2021
4 na Elemento ng Perpektong Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas
Abril 2021


“4 na Elemento ng Perpektong Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 18–19.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

4 na Elemento ng Perpektong Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay perpekto para sa lahat, pati na sa iyo!

Jesucristo

Mga paglalarawan ni Corey Egbert

Naisip mo na ba kung paano maililigtas ni Jesucristo ang lahat ng nabuhay? Ano ang nagagawa ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa lahat?

Nagsimula ang lahat ng ito sa plano ng kaligtasan. Ang gawain ng Ama sa Langit ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” ng lahat ng Kanyang mga anak—ikaw at ako ay kabilang doon (Moises 1:39). Ngunit may ilang balakid na dapat malampasan ng bawat isa sa atin upang matanggap ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan. Bawat isa sa atin ay mamamatay isang araw, kaya hindi tayo imortal. At bawat isa sa atin ay nagkakasala, kaya tayo ay nagiging hindi karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan, o sa pagpunta sa presensya ng Ama sa Langit at pamumuhay na tulad Niya.

Alam ng Ama sa Langit na mahaharap tayo sa mga balakid na ito kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, sa lupa upang mabuhay, magdusa para sa ating mga kasalanan, mamatay, at mabuhay na mag-uli. Tinatawag natin itong Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil kay Jesucristo, lahat tayo ay mabubuhay na muli. At kung pipiliin nating magsisi, maaari tayong maging malinis mula sa ating mga kasalanan at makabalik sa Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 9:8–9; Alma 11:41–43).

Walang sinuman sa atin ang makagagawa nito para sa ating sarili. Si Jesucristo ang tanging taong makagagawa ng nagbabayad-salang sakripisyo para sa atin, dahil ito ay kailangang gawin sa perpektong paraan. Ngunit ano ang ibig nating sabihin kapag sinasabi natin na perpekto ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?

Narito ang apat na bagay kaya naging perpekto ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

1. Ang Kanyang Banal na Pagsilang

ang sanggol na si Jesus, sa sabsaban, kasama ni Maria

Si Jesucristo ay isinilang na Anak ng Diyos (tingnan sa Mosias 3:5–8). Mayroon siyang mortal na ina at banal na Ama. Ibig sabihin nito si Cristo ay makararanas ng mortal na buhay at gagawa Siya ng mga pagpili, ngunit Siya ay magkakaroon din ng tulong at lakas ng Diyos, gayundin ng kapangyarihang mabuhay na mag-uli.

2. Ang Kanyang Buhay na Walang Kasalanan

si Cristo na may kasamang tupa

Si Jesucristo ay hindi nagkasala noong Siya ay nabubuhay. Ginamit Niya ang Kanyang kalayaan para piliin ang pagsunod at kabutihan sa halip na magkasala (tingnan sa Mosias 15:5; Doktrina at mga Tipan 19:24; 20:22). Dahil perpekto ang Kanyang pamumuhay, ang Kanyang buhay ay naging karapat-dapat na alay o sakripisyo na maaaring tumubos sa iba mula sa kasalanan.

3. Ang Kanyang Pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani at sa Krus

Si Jesucristo sa Getsemani

Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus sa Kalbaryo, pinagdusahan ng ating Tagapagligtas ang mga pasakit at kasalanan ng lahat ng nabuhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19; Alma 7:11–14). Dahil sa pagdurusang iyon, nauunawaan ni Jesucristo ang nadarama at nararanasan ninyo—ang mabuti at ang masama—at matutulungan kayo sa inyong mga pagsubok.

4. Ang Kanyang Kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli

ang nabuhay na mag-uling Jesucristo sa libingan

Matapos ang Kanyang pagdurusa sa halamanan, si Jesucristo ay dinakip, hinampas ng latigo, at ipinako sa krus. Tinanggihan Siya ng Kanyang mga tao sa kabila ng Kanyang kawalang-malay (tingnan sa Mosias 3:9, Doktrina at mga Tipan 45:3–4). Sa ikatlong araw matapos ang Kanyang pagkamatay, si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, ang unang tao na gumawa nito sa lupa (tingnan sa I Corinto 15:20–22). Nagbangon Siya mula sa mga patay at tumanggap ng perpektong katawan. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa atin ay kumpleto na. Si Jesus ay may kapangyarihang tulungan tayo na madaig ang kasalanan at kamatayan upang makabalik tayo sa piling ng Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:11–12; 20:23–26).

Paano Nakakatulong sa Iyo ang Pagkaunawa Rito?

Ang pagkaunawa kung paano naganap ang isang pangyayari ay makatutulong sa atin na pahalagahan ang nangyari. Dahil naisakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang misyon na inorden na noon pa man sa pamamagitan ng Kanyang banal na pagsilang, buhay na walang-kasalanan, pagdurusa, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli, natapos Niya ang ganap na Pagbabayad-sala.

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay lubos na perpekto kaya maaari Niyang tubusin “hindi lamang yaong mga naniniwala pagkatapos niyang pumarito … sa laman, kundi lahat ng yaong mula pa sa simula” (Doktrina at mga Tipan 20:26). Lahat ng nabuhay—ibig sabihin ikaw!—ay maaaring piliing manampalataya, magsisi, gumawa at tumupad ng mga tipan, at makabalik sa Ama sa Langit.