2015
Elder Richard G. Scott: Pag-uukol ng Lahat ng Kanyang Makakaya sa Gawain ng Panginoon
Sa AlaalaElder Richard G. Scott


Elder Richard G. Scott: Pag-uukol ng Lahat ng Kanyang Makakaya sa Gawain ng Panginoon

“Bilang isa sa Kanyang mga Apostol, na may awtoridad na magpatotoo sa Kanya, taimtim kong pinatototohanan na alam ko na ang Tagapagligtas ay buhay, na Siya ay nabuhay muli at niluwalhating katauhan na sakdal ang pagmamahal.”1

Richard G. Scott with wood panel background

Itaas: larawan sa kagandahang-loob ng Deseret News

Mula sa pagkabata, ninais na ni Elder Richard G. Scott na gawin ang tama, kahit mahirap gawin ito. “Noong ako ay bata pa,” sabi ni Elder Scott, “nakipagtipan ako sa Panginoon na iuukol ko ang lahat ng aking makakaya sa kanyang gawain.”2 Ang kanyang integridad sa tipang iyon ang gumabay sa kanyang mga desisyon sa buong buhay niya. Naglingkod siya bilang full-time missionary, bilang mission president, bilang miyembro ng Pitumpu, at pagkatapos bilang Apostol ng Panginoon.

Si Richard Gordon Scott ay isinilang sa Pocatello, Idaho, USA, noong Nobyembre 7, 1928. Noong siya ay limang taong gulang, lumipat sila ng kanyang pamilya sa Washington, D.C., kung saan nagtrabaho ang kanyang ama para sa US Department of Agriculture sa ilalim ng pamamahala ni Elder Ezra Taft Benson ng Korum ng Labindalawang Apostol, na naglilingkod noon bilang kalihim ng agrikultura.

Kenneth and Mary Scott family

Itaas, kaliwa: Dahil nahikayat ng kanyang mga magulang, mahilig si Richard na magkalas ng mga bagay-bagay, pag-aralan kung paano ito gumagana, at buuin muli ang mga ito. Itaas: Kenneth at Mary Scott kasama ang kanilang mga anak (mula kaliwa): Gerald, Wayne, Walter, Mitchel, at Richard.

Noong binatilyo si Richard, hindi regular na nagsisimba ang kanyang pamilya. Tinuruan siya ng kanyang mga magulang, na sina Kenneth at Mary, ng mabubuting pag-uugali, ngunit si Kenneth ay hindi miyembro ng Simbahan noong panahong iyon, at si Mary ay di-gaanong aktibo. (Kalaunan si Kenneth ay sumapi sa Simbahan, at silang mag-asawa ay naging mga aktibong miyembro, na naglingkod nang maraming taon sa Washington D.C. Temple.) Paminsan-minsa’y nagsisimba si Richard, sa panghihikayat ng mabubuting kaibigan, bishop, at home teacher.

Noong high school, palakaibigan si Richard. Siya ay nahalal na presidente ng klase, tumugtog ng klarinete sa banda, at lider ng marching band. Bagama’t siya ay mahusay sa pag-aaral at maraming kaibigan, malungkot siya at kulang sa kumpiyansa sa sarili. Kalaunan noong naging missionary siya, nalaman niya “na hindi nararapat na maging bahagi ng buhay ko ang mga damdaming iyon kung talagang nauunawaan ko ang ebanghelyo.”3

brothers playing musical instruments

Itaas: Richard (gitna) kasama ang kanyang nakababatang mga kapatid. Itaas, kaliwa: Si Richard ay nagtapos ng mechanical engineering noong 1950. Kaliwa: Si Richard, tumutugtog ng klarinete, kasama ang kanyang mga kapatid.

Kapag bakasyon sa paaralan tuwing tag-init, naghahanap si Richard ng iba’t ibang trabaho para kumita ng pera para sa pag-aaral sa kolehiyo. Isang panahon ng tag-init nagtrabaho siya sa isang bangka na nangunguha ng talaba na malapit sa baybayin ng Long Island, New York. Sa isa pang panahon ng tag-init nagtrabaho naman siya sa Utah para magputol ng mga puno; nagkumpuni rin siya ng mga bagon ng tren. At sa isa pang panahon ng tag-init humingi siya ng trabaho sa Utah Parks Company kahit sinabi na sa kanya na wala silang bakante. Nag-alok siyang maghugas ng pinggan sa loob ng dalawang linggo nang walang suweldo. Naisip niya na kahit paano ay may matitirhan at makakain naman siya. Siya ay tinanggap sa trabaho matapos makita na kusa siyang tumutulong sa pagluluto pati na rin sa paghuhugas ng pinggan.4

Pagkatapos ng hayskul, nag-aral si Richard sa George Washington University sa Washington, D.C., at nakapagtapos ng bachelor‘s degree sa mechanical engineering noong 1950.

Pinag-isipan ang Pagmimisyon

Richard G. Scott as a missionary

Ibaba: Si Elder Scott ay naglingkod bilang missionary sa Uruguay. Ibaba: Pagkatapos magmisyon ikinasal siya kay Jeanene Watkins sa Manti Utah Temple noong Hulyo 1953.

Sa edad na 22, hindi niya gaanong iniisip ang pagmimisyon. Ngunit nagsimula niyang pag-isipan ito matapos sabihin sa kanya ng dalagang ka-deyt niya, na si Jeanene Watkins, “Kapag nagpakasal ako, dapat sa templo iyon at sa isang returned missionary.”5 Sinimulan niyang ipagdasal ang tungkol sa pagmimisyon at kinausap ang kanyang bishop tungkol dito. Siya ay tinawag na maglingkod sa Uruguay, mula 1950 hanggang 1953.

Si Jeanene ay nag-aral ng makabagong sayaw at sociology sa George Washington University. Nagtapos siya noong 1951 at nagmisyon sa hilagang-kanlurang Estados Unidos. Dalawang linggo pagkabalik ni Elder Scott mula sa kanyang misyon, siya at si Jeanene ay ibinuklod sa Manti Utah Temple, noong Hulyo 1953. Tungkol sa pagbubuklod na iyon, ibinahagi niya sa pangkalahatang kumperensya, “Hindi ko maipaliwanag ang kapayapaan at katiwasayang hatid ng katiyakan na kapag patuloy akong namuhay nang karapat-dapat, makakasama ko ang mahal kong si Jeanene at ang aming mga anak magpakailanman dahil sa sagradong ordenansang iyon na isinagawa ng wastong awtoridad ng priesthood sa bahay ng Panginoon.”6

Richard and Jeanene Scott on wedding day

Maraming beses sa kanyang buhay, si Elder Scott ay gumawa ng mabubuting desisyon sa kabila ng oposisyon at pamimilit ng mga kaibigan. Ganoon ang nangyari nang tanggapin niya ang tawag na magmisyon. Paggunita niya: “Ang mga propesor at kaibigan ko ay tinangkang pigilan ako na tanggapin ang tawag na magmisyon, at sinabing makakahadlang ito nang husto sa propesyon ko bilang inhinyero. Ngunit hindi nagtagal pagkatapos ng misyon ko, napili akong magtrabaho sa katatayo pa lamang na Naval Nuclear Program. … Sa isang miting na ako ang pinamahala, nalaman ko na isa sa mga propesor na nagpayo sa akin na huwag akong magmisyon ay nasa mas mababang posisyon kaysa akin. Ito ay isang malakas na patotoo sa akin kung paano ako pinagpala ng Panginoon kapag tama ang mga priyoridad ko.”7

Mga limang taon matapos silang ikasal, sina Elder at Sister Scott ay nakaranas ng isang pangyayari na inilarawan niya bilang “isang karanasang nagpapaunlad”—isang mahirap na pagsubok na naging isang pagpapala sa buhay ng kanyang pamilya. Mayroon na silang isang anak na babae at isang anak na lalaki sa panahong iyon, edad tatlo at dalawa. Ipinagbubuntis ni Sister Scott ang isang sanggol na babae. Sa kasawiang palad, pumanaw ang sanggol pagkasilang nito.

Anim na linggo pagkaraan nito, namatay naman ang kanilang dalawang-taong-gulang na anak na si Richard pagkatapos ng operasyon nito sa sakit sa puso. Isinalaysay ni Elder Scott:

“Ang aking ama, na noon ay hindi miyembro ng Simbahan, ay mahal na mahal ang aming munting si Richard. Sinabi niya sa nanay ko na hindi aktibo, ‘Hindi ko maunawaan kung paano tila natatanggap nina Richard at Jeanene ang pagpanaw ng mga batang ito.’

“Si Inay, na sumagot ayon sa inspirasyong natanggap ay nagsabing, ‘Kenneth, sila ay nabuklod sa templo. Alam nila na makakasama nila ang kanilang mga anak sa kawalang-hanggan kung mamumuhay sila nang matwid. Pero ikaw at ako ay hindi makakasama ang ating limang anak na lalaki dahil hindi tayo gumawa ng mga tipang iyon.’

“Inisip ng aking ama ang mga salitang iyon. Siya ay nagsimulang makipagkita sa mga stake missionary at kalaunan ay nabinyagan. Pagkaraan lamang ng isang taon, sina Inay, Itay, at ang kanilang mga anak ay nabuklod sa templo.”8

Kalaunan nag-ampon sina Elder at Sister Scott ng apat na bata.

Richard and Jeanene Scott family

Itaas: Ang pamilya Scott noong 1965, noong tawagin siyang maglingkod bilang mission president sa Argentina, kasama ang mga anak na sina Mary Lee, Linda at Kenneth. Ibaba (mula kaliwa): Kenneth, David, Linda, Jeanene, Elder Scott, Michael, at Mary Lee. Kabilang pahina: Nagtrabaho para sa US Navy, tumulong si Elder Scott sa pagdisenyo ng nuclear reactor para sa unang nuclear-powered submarine.

Paglilingkod bilang Mission President

Habang nagtatrabaho sa naval program sa Oak Ridge, Tennessee, natapos ni Elder Scott ang katumbas ng isang doctorate sa nuclear engineering. Dahil kumpidensyal ang propesyong ito, hindi maaaring igawad ang degree. Ang naval officer na nag-imbita kay Richard na sumama sa nuclear program ay si Hyman Rickover, isang pioneer sa larangang iyon. Magkasama silang nagtrabaho sa loob ng 12 taon—hanggang sa tawagin si Richard na maglingkod bilang mission president sa Argentina noong 1965. Ipinaliwanag ni Elder Scott kung paano niya natanggap ang tawag:

Richard G. Scott in navy uniform

Itaas: Ang pamilya Scott noong 1965, noong tawagin siyang maglingkod bilang mission president sa Argentina, kasama ang mga anak na sina Mary Lee, Linda at Kenneth. Ibaba (mula kaliwa): Kenneth, David, Linda, Jeanene, Elder Scott, Michael, at Mary Lee. Kabilang pahina: Nagtrabaho para sa US Navy, tumulong si Elder Scott sa pagdisenyo ng nuclear reactor para sa unang nuclear-powered submarine.

“Nasa miting ako isang gabi kasama ang mga taong gumagawa ng mahalagang bahagi ng plantang nukleyar. Pumasok ang aking sekretarya at sinabing, ‘May gusto pong kumausap sa inyo sa telepono na nagsabing kung sasabihin ko sa inyo ang kanyang pangalan ay kakausapin ninyo siya.’

“Sabi ko, ‘Ano ang pangalan niya?’

“Sabi niya, ‘Harold B. Lee.’

“Sabi ko, ‘Tama siya.’ Kinausap ko ang nasa telepono. Nagtanong si Elder Lee, na kalauna’y naging Pangulo ng Simbahan, kung maaari akong makipagkita sa kanya nang gabi ring iyon. Nasa New York City siya, at ako’y nasa Washington, D.C. Sumakay ako ng eroplano para makipagkita sa kanya, at ininterbyu niya ako at tinawag akong maging mission president.”

Pagkatapos niyon nadama ni Elder Scott na dapat niyang sabihin kaagad kay Admiral Rickover, isang lalaking masipag at mahigpit, ang tungkol sa tungkuling ibinigay sa kanya.

“Habang ipinaliliwanag ko sa kanya ang tawag sa misyon at na kailangan kong magbitiw sa aking trabaho, nagalit siya. Nagsalita siya ng ilang bagay na di marapat banggitin, binasag ang trey ng papel sa kanyang mesa, at sa mga sumunod na sinabi niya ay malinaw ang dalawang bagay:

“‘Scott, ang ginagawa mo sa defense program ay napakahalaga kung kaya kailangan ng isang taon bago ka mapalitan, kaya hindi ka maaaring umalis. Pangalawa, kung aalis ka man, isa kang traydor sa bayan.’

“Sabi ko, ‘Puwede kong bigyan ng pagsasanay ang papalit sa akin sa natitirang dalawang buwan, at hindi malalagay sa anumang panganib ang bansa.’

“Nagpatuloy ang pag-uusap namin, at sa huli’y sinabi niyang, ‘Hinding-hindi na kita muling kakausapin. Ayaw na kitang makita kahit kailan. Tapos ka na, hindi lang dito, at huwag mo nang planuhing muli na magtrabaho sa nuclear field.’”

“Ang sagot ko, ‘Admiral, puwede mo akong hindi papasukin sa opisina, at maliban na lang kung hadlangan ninyo ako, ipapasa ko ang gawaing ito sa ibang tao.’”

Tapat sa kanyang salita, hindi na nakipag-usap kay Elder Scott ang admiral. Kapag may mahahalagang desisyon na kailangang gawin, magpapadala siya ng mensahero. Inatasan niya ang isang tao na pumalit sa posisyon ni Elder Scott, at binigyan ni Elder Scott ng training ang taong ito.

Sa kanyang huling araw sa opisina, humingi si Elder Scott ng appointment sa admiral. Nagulat ang kanyang sekretarya. Pumasok si Elder Scott sa opisina na may dalang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Ipinaliwanag ni Elder Scott ang sumunod na nangyari:

“Tiningnan niya ako at sinabing, ‘Maupo ka, Scott, anong dala-dala mo? Ginawa ko na ang lahat para mapagbago ang isip mo. ano pang sasabihin mo?’ Ang sumunod ay isang napakaganda at tahimik na pag-uusap. Mas nakinig na siya sa pagkakataong ito.

“Sinabi niya na babasahin daw niya ang Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay nangyari ang isang bagay na hindi ko inaasahan. Dagdag pa niya, ‘Pag-uwi mo galing sa misyon, gusto kong tawagan mo ako. May trabahong naghihintay para sa iyo.’”9

Ibinahagi ni Elder Scott ang isang aral na natutuhan niya mula sa karanasang ito: “Magkakaroon kayo ng mga pagsubok at mahihirap na desisyon na gagawin sa buong buhay ninyo. Ngunit pagpasiyahan ngayon na laging gawin ang tama at makikita ninyo ang bunga ng mga ito. Ang ibubunga nito ay palaging magiging para sa inyong ikabubuti.”10

Sa paglilingkod sa Argentina, si Pangulong Richard G. Scott ay naging isang mahusay ngunit mahabaging mission president. Naalala ng isa sa kanyang mga missionary na si Wayne Gardner ang pangyayari noong siya ang naatasang mag-asikaso sa lugar kung saan gaganapin ang kumperensya ng mga missionary na isang lugar na malayo sa mission home at siya rin ang susundo kay Pangulong Scott mula sa airport. Sa huling sandali, ang gusali na iniskedyul ni Elder Gardner para sa kumperensya ay nalaman niyang hindi nila magagamit. Pagkatapos nahuli sila ng kanyang kompanyon sa pagsundo kay Pangulong Scott sa airport. Nalimutan din nila na sabihin sa drayber ng taxi na maghintay sa kanila at wala nang iba pang taxi roon, kaya na-stranded sila.

“Bagama’t nakita ko ang pagkadismaya sa mga mata ng pangulo,” paggunita ni Elder Gardner, “inakbayan niya ako at sinabi sa akin na mahal niya ako. Siya ay mapagpasensya at maunawain. Sana’y hindi ko malimutan ang aral na iyon.”11

Richard G. Scott holding up Book of Mormon

Sa Aklat ni Mormon kumukuha ng inspirasyon si Pangulong Scott para sa kanyang sarili at para sa mga missionary. Minsan, isang missionary ang pumunta sa kanyang opisina na may problema. Paggunita ni Elder Scott:

“Habang nagsasalita siya, naisip ko na ang mga sasabihin ko sa kanya para matulungan siya sa kanyang problema. Nang matapos siya, sinabi ko, ‘Alam ko kung paano kita matutulungan.’ Sabik siyang tumingin sa akin, at biglang nablangko ang isip ko. Hindi ko na talaga maalala ang inihanda kong sasabihin sa kanya.

“Sa pag-aalala, sinimulan kong buklat-buklatin ang Aklat ni Mormon na hawak ko sa aking kamay hanggang sa matuon ang aking mata sa isang napakahalagang talata sa banal na kasulatan, na aking binasa sa kanya. Tatlong beses itong nangyari. Bawat talatang binasa ko sa banal na kasulatan ay angkop na angkop sa kanyang sitwasyon. Pagkatapos, parang isang tabing ang nahawi sa aking isipan, naalala ko ang payo na balak kong ibigay sa kanya. Nagkaroon ito ngayon nang mas malalim na kahulugan, dahil nakabatay ito sa napakahalagang mga talata sa banal na kasulatan. Nang matapos akong magsalita sa kanya, sinabi niya, ‘Alam ko po na ang ipinayo ninyo sa akin ay naaayon sa inspirasyon dahil inulit ninyo ang gayon ding tatlong talata sa banal na kasulatan na ibinigay sa akin noong italaga ako bilang missionary.’”12

Patuloy na Naglingkod sa Sariling Bayan at sa Ibang Bansa

Nang matapos ang mga Scott sa kanilang misyon at bumalik sa Washington, D.C., nagpatuloy si Elder Scott sa pagtatrabaho sa nuclear engineering industry. Hiniling ng ilan sa dati niyang mga kasamahan noon bago siya magmisyon na sumama siya sa kanilang pribadong kumpanya. Nagtrabaho siya sa kumpanyang iyon mula 1969 hanggang 1977. Naglingkod siya sa simbahan bilang tagapayo sa stake presidency at kalaunan bilang regional representative.

Noong 1977, walong taon matapos i-release bilang mission president, si Elder Scott ay tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu. Kabilang sa kanyang unang mga tungkulin ay ang pagiging Executive Director ng Priesthood Department at pagkatapos bilang Executive Administrator sa Mexico at Central America. Siya at ang kanyang pamilya ay nanirahan sa Mexico City sa loob ng tatlong taon para sa tungkuling iyon. Pinasalamatan ng mga miyembro sa Latin America ang kanyang magiliw na pamumuno, kahusayang magsalita ng Espanyol at taos-pusong pagmamahal sa mga tao.

Richard G. Scott with Mexican Saints

Itaas: Bumisita sina Pangulong Spencer W. Kimball at Sister Camilla Kimball sa Argentina North Mission, kung saan naglingkod si Elder Scott bilang mission president. Binuksan din ni Elder Scott ang gawaing misyonero sa mga Quechua Indian sa katimugang Bolivia. Ibaba: Si Elder Scott, na mahusay magsalita ng Espanyol, ay namuno sa paglikha ng ika-100 istaka sa Mexico.

Ibaba: larawan sa kagandahang-loob ng Deseret News archive

Kahit isang General Authority, siya ay mapagpakumbabang natuto mula sa mga lokal na guro at lider. Naalala niya na nakatanggap siya ng paghahayag habang nakaupo siya sa miting ng priesthood sa isang branch sa Mexico City:

“Malinaw sa alaala ko kung paano pinagsikapan ng mapagpakumbabang Mexicanong lider ng priesthood na iparating ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanyang aralin. … Sa kanyang kilos, kitang-kita ang dalisay na pag-ibig ng Tagapagligtas at pagmamahal ng mga tinuturuan niya.

“Dahil sa kanyang katapatan, kadalisayan ng hangarin, at pagmamahal nadama sa buong silid ang Espiritu. Lubha akong naantig. Pagkatapos ay nakatanggap ako ng mga inspirasyon bunga ng mga alituntuning itinuro ng mapagpakumbabang gurong iyon. …

“Maingat kong isinusulat ang bawat impresyong dumating. Sa pangyayaring iyon, nabigyan ako ng mahahalagang katotohanang kailangang-kailangan ko para maging mas epektibong lingkod ng Panginoon.”13

Nang makauwi mula sa Mexico, tumanggap siya ng isa pang mahalagang tungkulin: paglilingkod bilang managing director ng Family History Department. Hindi lamang siya tumulong sa pangangasiwa ng gawain sa family history ng Simbahan kundi ginawa rin niya ang kanyang sariling family history. Dahil ang ama ni Elder Scott ay convert sa Simbahan, maraming gagawing pagsasaliksik sa angkan ng kanyang ama. Si Elder Scott at kanyang asawa, kasama ang kanyang mga magulang, ay naglaan ng panahon sa pagsasaliksik ng kasaysayan ng kanilang pamilya.

Sa kalagitnaan ng 1980s, ang teknolohiya ay nagsimulang magkaroon ng malaking bahagi sa gawain sa family history, ngunit “kahit may tulong na ng mga computer, kailangan pa rin ang paggawa ng bawat isa sa gawaing ito,” sabi ni Elder Scott, “upang magkaroon ang mga miyembro ng Simbahan ng mga dakilang espirituwal na karanasan na kasama nito.”14

Quorum of the Twelve Apostles

Kaliwa: Si Elder Scott (dulong kanan) ay tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1988, kung saan naglingkod siya sa loob ng 27 taon. Ilalim, kaliwa: Habang binabati at kinakamayan niya si Pangulong Thomas S. Monson. Ibaba: Si Elder Scott ay tinawag na maglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu noong 1983. Ibaba: Nililisan ang pangkalahatang kumperensya kasama sina Elder Jeffrey R. Holland at M. Russell Ballard.

Noong 1988, isang napakabigat na tungkulin ang dumating. Kinausap siya ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), na, “nang may kabaitan at pagmamahal at malaking pag-unawa,” ay ibinigay kay Elder Scott ang tungkulin na maging Apostol ng Panginoon. “Talagang napaiyak ako,” sabi ni Elder Scott tungkol sa karanasang iyon. “At pagkatapos magiliw na ikinuwento ni Pangulong Benson ang tungkol sa pagtawag sa kanya para mapanatag ako. Nagpatotoo siya kung paano ako natawag sa tungkuling ito. Palagi kong maaalala ang pagkamaalalahanin at pagkamaunawain ng propeta ng Panginoon.”15 Si Elder Scott ay sinang-ayunan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1.

Pag-aasawa

Sina Elder Scott at ang kanyang asawang si Jeanene, ay magkasamang gumagawa sa maraming aktibidad, tulad ng pagmamasid sa mga ibon, pagpipinta (watercolor ang gamit ni Elder Scott, pastel naman ang gamit ni Sister Scott), at pakikinig ng jazz at ng folk music ng mga taga-South America.

Richard and Jeanene Scott reading scriptures

Batid ng mga nakarinig sa mga mensahe ni Elder Scott sa pangkalahatang kumperensya kung gaano niya kamahal si Jeanene. Madalas niya itong banggitin, kahit noong wala na ito. Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu noong 1977, pinuri ni Elder Scott ang kanyang asawa, “isang minamahal at itinatanging kabiyak. … Si Jeanene ay huwaran noon pa man ng dalisay na patotoo, pagmamahal, at katapatan; siya ang lakas ko.”16

Kamakailan lang, sa isang nagbibigay-inspirasyong mensahe sa kumperensya tungkol sa pag-aasawa, ginunita niya ang maraming pagpapakita ng pagmamahal nila ni Jeanene sa isa’t isa para mapatatag ang kanilang pagsasama. Nagtapos siya sa pagsasabing: “Alam ko ang kahulugan ng mahalin ang isang anak na babae ng Ama sa Langit na sa kabutihan ng loob at katapatan ay namuhay na ganap na mabuting babae. Tiwala ako na, sa hinaharap, kapag nagkita kaming muli sa kabilang-buhay, malalaman namin na lalo pang lumalim ang aming pag-iibigan. Mas pahahalagahan namin ang isa’t isa, ngayong pinaghiwalay kami ng tabing.”17

Sila ngayon ay magkasama nang muli.

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “He Lives,” Liahona, Ene. 2000, 108.

  2. Sa “Elder Richard G. Scott of the Quorum of the Twelve,” Ensign, Nob. 1988, 101.

  3. Sa Marvin K. Gardner, “Elder Richard G. Scott: ‘The Real Power Comes from the Lord,’” Tambuli, Peb. 1990, 18.

  4. Tingnan sa Gardner, “Elder Richard G. Scott: ‘The Real Power Comes from the Lord,’” Tambuli, Peb. 1990, 19.

  5. Jeanene Watkins, sa Gardner, “Elder Richard G. Scott: ‘The Real Power Comes from the Lord,’” Tambuli, Peb. 1990, 20.

  6. Richard G. Scott, “Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,” Liahona, Mayo 2011, 94.

  7. Sa “Elder Richard G. Scott of the First Quorum of the Seventy,” Ensign, Mayo 1977, 102–3.

  8. Richard G. Scott, “Receive the Temple Blessings,” Liahona, Hulyo 1999, 31.

  9. Richard G. Scott, “Paggawa ng Mahihirap na Desisyon,” Liahona, Hunyo 2005, 8–9, 10.

  10. Richard G. Scott, “Do What Is Right,” Liahona, Mar. 2001, 14.

  11. Wayne L. Gardner, sa Gardner, “Elder Richard G. Scott: ‘The Real Power Comes from the Lord,’” Tambuli, Peb. 1990, 21.

  12. Richard G. Scott, “The Power of the Book of Mormon in My Life,” Ensign, Okt. 1984, 9.

  13. Richard G. Scott, “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 7.

  14. Sa “Elder Richard G. Scott of the Quorum of the Twelve,” Ensign, Nob. 1988, 102.

  15. Sa “Elder Richard G. Scott of the Quorum of the Twelve,” Ensign, Nob. 1988, 101.

  16. Richard G. Scott, “Gratitude,” Ensign, Mayo 1977, 70.

  17. Richard G. Scott, “Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,” Liahona, Mayo 2011, 97.