Seminary
Mormon 3–6: Ang Pagbagsak ng Bansang Nephita


“Mormon 3–6: Ang Pagbagsak ng Bansang Nephita,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mormon 3–6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mormon 3–6

Ang Pagbagsak ng Bansang Nephita

Ang huling digmaan ng mga Nephita

Nag-alala ka na ba tungkol sa isang taong mahal mo? Nangusap patungkol sa mga tao sa kanyang paligid, sinabi ni Mormon, “Sila ay pinamunuan ko … at minahal sila … nang buong puso ko” (Mormon 3:12). Subalit nag-alala at nagdalamhati si Mormon para sa kanyang mga tao habang papatungo sila sa pagkawasak dahil ayaw nilang humingi ng tulong sa Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang kahalagahan ng pagbaling sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa iyong buhay.

Ano ang gagawin mo?

Ikinuwento ni Elder Spencer J. Condie ng Pitumpu ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Murray Ling, na nagmamaneho patawid sa isang tulay sa gabi nang makita niyang biglang naglaho ang kotse sa harapan. Bumagsak sa harapan niya ang isang malaking bahagi ng tulay. Nagpreno si Murray at sakto ang pagtigil niya sa kotse niya.

  • Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Murray, ano ang ilan sa mga unang bagay na gagawin mo matapos mong ihinto ang iyong kotse?

Basahin ang sumusunod na salaysay tungkol sa piniling gawin ni Murray. Maaari mong panoorin ang video na “Prophets Warning,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 0:58.

2:3

Nagsimulang balaan ni Murray … ang mga paparating na sasakyan tungkol sa pagbagsak ng tulay. Habang balisang ikinakaway ang kanyang mga kamay, sa kanyang sindak, isang kotse ang “lumihis sa kanya at tuluy-tuloy na nahulog sa kailaliman” (Stephen Johnson, “Over the Edge!” Reader’s Digest, Nov. 1977, p. 128). Kamuntik nang hindi tumigil ang pangalawang kotse, ngunit ang pangatlong kotse ay tuluy-tuloy at sumalpok ito sa kotse ni Ling na nasa gilid ng tulay.

Bigla na lang, isang punong bus ang dumiretso patungo kay Murray, at binalewala ang kanyang pagkaway. (Spencer J. Condie, “A Mighty Change of Heart,” Ensign, Nob. 1993, 17)

  • Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Murray, ano ang madarama mo kung binabalewala ka ng mga tao? Susuko ka ba sa pagsisikap na iligtas sila? Bakit oo o bakit hindi?

Tulad ni Murray Ling, nakita ni Mormon na ang kanyang mga tao ay patungo sa pagkalipol. Bilang pinuno ng mga hukbo ng mga Nephita, at bilang propeta ng Diyos, ginawa ni Mormon ang lahat ng makakaya niya para balaan sila, protektahan sila, at ituro sa kanila ang tungkol sa kanilang Tagapagligtas. Sa kasamaang-palad, binalewala o tinanggihan ng karamihan sa kanyang mga tao ang mga ginawa ni Mormon.

Paparating na panganib para sa mga tao ni Mormon

Sa Kanyang kaalaman noon pa man, binalaan na ng Diyos ang mga Nephita sa loob ng daan-daang taon tungkol sa mangyayari kung patuloy silang maghihimagsik laban sa Kanya.

Para makakita ng isang halimbawa, basahin ang Helaman 13:8–10, at alamin ang propesiya na sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Samuel, ang Lamanita, mahigit 300 taon bago isinilang si Mormon. Habang nagbabasa ka, pansinin kung kailan matutupad ang propesiya. (Tingnan sa 1 Nephi 12:6, 11–19 at 3 Nephi 27:30–32 para sa karagdagang mga halimbawa ng kaalaman noon pa man at mga babala ng Diyos na matutupad sa panahon ni Mormon.)

  • Sa iyong palagay, bakit ipinaalam ito ng Diyos nang napakaaga?

Basahin ang mga sumusunod na paglalarawan ng mga pagsisikap ni Mormon na tulungan ang kanyang mga tao at ang kanilang reaksyon sa kanyang mga pagsisikap.

  • Sa iyong palagay, bakit talagang nagsikap si Mormon na tulungan sila kahit alam niya ang mga propesiya?

  • Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa mga pagsisikap at hangarin ni Mormon at ng mga pagsisikap at hangarin ng Tagapagligtas?

Pagtawag sa Diyos

Mag-isip ng ilang paraan na makukumpleto mo ang sumusunod na pangungusap:

  • “Maraming tinedyer ngayon ang nahihirapan sa .”

Ibinahagi ni Mormon ang isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapan ang mga Nephita. Basahin ang Mormon 5:2, at alamin ang HINDI ginawa ng mga Nephita habang nahihirapan sila.

  • Paano naaangkop ang ibinahagi ni Mormon sa talata 2 sa maraming tao ngayon?

Basahin ang sumusunod na pahayag na isinisingit ang mga paghihirap na naisip mo kanina. Pag-isipan kung naniniwala ka na ang pahayag ay totoo sa ating mundo ngayon. Totoo ba ito para sa iyo sa alinman sa mga paghihirap sa iyong buhay? Kung oo, ano ang magagawa mo para mabago ito?

  • “Maraming tinedyer ngayon ang nahihirapan sa dahil hindi humihingi ng tulong sa Diyos.”

Ang pagkalipol ng mga Nephita

Mormon Bids Farewell to a Once Great Nation [Si Mormon ay Nagpapaalam sa Isang Dating Dakilang Bansa], ni Arnold Friberg

Matapos mahalin, turuan, at pamunuan ang mga hukbo ng mga Nephita nang ilang dekada, si Mormon ay malubhang nasugatan sa huling pakikidigma sa mga Lamanita. Mula sa tuktok ng isang burol, sinuri niya kung ano ang natira sa bansa ng mga Nephita. Tanging 24 na kawal na Nephita lamang ang nakaligtas sa malupit na pagpatay, kabilang si Mormon at ang kanyang anak na si Moroni (tingnan sa Mormon 6:9–15).

Sa Mormon 6, isinulat ni Mormon ang “huling pakikipaglaban ng [kanyang] mga tao” (Mormon 6:6). Basahin ang Mormon 6:7, 10–15, at alamin ang nangyari sa mga Nephita sa huling digmaang ito.

Ipagpalagay na nasa katayuan ka ni Mormon, na nagdadalamhati sa pagkawala ng mga taong mahal mo pero batid na maaari ka pa ring mag-iwan ng maikling mensahe para sa mga susunod na henerasyon. Ano ang gusto mong malaman ng mga tao sa mga huling araw?

Basahin ang Mormon 5:10–11, 16–18; 6:16–20 para makita ang ilan sa mga mensahe na nahikayat si Mormon na itimo sa atin. Maaari mong markahan ang mga parirala na sa palagay mo ay pinakakailangang marinig ng mga tao sa ating panahon.

Ang isang katotohanang itinuro ni Mormon ay si Jesucristo ay nakatayong bukas ang mga bisig upang tanggapin ang mga taong pinipiling magsisi at lumapit sa Kanya (tingnan sa Mormon 6:17).

Maaari mong ipikit sandali ang iyong mga mata at isipin na nakatayo si Jesus at nakatingin Siya sa iyo nang bukas ang mga bisig. Isulat sa iyong journal ang iyong mga saloobin, nadarama, at impresyon tungkol sa kahulugan sa iyong buhay na nakatayo si Jesus nang bukas ang mga bisig para tanggapin ka.

  1. Sagutin ang dalawa sa mga sumusunod na tanong:

    • Alin sa mga turo ni Mormon ang pinakakailangan mo sa iyong buhay? Bakit?

    • Ano ang gusto ni Mormon na nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

    • Sa iyong palagay, paano maiiba ang ating mundo kung mas maraming tao ang maniniwala sa isinulat ni Mormon?