“Mga Pamamaraan, Kasanayan, at Estilo sa Pagtuturo,” Mga Pamamaraan, Kasanayan, at Estilo sa Pagtuturo (2023)
“Mga Pamamaraan, Kasanayan, at Estilo sa Pagtuturo,” Mga Pamamaraan, Kasanayan, at Estilo sa Pagtuturo
Mga Pamamaraan, Kasanayan, at Estilo sa Pagtuturo
Ang pagtuturo ay isang masalimuot na gawain at maraming aspetong dapat isaalang-alang. Ang isang listahan ng mga pamamaraan o estilo sa pagtuturo ay kinapapalooban ng maraming ideya at halimbawa, at ang isang buong talakayan tungkol sa mga ito ay makagagawa ng maraming aklat. Gayunman, posible na pagsama-samahin ang mga ito sa ilang pangkalahatang aspeto ng mga pamamaraan, kasanayan, o estilo sa pagtuturo na kailangan sa epektibong pagtuturo. Tatalakayin sa bahaging ito ang ilan sa mahahalagang aspetong ito.
Kapag nagpapasiya kung aling pamamaraan ang gagamitin sa pagtuturo, mahalagang tandaan na ang mga pamamaraan at kasanayan ay paraan lamang para makamtan ang mithiin, at hindi paraan para magtamo pa ng ibang mithiin. Ang mga titser ay dapat pumili ng mga pamamaraan na pinakamainam na makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga nilalaman, doktrina, at alituntunin ng partikular na scripture block at makatutulong sa pagpapatibay at pagsasabuhay. Ang pagsasaisip sa layunin sa paggamit ng partikular na kasanayan o estilo ay makatutulong sa mga titser na gamitin ang mga ito sa mas makabuluhang paraan. Mahalaga ring tandaan na kung wala ang Espiritu, kahit ang pinakamabisang pamamaraan at estilo sa pagtuturo ay hindi magtatagumpay.
Mga Tanong
Ang mabisang pagtatanong ay isa sa mga pinakamahalagang kasanayan na maaaring paghusayin ng titser. Ang mga tanong ay nakahihikayat sa mga estudyante na unawain ang mga banal na kasulatan at tinutulungan sila na matukoy at maunawaan ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Nakatutulong din ang mga tanong sa mga estudyante na pagnilayan kung paano naiimpluwensyahan ng ebanghelyo ang kanilang buhay at pag-isipan kung paano maisasabuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ngayon at sa hinaharap. Ang mabisang pagtatanong ay maaari ding makahikayat sa mga estudyante na anyayahan ang Espiritu Santo sa kanilang karanasan sa pagkatuto sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang kalayaang pumili at pagtupad sa kanilang responsibilidad sa proseso ng pagkatuto.
Sulit ang pagsikapang mabuti ang pagbuo ng mga tanong habang naghahanda ng lesson na hahantong sa pagkaunawa at aantig sa puso’t isipan ng mga estudyante habang sila ay natututo. Kapag nagpaplano ng mga tanong, dapat unang alamin ng titser ang layunin ng partikular na tanong (halimbawa, maaaring hangarin ng titser na tuklasin ng mga estudyante ang impormasyong nakapaloob sa scripture passage, pag-isipan ang kahulugan ng talata, o magbahagi ng patotoo tungkol sa katotohanan ng isang alituntunin). Pagkatapos ay dapat maingat na bumuo ng tanong ang titser na isinasaisip ang layuning iyon. Ang ilang salita na maingat na pinili ay makagagawa ng malaking kaibahan sa kung ang tanong ba ay nagbunga o hindi ng mga ninanais na resulta.
Ang mga titser ay dapat magsikap na maghanda at magtanong ng mga bagay na nagpapagana ng pag-iisip at damdamin. Dapat nilang iwasan ang mga tanong na masasagot ng simpleng “oo” o “hindi,” o kung saan ang sagot ay maliwanag nang nakikita kung kaya’t ang mga estudyante ay hindi na mahikayat na pag-isipan iyon. Dapat ding iwasan ng mga titser ang mga tanong na maaaring pagsimulan ng kontrobersiya dahil maaaring hindi ito ikatuwa ng mga estudyante at lumikha ng pagtatalu-talo sa klase, na nagpapadalamhati sa Espiritu (tingnan sa 3 Nephi 11:29).
Kapag nagtatanong sa klase, mahalaga para sa mga titser na bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang sagot. Kung minsan ang mga titser ay nagtatanong, titigil ng isa o dalawang segundo, at kapag walang sumagot kaagad, sila ay mababalisa at ibibigay nila mismo ang sagot. Gayunman, ang mga epektibong tanong ay madalas na kailangang pag-isipan at pagnilayan, at maaaring mangailangan ang mga estudyante ng sapat na oras para maghanap ng mga sagot sa mga banal na kasulatan o makaisip ng makabuluhang sagot. Makatutulong sa ilang pagkakataon na magbigay ng oras sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot bago tumugon.
Si Jesucristo, ang Dalubhasang Guro, ay gumamit ng iba’t ibang uri ng tanong upang mahikayat ang mga tao na pagnilayan at ipamuhay ang mga alituntunin na Kanyang itinuro. Ang Kanyang mga tanong ay iba-iba na depende sa kung ano ang hangad Niyang maisakatuparan sa buhay ng mga tinuturuan Niya. Ang ilan sa mga tanong ay naghikayat sa Kanyang mga tagapakinig na mag-isip at sumangguni sa mga banal na kasulatan para sa mga sagot, tulad noong itanong Niya, “Ano ang nasusulat sa kautusan? Ano ang nababasa mo?” (Lucas 10:26). Ang iba pang mga tanong ay naglalayong humikayat ng katapatan, gaya noong itanong Niya, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” (3 Nephi 27:27).
Bagamat may iba’t ibang uri ng tanong na maaaring itanong ng isang titser, may apat na pangkalahatang uri ng mga tanong na partikular na mahalaga sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo:
-
Mga tanong na nag-aanyaya sa mga estudyante na maghanap ng impormasyon
-
Mga tanong na naghihikayat sa mga estudyante na sumuri para makaunawa
-
Mga tanong na nag-aanyaya ng damdamin at patotoo
-
Mga tanong na naghihikayat ng pagsasabuhay
Mga Tanong na Nag-aanyaya sa mga Estudyante na Maghanap ng Impormasyon
Ang mga tanong na naghahanap ng impormasyon ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng mahalagang kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na maghanap ng mahahalagang detalye na nauugnay sa nilalaman ng scripture block. Dahil ang mga tanong na naghahanap ng impormasyon ay naghihikayat sa mga estudyante na maghanap ng impormasyon sa teksto ng mga banal na kasulatan, makabubuting itanong ang mga bagay na ito bago ipabasa ang mga talata kung saan matatagpuan ang mga sagot. Itinutuon nito ang pansin ng mga estudyante at nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na tuklasin ang mga sagot sa mga tala sa banal na kasulatan.
Madalas na kabilang sa mga tanong na naghahanap ng impormasyon ang mga salitang sino, ano, kailan, paano, saan, at bakit. Ang ilang halimbawa ng mga tanong na nag-aanyaya sa mga estudyante na maghanap ng impormasyon ay kinabibilangan ng:
-
Ayon sa Mateo 19:22, bakit umalis nang nalulungkot ang mayamang binata?
-
Sa 1 Samuel 17:24, ano ang reaksyon ng kalalakihan ng Israel nang makita nila si Goliat? Paano tumugon si David sa talata 26?
-
Ano ang ipinayo ni Alma sa kanyang anak na si Siblon sa Alma 38:5–15?
Ang mga sagot sa mga tanong na naghahanap ng impormasyon ay dapat magtatag ng mahahalagang kaalaman kung saan maidaragdag ang iba pang uri ng mga tanong na maghihikayat ng higit na pag-unawa at pagsasabuhay. Ang tanong ng Tagapagligtas na, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?” (Mateo 16:13) ay nagbigay ng background o pinagmulang impormasyon. Ang mga sagot na ibinigay ng Kanyang mga disipulo ang naghanda sa kanila para sa mas malalim at mas matinding tanong, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (Mateo 16:15).
Mga Tanong na Naghihikayat sa mga Estudyante na Sumuri para Makaunawa
Ang mga tanong na sumusuri ay karaniwang itinatanong matapos maging pamilyar ang mga estudyante sa mga talatang pinag-aaralan nila. Maaanyayahan nito ang mga mag-aaral na maghanap ng mas malawak at mas malalim na pang-unawa sa mga banal na kasulatan. Matutulungan nito ang mga estudyante na suriin ang mga ugnayan at huwaran o tuklasin ang mga paghahambing sa loob ng mga banal na kasulatan. Ang mga tanong na sumusuri ay halos laging may mahigit sa isang posibleng sagot.
Ang mga tanong na sumusuri ay karaniwang nauugnay sa kahit isa sa tatlong layunin. Matutulungan nito ang mga estudyante na:
-
Mas maunawaan ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan.
-
Matukoy ang mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo.
-
Magkaroon ng mas malalim na pang-unawa sa mga alituntunin at mga doktrinang iyon.
Mas maunawaan ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan. Ang mga tanong na sumusuri ay makatutulong sa mga estudyante na mapalawak ang kanilang pagkaunawa sa mga teksto at mga pangyayari sa banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na suriin ang mga talata sa konteksto ng kasaysayan at kulturang pinagmulan ng mga ito, o sa iba pang mga kaugnay na talata sa banal na kasulatan. Ang gayong mga tanong ay makatutulong din sa mga estudyante na linawin ang kahulugan ng mga salita o parirala at suriin ang mga detalye ng kuwento para sa mas malalim na kahulugan. Ang prosesong ito ay naghahanda sa mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin at mga doktrina.
Ang mga halimbawa ng mga ganitong uri ng tanong ay:
-
Paano nakatutulong sa atin ang paliwanag ni Jesus sa Mateo 13:18–23 para maunawaan natin ang Kanyang mga turo sa mga talata 3–8?
-
Anong mga pagkakaiba ang nakikita ninyo sa tugon nina Laman at Lemuel at sa tugon ni Nephi sa tagubilin ng anghel? (tingnan sa 1 Nephi 3:31; 4:1–7).
-
Ano ang naging dahilan ng pagkawala ng 116 na mga pahina na nagbunsod sa Panginoon na payuhan si Joseph Smith na “hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos”? (Doktrina at mga Tipan 3:7).
Pagtulong sa mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo. Kapag inuunawa ng mga estudyante ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan, mas matutukoy nila ang mga alituntunin at mga doktrinang nakapaloob sa mga ito. Ang mga tanong na sumusuri ay makatutulong sa mga estudyante na makapagbigay ng konklusyon at maipahayag nang malinaw ang mga alituntunin o mga doktrina na nasa scripture block (tingnan sa bahagi 2.5.1, “Tukuyin ang mga Doktrina at Alituntunin” sa pahina “00” [26]).
Kabilang sa ilang halimbawa ng mga tanong na ito ay:
-
Anong alituntunin ang ipinakita ng tagumpay ni Nephi sa pagkuha ng mga laminang tanso sa kabila ng matinding hirap? (tingnan sa 1 Nephi 3–4).
-
Anong mga doktrina hinggil sa katangian ng Diyos ang matututuhan natin mula sa Unang Pangitain? (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20).
-
Anong aral ang matututuhan natin mula sa pagsisikap ng babaing dinudugo na makalapit sa Tagapagligtas, at ano ang naging tugon Niya sa babae bunga nito? (tingnan sa Marcos 5:24–34).
Pagtulong sa mga estudyante na magkaroon ng mas malalim na pang-unawa sa mga alituntunin at mga doktrina. Bukod sa pagtukoy sa mga alituntunin at mga doktrina, kailangang maunawaan ng mga estudyante ang mga ito bago maging makabuluhan ang mga ito. Partikular na makatutulong ang mga tanong na nagbibigay-daan sa mas malinaw na pang-unawa sa kahulugan ng partikular na alituntunin o doktrina, na humihikayat sa mga estudyante na pag-isipan ang isang alituntunin sa makabagong konteksto, o nag-aanyaya sa mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang nauunawaan sa isang alituntunin. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Ano ang mga katibayan na mahal natin ang Diyos ng ating buong “kakayahan, pag-iisip at lakas?” (Moroni 10:32).
-
Bakit makatutulong sa inyo ang palagiang pagdarasal na matamo ang espirituwal na lakas na kailangan para mapaglabanan ang mga tukso tulad ng pagsasalita nang masama sa kapwa o paglilibang na hindi kalugud-lugod sa Espiritu? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:5).
-
Anong mga ugali at katangian ang makikita ninyo sa buhay ng isang tao na sumasalig kay Cristo? (tingnan sa Helaman 5:1–14).
-
Gamit ang natutuhan natin sa Alma 40, paano ninyo ipaliliwanag ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli sa isang kaibigan na hindi miyembro ng ating Simbahan?
Mga Tanong na Nag-aanyaya ng Damdamin at Patotoo
Ang ilang tanong ay tumutulong sa mga estudyante na pag-isipan at unawain ang mga alituntunin at mga doktrina ng ebanghelyo, samantalang ang iba ay maaaring maging dahilan para pagnilayan nila ang mga espirituwal na karanasan at mas maipadama sa mga estudyante nang mas malalim ang katotohanan at kahalagahan ng isang alituntunin o doktrina ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Kadalasan, ang mga damdaming iyon ay nagdudulot ng mas matinding hangarin sa puso ng mga estudyante na ipamuhay nang mas matapat ang isang alituntunin ng ebanghelyo. Sa mensahe sa mga CES religious educator, binanggit ni Pangulong Henry B. Eyring ang ganitong uri ng mga tanong nang sabihin niyang:
“May ilang tanong na nag-aanyaya ng inspirasyon. Ang mahuhusay na guro ay nagtatanong nito. … Narito ang isang tanong na marahil ay hindi nag-aanyaya ng inspirasyon: ‘Paano nakikilala ang isang tunay na propeta?’ Ang tanong na iyon ay nag-aanyaya ng listahan ng mga sagot, na hango sa alaala ng mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta. Maaaring makilahok ang maraming estudyante sa pagsagot. Karamihan ay makapagbibigay kahit paano ng mabuti-buting mungkahi. At ang mga isipan ay magigising.
“Ngunit maaari din nating itanong ito sa ganitong paraan, na may kaunting kaibhan: ‘Kailan ninyo nadama na kayo ay nasa presensya ng isang propeta?’ Iyan ang mag-aanyaya sa mga indibiduwal na buhayin sa alaala ang kanilang nadama. Matapos magtanong, mas mabuting maghintay tayo sandali bago tumawag ng isang taong sasagot. Kahit ang mga hindi nagsasalita ay mag-iisip ng mga espirituwal na karanasan. Iyan ay mag-aanyaya sa Espiritu Santo” (“The Lord Will Multiply the Harvest,” 6).
Ang gayong mga tanong ay nag-aanyaya sa mga estudyante na pagnilayan ang nakaraan, na “buhayin sa alaala ang kanilang nadama,” at mag-isip ng mga espirituwal na karanasan na nauugnay sa doktrina o alituntunin ng ebanghelyo na tinatalakay. Kadalasan, ang ganitong mga tanong ay nagreresulta sa pagbabahagi ng mga estudyante ng mga damdamin at karanasang iyon o pagbibigay ng patotoo tungkol sa isang doktrina o alituntunin. Ang mga tanong na ito ay tumutulong na dalhin ang ebanghelyo sa puso ng mga estudyante mula sa kanilang isipan. At kapag nararamdaman nila sa kanilang puso ang katotohanan at kahalagahan ng alituntunin o doktrina ng ebanghelyo, mas malamang na ipamuhay nila ang mga ito.
Narito ang ilang halimbawa ng mga tanong na nakagigising ng damdamin at nag-aanyaya ng patotoo:
-
Kailan ninyo nadama ang kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagpapatawad sa isang tao?
-
Isipin ang isang pagkakataon na ginabayan ng Panginoon ang inyong mga desisyon dahil nagtiwala kayo sa Kanya sa halip na umasa sa sarili ninyong pang-unawa (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6). Paano kayo napagpala sa paggawa nito?
-
Kung personal ninyong mapapasalamatan ang Tagapagligtas dahil nagsakripisyo Siya para sa inyo, ano ang sasabihin ninyo sa Kanya?
-
Paano naiba ang inyong buhay dahil sa nangyari sa Sagradong Kakahuyan?
-
Kailan kayo nakakita ng ibang tao na tumugon nang tapat sa mga pagsubok? Paano ito nakaimpluwensya sa inyo?
Babala: Ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito ay maaaring lubhang personal at sensitibo. Dapat tiyakin ng mga titser na hindi mararamdaman ng mga estudyante na sila ay pinipilit pasagutin sa mga tanong, magbahagi ng kanilang mga nadarama o karanasan, o magpatotoo. Bukod pa rito, dapat tulungan ng mga titser ang mga estudyante na maunawaan ang kasagraduhan ng personal na mga espirituwal na karanasan at hikayatin silang ibahagi ang mga karanasang iyon sa angkop na paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:64).
Mga Tanong na Naghihikayat ng Pagsasabuhay
Sa huli, ang layunin ng pagtuturo ng ebanghelyo ay tulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga alituntunin at doktrinang matatagpuan sa mga banal na kasulatan at maging karapat-dapat na matanggap ang mga pagpapalang ipinangako sa matatapat at masunurin. Ang mga estudyante na nakatatanto kung paano sila pinagpala sa pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo noon ay mas magnanais at mas magiging handa na matagumpay na maisabuhay ang mga ito sa hinaharap. Ang pagtatanong ay may mahalagang papel sa pagtulong sa mga estudyante na makita kung paano nila maipamumuhay ang mga alituntuning ito sa kanilang kasalukuyang sitwasyon at mapag-isipang mabuti kung paano nila maipamumuhay ang mga ito sa hinaharap.
Narito ang ilang halimbawa ng mga tanong na makatutulong sa mga estudyante na pag-isipan mismo ang mga paraan upang maipamuhay nila ang mga alituntunin at mga doktrina:
-
Anong mga pagbabago ang kailangan ninyong gawin upang mas mapanatiling banal ang araw ng Sabbath nang sa gayon ay maaari kayong maging mas lubos na walang bahid-dungis mula sa mundo? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–13).
-
Ano ang isang bagay na ipinayo ng propeta na masusunod ninyo nang mas lubusan? (tingnan sa Alma 57:1–27).
-
Paano makatutulong sa inyo ang alituntuning kung hahanapin muna natin ang kaharian ng Diyos, pagpapalain tayo sa ibang mga aspeto ng ating buhay sa pagpaprayoridad ninyo ng inyong mga mithiin at aktibidad sa susunod na dalawa o tatlong taon? (tingnan sa Mateo 6:33).
Talakayan sa Klase
Ang mga makabuluhang talakayan ay may mahalagang papel sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo. Ang talakayan sa klase ay nangyayari kapag nag-uusap ang mga titser at mga estudyante at nag-uusap ang mga estudyante sa paraang natututo sila. Ang mahusay na talakayan ay makatutulong sa mga estudyante na malaman ang kahalagahan ng paghahanap ng mga sagot sa mahahalagang tanong at ang kahalagahan ng pakikinig at pagkatuto sa mga komento, ideya, at karanasan ng ibang tao. Matutulungan din nito ang mga estudyante na panatilihin ang antas ng konsentrasyon at partisipasyon sa klase na madalas na nagbubunga ng mas malalim na pang-unawa sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na tinatalakay, gayon din ng mas taimtim na hangarin sa kanilang puso na isabuhay ang mga bagay na kanilang natututuhan at nadarama.
Narito ang ilang ideya para matulungan ang mga titser na pamunuan ang direkta at nagbibigay-inspirasyong mga talakayan sa klase:
Planuhin ang talakayan. Tulad ng iba pang mga pamamaraan ng pagtuturo, ang talakayan ay kailangang ihandang mabuti at pagkatapos ay isagawa sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu. Kailangang napag-isipan ng titser kung paano makakatulong ang talakayan sa mga estudyante na maunawaan ang kailangan nilang malaman, anong mga tanong ang magiging daan para makamit ang layuning iyon, paano itatanong ang mga ito sa pinakaepektibong paraan, at ano ang dapat gawin kung ang sagot ng isang estudyante ay magdadala sa talakayan sa isang di-inaasahang direksyon.
Iwasan ang sobrang pagkokomento ng titser. Ang mga titser na labis na nagbibigay ng mga komento sa isang paksa ng talakayan ay makahahadlang sa pagsisikap ng mga estudyante na lumahok dito dahil napag-alaman nila na ang kanilang titser ay kadalasang sabik na magbigay ng sagot. Ang sobrang pagkokomento ng titser ay maaaring makapagpadama sa mga estudyante na ang kanilang mga kontribusyon ay hindi gaanong mahalaga at magiging dahilan ito upang mawalan sila ng interes.
Anyayahan ang lahat ng estudyante na makilahok. Dapat maghanap ng mga paraan ang mga titser para angkop na anyayahan ang lahat ng estudyante na makilahok sa mga makabuluhang talakayan sa klase, kahit ang mga nag-aalangang lumahok sa iba’t ibang kadahilanan. Dapat mag-ingat ang mga titser na hindi ipahiya ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila kapag alam nila na hindi handang sumagot ang estudyante.
Kung minsan ang isang estudyante o maliit na bilang ng mga estudyante ay may tendensiyang mangibabaw sa talakayan sa klase. Maaaring kailanganing kausapin nang sarilinan ng mga titser ang mga taong ito, pasalamatan sila sa kahandaan nilang makilahok, ipaliwanag kung gaano kahalaga na hikayatin ang lahat ng miyembro ng klase na makilahok, at ipaliwanag kung bakit hindi sila maaaring tawagin sa tuwing sila ay nagpiprisintang sumagot.
Tawagin sa pangalan ang mga estudyante. Ang pagtawag sa mga estudyante sa kanilang pangalan para sagutin ang isang tanong o magbigay ng komento ay tumutulong para madama ang pagmamahal at paggalang sa loob ng klase.
Huwag matakot sa katahimikan. Minsan kapag nagtanong ng isang epektibong tanong, ang mga estudyante ay maaaring hindi agad nakasasagot. Ang katahimikang ito ay hindi dapat ikabahala ng titser kung hindi ito masyadong mahaba. Kung minsan, kailangan ng mga estudyante ng pagkakataong pagnilayan ang itinanong sa kanila at kung paano nila maaaring sagutin ang tanong. Ang pagninilay na ito ay maaaring maging daan para sa pagtuturo ng Espiritu Santo.
Ulitin ang tanong gamit ang ibang salita. Kung minsan maaaring mahirapan ang mga estudyante na sumagot sa tanong dahil ang tanong ay hindi malinaw. Maaaring kailangan ng titser na ulitin ang tanong gamit ang ibang salita o itanong sa mga estudyante kung naiintindihan nila ang itinanong. Dapat iwasan ng mga titser na magtanong nang sunud-sunod na hindi binibigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mag-isip nang mabuti para makabuo ng angkop na mga sagot.
Makinig nang mabuti at sundan ng mga kaugnay na tanong. Ang mga titser kung minsan ay masyadong inaalala kung ano ang kanilang susunod na sasabihin o gagawin kung kaya’t hindi nila napagtutuunan ng pansin ang sinasabi ng mga estudyante. Sa pagmamasid at pakikinig nang mabuti sa mga estudyante, mahihiwatigan ng mga titser ang kanilang mga pangangailangan at magagabayan ang talakayan ayon sa patnubay ng Espiritu Santo. Matitiyak ng mga titser na tama ang pagkakaunawa nila sa mga sagot ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagtatanong na tulad ng “Matutulungan mo ba akong maunawaan kung ano ang ibig mong sabihin?” o “Maaari mo ba akong bigyan ng halimbawa ng ibig mong sabihin?” Ang pagtatanong ng mga ganoong kaugnay na tanong ay kadalasang nag-aanyaya sa isang estudyante na magbahagi pa kung ano ang kanilang mga iniisip at nadarama at madalas na nag-aanyaya ng pagpapatotoo sa sagot. Dapat ding paalalahanan ng mga titser ang mga estudyante na makinig sa isa’t isa at huwag magsalita kapag may ibang taong nagsasalita.
I-redirect o ipasa sa iba ang mga komento o tanong ng mga estudyante. Maraming beses na sumusunod sa isang huwaran ang mga talakayan sa klase kung saan ang isang titser ay nagtatanong, sumasagot ang isang estudyante, at pagkatapos ay idinaragdag ng titser ang kanyang nalalaman sa sagot ng estudyante bago ibigay ang susunod na tanong. Ang mga talakayan ay mas magiging makahulugan, masigla, at epektibo kapag ipinapasa ng isang titser ang sagot o komentaryo ng isang estudyante sa iba pang mga estudyante. Ang mga simpleng tanong na tulad ng “Ano ang maidaragdag ninyo rito?” o “Ano ang inyong mga saloobin sa komentong ito?” ay makagagawa ng isang huwaran kung saan ang mga estudyante ay sasagot sa mga estudyante. Ito ay kadalasang mas nagpapaganda sa karanasan sa pag-aaral. Karaniwan, maliban na lamang kung limitado ang oras, lahat ng estudyante na nais magbigay ng komento ay dapat magkaroon ng pagkakataong magsalita.
Kilalanin ang sagot o tugon sa isang positibong paraan. Kapag sumagot ang isang estudyante, kailangang kilalanin ng titser ang mga ito sa kahit anong paraan. Maaaring ito ay simpleng pagsasabi ng “salamat” o pagbibigay ng komento sa sagot. Kapag maling sagot ang ibinigay, ang titser ay kailangang mag-ingat na hindi mapahiya ang estudyante. Ang mahusay na titser ay makabubuo ng tanong batay sa sinabi ng estudyante na tama o makapagtatanong ng karagdagang tanong na nagiging daan para pag-isipang muli ng isang estudyante ang kanyang sagot.
Magkakasamang Basahin sa Klase ang mga Banal na Kasulatan
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa klase ay makatutulong sa mga estudyante na maging pamilyar at mas maunawaan ang mga talatang pinag-aaralan nila. Makatutulong din ito sa kanila na magkaroon ng kumpiyansa sa kanilang kakayahang magbasa nang mag-isa ng mga banal na kasulatan. Ang mga titser ay dapat maging maingat na hindi mapahiya ang mga nahihirapang magbasa o ang mga napakamahiyain. Ang mga estudyanteng hindi gustong magbasa nang malakas ay hindi dapat piliting gawin ito, ngunit maaari silang hikayatin ng mga titser na makilahok sa mga paraang mas komportable sila. Halimbawa, ang pagbibigay ng maikling scripture passage sa isang estudyante nang mas maaga para makapag-ensayo siyang basahin ito ay maaaring angkop na paraan para sa estudyanteng ito na makilahok sa klase.
May ilang paraan upang basahin ang mga banal na kasulatan nang sabay-sabay sa klase:
-
Ipabasa nang malakas sa mga estudyante, nang isa-isa o sabay-sabay.
-
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga ito sa isa’t isa.
-
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang isang talata.
-
Magtalaga ng iba’t ibang estudyante para magbasa ng mga sinabi ng iba’t ibang tao sa isang kuwento.
-
Magbasa nang malakas sa mga estudyante habang sinusundan nila ang binabasa sa kanilang mga banal na kasulatan.
Paglalahad ng Titser
Bagama’t mahalaga ang pagiging aktibo ng mga estudyante sa proseso ng pag-aaral sa kanilang pag-unawa at pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan, hindi nito pinapalitan ang pangangailangan para sa isang titser na angkop na ilahad ang impormasyon sa iba’t ibang pagkakataon habang nakikinig ang mga estudyante. Para sa mga layunin ng hanbuk na ito, ang mga pagkakataong iyon kung saan ang titser ay nagsasalita at nakikinig ang mga estudyante ay tatawaging “paglalahad ng titser.” Kapag ginamit ito nang tama, mapag-iibayo ng paglalahad ng titser ang iba pang mga pamamaraan sa pagtuturo. Subalit, kung labis itong ginamit, ang aktibidad na ito na nakasentro sa titser ay makababawas sa epektibong pagtuturo at malilimitahan ang pagkakataon ng isang estudyante na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Ang paglalahad ng titser ay maaaring maging napaka-epektibo kapag nagbubuod ng malaking bahagi ng mga materyal, naglalahad ng impormasyong bago sa mga estudyante, gumagawa ng mga transisyon sa pagitan ng iba’t ibang bahagi ng lesson, o bumubuo ng konklusyon. Maaaring kailanganin ng titser na magpaliwanag, magbigay-linaw, at maglarawan upang mas maunawaan pa ng mga estudyante ang konteksto ng isang scripture block. Maaari ring bigyang-diin ng titser ang mahahalagang doktrina at alituntunin at hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga ito. Marahil ang pinakamahalaga sa lahat, ang mga titser ay maaaring magpatotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo at magpahayag ng pagmamahal nila sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak.
Kapag gumagamit ng paglalahad ang mga titser, tulad ng paggamit sa anumang pamamaraan ng pagtuturo, dapat patuloy na sinusuri ng mga titser ang kahandaan ng mga estudyante na makinig sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanilang sarili ng: “Interesado at nakapokus ba ang aking mga estudyante?” at “Nauunawaan ba nila ang inilalahad?” Sa huli, ang pagiging epektibo nito o ng anumang paraan ng pagtuturo ay natutukoy kung ang mga estudyante ay natututo o hindi sa pamamagitan ng Espiritu, nauunawaan ang mga banal na kasulatan, at hinahangad na ipamuhay ang kanilang natututuhan.
Ang mga sumusunod na ideya ay makatutulong sa titser na gamitin ang pamamaraang ito nang mas epektibo.
Planuhin ang mga bahagi ng paglalahad ng titser sa lesson. Paminsan-minsan, ang mga titser ay masusing naghahanda ng iba pang mga bahagi ng lesson pero hindi nagbibigay ng parehong pansin sa mga bahaging iyon ng lesson kapag sila ang halos palaging magsasalita. Isa sa mga alalahanin tungkol sa paglalahad ng mga titser ay ang hindi gaanong pakikilahok ng mga estudyante sa karanasan sa pagkatuto. Kaya nga, ang paglalahad ng titser ay kailangan din ng maingat na pagpaplano at paghahanda, na kabilang dito ang pagpapasiya kung paano sisimulan at paano gagawin ang pagtuturo sa lohikal na paraan.
Habang pinaplano ang paggamit ng paglalahad ng titser, dapat pag-isipang mabuti ng mga titser kung saang bahagi mahalagang aktibong makilahok ang mga estudyante. Kalimitan, sa pagprogreso ng lesson mula sa pag-unawa sa konteksto at nilalaman ng scripture block hanggang sa pagtuklas, pagtalakay, at pagsasabuhay ng mga alituntunin at doktrina, nadaragdagan ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga estudyante.
Pagsamahin ang paglalahad ng titser at ang iba pang mga pamamaraan. Ang mabisang paggamit ng paglalahad ng titser sa klase ay ang gamitin ito bilang bahagi ng buong lesson plan na isinasama sa iba pang mga pamamaraan at estilo sa kabuuan ng pagtuturo. Ang paglalahad ay dapat madaling maibabagay sa mga pagbabago kung kapansin-pansin na naiinip o nalilito ang mga estudyante. Sa ganitong paraan, kahit na ang titser ay nagsasalita, ang pokus ay naroon pa rin sa mga estudyante at sa pag-aaral, at maiaangkop ng titser ang lesson kung kinakailangan. Minsan may isang taong naghalintulad ng paglalahad ng titser sa string o tali ng isang kuwintas ng mga perlas. Ang mga perlas ang iba’t ibang paraang ginagamit ng titser (mga tanong, talakayan, aktibidad ng grupo, mga audiovisual na pagtatanghal, atbp.), pero ang mga ito ay nakatali at nabibigkis ng pagtuturo at paliwanag ng titser. Kung tali lang, hindi ito magiging kaakit-akit na kuwintas.
Gumamit ng iba’t ibang angkop na pamamaraan. May mga paraan para iba-iba ang magawang paglalahad ng mga titser. Maiiwasan ng mga titser ang pagkakapareho sa pamamagitan ng pagbabago ng tono, punto, at lakas ng boses at paglibot sa silid habang nagpapatuloy ang paglalahad. Maaari ding magkaroon ng pagkakaiba-iba sa mga uri ng materyal na inilalahad. Halimbawa, ang mga titser ay maaaring magkuwento, gumamit ng mga angkop na pagpapatawa, bumanggit ng mga larawan o iba pang displey sa silid-aralan, magbasa ng mensahe, gamitin ang pisara o mga audiovisual na pagtatanghal, at magpatotoo. Ang angkop na pagkakaiba-iba sa paglalahad ng titser ay dapat laging nagpapahusay sa kakayahan ng mga estudyante na maunawaan at maipamuhay ang mga banal na kasulatan.
Mga Kuwento
Ang mga kuwento ay makatutulong sa mga estudyante na patatagin ang kanilang pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo. Makukuha nito ang interes ng mga estudyante at matutulungan sila nito na maunawaan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga karanasan ng iba. Ang mga kuwento ay epektibo ring paraan sa pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo na tinukoy sa isang scripture block. Sa paglalarawan ng isang alituntunin ng ebanghelyo sa makabagong konteksto, bilang karagdagan sa konteksto ng mga banal na kasulatan, ang mga kuwento ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano nauugnay ang alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay, at makatutulong din sa kanila na magkaroon ng hangaring ipamuhay ito.
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie: “Mangyari pa, walang masama sa pagsasalaysay ng makabagong kuwento na nagpapalakas ng pananampalataya, kuwentong nangyari sa ating dispensasyon. … Sa katunayan, dapat itong itaguyod nang lubos. Dapat nating sikaping ipakita na nangyayari din ang mga bagay na ito sa buhay ng mga Banal ngayon tulad ng nangyari sa matatapat noon …
“Marahil ang perpektong huwaran sa paglalahad ng mga kuwentong magpapalakas ng pananampalataya ay ituro kung ano ang matatagpuan sa mga banal na kasulatan at pagkatapos ay pagtibayin ang buhay na katotohanan nito sa pamamagitan ng pagkukuwento ng katulad at katumbas nito na nangyari sa ating dispensasyon at sa ating mga tao at—higit sa lahat—sa atin bilang mga indibiduwal” (“The How and Why of Faith-Promoting Stories,” New Era, Hulyo 1978, 4–5).
Maibabahagi ng mga titser ang mga kuwentong hango sa buhay ng mga propeta at sa kasaysayan ng Simbahan, pati na rin ang mga kuwentong nasa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at sa mga magasin ng Simbahan. Maaari rin silang magbahagi ng mga totoong kuwento mula sa sarili nilang karanasan. Ang ilan sa mga lubhang makabuluhan at nagpapabagong karanasan sa pag-aaral ay nangyayari sa pagbabahagi ng mga titser sa kanilang mga estudyante ng mga kuwento mula sa sarili nilang buhay na nagpapakita kung paano sila pinagpala sa pagsunod sa isang alituntunin ng ebanghelyo.
Ilang babala at payo ang dapat tandaan sa paggamit ng mga kuwento.
-
Kung ang paglalahad ng mga kuwento ang nangingibabaw na paraan ng pagtuturo, ang mga kuwento mismo ay maaaring maging pokus ng lesson, na nagpapaikli sa aktuwal na oras na iniuukol sana sa mga banal na kasulatan at nasasapawan ang mga doktrina at mga alituntuning itinuturo ng mga ito.
-
Ang paggamit ng napakaraming kuwento mula sa sariling buhay ng mga titser ay maaaring humantong sa pagpapahalaga sa sarili at ang mga titser ay “[itinatayo] ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan” (2 Nephi 26:29).
-
Bagama’t ang mga kuwento ay naglilinaw at nagpapasigla ng pagtuturo ng banal na kasulatan at nakatutulong sa mga estudyante na madama ang kapangyarihan ng Espiritu, ang mga ito ay hindi dapat gamitin para sa pagmamanipula ng emosyon.
-
Dapat mag-ingat ang mga titser na hindi palabisin ang mga katotohanan sa isang tunay na kuwento para lang gawin itong mas madrama o nakakaantig.
-
Kung ang isang kuwento ay hindi totoo, tulad ng nakatatawang kuwento na nagsasaad ng isang punto, dapat malinaw na ipahayag sa simula pa lamang na ang kuwento ay hindi totoo.
Mga Talakayan at Assignment sa Maliliit na Grupo
Kung minsan ay nakatutulong na pagpartner-partnerin ang mga estudyante o hatiin sa maliliit na grupo ang klase para makalahok ang mga estudyante sa isang aktibidad sa pag-aaral o talakayan nang magkakasama. Ang mga aktibidad sa maliliit na grupo ay nagbibigay ng pagkakataon sa mas maraming mga estudyante na makibahagi at makapaglalaan ito ng kapaligiran kung saan panatag nilang maibabahagi sa isa’t isa ang kanilang mga nadarama, naiisip, at patotoo. Ang mga aktibidad na ito ay makapagbibigay din ng mga pagkakataon sa mga estudyante na ituro ang ebanghelyo sa iba at tumutulong na ihanda sila na ituro ang ebanghelyo sa hinaharap. Ang mga talakayan sa maliliit na grupo ay epektibong maisasali ang mga tila nawawalan ng interes at konsentrasyon, at matutulungan din ang mga estudyante na linangin ang kasanayan sa pakikipag-ugnayan at mapapalakas ang angkop na pakikihalubilo at espirituwal na mga ugnayan. Ang mga ito ay makapagbibigay rin ng tiwala sa sarili sa mga mahiyaing estudyante, na hihikayat sa kanila sa mas makabuluhang partisipasyon.
Kapag gumagawa nang magkakapartner o sa maliliit na grupo ang mga estudyante, makatutulong na isaisip ang sumusunod:
-
Bago hatiin ang klase sa maliliit na grupo, ang mga titser ay dapat magbigay ng malinaw na tagubilin kung ano ang inaasahang gagawin ng mga estudyante sa aktibidad. Kadalasang nakatutulong ang pagsusulat ng mga tagubiling ito sa pisara o mag-print ng handout para matingnan ito ng mga estudyante sa oras ng aktibidad.
-
Ang mga aktibidad sa pag-aaral ng maliliit na grupo na may kaugnayan sa buhay at sitwasyon ng mga estudyante ay karaniwang naghihikayat ng higit na interes at pakikibahagi.
-
Ang pagtatalaga ng isang lider na estudyante para sa bawat grupo at pati na rin ng partikular na haba ng oras ay tumutulong sa grupo na manatiling nakapokus sa gawain. Ang mga aktibidad ng grupo na may kahabaan ay madalas humantong sa hindi pare-parehong oras ng pagtatapos ng mga grupo at maaaring mauwi sa kaguluhan sa silid-aralan.
-
Karaniwang lumalahok ang mga estudyante sa aktibidad nang may mas malaking interes kung inaanyayahan sila ng titser sa simula pa lang na maghandang ibahagi o ituro sa klase ang anumang natutuhan nila mula sa aktibidad. Ito rin ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na magpraktis sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba.
-
Ang mga estudyante ay kadalasang mas nakagagawa nang maayos sa mga grupo kapag kanilang sinasaliksik ang mga banal na kasulatan, nagbabasa ng mensahe, o ginagawa ang iba pang gawain nang mag-isa bago sila magsama-sama.
-
Sa grupo ng lima o mahigit pang estudyante, maaaring mahirapan ang bawat isa na lumahok sa makabuluhang paraan. Bukod pa rito, ang mas malalaking grupo ay karaniwang mas nahihirapang manatiling nakapokus sa gawain.
-
Ang paggawa sa maliliit na grupo ay maaaring hindi ang pinakamainam na paraan sa pagsagot sa mga simpleng tanong dahil sa oras na kailangan sa pagbuo ng grupo ng mga estudyante.
-
Kapag ang mga aktibidad ng grupo sa pag-aaral ay laging ginagamit, maaaring mabawasan ang pagiging epektibo nito.
Sa mga talakayan o assignment sa maliliit na grupo, maaaring malihis ang mga estudyante sa layunin ng aktibidad, magkuwentuhan ng mga personal na bagay, o maging kaswal sa kanilang pagsisikap na matuto. Ang titser na nananatiling aktibo sa pamamagitan ng paglipat-lipat sa bawat grupo at sumusubaybay sa aktibidad ng pag-aaral ay makatutulong sa mga estudyante na manatiling nakapokus sa gawain at makinabang nang husto mula sa assignment.
Mga Writing Exercise
Dapat anyayahan ng mga titser ang mga estudyante na makilahok sa mga writing exercise tulad ng pagsusulat ng mga tala, mga journal assignment, worksheet, personal na pagninilay, at sanaysay o essay. Paminsan-minsan, ang pag-anyaya sa mga estudyante na tumugon sa nakapupukaw na tanong sa pamamagitan ng pagsulat ay tumutulong na palalimin at palinawin ang kanilang pag-iisip. Ang pag-anyaya sa mga estudyante na isulat ang kanilang sagot sa tanong bago ito ibahagi sa klase ay nagbibigay sa kanila ng panahon na pag-isipan ang kanilang mga ideya at tumanggap ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo. Mas malamang na mahikayat ang mga estudyante na ibahagi ang mga ideya nila kung isusulat muna nila ito, at ang ibabahagi nila ay madalas na mas magiging makabuluhan. Higit sa lahat, ang mga writing assignment ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong personal na lumahok, tumanggap ng inspirasyon, at maghandang ituro at ibahagi sa iba ang kanilang nadarama, kilalanin ang impluwensya ng Panginoon sa kanilang buhay, at magbahagi ng patotoo. Habang nagpapasiya ang mga titser kung aling writing exercise ang angkop para sa karanasan sa pagkatuto, dapat nilang isaisip ang alituntuning ito na ibinahagi ni Elder David A. Bednar: “Ang pagsusulat ng natututuhan, iniisip, at nadarama natin habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan ay isa pang uri ng pagninilay at malakas na paanyaya sa Espiritu Santo na patuloy na magturo” (“Because We Have Them before Our Eyes,” New Era, Abr. 2006, 6–7).
Ang mga writing exercise para sa mga estudyante na mas bata o mas limitado ang kakayahan ay dapat iakma upang tulungan silang magtagumpay. Halimbawa, maaaring maghanda ang titser ng fill-in-the-blank exercise kung saan may mga karagdagang impormasyong ibinibigay sa mga estudyante at mas kaunti ang ipinagagawa sa kanila. Ang mga titser ay makatutulong sa mga estudyanteng ito sa pamamagitan ng pagpokus sa writing assignment tungkol sa maiikling talata sa banal na kasulatan o sa mga partikular na tanong at sa pagbibigay sa kanila ng sapat na oras upang makumpleto ang assignment.
Ang mga estudyante ay karaniwang mas makikinabang mula sa mga aktibidad sa pagsusulat kapag:
-
Ang mga titser ay nagbibigay ng malinaw at nakasulat na mga tagubilin na matitingnan ng mga estudyante habang ginagawa ang assignment.
-
Itinutuon ng aktibidad ang kanilang isipan sa katotohanan ng ebanghelyo na nauugnay sa kalagayan ng bawat isa.
-
Ang aktibidad ay tumutulong sa kanila na personal na isabuhay ang mga katotohanang iyon.
-
Ang mga estudyante ay sinusuportahan at tinutulungan ng kanilang titser sa buong aktibidad sa pagsusulat.
-
Nagtatakda ng mga limitasyon sa oras na angkop sa hirap ng aktibidad.
-
Inaanyayahan ang mga estudyante na magpaliwanag, magbahagi, o magpatotoo tungkol sa bagay na natutuhan nila mula sa aktibidad.
-
Tinitiyak sa mga estudyante na ang mga aktibidad sa pagsusulat na nakapokus sa personal na saloobin o pangako ay hindi ibabahagi sa iba, kabilang ang titser, nang walang pahintulot ng mga estudyante.
-
Ang aktibidad ay makabuluhang bahagi ng lesson plan at hindi ibinigay para “maging abala” o bilang kaparusahan sa masamang asal.
-
Ang mga alternatibong paraan ng pagtatala ng mga kaisipan at ideya ay ibinibigay para sa mga taong hirap sumulat. Maaaring kabilang dito ang pagpapatulong sa isa pang estudyante sa pagsulat, paggawa ng mga audio recording, at iba pa.
-
Ang mga aktibidad sa pagsusulat ay hindi masyadong palaging ginagamit.
Pisara o whiteboard
Ang pisara o whiteboard na maayos na inihanda ay magpapakita ng paghahanda ng titser at magdaragdag sa diwa ng layunin sa loob ng klase. Ang epektibong paggamit ng pisara sa lesson ay maghahanda sa mga estudyante na matuto at makilahok nang makabuluhan, lalo na sa mga taong mas natututo sa mga bagay na nakikita nila. Kapag ginagamit ang pisara, dapat tandaan ng mga titser na magsulat nang malinaw at sapat ang laki para makita ng lahat, sinisiguro na ang materyal ay hindi masyadong dikit-dikit ang pagkakasulat, maayos, at madaling basahin. Kung walang pisara o whiteboard, ang isang malaking papel o poster board ay magagamit din sa parehong layunin.
Sa pisara, maaaring i-outline ng titser ang mahahabang punto o alituntunin ng lesson, i-diagram ang isang doktrina o pangyayari, magdrowing ng mga mapa, gumawa ng mga flowchart, magdispley o magdrowing ng mga larawan ng mga bagay nasa mga banal na kasulatan, gumawa ng mga chart na nagpapakita ng mga pangyayari sa kasaysayan, maglista ng mga bagay mula sa banal na kasulatan kapag nahanap ito ng mga estudyante, o gumawa ng iba pang mga aktibidad na magpapaibayo sa pagkatuto.
Mga Bagay at mga Larawan
Madalas na mahirap ituro ang hindi nahahawakang aspeto ng ebanghelyo. Ang paggamit ng mga bagay at larawan ay maaaring maging epektibong paraan upang matulungan ng mga titser ang mga estudyante na maunawaan ang mga espirituwal na alituntunin. Halimbawa, ang pamilyar na bagay na tulad ng sabon ay makatutulong para ipaunawa sa mga estudyante ang mas mahirap ilarawang alituntunin na gaya ng pagsisisi. Madalas gumamit ang Tagapagligtas ng mga bagay na nasa mundo (tulad ng tinapay, tubig, kandila, at takalan) para tulungan ang Kanyang mga tagapakinig na maunawaan ang mga espirituwal na alituntunin.
Ang mga bagay at larawan ay maaaring gamitin upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang itsura ng mga tao, lugar, pangyayari, bagay, at simbolo sa mga banal na kasulatan. Sa halip na pag-usapan lamang ang tungkol sa mga pamatok (tingnan sa Mateo 11:28–30), maaaring magdala ang titser ng pamatok sa klase, magpakita ng larawan nito, o idrowing ito sa pisara. Maaaring amuyin at hawakan ng mga estudyante ang isang bulaklak habang binabasa nila ang tungkol sa “liryo sa parang” (Mateo 6:28–29). Maaari silang tumikim ng tinapay na walang lebadura.
Ang mga bagay at larawan, pati mga mapa at chart, ay maaaring epektibong makatulong sa mga estudyante para mailarawan, masuri, at maunawaan ang mga banal na kasulatan, lalo na kapag ang mga ito ay ginamit upang magpasigla ng talakayan. Ang pagdidispley ng isang bagay o larawan sa sandaling pumasok na sa silid-aralan ang mga estudyante ay makapagpapasigla sa pag-aaral at makahihikayat sa mga estudyante na mag-isip at magtanong.
May dalawang babala na dapat isaalang-alang sa paggamit ng mga bagay at larawan: Una, dapat laging pagtibayin nito ang layunin ng lesson sa halip na makasira ito. Pangalawa, ang mga salaysay sa banal na kasulatan ang laging dapat na pinagkukunan ng talakayan sa klase tungkol sa tagpo at mga detalye ng isang pangyayari, sa halip na sa interpretasyon ng isang pintor sa mga pangyayari o kuwento.
Mga Audiovisual at Computer Presentation
Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga salaysay tungkol sa pagtulong ng Panginoon sa Kanyang mga anak na maunawaan ang Kanyang mga turo sa pamamagitan ng paningin at tunog (tingnan sa 1 Nephi 11–14; Doktrina at mga Tipan 76; Moises 1:7–8, 27–29). Ang mga audiovisual at technology resources, kapag angkop at epektibong ginamit, ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan at matutuhan at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Ang audiovisual resources ay maaaring naglalarawan ng mahahalagang pangyayari sa mga banal na kasulatan at matutulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan at maranasan ang mga pangyayaring ito. Maisasadula ng resources na ito kung paano maipamumuhay ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo upang madaig ang kanilang mga hamon at problema at mabigyan ng pagkakataon ang Espiritu na sumaksi sa katotohanan.
Sa paggamit ng computer technology, nagagawa ng mga titser na magpalabas ng mga video segment; magdispley ng mahahalagang tanong, larawan, o mensahe mula sa mga General Authority; o bigyang-diin ang mga alituntunin at doktrina na natukoy sa isang lesson. Ang mga computer presentation ay maaari ding gamitin katulad ng isang pisara o whiteboard—upang i-outline ang mahahalagang punto ng lesson, magpakita ng mga scripture reference, at maglaan ng biswal na tagubilin para sa mga magkakapartner, grupo, o indibiduwal na mga aktibidad sa pagkatuto. Ang paggamit ng teknolohiya sa mga pamamaraang ito ay makatutulong sa mga estudyanteng natututo sa mga bagay na nakikita at makatutulong sa mga estudyante na isaayos at mas maunawaan ang natututuhan nila.
Ang paggamit ng mga audiovisual, computer, o iba pang technology resources ay dapat makatulong na gawing malinaw, kawili-wili, at di-malilimutan ang mga lesson at hindi dapat makahadlang para madama ng mga estudyante ang mga pahiwatig ng Espiritu.
Ang mga audiovisual presentation ay pinakamainam na makatutulong sa mga estudyante na matutuhan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo kapag ginamit ang mga ito upang antigin ang mga isipan at damdamin at ituon ang mga estudyante sa mga teksto ng banal na kasulatan. Makatutulong na isulat sa pisara ang mga partikular na bagay na maaaring hanapin ng mga estudyante o mga tanong na pag-iisipan nila habang pinanonood o pinakikinggan nila ang presentasyon. Mainam ding ihinto ang presentasyon para magtanong o mabigyang-diin ang impormasyong makatutulong sa mga estudyante. Sa maraming pagkakataon, ilang bahagi lamang ng isang audiovisual resource ang kailangan para maisakatuparan ang layunin ng titser. Ang mga titser na gumagamit ng iba pang pamamaraan, tulad ng talakayan at mga writing exercise, kasabay ng paggamit ng media at teknolohiya, ay nagpapalaki ng posibilidad na mauunawaan at isasabuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Kapag mayroon, ang paggamit ng subtitle feature sa mga audiovisual presentation ay maaaring makadagdag sa pag-unawa ng mga estudyante at makatutulong para matandaan nila ang lesson, lalo na ng mga taong may problema sa pandinig.
Kapag gumagamit ng audiovisual resources o computer technology sa lesson, dapat ihanda ng mga titser ang kagamitan bago pa magsimula ang klase at tiyakin na ito ay gumagana nang maayos. Dapat din nilang tiyakin na maririnig ng lahat ng mag-aaral ang presentasyon at makikita ito mula sa kanilang kinauupuan. Bago magsimula ang klase, dapat ihanda ng mga titser ang audiovisual o computer resource na magsisimula sa tamang bahagi o segment kapag kailangan sa lesson. Magandang ideya rin na magsanay ang mga titser sa paggamit ng teknolohiya para sa presentasyon bago ito gamitin sa lesson.
Mga Gabay
Marahil higit sa anupamang pamamaraan sa pagtuturo, ang paggamit ng audiovisual resources at teknolohiya ay sadyang may kaakibat na mga hamon at posibleng mga problema. Dapat na maging matalino ang mga titser kapag nagpapasiya kung angkop na gumamit ng audiovisual o computer presentation at kung makatutulong ito sa pag-aaral. Ang labis na pag-asa sa teknolohiya ay maaaring humantong sa mga lesson na batay sa teknolohiya at media sa halip na sa mga lesson na nakabatay sa banal na kasulatan at nakatuon sa mag-aaral. Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga titser sa paggawa ng matalinong desisyon sa paggamit ng audiovisual at computer resources:
-
Natutulungan ba ng resource ang mga estudyante na matutuhan kung ano ang mahalaga? Ang mga audiovisual presentation ay maaaring talagang maging kawili-wili o kahanga-hanga sa mga estudyante, pero ito ba ay direktang nakapag-aambag sa mga layunin ng lesson at sa kailangang matutuhan ng mga estudyante? Ang paggamit ng mga resource na ito para maglibang o pampalipas ng oras ay hindi sapat na dahilan para gamitin ang mga ito. Dapat munang panoorin o pakinggan ng mga titser ang anumang presentasyon bago ito gamitin sa klase at tiyakin na ito ay nagpapatibay o sumusuporta sa mga banal na kasulatan at sa mga doktrina at mga alituntuning itinuro sa lesson.
-
Ito ba ay isang resource para sa lesson o ito ang pangunahing pokus nito? Ipinayo ni Elder Boyd K. Packer: “Ang mga audio at visual aid sa klase ay maaaring maging pagpapala o sumpa, depende sa kung paano ginagamit ang mga ito. Maaaring ihambing ang mga ito sa pangrekado at pampalasa na inihahalo sa pagkain. Ang mga ito ay dapat gamitin nang madalang upang gawing mas kawili-wili ang lesson” (Teach Ye Diligently, rev. ed. [1991], 265).
-
Ito ba ay angkop at ayon sa mga pamantayan ng Simbahan? Nagpapatatag ba ito? Maraming produktong gawa sa mundo ang maaaring naghahatid ng mabuting mensahe pero kadalasan ay may kasama itong di-kanais-nais na nilalaman na hindi kalugud-lugod sa Espiritu o kumukunsinti sa mga ideya na hindi ayon sa mga turo ng ebanghelyo. Ang isang video o audio segment, kahit na angkop, ay hindi dapat gamitin kung ito ay nagmumula sa isang source na naglalaman ng hindi angkop na materyal. Ang mga bagay na kontrobersyal o kahanga-hanga ay karaniwang hindi nagpapalakas ng pananampalataya at patotoo.
-
Ito ba ay lalabag sa copyright law o iba pang ipinatutupad na batas? Maraming video, kanta, at iba pang audio at visual na materyal ang may limitasyon sa paggamit sa bisa ng copyright law o kasunduan sa mga gumagamit. Mahalaga na ang lahat ng titser at lider ng seminary at institute ay sumusunod sa mga copyright law ng bansa kung saan sila nagtuturo at na sila ay sumusunod sa mga ipinatutupad na batas at obligasyon upang sila o ang Simbahan ay hindi maharap sa mga legal na aksyon.
Ang mga sumusunod na tuntunin ay angkop sa mga titser at lider ng seminary at institute sa lahat ng mga bansa.
Ang Paggamit ng Materyal na Gawa ng Simbahan
Maliban na lamang kung iba ang nakasaad sa materyal na gawa ng Simbahan, ang mga titser at lider ay maaaring kumopya at magpalabas ng mga pelikula, video, larawan, at musical recording na ginawa para sa mga di-pangkalakal na gamit ng Simbahan at ng seminary at institute. Ang musikang mula sa Mga Himno, Aklat ng mga Awit Pambata, at mga magasin ng Simbahan ay maaaring gamitin para sa di-pangkalakal na paggamit ng Simbahan at ng seminary at institute, maliban kung ang restriksyon ay hayagang nakalagay sa himno o awitin. Ang mga titser at lider ng seminary at institute ay maaaring mag-download at magpalabas ng mga materyal na gawa ng Simbahan sa klase, maliban kung ang mga materyal ay naglalaman ng restriksyon.
Paggamit ng Materyal na Hindi Gawa ng Simbahan
Bilang pangkalahatang patakaran, ang mga program, software, at audiovisual material ay hindi dapat i-download mula sa Internet o ipakita sa klase mula sa Internet maliban na lamang kung binili ang mga angkop na lisensya. Maliban na lamang kung ang isang video, kanta, o iba pang audiovisual material ay pag-aari ng Simbahan, may malaking panganib, sa anumang bansa, ng pagpapalabas ng mga ganitong materyal sa klase na maaaring maging paglabag sa mga copyright law. Dahil dito, bilang pangkalahatang tuntunin, ang mga titser at lider ng seminary at institute sa iba’t ibang panig ng mundo ay hindi dapat magpakita sa kanilang mga klase ng mga materyal na hindi gawa ng Simbahan.
Ang paggaya o pagkopya ng media na naglalaman ng musika na may copyright (tulad ng mga sheet music o musical recording) ay tuwirang paglabag sa copyright law maliban kung isang nakasulat na pahintulot ang ibinigay ng copyright owner. Ang pagkopya ng mga titik ng awitin na may copyright ay labag din sa batas kung walang pahintulot.
Ang mga sumusunod na tuntunin ay partikular na nagsasaad ng ilang eksepsyon sa copyright law ng Estados Unidos na magtutulot sa mga titser at lider ng seminary at institute sa Estados Unidos na magpalabas ng mga video clip sa klase nang hindi na humihingi ng lisensya sa mga copyright owner ng video. Bagama’t may gayon ding mga eksepsyon sa ibang bansa, dapat kontakin ng mga titser ng seminary at institute ang Intellectual Property Office upang malaman ang mga partikular na batas at eksepsyon na angkop sa kanilang partikular na bansa bago ipapanood ang mga video clip mula sa mga komersiyal na video o mga programang inirekord nang off the air o mula sa Internet.
Paggamit ng mga komersiyal na video. Kabilang sa batas ng Estados Unidos ang isang eksepsyon na nagtutulot sa mga titser at estudyante na gumamit ng mga komersiyal na video sa klase nang hindi bumibili ng lisensya para gawin ito. Sa bagay na ito, gayunman, ang mga komersiyal na video ay magagamit lamang sa ilalim ng eksepsyong ito kung ang lahat ng sumusunod na kondisyon ay natugunan. Ang video clip na ipinapakita ay dapat (a) mula sa isang kopya na legal na ginawa; (b) ginagamit nang harapan sa pagtuturo, ibig sabihin dapat ay naroon ang titser o lider ng seminary at institute habang pinapanood ang clip; (c) pinapanood sa silid-aralan o katulad na lugar para sa pagtuturo; (d) ipinapalabas ng isang nonprofit educational organization, tulad ng klase sa seminary o institute; at (e) pinapanood para sa layunin ng pagtuturo na direktang nauugnay sa kurikulum ng kurso at hindi para sa paglilibang. Ang pagpapalabas ng hiniram o biniling komersyal na media bago, habang, at pagkatapos ng klase bilang libangan ay ilegal at pandaraya. Ito ang halos palaging nangyayari kapag nagpapalabas ng buong pelikula.
Paggamit ng programang nairekord off the air. Sa Estados Unidos ang mga programa sa telebisyon na iniaalok nang libre sa publiko at nairekord off the air, o mula sa cable, ay magagamit lamang sa loob ng klase kung nasunod ang mga kondisyong ito: (a) Ang kopya ay itinabi nang hindi lalampas sa 45 araw, at pagkatapos ay dapat burahin agad ang mga ito. (b) Ang kopya ay ginamit sa silid-aralan sa loob lamang ng unang 10 araw pagkatapos ng petsa ng pagkopya (kasunod ng unang 10 araw, pero sa loob pa rin ng unang 45 araw, ang kopya ay magagamit lamang para sa pagsusuri ng titser o upang matukoy kung ang programa ay dapat gamitin sa mga lesson sa hinaharap). (c) Ang kopya ay isang beses lamang ipinalabas (dalawang beses lamang kung kailangan ang pagpapatibay sa pagtuturo). (d) Ang kopya ay ipinalalabas lamang sa silid-aralan o sa katulad na lugar na laan para sa pagtuturo. (e) Ang pangkalahatang mensahe o nilalaman ng programa ay hindi binago. (f) Ang kopya ay hindi dapat maduplika para ibahagi sa iba. (g) Ang anumang kopya ay dapat may kalakip na copyright notice ng programa gaya ng nakarekord. (h) Ang programa ay hindi isinasama sa mga segment (pisikal o sa Internet) ng ibang mga programa upang makagawa ng koleksiyon sa pagtuturo o iba pang produkto.
Dagdag pa sa mga naunang kailangang gawin, ang mga clip mula sa mga komersiyal na video at programa na inirekord off the air o sa Internet ay dapat (a) magpakita ng isang bahagi lamang ng video o program; (b) gamitin nang walang anumang pagbabago o pag-edit mismo sa programa; (c) huwag gamitin sa paraang nagpapahiwatig na ang mga creator o may-ari ng programa ay nag-eendorso sa Simbahan o sa mga seminary at institute o sa kanilang mga turo o sa paraang nagpapahiwatig na ang Simbahan o mga seminary at institute ay nag-eendorso ng programa o mga creator o may-ari nito; (d) huwag gamitin sa paraang tila iniendorso ang Simbahan o mga seminary at institute; at (e) gamitin alinsunod sa anumang nababatid na mga restriksyon sa nilalaman at patakaran ng Simbahan.
Kung ang mga titser o lider ng seminary at institute ay may mga tanong na hindi nasagot ng mga tuntuning ito, sumangguni sa bahagi 38.8.11, “Mga Materyal na may Karapatang-sipi” sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Intellectual Property Office
50 E. North Temple Street, Room 1888
Salt Lake City, UT 84150-0018
Telepono: 1-801-240-3959 o 1-800-453-3860, extension 2-3959
Fax: 1-801-240-1187
E-mail: cor-intellectualproperty@ldschurch.org
Musika
Ang musika, lalo na ang mga himno ng Simbahan, ay may mahalagang papel na ginagampanan para tulungan ang mga estudyante na madama ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral ng ebanghelyo. Sa paunang salita sa hymnbook ng Simbahan, sinabi ng Unang Panguluhan: “Ang nakapupukaw na himig ay mahalagang bahagi ng ating mga pagpupulong sa simbahan. Ang mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon, nagdadala ng mapitagang pakiramdam, napagkakaisa tayo bilang mga miyembro, at nagdudulot ng paraan para sa atin na makapag-alay ng mga papuri sa Panginoon.
“Ang ilan sa pinakamagagandang sermon ay naipahahayag sa pamamagitan ng pag-awit ng mga himno. Ang mga himno ay humihimok sa atin na magsisi at gumawa ng mabuti, nagpapalakas ng patotoo at pananampalataya, nagpapaginhawa sa mga nahahapo, umaaliw sa mga nagluluksa, at nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtiis hanggang sa wakas” (Mga Himno, vii). Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Iniisip ko kung sapat na ang paggamit natin ng resources na ito na ipinadala ng langit sa ating mga miting, sa ating mga klase, at sa ating tahanan. …
“Ang ating sagradong musika ay mabisang paghahanda para sa panalangin at pagtuturo ng ebanghelyo” (“Worship through Music,” Ensign, Nob. 1994, 10, 12). Dapat tulungan ng mga titser ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng musika sa pagsamba at kung paano ito makatutulong na lumikha ng kapaligiran na kung saan mas epektibong magagawa ng Espiritu ang Kanyang tungkulin.
Narito ang ilang paraan na magagamit ng mga titser ang musika upang mapahusay ang pag-aaral ng ebanghelyo ng mga estudyante:
-
Magpatugtog ng musikang nagbibigay-inspirasyon habang pumapasok ang mga estudyante sa klase o sa oras ng klase habang gumagawa sila ng assignment na isinusulat.
-
Anyayahan at hikayatin ang mga estudyante na lumahok nang makabuluhan kapag kumakanta ng mga himno nang magkakasama bilang isang klase.
-
Repasuhin ang mga alituntunin ng ebanghelyo, at magbigay ng mga karagdagang ideya sa oras ng lesson sa pamamagitan ng pagkanta ng isang himno o isang talata ng isang himno na direktang may kaugnayan sa itinuturo sa araw na iyon. Kapwa may indeks para sa banal na kasulatan at mga paksa sa likod ng himnaryo na maaaring makatulong sa bagay na ito.
-
Maglaan ng mga pagkakataon kung saan ang pagbabasa ng mga titik ng mga himno ay makatutulong sa mga estudyante na patatagin at ipahayag ang kanilang patotoo sa mga doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo.
-
Anyayahan ang mga estudyante na magtanghal ng angkop na musical number sa klase.
Kapag gumagawa ng mga desisyon tungkol sa paggamit ng musika sa silid-aralan para sa anumang layunin (tulad ng background music, doctrinal mastery, o pagsasaulo), mahalagang tandaan ang paalalang ito ni Elder Boyd K. Packer: “Maraming nagtatangka na iugnay ang mga sagradong tema ng ebanghelyo sa makabagong musika sa pag-asang maakit ang ating mga kabataan sa mensahe. … Hindi ko alam kung paano ito magagawa at hahantong sa mas malakas na espirituwalidad. Sa palagay ko ay hindi ito magagawa” (That All May Be Edified [1982], 279). Sa huli, responsibilidad ng mga titser na matiyak na ang anumang musikang gagamitin sa pag-aaral ay naaayon sa mga pamantayan ng Simbahan at ito ay hindi sa anumang paraan na nakasasakit sa Espiritu ng Panginoon.
Pangkalahatang Payo at Pag-iingat
Bagama’t tama lamang na naising magkaroon ng magandang samahan sa inyong mga estudyante, ang hangaring mapuri, kung hindi namamalayan o hindi nasusupil, ay maaaring maging dahilan upang mas pahalagahan ng mga titser ang iniisip ng mga estudyante tungkol sa kanila kaysa sa pagtulong sa mga estudyante na matuto at umunlad. Ito ang madalas na humihikayat sa mga titser na ipalit ang mga paraan sa layon na pagandahin ang kanilang imahe sa paningin ng mga estudyante sa mga paraan na nilayon upang maanyayahan ang Espiritu Santo. Ang mga titser na nahuhulog sa bitag na ito ay nagkakasala ng huwad na pagkasaserdote dahil kanilang “[itinatayo] ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng yaman at papuri ng sanlibutan” (2 Nephi 26:29). Ang mga titser ay dapat maging maingat na hindi gamitin ang katatawanan, mga personal na kuwento, o anumang pamamaraan sa pagtuturo nang may hangaring mang-aliw, magpabilib, o makatanggap ng pagpuri ng mga estudyante. Sa halip, ang dapat na pagtuunan ng pansin ng lahat ng titser ng relihiyon ay luwalhatiin ang Ama sa Langit at akayin ang mga estudyante patungo kay Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter: “Sigurado akong alam ninyo ang nagbabantang panganib ng pagiging lubhang maimpluwensiya at mapanghikayat na nagiging dahilan upang maging tapat sa inyo ang mga estudyante ninyo sa halip na sa ebanghelyo. Ngayon ito ay malaking problema na kailangang paglabanan, at umaasa lang kami na kayong lahat ay mga makarismang titser. Ngunit may tunay na panganib dito. Kaya kailangang anyayahan ninyo ang inyong mga estudyante na saliksikin mismo ang mga banal na kasulatan, hindi lamang ibahagi sa kanila ang inyong interpretasyon at presentasyon tungkol sa mga ito. Kaya kailangang anyayahan ninyo ang inyong mga estudyante na damhin ang Espiritu ng Panginoon, hindi lamang ibigay sa kanila ang inyong sariling pagkaunawa tungkol dito. Kaya, ang pinakamahalaga, kailangang anyayahan ninyo ang inyong mga estudyante na lumapit kay Cristo, hindi lamang sa nagtuturo ng kanyang mga doktrina, gaano man siya kahusay. Hindi kayo palaging nariyan para sa mga estudyanteng ito. Hindi ninyo mahahawakan ang kanilang mga kamay matapos nilang lisanin ang high school o kolehiyo. At hindi ninyo kailangan ng sariling mga disipulo (“Eternal Investments” [evening with a General Authority, Peb. 10, 1989], 2).
Bukod pa rito, ang sumusunod na payo at pag-iingat ay angkop sa iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo at mga sitwasyon:
-
Paggamit ng kumpetisyon. Ang mga titser ay dapat maging maingat sa paggamit ng kumpetisyon sa loob ng klase, lalo na kapag ang mga estudyante ay makikipagkumpetensya sa bawat isa. Ang kumpetisyon ay maaaring humantong sa alitan, panghihina ng loob, pambabatikos, o pagkapahiya at maging sanhi ng paglisan ng Espiritu.
-
Negatibong pagpapalakas. Dapat maging matalino ang mga titser sa pagpapahayag ng pagkadismaya sa isang klase o sa isang estudyante. Karamihan sa mga estudyante ay nakadarama ng kakulangan at kailangang patatagin at hikayatin sa halip na ipagdiinan ang kanilang mga kakulangan.
-
Pangungutya. Sinabi man ito ng isang titser sa isang estudyante o ng isang estudyante sa kapwa niya estudyante, ang pangungutya ay halos palaging negatibo at nakasasakit at maaaring humantong sa panlilibak at pagkawala ng Espiritu.
-
Hindi angkop na komunikasyon at pananalita. Dapat iwasan ng mga titser ang pagsigaw o pakikipagtalo sa mga estudyante. Ang kalapastanganan at kahalayan ay walang puwang sa isang lugar ng pag-aaral ng relihiyon.
-
Paggamit ng pisikal na puwersa. Hindi dapat gamitin ng mga titser ang laki at lakas ng kanilang katawan para takutin o pilitin ang estudyante na magpakabait. Kahit ang pisikalang biruan ay maaaring ipakahulugan na mali o maging mas seryoso. Ang mga titser ay dapat lamang gumamit ng lakas sa isang estudyante kapag kailangang proteksyunan ang isa pang estudyante.
-
Partikular na mga salita na ginagamit sa pagtukoy sa kasarian. Ang mga titser ay dapat maging maalam at sensitibo sa mga salitang ginagamit sa pagtukoy sa kasarian sa mga banal na kasulatan. Ang ilang banal na kasulatan ay ipinapahayag gamit ang mga salitang nauukol sa kalalakihan dahil sa likas na katangian ng wika kung saan nagmula ang mga ito. Dapat ipaalala ng mga titser sa mga estudyante na ang ilang salitang ukol sa kalalakihan ay tumutukoy sa kapwa lalaki at babae. Nang sabihin kay Adan na “lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi” (Moises 6:57), tiyak na ang binabanggit ng Panginoon dito ay ang kapwa kalalakihan at kababaihan. May mga pagkakataon na ang mga salitang ukol sa kalalakihan ay tiyak at tumpak. Halimbawa, ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay mga lalaki, at ang pagbanggit sa mga tungkulin sa priesthood ay tumutukoy sa kalalakihan.