“Paano ko pananatilihing malinis ang aking isipan mula sa masasamang impluwensya sa paligid ko?” Para sa Lakas ng mga Kabataan Abr. 2021, 30–31.
Mga Tanong & Mga Sagot
“Paano ko pananatilihing malinis ang aking isipan mula sa masasamang impluwensya sa paligid ko?”
Maging Isang Halimbawa
“Ilan sa mga kaibigan ko ang kung minsan ay gumagamit ng bastos o mahalay na salita. Kapag may masasamang salitang pumapasok sa isipan ko, sinisikap kong tandaan na ako ay saksi ni Jesucristo sa lahat ng panahon at na dapat akong maging halimbawa sa mga kaibigan ko. Gusto kong ipahayag ang sarili ko sa paraan ni Jesucristo.”
Naobi L., 16, Mexico City, Mexico
Palitan ang Kaisipan
“Minsan ay ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer kung paanong ang ating isipan ay tulad ng stage o entablado [tingnan sa pangkalahatang kumperensya ng Okt. 1973]. Ang espasyo ay sapat lamang para sa isang bagay na nagtatanghal sa entablado sa isang pagkakataon. Kung nakakaramdam ka ng maruruming kaisipan, sikaping isipin ang mga banal na bagay! Maaari nilang palitan ang anumang nasa iyong entablado. Ang pagkanta ng mga awitin sa Primary ay nakakatulong sa akin. Maaaring iniisip ko ang mga ito o tahimik na ibinubulong ang mga ito.”
Alyssa F., edad 17, Washington, USA
Maghanda nang Maaga
“Ginagawa ko ang lahat para mga malinis at nakasisiglang media lamang ang papasok sa buhay ko upang kapag gumamit ng masasamang salita ang mga tao, may magagandang ideya ako na mahuhugot. Sinisikap ko ring palibutan ang sarili ko ng mga kaibigan na katulad ko ang mga pamantayan. Mas madaling piliin ang tama at hindi matuksong gumamit ng maruming pananalita o mag-isip ng maruruming kaisipan.”
Nathan Z., 13, Utah, USA
Makinig sa Magagandang Bagay
“Ang isang paraan para maalis ang maruruming salita sa ating mga kaisipan ay ang pakikinig sa musikang nakasisiya sa ating Ama sa Langit tulad ng mga himno. Ang pakikinig sa mga banal na kasulatan ay makatutulong din sa ating personal na pag-aaral at sa pag-aaral ng pamilya. Gayundin, ang pakikinig sa mga mensahe sa kumperensya ay makatutulong sa atin na magtuon sa pakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu.”
Sandra M., 17, El Salvador
Tumingin sa Ama sa Langit
“Sinisikap kong palitan ang negatibo o maruming kaisipan ng positibong bagay sa pamamagitan ng pag-iisip ng masayang bagay na inaasam ko. Kung ang iniisip mo ay isang bagay na positibo at nagpapasigla, maaari mong masala ang mga negatibong kaisipan! Kung iniisip mo ang iyong Ama sa Langit at ang iyong Tagapagligtas, magkakaroon ka ng lakas at kapangyarihan na iwaksi ang masasamang kaisipan.”
Breelynn S., 12, Georgia, USA