2021
Isang Larawan ng Pagkakaisa
Abril 2021


“Isang Larawan ng Pagkakaisa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 6-8.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Isang Larawan ng Pagkakaisa

Tulad ng mga tuldok ng kulay sa isang canvas, tayong lahat ay magkakaiba. Ngunit napakaganda kapag nagkakaisa tayong lahat sa kaharian ng Diyos.

pointillist painting

View of Crotoy [Tanawin ng Crotoy], ni Georges Seurat

Kapag naririnig mo ang salitang pagkakaisa, ano ang naiisip mo? Siguro isang koro na sabay-sabay na umaawit o ang paborito mong sports team na sama-samang naglalaro bilang isang yunit. Maaari kayong magkaroon ng pagkakaisa sa mga pamilya, komunidad, at kahit sa kalikasan!

Ang pagkakaisa ay tungkol sa pagsasama-sama at pagtutulungan bilang isang kabuuan. Kahit magkakaiba ang ating pinagmulan, magkakaiba ang kultura, at iba’t iba ang mga kakayahan, nais ng Ama sa Langit na magmahalan tayo at “maging isa” (Doktrina at mga Tipan 38:27). Ngunit paano tayo magiging isa samantalang magkakaiba tayong lahat?

Pagkakaisa sa Sining

Pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagkakaisa sa musika at isports, pero alam mo ba na maaari din nating matutuhan ang pagkakaisa mula sa sining? May isang estilo ng pagpipinta na tinatawag na pointillism kung saan ang mga artist ay gumagamit ng maliit na tuldok na may kulay sa lahat ng dako para lumikha ng isang imahe sa halip na paghalu-haluin ang mga kulay sa isang palette at gamit ang malalaking hagod ng brush o pinsel. Kapag ikaw ay tumayo malapit sa mga ipinintang larawan na ito, ang makikita mo lamang ay indibiduwal na mga tuldok ng kulay.

Gayunman, kapag umatras ka, ang mga tuldok ay nagtutugma-tugma upang ipakita ang isang larawan.

Ang indibiduwal na may kulay na mga tuldok ay nagtutulong-tulong para makalikha ng isang bagay na maganda. Tulad ng mga tuldok, lahat tayo ay natatanging mga indibiduwal. Nakikita ng Ama sa Langit ang “buong larawan.” Nakikita Niya tayong lahat bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae, “mga tagapagmana sa kaharian ng Diyos” (4 Nephi 1:17). Kung matututo rin tayong humakbang paatras at makikita ang mas malaking larawan, matututuhan natin kung paano mahalin at makipagtulungan sa mga taong naiiba sa atin. Narito ang ilang bagay na magagawa natin para magkatulungan tayo sa pagkakaisa.

Alalahanin ang mga Tipan

Ang pag-alaala sa ating mga tipan sa binyag ay tumutulong sa atin na magsikap tungo sa pakikiisa sa iba. Sa Mosias 18:10 mababasa natin na bahagi ng pagpapabinyag ay pagsang-ayon na maglingkod sa Diyos at tuparin ang Kanyang mga utos. Isang paraan na ginagawa natin ito ay “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).

Kapag tinutulungan natin ang isang kaibigang nalulungkot, tumutulong sa ating mga magulang sa mga gawain sa bahay, o tumutulong sa isang taong bagong lipat sa paaralan, sinisikap nating buksan ang ating puso sa kanila at ang ating “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa‘t isa” (Mosias 18:21). Ano ang iba pang mga paraan na mapapanatili mo ang iyong tipan sa binyag para makapaglingkod sa Diyos? Baka maitanong mo pa nga sa sarili mo ang tanong na ito sa susunod na tatanggap ka ng sakramento. Sa paghahanap mo ng iba pang mga paraan para magkaroon ng pakikipagkaisa sa iba, tutulungan ka ng Ama sa Langit.

Iwasan ang paggamit ng “mga -ita”

Sa Aklat ni Mormon, ginamit ng mga tao ang mga pangalan para paghiwalayin at ihiwalay ang kanilang sarili. Tinawag nila ang kanilang sarili na mga Nephita, Lamanita, Zoramita, at mga Amalekita—ilan lamang iyan sa mga pangalan ng grupo. Kung minsan ay may espesyal na marka sila para pisikal na ipakita kung sa aling grupo sila kabilang (tingnan sa Alma 3:4). Napakasaya nila noong wala silang anumang “mga -ita” (tingnan sa 4 Nephi 1:16–17).

Pag-isipan ang iyong trabaho, paaralan, o komunidad. Maaaring hindi natin gamitin ang mga label tulad ng “mga Nephita” o “mga Zoramita,” ngunit naiisip ba ninyo ang iba pang mga tatak na maaaring gamitin ng mga tao? Sinisikap tayong paghiwalayin ng ilang tao sa mundo batay sa mga bagay na tulad ng pisikal na mga kakayahan, kulay ng ating balat, o kahit kung magkano ang pera natin. Hindi iyan ang itinuro ni Jesucristo sa atin na pagkilos. Itinuro Niya sa atin na “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Marcos 12:31). Para maging mas katulad ni Jesucristo, iwasan ang paggamit ng mga label o pangalang naghihiwa-hiwalay sa atin.

Magpakumbaba

Bahagi ng pagkakaisa ang “matutong magalak sa tagumpay ng mga kapatid at kaibigan. …Kailangang sikapin nating lahat na lalo pang magpakumbaba.”1 Kung minsan maaaring mahirap itong gawin. Siguro nakasali sa koponan ang matalik mong kaibigan pero hindi ka kasali, o mas mataas ang marka ng iyong kapatid sa eskuwela kaysa sa iyo. Maaari tayong malungkot o masaktan na makita na nagtatagumpay ang iba. Kahit maaaring mahirap sa pakiramdam, sikaping magdiwang na kasama nila! Lahat tayo ay may magagandang kaloob at talento at nais ng ating Ama sa Langit na hangarin at paunlarin ng bawat isa sa atin ang mabubuting kaloob.

Ang mga Pagkakaiba ay Maaaring Makabuti

Kung minsan may pag-uugali tayong makipag-ugnayan lamang sa mga taong katulad natin, katulad nating magsalita, o katulad nating mag-isip. Ngunit si Jesucristo ay laging naghahanap ng paraan para makipag-ugnayan sa mga taong naiiba. Ang mga pagkakaiba ay maaaring mabuti at kailangan!

iba’t ibang kabataan

Larawan mula sa Getty Images

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, “Kahit … ang mga pagkakaiba ay maaaring maituring bilang oportunidad. Tutulungan tayo ng Diyos na huwag ituring na nakakainis ang pagkakaiba ng ibang tao kundi sa halip ay nakakatulong ito.”2 Hindi lahat ay maaaring maglaro ng parehong posisyon sa isang sports team o kantahin ang parehong bahagi sa isang koro. Ang mundo ay nakakainip kung ang lahat ng mga bulaklak ay pareho ang kulay o kung ang lahat ng mga puno ay magkakamukha. Ang mga pagkakaiba ay mas makapagpapabuti sa mundo at tutulungan tayong maging isa.

“Maging Isa”

Sa pagsisikap mong makipagkaisa sa iba, maaari mong makita na hindi naman malaki ang pagkakaiba natin sa isa’t isa na gaya ng akala natin. Habang natututuhan nating makita ang isa’t isa tulad ng pagtingin sa atin ng Ama sa Langit, mauunawaan natin na lahat ay kailangan at kabilang sa kaharian ng Diyos. Bawat isa sa atin ay kahanga-hangang tuldok ng kulay sa isang magandang mural. At tanggapin natin, hindi na ito magiging katulad ng dati kung wala ka.