“Pebrero 12. Paano Ko Mapapataimtim ang Aking Pagsamba sa Diyos? Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Pebrero 12. Paano Ko Mapapataimtim ang Aking Pagsamba sa Diyos?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Pebrero 12
Paano Ko Mapapataimtim ang Aking Pagsamba sa Diyos?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano tayo mas napapalapit sa Tagapagligtas? Paano tayo nagsisikap na maging higit na katulad Niya?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang naiisip natin nitong mga nakaraang araw? Paano natin matutulungan ang mga taong ito?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin masasagot ang mga tanong ng ating mga kaibigan tungkol sa Simbahan sa paraang mapapalakas ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Ano ang ilang paraan para lalo nating makaugnayan ang ating mga kamag-anak, tulad ng mga lolo’t lola at mga pinsan?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Ang babaeng taga-Samaria na inilarawan sa Juan 4 ay pumupunta marahil sa balon nang madalas para umigib ng tubig. Ngunit sa pagkakataong ito may nangyaring kakatwa. Nakilala niya ang isang lalaking Judio na humingi sa kanya ng inumin. Hindi pangkaraniwan iyan dahil karaniwang hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. Ngunit may isa pang hindi pangkaraniwan tungkol sa lalaking ito. Nahihiwatigan na Siya ay isang propeta, nagtanong ang babae sa Kanya tungkol sa pagsamba sa Diyos. Nararapat bang sambahin ang Diyos sa Samaria? O dapat bang sumamba ang mga tao sa Jerusalem, tulad ng sinabi ng mga Judio? (tingnan sa Juan 4:19–20). Ipinaliwanag ng lalaki na kung saan tayo sumasamba ay hindi kasinghalaga ng kung paano tayo sumasamba: “Sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya” (Juan 4:23). Pagkatapos ay sinabi sa kanya ng lalaki kung sino Siya—Siya ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan (tingnan sa Juan 4:25–26).
Nauunawaan ba ng mga kabataang tinuturuan mo ang ibig sabihin ng sambahin ang Ama sa Langit? Bukod sa pagsamba sa simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:9–10), ano ang iba pang mga pagkakataon nila para masamba Siya, kabilang ang mga yaong maaaring hindi nila napapansin bilang pagsamba? Ang sumusunod na resources ay makatutulong sa iyo na maghanda para maituro sa kanila kung paano mapapataimtim ang kanilang pagsamba sa Diyos: Mga Awit 95:1–7; Mateo 4:8–10; Alma 32:4–11; Doktrina at mga Tipan 20:17–19; 93:19–20, at ang mensahe ni Bishop Dean M. Davies na “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba” (Liahona, Nob. 2016, 93–95).
Magkakasamang Matuto
Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa pagpapataimtim ng pagsamba, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase o korum na rebyuhin ang Juan 4:19–26 at isulat ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Bakit ko sinasamba ang Diyos? Ano ang kahulugan sa akin ng sambahin ang Diyos? Maaari ding makatulong na magkakasamang rebyuhin ang kahulugan ng “Pagsamba” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (SimbahanniJesucristo.org). Matapos nilang pagnilayan ang mga tanong na ito, anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga naisip. Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa kanila na matanggap ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
-
Ang mga miyembro ng iyong klase o korum ay magkakaroon ng mahahalagang kaalaman tungkol sa kahulugan ng sambahin ang Diyos. Maaari mong sabihin sa kanila na magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama nila na sinasamba nila ang Diyos. Ang mga banal na kasulatan tulad ng mga sumusunod ay makadaragdag sa kanilang pang-unawa at magbibigay sa kanila ng mga ideya kung paano gawing mas makabuluhan ang kanilang pagsamba sa Diyos: Mga Awit 95:1–7; Mateo 4:8–10; Alma 32:4–11; Doktrina at mga Tipan 20:17–19; 93:19–20. Maaari din nilang talakayin ang pahayag ni Elder Bruce R. McConkie sa “Suportang Resources.”
-
Para matulungan ang mga kabataan na mapataimtim ang kanilang pagsamba sa Diyos, maaari mong isulat sa pisara ang mga heading na ito: Sino, Bakit, Saan, at Paano. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang mga banal na kasulatan na nakalista sa “Pagsamba” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (SimbahanniJesucristo.org), na hinahanap ang mga talata na tutulong sa kanila na maunawaan kung sino ang dapat nating sambahin, bakit, saan, at paano tayo dapat sumamba. Kapag nakahanap sila ng isang kaugnay na talata ng banal na kasulatan, sabihin sa kanila na talakayin ito sa klase o korum at isulat ang reperensya sa ilalim ng angkop na heading. Hikayatin silang magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila na mas napalapit sila sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba.
-
Ang mensahe ni Bishop Dean M. Davies na “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba” ay naglalaman ng mga halimbawa ng mga taong sumasamba sa Diyos. Marahil ay maaari ninyong magkakasamang basahin ang bahaging “Ano ang Pagsamba?” Pagkatapos ay maaaring rebyuhin ng bawat tao ang isa sa mga halimbawa ng mga taong sumasamba na matatagpuan sa susunod na tatlong bahagi ng mensahe. Ano ang itinuturo sa atin ng bawat halimbawa tungkol sa pagsamba sa Diyos? Ano ang itinuturo ng huling bahagi ng mensahe tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsamba sa Kanya nang taimtim at taos-puso? Ano ang nahihikayat tayong gawin para mapataimtim ang ating pagsamba sa Diyos?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
“Mga Elemento ng Pagsamba,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay (2003), 34–43
-
Donald L. Hallstrom, “Ang Pagbabalik-loob ng mga Anak ng Diyos” (Seminaries and Institutes of Religion broadcast, Hunyo 13, 2017), https://www.churchofjesuschrist.org/study/broadcasts/miscellaneous-events/2017/06/the-conversion-of-the-children-of-god?lang=tgl
-
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie: “Ang tunay at ganap na pagsamba ay binubuo ng pagsunod sa mga yapak ng Anak ng Diyos; ito ay binubuo ng pagsunod sa mga kautusan at pagsunod sa nais ng Ama hanggang tayo ay umunlad nang biyaya sa biyaya hanggang tayo ay maluwalhati kay Cristo tulad Niya na niluwalhati sa Kanyang Ama. Higit pa ito sa panalangin at pangangaral at pagkanta. Ito ay pamumuhay at paggawa at pagsunod. Ito ay pagtulad sa buhay ng dakilang Huwaran” (“How to Worship,” Ensign, Dis. 1971, 130; ginawang makabago ang malalaking titik).