“Enero 8. Paano Ko Mapagpapala ang Iba sa pamamagitan ng Aking Patotoo tungkol kay Jesucristo? Mateo 1; Lucas 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Enero 8. Paano Ko Mapagpapala ang Iba sa pamamagitan ng Aking Patotoo kay Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Enero 8
Paano Ko Mapagpapala ang Iba sa pamamagitan ng Aking Patotoo tungkol kay Jesucristo?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Ano ang tinalakay natin noong nakaraan, at anong mga paanyaya o assignment ang ginawa natin? Ano ang nagawa natin ayon sa mga paanyaya o assignment na iyon?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Ano ang maaari nating gawin at sabihin para matulungan ang mga taong tila nakadarama na sila ay nag-iisa o malayo sa Ama sa Langit?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang ilang paraan na maipadarama natin sa iba ang pagmamahal ni Jesucristo?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Anong mga ideya ang maibabahagi natin sa isa’t isa na makatutulong para mapatatag ang ating mga pamilya?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Tulad ng karamihan sa matatapat na Judio sa kanyang panahon, tiyak na inasam ni Mary ang pagdating ng Mesiyas. Matapos malaman mula sa isang anghel na halos tapos na ang paghihintay—at na siya ang magiging ina ng ipinangakong Manunubos—si Maria ay nagbigay ng magandang patotoo tungkol sa “Diyos na aking Tagapagligtas.” Ang patotoong ito ay nakatala sa Lucas 1:46–55, at pinahahalagahan ito ng mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, isipin ang mga tao sa iyong klase o korum. Sila, tulad ni Maria, ay naghahanda para sa pagparito ni Jesucristo—sa pagkakataong ito, para sa Kanyang maluwalhating Ikalawang Pagparito. At tulad rin ni Maria, ang kanilang patotoo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa pananampalataya ng mga nasa paligid nila.
Ano ang nadarama ng mga tinuturuan mo tungkol kay Jesucristo? Paano mapagpapala ang iba ng kanilang patotoo tungkol sa Kanya? Habang naghahanda kang magturo, maaari mo ring pag-aralan ang 2 Nephi 25:23–26 at ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo” (Liahona, Nob. 2020, 88–91).
Magkakasamang Matuto
Ang isang magandang paraan para matulungan ang mga kabataan na pag-isipan ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo ay magkakasamang alamin ang patotoo ni Maria sa Lucas 1:46–55. Marahil ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang mga parirala na naglalarawan ng pinaniniwalaan at nadarama ni Maria tungkol sa Tagapagligtas. Alin sa mga pariralang ito ang naglalarawan din ng nadarama natin tungkol sa Kanya? Halimbawa, ano ang dahilan kung bakit “nagagalak ang [ating] espiritu sa Diyos”? (talata 47). Anong “mga dakilang bagay” ang ginawa Niya para sa atin? (talata 49). Paano Niya ipinakita ang Kanyang lakas sa ating buhay? (tingnan sa talata 51). Ang mga ideya sa aktibidad sa ibaba ay maaaring humantong sa mga pag-uusap kung paano mapagpapala ang iba ng ating patotoo tungkol kay Cristo.
-
Ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo” ay tumutulong na ipaliwanag kung bakit dapat tayong mas hayagang magsalita tungkol sa Tagapagligtas—at kung paano natin ito magagawa. Maaari ninyong magkakasamang basahin ang mga bahagi ng mensahe ni Elder Andersen. Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase o korum ang mga dahilang ibinigay niya para sa pagbabahagi ng ating patotoo tungkol kay Jesucristo at ang ipinayo niya kung paano ito gawin. Anong mga partikular na bagay ang magagawa natin para mas hayagang mangusap tungkol kay Cristo?
-
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, alam natin ang mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesucristo na maaari nating ibahagi. Paano mo matutulungan ang mga kabataan na pag-isipan ang mga katotohanang ito? Maaari mong sabihin sa kanila na pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” nang mag-isa o sa mga grupo, na hinahanap ang mga sagot sa tanong na “Anong mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas ang may espesyal na kahulugan sa iyo?” Sabihin sa kanila na ibahagi ang mga katotohanan na nahanap nila at ipaliwanag nila kung bakit mahalaga ang mga ito sa kanila. Maaari silang magbahagi ng mga banal na kasulatan at ng sarili nilang mga karanasan sa paggawa nito. Pagkatapos ay maaari nilang talakayin kung aling mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas ang maibabahagi nila sa social media, sa isang kaibigan na nahihirapan na mapalakas ang patotoo, o sa isang taong hindi miyembro ng ating Simbahan.
-
Bukod pa sa Lucas 1:46–55, ang mga banal na kasulatan ay maraming iba pang mga talata na maaaring maghikayat sa atin na ibahagi ang nalalaman natin tungkol kay Jesucristo. May ilang halimbawang nakatala sa “Suportang Resources.” Maaari ninyong magkakasamang basahin ang mga banal na kasulatang ito. Ano ang itinuturo ng mga ito sa atin tungkol sa paraan kung paano ibahagi sa iba ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo? Ano pa ang natutuhan natin sa mga talatang ito? Maaari ding ibahagi ng mga miyembro ng klase o korum ang mga bagay na natutuhan nila mula sa mga taong kilala nila na hayagang nagbabahagi ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Mateo 5:14–16; 1 Pedro 3:15; 2 Nephi 25:26; Alma 5:43–50; Doktrina at mga Tipan 100:5–8
-
Russell M. Nelson, “Ipakita ang Inyong Pananampalataya” (Liahona, Mayo 2014, 29–31)
-
Cristina B. Franco, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo” (Liahona, Nob. 2019, 83–86)