“Disyembre 18–24. Pasko: ‘Magandang Balita ng Malaking Kagalakan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Disyembre 18–24. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Disyembre 18–24
Pasko
“Magandang Balita ng Malaking Kagalakan”
Isipin kung paano makakatulong ang pagninilay tungkol sa pagsilang at misyon ng Tagapagligtas para maghatid ng diwa ng kapayapaan at kasagraduhan sa Kapaskuhan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Bakit nagdudulot ng napakalaking kagalakan ang pagsilang ng isang sanggol? Marahil ay dahil ang bagong silang na sanggol ay maaaring maging simbolo ng pag-asa. May isang bagay tungkol sa isang bagong buhay na puno ng mga posibilidad na nag-aanyaya sa atin na pagnilayan ang kinabukasan ng batang iyon at ang magagandang bagay na isasakatuparan niya. Talagang nagkatotoo lamang ito noong isilang ang Anak ng Diyos na si Jesucristo. Hindi pa nagkaroon ng higit na pag-asa sa isang bata, at wala pang ipinanganak na may ganito kalaking potensyal.
Nang anyayahan ng isang anghel ang mga pastol na hanapin ang isang bagong silang na sanggol sa isang sabsaban, binigyan din niya sila ng mensahe tungkol sa batang iyon. Ito ay isang mensahe ng pag-asa—na ang sanggol na ito ay naparito sa lupa upang tuparin ang isang sagradong misyon. Ipinaalam ng mga pastol ang kanilang mensahe “sa [iba] … at lahat [ng] nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol. Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso” (Lucas 2:17–19). Marahil ay makabubuting sundan ang halimbawa ni Maria ngayong Pasko: na pagnilayan sa puso mo ang mga bagay na natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas ngayong taon. Paano Niya tinupad ang Kanyang misyon ng pagtubos sa mga salaysay na nabasa mo? At ang mas mahalaga, paano nabago ng Kanyang misyon ang buhay mo? Pagkatapos ay maaari kang mahikayat na tularan ang halimbawa ng mga pastol: paano mo “[ipaaalam] sa iba” ang nagawa ni Jesucristo para sa iyo?
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20
Nagpakababa si Jesucristo upang maisilang sa atin sa lupa.
Kahit maraming beses mo nang nabasa o narinig ang kuwento tungkol sa pagsilang ni Jesucristo, pag-aralan ito ngayon na isinasaisip ito: “Ang Pasko ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kung paano pumarito si Jesus sa mundo kundi pag-alam din kung sino Siya—ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo—at kung bakit Siya naparito” (Craig C. Christensen, “Ang Buong Kuwento ng Pasko” [Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 4, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).
Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo bago Siya isinilang? (tingnan, halimbawa, sa Juan 17:5; Mosias 3:5; Doktrina at mga Tipan 76:13–14, 20–24; Moises 4:2). Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang nadarama mo kapag nagbabasa ka tungkol sa Kanyang pagsilang?
Ano ang alam mo kung bakit bumaba si Jesucristo sa lupa? (tingnan, halimbawa, sa Lucas 4:16–21; Juan 3:16–17; 3 Nephi 27:13–16; Doktrina at mga Tipan 20:20–28). Paano naaapektuhan ng kaalamang ito ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas? Paano nito naaapektuhan ang iyong pamumuhay?
Tingnan din sa 2 Corinto 8:9; Mga Hebreo 2:7–18; 1 Nephi 11:13–33; Alma 7:10–13.
1 Corinto 15:21–26; Colosas 1:12–22; 1 Pedro 2:21–25
Tinupad ni Jesucristo ang Kanyang misyon at ginawang posible na magmana ako ng buhay na walang-hanggan.
Bagama’t ang kuwento ng pagsilang ni Cristo ay napapalibutan ng mahimalang mga kaganapan, naging isa lamang sana itong pagsilang kung hindi sa dakilang gawaing isinakatuparan Niya kalaunan sa Kanyang buhay. Tulad ng pagkasabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging isang pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli” (“Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” Liahona, Dis. 2000, 5).
Ang katibayan ng banal na misyon ng Tagapagligtas at ang Kanyang makapangyarihang pagmamahal sa iba ay matatagpuan sa buong Bagong Tipan. Aling mga talata o salaysay ang pumapasok sa iyong isipan? Maaari mong balikan ang resource na ito o ang iyong study journal at rebyuhin ang ilan sa mga impresyong itinala mo. Maaari mo ring basahin ang 1 Corinto 15:21–26; Colosas 1:12–22; 1 Pedro 2:21–25 at pagnilayan kung paano napagpala ng Tagapagligtas at ng Kanyang gawain ang buhay mo. Ano ang nadarama mo na kailangan mong baguhin sa buhay mo? Paano ka huhugot ng lakas sa kapangyarihan ng Tagapagligtas?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20.Paano ninyo maipagdiriwang ang pagsilang ni Jesucristo sa inyong pamilya? Narito ang ilang ideya, o makapag-iisip ka ng sarili mong ideya:
-
Sama-samang basahin o isadula ang mga bahagi ng kuwento ng pagsilang ni Jesus.
-
Siyasatin ang ilan sa resources sa koleksyong “Jesucristo” sa Gospel Library, lalo na sa bahaging may pamagat na “Kanyang Pagsilang (Pasko).”
-
Panoorin ang isang Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan (broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).
-
Sama-samang kumanta ng mga Pamaskong himno, o pumili ng mga kapitbahay o kaibigang bibisitahin at kantahan sila (tingnan sa Mga Himno, blg.121–31).
-
Magsagawa ng isang paglilingkod.
-
Hilingin sa mga miyembro ng pamilya na hanapin ang mga detalye sa kuwento ng pagsilang ni Jesus na nagbibigay sa kanila ng mga ideya para sa mga palamuti o dekorasyong magagawa nila upang maalala nila si Jesucristo.
-
-
1 Corinto 15:21–26; Colosas 1:12–22; 1 Pedro 2:21–25.Bakit tayo nagpapasalamat na isinilang si Jesucristo? Anong mga regalo ang ibinigay Niya sa atin? Paano natin maipapakita sa Kanya ang ating pasasalamat? Maaaring kantahin ng inyong pamilya ang isang awitin na nagtuturo tungkol sa Kanyang misyon, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21).
-
“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”Kung nais mong tulungan ang inyong pamilya na magtuon sa Tagapagligtas sa Kapaskuhan, marahil ay maaari kang gumugol ng kaunting panahon sa sama-samang pagbabasa at pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (SimbahanniJesucristo.org). Siguro’y maaari kang magsaulo ng mga talata mula sa “Ang Buhay na Cristo” o maghanap ng mga paglalarawan ng buhay ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan na sumusuporta sa mga pahayag na naroon. Maaari mo ring anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na isulat ang sarili nilang patotoo tungkol kay Jesucristo at, kung ipaparamdam sa iyo, basahin ito sa pamilya.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Minsan sa Isang Sabsaban,” Aklat ng mga Awit Pambata, 25.