Mga Taunang Brodkast
Ang Pananampalataya Bilang Alituntunin ng Pagkilos at Kapangyarihan


20:21

Ang Pananampalataya Bilang Alituntunin ng Pagkilos at Kapangyarihan

Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast • Hunyo 13, 2017

Inaasam ko lagi na makasama kayo sa mahalagang pagtitipon na ito. Bilang paghahanda para sa pulong na ito, sumamo ako sa Panginoon na malaman kung ano ang nais Niyang gawin natin para sa Kanyang mga anak na nakaupo sa ating mga classroom at tahanan. Sa mga tahimik na sandali nadama ko ang Kanyang pagkalugod sa inyong walang-sawang pagsisikap at hindi mabilang na mga sakripisyo. Nadama ko rin kung gaano Niya kanais na pagpalain kayo at ang inyong mga pamilya. At nadama kong nais Niyang pagpalain ang inyong mga estudyante ng pagmamahal at patotoo para sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Hindi ito maisasagawa lamang sa dagdag o mas mabubuting programa, kurikulum, training, o teknolohiya dahil wala ritong makapapalit sa mahimalang pagdantay ng langit sa buhay ng ating mga estudyante. Ang inaasam natin ay darating lamang bilang kaloob mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at mangangailangan ng Kanyang kapangyarihan para maisagawa ang mga himala sa buhay ng bawat isa.

Kakailanganin dito na pairalin natin ang dagdag pang pananampalataya dahil nauuna ang pananampalataya sa bawat himala. Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks: “‘Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.’ At [idinagdag pa niya na], ‘Ang mga gawang walang pananampalataya ay mas patay.’”1 Sa madaling salita, ang lahat ng ating masipag na paggawa ay hindi magkakaroon ng nais nating resulta kung gagawin ito nang walang pananampalataya. Iyan ay dahil sa ang pananampalataya ay kapwa alituntunin ng paggawa at alituntunin ng kapangyarihan. Ang dagdag na pananampalataya nating lahat ay magiging tanda sa Panginoon na umaasa tayo sa Kanya at nagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan na magbigay-inspirasyon, magpabalik-loob, magpalakas, maghanda, at magprotekta sa bagong henerasyon. Ang dagdag na pananampalataya sa Tagapagligtas ay magpapalakas sa ating pagtuturo, sa imbitasyon natin sa mga kabataan at mga young adult na dumalo sa seminary o institute o na basahin ang mga banal na kasulatan, at maging sa ating mga kaugnayan sa mga magulang at mga lider ng priesthood. Kaya sa darating na mga linggo at buwan, puwede ba ninyo akong samahan sa paghiling sa ating Ama sa Langit na dagdagan ang ating pananampalataya? Naniniwala akong handa Siyang tumulong kung hihiling tayo.

Paggamit ng Pananampalataya Bilang Alituntunin ng Pagkilos

Itinuro ni Joseph Smith na sa pananampalataya sa Diyos ay kailangang mayroon tayo ng “tamang ideya tungkol sa kanyang pagkatao, pagiging perpekto, at mga katangian” at ng “kaalaman na ang tinatahak nating landas sa buhay ay ayon sa kanyang kalooban.”2 Kapwa kailangan sa mga ito na pairalin natin ang pananampalataya bilang alituntunin ng pagkilos.3

Sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang paraan kung paano natin magagawa ang una sa dalawang kailangang ito:

“Kapag mas marami tayong alam tungkol sa ministeryo at misyon ng Tagapagligtas—mas nauunawaan natin ang Kanyang doktrina at ang ginawa Niya para sa atin—mas nalalaman natin na maibibigay Niya ang lakas na kailangan natin sa buhay.

“Sa unang bahagi ng taong ito, hiniling ko sa mga young adult ng Simbahan na maglaan ng kaunting oras nila kada linggo sa pag-aaral ng lahat ng sinabi at ginawa ni Jesucristo na nasusulat sa ating pamantayang mga banal na kasulatan. Hinikayat ko sila na gawing personal na pangunahing kurikulum nila ang mga binanggit sa mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo sa Topical Guide.

“Ibinigay ko ang hamong iyon dahil tinanggap ko na mismo ang hamong ito. Binasa at ginuhitan ko ang bawat talatang bumabanggit kay Jesucristo, na nakalista sa ilalim ng main heading at ng 57 subtitle sa Topical Guide. Nang matapos ko ang nakatutuwang gawaing iyon, nagtanong ang asawa ko kung ano ang naging epekto nito sa akin. Sabi ko sa kanya, ‘Ibang tao na ako!’”4

Gusto kong ipaalala sa inyo ang imbitasyong ito dahil nakita ko mismo ang mga pakinabang ng nakapokus na pag-aaral na ito at alam ko na kapag mas naunawaan at mas mahal natin ang Tagapagligtas, lalong madaragdagan ang ating pananampalataya sa Kanya.

Gaya ng nabanggit, itinuro ni Propetang Joseph na ang isa pang mahalagang sangkap ng pananampalataya ay ang matutuhang iayon ang ating buhay sa kalooban ng Panginoon. Para mailarawan ito, ibabahagi ko sa inyo ang isang karanasan na nauunawaan ng mga inang narito:

Si Celeste Davis ay isang bata pang ina na may tatlong anak na ang sanggol ay madalas magising sa gabi. Nagsimula siyang manalangin na magkaroon siya at ang kanyang sanggol ng sapat na tulog. Pero parang hindi nasasagot ang kanyang mga dasal. Dahil dito ninais niyang mas maunawaan ang panalangin at kung bakit hindi niya natatanggap ang kaginhawahang hiling niya. Nalaman niya sa Bible Dictionary na “nagdarasal tayo sa pangalan ni Jesucristo kapag ang ating isipan ay ang isipan ni Cristo, at ang ating mga naisin ay mga naisin ni Cristo. … Pagkatapos ay hinihingi natin ang mga bagay na maaaring ipagkaloob ng Diyos. Maraming panalanging hindi sinasagot dahil hindi ito inusal man lang sa pangalan ni Jesucristo; sa anumang paraan ay hindi ito nakaayon sa Kanyang isipan kundi nagmumula sa kasakiman ng puso ng tao.”5

Kaya nagpasiya si Celeste na gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinagdarasal niya. Sa paggawa ng listahang ito, natanto niya na ang kanyang mga panalangin ay puro paghiling sa Ama sa Langit ng mga bagay na nais niya, na baguhin ng Ama ang kanyang kalagayan. At nagpasiya siyang gumawa ng isa pang listahan, at isinulat ang mga bagay na tiyak niyang nais ng Ama sa Langit para sa kanya. Siyempre hindi naman lubusang hindi tugma ang dalawang listahan—mahal Niya tayo at nais na maging maligaya tayo. Ngunit ang munting gawaing ito ay nagtuturo ng mahalagang katotohanan. Bagaman gusto niyang magbago ang kanyang kalagayan, nais ng Ama na baguhin siya. Kaya nagpasiya siyang ayusin ang kanyang pananalangin para mas umayon ang kalooban niya sa kalooban ng Ama sa Langit. Isinulat niya:

“May naisip akong munting pormula na nakatulong sa aking mga panalangin. Ganito lang kasimple—sa tuwing hihilingin mo ang nais mo at hindi ka sigurado kung ito ang nais ng Diyos para sa iyo, isunod mo ang katagang ‘pero kung hindi’ at pagkatapos ay idagdag ang bagay na tiyak mong nais ng Diyos para sa iyo.

“Halimbawa: ‘[Ama sa Langit], pakitulungan po Ninyo ako na makatulog ngayong gabi, pero kung hindi, tulungan po Ninyo akong magkaroon ng sapat na lakas para maging kalugud-lugod at masipag pa rin ako.’ ‘[Ama sa Langit], pakibasbasan po Ninyo na gumaling na ang anak ko at bumuti na ang pakiramdam niya, pero kung hindi, tulungan po Ninyo kaming magtiwala sa Inyo at maging mapagpasensya sa bawat isa.’ ‘[Ama sa Langit], pakibasbasan po Ninyo na mapabilang ako sa grupo ng mga kaibigan ko, pero kung hindi, kahit dama kong hindi ako kasali, tulungan po Ninyo akong maging mabait at mapagbigay.’” 

Pagpapatuloy niya:

“Isang taon ko na itong sinusubukan, at masasabi kong tagumpay talaga ang panalangin ko. …

“Dama kong sa wakas ay natutupad ko na ang tunay na layunin ng panalangin, ang hindi ipagkasundo ang nais ko, kundi iayon ang sarili ko sa Diyos. …

“Ang hindi inaasahang benepisyo ay, hindi ako takot sa mahihirap na situwasyon o sa hindi pagkakamit ng nais ko tulad ng dati dahil nakita at nadama ko ang sagot ng Diyos sa aking mga panalangin—kapwa ang mga naisin ko at aking mga ‘pero kung hindi.’” 6

Ang karanasan ni Celeste ay huwaran na makatutulong sa ating mga panalangin at pagsisikap na magpakita ng pananampalataya bilang alituntunin ng pagkilos. Para malinaw, hindi aalisin ng pananampalataya ang kalayaan ng ating mga anak o ng ating mga estudyante at hindi nito aalisin ang lahat ng pagsubok at mga hamon sa ating buhay. Pero tutulungan tayo nitong mapagtiisan ito ng husto at matututo pa tayo sa mahihirap na kalagayan. Babaguhin din nito ang ating pananaw sa ating mga estudyante (at ating mga anak) at kung paano tayo manalangin para sa kanila. Babaguhin nito ang ating mga interaksyon sa ating mga klase at sa ating tahanan. Tutulungan tayo nitong manindigan nang may pag-asa, kaligayahan, at positibong pananaw sa mundong nagdidilim. Lilikha ito ng mga pagkakataon para sa personal na paghahayag at maghahatid ng kapangyarihan sa ating pagtuturo. Ihahatid nito ang ating patotoo sa puso ng mga mahal natin sa buhay.

Pinapawi ng tunay na pananampalataya ang pangangatwiran. Humahantong ito sa pagsusuri ng sarili, na nauuwi sa taos na pagsisisi at makabuluhang pag-unlad. Pinipilit tayo nitong iwasan ang patibong ng pag-asa sa solusyon na makikita kung magbabago lang sana ang ibang tao, tulad kapag sinasabi nating “Kung mas may suporta sana ako mula sa mga magulang ko o sa mga lider ng Simbahan, mas mainam siguro ang mga bagay-bagay.” Ang ganyang pananaw ay hindi nakaasa sa Tagapagligtas at, dahil dito ay hindi natin maa-access ang Kanyang kapangyarihan. Hindi nito maibibigay ang himalang kailangan natin. Tayo ay mayroon at sapat tayo para maisakatuparan ang gawain ng Panginoon kung sapat ang pananampalataya natin para hilingin sa Kanya na baguhin tayo at hubugin tayo bilang mga instrumento sa Kanyang mga kamay.

Totoo ito kahit dama nating may kakulangan tayo at maraming gagawin. Natutuhan ko ang aral na ito noong binata ako at naghahanda para sa misyon. Noon pa man ay iniisip ko nang maglingkod, ngunit noong bata pa ako ay kinakabahan ako kapag naiisip ko ito. Hindi ako komportable sa pagsasalita sa harap ng mga tao. May tiyahin ako na nagsasabi pa rin na hindi niya nakita ang mga mata ko hanggang sa maging tinedyer ako dahil palagi akong nakayuko kapag naglalakad, at itinatago ang mukha ko. Sa junior high nakatanggap ako ng gradong D- sa drama class, ang pinakamababang grado para makapasa. Hindi ko talaga kayang tumayo sa harap ng klase, kahit na magbasa ng nakahandang iskrip na ibinigay sa akin ng teacher.

Pagkatapos kong matanggap ang mission call ko sa Mexico, nahilingan akong magsalita sa isang fireside ng kabataan kasama ng kuya ko. Mga limang minuto akong nagsalita, at siya na ang nagsalita sa nalalabing oras. Hindi naman siguro kalabisan na sabihin kong iyon na yata ang pinakapangit na mensaheng ibinigay dito o sa alinmang simbahan. Nang matapos ang fireside, pumila ang maraming kabataan para batiin ang kuya ko. Isang mabait na tao mula sa linya ang nagsabi sa akin, “Salamat. Ang ganda ng mensahe mo.” Naisip ko talaga na, “Ang bait mo, pero sinungaling ka.” Umuwi akong pinanghihinaan ng loob, iniisip kung paano kaya ako makapagmimisyon. Dama kong hindi ko kayang ituro ang ebanghelyo sa English, lalo na sa wikang Spanish na kailangan ko pang pag-aralan.

Makalipas ang ilang araw, mabigat pa rin ang pakiramdam ko, binuklat ko ang banal na kasulatan at binasa ang kuwento ni Enoc. Nang utusan si Enoc na sabihin sa mga tao na magsisi, “kanyang iniyukod ang sarili sa lupa, sa harapan ng Panginoon, at nangusap, sa harapan ng Panginoon, nagsasabing: Bakit ako naging kalugud-lugod sa inyong paningin, at ako ay isang bata lamang, at kinamumuhian ako ng lahat ng tao; sapagkat mabagal ako sa pagsasalita; dahil dito, ako ba ay inyong tagapaglingkod?”7 Bilang sagot sa pagdududa at kawalan ng tiwala ni Enoc sa kanyang tungkulin, ibinigay ng Panginoon ang napakagandang sagot na ito na nasa talata 34: “Masdan, ang aking Espiritu ay nasa iyo, dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko.”8

Kabado, hindi tiyak ang sarili, at hindi pa handa sa mangyayari, ngunit pinanghahawakan ang mga salitang iyon, sumakay ako ng eroplano sa unang pagkakataon at lumipad papuntang Mexico para maglingkod. Doon ko nalaman na kung handa tayo, talagang makakalakad tayong kasama ang Panginoon. Nalaman ko na ang sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson ay totoo: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila.”9

Paggamit sa Pananampalataya bilang Alituntunin ng Kapangyarihan

Mula sa kuwento ni Enoc, may natutuhan pa ako tungkol sa pananampalataya. Pakinggan ang deskripsyon ukol sa nangyari sa binatang ito, na mabagal magsalita at kinamumuhian ng mga tao. Mababasa sa Moises 7:13 na, “At napakalaki ng pananampalataya ni Enoc kung kaya’t pinamunuan niya ang mga tao ng Diyos, at ang kanilang mga kaaway ay sumalakay upang makidigma laban sa kanila; at kanyang sinabi ang salita ng Panginoon, at ang lupa ay nayanig, at ang mga bundok ay natinag, maging alinsunod sa kanyang utos; at ang mga ilog ng tubig ay lumiko mula sa kanilang pinag-aagusan; at ang atungal ng mga leon ay narinig mula sa ilang; at ang lahat ng bayan ay labis na natakot, napakamakapangyarihan ng salita ni Enoc, at napakalakas ng kapangyarihan ng wikang ibinigay ng Diyos sa kanya.”10 Parang hindi naman mabagal magsalita ang batang ito. Para itong isang lalaki na may pananampalataya na, sa paglakad na kasama ang Panginoon, ay nakapagpalipat ng mga bundok.

Kung minsan ginagamit natin ang katagang “move the dial” o “move the needle” para sumagisag sa maliliit, na kailangang pagbabago, ngunit hindi tayo inanyayahan ng Panginoon na pakilusin ang needle o kamay ng orasan. Inanyayahan Niya tayong palipatin ang mga bundok. Sabi Niya, “Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito’y lilipat; at sa inyo’y hindi ma’y pangyayari.”11

Ang pananampalatayang ito na maglilipat ng mga bundok—tunay man o hindi ang mga bundok na iyon—ay isa pang antas ng pananampalataya. Gaya ng itinuro ni Elder D. Todd Christofferson:

“[Mayroong] antas ng pananampalataya na kinapapalooban ng katiyakang espirituwal at nagbubunga ng mabubuting gawa, lalo na sa pagsunod sa mga alituntunin at kautusan ng ebanghelyo. Ito ay tunay na pananampalataya kay Cristo. …

“Gayunpaman, may antas ng pananampalataya na hindi lamang nagpapakilos sa atin kundi nagbibigay-kakayahan din sa atin na magbago at magawa ang mga bagay na hindi sana mangyayari kung wala ito. Tinutukoy ko ang pananampalataya hindi lamang bilang alituntunin ng paggawa kundi alituntunin din ng kapangyarihan.”12

Ito ang uri ng pananampalataya na inilarawan sa Mga Hebreo 11 na ginamit nina Enoc, Abraham, Sara, at Moises. Sa pananampalatayang ito ang mga propeta ay “nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon, nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, … at tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli.”13

Ito ang uri ng pananampalataya na inilarawan sa Eter 12, na tumutukoy kina Alma, Amulek, Nephi, Lehi, at Ammon.14 Ito ang pananampalatayang ipinakita ng “kapatid ni Jared [na] nagsabi sa bundok ng Zerin, Kilos—at ito ay kumilos. At kung siya ay walang pananampalataya hindi sana ito natinag.”15 At sa huli, “marami na ang pananampalataya ay napakalakas, maging bago pa pumarito si Cristo, na hindi maaaring pagbawalan mula sa loob ng tabing”—at pakinggan ninyo ito—“kundi tunay na namalas ng kanilang mga mata ang mga bagay na namasdan nila sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya.”16

Lahat ng ito ay di malilimutang mga paglalarawan ng pananampalataya bilang alituntunin ng kapangyarihan. At hangang-hanga ako lalo sa huling halimbawa. Nakita muna nila ang mga bagay sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya bago nila nakita ang mga ito sa kanilang pisikal na mga mata. May mahalagang makabagong halimbawa nito mula kay Pangulong Brigham Young. Sa pagtukoy sa lupang kinatitirikan ng Salt Lake Temple, sinabi niya na: “Bihira akong magsalita tungkol sa mga paghahayag, o mga pangitain, pero sapat nang sabihin ko na … naroon ako, at nakita ko sa espiritu ang Templo. … Hindi ko kailan man nakita ang lupa, pero naroon ang pangitain tungkol dito.”17

Ang pagkakaroon ng pangitain ng mangyayari, ng mga naisin ng Panginoon, ay mahalagang bahagi ng pagpapakita ng pananampalataya bilang alituntunin ng kapangyarihan.

Nakikita ba ninyo ang himalang kailangan natin gamit ang inyong mata ng pananampalataya? Nakikita ba ninyo ang inyong sarili na nagtuturo sa mga klase nang may higit na tiwala sa Panginoon, sa Kanyang salita, at sa inyong mga estudyante? Nakikita ba ninyo ang inyong mga estudyante na lumalabas ng inyong mga silid-aralan na mas umaasa sa mga turo ng Tagapagligtas at sa Pagbabayad-sala, mas kayang paglabanan ang kasalanan, at mas handang gawin ang lahat ng ipinagagawa sa kanila ng Panginoon? At nakikita ba ninyo sa inyong mata ng pananampalataya ang mas maraming kabataan, kapwa mga miyembro at hindi natin kapanalig, na tumutugon sa ating paanyaya na lumapit at makiisa sa himalang ito? Ano kaya ang gagawin ng Panginoon kung paiiralin nating lahat ang ating pananampalataya, kapwa bilang alituntunin ng pagkilos at alituntunin ng kapangyarihan?

“Ang Panginoon ay Sumasaatin; Huwag Kayong Matakot sa Kanila”

Bago ako magtapos, gusto kong magbahagi ng isa pang halimbawa. Nasa opisina ko ang isang olive-wood carving na naglalarawan sa isa sa mga paborito kong kuwento sa banal na kasulatan at paalala sa akin na kailangan ang pananampalataya. Ito ay paglalarawan kina Caleb at Josue, na inatasan ni Moises, kasama ang 10 pang kalalakihan, na siyasatin ang lupain ng Canaan at bumalik para mag-ulat. Ang 10 lalaki ay bumalik na nagsasabing, “Ang bayan na tumitira sa lupaing iyon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki.”18

“At pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka’t kaya nating lupigin.

“Nguni’t sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka’t sila’y mas malakas kay sa atin.”19

Dahil sa kawalan nila ng pananampalataya, “sila’y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupain … na sinasabi, … aming nakita roon, ay mga taong malalaki, … at kami sa aming paningin ay naging [parang] mga balang.”20

Ngunit sumagot sina Josue at Caleb, “Ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.”21

Ngunit ang mga tao, gaya ng 10 walang pananalig na mga sugo, ay hindi makita ang handang gawin ng Panginoon at ayaw sumunod kina Josue at Caleb. Dahil sa kawalang ito ng pananampalataya, ang mga tao ay gumala sa ilang nang mahigit 39 na taon. Mula sa orihinal na grupo, tanging sina Josue at Caleb ang natirang buhay at pinayagang pumasok sa lupang pangako. Maaaring naaalala ninyo ang bantog na mga salita ni Caleb nang tumayo sila ni Josue sa harap ng Bundok ng Hebron, ang mismong lugar na tiniktikan nila maraming taon na ang nakalipas. Sinabi ni Caleb:

“Gayon ma’y malakas pa ako sa araw na ito na gaya nang araw na suguin ako ni Moises. …

“Ngayon nga’y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito.”22

Dahil sa kanyang pananampalataya, minana niya at ng kanyang pamilya sa maraming henerasyon ang kanyang bundok sa lupang pangako.

May mga darating na hamon. Maaari tayong matuksong magduda at mag-ulat nang masama na puno ng takot at pangamba. Ang kawalang ito ng tiwala sa Panginoon ay hindi magpapapasok sa atin sa lupang pangako. Tulad nina Caleb at Josue, kailangan nating isantabi ang ating takot at ipakita ang ating pananampalataya para makamit ang mga pagpapalang laan Niya para sa atin. Dapat nating ituring ang bawat hamon at pagsubok sa ating buhay bilang pagkakataon para mapalalim ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

Ano kaya ang gagawin ng Panginoon kung ating papalitan ng pag-asa at pananampalataya ang takot at pangamba? Naniniwala akong hindi lamang kamay ng orasan ang ililipat Niya kundi mga bundok—upang mangyari ang mga himala sa buhay ng mga kabataan at mga young adult ng Simbahan. Sa paglago ng ating pananampalataya, lalago rin ang pananampalataya ng mga tinuturuan natin. Alam kong pagpapalain kayo ng ating Ama sa Langit at pagpapalain Niya ang ating mga estudyante kapag nananampalataya tayo sa Kanyang mapagmahal at perpektong Anak, ang Tagapagligtas, at Manunubos ng daigdig. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Challenges to the Mission of Brigham Young University” (BYU Leadership Conference, Abr. 21, 2017), 8.

  2. Lectures on Faith (1985), 38; ang Lectures on Faith ay tinipon sa ilalim ng pamamahala ni Propetang Joseph Smith:

  3. Ang pananampalataya ay isang kaloob na ibinigay ng Diyos bilang gantimpala sa pagiging mabuti. Palagi itong ibinibigay kapag naroon ang kabutihan, at kung mas masunurin sa mga batas ng Diyos, ibayong pananampalataya ang ipagkakaloob” (Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, 2nd ed. [1966], 264).

  4. Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 39.

  5. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin.”

  6. Celeste Davis, “How to Pray in a Way God Can Answer,” Abr. 12, 2016, blog.lds.org.

  7. Moises 6:31.

  8. Moises 6:34.

  9. Ezra Taft Benson, “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 4.

  10. Moises 7:13; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Mateo 17:20.

  12. D. Todd Christofferson, “Pagpapalakas ng Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Set. 2012, 55; tingnan din sa Moroni 7:33.

  13. Sa Mga Hebreo 11:33–35.

  14. Tingnan sa Eter 12:13–15.

  15. Eter 12:30.

  16. Eter 12:19.

  17. Brigham Young, “Minutes of the General Conference,” Deseret News, Abr. 30, 1853, 150.

  18. Mga Bilang 13:28.

  19. Mga Bilang 13:30–31.

  20. Mga Bilang 13:32–33.

  21. Mga Bilang 14:9.

  22. Josue 14:11–12.