“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women
Ano ang mga Layunin ng mga Miting ng Ating Klase at Korum?
Pinagkatiwalaan ka ng Panginoon ng isang sagradong responsibilidad: tinawag ka Niyang maglingkod sa isang Young Women class presidency o sa isang Aaronic Priesthood quorum presidency. Bahagi ng iyong responsibilidad ang pamunuan at pangasiwaan ang mga miting ng inyong klase o korum sa araw ng Linggo. Para magawa ito, makatutulong na unawain mo kung bakit tayo may ganitong mga miting.
Ang mga miting ng klase ng Young Women at ng korum ng Aaronic Priesthood ay naiiba sa mga klase sa Simbahan na tulad ng Sunday School o seminary. Sa mga miting ng klase o korum, natututo tayo tungkol sa gawaing ibinigay sa atin ng Diyos, at inoorganisa natin ang mga miyembro ng ating klase o korum para isagawa ang gawaing iyon sa ating tahanan, sa Simbahan, at sa ating komunidad. Sa mga miting na ito, hindi lang natin pinag-uusapan ang gawain—gumagawa tayo ng mga plano para magampanan ang ating mga tungkulin bilang bahagi ng batalyon ng mga kabataan ng Panginoon, kabilang na ang pagtulong na tipunin ang Israel.
Ang pagbibigay-diing ito sa gawain ay hindi nangangahulugan na sa Sunday School lang natin tatalakayin ang mga doktrina. Sa katunayan, ang pag-aaral ng doktrina sa mga klase ng Young Women at mga miting ng korum ng Aaronic Priesthood ay mahalaga—tinutulungan tayo nitong mapatatag ang ating kaugnayan kay Jesucristo, maunawaan ang plano ng Ama sa Langit, at makibahagi sa Kanilang gawain. Habang sama-sama nating pinag-aaralan ang ebanghelyo, mababago ng mga katotohanang natututuhan natin ang ating puso at maipapaalam sa atin kung paano kumilos sa mga paraang lalong katulad ni Cristo. Makatatanggap tayo ng mga pahiwatig tungkol sa mga paraan para lumago “sa karunungan, sa pangangatawan, at [maging] kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52). Habang mas nagbabalik-loob tayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makasusumpong tayo ng kagalakan at makadarama tayo ng mga hangaring tulungan ang iba sa pagtahak sa landas ng tipan.
Sino ang Namumuno sa mga Miting na Ito?
Tinawag kayo ng Diyos bilang mga quorum at class presidency at binigyan kayo ng awtoridad na mamuno. Kaya nga bawat miting ng inyong klase o korum ay dapat pangasiwaan ng isang miyembro ng inyong klase o quorum presidency. Dapat mag-alok ng patnubay at suporta ang mga adult leader, ngunit hindi sila dapat pumalit sa inyo. Tingnan ang bahaging may pamagat na “Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian” sa simula ng bawat outline sa resource na ito para sa mga ideyang makatutulong sa inyo na malaman kung paano pamunuan ang isang miting at isakatuparan ang tunay na mga layunin nito. Gamitin ang mga miting ng presidency para maiplano kung paano ninyo pangangasiwaan ang mga miting na ito sa araw ng Linggo.
Sino ang Dapat Magturo ng Lesson?
Maaaring ituro ng mga adult leader, isang miyembro ng class o quorum presidency, o sinumang iba pang miyembro ng klase o korum ang mga lesson. Bilang class o quorum presidency, sumangguni sa inyong mga adult leader kung sino ang dapat atasang magturo ng mga lesson. Alalahanin na maraming maituturo ang inyong mga adult leader. Hangaring matuto mula sa kanilang karanasan at mga patotoo. May mga kabutihan ding dulot ang paghiling sa mga kabataan na magturo—ang pagtuturo ay makatutulong na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob at mapatibay ang kanilang ugnayan sa iba pang mga miyembro ng klase o korum. Kaya bigyan sila ng angkop na mga pagkakataong ituro ang buo o bahagi ng isang lesson, na isinasaisip ang mga pangangailangan at kakayahan ng mga tao sa inyong klase o korum. Halimbawa, maaaring magturo nang mas madalas ang mga adult leader sa mga klase o korum ng mas nakababatang mga kabataan o ng mga kabataang walang gaanong karanasan sa pagtuturo ng ebanghelyo. Kapag inanyayahang magturo ang mga kabataan, dapat silang tulungan ng isang magulang o ng isang adult adviser na maghanda kung kinakailangan.
Maaaring gamitin ng mga inatasang magturo ang bahaging may pamagat na “Ituro ang Doktrina” sa bawat outline sa resource na ito upang matulungan silang maghanda. Ang bahaging ito ay naglalaman ng mga mungkahi sa pagtuturo at pagtalakay ng doktrina para sa linggong iyon, ngunit hindi dapat madama ng mga guro na limitado lang sila sa mga mungkahing ito. Ayon sa patnubay ng Espiritu, maaaring iangkop ng mga guro ang mga ideyang ito o gamitin ang sarili nilang mga ideya para magturo sa isang paraan na pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase o korum at tutulong sa kanila na maunawaan at maipamuhay ang doktrina.
Anong mga Paksa ng Doktrina ang Tatalakayin Natin sa Ating mga Miting?
Ang paksa ng outline para sa bawat linggo ay isang alituntunin ng doktrina na pinili upang umayon sa babasahin sa Bagong Tipan na iminungkahi para sa linggong iyon, na matatagpuan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Sa ganitong paraan, susuportahan ng mga talakayan tungkol sa doktrina sa mga miting ng klase o korum ang natututuhan ng mga kabataan sa kanilang tahanan.
Bagama’t ang mga outline ay dapat ituro sa partikular na mga Linggo, mayroon pa rin kayong opsiyon na talakayin ang iba pang mga paksa ng doktrina batay sa mga pangangailangan ng inyong klase o korum.
Kabilang sa resource na ito ang mga outline para sa bawat linggo kapag nagdaraos ng mga klase ng Young Women at mga miting ng korum ng Aaronic Priesthood. Paminsan-minsan, maaari ninyong kailanganing laktawan ang isang lesson dahil sa mga stake conference o iba pang mga dahilan.
Ano ang Ginagampanan ng Ating mga Adult Leader?
Mahalaga ang ginagampanan ng inyong mga adult leader sa mga klase ng Young Women at mga korum ng Aaronic Priesthood. Gagabayan at papayuhan nila kayo sa inyong mga tungkulin sa pamumuno. Susuportahan nila kayo at palalakasin nila ang loob ninyo habang isinasagawa ninyo ang gawain ng inyong klase o korum. Tuturuan nila kayo ng doktrina, at pagpapalain nila kayo sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, karanasan, at patotoo.