Malalim na Pagkatuto at Kagalakan sa Panginoon
Seminaries and Institutes of Religion Annual Training Broadcast • Hunyo 13, 2017
Isang pagpapala ang magsalita sa pamilya ng S&I sa buong mundo. Mahal na mahal ko kayo, at nagpapasalamat ako para sa inyo at sa lahat ng ginagawa ninyo at sa inyong buong pagkatao. Dalangin ko na pagpalain kayo ng Panginoon sa dakilang gawaing nasa ating harapan.
Mahal kong mga kapatid, mahalaga ang gawaing turuan, ihanda, at palakasin ang bagong henerasyon. Ramdam ko ang kahalagahan at tindi ng gawaing iyon. Ang mga kabataan at young adult ng Simbahan ng Panginoon ay maraming mahihirap na hamon at magagandang oportunidad. Ang mundo sa paligid nila ay puno ng mabibisang teknolohiya na ginagamit para sa malaking kabutihan at sa kakila-kilabot na kasamaan. Marami sa ating mga kabataan ang nasa mga bansang apektado ng mga digmaan at bali-balita tungkol sa digmaan, paninindak, katiwalian, pagkawasak ng mga pamilya, pagkabuwag ng pulitika at lipunan, sekularismo, at pamiminsala ng karukhaan, sakit, at gutom.
Gayunman, sa gitna ng lahat ng ingay at kaguluhang ito, inihahanda ng Panginoong Jesucristo ang Kanyang kaharian at Kanyang mga tao para sa Kanyang pagbabalik. Kumikilos Siya nang may kapangyarihan sa buong mundo upang tipunin ang nakalat na Israel, itayo ang Kanyang kaharian, at itatag ang Sion. Ang Kanyang pagmamahal at awa ay nakaunat sa mga kabataan at young adult ng Kanyang Simbahan, at nag-aanyaya sa kanila na tanggapin ang Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas, at nakatutubos na kapangyarihan sa kanilang buhay.
Ang malaking digmaan sa pagitan ng mabuti at masama na nagsimula sa premortal na buhay ay patuloy sa paglago at pagtindi sa mga huling araw. Sa labanang iyon ang mga kabataan at young adult ng bagong henerasyon ay wala sa tahanan. Nakaharap sila sa digmaan, at gaganap ng napakahalagang papel sa dakilang gawain ng Panginoon. Kaya kayo ang kakausapin ko.
Naroon kayo mismo sa harapan kasama ang bagong henerasyon. Kapag naiisip ko kayo at kung ano ang gagawin ninyo araw-araw upang antigin ang buhay ng daan-daang libong kabataan at young adult ng Simbahan ng Panginoon, naiisip ko ang pangitain ni Nephi tungkol sa ating panahon:
“At … ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”1
Inilarawan ni Nephi ang banal na prosesong pinagkakaabalahan ninyo sa isang mahalagang paraan. Kapag inisip ninyo ang ginagawa ninyo sa pagtuturo sa seminary at institute, sana’y maisip ninyo ang talatang ito. Kayo ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa isang banal na proseso na kung saan ang Kanyang minamahal na mga anak ng tipan ay biniyayaan ng kabutihan at tumatanggap ng Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian.
Ito ang gagawin ninyo. Ituturo ninyo sa kahanga-hangang mga kabataang ito ang ebanghelyo ni Jesucristo, at tutulungan ninyo silang tumanggap ng banal na kapangyarihan sa priesthood, sa templo, sa patnubay ng Espiritu Santo, sa mga banal na kasulatan, sa mga sagradong tipan at ordenansa. Ito ang kapangyarihan ng Diyos, at ibinibigay Niya ito sa minamahal Niyang mga anak para magmahal, magturo, at maglingkod sila nang may pananampalataya at pag-asa sa Kanya, sa paggawa ng Kanyang gawain habang nabubuhay sila.
Maaaring mahirap kung minsan na iugnay ang nagbibigay-inspirasyong pangitain ni Nephi sa katotohanan ng inyong klase sa seminary nang alas-6:15 ng umaga o sa klase ng institute sa gabi na maraming pagod na estudyante sa kolehiyo. Nakita ko na ang mapupungay na mata ng mga tinedyer sa madaling-araw. At alam ko talaga ang hitsura ng pagod na mga estudyante sa kolehiyo. Pero nakita ko ang nangyayari sa mga tinedyer at estudyanteng iyon sa kolehiyo kapag tinuturuan sila ng isang gurong nagmamahal sa kanila taglay ang Espiritu ng Panginoon. Nakita ko ang nangyayari sa kanilang puso’t kaluluwa kapag ipinararating sa kanila ng gurong iyon ang kapangyarihan ng mga banal na kasulatan at lubos silang tinuturuan sa paraan ng Panginoon. Alam ko iyan dahil iyan ang nangyari sa lahat ng anak ko. At iyan ang nangyayari sa aking mga apo.
Kahanga-hanga ang mga kabataan at young adult na tinuturuan ninyo. Ngunit kailangan natin ang mas marami pa sa kanila para matanggap ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo, at magmisyon, makasal sa templo, bumuo ng walang-hanggang pamilya, maglingkod sa Panginoon sa Kanyang kaharian, at maging ilaw sa sanlibutan—mas marami pa sa kanila. Ibig sabihin kailangang patuloy kayong magpakabuti sa ginagawa ninyo. Nais ng Panginoon na lalo pa kayong maging mas mabisa at mas epektibo sa dakilang gawaing ito.
Kagalakan sa Panginoon
Gusto kong magbahagi sa inyo ngayon ng ilang ideya na sana’y makatulong sa inyo na ipagpatuloy ang dakilang layuning iyon. Simple lang ang mensahe ko: marami pa tayong kailangang gawin upang maiparanas sa mga kabataan at young adult ng Simbahan ang kagalakan—totoo at espirituwal na kagalakan—sa Panginoong Jesucristo. Naniniwala ako na ang pinakamagandang paraan para magawa iyan ay sa malalim na pagkatuto tungkol sa doktrina ni Cristo sa paraan ng Panginoon. Saksi ako at pinatototohanan ko sa inyo na ang malalim na pagkatuto tungkol sa doktrina ni Jesucristo ay humahantong sa kagalakan sa Panginoon.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson:
“Mahal kong mga kapatid, ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.
“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”2
Iyan ang kagalakang kailangang madama ng ating mga kabataan. Pinoprotektahan sila nito laban sa kasamaan, hinihikayat silang maging matuwid, pinatitindi ang hangarin nilang mapasakanila palagi ang Espiritu Santo, at inilalapit sila sa Panginoon.
Binigyan tayo ng Tagapagligtas ng magandang huwaran sa Aklat ni Mormon para tulungan kayong tulungan ang inyong mga estudyante na makasumpong ng kagalakan sa Kanya:
“Samakatwid, itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa. Masdan, nakita ninyo na ako ay nanalangin sa Ama, at lahat kayo ay nakasaksi.
“Iniutos ko na walang isa man sa inyo ang umalis, kundi iniutos ko na kayo ay lumapit sa akin, nang inyong madama at makita; maging gayon din ang inyong gagawin sa sanlibutan.”3
Nang magpakita ang Tagapagligtas sa mga tao sa templo sa Bountiful, minahal Niya sila, itinuro sa kanila ang Kanyang doktrina, at binasbasan sila. Labis silang nagalak. Sa talatang ito nananawagan ang Tagapagligtas na lumapit kayo sa Kanya at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, masdan Siyang magtrabaho, damhin ang Kanyang pagmamahal, at danasin ang Kanyang kagalakan. Pagkatapos ay inuutusan Niya kayong dalhin ang inyong nakita at nadama sa inyong mga estudyante: mahalin sila, ituro sa kanila ang Kanyang doktrina, anyayahan silang lumapit sa Kanya at damhin ang Kanyang kagalakan. Kung ang pag-ibig, doktrina, liwanag, at kagalakan ni Jesucristo ay nasa inyo, mabibigyang-inspirasyon at mahihikayat ninyo silang hanapin ang sarili nilang pribado, personal, at espirituwal na mga karanasan sa Panginoon.
Kagalakan at Malalim na Pagkatuto
Ang pagkatuto na humahantong sa kagalakan ay ang malalim na pagkatuto tungkol sa doktrina ni Jesucristo, at kailangan itong gawin sa paraan ng Panginoon. Ang malalim na pagkatuto ay pagkatuto ng buong kaluluwa—ng isipan, puso, katawan, at imortal na espiritu. Ang malalim na pagkatuto ay nagdaragdag ng kakayahan sa estudyante na gawin ang tatlong bagay:4
1. Makaalam at makaunawa
Una’y makaalam at makaunawa. Ito ay kaalaman ng puso’t isipan. Kapag iniangkop sa pananampalataya kay Jesucristo, halimbawa, natututuhan ng mga estudyante na ang pananampalataya kay Cristo ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Sa patotoo ng Espiritu, nadarama nila ang katotohanan ng alituntuning iyon at nagsisimula silang makakita nang mas malinaw, maghangad nang mas matindi, at sa gayo’y mas lubos namaunawaan sa kanilang puso ang epekto ng alituntuning iyon sa kanilang buhay.
2. Gumawa nang epektibo at matwid
Pangalawa’y gumawa nang epektibo at matwid. Natututo ang mga estudyante na iangkop ang alituntunin ng pananampalataya kay Jesucristo sa kanilang buhay at talagang gawin ito. Halimbawa, maaari silang magpasiyang kumilos nang may pananampalataya sa Tagapagligtas na magkaroon ng tapang na anyayahan ang isang kaibigan na basahin ang Aklat ni Mormon. Kapag kumilos sila nang may pananampalataya sa Kanya, lalago ang kanilang tiwala sa Kanya at bibiyayaan sila ng Panginoon ng mas malaking pananampalataya.
3. Maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit
Pangatlo’y maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit. Ang pagiging ay isang proseso ng pagbabago sa pagkatao at likas na ugali ng estudyante. Dumarating ito sa pamamagitan ng nakatutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ni Jesucristo. Kapag iniangkop sa alituntunin ng pananampalataya sa Tagapagligtas, ibig sabihin nito ay lalong nagiging tapat ang estudyante. Ang pananampalataya kay Cristo ay nagiging isang katangian ng kanilang pagkatao, kung sino sila, habang paulit-ulit at patuloy silang lumalago sa kaalaman at pag-unawa sa pananampalataya kay Jesucristo, kumikilos nang may pananampalataya sa Kanya na gawin ang Kanyang ipinagagawa, at hangarin ang Kanyang mga kaloob at pagpapala upang maging katulad Niya at ng Kanyang Ama.
Ang tatlong dimensyong ito ng malalim na pagkatuto ay nagtutulungan at pinatatatag ang isa’t isa. Ang pagiging tapat na tao ay nagdaragdag sa kakayahan ng isang estudyante na makaalam at makaunawa. Ang mas malalim na pagkaunawa ay naghihikayat ng mas epektibong pagkilos, na lumilikha ng mga bagong ideya at humahantong sa mas matatag na pagkatao. May malaking kagalakan sa bawat aspeto ng malalim na pagkatuto—kagalakan sa bagong pagkaunawa, kagalakan sa matwid na pagkilos, kagalakan sa pagiging higit na katulad ng Ama at ng Anak.
Ang Paraan ng Panginoon para Matuto nang Malalim
Tatlong Paanyaya
Ang paraan ng Panginoon para matuto nang malalim ay simple ngunit mabisa. Narito ang paglalarawan ng Panginoon sa pagkatuto sa Kanyang paraan:
“Kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag.”5
“Ihanda ang inyong sarili, at pabanalin ang inyong sarili.”6
“Turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian.”7
“Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo.”8
“Masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan.”9
“Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”10
“Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad.”11
“Magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat … upang … lahat ay mapasigla ng lahat.”
“Higit sa lahat, damitan ang inyong sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao.”13
Ang magagandang talatang ito mula sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay tumutukoy sa tatlong magkakatulong at nagpapalakas na mga elemento sa paraan ng Panginoon para matuto nang malalim: Ang una ay masigasig na pag-aaral, paghahanap, paghahanda, at pagsunod.14 Ang pangalawa ay pagtitipon upang turuan ang isa’t isa, na nabibigkis ng pag-ibig sa kapwa, ginagabayan ng isang inspiradong guro, dinadaluhan ng biyaya ni Jesucristo. Ang pangatlo ay pagtanggap ng paghahayag, inspirasyon, at iba pang mga espirituwal na kaloob na dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Aktibo at inspirado ang papel na ginagampanan ng guro sa paraan ng Panginoon na mahikayat ang mga estudyante sa lahat ng aspeto ng malalim na pagkatuto. Dalawang bagay ang mahalaga: una, mapasainyo ang Espiritu Santo at pangalawa, mahalin ninyo ang mga estudyante.
Mayroon kayong magandang sanggunian—ang Gospel Teaching and Learning handbook15—upang tulungan kayong magturo para matuto ang mga estudyante ninyo sa paraan ng Panginoon. Kaya, bibigyan ko kayo ng assignment: gusto kong basahin at pag-aralan ninyo ang hanbuk na may mithiing matuto nang malalim, lalo na tungkol sa doktrina ni Jesucristo, na humahantong sa kagalakan. Kapag nauunawaan na ninyo na ang malalim na pagkatuto para magalak ang inyong mithiin, babaguhin nito ang paggamit ninyo sa mabibisang alituntuning binuo sa hanbuk. Bibigyan ko kayo ng tatlong simpleng halimbawa (marami pang iba):
-
Pakiusapan ang inyong mga estudyante na pumasok sa klase na handang turuan ang isa’t isa.
-
Gawin ninyong priyoridad ang pagtulong sa inyong mga estudyante na magkaroon ng mga katangian ni Cristo.
-
Magkaisa kayong gawing layunin sa klase ang kagalakan, at regular na magpapatotoo ang mga estudyante tungkol sa kagalakan.
Mahal kong mga kapatid, alam ko na marami na kayong ginagawang kamangha-mangha at magagandang bagay para tulungan ang inyong mga estudyante na maisapuso ang ebanghelyo ni Jesucristo at maranasan ang kagalakan sa Kanya. Alam ko ang inyong sakripisyo at debosyon. Gayundin ang Panginoon.
Gusto kong magtapos ngayon sa tatlong paanyaya. Alam ko na kung kikilos kayo ayon sa mga paanyayang ito, matutulungan ninyo ang inyong mga estudyante na matuto nang mas malalim sa paraan ng Panginoon at lalong magalak sa Kanya.
Paanyaya 1: Walang-Hanggang Identidad at Layunin. Hinihikayat ko kayong tulungan ang inyong mga estudyante na malaman kung sino sila talaga. Tulungan silang makita at madama at malaman na sila ay talagang mga anak ng Diyos, ang Kanyang pinakamamahal na mga anak na lalaki at babae. Tulungan silang maunawaan ang kahulugan at implikasyon ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” nang ipahayag nito na bawat isa sa inyong mga estudyante ay “may [banal na] katangian at tadhana … at [isang walang-hanggang] pagkakakilanlan at layunin.”16
Tulungan sana ninyo silang madama sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay mga espirituwal na nilalang na may mortal na karanasan. Ang Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa kanila para “umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”17 Iyan ang plano ng Ama sa Langit para sa kanila. Tulungan sana ninyong magkatotoo sa kanila ang Kanyang plano.
Ituro sa kanila na sila ay inanak ng mga Magulang sa Langit upang matuto at lumago at maging katulad Nila. Pagkatuto ang pinakamahalaga sa layunin ng premortal at mortal na buhay at sa kanilang walang-hanggang kaligtasan. Kailangan nilang matutuhan ang mga bagay ng Diyos at ang mga bagay ng mundo para maisakatuparan nila ang mga layunin ng Diyos sa kanilang buhay. Tulungan silang makita na ang pagkatuto ay mahalaga sa walang-hanggang plano ng Diyos at, samakatwid, sa kanilang walang-hanggang layunin at banal na tadhana.
Paanyaya 2: Ang Paraan ng Panginoon para Matuto nang Malalim. Hinihikayat ko kayong tulungan ang inyong mga estudyante na malaman kung paano matuto sa paraan ng Panginoon. Gagawin ninyo ito sa pamamagitan ng halimbawa. Sa napakabisang paraan, ang paraan ng inyong pagtuturo ay ang bagay na itinuturo ninyo sa inyong mga estudyante tungkol sa paraan ng Panginoon para matuto. Kung lilikha kayo ng mga karanasan para sa kanila sa pag-aaral sa paraan ng Panginoon, matututuhan nila ang Kanyang paraan. Kung hindi, hindi sila matututo.
Sana’y ituro ninyo sa inyong mga estudyante ang paraan ng Panginoon para matuto sa pamamagitan ng inyong halimbawa. Ngunit sana’y ituro din ninyo sa kanila ang Kanyang paraan nang tuwiran at sadya, at may layunin. May napakagandang pagkakataong gawin iyan sa Doctrinal Mastery, kung saan itinuturo mismo ng mga alituntunin ng “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ang paraan ng Panginoon para matuto. Kapag itinuro ninyo ang mga alituntuning iyon sa buong taon, ituturo ninyo sa kanila ang paraan ng Panginoon para matuto. Makapagtuturo din kayo sa gayong paraan sa mga kursong itinuturo ninyo sa institute.
Tulungan sana ninyo ang inyong mga estudyante na matanto na ang paraan ng Panginoon ay angkop sa lahat ng pinag-aaralan nila. Ang partikular na mga pamamaraang nararanasan nila sa kanilang mga klase sa secondary o post-secondary education ay depende na sa kanilang mga guro. Ngunit ang inyong mga estudyante ay maaaring laging makinig, masigasig sa kanilang pag-aaral, at mapatnubayan ng Espiritu Santo. Anyayahan sana ninyo ang inyong mga estudyante na isama nila ang Espiritu Santo sa paaralan.
Paanyaya 3: Pagsisisi at Pagkatuto. Hinihikayat ko kayong turuan ang inyong mga estudyante na pagsisisi ang pinakamahalaga sa malalim na pagkatuto. Pagsisisi ang proseso ng Panginoon sa personal na pagkatuto, espirituwal na paglago, at pagiging mas higit na katulad Niya. Natututo ang inyong mga estudyante sa paraan ng Panginoon sa pamamagitan ng nakatutubos at nagpapalakas na kapangyarihan ni Jesucristo sa kanilang buhay, na nag-aalok sa kanila ng Kanyang awa at Kanyang biyaya.
Tulungan sana ninyo ang inyong mga estudyante na maunawaan na pagsisisi ang banal na proseso para mas lalo silang maging katulad ng Tagapagligtas sa lahat ng oras. Kung minsa’y nagsisisi sila tungkol sa isang bagay na kailangan nilang tigilang gawin. Kung minsa’y tungkol sa isang bagay na kailangan nilang simulang gawin. Tulungan sana ninyo silang malaman na ang pagsisisi ay higit pa sa pagsasabi sa Panginoon at sa kanilang bishop na may ginawa silang mali. Ang magkasala ay pagtalikod sa Panginoon. Ang magsisi ay pagbalik sa Kanya. Ang pagsisisi ay nangangailangan ng pagbabago ng puso’t isipan, pagbabagumbuhay na angkop sa personal na sitwasyon ng inyong estudyante.
Ngunit ituro din sana ninyo sa kanila na patuloy silang mapagpapala ng pagsisisi. Ito ang paraan ng Panginoon para tulungan silang magpakabuti at maging mas mabuti habang sila’y nabubuhay. Kailangan silang magbago at lumago, at ang ibig sabihin niyan ay kailangan silang magsisi, lubos pang bumaling sa Tagapagligtas, lubusang isuko ang kanilang puso sa Kanya sa lahat ng oras. Ang prosesong iyan ng pagbaling at pagsuko ay habambuhay. Mahalaga iyan sa malalim na pagkatuto.
Patotoo
Ito ang pangako ko sa inyo: Kung ituturo ninyo sa inyong mga estudyante kung sino sila talaga, kung paano matuto nang malalim sa paraan ng Panginoon, at ang banal na alituntunin ng pagsisisi, matututuhan nila nang malalim ang doktrina ni Jesucristo, lalago ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya, at magagalak sila sa Panginoon. Mararanasan ninyo at ng inyong mga estudyante ang kagila-gilalas na pangakong ito ng Panginoon: “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan.”18
Alam ko na totoo ang pangakong iyan. Pinatototohanan ko na ang ating Diyos Ama ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Siya ay buhay! Ito ang Kanilang banal na gawain. Pinatototohanan ko ito at iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 5/17. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 5/17. Pagsasalin ng “Deep Learning and Joy in the Lord.” Tagalog. PD60004121 893