Mga Taunang Brodkast
Ang Pagbabalik-loob ng mga Anak ng Diyos


21:42

Ang Pagbabalik-loob ng mga Anak ng Diyos

Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast • Hunyo 13, 2017

Tuwang-tuwa akong makibahagi sa devotional broadcast na ito na kasama ninyo na mga nangunguna at nagtuturo sa atingSeminaries and Institutes of Religion at ng mahal ninyong mga kabiyak. Nakilala na namin ang marami sa inyo sa iba’t ibang panig ng mundo, at pambihira talaga kayo. Naniniwala ako na may mga dahilan dito. Una, ang tinatanggap lang ng Simbahan ay mga taong kwalipikado na karapat-dapat sa temple recommend, napatunayang kayang magturo, at inirekomenda at inaprubahan sa iba’t ibang antas, pati na ng Board of Education. Kayong tinawag na mga teacher ay maaaring hindi dumaan sa masusing pagsisiyasat na katulad ng mga empleyado, ngunit, batay sa karanasan ko, tinatawag ng mga lokal na lider ang pinakamahusay magturo sa seminary at institute. Pangalawa, subsob kayo sa doktrina ni Cristo, na sinabi ni Nephi na “tangi at tunay na doktrina ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”1 Ang pagtuturo ng doktrinang ito ay patuloy na nanghihikayat na ipamuhay ang doktrinang ito, at iyan ang dahilan kaya napakahusay ninyo. Manatili kayong ganyan!

Tayo ay isang pamilya sa seminary! Tinawag ako bilang president ng Honolulu Hawaii Stake 32 taon na ang nakalilipas. Ang bunso namin ay 18 buwan lang noon at ang panganay sa aming apat na anak ay 11 anyos noon. Marami akong ginagawa noon sa trabaho ko, at parang sumagad na kami. Pagkatapos ay nilapitan ako ng mga nakikipag-coordinate ng seminary sa aming stake at nagtanong, na medyo duda dahil sa kalagayan ng aming pamilya, “Sa palagay mo ba maaari, ah, posible kaya, ah, na si Sister Hallstrom ay, ah, magturo sa seminary?” Hindi kami sanay na tanggihan ang mga calling, kaya huminga kami nang malalim at nagsabing, “Siyempre naman.”

Iyon na ang simula ng napakaraming gawain ngunit sulit talaga para sa aming pamilya. Ang asawa kong si Diane, ay gumigising nang alas-4:30 ng umaga para maghanda sa seminary na alas-6:00 n.u. Kinailangan ko ring gisingin ang mga bata, tulungan silang maligo at magbihis, maghanda ng almusal, at ayusin ang lahat para kapag paalis na si Diane nang alas-7:00 n.u. makapasok na ako sa trabaho at maihatid na niya sa paaralan ang mga bata.

Ganito kami noon araw-araw sa loob ng walong taon, hanggang sa tawagin si Diane bilang stake Young Women president. Pagkaraan ng limang taon ang seminary coordinator ay muling kumatok sa aming pintuan na nakikiusap, “Napakahirap ng aming senior class; puwede ba ulit magturo si Sister Hallstrom sa seminary?” Kaya, tatlong taon pa ang nadagdag sa walong taon, at kinailangan ang tawag mula kay Pangulong Hinckley para ma-release siya. Tinawag ako bilang General Authority, at ipinadala kami sa Japan sa unang destino namin. Kaya kayong tinawag na mga teacher, mag-ingat kayo sa pag-asam na ma-release—baka kung saan kayo mapunta sa bandang huli!

Ngayon ay ginugunita namin ang mahirap, napakaabala, nakakabaliw na panahong iyon nang may galak at pasasalamat. Talagang minahal ni Diane ang kanyang mga estudyante sa seminary (at minahal nila siya). Tinuruan din niya ang aming mga anak sa seminary, at ang aming mga pamangkin, na ang isa sa kanila ngayon ay institute director na at, sana, ay dumadalo sa brodkast na ito ngayon. Dagdag pa rito, ang masusing pagtuturong ito ay nagpalalim sa kaalaman at patotoo ni Diane sa ebanghelyo—isang bagay na talagang kapaki-pakinabang sa akin at sa aming pamilya. At “itinulot” din nito na makasama ko ang aming mga anak sa tanging oras na available ako—maagang-maaga sa bawat araw. Napakalaking biyaya nito sa akin at, naniniwala akong, sa kanila rin. Kaya nga ang ilan sa ating malalaking pasanin ay talagang nagiging pinakamalaking pagpapala sa atin.

Natutuwa akong makasama ngayon ang mga kasamahan ko na tinitingala ko. Bilang miyembro ng Board of Education at ng Executive Committee of the Board, dalawang beses sa isang buwan akong nakikipagpulong kay Elder Kim B. Clark, na ating kahanga-hangang Commissioner, at kay Chad H Webb, na pambihirang administrator ng Seminaries and Institutes of Religion. Kayo na nagtatrabaho o naglilingkod sa mga seminary at institute ay napamumunuang mabuti. Gaya ng alam ng karamihan sa inyo, ang chairman ng Church Board of Education ay si Pangulong Thomas S. Monson at kasama diyan sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Si Elder Dallin H. Oaks ay miyembro rin ng Board at siya ang chairman ng Executive Committee. Mga miyembro rin ng Board at ng Executive Committee sina Elder Jeffrey R. Holland, Sister Jean B. Bingham, at Sister Bonnie L. Oscarson. Talagang hanga ako sa priyoridad at resources na ibinibigay sa edukasyon sa Simbahan.

Ngayon, hayaang ibahagi ko sa inyo ang ilang mahahalagang papel sa espirituwal na edukasyon ng mga kabataan ng Simbahan. Nabanggit ko na ang malalim na doktrina ni Cristo. Paano tinutulungan ng Simbahang ito ang mga miyembro sa pag-unawa at pamumuhay ng doktrinang ito? Isa pang paraan ng pagtatanong nito ay, “Ano ang priyoridad ng mga apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?”

Ang isang paraan para malaman ang mga priyoridad na ito ay unawain ang “gawain ng kaligtasan.” Ang maikli ngunit napakalinaw na paglalarawan ng gawain ng kaligtasan ay nasa Handbook 2. Tandaan na ang hanbuk ng Simbahan ay inaprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nakasaad dito na: “Ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay isinugo ‘upang gumawa sa Kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao’ (D at T 138:56). Kasama sa gawaing ito ng kaligtasan ang gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatiling aktibo sa mga nabinyagan, pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.”2

Ang isa pang ideya sa mga priyoridad na ito ay ang pahayag sa hanbuk ng Simbahan sa ilalim ng pamagat na “Ang Layunin ng Simbahan.” Mababasa dito na: “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinatag ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawaing isakatuparan ang kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak. Inaanyayahan ng Simbahan ang lahat na ‘lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya’ (Moroni 10:32; tingnan din sa D at T 20:59). Ang imbitasyon na lumapit kay Cristo ay para sa lahat ng nabuhay, o mabubuhay, sa mundo.”3

Nakasaad pa sa hanbuk na, “Para maisakatuparan ang layunin nitong tulungan ang mga tao at pamilya na maging marapat sa kadakilaan, nagtutuon ang Simbahan sa mga responsibilidad na itinakda ng Diyos. Kabilang dito ang pagtulong sa mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, pagtipon sa Israel sa pamamagitan ng gawaing misyonero, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at pagtulong sa kaligtasan ng mga yumao sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo at pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa.”4

Kaya nga ang “gawain ng kaligtasan” at itong mga “responsibilidad na itinakda ng Diyos” ay magkapareho, at dapat nitong gabayan ang lahat ng ginagawa natin sa Simbahan, pati na (marahil lalo na) ang pagtuturo sa ating mga kabataan.

Sa huli, ang lahat ng ginagawa natin—para sa ating sarili, sa ating pamilya, at sa inyong katungkulan ngayon—ay para ituro ang “gawain ng kaligtasan” at ang “mga responsibilidad na itnakda ng Diyos” upang tumulong sa pagbabalik-loob ng mga anak ng Diyos. Ito ay pagtuturong tulad ni Aaron at ng kanyang mga kapatid na sina Ammon, Omner, at Himni—ang magturo “alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos,” upang ang lahat ng maniniwala “sa [inyong] pangangaral, at [magbabalik-loob] sa Panginoon, kailanman ay hindi [magsitalikod].”5

Gaya ng sinabi ng Unang Panguluhan sa mga magulang at mga lider ng kabataan, “Kayo ay tinawag ng Panginoon na tulungan ang mga kabataan na lubos na magbalik-loob sa ebanghelyo.”6 Sa pagtulad sa paraan ng pagtuturo ng Tagapagligtas, may tiwala tayo na mas malalim ang matututuhan ng ating mga kabataan na aakay tungo sa pagbabalik-loob.

Kaya nga ang pagtuturo sa ating mga kabataan ay hindi lamang pagtuturo sa kanila ng kasaysayan, ito ay pagtuturo sa kanila ng doktrina na nagbibigay-inspirasyon para kumilos sila. Ang papel natin ay “maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos”7 upang hindi lamang nila marinig, kundi upang madama nila, at sa gayon ay kanilang magawa. Ang papel natin ay “magturuan at patibayin ang bawat isa”8 upang “[tayo ay] mapabanal.”9 Ang papel natin ay magturo ng “pananampalataya tungo sa pagsisisi.”10

Paano naisasagawa nang mahusay ang uring ito ng pagtuturo? Ang huwarang itinatag sa Simbahan ng Panginoon ay na lubusan tayong makibahagi sa pampublikong pagsamba, pagsamba ng pamilya, at personal na pagsamba. Hayaang ipaliwanag ko nang husto ang bawat bahagi.

Pampublikong Pagsamba

Ang pampublikong pagsamba ay kapag nakatipon tayo bilang mga anak ng Diyos, bilang magkakapatid, bilang komunidad ng mga Banal. Ang mga pulong na ito ay malaki kung minsan, tulad ng stake o kaya ay general conference, o kung minsan ay maliit, gaya ng miting ng isang korum o ng Young Women o Relief Society o isang klase sa seminary o institute. Ang ating pagtitipon sa debosyonal ngayon ay isang uri ng pampublikong pagsamba. Sa bawat pulong, nagdarasal tayo, nagtuturo tayo, nagpapatotoo tayo, at nagpapatibay tayo—lahat sa layuning dagdagan ang ating pagkaunawa sa ating Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Banal na Espiritu. At responsibilidad nating isalin ang patuloy na dagdag na kaalaman at gawing karunungan—upang patuloy na mabawasan ang agwat sa pagitan ng alam natin at ng paraan ng ating pamumuhay.

Ang pagsamba sa templo ay isang uri ng pampublikong pagsamba dahil direktang sangkot dito ang mga ordenansa at tipan na nag-uugnay sa atin sa Diyos. Gaano ang koneksyon ninyo sa templo at sa inyong mga tipan? Palagi ba ninyong gamit ang banal na uring ito ng pampublikong pagsamba upang mapatatag ang inyong kaalaman at inyong karunungan? Tinutulungan ba ninyo ang mga tinuturuan ninyo na maging konektado sa templo? Hinihikayat ba ninyo ang ating mga kabataan na maging marapat sa at magkaroon ng limited-use temple recommend at gamitin ito kapag posible? Ang pakikilahok sa gawain ng kaligtasan sa paghanap ng mga pangalan ng pamilya at pagpunta sa templo para mabinyagan at makumpirma para sa mga ninunong pumanaw na ay pagkakataon para makatanggap ng espirituwal na patnubay.

Ang pinakamahalaga sa ating mga pampublikong pagsamba, sa labas man lang ng templo, ay ang sacrament meeting. Bukod sa mga aktibidad ng pagsamba na bahagi ng karamihan sa mga miting ng Simbahan, ang serbisyong ito ay nakasentro sa living ordinance ng sakramento. Sa pagsisimula at pagtatapos natin sa miting, at lalo na sa paghahandang makibahagi sa banal na sakramento, tayo ay umaawit at nagdarasal. Nakikibahagi ba tayo nang lubusan? Naroon ba ang ating puso’t isipan, o sa ibang bagay ito nakatuon? Naka-off ba ang ating mga smartphone, o nagte-text at nagtu-tweet tayo (o sa matatanda, nag-e-email) sa oras ng ordenansa o sa alinmang bahagi ng pulong? Kapag nagsasalita ang mga speaker, lalo na kung hindi sila magaling magsalita, buong kayabangan ba nating iniisip na, “Narinig ko nang lahat ito”?

Kung ginagawa natin ang alinman sa mga kamaliang ito, ang ginagawa natin ay nakababawas—marahil nakawawala—sa kakayahan ng Espiritu na makipag-ugnayan sa atin. Pagkatapos ay nagtataka tayo kung bakit hindi tayo napatibay ng sacrament service at ng iba pang mga miting sa Simbahan?

Ang pampublikong pagsamba ay napakagandang pagkakataon para tulungan tayong lahat, pati na ang kabataan, sa landas ng conversion o pagbabalik-loob.

Pagsamba ng Pamilya

Ang pampublikong pagsamba ay dapat itaguyod ang pagsamba ng pamilya. Noong 1999, pinayuhan ng Unang Panguluhan ang mga magulang at mga anak na “gawing pinakamataas na priyoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhan na mga gawaing pampamilya. Kahit na karapat-dapat at angkop ang ibang pangangailangan o gawain, ang mga ito ay hindi dapat payagang pumalit sa banal na tungkulin na tanging mga magulang at mga pamilya lamang ang sapat na makagagawa.”11 Siyempre pa, ang mga alituntunin ding ito ay pauli-ulit na itinuro ng maraming lider sa Simbahan sa napakaraming paraan sa loob ng maraming taon.

Nabubuhay tayo sa mundong masyadong abala. Sa paglalakbay sa buong Simbahan, kung minsan ay tinatanong ko nang sarilinan ang mga lokal na lider—at mabubuting mga Banal sa mga Huling Araw ang mga taong ito—nagdaraos ba kayo ng panalangin ng pamilya at family home evening? Inaaral ba ninyo ang ebanghelyo bilang pamilya? Kadalasan, para silang nahihiya at nagpapaliwanag, “Masyado po kaming abala. Ang mga gawain ng aming mga anak sa paaralan at mga extracurricular activity, mga music lesson, mga lakad kasama ang barkada, at mga aktibidad sa Simbahan ang palaging pinagkakaabalahan nila. Kaming mag-asawa ay laging nasa trabaho, Simbahan, at sa iba pang mga gawain. Madalang kaming magsama-sama bilang pamilya.” Ang diwa ng payo ng Unang Panguluhan ay na kung masyado tayong abala sa paggawa ng mabubuting bagay na nawawalan tayo ng oras para mga bagay na kailangan, dapat tayong humanap ng mga solusyon.

Kapag ang mga bata ay pinalaki ng mga magulang na nagbalik-loob na nagpakita ng huwaran ng pagsamba ng pamilya, mas malamang na madama nila ang impluwensya ng Banal na Espiritu habang bata pa sila at sundin ang mabuting halimbawa sa habampanahon. At malalagay sa tamang lugar ang patuturo natin sa Simbahan bilang support system sa pagtuturo na nagaganap sa pamilya.

Bukod sa palagian at epektibong pagsamba sa sarili nating mga pamilya, ang mga teacher ng kabataan ay kailangang hikayatin ang pagsamba sa mga pamilya ng ating mga estudyante sa angkop at maingat na paraan. Ang ilan ay mula sa mga pamilya na kung saan ay ginagawa na ito, at nasa tabi na lang kayo at tahimik na matutuwa. Para sa iba hindi ito nangyayari dahil sa maraming dahilan—mula sa estudyanteng nag-iisang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya (o tanging aktibong miyembro) hanggang sa mga taong bahagi ng pamilyang regular na nagsisimba pero hindi pa nauunawaan ang kahalagahan ng pagsamba ng pamilya. Nang hindi ginagamit ang awtoridad at responsibilidad ng mga lider at magulang, ipakita lang at ituro ang mabubuting huwaran at tulungan ang ating mga kabataan na matuklasan ang mga paraan na maaari silang magsilbing inspirasyon sa kanilang mga pamilya sa pagbuo ng kaugalian ng palagiang pagsamba ng pamilya.

Personal na Pagsamba

Sa huli, ang pagbabalik-loob ay personal na bagay. Ang pampublikong pagsamba ay umaakay sa atin tungo sa pagsamba ng pamilya, na umaakay sa atin sa personal na pagsamba. Kabilang dito ang personal na panalangin, personal na pag-aaral ng ebanghelyo, at personal na pagninilay ukol sa kaugnayan ng tao sa Diyos. “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na … kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?”12

Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang kahalagahan ng pagpipitagan sa sagradong bagay ay ganito kasimple—kung hindi pinahahalagahan ng tao ang mga banal na bagay, mawawala ito sa kanya. Kung hindi magpipitagan, lalo siyang magbabalewala at magpapabaya sa kanyang kilos at pag-uugali. Mapapalayo siya sa kaligtasang maidudulot ng kanyang mga tipan sa Diyos. Ang pakiramdam niya na mananagot siya sa Diyos ay mababawasan at malilimutan pagkatapos. Kasunod nito, ang iisipin niya ay sarili lamang niyang kaginhawahan at kasiyahan ng kanyang di mapigilang pagnanasa. Sa huli, mamumuhi na siya sa mga sagradong bagay, maging sa Diyos, at mamumuhi na siya sa kanyang sarili.”13

Nauunawaan natin na ang pinakamainam na batayan ng espirituwal na tagumpay (na nasusukat sa ordinasyon sa Melchizedek Priesthood, pagtanggap ng endowment, pagmimisyon, pagpapakasal sa templo, at pagkakaroon ng mabuting pamilya) ay dapat maging espirituwal na karanasan mismo ng dalaga o binata sa kanilang kabataan—para madama nila ang impluwensya ng Banal na Espiritu. Hindi lamang ito pagiging aktibo sa Simbahan; ito ay pagiging aktibo sa ebanghelyo!

Ang inyong mithiin sa bawat klase na tinuturuan ninyo, sa bawat talakayan na pinangungunahan ninyo, sa bawat pakikisalamuha ninyo ay para ang Banal na Espiritu ang maging tunay na tagapagturo. Gaya ng itinuro ng Tagapagligtas, “Ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat [ng bagay] sa inyo.” 14. Ang Espiritu Santo ay may kakayahang gawing personal ang mensahe sa bawat tao upang “[maliwanagan] sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan.”15 Kaya, sa pagtuturo natin ng gawain ng kaligtasan at ng itinakdang mga responsibilidad ng Diyos, ginagawa natin ito sa paraang nagpapatibay, nagpapagaan ng damdamin, nagbibigay-inspirasyon, na nagbibigay sa mga tinuturuan natin ng mas malakas na pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Sa inyong magigiting na tagapagturo ng relihiyon, sinasabi naming: Salamat! Salamat! Salamat! Sa ngalan ng pamunuan ng Simbahan, salamat sa inyo! Mamuhay nang marapat, alagaan ang inyong mga pamilya, at maglingkod sa Panginoon—lalo ninyong pangalagaan ang bagong henerasyon. Ang pakikilahok sa gawain ng kaligtasan at sa itinakdang mga responsibilidad ng Diyos, sa ilalim ng patnubay at susi ng mga apostol, ay mag-aangat at hihikayat sa atin.

Ipinahahayag ko ang karingalan ng ating Makalangit na mana at ng kakayahan nating tumanggap ng “buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”16 Pinatototohanan ko ang dakilang Jehova, na isinilang na Jesus, na tinawag na Jesus na Cristo, ang “hinirang.”17 Pinatototohanan ko ang Kanyang walang kapantay na Pagbabayad-sala kaya naging posible na tayo at ang mga tinuturuan natin ay madaig ang mundo—na malampasan ang pinaka-mahihirap na situwasyon sa lupa na may “ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”18 Taglay ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo at ng ipinanumbalik na simbahan, nasa atin ang lahat ng kailangan natin para matulungan tayong makarinig, makadama, at makakilos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.