2015
Mga Papugay sa Libing ni Elder Richard G. Scott
Sa AlaalaElder Richard G. Scott


Mga Papugay sa Libing ni Elder Richard G. Scott

Setyembre 28, 2015, Salt Lake Tabernacle

grandsons carrying casket

Itaas: Kaliwa: Bilang pagkilala sa paglilingkod ni Elder Scott sa U.S. Navy, isang bandila ng Amerika ang ipinagkaloob sa kanyang anak na si Michael. Ang mga apo ni Elder Scott ang nagbuhat ng kanyang kabaong. Ang kanyang panganay na anak na si Mary Lee, kasama ang kanyang asawang si Bruce, na nasa tabi ng libingan ay niyakap ng isang babae. Kaliwa: Si Pangulong Thomas S. Monson ay nagsabing si Elder Scott ay isang “minamahal na kaibigan at kasamahan sa gawain ng Panginoon.” Kabilang pahina: Nakahanay ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Panguluhan ng Pitumpu sa pasukan ng Tabernacle habang ipinapasok ang kabaong.

Michael W. Scott, anak

“Si Itay ay isinilang sa isang ama na hindi miyembro ng Simbahan at sa isang ina na, bagama’t miyembro, ay hindi naging aktibo sa loob ng maraming taon. … Nakakasimba lang siya kapag may pumupunta sa bahay at sinusundo siya. Natitiyak ko na hindi naisip ng mga lider na iyon na ang batang tinulungan nila ay magiging mahalagang lider sa Simbahan. Hindi ko kilala kung sino ang mga taong iyon, ngunit nagpapasalamat ako sa kanila. Marahil isa sa mga dahilan kung bakit napakahusay ni Itay sa pagtulong sa mga tao—sa mga di-aktibo, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob, naaapi—ay dahil sa mga unang panahong iyon ng kanyang buhay, siya ang tinulungan at sinagip. …

“Nabuhay si Itay na puno ng kaligayahan at kagalakan. Siya ay isang musician at artist. … Gustung-gusto niyang maglakbay. Ang kanyang ideya tungkol sa perpektong bakasyon ay isama ang lahat ng kanyang anak at maglakbay sa iba’t ibang lugar ng bansa sakay ng kanyang Datsun station wagon. …

“Si Itay ay magandang halimbawa kung paano haharapin ang mga pagsubok. Ang isa sa halimbawang iyon ay kung paano niya hinarap ang pagkamatay ng dalawa sa kanyang mga anak. Noong sina Inay at Itay ay nawalan ng anak sa pagsilang nito at makalipas ang dalawang buwan ay pumanaw si Richard sa edad na dalawa dahil sa sakit sa puso, ang pagharap ni Itay sa pagsubok na ito ay nagpakita ng kanyang pagkatao. Noong gabing iyon, niyakap niya si Inay at sinabi sa kanya, ‘Hindi tayo dapat mag-alala, dahil isinilang siya sa loob ng tipan. Tiyak na makakapiling natin siya balang-araw. Ngayon may dahilan tayo na lalo pang magpakabuti. Nasa kahariang selestiyal na ang anak natin dahil namatay siya bago mag-walong taong gulang.’ Sa halip na magdalamhati, siya ay umasa; sa halip na sumuko, pinatatag niya ang kanyang determinasyon; sa halip na mag-alinlangan, nanampalataya siya kay Cristo. …

“Pinili niyang gawing napakainam ang mga bagay-bagay, at naging ganoon nga. Marahil ang kasal niya kay Inay ang pinakamainam sa lahat.

Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol

“Nadama [ni Elder Scott] na ang tungkulin niya mula sa Panginoon ay magbigay ng nagpapagaling na balsamo ng biyaya ni Cristo sa mga taong tila nahulog sa mga kamay ng tulisan—mga sugatan, puno ng pasakit, nagdadalamhati, walang pag-asa, yaong mga nagkasala, at yaong mga nagawan ng kasalanan. Nang may pambihirang sigasig, inanyayahan niya ang lahat na hanapin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo at madama dito ang kapayapaan, kaligayahan at kagalakan. …

“Napakahusay ni Elder Scott sa pagtuturo at pagpapatotoo tungkol sa walang hanggang saklaw ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo at ang kagalakan na matatagpuan sa pagbaling sa Diyos. …

“Siya at ang kanyang minamahal na si Jeanene ay nagturo sa atin sa pamamagitan ng kanilang halimbawa ng tungkol sa ibig sabihin ng mahalin at pahalagahan ang asawa at iukol ang lahat ng makakaya sa mga anak. Ang halimbawang iyan ng pagmamahal at katapatan ay nagbigay ng inspirasyon sa libu-libo, kung hindi man sa milyun-milyon, sa buong buhay niya. …

“Si Elder Scott ay palaging nanghihikayat, mabilis magpakita ng tiwala, masigasig sa pagpuri at pagpapadama ng kanyang pagmamahal. At ganyan siya sa kalalakihan at kababaihan saanman, maging sa mga bata. Ang kanyang tagubilin ay inspirado ngunit praktikal, at tapat. Tila hindi napapagod si Elder Scott sa pagpapayo, pagtuturo, at paghihikayat, sa indibiduwal man o grupo ng mga tao. Hindi ko masasabi sa inyo kung ilang beses at kung ilang lugar na may nagsabi sa akin ng tungkol sa natutuhan nila kay Elder Scott—kung minsan kahit noong mga tinedyer pa sila—na nakaimpluwensya sa kanilang buhay at paglilingkod magmula noon.”

casket being brought into Tabernacle

Itaas: Kaliwa: Bilang pagkilala sa paglilingkod ni Elder Scott sa U.S. Navy, isang bandila ng Amerika ang ipinagkaloob sa kanyang anak na si Michael. Ang mga apo ni Elder Scott ang nagbuhat ng kanyang kabaong. Ang kanyang panganay na anak na si Mary Lee, kasama ang kanyang asawang si Bruce, na nasa tabi ng libingan ay niyakap ng isang babae. Kaliwa: Si Pangulong Thomas S. Monson ay nagsabing si Elder Scott ay isang “minamahal na kaibigan at kasamahan sa gawain ng Panginoon.” Kabilang pahina: Nakahanay ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Panguluhan ng Pitumpu sa pasukan ng Tabernacle habang ipinapasok ang kabaong.

Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

“Naalala ko noong magpunta kami sa Central America noong Abril 1990. Tuwang-tuwa ako habang minamasdan ko na nagtuturo si Elder Scott sa mga missionary at miyembro sa wikang Espanyol. Hindi lamang napakahusay niyang magsalita sa wikang ito; siya’y napakagaling—puno ng sigla at saya ang pagtuturo niya nang may Espiritu. …

“Walang kapaguran si Elder Scott at nakikipag-usap sa mga tao saanman kami magpunta. Itinalaga niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa lahat ng tao, anuman ang kanilang nasyonalidad, lahi, o wika. Naunawaan niya ang kahalagahan ng bawat taong nakakasalamuha niya.

“Kilala siya sa pagiging mahabagin. Nakita ko siyang magturo. Nakita ko siyang tumulong. Nakita kong minahal niya ang mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Pangulong Thomas S. Monson

“Napakahusay [ni Elder Scott] sa paggawa ng anumang tungkuling ibigay sa kanya, at palagi niya itong ginagawa nang lubos at nang buong husay. …

“Nakasama natin sa maraming taon si Richard G. Scott, isang kagalang-galang na tao, isang tao ng Diyos. Si Richard ay biniyayaan ng malawak na pag-iisip, matinding katalinuhan, at pagmamahal sa kapwa. …

Minahal niya ang mga tao. Minahal niya ang kanyang pamilya. Minahal niya ang kanyang Ama sa Langit. …

“Ang magiliw na ngiti ni Richard ay nagbukas sa puso ng iba. Nakakausap niya ang mga maralita at kapus-palad gayon din ang mayayaman at kilalang tao. …

“Si Richard ay mabait. Tinuruan niya tayo nang may pagmamahal … tungkol sa katapangan, pagtitiis, pananampalataya, at katapatan. Lahat ng bagay na ito ay itinuro sa atin ni Richard G. Scott sa salita at sa gawa.”