pangulong Russell M. Nelson sa pandaigdigang debosyonal noong nakaraang taon. Itinuro niya na ang paggamit ng pantukoy ay naglilimita sa lahat dahil hinahati at hinihigpitan nito ang paraan ng pag-iisip ng mga tao tungkol sa kanilang sarili at sa isa’t isa. Dahil dito, itinuro Niya, “Walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: ‘anak ng Diyos,’ ‘anak ng tipan,’ at ‘disipulo ni Jesucristo.’” Pagkatapos ay nagbabala siya:

“Anumang pantukoy na hindi tugma sa tatlong mahahalagang titulong iyon ay bibiguin kayo sa huli. Ang iba pang mga titulo ay hindi magpapasaya sa inyo pagdating ng panahon dahil wala itong kapangyarihan na akayin kayo sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos.”24

Ang may kapangyarihang akayin tayo tungo sa buhay na walang hanggan at sa kahariang selestiyal ay ang mga tipang ginagawa natin. Muli, itinuro sa atin ni Pangulong Nelson nito lang nakaraang taon:

“Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. May espesyal na pagmamahal [sa puso ng Diyos] para sa bawat isa sa atin.”25

Pagkatapos, ilang buwan pa lang ang nakalilipas, muling ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson na “[ang] pagtupad ng mga tipan ay talagang nagpapadali sa buhay! Ang bawat taong nakikipagtipan … ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo.”26

Dagdag pa sa personal na kapangyarihang kaakibat ng pagtupad ng mga tipan ang napakagandang turo ng ating Tagapagligtas na sa gitna ng mga hamon ng buhay sa mundo, dapat tayong “[magalak].”27

Sa isang pandaigdigang mensahe ilang buwan pa lang ang nakalilipas, ipinaalala sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland na ibinigay sa atin ni Jesus ang turong iyon sa gabi bago ang Pagpapako sa Kanya sa Krus. Paano Niya naatim na banggitin ang kagalakan sa gitna ng lahat ng paghihinagpis na naranasan Niya? Ipinaliwanag ni Elder Holland:

“Sakabila ng matinding lungkot na maaaring nadama Niya sa Huling Hapunan, ipinaalala pa rin ni Cristo sa Kanyang mga disipulo ang dahilan, at kanilang responsibilidad na ‘[magalak]’ (Juan 16:33). …

“… Walang alinlangan, na ang ipinakita Niyang pananampalataya, ang Kanyang pag-asa at pag-ibig sa kapwa, ay dahil nalalaman Niya ang wakas ng kuwento. Alam Niya na mananaig ang kabutihan sa pagtatapos ng kwento. Alam Niya na laging madaraig ng liwanag ang kadiliman nang magpakailanman.”28

Kristen, gusto mo bang magsabi ng kaunting pangwakas na salita sa minamahal na grupong ito?

Sister Oaks: Lahat ng nasabi namin dito ay maghahatid ng mga pagpapala sa ating buhay. Alam nating lahat ang kuwento tungkol sa mga anak ng Israel na inatake ng mga makamandag na ahas sa ilang. Pero ngayong gabi, kuwento rin ninyo ito. Tulad ng utos ng Diyos, gumawa si Moises ng isang tungkod na naging simbolo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pagkatapos, tinawag ni Moises ang lahat para tumingala at mapagaling ang kanilang mga sugat.

Ngayong gabi, tulad ng mga Israelita, inaatake ang iba’t ibang paniniwalang itinuturing nating sagrado. Hinihilingan ko rin kayong tumingin sa Diyos at mabuhay. Umasa sa mga salitang sinambit ngayong gabi, sa mga salita ng ating propeta, sa mga banal na kasulatan, sa plano ng kaligtasan, at sa inyong patriarchal blessing. Manalangin at papatnubayan kayo ng Panginoon. Hindi iyan nangangahulugan na hindi masasaktan ang sinuman sa atin, kundi nangangahulugan ito na hindi tayo mag-iisa, at susulong tayo na ginagabayan at pinoprotektahan mula sa kasamaan sa ating paligid. Nangangahulugan ito na malalaman natin ang katotohanan at matatamasa ang Espiritu. Inaanyayahan ko kayong tumingala sa Diyos at mabuhay.

V.

Pangulong Oaks: Nagsalita kami tungkol sa plano ng kaligtasan—lahat ng tatlong yugtong naihayag, lalo na sa layunin ng mortal na buhay na ito.

Nagsalita kami tungkol sa papel at tiyempo ng pag-aasawa at pag-aanak.

Naituro namin na dapat nating masigasig na hangaring makilala si Jesucristo, damhin ang Kanyang pagmamahal, at manampalataya sa Kanya at sa Kanyang mapagmahal na patnubay sa landas ng tipan tungo sa ating walang-hanggang tadhana.

Nagsalita kami tungkol sa dalawang dakilang utos—ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa—at naituro namin na pareho itong dapat sundin.

Sa lahat ng ating alalahanin, habang sinisikap nating daigin ang ating mga hamon, hinihimok namin kayong magalak, dahil nadaig Niya ang mundo. Magagawa rin natin iyon. Tandaan, ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan.

Pinatototohanan ko na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Sa Kanyang sagradong pangalan, ang pangalan ni Jesucristo, amen.