Mga Taunang Brodkast
Makita ang Isang Tao


17:31

Makita ang Isang Tao

Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast • Hunyo 13, 2017

Nagpapasalamat ako sa pagkakataong maparito ngayon at ibahagi ang aking pagmamahal sa Tagapagligtas, sa inyo, at sa mga kabataan at young adult na pribilehiyo nating paglingkuran.

Naaalala ko ang malakas na patotoong natanggap ko mula sa Espiritu noong una kong mabasa ang pahayag na ito ni Pangulong Boyd K. Packer: “Naniniwala ako na ayon sa inyong pagganap, alinsunod sa hamon at tungkulin ninyo, ang larawan ni Cristo ay nauukit sa inyong mukha. At ang totoo, sa klaseng iyon sa oras na iyon at sa pagtuturo at inspirasyong iyon, kayo ay Siya at Siya ay kayo.”1 Ang ideya na may pribilehiyo akong katawanin ang Tagapagligtas sa aking mga responsibilidad ang nakahihikayat na mithiin at patnubay na katotohanan sa trabaho ko sa S&I.

Itinuro sa atin ni Elder Gong sa pinakahuli nating Gabi Kasama ang Isang General Authority na ang isa sa mga bagay kaya naging perpektong guro ang Tagapagligtas ay ang kakayahan Niyang turuan nang sabay-sabay at isa-isa ang 5,000 tao. Sabi niya, “Ito ay himalang hangad nating mga guro—na turuan ang buong klase at ang bawat tao sa klase. Kailangan dito ang pag-aaruga sa 5,000 at sa isang tao. Hinihikayat nitong lutasin ang mga problema at pangangailangan ng lahat.”2 Naisip na ba ninyo kung paano nagawa iyon ng Tagapagligtas?

Gusto kong ibahagi ang naranasan ko sa pangalawang taon ko ng pagtuturo kung saan tinuruan ako ng Panginoon sa pagtulong sa akin na malaman ang ibig sabihin ng katawanin Siya sa klase. May isang binatilyo, mga 15 anyos, sa isang klase ko. Alam ko na sa unang ilang araw ay wala akong pasensya sa magiliw na personalidad niya at pakiramdam ko’y magiging mahabang semestre iyon ng pagsisikap na gamitin ang isang kaloob na wala sa akin. Ipinagdasal ko na makayanan kong mahalin siya at ang lahat ng estudyante ko.

Sa ikalawang linggo ng klase, nang tumayo ang binatilyong ito para magbigay ng debosyonal at ng kaunting impormasyon tungkol sa kanyang buhay, nabigyan ako ng kaloob na makita ang nakikita sa kanya ng Panginoon at nag-ibayo kaagad ang pagmamahal ko sa kanya. Ikinuwento niya na kasalukuyang inaasikaso ang pagdidiborsyo ng kanyang mga magulang at hindi lang tumalikod ang kanyang ina sa Simbahan, kundi kinakalaban pa niya ito. Nakita ko sa kanyang mukha ang sakit at pagkalitong nadarama niya noon habang nagkukuwento siya. Talagang hindi ko matandaan ang spiritual thought na ibinahagi niya, ngunit naaalala ko ang itinuro sa akin ng Espiritu Santo. Naisip ko, “Mag-alis ka ng sapatos dahil bibigyan kita ng kaloob na makapasok sa isang puso. Tiwala Ako na magiging tapat kang babae na iimpluwensya sa buhay ng binatilyong ito, at kailangan mo siyang mahalin na tulad Ko.” Mula sa sandaling iyon mismo ay nagbago ako. Nagbago ang puso ko. Nakita ko siya—talagang nakita ko siya—bilang anak ng Diyos, na may banal na potensyal, may mga espirituwal na kaloob at maraming maiaambag sa klase namin. Hindi gaanong nagbago ang kanyang pag-uugali noong semestreng iyon, ngunit nagbago na ako. At sa pagbabagong iyon sabay kaming nagkaroon ng ilang magagandang karanasan. Pasasalamatan ko magpakailanman ang binatilyong ito at ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Panginoon na magbago ang puso at pananaw.

Patuloy akong namamangha sa kakayahan ng ating Ama sa Langit na hindi lamang malaman kundi matugunan din ang mga pangangailangan ng bawat tao. Alam ko na nakikita, nauunawaan, at kilalang-kilala Niya ako. At bukod pa riyan, lubos Niya akong mahal. Alam ko ring nakikita Niya na mayroon akong banal na potensyal, at alam Niya na sa tulong Niya, magiging katulad Niya ako. Alam ko na iyon din ang paniwala Niya tungkol sa bawat isa sa inyo at sa bawat kabataang lalaki at babae na pumapasok sa ating pintuan. Nakikita Niya sila nang lubusan at nais Niyang iligtas ang bawat isa sa kanila. Higit pa sa anyo at pag-uugali nila ang Kanyang nakikita at pinipili Niyang magtuon sa kanilang mga banal na katangian at kalakasan. At bilang mga guro, inaasahan Niya tayong gawin din iyon.

Sa taong ito pasisimulan namin ang isang bagong priyoridad na pinamagatang “Makita ang Isang Tao.” Ang tuon ng priyoridad na ito ay magkaroon ang bawat isa sa atin ng kakayahang tulad ng kay Cristo para makita ang mga pangangailangan, kalakasan, at banal na potensyal ng bawat estudyante. Umaasa kami na bawat isa sa atin ay magkakaroon o magpapalalim ng kakayahang tulad ng kay Cristo para makita ang higit pa sa mga bansag at panlabas na anyo at makita na bawat estudyante ay kakaiba at may banal na potensyal at pakitunguhan siya sa maayos na paraan.

Bawat estudyante ay pumapasok sa ating mga klase na may kani-kanyang mga sitwasyon, pangangailangan, at hamon na nakakaapekto sa kanilang karanasan na matuto. Mahalagang alalahanin na ang seminary o institute ay isang bahagi lamang ng buhay ng bawat estudyante—isang mahalagang bahagi, ngunit isang bahagi lamang. Ang pag-aaral ng mga estilo, pagkakaiba ng mga kultura, kapansanan, adiksyon, at kawalan at dalamhati ay ilan lamang sa mga bagay na makakaapekto sa karanasan ng isang estudyante na matuto. Ang mga sitwasyon at bansag ay hindi naglilimita sa ating mga estudyante kundi nagbibigay sa atin ng pagkakataong makita at mahalin sila na tulad ng Tagapagligtas. Sagradong pribilehiyo at responsibilidad natin na gumawa ng iba pa para matulungan ang may mabibigat na pasanin at dumarating sa klase na desperadong naghahanap ng pag-asang ibinibigay ng Tagapagligtas ng buong sangkatauhan.

Sa pagninilay sa sagradong responsibilidad na makita ang isang nawawala, marami akong natutuhan mula sa mga turo ni Apostol Pablo sa I Mga Taga Corinto 12. Gusto kong ibahagi ang tatlong aral na natutuhan ko sa pag-aaral ng kabanatang ito.

Lesson 1: Sinimulan ni Pablo ang kanyang mga turo tungkol sa katawan ni Cristo at sa halaga ng bawat miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol sa mga espirituwal na kaloob. Nang pag-aralan ko ang mga talata 1–11, hindi ko maiwasang isipin kung ang isa sa mga susi para makita ang mga tao na tulad ng pagkakita ng Tagapagligtas ay kilalanin muna na mayroon silang mga kaloob at kalakasan na kailangang makita at magamit. Kapag nakita natin ang mga estudyante sa ganitong paraan, makikilala at magagamit natin ang kanilang mga kalakasan sa halip na magtuon tayo sa mga kapintasan o di-kanais-nais na mga pag-uugali. Kung minsan hindi talaga mababanaag sa pag-uugali ng isang estudyante ang kanyang kahalagahan. Ang isang simpleng kasanayang malilinang ng isang guro ay tumigil bago tumugon kaagad sa komentaryo o asal ng isang estudyante at saka mag-isip ng dalawa o tatlong posibleng dahilan “kung bakit” sasagot o aakto nang gayon ang estudyante. Makakatulong ito sa isang guro na maiwasang magpadalus-dalos ng pagkilos at mas makita ang espirituwal na mga kaloob ng estudyante.

Sa pagsisikap na alalahanin ang banal na potensyal ng bawat estudyante, kailangan din nating malaman ang mga sitwasyon o kapansanang maaaring makahadlang sa hangarin o kakayahan nilang matuto. Kailangan dito na mas maingat tayong magplano ng mga karanasan sa pagkatuto na nag-aanyaya at nagbibigay-inspirasyon sa mga tao na gumamit ng kalayaang gamitin ang kanilang mga espirituwal na kaloob sa proseso ng pagkatuto. Hindi madali ang prosesong ito, ngunit kapag humingi tayo ng tulong sa Panginoon, ipapaalam Niya kung paano natin matutulungan ang Kanyang mga anak.

Ang isang karanasan ko kung saan nalaman ko ang halaga ng pagkilala sa mga espirituwal na kaloob ng mga estudyante ko ay sa pamamagitan ng isa sa mga estudyante ko na hindi sabik magbasa sa loob o labas ng klase. May malaking talento siya sa musika, at nang ipagdasal ko kung paano siya matutulungan, sumagot ang Panginoon sa isang bagay na hindi ko pa nasubukan dati. Binigyan ko siya ng iskedyul ng mga lesson at pinaghanap ng kakantahin sa klase para sa bawat lesson na makakatulong sa pagtuturo ng isa sa mga katotohanan sa scripture block na iyon. Kinailangan siyang magbasa sa labas ng klase upang matukoy ang mga katotohanang ito para makakita siya ng kakantahin. Dahil dito, nagkaroon din siya ng pagkakataong magpatotoo sa klase tungkol sa natutuhan niya mula sa kanyang paghahanda. Sa loob lang ng ilang linggo, minasdan kong lumago ang pagmamahal ng estudyanteng ito sa Tagapagligtas at gumanda ang pakikilahok niya sa klase. Full-time missionary siya ngayon at hindi lang nagbabasa kundi nagtuturo pa ng mga banal na kasulatan at nagbabahagi ng kanyang kaloob na patotoo sa pamamagitan ng musika.

Lesson 2: Binigyang-diin ni Pablo na bawat bahagi ng katawan ay may halaga. Sa mga talata 14–18 itinuro Niya sa atin:

“Sapagka’t ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.

“Kung sasabihin ng paa, Sapagka’t hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito’y hindi sa katawan.

“At kung sasabihin ng tainga, Sapagka’t hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; kaya nga dahil dito’y hindi sa katawan.

“Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy?

“Datapuwa’t ngayo’y inilagay ng Dios ang bawa’t isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.”

Gustung-gusto ko ang paglalarawan sa mga bahagi ng katawan na gumaganap ng magkakaiba ngunit mahahalagang papel. Hindi mapapalitan ng kamay ang paa. Hindi mapapalitan ng tainga ang mata. Bawat isa ay may natatangi at mahalagang papel, at bawat isa ay nag-aambag sa ibang paraan. Bawat isa ay mahalaga para gumana nang lubusan ang katawan.

Gumamit si Elder Holland ng ibang analohiya upang ituro ang katotohanan ding ito: “Banal na plano ng langit na hindi lahat ng boses sa koro ng Diyos ay magkakapareho. [Kailangan ng] pagkakaiba-iba—mga soprano at mga alto, mga baritone at mga bass—upang makagawa ng magandang musika. … Kapag hinahamak natin ang ating pagiging kakaiba o sinusubukang umayon sa mga gawa-gawang pagkategorya sa mga tao o bagay … nawawala sa atin ang kagandahan ng tono at timbreng nilayon ng Diyos noong nilikha Niya ang isang mundo na may pagkakaiba-iba.”3

Para epektibong matulungan ang bawat estudyante na “magbalik-loob … habang kasama natin sila,”4 kailangan tayong maniwala na bawat estudyante ay may halaga at kumikilos nang angkop. Dahil sa mga katotohanang ito, gusto kong itanong ninyo sa inyong sarili ang dalawang bagay na ito: Una, “Naniniwala ba ako talaga na lahat ng estudyante ko ay may halaga at maaaring makapag-ambag?” Pangalawa, “Nababanaag ba sa mga kilos ko ang paniniwalang iyan?”

Dalangin ko na tulungan tayo ng Panginoon na mas magabayan tayo ng paniniwalang ito.

Lesson 3: Itinuro ni Pablo na dapat nating ipakita ang gayon ding malasakit sa bawat miyembro. Sabi niya, “Huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa’t isa.”5

Nahikayat akong mabuti ng talatang ito na pag-isipang mabuti ang kilos ko: Binibigyan ko ba ng “magkasing-isang pagiingat” ang bawat estudyante? Mas nakatuon ba ako sa mga estudyante na mukhang malinaw na nakapag-aambag? Mas madali ba para sa akin na mahalin ang mga nagtataas ng kamay at palaging dala ang kanilang banal na kasulatan at handang magpatotoo at magbigay ng mga makabuluhang komentaryo? Mas madali ba para sa akin na mahalin at pansinin ang mga nagmamahal sa akin, ang nagmamahal sa klase, ang dumarating sa oras at lumiliban lamang dahil malubha ang karamdaman? Napapansin ba ng iba pang mga estudyante kapag hindi ako nagbibigay ng “magkasing-isang pagiingat” sa bawat estudyante? At paano iyan nakakaapekto sa kapaligirang may pagmamahalan, paggalang, at layunin sa aking klase? Mas malamang na makita at pakitunguhan ng mga estudyante ang isa’t isa na tulad ng pakikitungo ng Tagapagligtas kapag bawat isa sa atin ay naging halimbawa niyan sa kanila.

Habang sinisikap nating katawanin ang Tagapagligtas sa ating pagtuturo at magkaroon ng kakayahang makita ang Kanyang nakikita, kailangan nating tandaan na (1) lahat ay may espirituwal na kaloob na mag-ambag, (2) bawat miyembro ay mahalaga, at (3) kailangan nating ipakita ang “magkasing-isang pag-iingat” para sa bawat miyembro.

Gusto kong magbahagi ng isa pang aral na natutuhan ko habang pinagninilayan ko ang pangangailangan para sa mga priyoridad na ito. Sa ating panahon ang kaaway, “na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya.”6 Dahil ninanakaw niya ang personal na identidad ng mga tao, hangad pa rin niyang nakawan sila ng banal na identidad at kaugnayan sa langit. Kailangan tayong magkaroon ng kakayahang makita ang nakikita ng Tagapagligtas para maipaunawa natin sa iba ang kanilang banal na potensyal at maging tapat sila sa Panginoon sa isang nakalilitong daigdig na tinatawag na “mabuti [ang] masama, at [na] masama [ang] mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim.”7

Isa sa kahanga-hangang mga idolo ko sa banal na kasulatan na nagpapakita ng napakagandang halimbawa ng kakayahang ito si Abigail. Siya ay inilarawan sa Lumang Tipan bilang isang “babae [na] matalino, at may magandang pagmumukha.”8 Kasal siya kay Nabal, isang lalaking “masama sa kaniyang mga gawa.”9 Matapos insultuhin at tanggihan ni Nabal na tulungan si David, tinipon ni David ang kanyang mga tauhan para patayin si Nabal at ang kanyang sambahayan. Nang sabihan ng mga bataan ni Nabal si Abigail na may nakaambang panganib, agad siyang nagtipon ng mga suplay at nakipagkita kay David.

Nang magkita sila ni David, yumukod si Abigail sa harapan nito at, tulad ni Cristo, inako niya ang isang kasalanang hindi niya ginawa at hiningi ang kapatawaran nito.10 Ano ang nakita ni Abigail kay Nabal na naghikayat sa kanya na maging kanyang tagapamagitan?

Ano ang nakikita niya kay David para sabihin niyang, “Isinasamo ko sa iyo na iyong ipatawad ang pagkasalangsang ng iyong lingkod: sapagka’t tunay na gagawin ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sangbahayan na tiwasay, sapagka’t ibinabaka ng aking panginoon ang mga pagbabaka ng Panginoon, at ang kasamaan ay hindi masusumpungan sa iyo sa lahat ng iyong mga araw”?11

Bakit niya pinili, sa gayon kapeligrosong sandali, na ipaalala kay David kung sino siya at ang mga pangakong nagawa ng Panginoon? Ano ang naging epekto ng kanyang pagsampalataya?

Gustung-gusto ko ang sagot ni David sa kanya nang sabihin nitong:

“Purihin nawa ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako:

“At purihin nawa ang iyong kabaitan, at pagpalain ka, na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti ng aking sariling kamay.”12

Naniniwala ako sa sandaling iyon, na nagpapagunita sa pangako ni Pangulong Packer, si Abigail ay “larawan ni Cristo … na nakaukit sa [kanyang mukha]. At ang totoo, sa klaseng iyon sa oras na iyon at sa pahayag at inspirasyong iyon, siya si Cristo at si Cristo ay siya].”13

Pinatototohanan ko na may pagkakataon din tayong makita sa iba ang nakikita Niya sa kanila at tulungan silang makita ang kabanalan ng kanilang kalooban.

Hindi kayang ipahayag sa salita ang pagmamahal at pasasalamat na nadarama ko para sa mga taong naging halimbawa ng katangiang ito ni Cristo sa buhay ko. Una sa lahat, palagi akong nakikita ng anghel kong ina bilang isang taong may banal na potensyal at mga espirituwal na kaloob. Ang tingin niya sa akin palagi ay tagapag-ambag—kahit kapag hindi ako nakapag-ambag—at walang-pagod niya akong tinulungang maabot ang potensyal na iyon. Nagkaroon ako ng mga lider ng priesthood na naghatid ng pag-asa sa buhay ko sa pagpaparating ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin at pagpapaalala sa akin ng kahalagahan ko. Ang sarili kong mga guro sa seminary at institute—marami sa nanonood dito ngayon—ay may nakita sa akin na hindi ko makita sa sarili ko. Ang propesyon ko ay lubos na napagyaman ng kalalakihan at kababaihang nagpasigla at nag-akay sa akin sa Tagapagligtas dahil sa kanilang mga halimbawa ng pagtingin sa tao.

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa mga paraan na ginagamit ng Panginoon upang patuloy na ipakita sa akin na ang tingin Niya sa akin ay may kahalagahan at mahalaga ako. Biniyayaan Niya ako ng mga kaloob at binigyan ng mga pagkakataong gamitin ang mga kaloob na iyon para tulungan ang iba na maging katulad Niya. At alam ko na ginagawa rin Niya iyan para sa bawat isa sa inyo at sa bawat isa sa ating mga estudyante.

Sa nakaraang ilang buwan, nagkaroon ako ng magandang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na nakatuon sa kung paano nakikita ng Tagapagligtas ang isang tao at tinuturuan ayon sa pananaw na iyon. Nagbago ako nang matuto ako mula sa Kanya mismo. Hinihikayat ko kayong samantalahin ang pagkakataong iyon. Siya ang perpektong halimbawa. Napakaraming halimbawa kung paano Niya ipinlano ang mga karanasan at lesson para matugunan ang mga pangangailangan ng bawat tao at mas matulungan ang mga tinuruan Niya na maunawaan ang kanilang banal na potensyal.

Mahal kong mga kaibigan, dalangin ko na patuloy na pag-ibayuhin ng ating Ama sa Langit ang ating kani-kanyang kakayahang makita ang Kanyang nakikita, magmahal na tulad Niya, at kumilos nang tulad Niya. Dalangin ko na hangarin natin ang kaloob na ito at humanap tayo ng mga paraan para makamtan o mapalalim ito. Dalangin ko na patuloy tayong magsikap na makita ang larawan ng Tagapagligtas sa ating mukha sa pagharap natin sa ating mga estudyante sa bawat araw. Alam ko na matatamo natin ang kaloob na ito kapag humingi tayo ng tulong sa Kanya. Pinatototohanan ko ito, sa pangalan ni Jesucristo, amen.