2021
Kinailangan ang Isang Bata para Maligtas ang Isang Nayon
Abril 2021


“Kinailangan ang Isang Bata para Maligtas ang Isang Nayon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 10–11.

Kinailangan ang Isang Bata para Maligtas ang Isang Nayon

Si Tom Fanene ay 12 taong-gulang lamang noon, ngunit nang dumating ang mapaminsalang sakit sa kanyang nayon sa Samoa, tinawag siyang gumawa ng mga dakilang bagay.

isla ng Samoa

Larawan mula sa Getty Images

Gaya ng nakasaad sa tema ng mga kabataan sa taong ito, “naglalatag kayo ng saligan ng dakilang gawain” (Doktrina at mga Tipan 64:33). Sa buong kasaysayan ng Simbahan, ang mga kabataan ay kadalasang may mahalagang papel na ginagampanan sa kritikal na panahon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Narito ang isang halimbawa.

Epidemya sa Isla

Mahigit 100 taon na ang nakararaan, sa mga isla ng Samoa ng Karagatang Pasipiko, isang binatang nagngangalang Tom Fanene ang nakatulong nang malaki nang malagay sa mapanganib na situwasyon ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nanirahan si Tom sa isang nayon na tinatawag na Sauniatu, na itinatag ng mga Banal sa mga Huling Araw doon bilang isang lugar para magtipon sila at makabuo ng komunidad. Tulad ng mga Banal ng Diyos sa ibang panahon at lugar, nakaranas sila ng mga pagsubok gayundin ng mga himala habang sinisikap nilang itayo ang kaharian ng Diyos. Isang pagsubok ang dumating noong 1918, nang makarating sa nayon ang isang pandemya ng influenza o trangkaso.

Nang dumating ang sakit, nakapanlulumo ito, at mabilis itong kumalat. Halos lahat ng humigit-kumulang 400 mga taganayon ay nakaratay dahil dito. Dalawa lang sa kanila ang walang sakit para makaikot sa paligid: isang matandang lalaki at ang 12-taong-gulang na si Tom.

Pananampalataya at Kasipagan

Nanampalataya ang pamilya ni Tom nang magkasakit sila noon at nakakita ng mga himala dahil dito. Ang nakababatang kapatid ni Tom na si Ailama ay nagkasakit ilang taon na ang nakalipas. Ang kanilang ama, si Elisala, ay nanaginip kung saan sinabi sa kanya kung ano ang mga gagawin para maalagaan si Ailama: maghanap ng puno ng wili-wili, at kumuha ng balat nito, at dikdikin ito para makuha ang katas nito. Ginawa ito ni Elisala at dinala ang katas kay Ailama, na uminom nito at hindi nagtagal ay gumaling ito. Kaya nakita ni Tom kung paano makatutulong ang pagkilos nang may pananampalataya para mapaglabanan ang sakit o karamdaman.

Sa epidemya ng influenza o trangkaso noong 1918, nanampalataya si Tom habang masigasig niyang inalagaan ang mga tao sa nayon. “Tuwing umaga nagpupunta ako sa bawat bahay para pakainin at linisin ang mga tao at alamin kung sino ang namatay,” sabi niya.

Umigib siya ng mga timba ng tubig mula sa sibol at nagdala ng tubig sa bawat bahay. Inakyat niya ang mga puno ng niyog, pinulot ang mga niyog, tinalupan ang mga ito, at binuksan ang mga ito upang mangolekta ng sabaw para dalhin ito sa mga maysakit. Pinatay din niya ang lahat ng manok sa nayon para magluto ng sopas o sabaw para sa bawat pamilya.

batang Samoan na tumutulong sa mga kanayon na maysakit

Tumulong ang 12-taong-gulang na si Tom Fanene sa pangangalaga ng kalusugan sa kanyang nayon sa panahon ng pandemya.

Paglalarawan ni Jim Madsen

Gumagawa ng Kaibhan

Sa panahon ng pandemyang ito, mga sangkapat ng mga tao sa Samoa ang namatay sa influenza o trangkaso. Namatay din ang ilan sa mga tao sa nayon ni Tom. Tumulong si Tom sa paghukay ng mga puntod at inilibing ang mahigit 20 sa kanila, kabilang ang sarili niyang ama, na si Elisala.

Ngunit salamat sa kasipagan at mapagmahal na pangangalaga ni Tom, maraming tao sa kanyang nayon ang nakaligtas. Gumawa siya ng malaking kaibhan sa mga taong iyon at sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa Samoa. Siya ay “naglalatag [noon] ng pundasyon ng isang dakilang gawain.”

At sa sarili ninyong paraan, gayundin ang ginagawa ninyo.

Maaaring hindi ka tawaging gawin ang mga bagay na ginawa ni Tom, ngunit sa katunayan, ikaw ay nagpapakita ng pananampalataya sa iba-ibang paraan na gagawa ng malaking kaibhan sa iyo, sa iba, at sa gawain ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Nagpapakita ka ng halimbawa sa iyong pamilya, mga kaibigan, at sa iba sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabanalan, pagtitiyaga, kabaitan, at pagmamahal. Naglilingkod ka sa iba. Nakikibahagi ka sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal. Ibinabahagi mo ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Nitong nakaraang taon, marami sa inyo ang gumagawa sa mga bagay na ito habang nakikibaka sa mga epekto ng isang pandemya. Maaaring hindi ka nag-igib ng tubig at nanguha ng mga niyog at inalagaan ang 400 tao para manumbalik ang kalusugan, ngunit ikaw ay naghatid sa mga tao ng kaginhawahan, pag-asa, kagalakan, at kapayapaan sa maraming iba pang mga paraan.

Ang iyong edad ay hindi kasing-halaga ng iyong pananampalataya at ng kahandaan mong kumilos at maglingkod sa iba. Ang mga halimbawa mula sa nakaraan, tulad ng kay Tom Fanene, ay makakatulong sa iyo na makita na kailangan ka sa paglalatag ng pundasyon ng dakilang gawain ng Diyos.