SA ALAALA NI
Elder L. Tom Perry: Isang Tagapagtayo ng Kaharian
“Alam ko na ang tanging nagtatagal na galak at kaligayahan na matatagpuan natin sa buhay dito sa lupa ay makakamit sa pagsunod sa Tagapagligtas, pagsunod sa Kanyang batas, pagtupad sa Kanyang mga utos. Siya ay buhay. Ito ang patotoo ko sa inyo.”1
Ang lungsod ay lubos na nawasak. Si L. Tom Perry ay kasama sa unang grupo ng mga marino na dumaong sa dalampasigan ng Japan kasunod ng paglagda ng kasunduang pangkapayapaan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang makarating sila sa mga guho ng Nagasaki, sinabi niya kalaunan, iyon “ang isa sa mga pinakamalungkot na karanasan sa buhay ko.”
Nang makita ni Tom ang lubusang pagkawasak, ipinasiya niya na gusto niyang gawin ang lahat para makatulong. Nagtayo ng himpilan ang mga sundalo at nagsimulang maglinis, muling magtayo, at tumulong na ilibing ang mga patay. Gayunman, higit pa rito ang gustong gawin ni Tom at ng ilan pang sundalo.
Humingi sila ng pahintulot sa kanilang division chaplain sa pagtulong na itayong muli ang mga simbahang Kristiyano sa lugar. Karamihan sa mga simbahan ay pawang isinara noong panahon ng digmaan dahil sa mga paghihigpit ng pamahalaan. Ang naroong ilang gusali ay kailangan talagang kumpunihin. Ipinaliwanag ni Tom at ng iba pang mga sundalo na sila ang magkukumpuni sa libreng oras nila.
Pinayagan sila, at nagsimula nang magtrabaho si Tom at ang iba pa.
“Hindi kami marunong ng wika nila,” paggunita niya. Ang magagawa lang namin ay ang pagkukumpuni sa mga gusali. “… Natagpuan namin ang mga ministrong hindi nakapaglingkod noong digmaan at hinikayat namin silang mangaral muli sa kanilang pulpito. Pambihira ang naging karanasan namin sa mga taong ito nang madama nilang muli ang kalayaang ipamuhay ang mga paniniwala nila bilang Kristiyano.”
Habang pasakay ng tren mula sa Nagasaki, tinukso ng ibang mga sundalo si Tom at ang mga nagtrabaho sa muling pagtatayo ng mga simbahan. Kasama ng mga sundalong ito ang kanilang mga kasintahan at pinagtatawanan ang grupo ni Tom at nilalait sila dahil sinayang daw nila ang kanilang oras sa palitada, martilyo, at pako.
Pagkatapos ay may nangyari na hinding-hindi malilimutan ni Tom habang siya ay nabubuhay. Sa kasukdulan ng panunukso, isang grupo ng halos 200 Kristiyanong Hapones ang natanaw sa munting burol na di-kalayuan sa istasyon ng tren. Naglalakad sila papunta sa istasyon ng tren habang kumakanta ng “O mga Sundalong Sakop ni Cristo.” Ang pangkat na ito ng mga Kristiyano ay nagkaloob ng mga regalo kay Tom at sa iba pang mga sundalong nagpakahirap na paglingkuran sila.
Pagkatapos ay pumila silang lahat sa tabi ng riles. “Nang umandar na ang tren, dumukwang kami at inabot namin ang kanilang mga daliri habang papaalis kami,” sabi niya. “Hindi kami makapagsalita; labis ang aming kasiyahan. Ngunit nagpasalamat kami na nakatulong kami sa maliliit na paraan sa muling pagkatatag ng Kristiyanismo sa isang bansa matapos ang digmaan.”2
Si Elder L. Tom Perry ay isang tagapagtayo sa buong buhay niya. May mga pagkakataon na nangahulugan iyan ng pagtatayo ng isang chapel na gumuho, at sa ibang mga pagkakataon naman ay nangahulugan ito ng pagpapatatag ng kaluluwa ng isang tao o ng isang bansang nangangailangan ng kanyang napakagandang pananaw, sigla, at espirituwal na lakas.
Saanman siya magtungo, iniiwan ni Elder Perry ang mga bagay-bagay nang mas matatag kaysa dati bago siya dumating.
Isinilang sa Butihing mga Magulang
Si Lowell Tom Perry ay isinilang noong Agosto 5, 1922, sa Logan, Utah, kina Leslie Thomas at Nora Sonne Perry. Isa siya sa anim na anak sa pamilya. Mahal na mahal at itinuro ng mga magulang ni Tom ang ebanghelyo sa kanilang tahanan tuwing may pagkakataon sila. Ang mabuting pagpapalaking ito ang pinagmulan ng lakas ni Elder Perry sa buong buhay niya.
Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Apostol, ikinuwento ni Elder Perry ang tungkol sa kanyang pagkabata: “Nakabihis kami sa bahay tuwing umaga, na hindi lamang nakasumbrero at nakakapote at botas upang maligtas kami sa bagyo, kundi araw-araw kaming binibihisang mabuti ng mga magulang namin ng kagayakan ng Diyos. Sa pagluhod ng pamilya namin para manalangin at makinig sa aming ama, na maytaglay ng priesthood, na ibinubuhos ang kanyang kaluluwa sa Panginoon para maproteksyunan ang kanyang pamilya laban sa nag-aapoy na mga sibat ng masama, isang patong pa ang nadaragdag sa aming kalasag ng pananampalataya. Habang ang aming kalasag ay napapalakas, ang sa kanila ay laging nariyan, sapagkat nariyan sila at alam namin ito.”3
Sa murang edad, tinuruan si Tom na magpakasipag. Sumali siya sa mga gawain ng pamilya, pati na sa pagtatanim at pag-aalaga ng malaking hardin. “Malaki ang pasasalamat ko sa isang ama na nagtiyaga na turuan ako ng pagtatanim,” sabi niya. “Ang aming pamilya ay tinuruan hindi lamang ng pagsasalansan at pagpapalit ng mga lata at bote sa estante, kundi kung paano rin patubuin at palitan ang mga prutas at gulay na kailangan upang mapunong muli ang mga lata at boteng walang laman.”4
Ang kanyang ina ay isang magaling na guro sa tahanan, sa pagtuturo sa kanyang mga anak tungkol sa ebanghelyo at sa mga katotohanan ng buhay sa lahat ng pagkakataon, kahit habang ginagawa nila ang mga gawaing-bahay. “Likas sa kanya ang pagiging guro at mas marami siyang ipinapagawa sa amin kaysa sa aming mga guro sa eskuwelahan at simbahan.”5
Tumatayo siya sa labas ng pintuan ng silid-tulugan sa gabi nang matagal upang matiyak na nanalangin ang kanyang mga anak.
Tungkol sa kanyang ina, sinabi ni Elder Perry, “Alam niya na ipinagkatiwala sa mga magulang ang edukasyon ng kanilang mga anak at, higit sa lahat, kailangang tiyakin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay natuturuan ng kung ano ang ninanais ng kanilang Ama sa Langit na matutuhan nila.”6
Isang Lider sa Kaharian
Si Elder Perry ay naglingkod sa maraming katungkulan sa pamumuno sa buong buhay niya. Naglingkod siya sa dalawang bishopric, sa isang stake high council, bilang pangalawang tagapayo sa American River Stake presidency sa California, bilang stake mission president, bilang special assistant sa Eastern States Mission president (kung saan siya gumugol ng maraming oras sa pagtulong sa pavilion ng Simbahan sa 1964–65 New York World‘s Fair), bilang pangalawang tagapayo sa Boston Massachusetts Stake presidency, at bilang pangulo ng stake na iyon. Noong 1972 tinawag siyang maging Assistant sa Labindalawa, at noong 1974 naman ay tinawag siyang maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Si Elder Perry ay nangaral at namuhay nang may malalim na espirituwal na lakas at sigla. Ang kanyang malakas na tinig ay umaalingawngaw pa rin sa puso ng mga tagapakinig kahit matagal na siyang nakababa mula sa pulpito.
Ibinahagi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod: “Si Elder L. Tom Perry ay nagbigay ng malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo. Kilala niya ang Tagapagligtas, mahal niya ang Tagapagligtas, at napakatindi [niya] sa pagpapatotoo tungkol sa kabanalan ng Tagapagligtas.”7
Isang Mabuting Asawa at Ama
Nakilala ni Tom ang kanyang asawang si Virginia Lee habang nagbibilang siya ng mga dumalo sa isang stake leadership meeting. Sinabi niya kalaunan na maayos niyang nabilang ang dumalong mga kabataang lalaki, ngunit nang bibilangin na niya ang mga kabataang babae, natigilan siya. “Bigla kong nakita ang isang kaakit-akit at magandang dalaga. Talagang hindi na ako nakapagbilang.”
Si Tom ay pumapasok noon sa Utah State Agricultural College (ngayo’y Utah State University) at masyado siyang abala. Gayunpaman, inuna niya ang pagligaw kay Virginia Lee.8
Walong buwan pagkaraang magkakilala sila, ikinasal sina L. Tom Perry at Virginia Lee sa Logan Utah Temple. Nagkaroon sila ng tatlong anak.
Ang oras sa piling ng pamilya ang pinakamahalaga kay Tom. Lagi niyang pinag-uukulan ng oras ang mga kaarawan, bakasyon ng pamilya, tradisyon ng pamilya, at iba pang mahahalagang okasyon.
Tungkol dito, may isang karanasan na hinding-hindi niya malimutan. Nang lumipat si Tom at ang kanyang pamilya sa East Coast ng Estados Unidos para magtrabaho, nagsimula silang maghanap ng mga bahay na malapit sa kanyang trabaho. Habang patuloy silang naghahanap ng bahay, sinimulan nilang maghanap sa mas malayo. Sa wakas ay nakakita sila ng bahay na nagustuhan ng buong pamilya. Ito ay magandang bahay na may isang-palapag na nasa loob ng kagubatan ng Connecticut. Ang huling pagsubok ay ang subukang magbiyahe. Umuwi si Tom na dismayado. Isang oras at kalahati ang biyahe papunta at gayon din ang pauwi.
Ipinaalam niya ang problema sa kanyang pamilya, na pinapipili sila kung gusto nila ang bahay o ang kanilang ama. Nagulat siya sa sagot nila. “Bahay na lang,” sabi nila. “Lagi po naman kayong wala e.”
Doon biglang nagbago ang buhay ni Tom. “Kailangan kong magsisi agad,” sabi niya. “Kailangan ng mga anak ko ng amang mas madalas na nasa bahay.” Sineryoso niya ang aral na iyon. “Binago ko ang ugali ko sa pagtatrabaho para madagdagan ang oras ko sa aking pamilya.”9
Katulad ng napakaraming iba pang mithiin niya sa buhay, nagtagumpay nang malaki si Tom sa mithiin niyang magkasama-sama ang pamilya. “Napakasayang kasama ang aking ama habang lumalaki ako,” sabi ni Lee Perry, anak ni Elder Perry. “Pinanatili niya kaming aktibo at gusto niyang maging bahagi ng mga ginagawa namin. Noon pa man ay alam na namin na mahal kami ng aking ama.”10
Pinalaki nina Tom at Virginia Perry ang kanilang mga anak sa kabutihan at pagmamahal. Noong Disyembre 14, 1974, walong buwan lamang matapos tawagin bilang Apostol, pumanaw ang asawa ni Elder Perry matapos ang limang-taong pakikibaka sa kanser. “Ngayo’y malusog na siya ulit, at natitiyak ko na mas masaya na sa paraiso dahil naroon siya,” sabi niya sa pagbibigay-pugay sa kanyang asawa.11
Noong Abril 28, 1976, ikinasal si Elder Perry kay Barbara Taylor sa Salt Lake Temple. Magkasamang nilakbay nina Elder at Sister Perry ang mundo, na magkasamang nangangaral at nagtuturo.
Sa kanyang buong ministeryo, madalas banggitin ni Elder Perry ang pagpapalaki sa kanya, ang sarili niyang pamilya, at ang pangangailangan ng mga pamilya na manatiling matatag at malapit sa isa’t isa. Matindi ang damdamin niya tungkol dito kaya ilang beses siyang tuwirang nangusap sa sarili niyang mga kapamilya bilang bahagi ng kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya.12
Isang Matagumpay na Negosyante
Sa buong buhay niya, mahusay si L. Tom Perry sa paggamit ng mga kasanayan at ideyang natutuhan niya mula sa isang bahagi ng buhay niya sa iba. Ilang taon makalipas ang una niyang kasal, tinawag siyang maglingkod bilang pangalawang tagapayo sa bishopric. Dumating ito sa panahong abala si Tom sa kanyang propesyon na halos hindi niya maisip kung paano isisingit ito sa kanyang iskedyul. Halos wala na siyang sapat na oras para matulog.13
Gayunman, hindi siya nag-atubiling tanggapin ito. Isa sa mga unang kasanayang natutuhan niya sa bagong bishopric ay kung paano magbigay ng tungkulin sa iba at mag-organisa. Ipinamuhay niya ang mga tuntuning ito sa negosyo at di-nagtagal ay mas marami na siyang oras sa trabaho at sa pamilya. Sa huli ay nakatulong ang mga kasanayang ito kay Tom sa pagsulong niya sa mas matataas na lebel ng pamamahala sa kanyang retail business.
Ang isa pang pagkakataon na nagamit niya ang training sa Simbahan ay pagkatapos mismo ng pagtanggap niya ng trabaho sa isang malaking kumpanya sa New York. Kabilang sa mga bago niyang responsibilidad ang paggawa ng mga budget presentation sa isang board of directors na hindi mo agad mapapaniwala.
Natakot noong una sa tungkulin, pinuntahan ni Tom ang silid kung saan niya gagawin ang presentation. Sa silid natuklasan niya ang isang malaking bahagi ng dingding na natatakpan ng pranela, na malamang na inilagay roon para gumanda ang tunog. “Habang tinitingnan ko ang malaking piraso ng pranela, naalala ko ang Primary teacher ko at ang paggamit ng flannel board [sa mga lesson].”
Umorder si Tom ng ilang flannel-backed paper, ginawa niya ang ilang bahagi ng kanyang presentation dito, at namangha ang board of directors sa budget meeting. “Ang presentation ay tila napaka-epektibo, at nang matapos ito, pinuri nila ako, salamat sa Primary teacher ko,” sabi niya.14
Bagama’t napakahusay niya sa negosyo, hindi tinulutan ni Tom kailanman na maimpluwesyahan ng kanyang propesyon ang kanyang integridad o mga pinahahalagahan. Sa isang bahagi ng kanyang trabaho, inanyayahan siya ng kanyang boss na dumalo sa iba’t ibang business dinner at sa pagtitipong ginaganap bago ito. Dahil ayaw niyang makita siya na may hawak na anumang mukhang alak sa ganitong mga pagtitipon, hindi nagtagal ay nagsimulang magdala si Tom ng isang basong gatas.
“Namangha ako, sa paglipas ng panahon, sa dami ng mga kasamahan ko na sumama sa akin para uminom ng isang basong gatas sa oras na magkakasama kami,” sabi niya. “Natuklasan ko … na ang pagiging kaiba sa mundo ay naghatid ng ilang nakatutuwang reaksyon, ngunit ang pagsunod sa batas ng Panginoon ay laging nauugnay sa Kanyang mga pagpapala.”15
Isang Makabayan
Si L. Tom Perry ay isang full-time missionary sa Northern States Mission noong kainitan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa loob ng isang buwan pagkauwi niya mula sa misyon, sumapi siya sa marine corps.
Naglingkod siya sa kanyang bayan nang may dangal at umuwi na mas makabayan pa kaysa rati. Noong Nobyembre 2013, sina Elder at Sister Perry ay mga panauhing pandangal sa 238th Marine Corps Birthday Ball. “Gusto kong sabihin na noon pa man ay ipinagmamalaki ko na ang panahong naglingkod ako sa Marine Corps,” sabi niya sa mga pagdiriwang.16
Nang tawagin siya bilang Apostol, inanyayahan si Elder Perry sa Washington, D.C, para sa isang miting ng mga pinuno ng relihiyon upang talakayin ang mga paraan na maisasali ang mga kongregasyon sa paglahok sa pagdiriwang ng ikadalawang daang taon ng Amerika. Noong una’y natuwa si Elder Perry. Gusto niyang tumulong na pag-isahin ang mga tinig ng mga simbahan sa pasasalamat sa gumagabay at nangangalagang kamay ng Diyos sa pagtatatag ng Amerika.
Nagulat siya nang ayaw ng grupo na magbigay ng gayong pahayag. Anumang pagbanggit sa ating Panginoong Diyos ay ipinagbabawal, dahil ayaw nilang masaktan ang damdamin ng mga ateista. Lungkot na lungkot si Elder Perry sa nangyari. Gayunman, taimtim niyang pinatotohanan sa pangkalahatang kumperensya ang mga katotohanang ayaw sabihin ng buong grupo ng mga pinuno ng relihiyon sa Washington. “Ituturo ko ang aking matibay na paniniwala na ang saligan ng anumang matwid na pamahalaan ay ang batas na natanggap mula sa Panginoon upang gabayan at patnubayan ang mga pagsisikap ng tao. Ang matwid na pamahalaan ay tumatanggap ng patnubay mula sa Panginoon.”17
Nanatiling makabayan si Elder Perry habambuhay.
Isang Kaibigan sa Lahat
Nakipagkaibigan si Elder Perry saanman siya magpunta. Inilalarawan sa isang kuwento ng kanyang buhay ang kanyang kakayahang makipagkaibigan sa anumang sitwasyon. Matapos silang lumipat ng kanyang pamilya sa New York City para magtrabaho, napansin niya kung paano naglalakad nang walang pakialam ang mga tao sa mga lansangan at subway.
“Naisip ko, ang susungit naman ng mga taong ito,” paggunita niya kalaunan. Ang ugali nila ay lubos na kabaligtaran ng magigiliw at palakaibigang mga tao mula sa lungsod ng California na nilisan ng kanyang pamilya. Talagang nalungkot siya sa kawalan ng mapagmahal at mababait na tao sa kanyang paligid kaya naisip niyang ibalik ang kanyang pamilya sa California. Tinanong siya ng kanyang asawa kung nasubukan na niyang gumawa ng kaibhan. Hindi pa niya nagawa ito. Sinabi ng kanyang asawa, “Bakit hindi mo subukan at tingnan kung ano ang mangyayari?”
Ipinlano ni Tom na sa pagbiyahe niya sa umaga ay makikipagkilala siya sa isang tao. Minasdan niya ang isang lalaki sa kanyang subway stop na paulit-ulit ang ginagawa tuwing umaga. Ang lalaki ay dumating sa gayon pa ring oras, bumili ng pahayagan, tumayo sa dating pinagtatayuan sa platform, at umupo sa dating upuan sa subway bawat araw tulad ng dati.
Gustong magsimula ni Tom at tingnan kung kaya niya itong kaibiganin. Inagahan niya ang pagdating isang araw at tumayo sa paboritong lugar ng lalaking ito sa platform. Pagkatapos ay naupo siya sa upuang gusto ng lalaki sa subway. Pagkaraan ng dalawang araw na paggawa nito, dumating si Tom at nalaman na mas maagang dumating ang lalaki kaysa rati at naupo sa dating puwesto niya sa platform. Bahagyang inismiran ng lalaki si Tom, na lumapit at nagsimulang tumawa habang ipinaliliwanag ang ginagawa niya.
“Naisip niya na iyon ang pinakamagandang bagay na narinig niya sa lahat,” sabi ni Elder Perry. Sumakay sila ng lalaki sa tren at magkasamang nagbiyahe. Hindi nagtagal ay naging matalik na magkaibigan sila. Tuwing umaga unahan silang makarating sa platform. Hindi nagtagal ay naging 3, at 4, at 10 pa ang mga biyaherong natutuwang makipag-agawan sa puwestong iyon.
“Nagkabuhay ang buong platform,” sabi ni Elder Perry. Sa nangyaring iyon, lahat ng kabilang ay naging malapit sa isa’t isa. Isang araw ng Pasko mga 10 sa kanila ang tumayo sa platform at sabay-sabay na kumanta ng mga awiting pamasko. “Doon ko nakilala ang ilan sa pinakamatatalik kong kaibigan.”18
Laging Tagapagtayo
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1986, ibinahagi ni Elder Perry ang isang kuwento mula sa kanyang pagkabata na naghayag ng mahalagang pananaw tungkol sa kanyang buhay. Nire-remodel noon ng tatay niya ang bahay nila, at ang pitong-taong-gulang na si Tom ang tagatanggal ng mga pako sa mga lumang tabla gamit ang crowbar at nagtutuwid sa mga ito. Kahit mahirap ang trabaho, nasiyahan siya nang matapos niya ang gawaing ito araw-araw.
Natapos ni Elder Perry ang maraming gayong proyekto sa pagtatayo sa paglipas ng mga taon, mula sa pagre-remodel ng mga chapel hanggang sa pagtatayo ng mga bagong gusali ng simbahan. Ang mga aral na natutuhan niya noong bata pa siya sa pagtutuwid ng mga pako ay tila makikita sa paraan ng kanyang pamumuhay simula noon—sa pagtatayo man ng gusali o sa ibang bagay.
Sabi niya, “May tunay na kasiyahang nagmumula sa pagtatapos ng isang gawain, lalo na kapag ito ang pinakamagandang gawaing alam nating gawin.”19
Ginagawa palagi ni Elder Perry ang pinakamaganda. Siya ay nagtayo, nagturo, naglingkod, nagpatotoo—lahat sa abot ng kanyang makakaya. Siya ay isang tunay na tagapagtayo ng kaharian.
“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo,” sabi niya. “Ipinanumbalik ito upang pagpalain ang ating buhay sa mga huling araw na ito. Naroon ang lahat ng katotohanan, alituntunin, at ordenansang nakapaloob sa dakilang plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, na isang plano para tayo makabalik at makapiling natin Siya sa kawalang-hanggan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang Kanyang banal na paraan para maharap natin ang ating maluwalhating hinaharap ang siyang patotoo ko sa inyo.”20