Doktrina at mga Tipan 2021
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women


“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women,Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)

“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women,Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021

mga dalagita sa klase

Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women

Ano ang mga layunin ng mga miting ng ating korum at klase?

Binigyan ka ng Panginoon ng isang sagradong gawain: tinawag ka Niyang maglingkod sa isang Aaronic Priesthood quorum presidency o Young Women class presidency. Bahagi ng iyong responsibilidad ang pamunuan at pangasiwaan ang mga miting ng iyong korum o klase sa araw ng Linggo. Para magawa ito, makatutulong na maunawaan mo kung bakit tayo may ganitong mga miting.

Ang mga miting ng korum ng Aaronic Priesthood at klase ng Young Women ay naiiba sa mga klase sa Simbahan tulad ng Sunday School o seminary. Sa mga miting ng korum o klase, hindi lang natin pinag-aaralan ang isang paksa ng ebanghelyo. Natututo tayo tungkol sa gawaing ibinigay sa atin ng Diyos, at tinutulungan natin ang mga miyembro ng ating korum o klase para maisagawa ang gawaing iyon sa ating tahanan, sa Simbahan, at sa ating komunidad. Halimbawa, nagpaplano tayo kung paano natin tutuparin ang ating mga tungkulin bilang bahagi ng batalyon ng mga kabataan ng Panginoon para makatulong sa pagtipon ng Israel. Sa mga miting na ito, hindi lang natin pinag-uusapan ang gawain—nagpaplano rin tayo para maisagawa ito.

mga binatilyo sa klase

Ngunit ang pagbibigay-diing ito sa gawain ay hindi nangangahulugan na sa Sunday School lang natin tatalakayin ang mga doktrina. Sa katunayan, mahalaga ang pag-aaral ng doktrina sa mga miting ng korum at ng Young Women—tinutulungan tayo nitong maunawaan ang mga dahilan kung bakit natin isinasagawa ang gawain. Habang sama-sama nating pinag-aaralan ang ebanghelyo, maaaring mabago ng mga katotohanang natututuhan natin ang ating puso. Maaari tayong makatanggap ng mga pahiwatig tungkol sa mga paraan kung paano lalago “sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52). Habang lalo tayong nagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng mga hangaring tulungan ang iba sa pagtahak sa landas ng tipan, kabilang na ang ating pamilya, mga kaibigan, at mga kapwa miyembro ng korum at klase.

Sino ang namumuno sa mga miting na ito?

Tinawag ka ng Diyos bilang bahagi ng quorum o class presidency at binigyan ka Niya ng awtoridad na mamuno. Iyon ang dahilan kung bakit dapat pangasiwaan ng isang miyembro ng quorum o class presidency ang bawat miting. Dapat mag-alok ng patnubay at suporta ang mga adult leader, ngunit hindi sila dapat pumalit sa iyo. Tingnan ang bahaging may pamagat na “Sama-samang Magpayuhan” sa simula ng bawat outline sa resource na ito para sa mga ideya na makatutulong sa iyo na malaman kung paano mamuno sa isang miting at isakatuparan ang mga tunay na layunin nito. Gamitin ang mga miting ng presidency para maplano kung paano pangangasiwaan ang mga miting na ito sa araw ng Linggo.

Sino ang dapat magturo ng lesson?

Maaaring magturo ng mga lesson ang mga adult leader, isang miyembro ng quorum o class presidency, o sinumang miyembro ng korum o klase. Bilang quorum o class presidency, sumangguni sa mga adult leader kung sino ang dapat atasang magturo ng mga lesson. Alalahanin na maraming maituturo ang mga adult leader. Hangaring matuto mula sa kanilang mga karanasan at patotoo. May mga kabutihan ding dulot ang paghiling sa mga kabataan na magturo—maaaring makatulong ang pagtuturo na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob at mapatibay ang kanilang ugnayan sa iba pang mga miyembro ng korum o klase. Kaya bigyan sila ng mga angkop na pagkakataong magturo ng isang buong lesson o bahagi nito, ngunit isaalang-alang din ang mga pangangailangan at kakayahan ng mga tao sa iyong korum o klase. Halimbawa, maaaring magturo nang mas madalas ang mga adult leader sa mga korum o klase ng mga mas batang kabataan o ng mga kabataang mas kakaunti ang karanasan sa pagtuturo ng ebanghelyo. Kapag inanyayahang magturo ang mga kabataan, dapat silang tulungan ng isang magulang o adult adviser na maghanda kung kinakailangan.

Maaaring gamitin ng mga inatasang magturo ang bahaging may pamagat na “Ituro ang Doktrina” sa bawat outline sa resource na ito upang matulungan silang maghanda. Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga mungkahi sa pagtuturo at pagtalakay ng doktrina para sa linggong iyon, ngunit hindi dapat madama ng mga guro na limitado lang sila sa mga mungkahing ito. Ayon sa patnubay ng Espiritu, maaaring iangkop ng mga guro ang mga ideyang ito o gamitin ang kanilang sariling mga ideya para makapagturo sa isang paraang pinakamainam na tutugon sa pangangailangan ng mga miyembro ng korum o klase at tutulong sa kanila na maunawaan ang doktrina.

Anong mga paksa ng doktrina ang tatalakayin natin sa ating mga miting?

Ang paksa ng outline sa bawat linggo ay isang alituntunin ng doktrina na napili upang umayon sa babasahin sa Doktrina at mga Tipan na inirekomenda para sa linggong iyon, na matatagpuan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Sa ganitong paraan, susuportahan ng mga talakayan tungkol sa doktrina sa mga miting ng korum at klase ang natututuhan ng mga kabataan sa tahanan.

Bagaman nilayon na ituro ang mga outline sa mga partikular na araw ng Linggo, maaari pa ring talakayin ang iba pang mga paksa ng doktrina batay sa mga pangangailangan ng iyong korum o klase.

Kasama sa resource na ito ang mga outline para sa bawat linggo kung kailan idaraos ang mga miting ng korum ng Aaronic Priesthood at mga klase ng Young Women. Paminsan-minsan, maaaring kailanganing lumaktaw ng isang lesson dahil sa mga kumperensya ng stake o iba pang mga dahilan.

Ano ang papel ng ating mga adult leader?

Mahalaga ang papel ng mga adult leader sa mga korum ng Aaronic Priesthood at mga klase ng Young Women. Gagabayan at papayuhan ka nila sa iyong mga tungkulin sa pamumuno. Susuportahan ka nila at palalakasin nila ang loob mo habang isinasagawa mo ang gawain ng iyong korum o klase. Tuturuan ka nila ng doktrina, at pagpapalain ka nila sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, karanasan, at patotoo.