Mga Papugay sa Libing ni Elder L. Tom Perry
Hunyo 5, 2015, Salt Lake Tabernacle
“Gusto namin [ng kapatid kong] si Linda Gay … na personal na magpasalamat kay Sister Barbara Perry sa pagiging tapat na kabiyak sa aming ama sa loob ng mahigit 39 na taon at lalo na sa pangangalagang ibinigay niya rito sa nakaraang taon. … Nadarama namin ang iyong malaking kawalan, Barbara—isang kawalang mas tumindi dahil lubos kang tapat sa iyong asawa. …
“Bawat araw ng buhay [ni Elder Perry] ay maluwalhati sa kanya. Tinamasa niya ang buhay na laging puno ng sigla at buong pagsisikap. Lubos siyang naging abala sa lahat ng ginawa niya kaya nitong huling bahagi na lang ng buhay niya naalala na kailangan niyang magdahan-dahan. … Siya ay namuhay nang makabuluhan—isang buhay na nakalaan sa Diyos, sa pamilya, at sa bansa.”
Lee T. Perry, anak
“Ugali na ni Elder Perry ang laging umasa na makitang sumusulong ang mga bagay-bagay. Tila napakaikli ng pasensya niya kapag nasayang ang oras. Lagi niyang tinuturuan, hinihikayat, at binibigyang-inspirasyon ang lahat ng General Authority na higit pa ang magagawa namin, na mapapaganda pa namin ang aming ginagawa, at mapapabilis pa namin ang aming pagkilos para pagpalain ang buhay ng bawat miyembro ng Simbahan. …
“Naharap si Elder Perry sa personal na mga hamon, ngunit dahil sa kanyang magandang pananaw at pananampalataya sa walang-hanggang plano ng Diyos madalas niyang sabihing, ‘Hindi naging masama ang araw ko kahit kailan.’ …
“Tatlong araw bago siya pumanaw, dinalaw namin ni Elder Dallin H. Oaks sina Elder at Sister Perry. … Tulad ng dati, binanggit ni Elder Perry ang kanyang pagmamahal sa mga miyembro ng Simbahan at matinding pag-aalala at malasakit sa kanilang espirituwal na kapakanan. Sabi niya, ‘Si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng mundo. Sa Kanya nakasalalay ang lahat ng bagay. Makabubuting humanap tayo ng paraan para manatili tayong malapit sa Kanya, at kung hindi, kakatiting ang ating pag-asa. Iyan ang kailangan natin. Maaari tayong magkaroon ng totoong matibay na pagmamahal sa ebanghelyo sa mga stake ng Sion.’”
Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol
“Si L. Tom Perry ay kuya ng lahat ng nakababata sa kanya sa Korum ng Labindalawa. …
“Napakalaki ng paghanga kay Elder Perry ng lahat ng nakilala niya. Tulad ng sabi ng isang kaibigang Katoliko, ‘Kitang-kita talaga ang kanyang kabutihan. Hahanga ka sa kanya dahil sa kadakilaan ng kanyang kaluluwa.’
“Isinulat ng isa pang tanyag na pinuno ng bayan na hindi LDS, ‘Si Elder Perry ay isang inspirasyon sa akin. Apat na taon na ang nakalipas nang bumisita siya sa opisina ko sa New York. Humanga ako sa matinding kasiglahan ng taong ito. Siya ay palakaibigan, tapat, at prangkang magsalita—napakaprangka. Talagang inspirasyon siya sa akin. Tiyak ko na ganito ang epekto ni Elder Perry sa libu-libong tao noong siya ay nabubuhay.’”
Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“[Si Elder Perry] ay isang taong handang tumugon sa anumang tungkulin at buo ang tiwala naming lahat sa kanya. Biniyayaan ng matatag na pananalig, magandang pananaw, at mapagmahal na espiritu, ipinamuhay ni Tom ang pahayag ng apostol na si Pablo, ‘Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan’ (I Kay Timoteo 4:12). …
“Pinaghalo ni Tom Perry ang isang matalinong isipan at isang pusong puno ng pananampalataya para makagawa ng mga himala sa kanyang mga salita. Iba sa lahat ang kanyang estilo. Pinagkalooban siya ng buo at mataginting na tinig na ginamit niya para ipahayag ang salita ng Diyos sa loob at labas ng bansa sa buong buhay niya. Lahat ng taong nakarinig sa kanyang tinig, at nakabasa sa kanyang mga salita, ay matatanto kaagad na narito ang isang walang-takot na tagapagtanggol at tagapagpatotoo ng katotohanan. …
“Bukod pa sa kanyang pananampalataya, katapatan, at sigla, si Tom Perry ay isa sa mga pinakamabait, maunawain, at mapagmahal na lalaking nakilala ko. …
“Ipinapahayag ko sa inyo, mga kapatid, na walang lamat sa baluti ni L. Tom Perry, walang pagkukunwari sa kanyang kaluluwa, walang kapintasan sa kanyang pagkatao. Minahal niya ang Panginoon nang buong puso’t kaluluwa at pinaglingkuran Siya nang buong kakayahan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. …
“Isinilang sa Logan, Utah, tumugon si Tom sa tawag ng kanyang bayan nang maglingkod siya bilang marino noong World War II. Isa siyang kilalang negosyante, at buong kakayahang naglingkod sa bawat katungkulan sa Simbahan kung saan siya tinawag. …
“Ang kanyang paglilingkod sa gawain ng Panginoon ay kapuri-puri at walang kapintasan. …
“Ang kanyang determinadong espiritu ay nakauwi na sa Diyos na iyon na nagbigay sa kanya ng buhay. Ang kanyang mga nagawa ay hayag sa langit at doo’y magbubunga ng yaman na puno ng mabubuting gawa at tapat na paglilingkod. …
“Saanman ako magtungo sa magandang mundong ito, lagi kong maaalala ang natatanging kaibigan kong ito.”
Pangulong Thomas S. Monson