Bagong Tipan 2023
Pebrero 26. Paano Ako Natutulungan ng mga Turo ng Tagapagligtas na Humatol nang Makatarungan? Mateo 6–7


“Pebrero 26. Paano Ako Natutulungan ng mga Turo ng Tagapagligtas na Humatol nang Makatarungan? Mateo 6–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)

“Pebrero 26. Paano Ako Natutulungan ng mga Turo ng Tagapagligtas na Humatol nang Makatarungan?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023

Larawan
si Cristo at ang babaeng nahuling nangangalunya

Pebrero 26

Paano Ako Natutulungan ng mga Turo ng Tagapagligtas na Humatol nang Makatarungan?

Mateo 6–7

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan at magsanggunian

Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.

  • Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga paksa ang natalakay ng bishopric sa ating mga ward youth council meeting? Ano ang magagawa natin bilang isang klase o korum batay sa mga talakayang iyon?

  • Pangangalaga sa mga nangangailangan. Paano tayo makatutulong sa mga tao sa mga paraang katulad ng kay Cristo kapag nakakakita tayo ng nangangailangan at hindi natin alam kung ano ang sasabihin?

  • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang natagpuan natin sa ebanghelyo ni Jesucristo na nagdudulot ng kagalakan sa atin? Paano natin maibabahagi sa iba ang kagalakang iyon?

  • Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa natin para mahanap ang mga pangalan ng ating mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mahanap ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Larawan
icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

May ugali ang bawat isa sa atin—dahil sa ating nahulog na kalagayan—na hatulan ang iba, nang hindi makatarungan o nang may pagmamalinis. Ngunit itinuro ng Tagapagligtas, “Huwag hahatol nang di makatarungan, upang huwag kayong hatulan; datapwat humatol nang makatarungan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:2 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]). Pag-isipan kung paano ka mapagpapala at ang mga tinuturuan mo sa pagsunod sa payong ito. Ipinakita ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng halimbawa ang ibig Niyang sabihin ng “humatol nang makatarungan.” Halimbawa, isipin kung paano Niya pinakitunguhan ang babaeng nangalunya. Hindi Niya ito hinatulan, ngunit hindi rin Niya kinunsinti ang kasalanan nito. Inanyayahan Niya ang babae na “humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11). Ano ang natutuhan mo tungkol sa paghatol nang makatarungan mula sa Tagapagligtas?

Habang iniisip mo kung paano mo matutulungan ang mga kabataan na maunawaan ang paghatol nang makatarungan, maaari mong pag-aralan ang Mateo 7:1–2 at ang mensahe ni Elder Lynn G. Robbins na “Ang Tapat na Hukom” (Liahona, Nob. 2016, 96–98).

Magkakasamang Matuto

Maaari mong simulan ang talakayan tungkol sa paghatol nang makatarungan sa pagsasabi sa mga miyembro ng klase o korum na mag-isip ng isang pagkakataon kung saan nadama nila na hinusgahan sila ng iba. Ano ang naramdaman nila? Ano ang matututuhan natin tungkol sa paghatol mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 7:1–5? Ano ang maaaring ibig sabihin ng pariralang “humatol nang makatarungan”? Maaari mong talakayin ang mga talatang ito ng banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga miyembro ng klase o korum na bigkasing muli ang bawat talata sa sarili nilang mga salita. Ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod ay makatutulong din sa mga tinuturuan mo na humatol nang makatarungan.

  • Ang mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 6–7 ay makatutulong sa atin na “humatol nang makatarungan.” Para matulungan ang mga miyembro ng klase o korum na matuklasan ang mga turong ito, maaari mong bigyan ang bawat isa sa kanila ng isa sa mga sumusunod na scripture passage para pagnilayan: Mateo 6:14–15; 7:3–5; 7:12; 7:15–20. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ng Tagapagligtas sa mga talatang ito tungkol sa ibig sabihin ng humatol nang makatarungan? Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng Tagapagligtas sa Juan 8:1–11 at Mateo 9:10–13? Anong mga pagkakaiba ang napapansin natin sa paraan ng paghatol sa atin ng Tagapagligtas at sa paraan ng paghatol nang madalas sa isa’t isa?

  • Dahil lahat tayo ay may kalayaang pumili, dapat palagi nating iniisip nang mabuti ang ating gagawin at hindi gagawin. At bilang mga tagasunod ng Tagapagligtas, nagsisikap tayong huwag husgahan o pintasan ang ibang tao. Upang matulungan ang mga kabataan na maunawaan ang pagkakaiba, ibahagi sa kanila ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Suportang Resources.” Bilang isang klase o korum, magtulungan sa pag-iisip ng mga halimbawa ng paghatol sa isang sitwasyon—tulad ng isang aktibidad, pangyayari, o pag-uusap—sa halip na husgahan ang tao sa sitwasyon. Bakit mas mabuting husgahan ang sitwasyon sa halip na ang tao? Maaaring may iba pang mga tanong ang mga kabataan tungkol sa paghatol nang makatarungan (tingnan ang mga halimbawa sa “Suportang Resources”). Sama-samang talakayin ang kanilang mga tanong gamit ang impormasyon sa ilalim ng “Suportang Resources” para makahanap ng mga sagot. Anyayahan ang mga kabataan na ibahagi ang nadama nila na dapat nilang gawin dahil sa natutuhan nila.

  • Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na “Pagkakaroon ng Mabuting Paghatol at Hindi Paghatol sa Iba” (Liahona, Mayo 2010, 103–5), nagsalaysay si Elder Gregory A. Schwitzer ng dalawang kuwento—tungkol sa kaibigan ni Jesus na si Marta at sa isang lalaking tinulungan ni Elder Schwitzer. Ano ang itinuturo ng mga kuwentong ito tungkol sa kung paano natin dapat tinitingnan at pinakikitunguhan ang iba? Anong mga alituntunin ang makatutulong sa atin na maging higit na katulad ni Cristo at humatol nang makatarungan?

Larawan
mga young adult na nag-uusap

Kapag natututuhan nating maging higit na katulad ni Cristo, makahahatol tayo nang mas makatarungan.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.

Suportang Resources

  • Mga halimbawa ng mga tanong tungkol sa paghatol sa iba: “Itinuro sa akin na piliin kong mabuti ang aking mga kaibigan. Pero paano ko gagawin iyan nang hindi ko hinuhusgahan ang mga tao?” “Kapag sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo, pinaparatangan akong mapanghusga. Paano ako magiging tapat sa pinaniniwalaan ko at magpapakita ng pagmamahal sa mga taong hindi sumasang-ayon?”

  • 1 Samuel 16:7; Moroni 7:12–19; Doktrina at mga Tipan 11:12

  • Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paghatol sa Kapwa,” SimbahanniJesucristo.org

  • Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Hangga’t maaari ay hindi natin hahatulan ang mga tao kundi ang mga sitwasyon lamang. Mahalaga ito tuwing sinisikap nating gawin ang mga pamantayan na iba sa mga pamantayan ng nakakasama natin—sa tahanan, sa trabaho, o sa komunidad. Maaari tayong magtakda at kumilos ayon sa matataas na pamantayan para sa ating sarili o sa ating tahanan nang hindi kinukundena ang mga taong iba ang ginagawa” (“‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 11).

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ang iyong mga pagsisikap ay dapat sumuporta sa mga pagsisikap ng mga magulang. Ibahagi sa magulang ng mga kabataan ang itinuturo mo. Makipagsanggunian sa kanila para malaman ang pangangailangan ng mga kabataan sa klase mo at ang pinakamabibisang paraan para matugunan ang mga pangangailangang iyon.

Print