2021
Nakikita ang Kabutihan ng Diyos
Abril 2021


“Nakikita ang Kabutihan ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 20.

Nakikita ang Kabutihan ng Diyos

Paano ko tatapusin ang test ko kung ni hindi ko makita ang papel?

Nakikita ang Kabutihan ng Diyos

Paglalarawan ni Michael Mullan

Isang araw sa hayskul, mayroon akong geography test kung saan kailangan kong makilala at pangalanan ang bawat kontinente at bansa sa mundo. Parang ang hirap, di ba? Pero totoo iyon. Lalo na dahil halos bulag na ako.

Mayroon akong tunnel vision, kaya ang mga mata ko—ang mata kong nakakakita pa—ay maaari lamang tumutok sa isang maliit na bahagi ng isang pahina sa isang pagkakataon. Hindi mainam para sa isang test o pagsubok kung saan kailangan kong makita ang buong larawan.

Kaagad nanghina ang loob ko. Hindi ko masabi kung alin ang Europe kumpara sa South America o ang Africa kumpara sa Australia. Labis akong nalungkot kaya nagsimula akong umiyak, kaya lalo pang lumabo ang halu-halong hugis na nasa papel ko. Salamat na lang, naligtas ako nang pumasok ang tatay ko para sunduin ako sa pagtatapos ng araw na iyon.

Binigyan ako ng guro ko ng sapat na oras para makumpleto ang test sa bahay. Matapos maghapunan nang gabing iyon naupo ako sa mesa, na handang sumubok muli, samantalang nanonood ang mga kapatid ko ng video sa sala.

Sinimulan kong sulatan ang mapa nang mapansin ko ang isang bagay sa video. Isang lalaking bulag ang nagtanong sa Tagapagligtas kung bibigyan Niya siya ng paningin. Sa sandaling iyon, higit sa ano pa man ay iyon ang gusto ko.

Bigla kong natanto na kung may makatutulong sa akin, iyon ay si Jesucristo. Hindi ako nabigyan ng paningin sa araw na iyon, ngunit habang naririnig kong pinapagaling ng Tagapagligtas ang lalaking iyon, nakadama ako ng kagalakan! Alam ko na may malasakit sa akin si Jesucristo at tutulungan akong tapusin ang aking test.

Lumuhod ako at buong pusong nagpasalamat sa aking Ama sa Langit para sa kaloob na Kanyang Anak. Pagkatapos, taglay ang bagong pagpapasiya, dinampot ko ang aking lapis, at handang sumubok muli.

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.