Seminary
Alma 39: “Pigilin mo ang Iyong Sarili sa mga Bagay na Ito”


“Alma 39: ‘Pigilin mo ang Iyong Sarili sa mga Bagay na Ito,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 39,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 39

“Pigilin mo ang Iyong Sarili sa mga Bagay na Ito”

si Alma na nakikipag-usap kay Corianton

Sa lahat ng panahon, napaniwala ni Satanas ang maraming tao na ang seksuwal na relasyon ng hindi mag-asawa ay katanggap-tanggap. Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang batas ng kalinisang-puri para sa ating proteksyon, kapayapaan, at kaligayahan. Mapagmahal na pinayuhan ng propetang si Alma ang kanyang anak na si Corianton na talikuran at pagsisihan ang kanyang mga kasalanan, kasama na ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang bigat ng kasalanang seksuwal at kung paano labanan ang tuksong labagin ang batas ng kalinisang-puri.

Ang batas ng kalinisang-puri

Basahin ang mga sumusunod na pahayag at alamin kung alin sa mga sumusunod ang pinakamainam na naglalarawan sa nadarama mo:

  • Hindi ako sumasang-ayon

  • Hindi ako lubos na sumasang-ayon

  • Lubos akong sumasang-ayon

  • Sumasang-ayon ako

  1. Malinaw na nauunawaan ng mga kabataan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang batas ng kalinisang-puri, o ang batas ng Panginoon sa kadalisayan ng puri.

  2. Nauunawaan nila kung bakit ito mahalaga at kung bakit nais ng Panginoon na ipamuhay natin ito.

  3. Maaaring mahirap sundin ang batas ng kalinisang-puri sa mundo ngayon.

  4. Nalalaman ng mga kabataan sa Simbahan kung paano labanan ang tukso at panatilihing dalisay ang kanilang puri.

Ang batas ng kalinisang-puri ay ang batas ng Panginoon sa kadalisayan ng puri. Ang ibig sabihin ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay panatilihing malinis ang iyong sarili sa isip, salita, at gawa, kasama na ang paglayo sa anumang bagay na pornograpiko. Nangangahulugan din ito ng pag-iwas sa anumang seksuwal na relasyon bago ikasal at pagiging lubos na tapat sa iyong asawa. “Tulad ng iba pang mga paglabag sa batas ng kalinisang-puri, ang homoseksuwal na gawain ay isang mabigat na kasalanan. Salungat ito sa mga layunin ng seksuwalidad ng tao” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Kalinisang-puri,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Pag-isipan sandali ang sarili mong pag-unawa at damdamin tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Ano ang mga tanong mo? Bakit mahalaga ito sa iyo? Anong mga tukso tungkol sa kalinisang-puri ang nararanasan mo? Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, maghanap ng mga sagot sa iyong mga tanong at ng tulong para mapaglabanan ang iyong mga tukso.

Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Corianton

Ang Alma 39 ang una sa apat na kabanata na naglalaman ng mga payo, kautusan, at turo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton. Sinamahan ni Corianton ang kanyang ama at kapatid na si Siblon upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Zoramita. Gayunpaman, sa misyong ito, nakagawa si Corianton ng ilang mabibigat na kasalanan.

Basahin ang Alma 39:1–5, at hanapin ang mga pagkakamaling nagawa ni Corianton at kung ano ang nadama ni Alma at ng Panginoon tungkol sa mga ito. (Ang salitang patutot sa talata 3 ay tumutukoy sa isang imoral na babae o prostitute.)

Para matulungan kang maisip kung bakit ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay “nakasasakit” sa isang ama at isang propeta (Alma 39:3) at “karumal-dumal sa paningin ng Panginoon” (Alma 39:5), makatutulong na maunawaan ang mga pagpapala ng pagsunod dito. Basahin ang tungkol sa mga pagpapala at kapangyarihan sa “Pagsunod sa batas ng kalinisang-puri” sa pahina 26 sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (buklet, 2022).

  • Paano tayo inihahanda ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri sa pagtanggap ng malalaking pagpapala mula sa Panginoon sa buhay na ito at sa kabilang buhay?

Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang mga sumusunod na tanong at hanapin ang mga sagot ng mga ito sa mga banal na kasulatan na nasa panaklong:

  • Ano ang mangyayari kung hindi pagsisisihan ng isang tao ang kasalanang seksuwal? (Alma 39:7–9)

  • Ano ang kadalasang nakakaligtaang bunga ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri? (Alma 39:11–13)

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Batay sa natutuhan mo, bakit maaaring madama ng isang magulang, propeta, at ng Panginoon ang gayon kasidhing damdamin tungkol sa kalinisang-puri?

    • Paano ipinapakita ng batas ng kalinisang-puri ang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak?

“Huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata”

Bukod pa sa pagtuturo sa kanyang anak tungkol sa kabigatan ng kasalanang seksuwal, itinuro din ni Alma kay Corianton kung paano maiiwasan ang gayon ding pagkakamali sa hinaharap.

Rebyuhin ang Alma 39:9 at Alma 39:13, at maghanap ng mga salita o parirala na makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang tukso at sundin ang batas ng kalinisang-puri. (Ang ibig sabihin ng pariralang “pigilin mo ang iyong sarili” sa talata 9 ay disiplinahin ang sarili o kontrolin ang sarili.)

icon ng doctrinal mastery Ang Alma 39:9 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magamit ang doktrinang itinuro sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Anong alituntunin ang itinuro ni Alma kay Corianton sa mga talatang ito?

Ang isang posibleng alituntunin mula sa mga talatang ito ay kapag kinokontrol natin ang ating sarili at bumabaling tayo sa Panginoon, mapaglalabanan natin ang tuksong labagin ang batas ng kalinisang-puri ng Diyos.

Ang pagkontrol sa sarili at pagbaling sa Panginoon upang mapaglabanan ang tukso ay maaaring mahirap kung minsan. Makatutulong na mag-isip ng iba’t ibang paraan para magawa ito at pagkatapos ay sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu tungkol sa kung ano ang lubos na makatutulong sa iyo.

icon, isulat
  1. Gawin ang dalawa sa mga sumusunod para matulungan kang matukoy ang mga paraan kung paano makokontrol ng mga kabataan ngayon ang kanilang sarili at “bumaling sa Panginoon nang buo [nating] pag-iisip, kakayahan at lakas” (Alma 39:13) upang mapaglabanan ang tuksong labagin ang batas ng kalinisang-puri. Ilista ang iyong mga nahanap. Maaari ka ring magdagdag ng sarili mong mga ideya.

    1. Basahin ang natitirang bahagi ng payo tungkol sa kadalisayan ng puri sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (tingnan sa “kadalisayan ng puri” sa bahaging “Paano naman ang … ?”). Para sa karagdagang payo mula sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, pag-isipang basahin ang “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis” (David A Bednar, Liahona, Mayo 2013, 41–44).

    2. Maghanap ng mga banal na kasulatan na sa palagay mo ay makapagpapalakas sa iyo laban sa mga tuksong labagin ang batas ng kalinisang-puri. Maaari ka ring maglista ng mga himno, o mga awitin sa Primary na maaari mong pakinggan para mabigyan ka ng lakas kapag natutukso ka.

    3. Maglista ng mga paraan na mapagsisikapan mong “bumaling sa Panginoon” nang iyong “pag-iisip, kakayahan at lakas” (Alma 39:13). Isama ang mga nagawa mo noon na sa palagay mo ay nagpalakas sa iyo.

    4. Isulat ang payo na natanggap mo mula sa mga magulang at lider ng Simbahan na makatutulong sa iyo laban sa tukso.

    5.  ChurchofJesusChrist.org

      3:59

      Chastity: What Are the Limits?

      Latter-day Saint teens are counseled to stay sexually pure, but what exactly are the limits? Using teachings of modern prophets, this presentation shows how we can find happiness and peace through staying chaste.

Personal na pagninilay

Pag-isipan sandali kung bakit gusto mong manatiling dalisay ang iyong puri. Pagkatapos ay itala ang mga hakbang na gagawin mo para patuloy na masunod ang batas ng Panginoon sa kalinisang-puri. Isipin kung ano ang maaaring ipahiwatig ng Espiritu Santo na gawin mo, at itala ang anumang mga karagdagang ideya sa iyong study journal. Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay lumabag sa batas ng kalinisang-puri, alalahanin na si Jesucristo ay “paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan” (Alma 39:15) at patatawarin ang lahat ng taong taos-pusong nagsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan (tingnan sa Mosias 26:30, Alma 39:9).