Mga Debosyonal noong 2024
Mensahe para sa Debosyonal ng Young Adult


7:42

Mensahe para sa Debosyonal ng Young Adult

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Nobyembre 3, 2024

Napakasayang bumalik sa BYU–Idaho, isang lugar na kilala at mahal na mahal namin. Noong si Elder Bednar ay naglilingkod bilang pangulo ng BYU–Idaho, ang aming mga anak ay mga young adult pa. Ngayong gabi, narito kami kasama ang ilan sa aming mga apo na young adult na! Dalangin ko na mapasaakin at mapasainyo ang Espiritu Santo habang ibinabahagi ko ang ilan sa aking naiisip at nadarama.

Ilang taon na ang nakararaan, dumalo kami ni Elder Bednar sa isang debosyonal na may mga tanungan at sagutan kasama ang isang malaking grupo ng mga young adult. Kamakailan lamang ay nagbabasa ako ng daan-daang katanungan na isinumite at nabahala ako sa maraming katanungang batay sa takot, kakulangan ng kumpiyansa at tiwala, at bahagyang pag-aalinlangan sa sarili. Nagpasiya akong ituon ang aking mensahe ngayong gabi sa ilan sa mga tanong na ito at ibahagi sa inyo ang mga kabatiran sa banal na kasulatan at mga personal na karanasan na umaasa akong makatutulong sa inyong paglalakbay sa buhay—ngayon at sa hinaharap.

Marahil ay makakaugnay kayo habang pinakikinggan ninyo ang mga tanong na ito:

  1. Paano ko mapapalitan ang takot ng pagmamahal at pananampalatayang tulad ng kay Cristo?

  2. Paano ako mananatiling malakas sa espirituwal kapag napakahina ng pakiramdam ko?

  3. Paano ko matututuhang magtiwala sa Diyos?

Sigurado akong lahat tayo ay naitanong na ang mga ito.

Ang talata na nais kong gamitin bilang batayan ng aking mensahe ngayong gabi ay matatagpuan sa Isaias 41:10:

“Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.”

Umaasa ako na sa sama-sama nating pag-aaral ng talatang ito sa loob ng ilang minuto, kayo ay makatatanggap ng mga impresyong tutulong sa inyo na palitan ang inyong takot ng pagmamahal at pananampalataya na tulad ng kay Cristo, makapapanatili ng mas malalim na pananalig na maaari kayong manatiling matatag kapag dama niyong napakahina ninyo, at magkakaroon ng tiwala sa inyong sarili habang natututo kayong magtiwala sa Diyos.

Bilang panimula, pagnilayan natin ang unang bahagi ng Isaias 41:10:

“Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa.”

Alalahanin ang tala sa banal na kasulatan sa Lucas 24 nang sa araw ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, dalawa sa Kanyang mga alagad ang naglalakad mula sa Jerusalem patungo sa nayon ng Emaus.

Sa daan, may isang estranghero na nakisabay sa kanila at nagtanong kung bakit sila nalulungkot. Nagulat sila na walang alam ang taong ito tungkol sa nangyari sa Jerusalem at sinabi sa Kanya ang mga pangyayari sa nakalipas na tatlong araw. Ikinuwento nila kung paanong si Jesus ay maling inakusahan at hinatulan ng kamatayan, ipinako sa krus, at pagkatapos ay himalang nabuhay na mag-uli. Hanggang sa matapos ang halos labing-isang kilometrong paglalakbay hindi alam ng mga lalaking ito na sila ay naglalakad kasama ang nabuhay na mag-uling Panginoon.

Bakit mahalaga ang salaysay na ito? Dahil naniniwala ako na si Jesus ay kasama natin sa ating paglalakbay sa buhay nang higit pa kaysa sa malalaman natin. Kasama natin Siya. Paano natin mapapalitan ang takot ng pagmamahal at pananampalataya na tulad ng kay Cristo? Tandaan ang mga katagang ito mula kay Isaias:

“Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa.”

Ngayon ay tingnan natin ang ikalawang bahagi ng talatang ito:

“Sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan.”

Noong nakatira kami dito sa Rexburg ilang taon na ang nakararaan, nagpunta ako sa Salt Lake para makasama ang pinsan ko isang araw matapos operahan sa puso ang kanyang asawa. Puno ng ligalig ang panahong iyon, at matapos makita ang asawa niya ay napagtanto ko kung bakit siya nag-alala. Hindi siya gumagaling nang maayos, at nagpasya ang kanyang mga doktor na kailangan na siyang salinan ng dugo.

Noon lang ako nakakita ng isinasalin na dugo at nagulat ako habang isa-isang pumapatak ang dugo, dahan-dahan, pababa sa makitid na tubo papunta sa ugat niya. Habang nanonood ako, naisip ko ang ating Tagapagligtas at kung ilan kayang patak ng dugo ang ibinuhos Niya para sa akin. Sa loob ng ilang oras, nasaksihan ko ang bagong buhay, enerhiya, at lakas na ibinigay ng isinaling dugo.

Sa paanuman, at sa paraang hindi ko lubos na nauunawaan o nawawari, ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng lakas at tulong na gawin ang mahihirap na bagay. Mapalad tayong magawa ang mga bagay na sa tingin natin ay hindi natin magagawa. Paano tayo mananatiling matatag kapag nanghihina tayo nang labis? Tandaan ang mga katagang ito mula kay Isaias:

“Sapagkat ako’y Diyos mo: Aking palalakasin ka; oo, ikaw ay aking tutulungan.”

Hayaan ninyong magbahagi ako ang ilang naiisip ko tungkol sa huling parirala ng Isaias 41:10:

“Ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.”

Ang kanang kamay ay madalas tukuyin bilang kamay ng tipan. Dahil sa tipang nag-uugnay sa atin kay Cristo, makapagtitiwala tayo na aalalayan, palalakasin, at tutulungan tayo ng ating Tagapagligtas.

Ito ay nagpaalala sa akin ng tala sa Mateo 14 kung saan ang mga disipulo ni Jesus ay nasa isang bangka sa gitna ng dagat na hinahampas ng hangin at alon. Nakita ni Pedro si Jesus na naglalakad sa tubig at hiniling kay Jesus na hayaang lumapit siya sa Kanya. Pinagbigyan ni Jesus ang kahilingan, at nagsimulang lumakad si Pedro sa tubig patungo sa Kanya. Panatag si Pedro habang nananatili siyang nakatuon kay Jesus. Ngunit nang mapansin ni Pedro ang malakas na hangin, nagsimula siyang lumubog at sumigaw na iligtas siya ni Jesus. “Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya.” At tunay akong naniniwala na hahawakan din Niya tayo.

Paano natin matututuhang pagkatiwalaan ang Diyos? Tandaan ang mga katagang ito mula kay Isaias:

Ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.”

Pinatototohanan ko na kilala at minamahal tayo ng Ama sa Langit. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapaglitas at Manunubos. Kasama natin Siya palagi, pinalalakas Niya tayo, at tinutulungan Niya tayo. At makapagtitiwala tayo na aalalayan, palalakasin, at tutulungan Niya tayo kapag inaalala natin ang tipang nag-uugnay sa atin sa Kanya. Alam ko na ang Espiritu Santo ay isang tagapaghayag at ipinararating niya ang mga paghahayag sa ating mga puso at isipan. Alam ko na si Elder Bednar ay tinawag ng Diyos, “sa pamamagitan ng propesiya, at sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.” Siya ay Apostol ng Panginoong Jesucristo.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.