2021
Walang mga Problema
Abril 2021


“Walang mga Problema,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 14–17.

Walang mga Problema

Dalawang binata mula sa Washington, USA, ang nakahanap ng mga paraan para makapaglingkod sa kabila ng pisikal na mga limitasyon.

binata

Larawan ng mga lungsod mula sa Getty Images

Nagsimulang mag-aral si Austin Nickle ng sign language noong siya ay 18 taong gulang. Nagsimula siyang dumalo sa kanyang lokal na Deaf branch at nag-sign up para makapag-aral sa isang community college. Ngunit hindi bingi si Austin.

“Isinilang ako na may problema sa pagsasalita,” sabi ni Austin. “Takot akong magsalita nang magsalita sa buong buhay ko dahil nauutal ako at hindi rin ako matatas magsalita [ang kakayahang mabigkas ang lahat ng tunog sa salita para maunawaan ito nang mas malinaw]. Pero hindi ako nahihiya. Nasisiyahan akong makihalubilo, hindi lang ako masyadong nagsasalita na tulad ng iba.”

Kung minsan kailangan ni Austin ng ilang minuto para mabigkas ang masasabi ng ibang tao sa loob lamang ng ilang segundo. Ngunit hindi siya kailanman tumigil sa pagkakaroon ng magandang pananaw at lubusang pakikibahagi sa paaralan o simbahan. At kahit na natatakot siya kung minsan, nagpapakita siya ng tapang.

“Wala siyang takot,” sabi ng bishop ni Austin sa kanyang home ward na si Rodger Pickett.

“Ako ang titser niya noon sa seminary. Wala siyang kinatatakutan sa kabila ng katotohanan na maaari siyang tuksuhin dahil sa kanyang kapansanan. At may mga miyembro noon ng klase na tumitingin na nagpapakita ng konting pagkainis, pero hindi siya takot na makibahagi, magbigay ng mga sagot, magdasal, at gumawa ng iba pang mga bagay sa klase.”

At totoo iyon. Si Austin ay hindi lamang malakas ang loob kundi mabait din. Ngunit hindi ibig sabihin niyan na madali na ang mga bagay-bagay.

Tinawag na Maglingkod

Ang pagmimisyon ay isang bagay na alam ni Austin na magiging hamon sa kanya.

“Nang maisip ko ang paglilingkod sa full-time mission,” sabi ni Austin, “alam ko na maaari akong magtagumpay sa isang service mission, pero nag-alala ako na maglingkod sa full-time proselyting mission. Gayunman, alam ko na saanman ako tawagin ng Panginoon ay doon Niya ako pinakamainam na magagamit.”

Para kay Austin, ito ay pag-alam lamang kung alin ang pinakamainam na ruta.

Isang araw ng Linggo, naging mas malinaw ang direksyon. Bumisita ang stake president sa ward ni Austin, at binabasbasan noon ni Austin ang sakramento. Bago niya natapos ang panalangin, kapwa natanggap ng stake president at ni Bishop Pickett ang parehong impresyon.

“Lumingon kami at tumingin sa isa’t isa na parehong-pareho ang nasa isip,” sabi ni Bishop Pickett. “Dapat siyang matuto ng sign language!”

Kaagad matapos ibahagi nina Bishop Pickett at President McCall ang naisip nila, sinabi ni Austin, “Hindi na ako kinakabahan sa pagpunta sa misyon. Alam ko na gusto kong maglingkod bilang ASL [American Sign Language] missionary.”

Nagsimulang dumalo si Austin sa lokal na Deaf branch at pagkatapos ay kumuha ng mga sign class sa lokal na community college. Mangyari pa, walang garantiya, ngunit masigasig siyang gumawa at inihanda ang kanyang sarili sakaling kalooban ng Panginoon na maglingkod siya sa ASL mission.

Noong Setyembre 26, 2019, natanggap ni Austin ang kanyang mission call—dalawang taong ASL mission sa Phoenix, Arizona, USA.

“Sana nakita ninyo ang mukha niya,” sabi ni Bishop Pickett. “Kagalakan. Dalisay na kagalakan. Siya ay nagsa-sign language at ang kanyang ina ang nag-iinterpret nang buksan niya ang email. Siya ay napasigaw sa sobrang tuwa … sabay na itinaas ang isang kamao na hudyat ng tagumpay.”

“Sabik na ako,” sabi ni Austin. “Nakakatuwa na maraming paraan para makapaglingkod.”

mga missionary

Si Elder Austin Nickle kasama ang unang kompanyon niya

mga missionary

“Ang Panginoon ay may misyon para sa iyo kung saan makagagawa ka ng kaibhan.”

mga missionary

Isang mainit na pagtanggap sa mission sa Phoenix, Arizona!

Kilalanin si Donovan

binata

Si Donovan Sorensen ay isinilang na mayroong mascular dystrophy, isang kondisyon kung saan ang katawan ay hindi makagawa ng sapat na protina upang muling magkaroon ng kalamnan. Siya ay nasuring mayroon nito sa edad na 7 taong gulang. “Nakakalakad ako hanggang sa mag-11 anyos ako,” sabi ni Donovan, “pero lagi na akong naka-wheelchair mula noon.”

Mas natatagalan si Donovan na gawin ang mga normal na bagay tulad ng pagbangon mula sa kama, pagbibihis, o paghahanda ng pagkain.

“Talagang natuto akong huwag balewalain ang mga bagay-bagay,” sabi ni Donovan. “Dahil dito napapahalagahan ko rin ang iba na maaaring mas nahihirapan sa mga bagay na ito kaysa sa akin.”

Sabi ng ina ni Donovan, “Sa kabila ng kanyang pisikal na mga limitasyon, hindi niya hinahayaang maging hadlang ang kanyang kalagayan sa paggawa ng anumang bagay na naiisip niya. Nagpapakita siya ng kamangha-manghang katapangan kahit palaging walang katiyakan. Malaki ang tiwala niya sa sarili at OK lang sa kanya ang maging kaiba.”

mga missionary

Nakibahagi si Donovan sa Scouting program.

mga missionary

Nasisiyahan sa pagsakay ng ferry sa Washington!

Paglilingkod sa Bahay ng Panginoon

“Dati, hindi ko iniisip ang pagpunta sa full-time proselyting mission,” sabi ni Donovan. “At OK lang iyon sa akin. Tinanggap ko na ito.”

Pero narinig ni Donovan at ng kanyang pamilya ang tungkol sa mga service mission.

“Kinontak namin ang aming area service mission coordinator. Sinabi namin sa kanya kung ano ang makakaya kong gawin,” sabi ni Donovan. “Tinulungan niya akong mahanap ang tamang pagkakataon. Mula roon, nakipagtulungan siya sa aking stake president at bishop upang tapusin ang proseso.”

Hindi nagtagal ay isinusumite na ni Donovan ang kanyang papeles. Hindi nagtagal natanggap niya ang tawag na magmisyon sa Seattle Washington Temple. Siya ay itinalaga at gumawa sa templo nang limang araw sa isang linggo pagkatapos niyon.

“Sa una ay kinakabahan ako. Nakipagkita kami sa temple president at sa recorder isang linggo bago ako nagsimula. Itinalaga ako bilang ordinance worker, at ipinakita sa akin ng recorder ang ilan sa mga bagay na gagawin ko. Kaya pinakalma noon ang nerbiyos ko. At nang magsimula ako, wala nang dapat ipag-alala. Gustung-gusto ko ang bawat minuto nito.”

Pero ang kanyang paglilingkod ay hindi dumarating nang walang sakripisyo at mga hamon.

“Isang hamon ang paggising, pero sinisiguro ko lang na hindi ako nagpapakapuyat. Karaniwan ay madali para sa akin ang bumangon at makapunta sa templo at gawin ang lahat ng kailangan nilang ipagawa sa akin.” Pero ang paggising nang maaga ay simula pa lamang. Ang kasunod nito ay ang bus stop, kung saan si Donovan ay sumasakay sa pampublikong transportasyon papunta at pabalik mula sa templo. Mga tatlong oras na biyahe ito araw-araw at kung minsan ay higit pa, depende sa panahon.

“Hindi niya itinuturing na sakripisyo ang alinman dito,” sabi ng nanay niya. “Pumupunta siya, umulan man o umaraw, o kahit may snow o niyebe. Ayaw niyang lumiban kahit isang araw, dahil alam niya na umaasa sa kanya ang mga tao at alam niya kung gaano kahalaga ang kanyang paglilingkod.”

“Gusto kong tinutulungan ang mga tao na madamang malugod silang tinatanggap,” sabi ni Donovan. “Maraming tao na ang nagpasalamat sa paglilingkod ko, at kahit ginagawa ko ang isang bagay na magagawa ng iba pang ordinance worker, maganda ang pakiramdam ko dahil alam ko na makatutulong ako sa kanila na maging masaya.”

Sina Donovan at Austin ay maaaring hindi naglilingkod sa mga paraan na dati nilang pinlano, ngunit kapwa sila naglilingkod sa paraang nais ng Panginoon na maglingkod sila—sa Kanyang paraan.

Ang awtor ay nakatira sa Washington, USA.