“Enero 22. Paano Naging Ilaw ng Aking Buhay si Jesucristo? Juan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Enero 22. Paano Naging Ilaw ng Aking Buhay si Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Enero 22
Paano Naging Ilaw ng Aking Buhay si Jesucristo?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga dalangin? Ano ang naiisip nating gawin para tulungan sila?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano tayo magiging ilaw sa mga kapamilya o kaibigan na hindi natin kapareho ang mga paniniwala?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Paano tayo makapagpapakita ng higit na pagmamahal at suporta sa ating pamilya at makagagawa ng positibong kaibhan sa ating tahanan?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Sinimulan ni Apostol Juan ang kanyang Ebanghelyo sa paghahambing kay Jesucristo sa isang ilaw na “lumiliwanag sa kadiliman” (Juan 1:5). Ang mga miyembro ng iyong klase o korum ay lumalaki sa panahon ng espirituwal na kadiliman. Ngunit panahon din ito kung saan ang “kagilagilalas na liwanag” ng Tagapagligtas ay makatutulong sa kanila na makita nang malinaw at mahanap ang kanilang daan (1 Pedro 2:9).
Habang binabasa mo ang Juan 1 sa linggong ito, pagnilayan kung bakit napakahalaga ng ilaw at kung paano naging ilaw ng iyong buhay ang Tagapagligtas (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1–34 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]). Paano mapagpapala ng Kanyang liwanag ang mga tinuturuan mo? Paano mo sila mahihikayat na lumakad sa Kanyang liwanag? Para matulungan kang pagnilayan ang mga tanong na ito, maaari mong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 88:5–13, 67; 93:2–9 at ang mensahe ni Sister Sharon Eubank na “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman” (Liahona, Mayo 2019, 73–76).
Magkakasamang Matuto
Madalas makatulong na simulan ang inyong talakayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa klase o korum ng pagkakataong pag-usapan ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong sabihin sa kanila sa linggong ito na magbahagi ng isang salita o parirala mula sa Juan 1:1–17 na nagtuturo sa kanila ng isang bagay tungkol sa Tagapagligtas. Hayaang pag-usapan nila kung bakit pinili nila ang salita o pariralang iyon at kung ano ang itinuturo nito sa kanila tungkol kay Jesucristo. Ibahagi sa kanila kung paano naging ilaw ng iyong buhay si Jesucristo. Ang mga aktibidad sa ibaba ay makatutulong sa inyo na ipagpatuloy ang inyong talakayan.
-
Para matulungan ang mga tinuturuan mo na pahalagahan ang liwanag ng Tagapagligtas, marahil ay maaaring ibahagi ng isang miyembro ng klase o korum kung ano kaya ang pakiramdam ng nasa dilim. May isang kuwento na makatutulong na matatagpuan sa simula ng mensahe ni Elder Timothy J. Dyches na “Ang Liwanag ay Kumukunyapit sa Liwanag” (Liahona, Mayo 2021, 112–15). Bakit natatakot kung minsan ang mga tao sa dilim? Bakit kailangan natin ng ilaw? Bakit tinawag si Jesucristo na Ilaw ng Sanlibutan? Maaari mong sabihin sa mga kabataan na pag-aralan ang mensahe ni Elder Dyches simula sa “Maaari ko bang imungkahi na, marahil, ito ang panahon upang tanungin ang inyong sarili.” Maaari nilang alamin kung ano ang magagawa natin para mas lubos na madala ang liwanag ng Tagapagligtas sa ating buhay.
-
Ang mga banal na kasulatan na nakalista sa ilalim ng “Suportang Resources” ay makatutulong sa iyong klase o korum na mas maunawaan ang liwanag na ibinibigay ni Jesucristo. Maaari ninyong basahin at talakayin bilang klase ang ilan sa mga unang grupo ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay isulat sa pisara ang Paano natin madadala ang liwanag ng Tagapagligtas sa ating buhay?, at ipalista sa mga kabataan ang mga sagot na nakita nila sa pangalawang grupo ng mga banal na kasulatan. Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga kabataan at sabihin sa kanila na ibahagi sa isa’t isa kung paano naging ilaw ng kanilang buhay si Jesucristo.
-
Sinabi ni Sister Sharon Eubank, “Ang isa sa [mga] pinakapangunahing pangangailangan natin upang umunlad ay ang manatiling nakakonekta sa pinagkukuhanan natin ng liwanag—si Jesucristo” (“Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” 73). Maaari mong ilarawan ito gamit ang isang object lesson—marahil sa pagpapakita ng isang flashlight o mobile device at pagtalakay kung bakit mahalaga ang power source nito. Pagkatapos ay maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase o korum ang mensahe ni Sister Eubank, at alamin kung paano tinatangka ni Satanas na “putulin ang [ating] power supply.” Paano natin mapapanatili ang matibay na koneksyon kay Jesucristo? Anong payo ang makikita natin sa mensahe ni Sister Eubank?
-
Ang mga himno tulad ng “Tanglaw Ko ang Diyos” at “Liwanag sa Gitna Nitong Dilim” (Mga Himno, blg. 49, 53) ay nagpapatotoo na si Jesucristo ang ating ilaw. Maaari ninyo magkakasamang kantahin ang mga ito (o ang iba pang alam ninyo) at tukuyin ang mga salita o parirala na nagtuturo sa atin kung paano natutulad si Jesucristo sa ilaw. Paano nadala ng iba ang liwanag ng Tagapagligtas sa ating buhay? Paano natin maibabahagi ang Kanyang liwanag sa iba?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Mga Awit 27:1; Isaias 60:19–20; Juan 8:12; 3 Nephi 18:16, 24 (Ang Tagapagligtas ay liwanag at ilaw)
-
Mga Kawikaan 4:18–19; 1 Juan 2:8–11; Doktrina at mga Tipan 50:23–24; 93:26–28; 138:20–24 (Paano natin dinadala ang liwanag ng Tagapagligtas sa ating buhay)