“Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14: ‘[Sila’y Nanaig] Dahil sa Dugo ng Kordero,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Disyembre 11–17
Apocalipsis 6–14
“[Sila’y Nanaig] Dahil sa Dugo ng Kordero”
Habang binabasa mo ang Apocalipsis 6–14, isipin mo ang mga batang tinuturuan mo. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na matukoy ang mga katotohanan na akma sa kanila.
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng ilang larawan na tutulong sa mga bata na maalaala ang mga bagay na natutuhan nila kamakailan sa tahanan o sa Primary. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga larawan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Tinutulungan ako ni Jesucristo na maging malinis.
Nakita ni Juan ang maraming taong nakasuot ng mga damit na “pinaputi … sa dugo ng Kordero” (talata 14). Isipin kung paano makakatulong ang pangitaing ito sa mga bata na maunawaan na mahalaga na maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng ilang puting damit (o larawan ng ilan nito) at isang larawan ni Jesus. Basahin ang Apocalipsis 7:9, 13–14 sa mga bata, at hilingin sa kanilang ituro ang larawan at ang mga damit tuwing maririnig nila ang salitang puti. Ipaliwanag na ang mga puting damit ay kumakatawan sa kalinisan at nagpapaalala sa atin na malilinis tayo ni Jesucristo mula sa ating mga pagkakamali.
-
Magpakita sa mga bata ng isang puting tela o isang pirasong papel, at sabihin sa mga bata na dumihan ito ng mga sulat ng bolpen o lagyan ito ng dumi. Ipaliwanag na kapag sinusuway natin ang mga kautusan, para itong pagkakaroon ng dumi sa ating damit. Magpakita ng larawan ni Jesus sa Getsemani (tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56), itabi ang maruming tela o papel, at magpakita ng malinis na puting tela o papel. Magpatotoo na matutulungan tayo ni Jesucristo na maging malinis.
-
Kumanta ng isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53), at magpatotoo na tinutulungan tayo ni Jesus na maging malinis kapag bininyagan tayo.
Nanampalataya ako kay Jesucristo sa premortal na buhay.
Sa Digmaan sa Langit, nadaig ng matatapat na anak ng Diyos si Satanas sa pamamagitan ng “salita ng kanilang patotoo” at pagsampalataya kay Jesucristo (Apocalipsis 12:11). Patuloy nila itong ginagawa ngayon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para maipaunawa sa mga bata ang ibig sabihin ng tularan ang halimbawa ng isang tao, pumili ng isang bata para maging “pinuno,” at hilingin sa iba na gayahin ang anumang gagawin niya. Pagkatapos ay gawin ding pinuno ang iba pang mga bata. Basahin ang Apocalipsis 12:7–11 sa mga bata at ipaliwanag na bago tayo isinilang, pinili nating sundin si Jesus at hindi si Satanas.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa premortal na buhay, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng Awit Pambata, 86–87). Magtanong ng tulad ng, “Ano ang nangyari sa langit bago tayo isinilang?” at “Ano ang pinili nating gawin?” (Tingnan din sa “Pambungad: Ang Plano ng Ating Ama sa Langit,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 1–5.)
Ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa ating panahon.
Sumulat si Juan tungkol sa isang anghel na magdadala ng “walang hanggang ebanghelyo” (Apocalipsis 14:6). Ang pagtalakay sa Apocalipsis 14:6–7 ay nagbibigay ng pagkakataon sa iyo na patotohanan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating panahon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng larawan ni Moroni na nakikipag-usap kay Joseph Smith habang binabasa mo ang Apocalipsis 14:6 (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 91). Hilingin sa mga bata na ituro ang anghel na nasa larawan. Ibahagi sa kanila ang salaysay tungkol sa pagbisita ni Moroni (tingnan sa “Kabanata 3: Si Anghel Moroni at ang mga Laminang Ginto,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 13–17).
-
Hilingin sa mga bata na isadula ang kuwento tungkol sa pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–35). Tulungan silang magbanggit ng ilan sa mga pagpapalang tinatamasa natin dahil ipinanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Pagpapanumbalik.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Matutulungan ako ng ebanghelyo na daigin ang tukso.
Ang usok na nagpadilim sa himpapawid sa Apocalipsis 9:2 ay maaaring ihalintulad sa mga tukso (tingnan sa 1 Nephi 12:17).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng isang araw at isang madilim na ulap, at gupitin ang mga ito. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Apocalipsis 9:2 at 1 Nephi 12:17 at isulat sa madilim na ulap kung ano ang kinakatawan ng usok o abu-abo sa mga talatang ito. Ilagay ang madilim na ulap sa pisara, at anyayahan ang mga bata na ilista ang mga tuksong kinakaharap ng mga batang kaedad nila. Pagkatapos ay ilagay ang araw sa pisara at ipalista sa kanila ang mga kasangkapang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit para madaig ang kadiliman sa mundo.
Nanampalataya ako kay Jesucristo sa premortal na buhay.
Ang mga batang tinuturuan mo ay nasa mundo dahil sumampalataya sila kay Jesucristo sa premortal na buhay at pinili nilang sundin Siya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Apocalipsis 12:7–11, at isulat sa pisara ang mga salitang dragon, Digmaan sa Langit, itinapon, patotoo, at Kordero. Hilingin sa mga bata na ibuod ang mga talatang ito gamit ang mga salitang nasa pisara. Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo (ang Kordero) mula sa mga talatang ito? Ano ang natututuhan natin tungkol sa mga pagpiling ginawa natin sa premortal na buhay?
-
Sa pisara, gumuhit ng tatlong hanay at pangalanan ang mga ito ng Bago ang buhay na ito, Sa buhay na ito, at Sa dalawang buhay na ito. Maghanda ng mga piraso ng papel na nagsasaad ng mga katotohanan tungkol sa premortal na buhay at sa mortal na buhay, tulad ng Mayroon tayong katawan, Wala tayong katawan, Namumuhay tayo sa piling ng Diyos, Nakikipagdigma tayo kay Satanas, Nananampalataya tayo kay Jesucristo, at Sinusunod natin ang plano ng Diyos. Isa-isang pabunutin ang mga bata ng isang piraso ng papel at papiliin sila kung saang hanay ito ilalagay. Ipakita ang tiwala mo na maaaring patuloy na magpakita ang mga bata ng pananampalataya kay Cristo.
Bilang bahagi ng Pagpapanumbalik, ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong mundo.
Ang mga batang tinuturuan mo ay makatutulong sa pangangaral ng ebanghelyo “sa bawat bansa, lipi, wika, at bayan” (Apocalipsis 14:6).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Apocalipsis 14:6–7 at isulat sa pisara ang mga salita o parirala mula sa mga talatang ito na makabuluhan sa kanila. Hilingin sa kanila na ibahagi kung bakit nila pinili ang mga salita o pariralang iyon. Ipaliwanag na inilalarawan ng mga talatang ito ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa ating panahon. Itanong sa kanila kung paano sila makikibahagi sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo sa mundo.
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Apocalipsis 14:7 at ulitin sa sarili nilang mga salita ang mensahe ng anghel para sa sanlibutan. O anyayahan silang magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa mensahe ng anghel. Ano ang maibabahagi natin sa iba tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na magsulat ng isang salita o parirala na tutulong sa kanila na maalaala ang isang bagay na natutuhan nila sa klase ngayon. Hilingin sa kanilang ipakita ang isinulat nila sa isang tao sa bahay at ibahagi ang natutuhan nila.