“Disyembre 18–24. Pasko: ‘Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Disyembre 18–24. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Disyembre 18–24
Pasko
“Mabubuting Balita ng Malaking Kagalakan”
Ang lesson na ito ay isang pagkakataon para matulungan ang mga batang tinuturuan mo na ipagdiwang ang pagsilang, buhay, at misyon ng Tagapagligtas sa Kapaskuhan. Isaisip ang ideyang ito habang naghahanda kang magturo.
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang nalalaman nila tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Pumarito si Jesucristo sa lupa bilang isang sanggol.
Gustung-gusto ng mga bata ang kuwento ng pagsilang ni Jesucristo. Anong mga katotohanan sa doktrina ang nakikita mo sa kuwentong ito na sa tingin mo ay dapat maunawaan ng mga bata?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Lucas 2:1–14 sa mga bata, o ilarawan ang mga kaganapan sa mga talatang ito sa pamamagitan ng pagsangguni sa “Kabanata 5: Isinilang si Jesucristo,” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 13–15). Anyayahan ang mga bata na idrowing ang mga kaganapang ito at gamitin ang mga drowing para maikuwento nila mismo ito. Bakit tayo masaya na isinilang si Jesucristo?
-
Hilingin sa mga bata na ikuwento sa iyo ang tungkol sa mga Pantas na sumunod sa bituin upang hanapin si Jesus. Kung kailangang ipaalala sa kanila ang kuwento, tingnan ang Mateo 2:1–12 o ang “Kabanata 7: Ang mga Pantas na Lalake” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 18). Magtago ng isang larawan ni Jesus sa silid. Magdrowing o gumupit ng isang bituing papel at itaas ito sa hangin. Hilingin sa mga bata na magkunwaring mga pantas na lalaki na may dalang mga regalo, at gabayan sila sa paligid ng silid para hanapin si Jesus. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang regalo na maibibigay natin kay Jesus.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang ilang pamaskong himno o awitin (tingnan sa Mga Himno, blg. 121–31; Aklat ng mga Awit Pambata, 20–33). Hilingin sa kanila na magbahagi ng isang bagay na itinuturo ng bawat awitin na sa palagay nila ay mahalagang malaman.
Ginawang posible ni Jesucristo na makapiling kong muli ang Ama sa Langit balang-araw.
Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo kung bakit naparito sa lupa si Jesucristo? Maglaan ng oras para pagnilayan kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo mismo at kung paano mo maipapaunawa sa mga bata ang nagawa Niya para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng isang nakabalot na regalo sa klase na may larawan ni Jesucristo sa loob. Lagyan ng etiketa ang regalo na may nakasulat na “Juan 3:16,” at sabihin sa mga bata na ito ay isang clue tungkol sa nilalaman ng regalo. Basahin ang Juan 3:16 sa mga bata, at hilingin sa kanilang hulaan ang nasa loob ng regalo at buksan ito. Bakit isinugo sa atin ng Diyos ang Kanyang Anak?
-
Tulungan ang mga bata na tapusin ang pangungusap na ito: “Si Jesucristo ay naparito sa lupa upang .” Pagkatapos ay magpakita ng mga larawan na may kaugnayan sa nagbabayad-salang sakripisyo, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56–59), at ikuwento nang kaunti ang tungkol sa mga pangyayaring ito. Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa dahilan ng pagparito ni Jesus sa lupa, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa nagawa Niya para sa iyo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20
Pumarito si Jesucristo sa lupa bilang isang sanggol.
Paano mo matutulungan ang mga bata na magtuon kay Jesucristo sa araw ng Pasko?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isa sa mga bata na basahin ang ilang kaganapang may kaugnayan sa pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 1:18–25; 2:1–12; Lucas 1:26–38; 2:1–20). Hilingin sa iba pang mga bata na maghalinhinan sa pagdodrowing sa pisara ng inilalarawan ng mga talata sa banal na kasulatan. Ano ang itinuturo sa atin ng mga kuwentong ito tungkol kay Jesucristo?
-
Hilingin sa mga bata na isulat sa ilang piraso ng papel ang mga bagay na maaari nilang gawin na makakatulong sa kanila na magtuon ng pansin sa Tagapagligtas sa Kapaskuhan. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang isinulat. Hikayatin ang mga bata na iuwi ang mga papel sa bahay at gawing kasama ng kanilang pamilya ang mga mungkahing isinulat nila sa mga piraso ng papel.
-
Kumanta ng mga awiting Pamasko tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng mga Awit Pambata, 20–33; Mga Himno, blg. 121–131), at hilingin sa mga bata na magbahagi ng paborito nilang linya o mga kataga mula sa mga awitin.
Ginawang posible ni Jesucristo na makapiling kong muli ang Ama sa Langit balang-araw.
Paano mo matutulungan ang mga bata na rebyuhin ang natutuhan nila ngayong taon at maunawaan kung bakit kailangan nila si Jesucristo sa kanilang buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa dalawang piraso ng papel ang Sino si Jesucristo? at Bakit Siya pumarito sa lupa? at idikit ang mga ito sa magkaibang dingding ng silid-aralan. Hilingin sa bawat bata na basahin ang isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan: Mateo 16:15–16; Juan 3:16; 1 Nephi 10:4; Mosias 3:8; Alma 7:10–13; 3 Nephi 27:14–15. Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga sagot, sa mga banal na kasulatan na binasa nila, sa dalawang tanong na nasa mga dingding. Anyayahan silang isulat ang mga sagot at idikit ang mga ito sa dingding sa tabi ng angkop na tanong. Paano natin maipapakita ang ating pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?
-
Anyayahan ang mga bata na ilista sa pisara ang lahat ng pangalan o titulo ni Jesus na maiisip nila. Ano ang itinuturo sa atin ng mga pangalang ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang misyon? Bakit natin kailangan si Jesucristo sa ating buhay?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na maghanap ng kahit isang paraan para mapaglingkuran ang ibang tao o mas mapalapit kay Jesucristo ngayong Pasko.