Mga Taunang Brodkast
Puspos ng Kagalakan


16:11

Puspos ng Kagalakan

Taunang Training Broadcast ng Seminaries and Institutes of Religion • Hunyo 13, 2017

Dalawang taon na ang nakararaan tinuruan tayo ng ating Commissioner na si Elder Kim B. Clark mula sa 3 Nephi tungkol sa mga anghel at mga batang napalibutan ng apoy. Itinuro niya sa atin na bilang mga tagapagturo ng relihiyon, tayo man ay dapat mapalibutan ng banal na apoy na iyon.1 May isa pang salaysay, tulad ng alam ninyo, sa Aklat ni Mormon tungkol sa mga tao na napaligiran ng mga maluwalhating apoy. Nabilanggo sina Lehi at Nephi, at sabi sa salaysay:

“Sa wari sila ay nasa gitna ng nagniningas na apoy. …

“At masdan, ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nanaog mula sa langit, … at sila ay napuspos na sa wari’y apoy.”2

Sabi pa sa salaysay, “At sila ay napuspos ng yaong hindi maipaliwanag na kagalakan at puspos ng kaluwalhatian.”3

Ang mensahe ko ngayon ay ito: Bilang mga tagapagturo ng relihiyon, hindi lamang tayo dapat mapalibutan ng apoy; dapat din tayong mapuspos ng kagalakan. Ang mga estudyante ay dapat matuto sa ating mga silid-aralan tungkol sa “plano ng kaligayahan,” ngunit dapat din nilang makita sa atin ang katibayan na epektibo ang plano—na ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay naghahatid ng kagalakan. Sa panaginip tungkol sa punungkahoy ng buhay, inanyayahan ni Lehi ang kanyang pamilya na lumapit at kumain ng bunga na “kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao.”4 Ang kanyang paanyaya ay makapangyarihan at may kredibilidad dahil nagkuwento siya mula sa karanasan. Kumain siya at nadama niya mismo ang kagalakang iyon.

Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Napakahalagang maging masaya sa gawaing ito. Marami tayong mapapanglaw na tao sa Simbahan dahil hindi nila maunawaan, palagay ko, na ito ang ebanghelyo ng kaligayahan.”5 Madarama natin ang kaligayahang binanggit ni Pangulong Hinckley kapag tinanggap natin ang Espiritu sa ating buhay at, tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan, namuhay tayo “nang maligaya.”6

Nais kong isipin ninyo ang ilang alituntuning nakatulong sa akin, bilang tagapagturo ng relihiyon, na mamuhay “nang maligaya.” Hindi sila malalim o bagong mga ideya, at binanggit ko ito sa pag-asang matulungan ang isang tao na mamuhay at magturo nang may higit na kagalakan. Nagsasalita ako hindi lamang sa mga naghahanapbuhay bilang tagapagturo ng relihiyon kundi sa mga taong, sa loob ng ilang panahon, ay namumuhay bilang “tinawag” na tagapagturo ng relihiyon sa mga seminary at institute.

Maraming taon na ang nakalipas nabasa ko ang isang sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball na bumagabag sa aking kalooban. Sabi niya, “Huwag tayong manangan sa kaligayahan ngayon; sapagkat dapat ninyong malaman, kung hindi kayo maligaya ngayon, hindi kayo liligaya kailanman.”7

Hindi yata tama iyon, naisip ko. Paano na ang pagsisisi? Kung hindi ako maligaya ngayon, wala ba akong magagawa para baguhin iyan? Pinag-isipan ko pa ito, at naniniwala ako na ang layon ng mensahe ni Pangulong Kimball ay ito: Kung hindi ka maligaya at naniniwala ka na liligaya ka kung naiba ang sitwasyon mo, hindi ka maaaring lumigaya kailanman dahil ang kaligayahan ay walang kinalaman sa iyong sitwasyon. Ganito ang pagkasabi rito ng isang awtor:

“Mahilig tayong maniwala na kung nasa ibang lugar tayo—sa bakasyon, sa piling ng iba, sa ibang propesyon, ibang bahay, ibang sitwasyon—kahit paano’y magiging mas maligaya at mas kuntento tayo. Hindi totoo iyan!

“Ang totoo ay, kung ugali mong mag-isip ng masama … o kung palagi mong iniisip na naiba sana ang mga bagay-bagay, susundan ka ng mga pag-uugaling ito, saan ka man magpunta.”8

Naniwala sina Laman at Lemuel na ang kanilang kaligayahan ay may kinalaman sa mga sitwasyon—lalo na sa mga sitwasyon na palaging magbibigay sa kanila ng kapanatagan. Patungkol sa kanilang paglalakbay sa ilang, sabi nila:

“[Ang ating mga asawa] ay nagsilang ng mga anak sa ilang at nagdanas ng lahat ng hirap, maliban sa kamatayan; at mabuti pang sila ay nangamatay bago sila lumisan sa Jerusalem kaysa nagdanas ng mga kahirapang ito.

“Masdan, sa maraming taong ito, tayo ay nagdusa sa ilang, sa panahong maaari sana nating natamasa ang ating mga ari-arian at ang lupaing ating mana; oo, at tayo sana ay naging maligaya.”9

Nalaman ko na ang kaligayahan ko ay walang kinalaman sa kung saan ako nakatira, ano ang tungkulin ko, sino ang katrabaho ko, ang mga estudyante ko, o mga oportunidad na hindi pa dumarating. Hindi ko sinasabi na sa pagkakaroon ng “magandang pag-uugali” ay mawawala ang mga hamon at mapupuspos ng liwanag ang inyong buhay. Ang mga sitwasyon natin kung minsan ay makabagbag-damdamin at halos hindi natin makayanan. Ngunit pinatototohanan ko na kahit sa mga sitwasyong iyon, maaaring magkaroon ng inspirasyon ng langit at pananaw na maaaring magpasaya sa buhay.

Sabi sa isang talata sa aklat ni Alma, “Ito ang ulat ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, ang kanilang mga paglalakbay sa lupain ng Nephi, ang kanilang mga pagdurusa sa lupain, ang kanilang mga kalungkutan, at kanilang mga paghihirap, at kanilang hindi maunawaang kagalakan.10 Ang kalungkutan at kagalakan ay hindi parehong eksklusibo. Bilang tinawag na guro, pangarap ninyo siguro na maiba ang calling ninyo. Bilang empleyadong guro, pangarap siguro ninyo na maiba ang assignment ninyo. Okey lang na mangarap, ngunit tandaan sana ninyo na ang inyong kaligayahan ay walang kinalaman sa katuparan ng inyong pangarap. Ang kaligayahan ay isang paraan ng paglalakbay, hindi isang destinasyon. Kung mamumuhay kayo na iniisip na isa itong destinasyon, baka hindi kayo lumigaya kailanman.

Paano lumiligaya ang isang tao, anuman ang kanyang sitwasyon? Hindi ko alam ang lahat ng sagot, ngunit ito ang mahalaga: Malaki ang kinalaman ng pasasalamat sa pamumuhay “nang maligaya.” Sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Iminumungkahi ko na sa halip na magpasalamat para sa lahat ng bagay, magtuon tayo sa pagpapasalamat sa ating mga kalagayan—anuman ang mga ito. …

“Ang ganitong pasasalamat ay iiral anuman ang mangyari sa paligid natin. … Namumukadkad ito sa mayelong lupa sa taglamig na kasing-ganda ng pamumukadkad nito sa tag-init. …

“Ang pagpapasalamat sa ating mga kalagayan ay pagpapakita ng pananampalataya sa Diyos. …

“Ang taos-pusong pasasalamat ay pagpapakita ng pag-asa at patotoo.”11

Magbibigay ako ng isa pang alituntuning nakatulong sa akin na mamuhay at magturo nang may higit na kagalakan. Nang ilang taon na ako sa trabaho, ipinasiya kong lisanin ang mga seminary at institute. Ipinasiya ko iyon dahil ipinalagay ko na hindi ako kasinghusay ng mga gurong nakita ko sa paligid ko. Nakakita ako ng mga gurong masaya, matalino, nakakatawa, at tiwala sa sarili—at hindi ako ganyan. Sa huli, hindi ko nilisan ang mga seminary at institute, ngunit patuloy na nagtalo ang aking kalooban nang isipin ko kung epektibo ang personalidad ko para turuan at tulungan ang mga kabataan.

Tungkol sa ating kakaibang mga personalidad, ganito ang sinabi ni Sister Patricia Holland, maybahay ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Kailangan tayo ng ating Ama sa langit bilang tayo, habang nagsisikap tayong marating ang ating potensyal. Sadyang ginawa Niya tayong magkakaiba para sa kabila ng ating mga pagkukulang ay maisagawa natin ang kanyang mga layunin. Labis ang kalungkutan ko kapag nadarama ko na kailangan kong umakma sa ginagawa ng iba, o sa iniisip kong inaasahan sa akin ng iba. Napakasaya ko kapag panatag ako sa pagiging ako at sinisikap kong gawin ang inaasahan ko at ng aking Ama sa Langit sa akin.

“Maraming taon kong sinikap na ikumpara ang madalas ay tahimik at mapag-isip na si Pat Holland sa malusog, masaya, madaldal, at masiglang si Jeff Holland at sa ibang may gayon ding mga katangian. Nalaman ko sa ilang nakakapagod na mga kabiguan na hindi ka magagalak sa pagiging masaya kung hindi ka masayang tao. Magkakaiba ang mga katagang iyon. Hindi ko na itinuring ang sarili ko na isang taong may kapintasan. … Dahil dito, naging malaya akong tanggapin ang sarili kong ugali at personalidad at magalak dito. …

“Kahit saan, kahit paano, ‘ipinaunawa sa akin’ ng Panginoon na ang personalidad ko ay nilikha upang umakma sa misyon at mga talentong ibinigay niya sa akin. … Nalaman ko na sagana ang mapagkukunan ko ng lakas para magpakatotoo sa sarili ko. Ngunit nang gayahin ko ang kapwa ko, para akong nabalian ng buto at pagod na pagod at sumasalungat palagi sa agos. Kapag hinadlangan natin ang plano ng Diyos para sa atin, ipinagkakait natin sa mundong ito at sa kaharian ng Diyos ang ating kakaibang mga kontribusyon.”12

Sa pagpapakatotoo, magbibigay ako ng dalawang babala. Una, hindi ko ipinahihiwatig na may ugali tayo na magsabi na, “Ganito na talaga ako.” Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagbabago.”13 Dapat kong sabik na hingan ng feedback ang mga lider ko kung paano ko mababago at mas maiaayon ang aking personalidad at mga pagsisikap sa pagkakamit ng aming mga mithiin. Ang mas mahalaga, may utos na ibinigay mismo ni Cristo na kailangan akong maging katulad Niya. Ngunit ayaw kong maging katulad ng gurong iyon sa pasilyo. Ang aking personalidad, na pinag-ibayo ng mga kaloob ng Espiritu, ay makakagawa ng kakaibang kontribusyon sa gawain ng mga seminary at institute.

Ang pangalawang babala: Nang una akong magpunta sa Central office para tanggapin ang isang bagong tungkulin, inanyayahan ako ng administrador noong panahong iyon na si Elder Paul V. Johnson sa kanyang opisina para sa ilang tagubilin at payo. Bukod pa sa ibang bagay, sinabi niya, “Huwag mong limitahan ang sarili mo.” Ang pagkaunawa ko rito ay na kung sakaling ako ang magsabi sa Panginoon kung paano Niya ako higit na magagamit sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain, baka malimitahan ko ang mga pagkakataon kong lumago at maglingkod.

Sa kasamaang-palad, nabitag ako ng mismong bagay na ibinabala niya sa akin. Sinikap kong gawin ang lahat sa tungkuling administratibo na ibinigay niya sa akin, ngunit lihim akong bumulung-bulong. “Hindi ako administrador,” sabi ko sa sarili ko. “Guro lang ako. Dapat ay nasa klase ako, hindi nakaupo sa mga pulong.” Naging matagal at masakit ang prosesong ito bago ko nalaman na ang hangarin kong magturo ay panakip-butas lang sa hangarin kong matupad ang sarili kong mga pangangailangan. Ang pag-uukol ng oras mo sa mga estudyante at banal na kasulatan ay malaki ang pakinabang. Ang pag-uukol ng araw mo sa mga pulong sa pagtalakay sa mga patakaran, hindi gaano. Ngunit hindi iyan ang mahalaga. Ginagawa ko ba ang gawaing ito para sa sarili kong kapakinabangan at kaganapan, o ginagawa ko ito na may matang nakatuon sa kaluwalhatian at mga layunin ng Diyos?

Sana’y maging mas matalino kayo kaysa sa akin at hindi ninyo limitahan ang inyong sarili at kung paano kayo dapat gamitin. May iisang kaligayahang nagmumula sa pagsunod sa kalooban ng Ama, tulad ng paulit-ulit na itinuro at ipinakita ng Tagapagligtas.

Inaakay ako ng pagsunod tungo sa isa pang mungkahi na makakatulong sa atin na mamuhay “nang maligaya” bilang mga tagapagturo ng relihiyon. Tiwala ako na gusto talaga ng karamihan sa atin na sundin ang kalooban ng ating Ama sa Langit. Nagiging mas mahirap kapag hinilingan tayong sumunod sa mga mortal dito sa lupa na ginagamit ng Panginoon para pamahalaan ang Kanyang gawain, sa ward man ito, sa stake, o sa mga seminary at institute. May nakilala ako sa aking propesyon na mahuhusay na guro na sumama ang loob sa ginawa ng isang lider o sa isang patakaran na ayaw nila. Totoo man o nasa isip lang ang mga kaapihang naranasan nila, binantayan at inalagaan ng mga gurong ito ang mga pasakit nila—kahit hindi sila masaya. Kadalasa’y nauwi sa kapaitan ang kanilang pasakit, na humantong sa pakikipagtalo sa iba, lalo na sa mga taong namamahala sa kanila.

Minsa’y isinulat ni Elder Neal A. Maxwell: “Ang buhay sa Simbahan [at idaragdag ko, buhay sa mga seminary at institute] ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng iba’t ibang lider na hindi lahat ay laging matalino, husto ang kaisipan, at sanay. Sa katunayan, ang ilan sa atin ay walang silbi at padalus-dalos na tulad ng isang sakong puno ng mga lumang hawakan ng pinto. Ang ilang pagpapakintab na dinaranas natin ay bunga talaga ng pagkiskis o pakikipagtalo natin sa isa’t isa. Napakahalagang magtiis at magpayabong ng pagmamahal sa gayong mga sitwasyon!”14

Hindi ko sapat na mabigyang-diin kung gaano kahalagang “magtiis at magpayabong ng pagmamahal” ang isang tagapagturo ng relihiyon. Mahalaga ang mga ito sa paghahanap ng kaligayahan at pagtuturo na taglay ang Espiritu.

Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang isang taong nagsasabi na susuportahan niya ang Pangulo ng Simbahan o ang mga General Authority ngunit hindi masuportahan ang sarili niyang bishop ay niloloko ang kanyang sarili. Ang taong hindi susuportahan ang bishop ng kanyang ward at pangulo ng kanyang stake ay hindi susuportahan ang Pangulo ng Simbahan.”15

Walang panahon para magkomento ka pa, ngunit may isang alituntunin sa pahayag na iyon na naniniwala ako na angkop sa mga tagapagturo ng relihiyon at sa relasyon nila sa mga taong itinalagang mamuno sa kanila. Kung may sinuman sa inyo na may hinanakit sa administrasyon, sa isang partikular na lider o patakaran, o dahil nakaligtaan kayo o masyadong pinansin, nakikiusap ako na hayaan na ninyo iyon, para sa sarili ninyong kapakanan. Hindi liligaya kailanman ang taong hindi magpapatawad, na nagkakalat na hindi sila nasisiyahan sa iba, o naghihikayat ng pagtatalo.

Ngayon, ang huli kong mungkahi. Ilang oras lang bago namatay ang Tagapagligtas, hinugasan Niya ang mga paa ng mga Apostol at pagkatapos ay sinabi:

“Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa. …

“Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.”16

Karamihan sa kaligayahang maaari nating maranasan sa buhay ay darating kapag kinalimutan natin ang ating sarili at inisip at pinaglingkuran natin ang iba. Para sa mga tagapagturo ng relihiyon may malaking kaligayahang madarama kapag itinuon natin ang ating mga isipan, hangarin, at pagsisikap sa pagpapala sa ating mga estudyante. Sa pagsasalita sa mga tagapagturo ng relihiyon, sinabing minsan ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang “paglago at pag-unlad” ng ating mga kabataan ang dapat nating maging “dakila at kagila-gilalas na hangarin.”17 Kung sakaling mapalayo ang tuon natin sa ating mga estudyante at nagtuon tayo sa sarili nating mga pangangailangan, kaginhawahan, katuparan, o pagkilala sa atin, malaki ang mawawala sa ating kapangyarihang magturo nang epektibo, bukod pa sa pagkawala ng marami sa ating sariling kaligayahan.

Isinulat ni Harry Emerson Fosdick, isang Protestanteng pastor ng huling siglo: “Pasan ng ilang Kristiyano ang kanilang relihiyon sa kanilang likod. Isang pakete iyon ng mga paniniwala at kaugalian na kailangan nilang pasanin. Kung minsa’y bumibigat ito at handa silang ibaba nito, ngunit paglabag iyan sa mga lumang tradisyon, kaya pinapasan nila itong muli. Ngunit hindi pinapasan ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang relihiyon, ang kanilang relihiyon ang nagpapasan sa kanila. Hindi iyon mabigat; may pakpak iyon. Pinasisigla sila nito, tinutulungan sila nitong tiisin ang mahihirap na pagsubok, ginagawa nitong kasiya-siya ang sansinukob, may layunin ang buhay, may tunay na pag-asa, makabuluhan ang sakripisyo. Pinalalaya sila nito mula sa takot, kawalang-saysay, kabiguan, at kasalanan—ang malalaking bagay na umaalipin sa kaluluwa ng mga tao. Makikilala ninyo ang tunay na Kristiyano, kapag nakita ninyo siya, dahil masaya siya.”18

Umaasa at idinadalangin ko para sa bawat isa sa inyo na ang ebanghelyo, sa katunayan, ay may mga pakpak at hindi mabigat, na kayo ay napalilibutan ng apoy at puspos ng kagalakan, at na ang sarili ninyong kaligayahan ay mag-aanyaya sa iba na hanapin at sundan ang pinagmumulan ng inyong kaligayahan, ang Panginoong Jesucristo. Pinatototohanan ko na Siya ang pinakamaligayang taong nabuhay sa mundong ito at inaanyayahan Niya tayong sundan Siya sa pamumuhay “nang maligaya.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Kim B. Clark, “Napalibutan ng Apoy” (Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast, Ago. 4, 2015), lds.org.

  2. Helaman 5:44–45.

  3. Helaman 5:44.

  4. 1 Nephi 8:10.

  5. Gordon B. Hinckley, Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 256.

  6. 2 Nephi 5:27.

  7. Spencer W. Kimball, The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 173.

  8. Richard Carlson, Don’t Sweat the Small Stuff … and It’s All Small Stuff (1997), 133.

  9. 1 Nephi 17:20-21.

  10. Alma 28:8; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Dieter F. Uchtdorf, “Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 75–76.

  12. Patricia T. Holland, “Portraits of Eve: God’s Promises of Personal Identity,” sa LDS Women’s Treasury: Insights and Inspirations for Today’s Woman (1997), 97–98.

  13. Russell M. Nelson, “Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 108.

  14. Neal A. Maxwell, If Thou Endure It Well (1996), 99.

  15. Boyd K. Packer, Follow the Brethren, Brigham Young University Speeches of the Year (Mar. 23, 1965), 4–5; gayundin sa Liahona, Set. 1979, lds.org.

  16. Juan 13:14, 17.

  17. Spencer W. Kimball, Men of Example (mensahe sa Church Educational System religious educators, Set. 12, 1975; booklet), 7; gayundin sa Teaching Seminary: Preservice Readings (Church Educational System manual, 2004), 26.

  18. Harry Emerson Fosdick, Twelve Tests of Character (1923), 87–88; binanggit sa L. Tom Perry, “A Year of Jubilee,” Ensign, Nob. 1999, 77.