Ang Mga Bagay Kung Ano Talaga ang Mga Ito 2.0
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Nobyembre 3, 2024
Nagpapasalamat kami ni Susan para sa oportunidad na ito na sumamba at matuto kasama kayo. Mahal namin kayo! Nasaanman kayo sa mundo, mahal namin kayo!
At taimtim kaming nananalangin na mapagpala ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin na marinig kung ano ang kailangan nating marinig at makita kung ano ang kailangan nating makita upang makapagpatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya sa Tagapagligtas at ng higit na pagnanais na sundin at paglingkuran Siya.
Ang Dispensasyon ng Kaganapan ng mga Panahon
Napagpala tayong mabuhay sa kahanga-hangang panahon sa huling dispensasyon ng ebanghelyo, maging ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Ang mga banal na kasulatan at ang mga pahayag ng mga propeta ay tumutulong sa ating matutuhan ang tungkol sa at mas lubos na mapahalagahan ang tunay na natatanging mga araw kung saan tayo nabubuhay.
Sinabi ng Propetang Joseph Smith: “Ang pagtatayo ng Sion ay gawain na bumighani sa mga tao ng Diyos sa bawat panahon; ito ay paksang binigyang-diin ng mga propeta, saserdote at hari nang may kakaibang galak; inasam nila nang may galak ang ating panahon; at sa alab ng makalangit at masayang pag-asam sila ay umawit at sumulat at nagpropesiya tungkol sa ating panahon; ngunit namatay sila na hindi ito nasaksihan; … tayo ang sasaksi, makikibahagi at tutulong na maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw.”
Sa isa pang pagkakataon, inihayag ng Propeta na “ang [mga may taglay ng] Priesthood sa langit ay makikipag-isa sa Priesthood sa mundo, upang maisakatuparan ang mga dakilang layuning iyon; … gawaing kinaluguran ng Diyos at ng mga anghel nang nakalipas na henerasyon; na nagbigay-inspirasyon sa mga kaluluwa ng sinaunang mga patriarch at propeta; gawaing nakatakdang isakatuparan ang pagwasak sa kapangyarihan ng kadiliman, ang pagpapanibagong muli ng mundo, ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang kaligtasan ng sangkatauhan.”
Ang espirituwal na kahalagahan ng mga huling araw ay ang pinagtuunang pansin ng mga propeta sa mga siglong nagdaan. At ang espesyal na panahon kung saan tayo nabubuhay ay ngayon at magpapatuloy na mapuno ng mga kamangha-manghang espirituwal na pag-unlad at kaganapan.
Ang Papel ng Teknolohiya sa Espesyal na Panahong Ito ng Mundo
Ang isang mahalagang aspekto ng kaganapan na makukuha natin sa panahong ito ay ang mahimalang pag-unlad ng mga inobasyon at imbensyon na nagbigay-kakayahan at nagpabilis sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos: mula sa tren, telegraph, radyo, kotse, eroplano, telepono, transistor, telebisyon, computer, satellite transmission, internet, at artificial intelligence—at sa halos walang-katapusang listahan ng teknolohiya at kasangkapan na nagpapala sa ating buhay. Lahat ng pag-unlad na ito ay bahagi ng pagpapabilis ng Panginoon sa Kanyang gawain sa mga huling araw.
Noong 1862 sinabi ni Pangulong Brigham Young: “Lahat ng pagtuklas sa siyensiya at sining, na tunay at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay ibinigay sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag mula sa Diyos, bagamat iilan lamang ang kumikilala dito. Ibinigay ito na may layon na ihanda ang daan para sa huling tagumpay ng katotohanan, at pagtubos sa mundo mula sa kapangyarihan ng kasalanan at ni Satanas. Dapat nating samantalahin ang lahat ng magagandang tuklas na ito … at ibigay sa ating mga anak ang pakinabang ng bawat sangay ng makabuluhang kaalaman, upang ihanda silang sumulong at mahusay na gawin ang kanilang bahagi sa dakilang gawain.”
Noong 1966, ipinropesiya ni Pangulong David O. McKay ang mga siyentipikong pagtuklas na “higit sa inaasahan ng imahinasyon” ay gagawing posibleng maipangaral ang ebanghelyo sa bawat lahi, wika, at tao. At dagdag pa riyan: “Ang mga tuklas na bagay ay may natatagong kapangyarihan, na magpapala o magpapahamak sa sangkatauhan, kaya ang pangasiwaan ito ng tao ang pinakamalaking responsibilidad na ipinahawak sa mga kamay ng tao. … Panahon ito na puno ng panganib, at maraming posibilidad.”
Ang mga Bagay Kung Ano Talaga ang mga Ito
Labinlimang taon na ang nakalipas, sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, tinalakay ko ang dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Binigyang-diin ko ang kahalagahan ng ating mga pisikal na katawan sa plano ng Ama, kung paano tayo hinihikayat ni Lucifer na maliitin at gamitin nang mali ang ating mga pisikal na katawan, at nagpahayag ng tinig ng babala tungkol sa posibleng nakapipinsalang epekto ng digital na teknolohiya sa ating mga kaluluwa at sa ating mga relasyon sa ibang tao.
Binigyang-diin ko na wala alinman sa mga digital na inobasyon o mabilis na pagbabago sa kanilang sarili ang mabuti o masama. Bagkus, nagbabala ako na ang tunay na hamon ay ang maunawaan kapwa ang mga inobasyon at pagbabago sa loob ng konteksto ng walang hanggang plano ng kaligayahan. Magbibigay din ako ng “dalawang tanong sa inyong personal na pagninilay at mapanalanging pag-aaral” tungkol sa paggamit sa teknolohiya nang tama.
-
“Ang paggamit ba ng iba’t ibang teknolohiya at media ay nag-aanyaya o pumipigil sa palagiang pagsama ng Espiritu Santo sa inyong buhay?
-
Ang oras bang ginugugol ninyo sa paggamit ng iba’t ibang teknolohiya at media ay nagpapalawak o naglilimita sa kakayahan ninyong mabuhay, magmahal, at maglingkod sa makabuluhang paraan?”
Ang pamagat ng aking mensahe noong 2009 ay “Ang mga Bagay Kung Ano Talaga ang mga Ito.” Ito ay noon.
Ang pamagat ng aking mensahe ngayon ay “Ang mga Bagay Kung Ano Talaga ang mga Ito 2.0.” Ito ay ngayon.
Maging Matalino
Ang pinagmulan ng aking mensahe ngayon ay matatagpuan sa pagwawakas ng isang mensahe sa debosyonal na ipinahayag ko sa Brigham Young University noong Enero ng taong ito.
“Habang kayo ay nagsisikap na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at gawin ang gawaing nararapat ninyong gawin, partikular ko kayong hinihikayat na maging matalino sa inyong paggamit sa mga makabagong teknolohikal na kasangkapan. Ang mga inobasyon tulad ng artificial intelligence ay [maaaring] kapwa (1) matulungan kayo sa pagtanggap ng kahanga-hangang mga pagpapala at (2) mapahina at mahadlangan ang inyong kalayaang moral. Mangyaring huwag hayaan ang inaasahang katumpakan, bilis, at ginhawa ng mga makabagong teknolohiya na mahikayat kayong iwasan o lumihis sa mabubuting gawa na mag-aanyaya sa inyong buhay sa mga pagpapalang kakailanganin ninyo. Mga mahal kong kapatid, walang mga espirituwal na shortcut o mabilis na solusyon.”
Magtutuon ako ngayon sa tatlong paksa na binigyang-diin ko sa nakaraang pahayag: artificial intelligence, kalayaang moral, at mabubuting gawa.
Artificial Intelligence
Ang artificial Intelligence, na kadalasang tinatawag na AI, ay isang teknolohiya na ginagawang posible na ang mga computer at makina na gayahin ang katalinuhan ng tao at ang kakayahang solusyunan ang mga problema. Sa nakaraang mga taon, ang pag-unlad at aplikasyon ng mga teknolohiya ng AI ay sumulong sa isang napakabilis na paraan at nakaapekto sa halos lahat ng larangan ng pagsisikap ng tao—medisina, agham, edukasyon, arkitektura at konstruksyon, komunikasyon, ekonomiks, pagbebenta, pagmamanupaktura, at napakarami pang iba. At habang ang paggamit ng AI ay mas lumalaganap, ang puno ng panganib at maraming posibilidad na ipinropesiya ni Pangulong McKay ay higit na nagiging mas kapansin-pansin.
Ang kahanga-hangang teknolohiya na ito ay nag-aalok ng potensiyal na pagsulong sa kaalaman, pagpapabuti ng kalidad ng ating buhay, pagsasaayos ng komunikasyon at koneksyon, pagpapahusay ng personal na pagkakatuto at paglago, at pagpapalaganap ng pagkamalikhain at inobasyon.
Ang AI ay may potensyal din na itago ang ating pagkakakilanlan bilang mga anak na lalaki at babae ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, linlangin tayo mula sa mga walang hanggang katotohanan at mabubuting gawa na kinakailangan para sa espirituwal na paglago, na magbubunga ng pagiging palalo at ng paghina ng ating pagkilala ng ating pagsalig sa Diyos, at pagbabaluktot o pagpapalit ng makahulugang pakikitungo sa mga tao.
“Kapag sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos, sapagkat isinasaisantabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili, kaya nga, ang kanilang karunungan ay kahangalan at wala silang pakinabang dito. At sila ay masasawi.
“Subalit ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos.”
Isipin ang sumusunod na mga mapanganib na posibilidad. Ang isang kompanyong binuo ng AI, isang nobya o nobyo, ay maaaring maging “masusing dinisenyo upang [magbigay] ng kapana-panabik at nakalululong na mga karanasan, na umaakit sa malawak na hanay ng mga emosyonal at panlipunang pangangailangan.”
“Ang personalisasyong ito ay lumilikha ng [pakiramdam] ng koneksyon at pag-unawa, na ginagawang labis na kaakit-akit ang mga interaksyon sa mga virtual na kompanyon. Lalo pang tumitindi ang pagka-akit dahil sila ay 24/7 na nariyan at walang mga kumplikasyon na madalas na matatagpuan sa mga [totoong] pakikipag-ugnayan sa mga tao. Mula sa pag-alala ng mga mahalagang petsa hanggang sa pagtugon sa paraang maunawain, ang mga AI na [mga kompanyon] na ito ay naka-program upang gampanan ang mga ideyal na papel ng pagiging kompanyon, dahilan upang maging lalo silang nakalululong,” at binabaluktot ang pagkaunawa ng “mga bagay kung ano talaga ang mga ito” sa pakikipag-ugnayan sa mga tao.
Dagdag pa rito, ang mga virtual na kompanyon na partikular na nakadisenyo upang umakit at umangkop sa mga emosyonal na pangangailangan ng isang tao ay maaaring magdulot ng kaguluhan sa dati nang ligtas na mga relasyon. Tulad ng carbon monoxide, ang gayong mga virtual na relasyon ay maaaring maging ang “hindi nakikitang maninira” ng tunay na mga relasyon. Ang hindi tunay na emosyonal na pagpapalagay-loob ay maaaring pumalit sa totoong buhay na pagpapalagay-loob—ang mismong bagay na magkasamang nagbubuklod sa dalawang tao. Maaaring makahanap ng aliw at ginhawa ang isang tao sa virtual na kompanyon sa paraang nagpapahina sa pagsalig sa isa‘t isa ng mag-asawa. At ang ilang mga indibiduwal ay maaaring mahulog sa bitag nang hindi napapansin ito bilang isang paglabag sa natatanging pangako sa isang asawa dahil ang virtual na kompanyon ay hindi “tunay” at hindi matutukoy bilang ibang tao.
Palaging alalahanin na ang mga AI na kompanyon ay isa lamang mathematical algorithm. Hindi ka gusto nito. Hindi ito nagmamalasakit para sa iyo. Hindi nito tunay na nalalaman kung umiiral ka o hindi. Muli, ito ay isa lamang hanay ng mga computer equation na itatrato ka bilang isang bagay na pinakikilos, kung hahayaan mo ito. Pakiusap, huwag hayaang mahikayat ka ng teknolohiyang ito na maging isang bagay.
Ang halimbawang ito ay isa lamang sa milyun-milyong posibleng panganib sa artificial intelligence.
Ang aking layunin ay hindi upang imungkahi na ang artificial intelligence ay masama; hindi ito gayon. Ni hindi ko sinasabi na hindi natin dapat gamitin ang maraming kakayahan ng AI sa nararapat na mga paraan para matuto, makipag-ugnayan, mag-angat at paliwanagin ang mga buhay, at buuin at patatagin ang Simbahan; siyempre, dapat nating gawin iyon. Hindi tayo dapat na matakot o subukang magtago mula sa AI. Ngunit ang matuwid na mga posibilidad ng kamangha-manghang teknolohikal na kasangkapang ito ay maisasakatuparan lamang kung nalalaman natin at nagbabantay tayo laban sa mga panganib nito.
Upang mahanap ang kumplikadong interseksyon ng espirituwalidad at teknolohiya, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat na mapagkumbaba at mapanalanging (1) tukuyin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na maaaring gumabay sa kanilang paggamit ng artificial intelligence at (2) tapat na magsikap upang makasama ang Espiritu Santo at ang espirituwal na kaloob ng paghahayag.
Inaanyayahan ko kayong rebyuhin at pag-aralan ang Mga Gabay na Alituntunin sa Paggamit ng AI (AI Guiding Principles) na nilinang at ipinamahagi ng Simbahan sa unang bahagi nitong taon. Ang mga alituntuning ito ay nagbibigay ng impormasyon sa paggamit ng AI ng Simbahan at nagbibigay ng matatag ng saligan kung saan ninyo maaaring itatag ang inyong personal na proteksyon laban sa mga panganib ng di-magandang gamit ng teknolohiya.
Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng personal na paghahayag sa ating mga buhay. Sinabi niya: “Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mamumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian. Ngunit sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”
Salamat, O Diyos, sa mga propeta, at ngayong gabi ay nagpapasalamat kami sa mga babala ni Pangulong David O. McKay at Pangulong Russell M. Nelson.
Kalayaang Moral
Tinukoy ko na ang artificial intelligence ay may potensyal na mapahina at mahadlangan ang ating kalayaang moral. Ano ang ibig sabihin ng pahayag na iyan, at paano nangyayari ang mga epektong iyon?
Ang pangkalahatang mga layunin ng dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay ang makapagbigay sa Kanyang mga espiritung anak ng mga pagkakataon upang makatanggap ng pisikal na katawan, na matutuhan ang “mabuti sa masama” sa pamamagitan ng mortal na karanasan, upang lumago ang espirituwalidad, at umunlad sa walang hanggan. Ang kalayaang moral ay sentrong elemento sa plano ng Diyos na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak na lalaki at babae.
Ang mga katagang kalayaang moral ay may maituturo sa atin. Ang kahalintulad ng salitang moral ay maaaring kabilangan ng “mabuti,” “tapat,” “malinis,” at “marangal.” Ang kahalintulad ng salitang kalayaan ay maaaring kabilangan ng “pagkilos,” “pagiging aktibo,” at “paggawa.” Samakatuwid, ang kalayaang moral ay maaaring maunawaan bilang ang kakayahan at pribilehiyong piliin at kumilos para sa ating sarili sa mga paraang mabuti, tapat, malinis, at marangal.
Ang mga nilikha ng Diyos ay kinabibilangan ng kapwa ”bagay na kumikilos at mga bagay na pinakikilos.” At ang mahalaga pa, ang kalayaang moral ay banal na idinisenyong “kakayahang makakilos nang malaya” na nagbibigay sa atin ng kakayahan bilang mga anak ng Diyos na maging mga taong kumikilos at hindi lamang mga bagay na pinakikilos.
Nagtagubilin ang Panginoon kay Enoc sa wastong punto ng doktrina.
“Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang kanilang kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;
“At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at nagbigay rin ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na kanilang nararapat piliin ako, na kanilang Ama.”
Tandaan, ang pangunahing layunin para sa paggamit ng kalayaan sa pagpili ay ang mahalin ang isa’t isa at piliin ang Diyos. Isaalang-alang na tayo ay inutusan—hindi lamang sinuway, hinimok, o pinayuhan—ngunit inutusang gamitin ang ating kalayaan upang mahalin ang iba, at na bumaling at piliin ang Diyos.
Ang pamilyar na himno ay may dahilan kung bakit ito pinamagatang “Piliin ang Tama.” Hindi tayo pinagkalooban ng kalayaang moral upang gawin ang kung anuman ang nais natin kung kailanman natin gustuhin. Bagkus, ayon sa plano ng Ama, nakatanggap tayo ng moral na kalayaan upang hanapin ang at kumilos ng naaayon sa mga walang hanggang katotohanan. Bilang “mga kinatawan … ng [ating] sarili,” nararapat tayong maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, “gumagawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at nagsasakatuparan ng labis na katwiran.”
Ang pinakamalaking kahalagahan ng kalayaang moral ay binigyang pansin sa mga tala ng banal na kasulatan sa kapulungan bago tayo isilang. Si Lucifer ay naghimagsik laban sa plano ng Ama at sa malaking bahagi, ang kanyang pagsuway ay nakatuon ng tuwiran sa mga alituntunin ng kalayaang moral.
“Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, … aking pinapangyaring siya ay mapalayas.”
Ang makasariling balak ng kalaban ay ang tanggalin mula sa mga anak na lalaki at babae ng Diyos ang handog na maging “kinatawan … ng kanilang sarili” na kayang kumilos sa kabutihan. Ang kanyang nais ay ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ay maging mga bagay na maaaring pakilusin.
Ang daigdig ay nilikha bilang isang lugar kung saan ang mga anak ng Ama sa Langit ay maaaring subukin upang makita kung gagawin nila ang “lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” Ang mismong layunin ng Paglikha at ng ating mortal na kalagayan ay ang makita kung inyo at aking pipiliin at kikilos na maging kung ano ang paanyaya ng Panginoon na maging tayo. Tulad ng ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Ang Diyos na ating Ama sa Langit ay nagnanais na piliin ninyo na bumalik sa Kanya. Ang Kanyang plano ng walang hanggang pag-unlad ay hindi kumplikado, at iginagalang nito ang inyong kalayaang pumili.”
Ang ating pag-asa at hangarin ay ang selestiyal na kaluwalhatian kasama ang ating mga pamilya sa presensiya ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Panginoong Jesucristo. Para rito at sa marami pang ibang rason, inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “isipin ang selestiyal.”
Ngayon, isang babala. Ang madaling paggamit, inaakalang katumpakan, at mabilis na oras ng pagtugon na naglalarawan sa artificial intelligence ay maaaring makagawa ng kaakit-akit, nakalululong, at nakasasakal na impluwensiya sa paggamit ng ating kalayaang moral. Dahil ang AI ay nakakubli sa kredibilidad at mga pangako ng mga pag-unlad sa agham, maaaring hindi natin mamalayang naaakit na tayong isuko ang ating napakalahagang kalayaang moral sa isang teknolohiyang kaya lamang na isipin ang telestiyal. Sa paggawa nito, maaari tayong dahan-dahang magbago mula sa pagiging kinatawang kayang kumilos tungo sa mga bagay na pinakikilos lamang. At maaaring hindi natin sadyang matulungan si Lucifer na matamo sa mortalidad kung ano ang hindi niya nagawa sa buhay bago ang mortalidad.
Ang katotohanan ay ang kaalaman ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito. Ang artificial intelligence ay hindi kayang gayahin, tularan, o palitan ang impluwensiya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Gaano man kahusay o kagaling ang teknolohiya ng AI, talagang hindi nito kailanman magagawang sumaksi sa Ama at sa Anak, ihayag ang katotohanan ng lahat ng bagay, o pabanalin ang mga nagsisi at nabinyagan.
Ang katotohanan ay ang kaalaman ng mga bagay kung ano talaga ang kahihinatnan ng mga ito. Habang tayo ay matalino, pinapanatili at isinasagawa ang ating kalayaang moral upang mahalin ang Diyos at paglingkuran ang ating mga kapatid, at tinatanggap ang Banal na Espiritu bilang ating gabay, maiiwasan natin ang panlilinlang at uunlad nang espirituwal sa mapanghamon at pinagpalang panahon na ating ginagalawan.
Matwid na Gawain
Ang pag-unawa sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ay tumutulong sa atin na makilala na ang mga matwid na gawain ay kinakailangan sa pag-unlad ng ating espirituwalidad.
Bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos, “bawat isa [sa atin] ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos” at nagmana ng mga espirituwal na kakayahan mula sa Kanya. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mga tagalikha at ipinagkatiwala Nila sa atin sa mortalidad ang mga bahagi ng Kanilang kapangyarihang lumikha. Ang ating natatanging kakayahan na gumawa at lumikha ay espirituwal na mahalaga dahil ito ay sentro ng plano ng Ama at bumubuo sa isa sa mga pinakamataas na pagpapahayag ng ating banal na potensyal.
Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson: “Iniwan ng Diyos na hindi tapos ang mundo para magamit ng [mga lalaki at babae] ang [kanilang] galing. Iniwan Niya ang kuryente sa ulap, ang langis sa lupa. Iniwan Niyang walang tulay ang mga ilog at walang tabas ang kagubatan at hindi nakatayo ang mga lungsod. Ibinigay ng Diyos sa [atin] ang hamon na lumikha ng mga bagay-bagay mula sa mga materyal na hindi pa gawa, hindi ang ginhawa ng mga bagay na nalikha na. Iniwan niyang walang kulay ang mga larawan at hindi naawit ang musika at hindi nalutas ang mga problema, para malaman ng tao ang mga kagalakan at kaluwalhatian ng paglikha.”
Ang kalayaang moral, pagiging kinatawan, at matwid na gawa ay nauugnay at magkakasama sa tunay na makapangyarihang mga paraan. Isaalang-alang, halimbawa, ang kahulugan ng pananampalataya sa Panginoonng Jesucristo tulad ng ipinahayag sa Lectures on Faith:
“Ang pananampalataya [kay Cristo ay] ang unang alituntunin sa naihayag na relihiyon, … ang batayan ng lahat ng pagkamakatwiran, … at ang alituntunin ng paggawa sa lahat ng marurunong na nilalang.”
Ang espirituwal na kaloob ng pananampalataya kay Cristo ay nangangailangan ng paggamit ng ating kalayaan sa pagpili na kumilos at sumunod sa Kanya, ipamuhay ang Kanyang mga turo, sundin ang mga kautusan, at ibigkis ang ating mga sarili sa Kanyang sa pamamagitan ng mga tipan, magtiwala sa Kanyang mga pangako, at maamong tanggapin ang Kanyang kagustuhan at panahon sa ating mga buhay. Ang pagkilos nang naaayon sa doktrina at mga tumpak na alituntunin na inihayag ng Manunubos ay mahalaga dahil “ang pananampalataya na walang mga gawa ay [patay].”
Natutuhan din natin sa Lectures on Faith na “ang pananampalataya ay kapwa alituntunin ng paggawa at alituntunin ng kapangyarihan, … maging ang mga nasa langit o nasa lupa.” Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa matwid na pagkilos, na nakapagpapalakas ng ating espirituwal na kakayahan at kapangyarihan.
Samakatuwid, ang matapat na mga disipulo ni Cristo ay mga manggagawang sabik sa paggawa dahil “ang kakayahan ay nasa kanila, kung saan mga kinatawan sila ng kanilang sarili.” Ang tapat na mga disipulo ay patuloy at masigasig na, ayon sa kanilang indibiduwal na mga kakayahan at kalagayan, kumikilos bilang mga kinatawan na gawin o gumawa ng isang bagay kapwa sa temporal at espirituwal na aspekto ng kanilang buhay at sa kanilang paglilingkod sa iba.
Ang pag-unawa na ang pananampalataya sa Tagapagligtas ay isang alituntunin ng pagkilos at ng kapangyarihan ay nagmumungkahi ng isang patuloy na huwaran ng matuwid na gawa na isang pangunahing pagpapahayag ng pagsalig at pagtitiwala sa Kanya, at isang pinagkukunan ng kaalaman at pag-unlad. Para sa mahahalagang dahilang ito, ang pagagawa ay mahalaga para sa pag-unlad ng ating espirituwalidad.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na: “Ang atin ay isang ebanghelyo ng pagtatrabaho—nang may layunin, di-makasarili at isinasagawa sa diwa ng tunay na pagmamahal ni Cristo. Sa gayon lamang natin mapag-iibayo ang ating mga banal na katangian. Sa gayon lamang tayo magiging karapat-dapat na mga instrumento sa mga kamay ng Panginoon.”
Isa sa aking pinakamalaking alalahanin ay na ang sobrang pagsalig sa teknolohiya ng AI ay magdulot sa atin na maging tamad at mababaw sa ating espirituwalidad—at na masakripisyo ang mga pagpapalang nagiging posible sa pamamagitan ng matwid na mga gawa.
Iniisip ko kung ilan na kayang mga mensahe sa sacrament meeting at aralin sa Sunday School, priesthood, at Relief Society sa susunod na Linggo ang ginawa mula sa AI. Isang simpleng salita ng pag-uutos sa inyong digital device, maghintay ng ilang segundo, o minuto, at mayroon ka na ng kailangan mo. Ngunit nasa iyo na ba talaga ang kailangan mo?
Ngayon, naniniwala akong ang AI ay maaaring nararapat na makatulong sa paglikom ng impormasyon, pumupuna sa ating pag-iisip, sumusuri sa estilo ng ating pagsulat, at pinabibilis ang paulit-ulit na proseso ng pagkatuto “nang taludtod sa taludtod [at] nang tuntunin sa tuntunin.” Ngunit ang banal na kakayahang lumikha at gumawa ay katangi-tanging nasa bawat isa sa atin bilang mga anak na lalaki at babae ng Diyos. Walang dudang makalilikha at makagagawa tayo ng kahanga-hangang mga content para sa mensahe sa sacrament meeting gamit ang AI. Ngunit ang layunin ay hindi lamang makagawa at makapagpakita ng kahanga-hangang content; bagkus, ang paggawa at pagsasabuhay ang ninanais at inaasam ng Diyos na maging tayo.
Hindi ko ginagamit nang personal ang teknolohiyang ito upang gumawa ng mga balangkas ng aking mga mensahe, artikulo, o content para sa ibang mga proyekto. Ito ay dapat ang aking masigasig na pagsisikap, aking malikhaing gawa, at, pinakamahalaga, ang aking pagsisikap na maging bukas sa inspirasyon ng Espiritu Santo.
Ginagamit ko ang teknolohiyang ito upang punahin ang aking gawa. Halimbawa, matapos kong isulat ang aking mensaheng ibinibigay ko sa inyo ngayon, inatasan ko ang isang AI app na suriin at ilarawan ang tono ng mesahe para sa isang pandaigdigang tagapakinig na mga young adult na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Narito ang feedback na natanggap ko:
“Ang tono ng mensaheng ito ay mapitagan at nagbibigay-kaalaman, dahil ang may akda ay gumamit ng mga sanggunian sa banal na kasulatan at mga personal na karanasan upang magturo tungkol sa kahalagahan ng pagkilala sa mga espirituwal na realidad mula sa mga makamundong ilusyon. Ang mensahe ay puno ng pag-asa at panghihikayat, dahil ang may akda ay inanyayahan ang mga young adult na hanapin ang paghahayag at sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang mensahe ay naglalayong bigyang-inspirasyon ang mga tagapakinig sa pananampalataya at pagkilos at upang balaan sila sa mga panganib ng panlilinlang ng mga kasinungalingan ni Satanas.”
Ayon sa rebyu na ito, gumawa ako ng ilang mga pagbabago na inaasahan kong makapagpapabuti sa pangkalahatang mensahe.
Mahal kong mga kapatid, mangyaring tandaan palagi—hindi natin dapat ipagbili ang ating espirituwal na pagkapanganay ng “[pag-alam sa] mga kaligayahan at kaluwalhatian ng paglikha” para sa isang mangkok ng teknolohikal na “nilaga.”
“Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.
“Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.”
Ang batas ng anihan ay totoo—kahapon, ngayon, at magpakailanman.
Ang patuloy na pagbabalik-loob sa Panginoon ay nangangailangan ng nakatuon, patuloy, at matwid na gawa. Nararapat tayong magsumikap na maging mga kinatawang nananampalataya sa Tagapagligtas at kumikilos at inihihinto ang pagiging mga bagay na pinakikilos lamang.
Palaging tandaan na ang pagiging tapat na disipulo ay nangangailangan ng nakatuon, patuloy, at matwid na gawa. Nararapat tayong magsumikap na maging mga kinatawang nananampalataya sa Tagapagligtas at kumikilos at inihihinto ang pagiging mga bagay na pinakikilos lamang.
Ang personal na paghahayag ay nangangailangan ng nakatuon, nananatili, at matwid na gawa. Nararapat tayong magsumikap na maging mga kinatawang nananampalataya sa Tagapagligtas at kumikilos at inihihinto ang pagiging mga bagay na pinakikilos lamang.
Ang marapat na paghahanap sa mga kaloob ng Espiritu ay nangangailangan ng nakatuon, nananatili, at matwid na gawa. Nararapat tayong magsumikap na maging mga kinatawang nananampalataya sa Tagapagligtas at kumikilos at inihihinto ang pagiging mga bagay na pinakikilos lamang.
Upang maging malinaw, hindi tayo nakatatanggap o nagiging karapat-dapat sa mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng indibiduwal na paggawa. Ang kaloob at panahon ng Diyos ang tumutukoy sa kung paano at kailan natin matatanggap ang Kanyang magigiliw na awa. Ngunit kayo at ako ay may espirituwal na obligasyong gumawa, lumikha, at matuto para sa ating sarili.
Pangako at Patotoo
Ang tinig ng babala na itinaas ko noong 2009 ay taimtim, mariin, at agaran dahil ang panganib ng teknolohiya at ang mga posibilidad na tinatalakay natin ay nagsisimula pa lamang. Ito ay noon.
Ang tinig ng babala na itinataas ko ngayon ay mas taimtim, mas mariin, at mas agaran dahil ang panganib ng teknolohiya at ang mga posibilidad na tinatalakay natin ay nasa lahat na ng lugar sa lahat ng oras. Ito ay ngayon.
Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa katotohanan. Kayo at ako ay may responsibilidad na siguruhing ang Espiritu Santo ay palaging tinitiyak ang katotohanan at katumpakan ng lahat ng ating sinasabi at ibinabahagi, anuman ang ating anyo o nilalaman. Ang pangako para sa bawat isa sa atin ay na maaari nating matutuhang gamitin ang teknolohiyang ito nang nararapat na may patnubay, proteksyon, at mga babalang dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Binabasbasan ko kayo at nangangako ako na kung gagawin nating “bumaling sa [Tagapagligtas] sa bawat pag-iisip” at hahangarin ang pagsama ng Espiritu Santo, mapagpapala tayong lumakad sa kaamuhan ng Espiritu ng Panginoon at magkakaroon ng kapayapaan sa Kanya. At gagawin nating “huwag mag-alinlangan, huwag matakot,” at makilala ang katotohanan ng lahat ng bagay, maging ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito.”
Pinatototohanan ko na ang Ama sa Langit ay buhay at ang may akda ng dakilang plano ng kaligayahan. Sumasaksi ako na si Jesucristo ay ang Natatanging Bugtong at Pinakamamahal na Anak ng Ama. At sumasaksi ako na Siya ay nabuhay na mag-uli. Siya ay buhay. Siya ang ating Manunubos at ating Tagapagligtas. At nagpapatotoo ako na tayo ay pinagpalang mabuhay sa kahanga-hangang panahon ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Maligaya akong sumaksi sa mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.