Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro
Pamamahala sa Silid-aralan


“Pamamahala sa Silid-aralan,” Pamamahala sa Silid-aralan (2023)

“Pamamahala sa Silid-aralan,” Pamamahala sa Silid-aralan

Pamamahala sa Silid-aralan

Ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagmumungkahi ng tatlong pangunahing layunin ng pagtuturo na nais makamit ng mga tagapangasiwa at titser upang maisakatuparan ang layunin ng Seminaries and Institutes of Religion:

  1. Itinuturo natin sa mga estudyante ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na nasa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta.

  2. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay itinuturo sa paraang humahantong sa pagkaunawa at pagiging matatag.

  3. Tinutulungan natin ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral at maihanda sila sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba.

Upang makatulong na makamit ang mga mithiing ito, ang mga titser at estudyante sa seminary at institute ay partikular na hinihikayat na gamitin ang Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo.

Ang mga alituntunin, kasanayan, at resultang ito ay magkakaugnay. Kapag naipatupad nang buong talino at nakaayon sa isa’t isa, ang mahahalagang alituntuning ito ay makapag-aambag sa kakayahan ng mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang mga doktrina at mga alituntuning nilalaman ng mga ito. Ang mga ito ay naghihikayat din sa mga estudyante na aktibong gampanan ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral nila ng ebanghelyo at nagpapaibayo sa kakayahan ng mga estudyante na ipamuhay ang ebanghelyo at ituro ito sa iba.

Magturo at Mag-aral sa Pamamagitan ng Espiritu

Ang pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo ay nangyayari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang pagtuturo at pag-aaral sa pamamagitan ng Espiritu ay nangyayari kapag ginagawa ng Espiritu Santo ang Kanyang gawain o tungkulin sa titser, sa estudyante, o sa kanilang dalawa. Tanging sa pagtuturo at pag-aaral lamang sa pamamagitan ng Espiritu mauunawaan ng mga estudyante ang mga turo at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at aasa rito sa paraan na magiging karapat-dapat sila sa buhay na walang hanggan.

Binigyang-diin ni Pangulong Henry B. Eyring ang mahalagang papel ng Espiritu Santo sa espirituwal na pag-aaral nang ituro niya: “Ang mga estudyante natin ay hindi makikilala ang Diyos, o kaya’y magmamahal sa dapat nilang mahalin, maliban kung tinuruan sila ng Espiritu Santo. Tanging sa pamamagitan ng Espiritu nila malalaman na sapat ang pagmamahal sa atin ng Diyos upang isugo ang Kanyang Anak upang magsakripisyo para sa ating mga kasalanan at na si Jesus ang Anak ng Diyos at na si Cristo ang nagbayad ng ating mga kasalanan. Tanging sa pamamagitan ng Espiritu nila malalaman na ang Ama sa Langit at ang Kanyang nabuhay na mag-uli at niluwalhating Anak ay nagpakita kay Joseph Smith. Tanging sa pamamagitan ng Espiritu nila malalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoong salita ng Diyos. At tanging sa pamamagitan ng inspirasyon nila madarama ang pag-ibig ng Ama at ng Anak para sa kanila sa pagbibigay sa atin ng mga ordenansang kinakailangan upang matanggap ang buhay na walang hanggan. Tanging sa pagtatamo ng mga patotoong iyon, na itinimo sa kanilang mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mag-uugat sila sa isang tiyak na saligan upang manatiling matatag sa mga tukso at pagsubok sa kanilang buhay” (“To Know and to Love God” [evening with a General Authority, Peb. 26, 2010], 2).

Larawan
babaeng nagtuturo

Ang sumusunod na listahan ay naglalaman ng ilang tungkulin ng Espiritu Santo na tuwirang may kaugnayan sa Kanyang papel na ginagampanan sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo:

Kapag naunawaan nila ang mahalagang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa espirituwal na pag-aaral, gagawin ng mga titser ang lahat ng kanilang makakaya para maanyayahan ang Espiritu na gampanan ang mga tungkuling ito. Para magawa ito, sisikapin ng mga titser na maging karapat-dapat. Iaalay nila ang “panalangin nang may pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 42:14) at sisikaping maging lubos na handa para sa bawat lesson. Hahangarin nilang pagtuunan ng pansin ang mga karanasan sa pagkatuto ng kanilang mga estudyante at maging payapa ang kanilang mga puso sa halip na mabahala at mabalisa tungkol sa ibang bagay. Sila ay magpapakita ng diwa ng mapagpakumbabang pagtatanong. Hihikayatin din nila ang kanilang mga estudyante na anyayahan ang Espiritu Santo sa kanilang karanasan sa pag-aaral.

Maaaring magtulungan ang mga titser at estudyante na lumikha ng kaaya-ayang kapaligirang akma sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng:

  • Pagkakaroon ng mga makabuluhang debosyonal.

  • Pagbabasa at pagtuturo mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta.

  • Pagtutuon ng pansin sa mga halimbawa at talakayan tungkol sa Tagapagligtas at pagpapatotoo tungkol sa Kanya.

  • Paglalahad ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo nang simple at malinaw.

  • Paggugol ng oras para sa taimtim na pagninilay sa mga sandali ng katahimikan na nagbibigay-inspirasyon.

  • Pagbabahagi ng mga angkop na personal na karanasan at pagpapatotoo sa mga doktrina at mga alituntunin.

  • Paggamit ng musikang nagbibigay-inspirasyon.

  • Pagpapahayag ng pagmamahal at pasasalamat sa bawat isa at sa Panginoon.

Nadarama ng mga titser kung ang mga tungkulin o impluwensya ng Espiritu ay nakikita o hindi sa kanilang mga klase sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga tanong na tulad ng sumusunod:

  • Nadarama ba ng mga estudyante ang higit na pagmamahal para sa Tagapagligtas, sa ebanghelyo, at sa mga banal na kasulatan?

  • Malinaw bang nauunawaan ng mga estudyante ang mga alituntuning itinuturo?

  • Ang mga estudyante ba ay sumigla at inspirado ba silang isabuhay ang mga alituntuning natutuhan nila?

  • Ang klase ba ay lalong nagkakaisa?

  • Ang mga patotoo ba ay naipapahayag at napapalakas?

  • Ang mga estudyante ba ay interesado at nakatuon sa pag-aaral?

  • Nararamdaman ba ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan” (Galacia 5:22) sa loob ng klase?

Mahalagang tandaan na walang titser, gaano man kagaling o katapat, ang makagaganap ng mga tungkulin ng Espiritu. Paminsan-minsan ay sinisikap ng mga titser na gumawa ng mga espirituwal na karanasan. Itinuro ni Elder Boyd K Packer: “Hindi ninyo mapipilit ang mga espirituwal na bagay. … Hindi ninyo mapipilit ang Espiritu na tumugon katulad ng hindi ninyo mapipilit umusbong ang isang buto ng gulay, o mapisa ang isang itlog nang wala sa panahon. Maaari kayong lumikha ng kapaligiran para mapalago, mapangalagaan, at magprotekta; pero hindi kayo maaaring mamuwersa o mamilit: kailangan ninyong hintayin ang pag-unlad” (“Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53).

Ang mga titser na naghahangad magturo sa pamamagitan ng Espiritu ay hindi dapat umasa lamang sa kanilang katalinuhan, kasanayan sa pagtuturo, o pagkatao kundi sa impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 4:34). Dapat din nilang iwasang manipulahin ang mga emosyon o sadyang magpaiyak bilang katibayan na ang Espiritu ay naroon. Nagbabala si Pangulong Howard W. Hunter: “Palagay ko kung hindi tayo maingat na tulad ng … mga guro na nagtuturo sa silid-aralan araw-araw, baka simulan nating tangkaing palsipikahin ang tunay na impluwensya ng Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ng di-marapat at mapagmanipulang pamamaraan. Nababahala ako kapag lumalabas na tila ang matinding emosyon o pagdaloy ng luha ay itinuturing na kasing-kahulugan ng pagkakaroon ng Espiritu. Tiyak na ang Espiritu ng Panginoon ay makapagdudulot ng matitinding damdamin, kabilang ang mga pagluha, pero ang panlabas na pagpapakitang iyon ay hindi dapat ipagkamali sa presensya mismo ng Espiritu” (“Eternal Investments” [evening with a General Authority, Peb. 10, 1989], 4).

Ang mga titser ay dapat maging maingat sa paggamit ng mga katagang tulad ng “Sinabi sa akin ng Espiritu na …” o “Sinabi ng Espiritu na dapat akong …” nang sinasadya o di-sinasadya, ang mga katagang ito ay maaaring ituring na pagmamalaki sa sarili at nagpapahiwatig ng pagmamalabis sa espirituwalidad at maaaring humantong sa espirituwal na pamimilit. Karaniwang sapat na para sa mga titser na kumilos ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu nang hindi ibinabalita na ginagawa nila ito.

Ibinigay ni Pangulong Henry B. Eyring ang payong ito: “Ang pagbibigay sa mga estudyante ng mga karanasan sa Espiritu ay mas mahalaga kaysa pag-uusap tungkol dito. At dapat nating maunawaan na nadarama ng bawat tao ang Espiritu sa iba-ibang paraan. … Sa palagay ko napakapersonal nito kaya naman magiging maingat ako sa pagtukoy rito. Palagay ko ang maranasan ito … ay maaaring mas mabuti pa kaysa kung patuloy mong sinasabing, ‘Nadarama ba ninyo ang Espiritu?’ Sa palagay ko ay hindi ito makatutulong” (“Elder Richard G. Scott and Elder Henry B. Eyring Discussion” [CES satellite training broadcast, Ago. 2003], 8).

Dapat isaisip ng mga titser na ang pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ay hindi nag-aalis sa kanilang responsibilidad na masigasig at maingat na paghandaan ang lesson, kabilang na ang paggamit ng ibinigay na kurikulum. Sa kabilang banda, ang pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ay nangangailangan nang higit pa sa pagsunod lamang sa bawat mungkahi sa kurikulum nang walang panalangin, pag-iisip, o posibleng pag-aangkop. Dagdag pa rito, ang mga titser ay hindi dapat mahigpit na nakatuon sa pagsunod sa kanilang lesson outline kaya hindi sila handang tanggapin at sumunod sa mga pahiwatig mula sa Espiritu sa oras ng klase.

Linangin ang Kapaligiran ng Pagkatuto na may Pagmamahal, Paggalang, at Layunin sa Loob ng Klase

Kapag ang mga titser at estudyante ay may pagmamahal at paggalang sa Panginoon, sa bawat isa, at sa salita ng Diyos, sila ay lalo pang natututo at mas napagbubuti ang pag-aaral. Ang layuning naipaunawa ay nagpapatindi ng pagsisikap at paggawa sa mga inaasahan at nagbibigay ng direksyon sa pagtuturo at pag-aaral sa loob ng klase. Ang pagtatatag at paglinang ng kapaligirang may pagmamahal, paggalang, at layunin ay kapwa responsibilidad ng mga titser at estudyante at nag-aanyaya sa nagpapatatag na impluwensya ng Espiritu Santo.

Pagmamahal at Paggalang

Ang pagmamahal ay nagpapalambot ng mga puso at nag-aanyaya ng impluwensya ng Espiritu Santo. Kapag ang mga titser ay nagmamahal tulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas, nakikita nila ang iba kung paano Niya sila nakikita. Ang pagmamahal na tulad kay Cristo ay naghihikayat sa isang titser na huwag sumuko sa pagtulong sa bawat kabataan, lalaki at babae, na tunay na magbalik-loob. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Kapag tinawag tayong magturo, dapat nating tanggapin ang ating tungkulin at magturo dahil sa ating pagmamahal sa Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Bilang karagdagan, dapat na laging magturo ang guro ng ebanghelyo nang may pagmamahal sa kanyang mga estudyante. … Ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa Kanyang mga anak ang pinakapangunahing dahilan sa paglilingkod. Ang mga nagtuturo nang may pagmamahal ay daragdagan ng kahusayan bilang mga kasangkapan sa mga kamay Niya na kanilang pinaglilingkuran” (“Gospel Teaching,” Ensign, Nob. 1999, 79).

Ang mga titser at estudyante na nagmamahal sa Panginoon at alam na Kanyang minamahal sila ay nakadarama ng tunay na paghahangad na maging malapit sa Kanya at maging higit na katulad Niya. Iginagalang at may pitagan sila sa Kanyang salita at sa salita ng Kanyang mga propeta sa mga paraang naghihikayat sa kanila na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang masigasig, ipamuhay ang natutuhan nila, at ibahagi sa iba ang natututuhan nila.

Kapag alam ng mga estudyante na minamahal at iginagalang sila ng kanilang titser at ng ibang mga estudyante, mas malamang na pumasok sila sa klase na handang matuto. Ang pagtanggap at pagmamahal na nadarama nila mula sa iba ay magpapalambot ng kanilang puso, magbabawas ng takot, at magdudulot sa kanila ng hangarin at tiwalang kailangan upang ibahagi ang kanilang mga karanasan at damdamin sa kanilang titser at iba pang mga miyembro ng klase.

Larawan
mga estudyante at titser

Mapag-iibayo ng mga titser ang nadaramang pagmamahal at paggalang ng mga estudyante sa Panginoon sa pagtulong sa kanila na maunawaan ang Pagbabayad-sala, sa pagtuturo sa kanila ng kanilang likas na kabanalan at walang hanggang kahalagahan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, at sa pagsasabi at pagpapatotoo sa Kanila sa angkop at mapitagang paraan.

Dapat linangin ng mga titser ang kanilang pagmamahal at paggalang para sa mga estudyante. Ang paggawa nito ay tutulong sa kanila na maipadama ang dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa kanilang mga estudyante at matutulungan silang magturo nang may pagtitiyaga at habag. Maaaring alamin ng mga titser ang mga pangalan ng mga estudyante at ang kanilang mga interes, talento, kahinaan, at kakayahan. Maaari nilang ipagdasal ang kanilang mga estudyante, nang sama-sama at isa-isa. Ang mga titser ay maaaring personal na tanggapin nang malugod ang bawat estudyante sa klase at bigyan ang bawat estudyante ng pagkakataong makilahok. Dapat silang makinig nang mabuti habang nagtatanong o nagbabahagi ng kanilang iniisip at nadarama ang mga estudyante. Bukod pa rito, maaaring dumalo ang mga titser sa mga pagtatanghal, paligsahang pampalakasan, o iba pang mga kaganapan na sinasalihan ng kanilang mga estudyante. Sa pagsisikap nilang mahalin ang kanilang mga estudyante, hindi dapat tangkain ng mga titser na palitan ang mga magulang o lider ng priesthood o maging mga personal na tagapayo ng mga estudyante.

Karamihan sa mga titser ay magkakaroon ng mga estudyante sa kanilang klase na, kahit paano, ay may limitadong kakayahan o kapansanan sa katawan o isipan. Sila rin ay mga anak ng Ama sa Langit at kinakailangan nilang matutuhan ang ebanghelyo anuman ang personal na hamon nila sa buhay o mga karanasan sa buhay na ito. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Lahat ng isipan at espiritung pinababa ng Diyos sa mundo ay may kakayahang umunlad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 210). Ang mga titser ay kailangang maging sensitibo sa lahat ng estudyante at isaalang-alang ang kanilang pangangailangan at kakayahan habang inihahanda at inilalahad ang kanilang mga lesson.

Isa sa mga bagay na lubos na makatutulong sa mga titser para magkaroon ng tunay na pagmamahal sa kanilang mga estudyante ay humingi ng kaloob na pag-ibig sa kapwa sa pamamagitan ng taimtim na panalangin. Itinuro ng propetang si Mormon, “Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).

Magkaroon ng Layunin

Ang layuning naunawaan ng titser at estudyante ay magpapalakas ng pananampalataya at magbibigay ng direksyon at kahulugan sa pagtuturo at pag-aaral sa loob ng klase. Dapat maunawaan ng mga estudyante na pumapasok sila sa klase upang makilala nila ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at upang sumulong patungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta. Dapat silang maniwala na sa pamamagitan ng paglapit sa Panginoon na nagtatanong at nagdarasal, maaari silang maturuan at mapatatag ng Espiritu Santo. Habang umaasang matututo ang mga titser at estudyante sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng Espiritu at sa isa’t isa, nililinang nila ang kapaligiran na nag-aanyaya ng paghahayag.

Mahihikayat ng mga titser ang pagkakaroon ng layunin sa loob ng silid-aralan sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:

  • Umasang gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad bilang mga mag-aaral. Ang pagkakaroon ng layunin ay umiiral sa isang klase kung saan ang mga titser ay umaasa na gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad bilang mag-aaral at tinutulungan sila sa paggawa nito at kung saan ang mga estudyante ay pinagkakatiwalaang mag-aambag sa makabuluhang paraan. Ang mga titser na may layunin, na talagang minamahal ang kanilang mga estudyante, ay lubos na magmamalasakit sa kanilang progreso at tagumpay at masisiyahan na sila sa kaunting pagsisikap lang. Ang mga ganitong titser ay manghihikayat nang may pagmamahal at tutulungan ang kanilang mga estudyante na maabot ang kanilang potensyal bilang mga mag-aaral at disipulo ni Jesucristo.

  • Maging matapat, masigasig, at masigla tungkol sa banal na kasulatan at sa ebanghelyo. Karaniwang mas masidhi ang hangarin ng mga estudyante na matuto nang may layunin kapag nadarama nila ang sigasig ng kanilang titser at pagtitiwala nito sa materyal na tinatalakay.

  • Maghanda ng mga epektibong lesson. Kapag dumarating sa klase ang mga titser na may handa at epektibong lesson at may tiwala sa tagubilin na gumagabay sa kanila, naipadarama nila ang pagkakaroon ng layunin na madaling matutukoy ng mga estudyante.

  • Ihanda ang mga kailangang materyal at kagamitan. Ang mga titser ay dapat dumating sa kanilang silid-aralan bago dumating ang mga estudyante upang makapaghanda ng anumang kailangang mga materyal at kagamitan. Ito ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mga titser na batiin ang bawat estudyante sa pagdating nila. Dapat magsikap ang mga estudyante na dumating sa klase sa takdang oras at ihanda ang lahat ng materyal na angkop sa pag-aaral—tulad ng mga banal na kasulatan, lapis na pangmarka, at journal—sa kanilang mesa kapag nagsimula ang klase.

  • Iwasang magsayang ng oras sa klase. Kapag nagsimula sa takdang oras ang klase at kapag nakita ng mga estudyante na walang dapat na sayanging oras, madarama nila ang kanilang layunin.

  • Magkaroon ng mga class routine. Ang pagkakaroon ng mga routine para sa madalas ulitin na mga aktibidad ng klase ay nagdudulot ng kaayusan at layunin. Ang mga class routine ay naghihikayat ng pakikilahok ng bawat estudyante at tumutulong sa mga titser at estudyante na maging mas mahusay sa paggamit ng mahalagang oras ng klase. Ang mga routine ay maaaring simulan para sa mga aktibidad na tulad ng pagkuha at pagtatabi ng mga banal na kasulatan at mga materyal sa pag-aaral, pag-oorganisa at pagbibigay ng mga nakasisiglang debosyonal, at pamamahagi at pagkolekta ng mga papel at materyal. Ang pag-aanunsyo, pagkuha ng attendance ng estudyante, pagtsek ng mga assignment, at pagsasagawa ng iba pang mga gawain ay pinakamainam gawin bago simulan ang debosyonal at lesson.

Mga Karagdagang Mungkahi sa Paglilinang ng Angkop na Kapaligiran sa Pag-aaral

Bukod sa pagmamahal, paggalang, at layunin, ang isang angkop na lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo ay kinapapalooban din ng kaayusan, pagpipitagan, at panatag na damdamin. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na “ang inspirasyon ay mas madaling dumarating sa payapang kapaligiran” at na “ang pagpipitagan ay nag-aanyaya ng paghahayag” (“Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nob. 1991, 21–22). Narito ang ilang karagdagang mungkahi na magagamit ng mga titser upang makagawa at mapanatili ang kapaligiran na kaaya-aya sa pag-aaral ng ebanghelyo.

Gawing kaaya-aya ang pisikal na kapaligiran sa pag-aaral.

Ang mga pisikal na kapaligiran ay makakaapekto sa anumang mararanasan ng mga estudyante sa pag-aaral ng ebanghelyo. Dapat gawin ng mga titser ang lahat ng magagawa nila para ihanda ang silid-aralan upang maging komportable at mas makapagtuon ang mga estudyante sa lesson. Kabilang sa ilang bagay na maaaring bigyan ng konsiderasyon ay:

Larawan
mga estudyante sa silid-aralan

Upuan. Maliban sa mga hindi inaasahang pangyayari, ang bawat estudyante ay dapat na may komportableng lugar na mauupuan, isang lugar para sa kanilang mga banal na kasulatan at materyal sa pag-aaral, at isang lugar para makapagsulat. Ang pagkakaayos ng mga upuan ay dapat sa paraan na madaling makita ng mga estudyante ang titser at ang anumang visual aid na ginagamit ng titser. Hangga’t maaari, iangkop ang pagkakaayos ng mga upuan sa iba’t ibang uri ng aktibidad sa pag-aaral. Ang pagkakaroon ng naka-assign na upuan ay makatutulong sa mga titser na mabilis na maalala ang mga pangalan ng mga estudyante, maiorganisa ang klase para sa maliliit na grupo o sa doctrinal mastery exercises, at mapaghiwalay ang mga estudyante na madalas magkuwentuhan sa oras ng klase. Ang mga titser ay dapat maging sensitibo sa mga estudyanteng nahihirapan sa pagkilos o may kapansanan sa paningin sa pamamagitan ng paglalaan ng mga angkop na pantulong na makahihikayat sa kanilang partisipasyon sa klase.

Mga Nakagagambala. Dapat sikapin ng mga titser na alisin ang anumang nakagagambala sa pagtuturo at pag-aaral. Kung ang pagtuturo ay ginaganap sa isang tahanan, maaaring may ilang partikular na hamon, pero kahit sa gayong sitwasyon, magagawa ng titser na bawasan ang mga nakaaabala sa pamamagitan ng mahusay na pagpaplano.

Ayos ng silid-aralan. Ang mga larawan, mga drowing, poster, at iba pang displey na may kaugnayan sa ebanghelyo ay madalas na nakapagpapasigla sa pag-aaral. Ang masinop, malinis, at maayos na silid-aralan ay nag-aanyaya ng pagpipitagan at nagdudulot ng kaaya-ayang kapaligirang akma sa impluwensya ng Espiritu.

Larawan
titser na nagtuturo

Pananamit at ayos ng titser. Mas madaling matutukoy ng mga estudyante ang kahalagahan ng karanasan sa pagkatuto kapag ang pananamit at ayos ng titser ay simple at angkop at sumasalamin sa sagradong katangian ng mensahe ng ebanghelyo.

Anyayahan ang Espiritu sa pamamagitan ng mga epektibong debosyonal.

Ang klase ay dapat magsimula sa isang maikling debosyonal. Ang debosyonal ay maaaring maging mainam na paraan upang pagkaisahin ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagbaling ng kanilang puso’t isipan sa mga espirituwal na bagay. Ito ay makatutulong sa mga titser at estudyante na madama ang Espiritu at maging handang matuto. Ang isang debosyonal ay karaniwang binubuo ng himno, panalangin, at mensahe mula sa mga banal na kasulatan. Mas nagiging epektibo ang mga debosyonal kapag ang mga estudyante ay nagbabahagi ng nadarama at kaalamang natamo nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at kapag nagpapatotoo sila. Ang mahahaba o magarbong debosyonal ay hindi lamang umaagaw sa oras ng lesson, ito rin ay maaaring maging dahilan para lumisan ang Espiritu. Ang mga debosyonal na may kasamang pamiryenda ay siguradong magiging dahilan para bumabaw o maging kaswal ang madama nila sa halip na espirituwal. Ang mga titser ay dapat mag-ukol ng oras para kausapin ang mga estudyante, lalo na ang mga lider ng klase, tungkol sa layunin ng mga debosyonal, ano ang magagawa nila para mapagbuti ito, at paano nila mahihikayat ang lahat na makilahok.

Talakayin ang mga alituntunin ng espirituwal na pagkatuto.

Sa simula ng taon, maaaring isali ng mga titser ang mga estudyante sa pagtalakay kung anong mga kundisyon ang naghihikayat ng espirituwal na pagkatuto (tingnan sa 1 Corinto 2:10–11; Doktrina at mga Tipan 50:17–22; 88:121–26). Ang mga talakayang ito ay maaaring magtuon sa mga pag-uugali na nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon na makasama nila sa pag-aaral ng ebanghelyo at gayundin sa mga pag-uugali na sanhi ng paglisan ng Espiritu. Dapat patuloy na hikayatin ng mga titser at estudyante ang bawat isa na ipamuhay ang mga bagay na napagkasunduan nila na mag-aanyaya sa Espiritu. Ang mga ganitong pagsisikap ay makatutulong kapwa sa mga estudyante at mga titser na maunawaan at gampanan ang mga tungkulin nila sa pag-anyaya sa Espiritu sa pag-aaral.

Maingat na piliin ang mga aktibidad sa pag-aaral.

Alam dapat ng mga titser na ang iba’t ibang aktibidad sa pag-aaral ay makahihikayat ng iba’t ibang saloobin at pananaw sa mga estudyante. Halimbawa, matapos pamunuan ang isang maingay na laro sa simula ng klase niya, ang isang titser ay nalungkot nang hindi niya makamit ang mas espirituwal na pagtatapos sa lesson. Napagtanto ng isa pang titser na mas lumala ang mga suliranin niya sa disiplina nang namigay siya ng miryenda sa klase.

Pagtuunan ng pansin ang kilos ng mga estudyante, at tumugon nang nararapat.

Ang mga titser ay dapat maging mapagmasid sa anumang nangyayari sa oras ng lesson at tumugon sa angkop na paraan. Kung ang mga estudyante ay tila naiinip o hindi mapakali, marahil ito ay dahil hindi sila kasali sa talakayan o hindi nila nauunawaan ang itinuturo o kung paano naaakma ang lesson sa kanila. Upang matulungan ang mga estudyante na magtuon sa klase, maaaring may kailangang baguhin ang titser sa paglalahad ng lesson. Kung ang mga estudyante ay kumikilos sa maling paraan at nagiging dahilan para lumayo ang Espiritu sa klase, kailangang humingi ng inspirasyon ang titser sa pagharap sa problema sa halip na balewalain ito. Ang mga titser ay dapat ding maging mapagmasid upang makita ang mga estudyante na hindi nakikihalubilo sa iba pang mga estudyante o kaya ay tila malungkot. Ang mga estudyanteng ito ay maaaring mangailangan nang higit na atensyon mula sa titser o sa iba pang mga estudyante sa klase. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring kausapin ng mga titser ang mga magulang at lider ng priesthood para malaman ang posibleng sanhi nito o mga kondisyon na dapat nilang malaman.

Iwasto ang magulo o di-angkop na pag-uugali.

May mga ilang pangkalahatang alituntunin na dapat tandaan na tutulong sa titser para makaganyak ng wastong kaayusan at paggalang sa loob ng klase. Ang pagkakaroon ng kaayusan ay hindi palaging nangangahulugan ng pagkakaroon ng lubos na katahimikan, ni hindi ito nangangahulugan na ang klase ay hindi magiging masaya at kasiya-siya. Pero ang magulo o walang pitagang estudyante o grupo ng mga estudyante ay negatibong makakaapekto sa pag-aaral at makahahadlang sa impluwensya ng Espiritu Santo.

Kapag hindi maganda ang inaasal ng estudyante o grupo ng mga estudyante, maaari itong makabahala sa titser at sa iba pang mga estudyante. Sa gayong mga pagkakataon, lalong mahalaga para sa mga titser na pigilan ang silakbo ng kanilang damdamin at hangarin ang impluwensya ng Espiritu. Ang paraan ng pagtugon ng mga titser sa anumang partikular na pangyayari ay mas mahalaga kaysa sa mismong pangyayari at maaari itong makadagdag o makabawas sa paggalang at tiwala ng mga estudyante. Kapag iwinawasto ng mga titser ang maling pag-uugali, kailangan nilang maging matatag pero mabait, patas, at mapagmalasakit at pagkatapos ay agad na bumalik sa lesson. Ang pambabatikos sa isang estudyante sa harap ng maraming tao ay maaaring panandaliang makapagwasto ng asal ng estudyante pero hindi ito ikalulugod ng titser o ng estudyante. Maaari din itong magdulot ng takot sa iba pang mga estudyante o kawalan ng tiwala sa titser. Dapat alalahanin ng mga titser ang matwid na impluwensya ng paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahon, kaamuan, di-pakunwaring pag-ibig at kabaitan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42).

May ilang partikular na hakbang na magagawa ng mga titser sa paglutas ng mga problemang dumarating. May mga posibleng solusyon sa mga suliranin sa disiplina na maaaring hindi gumana nang pareho sa bawat estudyante o sitwasyon:

  • Tumingin sa mata. Kadalasan ang mga estudyante ay nagkukuwentuhan sa mga hindi tamang oras dahil iniisip nila na hindi ito mapapansin ng titser. Maaaring tingnan ng titser ang mga estudyante at saglit na titigan sila upang malaman nila na alam ng titser ang nangyayari.

  • Tumigil sa pagsasalita. Kung ang mga estudyante ay nag-uusap sa halip na nakikinig, maaaring tumigil ang titser sa pagsasalita, kahit sa kalagitnaan ng pangungusap kung kinakailangan. Ang pagtataas ng boses upang mangibabaw sa kanila ay karaniwang hindi makalulutas ng problema.

  • Lumapit. Ang isa pang aksiyon na maaaring gawin ng mga titser upang iwasto ang asal nang hindi tuwirang kinokompronta ang estudyante ay puntahan ito at tumayo sa tabi ng magulong estudyante. Ang titser ay maaari nang magpatuloy sa lesson, subalit madarama ng estudyante ang presensya ng titser at titigil sa anumang ginagawa niya.

  • Magtanong. Nang hindi tumatawag ng pansin sa di-tamang pag-uugali, maaaring tanungin ng titser ang magulong estudyante tungkol sa lesson. Hindi ito ginagawa para ipahiya ang estudyante, kundi para maibalik siya sa talakayan.

May mga pagkakataon na hindi tumutugon ang mga estudyante sa ganitong mga hindi gaanong direktang pagsaway at patuloy na nanggugulo sa klase. Narito ang ilang karagdagan, at mas direktang hakbang na magagawa ng titser upang mapanatili ang kaayusan:

  • Kausapin nang sarilinan ang estudyante. Sinabi ng Panginoon na kung may isang taong nakasakit ng damdamin, dapat kausapin ng nasaktang tao ang nagkasala “sa pagitan niya at sa iyo lamang” (Doktrina at mga Tipan 42:88). Maaaring kausapin ng titser ang estudyante at alamin kung bakit siya umaasal nang hindi maganda at ipaunawa na dapat baguhin niya ang pag-uugali o kung hindi ay gagawa ka ng mga karagdagang hakbang. Dapat tiyakin ng mga titser na nakikilala nila ang kaibhan ng pag-uugali ng mga estudyante mula sa kanilang sariling kahalagahan. Mahalagang alalahanin ng mga titser na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Dapat nilang ipaalam sa estudyante na bagama’t ang hindi magandang inaasal ay hindi katanggap-tanggap, siya ay mahalaga. Dapat tandaan ng mga titser na sundin ang payo ng Panginoon at “pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan” (Doktrina at mga Tipan 121:43).

  • Ihiwalay ang mga estudyante na dahilan ng kaguluhan.

  • Kausapin ang mga magulang o lider ng priesthood. Kung patuloy pa rin ang hindi katanggap-tanggap na inaasal, madalas na makabubuting kausapin ng titser ang mga magulang ng estudyante. Madalas na makapagbibigay ang mga magulang ng mga karagdagang kaalaman at ideya na makatutulong sa paglutas ng problema. Sa ilang pagkakataon, ang bishop ng estudyante ay maaaring makatulong.

  • Alisin ang estudyante sa klase. Ibinigay ni Pangulong David O. McKay ang sumusunod na payo sa mga titser: “Kung [ang inyong mga pagsisikap] ay bigo, maaari kang umapela sa mga magulang, at sabihin mong: ‘Kung magpapatuloy siya sa kanyang maling asal, mapipilitan kaming alisin siya sa klase.’ Iyan ang pinakahuling gagawin. Maaaring alisin ng sinumang titser ang isang [estudyante]; dapat ninyong gawin ang lahat ng magagawa ninyo bago ninyo gawin iyan. Ngunit dapat tayong magkaroon ng kaayusan!—kailangan ito para sa pag-unlad ng kaluluwa, at kung tumanggi ang isang [estudyante], o kung tumanggi ang dalawang [estudyante] na gawin ang bagay na iyan, dapat silang umalis. Mas magandang magutom ang isang [estudyante] kaya unti-unting malason ang buong klase” (“Guidance of a Human Soul—The Teacher’s Greatest Responsibility,” Instructor, Set. 1965, 343).

Bago hilingin sa estudyante na lisanin ang klase gaano man katagal, dapat kausapin ng titser ang mga magulang, supervisor ng seminary at institute, at angkop na mga lider ng priesthood. Sa gayong mga sitwasyon, mahalagang ipaunawa ng titser sa mga estudyante at magulang na pinipili ng estudyanteng umalis sa seminary dahil pinili nila na umasal nang hindi katanggap-tanggap. Ang kaguluhan ang hindi katanggap-tanggap, hindi ang estudyante. Kung pipiliin niyang magbago, ang estudyante ay malugod na tatanggaping muli sa klase.

Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan Araw-araw, at Basahin ang Teksto para sa Kurso

Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan Araw-araw

Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagbibigay ng regular na pagkakataon sa mga titser at estudyante na matutuhan ang ebanghelyo, magkaroon ng patotoo, at marinig ang tinig ng Panginoon. Sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, “Ang mga banal na kasulatan ay ibinigay ko para sa inyong tagubilin” (Doktrina at mga Tipan 33:16). Itinuro ng propetang si Nephi na ang mga taong “magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, … ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20) at “ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

Binigyang-diin ng mga propeta sa mga huling araw ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Nagbabala si Pangulong Harold B. Lee, “Kung hindi tayo nagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, hihina ang ating mga patotoo, hindi lalalim ang ating espirituwalidad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 71). Itinuro din ni Pangulong Howard W. Hunter, “Tiyak na ang isang taong nag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw ay mas maraming natututuhan kaysa [sa] isang taong naglalaan ng maraming oras sa isang araw at pagkatapos ay nagpapalipas ng maraming araw bago magpatuloy” (“Reading the Scriptures,Ensign, Nob. 1979, 64).

Pagsamo ni Elder Richard G. Scott: “Pakiusap, papag-alabin ang pagmamahal sa mga banal na kasulatan sa puso’t isipan ng bawat mahalagang kabataan. Pagningasin sa kalooban ng bawat kabataan ang apoy na di-maapula na siyang humihikayat sa mga taong nakadama nito na hangaring malaman kailanpaman ang salita ng Panginoon, na maunawaan ang kanyang mga turo, na isabuhay ang mga iyon, at ibahagi ang mga ito sa iba. …

“Una, alalayan sa bawat hakbang ang inyong mga estudyante sa maraming talatang dadaanan ninyo sa banal na salita ng Panginoon. Tulungan silang madama ang inyong kasabikan, paggalang, at pagmamahal sa mga banal na kasulatan.

“Pangalawa, tulungan silang matutong basahin, pag-isipang mabuti, at magdasal nang sarilinan upang tuklasin ang kapangyarihan at kapayapaang nagmumula sa mga banal na kasulatan” (“Four Fundamentals for Those Who Teach and Inspire Youth” [CES symposium on the Old Testament, Ago. 14, 1987], 5).

Iilang bagay lamang ang magagawa ng mga titser na magkakaroon ng mas malakas at matagalang impluwensya para sa ikabubuti ng buhay ng kanilang mga estudyante na hihigit pa sa pagtulong sa kanila na matutuhang mahalin ang mga banal na kasulatan at pag-aralan ang mga ito araw-araw. Madalas na nagsisimula ito kapag nakikita sa mga titser ang halimbawa ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa sarili nilang buhay. Ang pagkakaroon ng makabuluhan at personal na pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw ay nagbibigay ng karapatan sa mga titser na magbahagi ng personal na patotoo sa kanilang mga estudyante tungkol sa kahalagahan ng mga banal na kasulatan sa sarili nilang buhay. Ang gayong patotoo ay maaaring maging mahalagang sangkap sa pagtulong sa mga estudyante na personal na pag-aralan palagi ang mga banal na kasulatan.

Dapat patuloy na ituro ng mga titser sa mga estudyante ang mga doktrina at mga alituntunin na dahilan ng araw-araw na personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari ding hikayatin ng mga titser ang bawat estudyante na maglaan ng oras araw-araw para sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan; tulungan ang mga estudyante na maging responsable sa araw-araw na pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng angkop na tracking system para masubaybayan nila ang kanilang mga nagagawa; at bigyan ang mga estudyante ng regular na pagkakataon sa klase na ibahagi sa isa’t isa ang ilan sa mga natututuhan at nadarama nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Habang hinihikayat ng mga titser ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, dapat silang mag-ingat na hindi mapahiya o panghinaan ng loob ang sinumang estudyante na nahihirapang pag-aralan nang mag-isa ang mga banal na kasulatan.

Ang mga estudyante na may problema sa pagbabasa o pagkatuto ay dapat bigyan ng opsiyong pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa isang pamamaraang mas angkop sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng audio, American Sign Language, o Braille. Maraming estudyante na nahihirapang magbasa ang nakikinabang habang sinusundan sa nakalimbag na pahina ang pagbasa nang malakas ng isang tao.

Mga kasanayan at pamamaraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Upang matulungan ang mga estudyante na magtagumpay sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, matutulungan sila ng mga titser sa pagkakaroon at paggamit ng iba’t ibang kasanayan at pamamaraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang lahat ng sumusunod na kasanayan at pamamaraan, kahit ang iba na hindi tinalakay sa hanbuk na ito, ay dapat ituon sa pagtulong sa mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng Espiritu, maunawaan ang mga banal na kasulatan, at tuklasin at ipamuhay ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo.

Gumamit ng mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang Simbahan ay naghanda ng maraming pantulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at isinama ang mga ito sa mga pamantayang aklat para sa ilang wika. (Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan ay isang tinipong pantulong sa pag-aaral na inihanda para sa iba pang mga wika.) Kasama sa mga pantulong sa pag-aaral na ito ang mga bagay na tulad ng mga talababa o footnote, buod ng kabanata, topical index, ang Bible Dictionary at mga mapa. Ang mga ito ay ilan sa mga pinakamahalagang tulong o sanggunian na magagamit ng mga titser at estudyante sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan. Matutulungan ng mga titser ang kanilang mga estudyante na maging pamilyar sa mga pantulong sa pag-aaral at resources na ito sa pamamagitan ng angkop na paggamit ng mga ito sa klase. Ang Simbahan ay gumawa rin ng iba pang mga mapagkukunang resources sa pag-aaral na matatagpuan online.

Larawan
binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Markahan at maglagay ng komento. Ang isa sa mga makatutulong nang husto sa mga titser at estudyante na maunawaan at matandaan ang mga natutuhan nila ay ang pagmamarka at paglalagay ng komento sa mga banal na kasulatan. Ang ibig sabihin ng magmarka ay magtalaga, makita ang kaibahan, magbukod, o magbigay-pansin. Magagawa ito sa pagsalungguhit, pagkulay, o pag-outline ng mahahalagang salita o mga talata sa mga banal na kasulatan. Ang ibig sabihin ng paglalagay ng komento ay pagbibigay ng karagdagang paliwanag. Ang halimbawa ng mga komento sa banal na kasulatan ay maaaring kapalooban ng pagsulat sa margin sa tabi ng mga scripture passage ng mga personal na palagay, komentaryo ng propeta, cross-reference, kahulugan ng mga salita o ideya na nakuha mula sa mga komento ng mga miyembro ng klase.

Ang pagmamarka at paglalagay ng komento sa banal na kasulatan ay makatutulong sa mga estudyante at titser na:

  • Mas madaling matandaan at makita ang mahahalagang salita, parirala, ideya, katotohanan, mga tao, at pangyayari.

  • Linawin at tuklasin ang mga kahulugan ng teksto ng banal na kasulatan.

  • Tandaan ang mga pansariling pananaw na natamo at natanggap mula sa iba.

  • Maghandang ituro ang ebanghelyo sa iba.

Maaaring hikayatin ng mga titser ang mga estudyante na markahan ang kanilang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagsasabi nang tulad ng, “Sa pagsasaliksik ninyo sa mga talatang ito, markahan ninyo ang isang mahalagang alituntuning natuklasan ninyo,” o “Narito ang isang mahalagang cross-reference. Maaari ninyong isulat ito sa margin o gilid ng inyong banal na kasulatan.” Makabubuting ituro, ilarawan, at praktisin ang mga pangunahing elemento ng pagmamarka ng banal na kasulatan sa buong taon kaysa sa ituro ang isang partikular na sistema ng pagmamarka.

Pagnilayan. Ang ibig sabihin ng pagninilay ay magbulay-bulay o mag-isip nang malalim tungkol sa isang bagay, at kadalasan ay may kasamang panalangin. Kapag natutuhan ng mga estudyante na magnilay sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan, ang Espiritu ay madalas na magpapahayag ng katotohanan sa kanila at tutulungan silang malaman kung paano sila magiging higit na katulad ni Jesucristo.

Matapos turuan ang mga Nephita, sinabi sa kanila ng Tagapagligtas, “Bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi” (3 Nephi 17:3). Ang isang paraan para matulungan ang mga estudyante na espirituwal na makilahok sa lesson at hikayatin silang gamitin at palalimin ang kanilang pagkaunawa sa natututuhan nila ay ang pagbibigay sa kanila ng oras sa klase na magbulay-bulay tungkol sa natutuhan nila. Sa ganitong mga pagkakataon, dapat hikayatin ng mga titser ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Panginoon.

Magtanong. Ang matutong magtanong at maghanap ng mga sagot habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan ay isa sa mga pinakamahalagang kakayahan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na malilinang ng mga estudyante. Sa pagtatanong, ang mga estudyante ay higit na maaakay sa pag-unawa sa konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan, pati na rin sa pagtuklas at pag-unawa sa mahahalagang doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Matututuhan ng mga estudyante na magtanong na aakay sa kanila na madama ang katotohanan at kahalagahan ng kanilang pinag-aaralan at malaman kung paano ipamumuhay ang mga natututuhan nila.

Bigyang-kahulugan ang mahihirap na salita at parirala. Ang mga diksyunaryo, manwal ng estudyante, footnote, at tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay kadalasang makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mahihirap na salita o parirala.

Ilarawan sa Isipan. Ang paglalarawan sa isipan ay nangyayari kapag inilalarawan ng mga estudyante sa kanilang isipan ang nagaganap sa isang salaysay sa banal na kasulatan. Halimbawa, maaaring ilarawan sa isipan ng mga estudyante ang paglalakad ni Pedro sa ibabaw ng tubig papunta sa Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 14:28–29), o sina Shadrac, Meshac, at Abednego, na itinapon sa nagniningas na hurno (tingnan sa Daniel 3:19–25). Ang paglalarawan sa isipan ay nakatutulong sa mga estudyante na makita nang mas malinaw at makatotohanan ang mga salaysay sa banal na kasulatan.

Ihalintulad ang mga banal na kasulatan. Ang paghahalintulad sa mga banal na kasulatan ay pagkukumpara ng mga ito sa sariling buhay. Maaaring itanong ng mga estudyante, “Anong mga kalagayan at sitwasyon sa buhay ko ang katulad ng mga kalagayan at sitwasyon sa talata na ito ng banal na kasulatan?” o “Paano ako nagiging katulad ng mga tao na pinag-aaralan namin sa mga banal na kasulatan?” Kapag nakikita ng mga estudyante ang pagkakatulad ng sarili nilang mga karanasan sa mga nakatala sa mga banal na kasulatan, mas matutukoy nila ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Makikita rin nila kung paano maipamumuhay ang mga alituntuning ito sa parehong mga sitwasyon sa sariling buhay.

Cross-Reference. Ang cross-reference ay karagdagang sanggunian ng banal na kasulatan na makapagbibigay ng dagdag na impormasyon at kaalaman tungkol sa talatang pinag-aaralan. Ang pag-cross-reference o “pag-uugnay” ay pagkonekta ng mga scripture reference na nakatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang isang scripture passage o doktrina o alituntunin. Matatagpuan ang makatutulong na mga cross-reference sa mga footnote, at iba pang pantulong sa pag-aaral, mga manwal ng titser at estudyante, at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ang mga titser at estudyante ay maaari ding makatuklas ng mga kaugnay na cross-reference sa kanilang sariling pag-aaral.

Paghambingin at pagkumparahin. Madalas na mas madaling maunawaan ang isang talata sa mga banal na kasulatan o doktrina o alituntunin kapag inihambing o ikinumpara ito sa iba pang bagay. Kapag napansin ang pagkakatulad at pagkakaiba sa mga turo, tao, o pangyayari, mas lalong napagtutuunan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Halimbawa, ang pagkukumpara ng panunungkulan ni Haring Benjamin kay Haring Noe ay nagbibigay-daan para makita nang malinaw ng mga estudyante ang pagpapalang dulot ng mabuting lider kumpara sa mga mapanirang bunga na dulot ng masamang lider. Ang paghahambing ng mga buhay, turo, at patotoo nina Jacob at Alma sa mga pilosopiya at buhay nina Serem at Korihor ay makatutulong sa mga estudyante na mas madaling makilala ang mga maling pilosopiya sa mundo ngayon at makita kung paano lalabanan ang mga ito. Ang paghahambing at pagkukumpara ng iba’t ibang paglalakbay sa lupang pangako na ginawa ng mga anak ni Israel, ni Lehi at ng kanyang pamilya, at ng mga Jaredita ay makapagtuturo ng mga alituntunin na tutulong sa mga titser at estudyante sa kanilang sariling paglalakbay sa buhay.

Gumawa ng mga listahan. Ang listahan ay kalipunan ng mga magkakaugnay na kaisipan, ideya, o tagubilin. Ang paghahanap ng mga listahan sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa mga titser at estudyante na matukoy ang mahahalagang punto na binibigyang-diin ng manunulat. Halimbawa, ang Sampung Utos ay isang listahan (tingnan sa Exodo 20). Ang Beatitudes ay maituturing na listahan (tingnan sa Mateo 5:3–12; 3 Nephi 12:3–11). Ang Doktrina at mga Tipan 4 ay naglalaman ng listahan ng mga katangian ng mga taong tinawag na maglingkod sa Panginoon.

Maghanap ng mga pagkakaugnay, huwaran, at tema. Ang mga estudyante ay maaaring hikayating maghanap ng mga pagkakaugnay, huwaran, at tema sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sinabi ni Elder David A. Bednar, “Ang pagsasaliksik sa mga paghahayag para sa mga pagkakaugnay, huwaran, at mga tema ay nakabatay at nagdaragdag sa ating espirituwal na kaalaman … ; pinalalawak nito ang ating pananaw at pag-unawa sa plano ng kaligtasan” (“A Reservoir of Living Water” [CES fireside for young adults, Peb. 4, 2007], 2).

Madalas na gagamitin ng mga titser at estudyante ang marami sa mga kasanayan at pamamaraang ito sa klase sa buong taon. Sa paggawa nila nito, ang mga titser ay maaaring tumigil paminsan-minsan at maikling talakayin sa mga estudyante ang paraan o kasanayang ginamit at hikayatin silang gamitin ito sa kanilang personal na pag-aaral.

Basahin ang Teksto para sa Kurso

Lahat ng mga pamantayang aklat—ang Luma at Bagong Tipan, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas—ay mga talang nabigyang-inspirasyon na naglalaman ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Ipinapakita ng mga ito ang pakikipag-ugnayan ng Diyos sa mga tao at itinuturo ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Bawat isa sa mga ito ay mahalaga, at kapag pinagsama-sama ang mga ito ay nagbibigay ng mas malaking kaalaman tungkol sa ebanghelyo at plano ng kaligtasan na inihanda ng ating Ama sa Langit.

Dapat basahin at pag-aralan ng mga estudyante at titser ang buong aklat ng banal na kasulatan na tugma sa bawat kurso ng pag-aaral (maliban na lamang sa mga piling bahagi ng Lumang Tipan, tulad ng nakasaad sa kurikulum).

Unawain ang Konteksto at Nilalaman ng mga Banal na Kasulatan at ng mga Salita ng mga Propeta

Ang pag-unawa sa konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta ay naghahanda sa mga titser at estudyante na matukoy ang mga mensahe ng mga inspiradong awtor. Nililinaw at inilalarawan ng konteksto at nilalaman ang mga doktrina at mga alituntunin na nakatala sa mga karanasan at turo ng iba. Bagama’t karamihan sa mga sumusunod ay tumutukoy sa pag-unawa sa konteksto at nilalaman mismo ng mga banal na kasulatan, ang karamihan ng mga alituntunin at ideya ay magagamit din sa pag-aaral ng mga salita at mensahe ng mga propeta sa mga huling araw.

Konteksto

Ang konteksto ay (1) ang mga talata sa banal na kasulatan bago o kasunod ng isang talata o serye ng mga talata o (2) ang mga sitwasyong nakapalibot o background ng isang partikular na talata, pangyayari, o kuwento.

Ang konteksto ay isang paraan upang maunawaan ang nilalaman ng mga banal na kasulatan. Nagbibigay ito ng komentaryo at impormasyon ng konteksto na naglilinaw at nagbibigay ng lalim sa pang-unawa sa mga kuwento, turo, doktrina, at alituntunin sa mga teksto sa mga banal na kasulatan. Ang bawat manunulat sa banal na kasulatan ay nagsulat habang siya ay ginagabayan ng Espiritu Santo, bagama’t nababalot ang mga akda ng matalinghagang paglalarawan at pananalita at kultura ng mga manunulat. Upang maunawaan ang kanilang mga isinulat, ang mga titser at estudyante ay dapat “pumasok sa kanilang mundo” hangga’t maaari upang makita ang mga bagay-bagay tulad ng pagkakakita rito ng may-akda. Narito ang ilang halimbawa ng iba’t ibang uri ng konteksto.

Pangyayari sa kasaysayan. Ang mabatid na si Joseph Smith ay nasa Liberty Jail noong matanggap at isulat ang mga bahagi 121, 122, at 123 ng Doktrina at mga Tipan ay nagbibigay ng dagdag na lalim at kapangyarihan sa mga doktrina at alituntuning itinuro sa mga bahaging iyon hinggil sa mga bagay na tulad ng paghihirap at paggamit ng kapangyarihan at awtoridad.

Impormasyon tungkol sa kultura. Ang malaman ang mga impormasyon tungkol sa mga araw ng pista at pagdiriwang ng sinaunang Israel ay makapagbibigay-linaw kung paano simbolikong nag-uugnay ang mga ito sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Ang malaman ang pinagmulan ng mga Samaritano at kung ano ang saloobin ng mga Judio sa kanila noong panahon ni Cristo ay nagbibigay-linaw sa talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano at nagpapalalim sa kahulugan ng pakikipag-usap ng Tagapagligtas sa babae sa balon sa Samaria.

Ang tanong o sitwasyon na nagbunsod sa talinghaga, pangyayari, doktrina, o alituntunin. Ang pag-unawa na ang Doktrina at mga Tipan 9 ay dumating bilang tugon sa kawalan ng kakayahan ni Oliver Cowdery na magsalin ay nagbibigay-linaw sa mga alituntunin hinggil sa paghahayag na itinuro sa bahaging iyan.

Sino ang nagsasalita kanino at bakit. Ang mga turo ni Alma tungkol sa Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, Paghuhukom, awa, at katarungan ay nagkakaroon ng mas malalim na kahulugan kapag natanto natin na ang konteksto ng mga turong iyon ay ang pakikipag-usap sa anak niyang si Corianton, na nag-alala sa ibubunga ng mabibigat na kasalanan na kanyang nagawa.

Nasasakupang lugar. Ang kaalaman sa heograpiya ng Canaan ay nagpapalalim sa ating pang-unawa kung saan nanirahan sina Lot at Abraham, kung paano ito nakaimpluwensya sa pasiyang ginawa nila, at kung paano naapektuhan ng mga pasiyang ito ang kanilang pamilya.

Ang mga banal na kasulatan, ang mga pantulong sa pag-aaral na nakapaloob sa mga banal na kasulatan, at ang kurikulum ay karaniwang naglalaman ng sapat na impormasyon ng konteksto upang tulungan ang mga titser at estudyante sa pag-unawa sa nilalaman ng mga talata ng banal na kasulatan.

Nilalaman

Ang nilalaman ay ang kuwento, mga tao, pangyayari, sermon, at inspiradong paliwanag na bumubuo sa teksto ng banal na kasulatan. Ang nilalaman ng mga banal na kasulatan ay nagbibigay-buhay at nag-uugnay sa mga doktrina at mga alituntunin na matatagpuan sa scripture block. Halimbawa, ang kuwento ni Nephi sa pagkuha ng mga laminang tanso ay nagtuturo ng alituntunin na ang pananampalataya sa Panginoon at pakikinig sa Espiritu ay makatutulong sa tao na madaig ang tila napakalalaking hamon. Ang pag-unawa sa mga pangyayari sa Exodo ay nagbibigay-linaw na ang pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa propeta ay maaaring maging daan upang matanggap ng mga tao at bansa ang ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon ngunit ang mga pagpapalang iyon ay hindi ibinibigay kapag bumubulung-bulong ang mga tao at sumusuway.

Ang makilala ang mga taong inilarawan sa mga banal na kasulatan ay makapagbibigay ng inspirasyon at makahihikayat sa mga estudyante na harapin ang mga pagsubok na nararanasan nila at mamuhay nang may pananampalataya. Tulad ng ipinangako ni Elder Richard G. Scott tungkol sa Aklat ni Mormon:

“Sa pagitan ng mga pabalat nito makikita ninyo ang pagkakaibigan at matwid na halimbawa nina Nephi, Jacob, Enos, Benjamin, Alma, Ammon, Helaman, Mormon, Moroni, at marami pang iba. Muli nilang bubuhayin ang tapang at mamarkahan ang landas tungo sa pananampalataya at pagsunod. …

“Ang mas mahalaga, lahat sila, nang walang eksepsyon, ay iaangat ang inyong pananaw sa perpektong kaibigan—ang ating Tagapagligtas at Manunubos, si Jesus ang Cristo” (“True Friends That Lift,” Ensign, Nob. 1988, 77).

Ang mga sermon na maingat na pinangalagaan sa mga banal na kasulatan ay isa pang napakahalagang bahagi ng nilalaman. Para sa isang estudyante na nahihirapan dahil sa kasalanan, ang mga sermon ni Pablo o ni Nakababatang Alma ay mapagkukunan ng pag-asa at lakas ng loob. Ang huling mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga nasasakupan ay buong husay na itinuturo ang kapangyarihan at kahalagahan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala at nililinaw ang kahulugan ng paglilingkod, ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod, at ang kahalagahan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Ang isang estudyante na nagsisikap na maging disipulo ni Jesucristo ay magtatamo ng kabatiran sa pag-aaral at pagsisikap na ipamuhay ang mga salita ng Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok.

Kasama sa pag-unawa ng nilalaman ang malaman ang kahulugan ng mahihirap na salita at parirala, gayundin ang interpretasyon ng mga talinghaga, simbolo, at iba pa. Halimbawa, ang malaman ang kahulugan ng mga salitang tulad ng lasa (Mateo 5:13) o mangunyapit (Doktrina at mga Tipan 11:19; 45:48) at mga pariralang tulad ng “bigkisan ang inyong mga balakang” (Doktrina at mga Tipan 75:22), at “lalagyan ng salapi, o supot,” (tingnan sa Lucas 10:4) ay tumutulong para linawin ang teksto ng mga banal na kasulatan. Ang mga alituntuning itinuro sa mga talinghaga ng Tagapagligtas ay nagiging mas madaling maunawaan kapag ang mga simbolikong kahulugan ng mga bagay na tulad ng mamahaling perlas (tingnan sa Mateo 13:45–46), ang trigo at mga damo (tingnan sa Mateo 13:24–30), at ang nawawalang tupa (tingnan sa Lucas 15:4–7) ay natutukoy.

Larawan
Si Cristo na may kasamang tupa

Sa lahat ng impormasyong maaaring matutuhan at maituro, ang mga titser ay dapat gumamit ng karunungan sa pag-alam kung ilang oras ang aktuwal na inilalaan sa konteksto at nilalaman at kung ilang oras ang gugugulin sa pag-aaral ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga titser ay dapat magbigay ng sapat na konteksto at nilalaman upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga walang hanggang katotohanang nasa teksto ng banal na kasulatan, pero hindi labis na magtutuon sa impormasyon at mga detalye sa puntong ang mga ito ang nagiging sentro ng lesson.

Tukuyin, Unawain, Damhin ang Katotohanan at Kahalagahan ng mga Doktrina at mga Alituntunin ng Ebanghelyo, at Ipamuhay ang mga Ito

Ang pagtukoy at pag-unawa sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ay tumutulong sa mga titser at estudyante na ipamuhay ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa kanilang sariling buhay at gumagabay sa kanila sa paggawa ng mga desisyon. Ang pagdama sa katotohanan, kahalagahan, at kabuluhan ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ay madalas na humahantong sa matinding hangaring ipamuhay ang natutuhan. Ang pagsasabuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay naghahatid ng mga ipinangakong pagpapala, nagpapalalim ng pang-unawa at pagbabalik-loob, at tinutulungan ang mga titser at estudyante na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Ang doktrina ay isang pangunahin at hindi nagbabagong katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga katotohanang tulad ng ang Ama sa Langit ay may katawang may laman at mga buto, ang binyag ay kailangan upang makapasok sa kaharian ng Diyos, at lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli ay mga halimbawa ng mga doktrina.

Ang alituntunin ay walang hanggang katotohanan o patakaran na maaaring gamitin ng mga indibiduwal upang gabayan sila sa kanilang mga desisyon. Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay para sa lahat at tumutulong sa mga tao na ipamuhay ang mga doktrina ng ebanghelyo sa araw-araw. Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Ang mga alituntunin ay matibay na katotohanan, na ibinigay para ipamuhay (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 86). Ito ay nangangahulugan na ang isang alituntunin ng ebanghelyo ay karaniwang nagpapahiwatig ng pagkilos pati na rin ng mga ibubunga nito. Halimbawa: ang pagdarasal tuwina ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:5), at kung susundin natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, tutulungan Niya tayong maisakatuparan ang iniutos ng Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 4).

Kung minsan ang pagkakaiba ng doktrina at ng mga alituntunin ay mahirap matukoy. Ibinahagi ni Elder Henry B. Eyring ang sumusunod: “Hindi ako gugugol ng maraming oras na subukang matukoy ang pagkakaiba ng alituntunin at ng doktrina. Nakarinig na ako ng mga ganitong usapan na hindi kapaki-pakinabang” (“Training Guidelines and Resources: Elder Richard G. Scott and Elder Henry B. Eyring Discussion,” [Ago. 2003 CES satellite training broadcast], 10).

Tukuyin ang mga Doktrina at mga Alituntunin

Isa sa mga pinakalayunin ng mga banal na kasulatan ay ituro ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney: “Hindi talaga maaaring makapag-aral ng banal na kasulatan ang isang tao nang hindi natututuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang pangalagaan ang mga alituntunin para sa ating kapakinabangan” (“The Message of the Old Testament” [CES symposium on the Old Testament, Ago. 17, 1979], 3). Itinuro ni Elder Boyd K. Packer: “Ang [mga alituntunin] ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Ang mga ito ang sangkap at layunin para sa mga paghahayag” (“Principles,” Ensign, Mar. 1985, 8). Sa dispensasyong ito, iniutos ng Panginoon sa mga titser at lider sa Kanyang Simbahan na ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo na nasa mga banal na kasulatan: “At muli, ang mga elder, saserdote at guro ng simbahang ito ay magtuturo ng mga alituntunin ng aking ebanghelyo, na nasa Biblia at Aklat ni Mormon, na kung saan [naroon] ang kabuuan ng ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 42:12).

Ang matutuhan kung paano tumukoy ng mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan ay nangangailangan ng pagsisikap na pinag-isipan at pagsasagawa. Tungkol sa pagsisikap na ito, sinabi ni Elder Richard G. Scott: “Maghanap ng mga alituntunin. Maingat na ihiwalay ang mga ito sa detalyeng ginamit para ipaliwanag ang mga ito” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” 86).

Minsan sa klase, ang mga doktrina at alituntunin ay tutukuyin ng mga titser. Sa ibang mga pagkakataon naman ay gagabayan, hihikayatin, at hahayaan ng titser na matuklasan mismo ng mga estudyante ang mga ito para sa kanilang sarili. Dapat masigasig na tulungan ng mga titser ang mga estudyante na magkaroon ng kakayahang tumukoy ng mga doktrina at alituntunin nang mag-isa.

Ang ilang doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ay mas madaling matukoy dahil ang mga ito ay hayagang inihayag. Ang gayong inihayag na mga alituntunin ay madalas pinangungunahan ng mga katagang tulad ng “sa gayon makikita natin,” “kaya,” “dahil dito,” o “masdan,” na nagpapahiwatig na ibinubuod ng may-akda sa banal na kasulatan ang kanyang mensahe o tinatapos ang kanyang mensahe.

Halimbawa, sa Helaman 3:27 nakasaad na, “Sa gayon makikita natin na ang Panginoon ay maawain sa lahat ng yaon na, sa katapatan ng kanilang mga puso, ay nananawagan sa kanyang banal na pangalan.”

Ipinahayag sa Alma 12:10, “Kaya nga, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita.”

Itinuro sa Efeso 6:13, “Kaya’t, kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo’y makatagal sa araw na masama at kung magawa na ninyo ang lahat, ay tumayong matatag.”

Kabilang sa Alma 41:10, “Masdan, sinasabi ko sa iyo ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”

Maraming alituntunin ang hindi direktang inihahayag ng may-akda sa mga banal na kasulatan pero sa halip ay ipinahihiwatig lamang ang mga ito. Ang mga ipinahihiwatig na alituntunin ay maaaring magmula sa buong aklat ng banal na kasulatan, sa kabanata, o sa talata at maaaring lakipan ng kuwento, pangyayari, o talinghaga sa mga banal na kasulatan. Ang pagtukoy sa ipinahiwatig na mga alituntunin ay kinabibilangan ng pagkilala sa mga katotohanan na inilalarawan sa isang tala sa mga banal na kasulatan at paglalahad sa mga ito nang malinaw at maikli. Malimit itong nangangailangan ng oras at masusing pag-iisip. Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Sulit ang malaking pagsisikap na pagsamahin ang mga katotohanan na natipon natin at gawin itong mga simpleng pahayag ng alituntunin” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” 86).

Ang mga ipinahiwatig na alituntunin ay madalas matuklasan sa paghahanap ng mga ugnayang sanhi-at-epekto sa loob ng scripture block. Sa pagsusuri ng mga kilos, saloobin, at pag-uugali ng mga tao o grupo sa mga banal na kasulatan, at pagtukoy ng mga pagpapala o mga resulta o ibinunga ng ginawa, ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagiging mas malinaw.

Ang mga ipinahiwatig na alituntunin ay matutukoy rin sa pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang mensahe o aral ng kuwento?

  • Sa iyong palagay, bakit isinama ng may-akda ang mga pangyayari o mga talatang ito?

  • Ano ang nais ng may-akda na matutuhan natin?

  • Ano ang ilan sa mga pangunahing katotohanan na itinuro sa talatang ito?

Kabilang sa ilang halimbawa ng mga ipinahiwatig na alituntunin ay:

Mula sa mga pangyayari sa buhay ni Nakababatang Alma o ni Pablo: Ang isang taong tumatanggap ng katotohanan at nagsisisi ng kanyang mga kasalanan ay maaakay ang iba tungo sa mga pagpapala ng ebanghelyo (tingnan sa Alma 36:10–21; Mga Gawa 9:4–20).

Mula sa talinghaga tungkol sa sampung birhen: Kung matapat nating espirituwal na inihanda ang ating sarili, magiging handa tayo kapag dumating ang Panginoon; o ang mga taong binabale-wala ang kanilang espirituwal na paghahanda ay hindi matatanggap ng Panginoon sa Kanyang pagdating (tingnan sa Mateo 25:1–13).

Larawan
David at Goliat

Mula sa kuwento nina David at Goliat: Kapag kumikilos tayo nang may lakas ng loob at pananampalataya sa Diyos, maaari nating madaig ang malalaking hamon sa ating buhay (tingnan sa 1 Samuel 17:40–51).

Ang ilang paraan para matulungan ang mga estudyante na matutuhang matukoy ang mga alituntunin at mga doktrina ay:

  • Sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga konsepto na natututuhan nila sa isang pahayag na may ugnayang “kung-sa gayon.”

  • Magtalaga ng mga estudyante na magsusulat ng mga pahayag na gamit ang mga salitang “at sa gayon nakikita natin” upang ibuod ang mga katotohanang natutuhan nila.

  • Ipatukoy sa mga estudyante ang mga ginawa ng mga tao sa scripture block at hanapin ang mga pagpapala o bungang idinulot nito.

  • Hikayatin ang mga estudyante na salungguhitan sa kanilang mga banal na kasulatan ang mahahalagang salita o pariralang tumutukoy sa mga alituntunin at doktrina.

  • Magsulat sa pisara ng isang doktrina o alituntunin mula sa scripture block. Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang scripture block, na hinahanap ang katibayan ng alituntuning iyon.

Kapag tinutukoy ang mga alituntunin at doktrina, mahalaga na ipahayag ang mga ito nang malinaw at simple. “‘Para malaman ng mga tao ang katotohanan, dapat ipahayag ito nang malinaw at kung mas malinaw at kumpleto ang pahayag, mas may pagkakataon ang Espiritu Santo na magpatotoo sa mga kaluluwa ng tao na ang gawain ay totoo’ [New Witnesses for God, 3 tomo. (1909), 2:vii]” (B. H. Roberts, sa James E. Faust, “What I Want My Son to Know before He Leaves on His Mission,” Ensign, Mayo 1996, 41; Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 207).

Ang pagsulat ng natukoy na alituntunin o doktrina sa pisara, o pagsasabi sa mga estudyante na isulat o salungguhitan ito sa kanilang mga banal na kasulatan, ay isang paraan para gawing malinaw ang katotohanang ito sa isipan ng mga miyembro ng klase.

Unawain ang mga Doktrina at mga Alituntunin

Ang pag-unawa sa isang doktrina o alituntunin ng ebanghelyo ay nangangahulugang naiintindihan ng mga estudyante ang mga natukoy na katotohanan, ang kaugnayan ng mga ito sa iba pang mga alituntunin at mga doktrina sa plano ng Panginoon, at sa anong mga sitwasyon maaaring maipamuhay ang mga ito. Kapag nauunawaan ng titser o estudyante ang isang doktrina o alituntunin, hindi lamang nila alam kung ano ang ibig sabihin ng mga salita kundi kung paano rin makakaapekto sa kanilang buhay ang doktrina o alituntunin. Kapag ang isang doktrina o alituntunin ay natukoy at naunawaan, ito ay mas madaling maisasabuhay.

Mapalalawak ng mga titser at estudyante ang kanilang pang-unawa sa mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan para sa kaugnay na mga turo at karagdagang mga ideya, sa pagbaling sa mga salita at turo ng mga propeta at apostol sa mga huling araw, sa pagpapaliwanag sa iba ng mga katotohanan ng ebanghelyo na kanilang natutuhan, at sa pagdarasal para sa tulong ng Espiritu Santo. Ang pag-unawa ay patuloy na lumalalim habang isinasabuhay ang mga alituntunin.

Larawan
mga kabataang mandirigma

Matutulungan ng mga titser ang mga estudyante na maunawaan ang mga doktrina at mga alituntunin sa pamamagitan ng pagtatanong na makahihikayat sa mga estudyante na suriin ang kahulugan ng mga ito. Halimbawa, mula sa kuwento ng 2,000 kabataang mandirigma sa Aklat ni Mormon, matututuhan natin ang alituntunin na kung hindi tayo mag-aalinlangan, ililigtas tayo ng Diyos (tingnan sa Alma 56:47–48). Upang magkaroon tayo ng higit na pang-unawa sa kahulugan ng alituntuning ito, maaaring pag-isipan ng mga titser at estudyante ang mga tanong na tulad ng:

  • Sa anong bagay hindi nag-alinlangan ang mga kabataang mandirigma?

  • Ano ang katibayan na ang mga kabataang mandirigma ay hindi nag-alinlangan?

  • Paano iniligtas ng Diyos ang mga kabataang mandirigma?

  • Ano ang ilang “digmaan” na kinakaharap ng mga kabataan ng Simbahan ngayon?

  • Ano ang ilang paraan ng Diyos na maaaring magligtas sa kanila mula sa gayong mga digmaan?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga karanasan nina Abinadi, Joseph Smith, o Shadrac, Meshac, at Abednego tungkol sa kahulugan ng maligtas?

Mula sa kuwento nina Naaman at Eliseo sa Lumang Tipan, matututuhan natin ang alituntunin na kung tayo ay mapagpakumbaba at handang sundin ang payo ng propeta, tayo ay mapapagaling (tingnan sa 2 Hari 5:1–14). Upang maunawaan kung ano ang kahulugan ng alituntuning ito, maaaring pag-isipan ng mga titser at estudyante ang mga tanong na tulad ng:

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagpapakumbaba sa pagsunod sa payo ng propeta?

  • Paano nakatulong sa atin ang kahandaan ni Naaman na “maghugas nang pitong beses” para maunawaan natin ang ibig sabihin ng tunay na sundin ang payo ng propeta?

  • Anong mga bagay bukod sa mga pisikal na sakit ang maaaring kailangan tayong mapagaling ngayon?

  • Ano ang ilang bagay na ipinapagawa sa atin ng mga propeta na espirituwal na magpapagaling sa atin pero maaaring walang katuturan sa mundo?

Damhin ang Katotohanan at Kahalagahan ng mga Doktrina at Alituntunin

Bagama’t maaaring matukoy at maunawaan ng mga estudyante ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo, madalas na hindi nila ipamumuhay ang mga ito hangga’t hindi nila nadarama ang katotohanan at kahalagahan nito sa pamamagitan ng Espiritu at madama ang pangangailangan na gawing bahagi ng kanilang buhay ang mga alituntuning ito. Ipinaliwanag ni Elder Robert D Hales, “Ang isang tunay na guro, kapag naituro na niya ang mga katotohanan [ng ebanghelyo] … , ay gumagawa ng karagdagang hakbang upang magkaroon [ang mga estudyante] ng espirituwal na patotoo at pang-unawa sa kanilang puso na nagdudulot ng pagkilos at paggawa” (“Teaching by Faith” [evening with a General Authority, Peb. 1, 2002], 5).

Maikikintal ng Espiritu Santo sa puso’t isipan ng mga estudyante ang kahalagahan ng doktrina o alituntunin at makapagbibigay sa mga estudyante ng hangaring isabuhay ang alituntunin at ng lakas na gawin ito. Dapat gawin ng mga titser ang lahat ng makakaya nila para maging posible ang karanasang ito para sa bawat estudyante sa kanilang mga klase. Hinikayat ni Elder Richard G. Scott ang mga titser, “Maaari ba kayong manalangin para humingi ng patnubay kung paano ititimo nang malalim ang katotohanan sa puso’t isipan ng inyong mga estudyante upang magamit sa buong buhay nila? Kapag mapanalangin kayong naghahanap ng mga paraan para magawa iyan, alam ko na gagabayan kayo ng Panginoon” (“To Understand and Live Truth,” [evening with a General Authority, Peb. 4, 2005], 2).

Isa sa mga pinakamabisang paraan para matulungan ang mga estudyante na anyayahan ang impluwensya ng Espiritu sa kanilang mga puso at ihanda sila na kumilos ayon sa alituntuning natutuhan nila ay hikayatin silang pagnilayan ang mga personal na karanasan na may kaugnayan sa alituntuning iyan (tingnan sa bahagi 5.1.3, “Mga Tanong na Nag-aanyaya ng Damdamin at Patotoo” sa pahina “00” [61]). Tinutulungan nito ang mga estudyante na matukoy ang epekto ng alituntunin sa kanilang buhay o sa buhay ng ibang tao. Halimbawa, matapos ang talakayan tungkol sa batas ng ikapu, maaaring itanong ng mga titser, “Ano ang mga pagpapalang nakita ninyo sa inyong buhay o sa buhay ng iba dahil sa pagsunod sa batas ng ikapu?” Habang pinag-iisipan ng mga estudyante ang mga tanong na tulad nito at nagbabahagi ng mga angkop na personal na karanasan sa kanilang klase, matutulungan sila ng Espiritu Santo na makita nang mas malinaw ang mga pagpapalang natanggap nila at ng iba sa pamamagitan ng pamumuhay sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Tutulungan din ng Espiritu ang mga estudyante na mas hangaring ipamuhay ang mga katotohanang ito. Ang mga titser ay maaari ding magbahagi ng tunay na kuwento mula sa sarili nilang buhay o sa buhay ng ibang tao para matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng pamumuhay sa alituntuning tinatalakay.

Ang mga titser ay maaaring magbigay ng mga pagkakataon para magpatotoo ang mga estudyante tungkol sa katotohanan ng mga alituntunin at doktrina. Ang mga titser ay dapat ding maghanap ng mga pagkakataon na magbigay ng kanilang sariling patotoo. Bukod pa rito, matutulungan ng mga titser ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina at alituntunin sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mga patotoo ng mga tao sa mga banal na kasulatan at sa pagbabasa o pakikinig sa patotoo ng mga propeta at apostol sa mga huling araw.

Ipamuhay ang mga Doktrina at mga Alituntunin

May nangyayaring aplikasyon ng natutuhan kung ang sinasabi, iniisip, at ginagawa ng mga estudyante ay ayon sa mga alituntunin na kanilang natutuhan. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ang kahalagahan ng pagsasabuhay nang sabihin niyang, “Ang pinakamainam na sukatan ng pagiging mabisa ng mga nangyayari sa loob ng silid-aralan ay ang makita na nauunawaan at naipamumuhay ng estudyante ang mga katotohanan” (“To Understand and Live Truth,” 3).

Kapag ipinamuhay ng mga estudyante ang mga alituntunin ng ebanghelyo, matatanggap nila ang mga ipinangakong pagpapala. Magkakaroon din sila ng mas malalim na pag-unawa at patotoo sa doktrina o alituntunin na kanilang isinasabuhay. Halimbawa, ang mga estudyante na pinananatiling banal ang araw ng Sabbath ay magkakaroon ng mas lubos na pang-unawa sa kahulugan nito kaysa sa mga estudyanteng hindi iyon ginagawa. Ang mga estudyanteng nagtiwala sa Panginoon ng kanilang buong puso (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5) at pinalakas at pinanatag sa panahon ng paghihirap o pagsubok ay may mas malinaw na pag-unawa sa mga alituntuning iyon kaysa sa mga taong hindi nagtiwala.

Dapat bigyan ng mga titser ang mga estudyante ng oras sa klase na pagnilayan, isiping mabuti, o isulat ang naunawaan at naramdaman nila, at pag-isipan ang kanilang gagawin upang maipamuhay ang mga ito. Sa ganitong mga pagkakataon, dapat hikayatin ng mga titser ang mga estudyante na humingi ng gabay at patnubay sa Panginoon. Maaari ding talakayin ng mga titser ang mga sitwasyon na maaaring maranasan ng mga estudyante at hayaan silang magbahagi ng mga ideya kung paano pagpapalain ang kanilang buhay ng pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga sitwasyong iyon. Maaari silang magmungkahi na magtakda ang mga estudyante ng mithiin na makatutulong sa kanila na ipamuhay ang alituntuning itinuturo. Ang mga titser ay maaaring maghanda ng mga banal na kasulatan, mensahe, tula, o bahagi ng isang himno bilang handout na maiuuwi ng mga estudyante bilang paalala sa alituntunin.

Larawan
dalagita na nag-aaral

May mga pagkakataon na maaaring magmungkahi ang mga titser o mga estudyante sa klase kung paano maaaring ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga ganitong halimbawa ay makapagbibigay sa mga estudyante ng mga nakatutulong na ideya kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa araw-araw. Gayunman, ang mga titser ay dapat maging maingat na huwag magtakda ng mga masyadong tiyak na paraan ng pagsasabuhay para sa mga estudyante. Tandaan na ang pinakamakabuluhang patnubay para sa personal na pagsasabuhay ay natatanggap ng bawat isa sa pamamagitan ng inspirasyon o paghahayag mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Ang mga gurong inatasang ituro ‘ang mga alituntunin ng ebanghelyo’ at ‘[ang] doktrina ng kaharian’ (Doktrina at mga Tipan 88:77) ay karaniwang dapat iwasan ang pagtuturo ng mga partikular na patakaran o pagsasabuhay. … Kapag naituro na ng titser ang doktrina at ang kaugnay na mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan at mga buhay na propeta, ang gayong mga partikular na pagsasabuhay o patakaran ay karaniwang responsibilidad ng mga indibiduwal at pamilya” (“Gospel Teaching,” 79).

Ipaliwanag, Ibahagi, at Patotohanan ang mga Doktrina at Alituntunin ng Ebanghelyo

Ang pagpapaliwanag ng mga doktrina at alituntunin, pagbabahagi ng mga kaalaman at kaugnay na mga karanasan, at pagpapatotoo sa banal na katotohanan ay naglilinaw ng pag-unawa ng isang tao sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo at pinahuhusay ang kanilang kakayahang ituro ang ebanghelyo sa iba. Habang nagpapaliwanag, nagbabahagi, at nagpapatotoo ang mga estudyante, madalas silang gabayan ng Espiritu Santo sa mas malalim na patotoo tungkol sa mismong mga bagay na kanilang ipinahahayag. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita at pagpapahayag ay makakaapekto rin nang malaki sa puso at isipan ng mga kaklase nila o ng iba pang nakikinig.

Ang mga titser na taimtim at mapanalanging nag-aaral, naghahanda, at nagtuturo ng lesson ay madalas na natututo nang husto. Nangyayari din ang alituntuning ito sa mga estudyante. Habang kanilang pinag-aaralan at itinuturo sa isa’t isa ang mga doktrina at mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo, higit silang makauunawa at mapapalakas ang kanilang mga patotoo.

Ipaliwanag

Lumalawak ang pag-unawa sa banal na kasulatan kapag ipinaliliwanag ng mga estudyante at titser ang mga banal na kasulatan sa isa’t isa. Ang paghahanda na malinaw at simpleng sabihin kung ano ang isang talata o kung ano ang kahulugan ng isang doktrina o alituntunin ay naghihikayat sa mga titser at estudyante na pagnilayan ang mga talata, iorganisa ang kanilang mga ideya, at anyayahan ang Espiritu Santo na turuan sila.

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Natututo tayong gumawa sa pamamagitan ng paggawa. Kung pinag-aaralan natin ang ebanghelyo upang ituro ito, tayo ay nagtatamo ng kaalaman, sapagkat kung tayo ay nagdadala ng lampara para ilawan ang daan ng iba, iniilawan natin ang sarili nating daan. Habang sinusuri natin at inaayos ang mga banal na kasulatan upang makapaglahad ng katanggap-tanggap na lesson sa iba, naliliwanagan ang ating sariling isipan. Habang ipinaliliwanag natin ang alam na natin tila dumarating sa atin ang paglalahad ng mga karagdagang katotohanan, at pagpapalawak ng ating pang-unawa, mga bagong kaugnayan at pagpapamuhay” (The Teachings of Spencer W. Kimball [1982], 530).

Ang pagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang isang doktrina o alituntunin sa isang tao ay naghihikayat sa kanila na mag-isip nang mas malalim at humingi ng mas malawak na pang-unawa bago ituro sa iba ang natutuhan nila. Maaaring sabihin ng mga titser sa mga estudyante na ipaliwanag kung bakit mahalagang magkaroon ng pananampalataya, magpabinyag, o sundin ang batas ng ikapu. Ang mga estudyante ay maaaring anyayahan na sabihin sa iba ang tungkol sa Paglikha, Pagkahulog, o kung bakit sila naniniwala na ang mga pamilya ang sentro sa plano ng Ama sa Langit. Ito ay maaaring gawin nang magkakapartner o sa maliliit na grupo, sa mga dula-dulaan, sa buong klase, o sa pagsusulat. Ang paminsan-minsang pag-anyaya sa mga estudyante na ipaliwanag ang isang talata o ituro ang isang doktrina o alituntunin sa magulang, kapatid, kaibigan, o kasama sa bahay ay maaaring angkop din.

Magbahagi

Ang mga titser at mga estudyante ay dapat parehong magkaroon ng pagkakataong magbahagi ng kanilang mga ideya at pagkaunawa, pati ng mga personal na karanasan nila sa doktrina o alituntunin. Maaari din nilang ikuwento ang mga karanasang nasaksihan nila sa buhay ng iba.

Larawan
mga dalagitang nag-uusap

Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr: “Bihira ang kabataang dumadalo sa seminary o institute na hindi nakinabang sa mga espirituwal na pagpapala, o hindi nakakita ng bisa ng panalangin, o hindi nakasaksi sa kapangyarihan ng pananampalataya na pagalingin ang maysakit, o hindi nakamalas ng mga espirituwal na pagbuhos kung saan karamihan sa mundo ay walang nalalaman ngayon” (The Charted Course of the Church in Education, rev. ed. [1994], 9). Ang mga estudyante ay dapat bigyan ng pagkakataong ibahagi ang gayong mga karanasan sa klase. (Maaaring kailangang tulungan ng mga titser ang mga estudyante na maunawaan na ang ilang karanasan ay napakasagrado o personal at hindi kailangang ibahagi sa silid-aralan; tingnan sa Alma 12:9; Doktrina at mga Tipan 63:64.)

Magpatotoo

Kapag naipaliwanag na ng mga estudyante ang mga alituntunin ng ebanghelyo at nakapagbahagi na ng kanilang mga karanasan sa pagsasabuhay ng mga ito, kadalasan na mas handa sila na magpatotoo sa kanilang pinaniniwalaan.

Ipinaliwanag ni Elder Boyd K. Packer ang isa sa mga pagpapala ng pagpapatotoo: “Ah, kung maituturo ko lang sa inyo ang isang alituntuning ito. Ang patotoo ay matatagpuan sa pagbabahagi nito …

“Ibang bagay ang tumanggap ng patunay mula sa nabasa ninyo o sa sinabi ng iba; at iyan ay kinakailangang simula. Iba rin ang pagtibayin sa inyo ng Espiritu sa inyong puso na ang pinatotohanan ninyo ay totoo” (“The Candle of the Lord,” 54–55).

Ang pagbabahagi ng patotoo ay hindi lamang nagpapala sa taong nagbahagi nito kundi napapalakas din nito ang pananampalataya at patotoo ng iba. Ang pagpapatotoo ay nagbibigay ng pagkakataon sa Espiritu Santo na patotohanan ang partikular na mga doktrina at alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang patotoo ay hindi laging nagsisimula sa mga katagang “Gusto kong magpatotoo.” Maaaring isang simpleng pahayag lamang ito tungkol sa alam ng isang tao na totoo, sinambit nang may buong katapatan at may matibay na paniniwala. Maaaring simpleng pagpapatibay lamang ito ng nadarama ng isang tao tungkol sa doktrina o alituntunin ng ebanghelyo at ang kaibhang nagawa nito sa kanyang buhay. Mas malinaw na mauunawaan ng mga estudyante kung paano maisasabuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo at madamang mas inspiradong ipamuhay ang mga ito kapag naririnig nila ang titser at iba pang mga estudyante na nagpapatotoo tungkol sa kahalagahan ng mga alituntuning iyon.

Maaaring hikayatin ng mga titser ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga bagay na nag-aanyaya sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan at paniniwala (tingnan sa bahagi 5.1.3,“Mga Tanong na Nag-aanyaya ng Damdamin at Patotoo” sa pahina “00” [61]). Makapaglalaan din sila ng ibang pagkakataon para magpatotoo ang mga estudyante sa kanilang mga kaklase. Ang mga titser ay dapat sensitibo sa personal at sagradong katangian ng patotoo at maaaring mag-anyaya pero hindi dapat atasan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo. Dapat gamitin ng mga titser ang pagkakataong magpatotoo nang madalas tungkol sa kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Dapat alam ng mga titser, at tinutukoy nila ang mga patotoong ipinahayag ng Tagapagligtas pati ng mga propeta at apostol sa mga huling araw.

Pag-aralang Mabuti ang Mahahalagang Scripture Passage at mga Paksa ng Doktrina

Kapag pinahahalagahan ng bawat tao ang mga walang-hanggang katotohanan sa kanilang mga puso at isipan, ipapaalala sa kanila ng Espiritu Santo ang mga katotohanang ito sa mga oras ng pangangailangan at palalakasin ang loob nila na kumilos nang may pananampalataya. Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter:

“Hinihikayat ko kayong gamitin ang mga banal na kasulatan sa inyong pagtuturo at gawin ang lahat sa abot ng inyong makakaya na tulungan ang mga estudyante na gamitin at makasanayan ang mga ito. Nais ko na magtiwala ang ating mga kabataan sa mga banal na kasulatan. …

“Una, nais nating magkaroon ng tiwala ang mga estudyante sa lakas at katotohanan ng mga banal na kasulatan, tiwala na ang kanilang Ama sa Langit ay talagang nangungusap sa kanila sa mga banal na kasulatan, at tiwala na maaari silang bumaling sa mga banal na kasulatan at mahanap ang mga sagot sa kanilang mga problema at panalangin. …

“… Umaasa kami na wala ni isa sa inyong mga estudyante ang aalis sa inyong silid-aralan na natatakot o nahihiya na hindi nila matagpuan ang tulong na kailangan nila dahil hindi nila gaanong alam ang mga banal na kasulatan para mahanap ang mga wastong scripture passage” (“Eternal Investments,” 2).

Upang matulungan ang mga estudyante na pahalagahan ang mga walang-hanggang katotohanan at madagdagan ang kanilang tiwala sa mga banal na kasulatan, ang Seminaries and Institutes of Religion (S&I) ay pumili ng ilang doctrinal mastery passage at naghanda ng listahan ng mga paksa ng doktrina. Ang pag-aaral ng mga doctrinal mastery passage at mga doktrinang ito ay dapat pagsama-samahin upang matutuhan ng mga estudyante na maipahayag ang mga doktrinang ito sa sarili nilang mga salita at gamitin ang mga doctrinal mastery passage para matulungan silang maipaliwanag at mapatotohanan ang mga katotohanang ito.

Doctrinal Mastery

Ang S&I ay pumili ng 25 doctrinal mastery passage para sa bawat isa sa apat na kurso ng seminary. Ang mga scripture passage na ito ay nagbibigay ng mahalagang pundasyon mula sa banal na kasulatan para sa pag-unawa at pagbahahagi ng ebanghelyo at para sa pagpapalakas ng pananampalataya. Hinihikayat ang mga estudyante sa seminary na magkaroon ng “mastery” o kahusayan sa mga passage na ito tulad ng inilalarawan sa ibaba. Ang mga estudyante sa institute ay dapat hikayating sumalig sa 100 doctrinal mastery passage na ito at magkaroon ng malalim na pang-unawa sa iba pang mahahalagang talata ng banal na kasulatan.

Kabilang sa mastery ng mga scripture passage ang:

  • Paghahanap sa mga talata sa pamamagitan ng pag-alam sa kaugnay na mga scripture reference.

  • Pag-unawa sa konteksto at nilalaman ng mga scripture passage.

  • Pagsasabuhay ng mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo na itinuro sa mga scripture passage.

  • Pagsasaulo ng mga scripture passage.

Ang pagsasaulo ay maaaring maging magandang kasangkapan para tulungan ang mga estudyante na malaman at mahalin ang mga piling talata ng banal na kasulatan. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott, “Kapag ginagamit ang mga banal na kasulatan ayon sa ipinatala sa kanila ng Panginoon, ang mga ito ay may likas na kapangyarihan na hindi naipaparating kapag iniiba ang ayos ng mga salita” (“He Lives,” Ensign, Nob. 1999, 88). Gayunpaman, dapat maging maingat upang maiakma ang mga inaasahan sa kakayahan at kalagayan ng bawat estudyante. Hindi dapat madama ng mga estudyante na napapahiya sila o pinanghihinaan sila ng loob kung hindi sila makapagsaulo.

Mas matutulungan ng mga titser ang mga estudyante kung napag-aralan at naisaulo rin nila mismo ang mga talatang ito. Kapag ang mga titser ay tumutukoy sa mga doctrinal mastery passage nang palagian, pinananatili ang angkop na mga inaasahan, at gumagamit ng mga pamamaraan na angkop sa iba’t ibang estilo ng pag-aaral, mas magiging matagumpay sila sa pagtulong sa mga estudyante na maging mahusay sa mahahalagang scripture passage na ito. Sa oras ng lesson, ang mga doctrinal mastery passage ay dapat gamitin upang linawin ang mga kaugnay na doktrina at alituntunin. Maaaring gamitin ang mga ito bilang tema para sa mga debosyonal o idispley sa isang lugar sa loob ng silid-aralan. Ang mga estudyante ay dapat ding hikayating pag-aralan at ipamuhay ang mga ito sa labas ng klase.

Larawan
dalawang lalaking nag-uusap

Sa mga lugar kung saan sama-samang naglilingkod ang maraming titser sa isang faculty, mas madaragdagan ang natututuhan ng mga estudyante kapag ang mga faculty member ay nagkakaisa ng pamamaraan sa doctrinal mastery. Paminsan-minsan ay maaaring piliin ng mga titser na rebyuhin ang mga doctrinal mastery reference mula sa nakaraang mga taon upang mapanatili ng mga estudyante ang kahusayan o mastery sa lahat ng piniling scripture passage.

Bagama’t ang doctrinal mastery ay mahalagang bahagi ng kurikulum, ito ay suplemento, at hindi dapat pamalit sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. Ang mga titser ay dapat maging matalino sa panahong inilalaan nila sa doctrinal mastery. Ang mga home-study teacher ay dapat maging lalong maingat na ang lingguhang klase ay hindi nagiging lingguhang doctrinal mastery activity. Ang mga titser ay dapat pumili ng mga pamamaraan, aktibidad, at musika na naaayon sa dignidad, layunin, at diwa ng mga banal na kasulatan at umiiwas sa pagtatalo.

Mga Paksa ng Doktrina

Siyam na paksa ng doktrina ang natukoy para bigyang-diin sa mga klase sa seminary at institute. Dapat tulungan ng mga titser ang mga estudyante na matukoy, maunawaan, paniwalaan, ipaliwanag, at ipamuhay ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo at madagdagan ang kanilang pagpapahalaga sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pag-aaral ng mga paksang ito ay makatutulong din sa kanila na maging mas handang ituro ang mahahalagang katotohanang ito sa iba.

Mahalagang tandaan na ang iba pang mahahalagang doktrina ng ebanghelyo ay ituturo din, kahit hindi nakalista ang mga ito sa mga paksa ng doktrina.

Ang sumusunod ay ang mga paksa ng doktrina na pinili ng Seminaries and Institutes of Religion:

  • Ang Panguluhang Diyos

  • Ang plano ng kaligtasan

  • Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

  • Ang Panunumbalik

  • Mga propeta at paghahayag

  • Ang priesthood at mga susi ng priesthood

  • Mga ordenansa at mga tipan

  • Pag-aasawa at pamilya

  • Mga kautusan

Kapag personal na pinag-aaralan at nauunawaan ng mga titser ang mga paksang ito, mas natural nilang tutukuyin at patototohanan ang mga ito habang nagtuturo sila. Gayunman, hindi sila dapat lumihis sa pagtuturo ng mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod nito para lamang magtuon sa mga paksang ito. Sa halip, ang mga titser ay dapat magbigay ng maingat at palagiang pagtutuon sa mga paksang ito kapag natural na lumitaw ang mga ito sa teksto ng banal na kasulatan at sa mga kurso ng pag-aaral. Sa ganitong paraan, ang listahan ng mga paksa ng doktrina ay nagsisilbing paalala na magtuon sa mga walang-hanggang katotohanang iyon na magiging pinakamahalaga sa mga estudyante at bigyang-diin ang mga ito sa buong kurso ng pag-aaral. Ang mga paksang ito ng doktrina ay maaari ding gamitin bilang mga tema sa mga debosyonal.

Maaalala rin ng isang matalinong titser na ang pagtitiyaga at patuloy na pagtuturo ay mahalaga sa pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga paksang ito. Hindi inaasahan na lubos na mauunawaan agad ng isang estudyante ang lahat ng bagay. Itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga anak ang “taludtod sa taludtod, utos sa utos” (Doktrina at mga Tipan 98:12). Dapat makita ng mga titser at estudyante na ang pag-unawa sa mga paksang ito ay isang proseso na nagaganap sa loob ng apat na taon ng seminary at nagpapatuloy sa mga taon sa institute.

Print