“Pakiramdam Ko ay Bigo Ako,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 12–13.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pakiramdam Ko ay Bigo Ako
Wala akong nabinyagan noon sa misyon ko. Pagkatapos ay natanto ko na may mas mainam na paraan para masukat ang tagumpay.
Nadama mo na bang bigo ka sa isang bagay kahit na umasa ka nang buong puso mo na ikaw ay magtatagumpay? Ganyan ang pakiramdam ko nang makauwi ako mula sa aking misyon. Dalawang taon sa France, at anong kabutihan ang nagawa ko? Oo, nagkaroon ako ng mga kaibigan, natutuhan ang wika, at napamahal sa akin ang matatapat na Banal na nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.
Pero wala akong nabinyagan.
Pagkatapos ay naalala ko ang payo sa akin ng aking mission president sa huling interbyu ko: “Kung matapat mong masasabi na nalulugod ang Panginoon sa ginawa mong pagsisikap, kung matapat mong masasabi na ginawa mo ang lahat sa abot-kaya mo para sa Kanya, kung gayon iyon ang sukatan ng iyong tagumpay. Wala nang mas mahalaga pa.”
Habang iniisip ko iyan, nadama ko na kailangan kong magdasal. Unti-unting napanatag ang aking puso. Ibinulong ng Espiritu, “Alam ng Panginoon na ginawa mo ang lahat ng makakaya mo. Katanggap-tanggap ang iyong sakripisyo.” Panahon na para gawin ang susunod na mga hakbang sa buhay ko.
Fast-Forward mula sa France
I-fast-forward natin ng maraming taon. Sumusulat ako noon ng isang liham sa anak kong babae, na nagmimisyon sa Canada, nang marinig kong tumunog ang aking telepono. May nagpadala sa akin ng retrato ng loob na pabalat sa harapan ng isang kopya ng Aklat ni Mormon na may patotoong nakasulat sa wikang French—sa sariling sulat-kamay ko! Naibigay ko ang aklat sa isang sister na sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong missionary pa ako (kahit hindi ko siya nabinyagan), pero nawala siya sa Simbahan makalipas ang ilang taon. Bakit ako padadalhan ng isang tao ng larawan ng patotoong isinulat ko maraming taon na ang nakalipas?
Dumating ang larawan na may kasamang mensahe: “Iniisip ko na baka interesado kang makitang muli ang iyong patotoo. Tuwang-tuwa ang tita ko nang sumapi ako sa Simbahan kaya ibinigay niya sa akin ang Aklat ni Mormon na ibinigay mo noon sa kanya. Naisip ko na masisiyahan kang malaman kung gaano ito kahalaga sa akin.
“Hindi nanatiling aktibo ang tita ko sa Simbahan, pero lagi niya itong binabanggit, hanggang sa punto na hiniling ng nakababata niyang kapatid (ang nanay ko) na turuan siya ng mga missionary. Sumapi sa Simbahan ang nanay ko. Ikinasal siya sa templo. Siya at ang tatay ko ay nagpalaki ng apat na anak bilang mga miyembro ng Simbahan. Ako at ang tatlong kapatid ko ay nagmisyon lahat at ikinasal sa templo. Lahat kami ay aktibo at matatapat sa Simbahan.”
Labis-labis ang tuwa ko. Sa nakalipas na mga taon, akala ko bigo ako. Pero ngayon ay nakikita ko kung paano isinagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain, sa Kanyang paraan, sa paglipas ng panahon.
Habang Ginagawa Mo ang Lahat ng Makakaya Mo para sa Panginoon
Nagsimulang bumalik sa aking alaala ang iba pang mga taong tinuruan ko bilang missionary. Sumapi ang isa sa Simbahan isang taon matapos akong umuwi. Nakatira na siya ngayon sa French Polynesia, at nakakapag-chat kami sa pamamagitan ng Skype sa lahat ng oras. Ang isa naman ay sumapi sa Simbahan pitong taon pagkatapos ng misyon ko. Nagmisyon siya mismo, sa Texas, USA. Ngayon siya ang executive secretary ng isang stake sa katimugan ng France.
Naisip ko ang iba pang mga miyembrong Pranses na kilala ko at mahal ko—isang babae sa isang bahay-kalinga na sumusulat sa akin; isang lalaking nakilala ko noong tinedyer siya na ngayon ay mission president sa Africa.
Kung tinanong ninyo ako sa pagtatapos ng aking misyon, maaaring masabi kong bigo ako. Ngunit nang pag-isipan ko ang patotoong isinulat ko sa Aklat ni Mormon sa paglipas ng mga taon, natanto ko na hindi ka bigo basta ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa Panginoon. “Siguro ang tanging bagay kung saan nabigo ako ay ang pagiging bigo,” naisip ko.
Kabiguan o Tagumpay?
Noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik, isang grupo ng mga missionary ang ipinadala upang mangaral sa mga American Indian na naninirahan sa kanlurang bahagi ng Missouri (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:8; 30:6; 32:2). Inisip nila na tinutupad nila ang mga propesiya sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtanggap ng ebanghelyo ng mga Lamanita sa mga huling araw. Ngunit sa pagtatapos ng kanilang misyon, wala silang nabinyagan na kahit isang American Indian.
Kung tinanong ninyo sila, ano kaya ang sasabihin nila tungkol sa kabiguan? Gayon pa man, sa panahon ng misyon nila ay nadala nila ang iba pang mga tao sa Simbahan. Kabilang sa kanila ang mga magiging lider na tulad ni Sidney Rigdon at ng maraming miyembro sa Kirtland, Ohio, kung saan itinayo ang unang templo sa mga huling araw. Nalaman nila, tulad ng nalaman ko, na ang Panginoon ay “isisiwalat sa mga anak ng tao na may kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain” (2 Nephi 27:21).
Naupo ako sa aking upuan at ngumiti. Natanto ko na ang mga problema sa buhay ay parang mga kabiguan sa sandaling iyon. Ngunit sa paglipas ng panahon, kung patuloy mong ginagawa ang lahat ng makakaya mo, tutulungan ka ng Panginoon na gawing tagumpay ang mga ito.