2021
Mga Alagad ni Jesucristo sa Landas ng Pagkadisipulo
Abril 2021


“Mga Alagad ni Jesucristo sa Landas ng Pagkadisipulo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 2–5.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mga Alagad ni Jesucristo sa Landas ng Pagkadisipulo

Mula sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010 na “Sinusunod Natin si Jesucristo.”

Ginawang posible ng Tagapagligtas na makamit ng bawat isa sa atin ang kaligtasan at kadakilaan. Ngunit kailangan nating sundan ang landas na inilaan Niya para sa kaligtasan at kapayapaan.

Jesucristo

Larawang kuha ni Tyler Rickenbach

Sa Linggo ng Pagkabuhay, ipinagdiriwang natin ang tagumpay ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, laban sa kamatayan. Itinatangi natin ang ating pagkaunawa at taimtim tayong nagpapasalamat sa kusang pagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa atin. Ito ang pinakamahalagang pangyayaring naganap sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Dahil tinupad ni Cristo ang Kanyang sagradong misyon bilang Tagapagligtas at Manunubos, tayo ay mabubuhay na mag-uli mula sa kamatayan at muling magsasama ang ating espiritu at ating katawan. Batay sa personal na pagkamarapat, magkakaroon tayo ng maluwalhating pagkakataong makabalik sa piling ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.

Ang Ating Mensahe sa Daigdig

Sabi ni Propetang Joseph Smith, patungkol sa mga kaganapang ito sa araw ng Paskua na, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”1

Habang nagagalak tayo sa walang-hanggang kahalagahan ng nangyari sa Getsemani at Golgota, noon pa man ay nakatuon na tayo sa nabuhay na mag-uling Panginoon. Ang mensahe natin sa daigdig ay Siya ay buhay! Ang simbolo ni Cristo para sa mga Banal sa mga Huling Araw ay matatagpuan sa ating makahulugang pagsampalataya at sa pamumuhay natin ng Kanyang ebanghelyo.2

Habang pinagbubulayan natin ang kahulugan ng pagiging Kristiyano ngayon, pag-isipan kung ano ang kailangan nating gawin sa pagtahak sa landas ng pagiging disipulo. Iminumungkahi ko na ating pagnilayan at sa angkop na mga paraan ay tularan ang ginawa ng Tagapagligtas sa huling dalawang araw na iyon ng Kanyang mortal na buhay at ministeryo.

Alalahanin at Magbigay Pitagan sa Sakramento

Sa Huling Hapunan, pinasimulan ng Tagapagligtas ang ordenansa ng sakramento. Kumuha Siya ng tinapay, pinagputul-putol ito, binasbasan ito, at ipinasa ito sa Kanyang mga disipulo, na sinasabing, “Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin” (Lucas 22:19). Sa ganitong paraan Niya pinasimulan ang sakramento. Kung tayo ay magiging Kanyang mga disipulo at magiging tapat na mga miyembro ng Kanyang Simbahan, dapat nating alalahanin at pagpitaganan ang sakramento.

Tinutulutan ng sakramento ang bawat isa sa atin na ipahayag nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu ang ating kahandaang sundin ang Tagapagligtas, magsisi, at maging isang Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo (tingnan sa Mosiah 3:19). Ang sakramento ay nagtutulot sa atin na patotohanan sa Diyos na aalalahanin natin ang Kanyang Anak at susundin ang Kanyang mga utos habang pinaninibago natin ang ating tipan sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37, 77–79). Pinatitindi nito ang ating pagmamahal at pasasalamat kapwa sa Ama at sa Anak.

dalagitang nakikibahagi ng sakramento

Mahalin ang Isa’t isa

Sinabi rin ng Tagapagligtas, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa” (tingnan sa Juan 13:34–35). Kapag pinag-isipan natin ang gagawin Niyang Pagbabayad-sala noon na walang-hanggan ang mga bunga, ang utos na iyon ay nangangailangan ng ating pagsunod. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos at pinaglilingkuran ang Kanyang mga anak. Hindi natin lubos na nauunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ngunit maaari nating gugulin ang ating buhay sa pagsisikap na maging mas mapagmahal at mabait, anumang paghihirap ang ating dinaranas.

Ang utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol at sa lahat ng disipulong magiging kasunod nila na mahalin ang isa‘t isa ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng Kanyang mga turo. Ang paraan ng pakikitungo at pakikisama natin sa isa’t isa ang sukatan ng ating kahandaang sundin si Jesucristo.

mga kabataang lalaki na nakasuot ng polo at kurbata

Maging Karapat-dapat sa mga Pahiwatig ng Espiritu Santo

Sa panahong ito, ipinangako ng Tagapagligtas ang Espiritu Santo, ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, sa mga Apostol. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu, ang Mang-aaliw, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagpapahayag ng katotohanan ng lahat ng bagay, at nagpapabanal sa mga taong nagsisi at nabinyagan.

Naninirahan tayo sa maingay at magulong mundo, kung saan maaaring mapanood at marinig ang impormasyon, musika, o maging ang walang katuturang bagay tuwing gigising tayo. Kung gusto nating matamo ang inspirasyon ng Espiritu Santo, dapat tayong magkaroon ng oras na maghinay-hinay, magbulay, manalangin, at mamuhay sa paraang tayo ay karapat-dapat tumanggap at magsagawa ng Kanyang mga pahiwatig. Maiiwasan natin ang malalaking pagkakamali kung susundin natin ang Kanyang mga babala. Pribilehiyo natin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na tumanggap ng liwanag at kaalaman mula sa Kanya maging hanggang sa ganap na araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:24).

Sundan ang Landas ng Tagapagligtas

Ngayong Linggo ng Pagkabuhay, nagagalak tayo sa lahat ng ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Dahil sa Kanya makakamtan ng bawat isa sa atin ang ating kaligtasan at kadakilaan. Ngunit kailangan nating sundan ang landas na inilaan Niya para sa kaligtasan at kapayapaan.

Ang isa sa mga paraan na ginagawa natin ito ay sa pagsunod sa mga turo ng ating buhay na propeta. Isa siyang magandang halimbawa ng isang taong sumusunod sa Tagapagligtas. Ang isa pang paraan ay hangarin ang kanlungan at walang-hanggang proteksyon ng templo.

Pinatototohanan ko bilang apostol na si Jesucristo ay buhay at Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Inilaan Niya ang landas na tatahakin tungo sa tunay na kaligayahan.