“Marso 12. Paano Ako Matutulungan ng Tagapagligtas na Madaig ang Aking Takot? Mateo 9–10; Marcos 5; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Marso 12. Paano Ako Matutulungan ng Tagapagligtas na Madaig ang Aking Takot?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Marso 12
Paano Ako Matutulungan ng Tagapagligtas na Madaig ang Aking Takot?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano natin nakita ang kamay o kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Paano natin masusuportahan ang isa’t isa sa mga bagay na pinagdaraanan natin?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin mas magagamit ang teknolohiya bilang kasangkapan sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa [ka]walang-hanggan. Ano ang ginagawa natin upang matulungan ang ating mga pamilya na lumapit kay Cristo?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Nakatala sa Kabanata 5 sa aklat ni Marcos na lumapit kay Jesus ang tatlong tao na pawang may mga dahilan para matakot. Isang lalaking may “masamang espiritu” ang nakahiwalay at naninirahan “sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato” (Marcos 5:2, 5). Si Jairo, isang pinuno ng sinagoga, ay natakot na pumanaw ang kanyang anak na babae, na “naghihingalo” (Marcos 5:23). At isang babae na “labindalawang taon nang dinudugo” na hindi napagaling matapos gugulin ang “lahat ng nasa kanya” sa “maraming manggagamot” (Marcos 5:25–26). Bawat taong tinuturuan mo ay natatangi at may kani-kanyang takot na kinakaharap. Ngunit tulad ng Tagapagligtas na makapagpapalayas ng masasamang espiritu, makapagpapabangon ng patay, at makapagpapagaling ng malubhang karamdaman, matutulungan Niya tayo kapag tayo ay natatakot. Ang Kanyang payo kay Jairo ay may malakas na kapangyarihan sa ating buhay ngayon: “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36).
Para makapaghandang magturo, pag-aralan ang mensahe ni Elder Ronald A. Rasband na “Huwag Kayong Mabagabag” (Liahona, Nob. 2018, 18–21) at ang mensahe ni Sister Lisa L. Harkness na “Pumayapa Ka, Tumahimik Ka” (Liahona, Nob. 2020, 80–82).
Magkakasamang Matuto
Maaari mong sabihin sa isang miyembro ng klase o korum na ibuod ang kuwento sa Marcos 5 tungkol sa sinabi ni Jesus kay Jairo na “huwag kang matakot” (tingnan sa mga talata 22–24, 35–43), o maaari ninyong rebyuhin ang kuwento bilang isang grupo. Maaari mo ring gawin iyon sa iba pang mga kuwento sa kabanatang ito—ang lalaking inaalihan ng masamang espiritu at ang babaeng dinudugo. Paano natutulad ang mga nakakatakot na sitwasyong ito sa mga yaong maaaring makaharap natin sa ating buhay? Ano ang matututuhan natin mula sa mga kuwentong ito tungkol sa Tagapagligtas at kung paano hingin ang Kanyang tulong? Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga kabataan na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at matutuhang sundin ang Kanyang payo: “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36).
-
Ang paanyaya ng Panginoon na huwag matakot, na paulit-ulit na binanggit sa buong banal na kasulatan, ay magpapala sa mga kabataan kapag natatakot sila. Sabihin sa kanila na basahin ang mga banal na kasulatan sa “Suportang Resources” at gumawa ng poster na maaari nilang idispley sa bahay—o isang digital poster na maibabahagi nila online—batay sa mga banal na kasulatan na binasa nila. Habang ibinabahagi nila sa isa’t isa ang ginawa nila, sabihin din sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila na makatutulong sa kanila kapag sila ay natatakot. Kailan tayo tinulungan ng Tagapagligtas sa oras na nakakatakot?
-
Maaari mong ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na pinatitigil ang unos, tulad ng nasa digital version ng mensahe ni Sister Lisa L. Harkness na “Pumayapa Ka, Tumahimik Ka” (tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 40). Pagkatapos ay maaari mong ibahagi o ng isang taong itinalaga mo ang salaysay tungkol sa pagpapatigil ng Tagapagligtas sa unos mula sa Marcos 4:35–41 o mula sa mensahe ni Sister Harkness. Paano tayo natutulad kung minsan sa mga taong nasa bangka? Ano ang natutuhan natin mula sa kuwentong ito tungkol sa nadarama ng Panginoon para sa atin kapag natatakot tayo? Sabihin sa mga kabataan na rebyuhin ang mensahe ni Sister Harkness, at hanapin ang mga parirala o pangungusap na tutulong sa kanila na magkaroon ng mas malaking pananampalataya kay Jesucristo. Maaari nilang isulat sa pisara ang mga pagpapalang ito. Paano tayo matutulungan ng ating pananampalataya sa Tagapagligtas kapag hindi Niya kalooban na payapain ang mga unos sa ating buhay?
-
May mga himno na papuri sa Tagapagligtas para sa pagbibigay Niya ng kapanatagan at lakas sa mga oras ng pagsubok at kawalang-katiyakan, tulad ng “Kailangan Ko Kayo” o “Manatili sa Piling Ko!” (Mga Himno, blg. 54, 97). Marahil ay maaari ninyong kantahin o basahin nang sabay-sabay ang ilan sa mga ito, at alamin kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas.
-
Normal lang na makadama tayo ng takot at pagkabalisa kapag nahaharap tayo sa mga hamon ng buhay. Para sa ilan, nakapagpapahina ang mga damdaming ito. Maaaring makinabang ang iyong klase o korum sa isang talakayan tungkol sa kung paano makatutulong ang Tagapagligtas sa mga nahihirapan dahil sa nadaramang iba-ibang antas ng tindi ng pagkabalisa at kalungkutan. Maaaring magkakasamang rebyuhin ng mga miyembro ng klase o korum ang mensahe ni Elder Ronald A. Rasband na “Huwag Kayong Mabagabag” o ang mensahe ni Elder Erich W. Kopischke na “Pagtalakay sa Kalusugan sa Pag-iisip” (Liahona, Nob. 2021, 36–38), at maghanap ng mga katotohanan na mahalaga sa kanila at ibahagi ang mga ito. Hikayatin ang mga kabataan na kausapin ang magulang o isang mapagkakatiwalaang lider o bisitahin ang MentalHealth.ChurchofJesusChrist.org kung kailangan nila ng tulong.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.